Paano Hangarin ang Katotohanan (12) Ikalawang Bahagi
Maraming tao ang may mga hilig at libangan sa isang partikular na larangan. Mayroon ding ilang tao na walang anumang hilig o libangan. Ibig sabihin, wala silang partikular na hilig o alab ng damdamin pagdating sa anumang mga trabaho o uri ng mga espesyalisadong aktibidad, o sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na madalas makasalamuha ng mga tao sa mundo—sila ay mga ordinaryong tao lamang. Halimbawa, kung tatanungin sila ng isang tao kung maalab ba ang damdamin nila sa panitikan, kung karaniwan ba silang nagsusulat sa isang talaarawan o nagsusulat ng mga artikulo, sasabihin nila, “Hindi maalab ang damdamin ko riyan at hindi ako mahusay diyan. Sa sandaling magsimula akong magbasa o magsulat, sumasakit ang ulo ko.” Kung bibigyan sila ng ilang obra maestra sa panitikan para basahin, nakakalula ito para sa kanila, at ganap na ayaw nila sa kanilang puso. Sinasabi pa nga ng ilan, “Ang pagtitig sa teksto sa lahat ng oras ay nakakapagpalabo sa aking mga mata at nagpapatanda sa akin, kaya hindi ko gusto ang panitikan.” Kung tatanungin mo sila kung gusto ba nila ang pagsayaw, sasabihin nila, “Ang pagsasayaw ay hindi isang wastong gawain, ito ay gawain lang ng mga taong walang magawa sa buhay. Hindi ko gusto ang pagsasayaw.” Nakikita mo, hindi nila ito gusto at naghahanap pa nga sila ng dahilan para dito, sinasabing hindi ito isang wastong gawain. Ang iba ay sumasayaw para purihin ang Diyos—napakapositibong bagay nito! Ang pag-awit, pagsasayaw, pagtugtog ng alpa at lira para purihin ang Diyos—ginagawa na ito mula pa noong sinaunang panahon; ito ay isang bagay na sinasang-ayunan ng Diyos, kaya paanong hindi ito magiging isang wastong gawain? Ngunit para sa kanila, minamaliit nila at sinasabi nila ang lahat ng hindi nila gusto bilang isang bagay na negatibo. Kapag tinanong, “Hindi mo gusto ang pagsasayaw—kung gayon, gusto mo ba ang pagkanta?” “Anong ‘pagkanta’? Sa sandaling magsimula akong kumanta, nawawala na ako sa tono. Maging ako ay hindi makatiis na marinig ito. Hindi ko gusto ang pagkanta. Ngayon lang bilang isang mananampalataya sa Diyos ako nagsimulang matuto ng ilang himno ng mga salita ng Diyos at mga himnong batay sa karanasan. Bago ako nanampalataya sa Diyos, hindi ako kailanman kumanta; kapag kumakanta ang iba, ni ayaw kong makinig.” “Kung gayon, paano mo ipinapahayag ang iyong sarili kapag masaya ka?” “Kapag masaya ako, natutulog lang ako.” “Kung gayon, ano ang ginagawa mo kapag nakakaranas ka ng masasakit na bagay at malungkot ka?” “Kung gayon, kumakain ako ng kaunting meryenda, o natutulog lang.” “Hindi mo gusto ang pagkanta—kung gayon, mahilig ka bang makinig ng musika?” “Wala akong interes diyan, at hindi ko nauunawaan kung ano ang ipinapahayag sa musika. Sinasabi ninyong lahat na ipinapahayag ng musika ang iba’t ibang emosyon ng mga tao, na ipinapahayag nito ang mga iniisip at damdamin ng mga tao, ngunit hindi ko nauunawaan ang mga ito at hindi ako makaugnay sa mga ito. Ang musika ay mataas na sining—ang isang hamak na taong tulad ko ay hindi makakaugnay sa musika, at hindi ko ito gusto.” “Gusto mo ba ng masasarap na pagkain?” “Hindi ko rin gusto ang masasarap na pagkain. Kaya kong kumain ng kahit ano. Ipinanganak akong hindi maselan. Kaya kong kumain ng harina ng mais, kaya kong kumain ng keyk, kaya kong kumain ng pagkaing Tsino o Kanluranin—kahit ano. At kung gutom na gutom ako at walang makain, kaya ko pa ngang kumain ng pagkain ng aso.” Ang gayong mga tao ay sadyang ganito kagaspang. Tanungin mo ang ilang babae, “Mahilig ka ba sa mga pampaganda?” Sasabihin nila, “Wala akong interes diyan. Kung ano ang hitsura ko noong ipinanganak ako, ganoon na iyon—kung sino man ang gustong tumingin sa akin, tumingin sila, at kung sino man ang ayaw tumingin sa akin, huwag na lang nila akong tingnan!” Tanungin mo ang ilang lalaki, “Mahilig ka ba sa mga electronics o mga bagay na mekanikal tulad ng mga kotse?” Sasabihin nila, “Ano ang silbi ng pagkahilig sa mga bagay na iyon? Nakakapanghina ito ng isip at nakakapagod ng utak. Kung may oras ako, mas mabuti pang matulog o makipag-usap na lang!” Wala silang kahit anong gusto at wala silang anumang hilig o libangan. Biyolohikal man ito, teknolohikal, mamahalin, o mura, wala silang gusto sa anuman sa mga ito. Kapag tinanong, “Ang mga bagay na ito na may kinalaman sa pagkatao, maging ang mga ito ay pino o pangkaraniwan—wala kang gusto sa anuman sa mga ito. Kung gayon, gusto mo ba ng maliliit na hayop, tulad ng mga pusa, aso, at ibon?” “Mas lalong hindi ko gusto ang mga ito. Hindi nakikipag-usap sa mga tao ang mga hayop—ano ang silbi ng pagkagusto sa mga ito?” Ang ilang tao ay interesado sa mga aso. Madalas nilang kinakausap ang mga aso, at kaya pa ngang maunawaan ng mga aso ang salita ng tao. Ang ilang tao ay walang anumang libangan at hindi interesado sa kahit ano—maraming ganoong tao. Sinasabi ng ilang tao, “Ipinanganak tayong may ilang hilig at libangan—ibinigay ang mga ito ng Diyos. Lalo na ang mga kabilang sa atin na may kalakasan sa isang partikular na larangan, ang mga ipinanganak na may pambihira at natatanging talento sa larangang ito—lahat ng ito ay biyaya ng Diyos, pagtataas ng Diyos, pagtingin sa atin ng Diyos nang may pabor. Lalo na sa panahon ngayon, ang paggampan sa isang tungkuling may kaugnayan sa ating mga hilig, libangan, o kalakasan sa sambahayan ng Diyos ay lalo pang ginagawang walang kapantay sa karangalan at pambihira ang ating pagkakakilanlan at halaga. Iyong mga walang mga libangan o mga kalakasan ay maaari lamang gumawa ng ilang mabigat na trabaho at gawaing hindi nangangailangan ng teknikal na kasanayan, tulad ng pagpapatuloy, pagluluto, paglilinis, o pagtatanim ng mga gulay, pag-aalaga ng mga baboy, at pagpapakain ng mga manok. Kaya sa usapin ng mga hilig, libangan, at kalakasan ng mga tao, hindi ba’t napag-iiba ang mga tao sa pagitan ng mataas at mababa, marangal at mababang-uri? Hindi ba’t mayroong pagkakaiba sa antas sa pagitan nila?” Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Nakikita mo, binigyan ng Diyos ang ilang tao ng mga kalakasan, inorden Niya ang ilang tao na magkaroon ng ilang partikular na mga hilig at libangan, samantalang para sa ibang tao, walang anumang inorden ang Diyos—wala silang anumang kalakasan, hindi marunong kumanta o sumayaw, hindi nakakaunawa sa panitikan, at ganap na ignorante sa lahat ng uri ng mga propesyonal na kasanayan. Nagkataon lang, maaaring may isang pamilyang nagpapatuloy sa kanilang bahay na nag-aalaga ng dalawang aso, kaya ang pagpapakain sa mga aso ng gayong taong walang mga kalakasan ay dapat na angkop—ito ang pinakasimpleng gampanin. Ngunit bukod sa pagpapakain sa mga aso, hindi niya ipinapasyal ang mga ito, at hindi niya alam kung paano alagaan ang mga ito. Pagkatapos pakainin ang mga ito sa loob ng isa o dalawang taon, kahit ang mga aso ay hindi siya kinikilala bilang ang amo ng mga ito at hindi malapit sa kanya ang mga ito. Sabihin mo sa Akin, anong uri ng tao ito? Kung ikukumpara sa mga may hilig at libangan o mga kalakasan sa isang partikular na larangan, hindi ba’t may pagkakaiba? Malinaw, ito ay dalawang uri ng mga tao na may mga pagkakaiba sa kanilang mga likas na kondisyon: Ang isang uri ay namumuhay na may malakas na pakiramdam ng pagiging superyor, namumuhay nang masagana at makabuluhan, habang ang isa pang uri ay namumuhay nang hungkag, nang walang anumang pakiramdam ng pagiging superyor. Kaya kung ang mga tao ay napag-iiba-iba sa pamamagitan ng mga pagkakaiba sa katayuan at halaga batay sa prinsipyong ito, angkop ba iyon? (Hindi.) Kung gayon, ayon sa anong prinsipyo angkop na pag-ibahin sila? Sabihin ninyo sa Akin, mayroon bang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga tao? (Mayroon.) Saan naroroon ang mga pagkakaiba? Paano dapat pag-ibahin ang mga tao? Sa pinakamababa, dapat tingnan ng isang tao kung minamahal ba nila ang katotohanan—pinag-iiba ang kanilang diwa, ang kanilang kataasan at kababaan, ang kanilang kadakilaan at kababaang-uri, at ang kanilang kategorya batay sa kanilang saloobin sa katotohanan. Sa teorya, hindi ba’t napakadaling mapag-iba-iba ang mga tao sa ganitong paraan? (Oo.) Mabuti ba ang ganitong paraan ng pag-iiba-iba sa mga tao? (Oo.) Pero masyado bang simple ang pag-iiba-iba sa kanila sa ganitong paraan? Ang ilang tao ay walang anumang likas na kalakasan, ni wala silang anumang mga hilig o libangan—sila ay mga taong labis na karaniwan lang, mga labis na simpleng tao. Gayumpaman, minamahal nila ang katotohanan, nauunawaan ang katotohanan, may karanasan at pagkaunawa sa katotohanan, at kapag nagbabahagi sila tungkol sa katotohanan, maibabahagi nila ang kanilang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos; sa buhay pagpasok, mas mahusay sila kaysa sa karaniwang tao. Matutulungan nila ang maraming tao. Kaya masasabi mo ba na ang gayong mga tao ay hamak at walang halaga? (Hindi.) Sa teorya, ang diwa ng mga tao, ang kanilang kataasan at kababaan, ang kanilang kadakilaan at kababaang-uri, at ang kanilang kategorya ay dapat pag-iba-ibahin batay sa kanilang saloobin sa katotohanan, ngunit paano ba talaga sila dapat pag-iba-ibahin? Iyan ang ating pagbabahaginan ngayon.
Ang Tatlong Kategorya ng mga Tao Batay sa Kanilang mga Pinagmulan
Kung likas na may anumang mga hilig, libangan, at kalakasan ang isang tao ay pauna nang inorden ng Diyos. Kung ibibigay Niya ang mga ito sa iyo, kung gayon ay mayroon ka ng mga ito; kung hindi Niya ibibigay sa iyo ang mga ito, kung gayon ay wala ka ng mga ito—hindi mo matututuhan ang mga ito, ni makukuha sa pamamagitan ng panggagaya. Gayumpaman, kung nagtataglay ka ng isang kalakasan sa isang partikular na larangan, at sinasabi mo, “Masyadong nakakapagod ang paggampan ng tungkuling may kaugnayan sa kalakasang ito; ayaw ko ng kalakasang ito,” kahit na ayaw mo nito, hindi mo ito maaalis, ni hindi ito maaagaw ng iba. Kung ano ang mayroon ka, hindi maaagaw ng iba; kung ano ang wala ka, hindi mo ito maaagaw o makukuha sa pamamagitan ng pakikipag-agawan para dito. Ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa paunang pag-orden ng Diyos. Gayumpaman, sa kabila niyan, ang pagbibigay sa iyo ng Diyos ng isang partikular na hilig, libangan, o kalakasan ay hindi nangangahulugan na dapat kang pagampanin ng Diyos ng ilang tungkulin o gawain na may kaugnayan sa iyong hilig, libangan o kalakasan. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil hindi ako inuutusang gampanan ang isang tungkulin sa larangang ito o makibahagi sa gawaing may kaugnayan dito, kung gayon, bakit ako binigyan ng gayong hilig, libangan, o kalakasan?” Binigyan ng Diyos ang napakaraming tao ng ilang partikular na mga hilig at libangan batay sa iba’t ibang kondisyon ng bawat tao. Siyempre, maraming bagay ang isinasaalang-alang: Sa isang banda, ito ay para sa kabuhayan at pananatiling buhay ng mga tao; sa kabilang banda pa, ito ay para pagyamanin ang buhay ng mga tao. Minsan, nangangailangan ang buhay ng isang tao ng ilang partikular na hilig at libangan, para man sa kaaliwan at kasiyahan o para makagawa sila ng ilang wastong gampanin, at sa gayon ay ginagawang makabuluhan ang kanilang buhay bilang tao. Siyempre, saanmang anggulong tingnan, may dahilan sa likod ng pagbibigay ng Diyos, at mayroon ding mga dahilan at batayan ang Diyos sa hindi pagbibigay. Maaaring ang iyong buhay bilang tao o ang iyong pananatiling buhay ay hindi nangangailangan na bigyan ka ng Diyos ng mga hilig, libangan, at kalakasan, at mapapanatili mo ang iyong kabuhayan o mapagyayaman ang iyong buhay bilang tao at gagawin itong makabuluhan sa pamamagitan ng ibang paraan. Sa madaling salita, binigyan man ng Diyos ang mga tao ng mga hilig, libangan, at kalakasan o hindi, hindi ito problema sa mismong mga tao. Kahit na walang mga kalakasan ang isang tao, hindi ito isang depekto ng kanyang pagkatao. Dapat itong maunawaan nang tama ng mga tao at tratuhin nang tama. Kung nagtataglay ang isang tao ng ilang partikular na hilig, libangan, at kalakasan, dapat niya itong pahalagahan at gamitin nang tama; kung wala siya ng mga ito, hindi siya dapat magreklamo. Mula sa perspektiba ng mga hilig, libangan, at kalakasan, ito ang aktuwal na sitwasyon. Gayumpaman, kung mayroon man ang isang tao ng mga bagay na ito, hindi ito sumasalamin sa halaga, katayuan, o pagkakakilanlan ng isang tao. Kaya ano ang sinasabi nito sa mga tao? Kahit na binigyan ka ng Diyos ng mga pinong hilig, libangan, at kalakasan—ang mga ito ay iyong mga pribadong pag-aari, ang mga ito ay iyong mga kondisyon na nagbibigay-kalamangan—ang pagkakaroon mo ng mga ito ay hindi nangangahulugan na mas marangal ka kaysa sa kaninuman, na mas nakalalamang ka o may pribilehiyo kang gawin ang anumang bagay kaysa sa kaninuman. Ito ay dahil sa mga mata ng Diyos, anuman ang mga likas na kondisyon mayroon ang isang tao, siya ay isang miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Bagama’t ang mga likas na kondisyon ay hindi naglalaman ng mga elemento ng katiwalian, lahat ng tao, na nagtataglay ng mga likas na kondisyon, ay ginawang tiwali ni Satanas at namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon. Ang kanilang buhay diwa ay ang kanilang satanikong tiwaling disposisyon. Samakatwid, anuman ang iyong mga likas na kondisyon at mayroon ka man o walang mga hilig, libangan, at kalakasan, sa mga mata ng Diyos, dahil pare-pareho ang buhay diwa ng lahat ng tao, ang iyong halaga ay kapantay ng sa iba. Dapat makita nang malinaw ng mga tao na kahit mayroon silang ilang kondisyong nagbibigay-kalamangan o ilang kalamangan, sa usapin ng pagkataong diwa at mga tiwaling disposisyon, ang diwa ng lahat ng tao ay pare-pareho at lahat ng tao ay pare-pareho. Dapat silang sumailalim sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, at lahat sila ay mga nais iligtas ng Diyos. Sa usapin ng buhay diwa ng laman ng mga tao, ang mga tao ay pare-pareho. Gayumpaman, mula sa ibang perspektiba, mayroong ilang pagkakaiba sa pagitan ng mga tao, at kailangan nating magbahagi nang detalyado tungkol sa mga pagkakaibang ito. Paano dapat matukoy ang mga pagkakaibang ito? Dapat suriin ang mga ito mula sa mga pinagmulan ng mga tao. Ano ang tinutukoy ng “mga pinagmulan”? Tumutukoy ito sa kung mula sa ano nagreinkarnasyon ang isang tao—ginagawa ang mga pagkakaiba batay sa kung paano sila umiral at kung saan sila nanggaling. Sa malawak na pananalita, ang sangkatauhang ito ay nahahati sa tatlong kategorya. Ang unang kategorya ay ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, ang pangalawa ay ang mga nagreinkarnasyon mula sa iba’t ibang diyablo, at ang pangatlo ay ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga tao. Pinag-iiba ng tatlong kategoryang ito ang mga tao sa pinaka-ugat. Ang dahilan kung bakit napag-iiba ng mga ito ang mga tao ay dahil hindi pare-pareho ang mga pinagmulan ng iba’t ibang kategorya ng mga tao. Kaya paano malalaman ng isang tao kung sino ang nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, sino ang nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, at sino ang nagreinkarnasyon mula sa mga tao? Dapat itong matukoy batay sa kung ano ang kanilang isinasabuhay at sa mga katangiang ipinapakita nila. Narinig na ba ninyo ang gayong impormasyon dati, sa mga kuwentong-bayan man o sa pamamagitan ng ibang mga paraan? (Oo.) Kaya ang paksang ito ay hindi lubos na bago sa inyo, hindi ba? (Hindi.) Ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga tao—alin ang gusto ninyong unang marinig? (Ang unang kategorya.) Ang unang kategorya ay ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Kung tunay ninyong malalaman ang katotohanan tungkol sa usaping ito, magkakaroon ba ito ng epekto sa inyong buhay? Magdudulot ba ito ng gulo o mga hadlang? (Maaaring magsimula akong mag-isip kung mula sa ano ako nagreinkarnasyon.) Para sa ilang tao, sa sandaling tunay nilang malaman kung sa aling kategorya sila nabibilang at matugma ang kanilang sarili sa isang partikular na kategorya, kung sila nga ay nagreinkarnasyon mula sa mga tao, nararamdaman nilang sila ay mapalad at medyo maganda ang pakiramdam nila tungkol dito. Ngunit kung hindi sila nagreinkarnasyon mula sa mga tao, hindi ba’t ikababagabag nila iyon? (Oo.) Magdudulot ito ng kaunting suliranin at pati na rin ng kaunting pagkabalisa, hindi ba? (Oo.) Dahil maaari itong magdulot ng pagkabalisa at kaunting suliranin, mas mabuti ba para sa mga tao na makaalam o hindi makaalam? (Pakiramdam ko ay mas mabuting makaalam.) Sa anong paraan ito magiging mas mabuti? (Sa pamamagitan ng pagkaalam, mauunawaan ng isang tao ang katotohanan sa bagay na ito, at bukod pa rito, magagawa nilang makilatis ang ilan sa mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang paligid.) Kung gayon, magbahaginan tayo tungkol dito.
Ang mga Katangian ng mga Taong Nagreinkarnasyon Mula sa mga Hayop
Una, pagbahaginan natin ang tungkol sa mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Ang pagrereinkarnasyon mula sa mga hayop, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan, ay nangangahulugan na ang gayong tao ay nagreinkarnasyon mula sa isang hayop. Napakalawak ng saklaw ng mga hayop—tungkol naman sa kung gaano karaming uri ng mga hayop ang maaaring magreinkarnasyon bilang mga tao, hindi iyon saklaw ng pagbabahaginan natin. Sa madaling salita, mayroong isang kategorya ng mga tao na ang nakaraang pag-iral ay bilang isang hayop, na nangangahulugan na ang orihinal nilang pagkakakilanlan o nilikhang kategorya ay hindi kabilang sa nilikhang sangkatauhan. Ang una at orihinal nilang biyolohikal na kategorya ay isang hayop. Kaya sa paningin ng Diyos, ang pagkakakilanlan nila sa loob ng biyolohikal na mundo ay isang hayop. Sa reinkarnasyong ito, naging tao sila, na nangangahulugan na ang hayop na ito ay hindi na muling ipinanganak sa gitna ng mga hayop kundi sa halip ay nagreinkarnasyon bilang isang tao, ipinanganak sa isang partikular na panahon, sa isang partikular na pamilya, angkan, at bansa. Ang isang hayop na nagreinkarnasyon bilang isang tao ay nangangahulugang ipinanganak sila bilang isang tao, ngunit ang nakaraang pag-iral nito ay hindi bilang isang tao—ito ay bilang isang hayop. Noon, umiral sila sa loob ng mundo ng mga hayop, nagreinkarnasyon sa gitna ng mga hayop; ngayon, sa muling pagsilang nila, wala na sila sa loob ng mundo ng mga hayop. Nagbago ang pagkakakilanlan nila, at naging miyembro na sila ng sangkatauhan. Ito ang tinatawag na pagrereinkarnasyon ng mga hayop bilang mga tao. Kapag ang isang hayop ay nagreinkarnasyon bilang isang tao, ang hitsura at mga likas na gawi nito, sa pundamental, ay pareho sa mga hitsura at likas na gawi ng sinumang tao sa loob ng sangkatauhan. Ibig sabihin, ganap silang nagtataglay ng mga katangian ng isang tao—kaya nilang maglakad nang tuwid, mayroon silang mga katangian ng mukha at hitsura ng tao, at nagtataglay sila ng pag-iisip ng tao, mga likas na gawi ng tao, at normal na buhay ng tao, at mayroon din silang natatanging abilidad ng tao para sa wika. Ito ang kilala bilang isang hayop na nagreinkarnasyon bilang isang tao. Ibig sabihin, mula sa pisikal nilang anyo, panlabas na hitsura, at pisikal na mga katangian ng buhay, mga katangian lang ng tao ang makikita mo; walang mga katangian ng hayop ang nakikita. Kaya paano mo malalaman na nagreinkarnasyon ito mula sa isang hayop? Ito ang pinakapinagtutuunan ng pansin ng mga tao. Siyempre, posible na makita na nagreinkarnasyon ito mula sa isang hayop. Kung walang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga tao, kung gayon, ang kategoryang ito ng mga tao ay walang magiging anumang mga kapansin-pansing katangian. Mismong dahil mayroong mga kapansin-pansing pagkakaiba sa pagitan ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga tunay na tao, ang dalawang kategoryang ito ng mga tao ay madaling mapag-iba batay sa mga katangian nila. Kaya ano ang mga katangian ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop? Ang unang katangian ay na mayroon silang baluktot na pag-arok. Ang ikalawang katangian ay na partikular silang manhid. Ang ikatlong katangian ay na partikular na magulo ang isip nila. Ang ikaapat na katangian ay na hangal sila. Ang apat na katangiang ito lang ay sapat na para maging hayag ang pagkakaiba sa pagitan ng isang tao na nagreinkarnasyon mula sa isang hayop at ng isang tunay na tao.
I. Ang Unang Katangian: Baluktot na Pag-arok
Ang unang katangian ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay na mayroon silang baluktot na pag-arok. Una, ano ang kinasasangkutan ng pagkabaluktot? Kinasasangkutan ito ng mga problema sa kanilang mga kaisipan at pananaw; kinasasangkutan din nito ang kanilang mga kognitibong abilidad na tingnan, arukin, at unawain ang mga bagay-bagay. Ang kategoryang ito ng mga tao ay hindi kayang arukin nang tama ang anumang bagay, ni hindi nila kayang tingnan nang tama ang anumang bagay. Ang paraan nila ng pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, pati na rin ang kanilang sariling asal at mga kilos, ay labis na wala sa katwiran, matigas ang ulo, at katawa-tawa—ganap na hindi magkaayon sa pag-iisip ng normal na pagkatao, at sa mga kaisipan at pananaw ng normal na pagkatao tungkol sa mga bagay-bagay. Siyempre, ang mga tao na may baluktot na pag-arok ay malayo sa pag-unawa o pagkilala sa katotohanan. Ang katotohanan ay ganap na hindi nila naaabot, lalong hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Ang mga pananaw nila ay ganap na baluktot pagdating sa kung paano nila tinatrato ang anumang bagay o indibidwal. Pagkatapos mong makipagbahaginan sa kanila, nauunawaan nila ito batay sa doktrina, ngunit ang kaalaman nila ay nananatiling gayon pa rin na baluktot pagkatapos. Kapag ipinaliwanag mo naman ang mga bagay-bagay nang mas malinaw at partikular, nagbigay ng mga halimbawa, sa oras na iyon, maaaring maunawaan nila, ngunit kalaunan, kapag naharap sila sa parehong uri ng bagay, ang pananaw nila ay nananatiling gayon pa rin na baluktot, at paano man sila pagbahaginan, hindi nito naitatama ang pananaw nila. Higit pa rito, ang kalagayan nilang ito—ang paraan nila ng pag-arok sa mga bagay-bagay—ay walang-hanggang magpapatuloy nang walang pagbabago. Walang pakikipagbahaginan ng katotohanan ng sinuman ang makakapagpabago sa kanila; kahit pa makipagbahaginan Ako at magbigay ng mga sermon, hindi pa rin nito mababago ang kanilang mga baluktot na kaisipan at pananaw at baluktot na paraan ng pag-arok sa mga bagay-bagay. Ang gayong mga tao ay masyadong mapanggulo. Halimbawa, kapag gumawa sila ng mali, at sinabi mo sa kanila, “Ang ginawa mo ay mali, hindi ito umaayon sa mga prinsipyo; may personal na paghahalo rito,” sasabihin nila, “Hindi ko iyon sinasadya. Hindi ko nilayon na maging ganoon ang kalabasan. Dahil napakabuti ninyong lahat, mayroon kayo ng katotohanan, at alam ninyo kung paano gawin ang mga bagay-bagay, bakit hindi na lang ninyo mismo gawin iyon sa halip na ipagawa ninyo iyon sa akin? Sinasabi ninyong mali ang ginawa ko—hindi ba’t dahil lang iyon sa naiinis kayo sa akin? Dahil mayroon kayong lahat ng pagkatao, at ako lang ang wala nito, pupunta na lang ako sa impiyerno at puwede na kayong lahat na pumunta sa langit!” Maaari pa nga nilang subukan na ipagtanggol at pangatwiranan ang kanilang sarili, at mag-isip ng mga palusot para umiwas sa responsabilidad. Tumatanggi silang aminin na nagkamali sila, wala silang tamang saloobin, at hindi sila nangangako na ituwid ang kanilang sarili sa hinaharap at sabihin na nauunawaan nila kung paano sila dapat kumilos sa susunod. Hindi sila kailanman makakaunawa sa ganitong paraan at hindi nila kailanman maaarok ang usapin mula sa perspektiba ng pagkatao sa isang dalisay na paraan. Mayroon pa ngang ilang tao na, kapag tinutukoy mo ang mga problema sa kanilang gawain at nakikipagbahaginan ka sa kanila ng katotohanan, nagsasabing, “Hindi ba’t minamaliit mo lang ako? Hindi ba’t dahil lang ito sa wala akong pinag-aralan at mula ako sa kanayunan? Hindi ba’t dahil lang ito sa mababa ang katayuan ko? Ni hindi nga ako hinahamak ng Diyos, kaya ano ang karapatan mo?” Hindi sila kailanman aamin na nagkamali sila at pagkatapos ay hahanapin ang katotohanan, pagninilayan ang kanilang sarili para makita kung saan sila nagkamali, at hahanapin ang tamang landas ng pagsasagawa para lutasin ito. Bakit hindi nila kailanman gagawin ito? Dahil hindi sila tao. Wala silang normal na pag-iisip ng tao, at hindi nila kayang harapin ang mga pagkakamaling lumilitaw sa paraan kung paano haharap ang isang normal na tao. Wala silang saloobin na dapat taglayin ng isang normal na tao tungkol sa mga pagkakamali. Nakatagpo na ba kayo ng gayong mga tao? Pinakamabuti rin na pagnilayan mo ang sarili mo, para makita kung normal ba ang katwiran mo o hindi. Halimbawa, pagkatapos maglampaso ng isang tao ng sahig, labis pa rin itong basa. Ang ibang tao naman, na walang malay rito, ay dumaan at nadulas. Tumayo ang taong iyon at sinabi sa isa pa, “Hindi mo pinatuyo nang maayos ang sahig pagkatapos mong maglampaso. Dapat naglagay ka ng karatula na may ilang salita para paalalahanan ang mga tao! Sa kabutihang-palad, bata pa ako—kung madulas ako, kaya kong tumayo ulit. Pero kung matanda iyon, hindi ba’t nabalian na sana siya ng buto? Hindi ka talaga naging sapat na mapagsaalang-alang!” Tama at normal ba ang mga salitang ito? (Oo, normal ang mga ito.) Ang taong naglampaso ay hindi naging sapat na mapagsaalang-alang habang ginagawa ang gampaning ito, kaya sa susunod ay dapat siyang maging mas mapagsaalang-alang. Dahil may nadulas dahil dito, malinaw na nagkamali siya sa bagay na ito. Isa itong pagkalingat, at walang kumondena sa kanya—kailangan lang niya itong itama. Pero hindi niya kayang tama at makatwirang isaalang-alang o harapin ang usaping ito mula sa perspektiba ng isang tao o gamit ang pag-iisip ng isang tao. Sa halip, binabaligtad niya ang sitwasyon at sinasabi niya, “Hindi mo ba nakita na basa ang sahig? Bulag ka ba? Nadulas ka at nahulog—nararapat lang iyan sa iyo! Hindi mo ginagamit ang sarili mong mga mata, at kasalanan ko pa iyon? Kapag tapos nang maglampaso ng sahig ang isang tao, siyempre ay basa iyon—bakit mo nilakaran? Hindi naman kita sinabihan na lumakad doon. Aminin mo na lang na malas ka dahil nadulas ka. Wala itong kinalaman sa akin!” Makatwiran ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Hindi rasyonal ang mga ito—ano ang isang kolokyal na paraan ng pagsasabi nito? Hindi makatwiran ang mga ito. Naglampaso ka ng sahig pero hindi mo pinatuyo, na naging sanhi ng pagkadulas ng isang tao—bagama't hindi naman lubos na kinakailangan para sa iyo na magpahayag ng pagkakonsensiya at humingi ng paumanhin, dapat ka man lang tumanggap kahit papaano ng mga paalala at payo ng iba tungkol sa pagkakamali mo. Dapat mong itanong, “Nasaktan ka ba? Kailangan mo bang pumunta sa ospital para sa check-up o pagpapagamot? Ako ang may ganap na pananagutan.” Ito ang tamang saloobin. Ganito dapat makatwirang tratuhin at pagnilayan ng isang tao ang isang bagay na nagawa niyang mali mula sa perspektiba ng pagkatao. Gayumpaman, ang mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay walang pagkatao at may baluktot na pag-arok. Hindi sila kailanman nagsasalita sa ganitong paraan, ni hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang anumang isyu sa ganitong paraan. Sa halip, sila ay sutil na walang katwiran. Hindi nila pinatuyo ang sahig pagkatapos maglampaso, na naging sanhi ng pagkadulas ng isang tao; sa susunod, kailangan lang nila itong gawin nang naiiba, mas magbigay-pansin, at itama ang pagkakamali—iyon lang. Malulutas ang isyu. Isa itong napakasimpleng usapin: Walang sinumang nagsabi ng anuman tungkol dito, at walang sinumang kumondena sa kanila dahil dito. Hindi hiningi sa kanila na magpasan ng anumang legal na responsabilidad. Pero tumatanggi silang tanggapin ang mga katunayan at sa halip ay nagsasabi, “Ay, kayo lang pala ang mabubuting tao, kayo lang ang may pagkatao! Masamang tao siguro ako! Sinasadya kong saktan ang iba! May masasama akong intensyon! Pupunta kayong lahat sa langit, at pupunta ako sa impiyerno!” Sabihin ninyo sa Akin, makakabigkas ba ng gayong purong kalokohan ang isang normal na tao? (Hindi.) Tanging ang uri ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang nakakaarok sa lahat ng bagay at tumitingin sa lahat ng bagay mula sa isang partikular na sukdulan, makitid, at katawa-tawang perspektiba. Sa pinakamaliit na bagay—isang bagay na ganap na lehitimo—kaya nilang maglitanya ng isang buong serye ng mga walang-katwiran at walang-katotohanan na argumento, na nag-iiwan sa iba na hindi malaman kung matatawa ba o maiiyak. Kung pinupungusan sila, paano sila umaasal? Nagsisikap sila nang husto para bigyang-katwiran at ipagtanggol ang kanilang sarili, ipinapaliwanag kung bakit sila kumilos sa paraang ginawa nila at kung gaano sila nagdusa para dito, nakikipagtalo nang may lahat ng uri ng dahilan. Kapag nakikipagbahaginan ka sa kanila tungkol sa kung bakit sila pinungusan, kung paanong, kapag nagkakamali sila, dapat nilang itama ang mga ito at kung paano nila dapat hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at kung ano ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa bagay na ito, tumatanggi silang tanggapin ang kahit isang salita. Sa halip, kinikimkim nila ang kanilang galit at poot, nakakaramdam ng pagkaagrabyado at kahihiyan. Kapag wala ang isang tao, nagrereklamo pa nga sila sa iba, sinasabing, “Hmp! Hindi ko isinaalang-alang ang mga isyung iyon, at hindi ko sinadya na gawin iyon sa ganoong paraan. Gayumpaman ay kinokondena nila ako at sinasabing nanggagambala at nanggugulo ako—ganoon ba talaga ako kasama? Masamang tao ba ako?” Pagdating sa mga katotohanang prinsipyo, palagi silang magkukulang sa mga iyon at hindi nila kailanman mauunawaan ang mga iyon; ang pag-arok nila ay palaging partikular na baluktot at partikular na katawa-tawa. Anuman ang mga katotohanang prinsipyong pinagbabahaginan, kapag umaabot ito sa kanila, nagiging isang parirala ito, isang paraan ng pagkilos—nagiging isang pormalidad, isang ritwal, isang regulasyon. Hindi lang ito usapin ng pag-arok sa mga katotohanang prinsipyo sa isang panig na paraan; sa halip, ang pag-arok nila ay partikular na katawa-tawa at wala sa katwiran. Ang paraan ng pag-arok ng ganitong uri ng tao sa katotohanan ay mukhang partikular na malamya at hangal. Gaano ito kahangal? Hanggang sa punto na hindi man lang sila kinakaawaan ng mga tao kundi sa halip ay labis silang kinasusuklaman, hindi malaman kung matatawa ba o maiiyak, at ganap na walang masabi. Naipaliwanag na nang ganoon kalawak ang mga bagay-bagay na ang pagsasabi ng anupaman ay kalabisan na—anumang karagdagang salita ay magiging kahangalan lang. Walang saysay ang patuloy na pakikipag-usap tungkol sa mga katotohanang prinsipyo sa mga taong ito. Anuman ang pangasiwaan nila, kahit ang pinakamaliit na bagay sa pang-araw-araw na buhay, ginagawa nila iyon sa isang di-normal, katawa-tawa, at baluktot na paraan. Wala silang kapabilidad na tingnan at pangasiwaan ang mga usapin sa loob ng mga hangganan ng katwiran ng tao. Ang perspektiba nila sa lahat ng bagay ay ganito kakitid at ganito kakatawa-tawa—ang mga pananaw na maipapahayag nila tungkol sa anumang bagay ay magdudulot sa iyo na makaramdam ng pagkasuklam habambuhay pagkatapos mong marinig ang mga iyon. Kung nagkataong kumakain ka habang nakikinig sa kanila, maaaring sumuka ka lang agad-agad. Sabihin ninyo sa Akin, gaano nga ba sila kabaluktot? Ito ang isa sa mga pangunahing katangian ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop—sila ay matigas ang ulo at katawa-tawa. Mula sa perspektiba ng pagkatao, ang katigasan ng ulo at pagiging katawa-tawa na ito ay pangunahing kawalan ng normal na pag-iisip ng pagkatao. Wala silang abilidad na isaalang-alang ang anumang isyu ayon sa normal na pag-iisip ng pagkatao—sila ay sukdulan, madaling magkaroon ng mga pagkabaluktot, at matigas ang ulo. Paano ka man makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, mga obhetibong katunayan, o mga partikular na sitwasyon, kumakapit sila nang mahigpit sa kanilang pangangatwiran at tumatangging bumitiw. Iniisip nila, “Nasa panig ko ang katwiran, at wala akong ibinigay sa iyo na anumang magagamit mo laban sa akin. Kakapit lang ako sa pangangatwirang ito, at ito ay magiging ang katotohanan. Walang silbi ang anumang sasabihin mo!” Ito ang isa sa mga katangian ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop—baluktot ang pag-arok nila.