Paano Hangarin ang Katotohanan (11) Ikalimang Bahagi
Pagkahilig sa Pag-idolo sa mga Bituin
Natapos na nating talakayin ang pagmamahal sa sining. Susunod, pag-usapan natin ang tungkol sa pagkahilig na pagtuunan ng pansin ang mga pribadong usapin ng mga sikat na personalidad. Partikular na mahilig ang ilang tao na pagtuunan ng pansin ang mga pribadong usapin ng mga sikat na personalidad, mga bituin—tulad ng kung ano ang kinakain ng mga sikat na personalidad, kung ano ang isinusuot nila, kung saan sila pumupunta para magsaya, kung nagparetoke ba sila, kung sino ang karelasyon nila, kung sino-sino ang mga kaibigan nila sa kabilang kasarian, kung sino-sino ang mga kapareha nila sa pakikipagtalik, at maging kung ilan ang anak nila sa labas at kung sino-sinong matataas na opisyal at mayayamang tao ang matalik nilang nakakaugnayan. Partikular na nagtutuon ng pansin ang gayong mga tao sa mga pribadong usaping ito ng mga sikat na personalidad. Hindi lang nila pinagtutuunan ng pansin ang mga pribadong usapin ng mga sikat na personalidad, kundi partikular din silang mahilig manggaya ng mga pang-araw-araw na desisyon sa pamumuhay ng mga sikat na personalidad, ng pananalita at pag-uugali ng mga ito, at ng saloobin ng mga ito sa buhay. Kasabay nito, partikular din nilang gustong subaybayan ang mga kinaroroonan ng mga ito at ang iba’t ibang kaisipan at pananaw ng mga ito. Halimbawa, kung gusto ng isang sikat na personalidad na mag-alaga ng isang partikular na uri ng aso, mag-aalaga rin sila nito. Kung nagsusuot ang isang sikat na personalidad ng isang partikular na tatak ng damit na sikat na sikat sa merkado, bibilhin din nila ang parehong damit. Kung hindi nila ito kayang bilhin, bibili na lang sila ng peke. Kung gumagamit ang isang sikat na personalidad ng isang partikular na produktong kosmetiko, bibilhin nila ito para pagandahin ang sarili nila, kahit pa wala na silang pera at kailangan nilang magbenta ng bato o dugo para mabili ito. Sinusundan pa nga nila ang mga sikat na personalidad saanman ang mga ito magtanghal, magdaos ng mga press conference, o dumalo sa mga kaganapan para sa pagpapalabas ng pelikula at telebisyon. Pagtutuunan nila ng pansin at susubaybayan ang bawat salita at kilos, bawat galaw, at lahat ng kinaroroonan ng sikat na personalidad na sinusundan nila, hanggang sa punto ng pagkahumaling kung saan wala na silang sariling buhay, o sariling mga tamang kaisipan, pananaw, at paraan ng pamumuhay, kung saan ganap silang naililihis at nakokontrol ng mga kaisipan, pananaw, at paraan ng pamumuhay ng sikat na personalidad. Anong klaseng problema ito? Isa ba itong likas na kondisyon? (Hindi.) May anumang kinalaman ba ito sa kapaligirang panlipunan kung saan namumuhay ang mga tao ngayon? (Mayroon.) Mayroon itong kaunting kaugnayan. Kaya, bakit palaging isang partikular na grupo ng mga tao ang umiidolo sa mga bituin sa halip na ang lahat, sa kabila ng katunayang namumuhay ang lahat ng tao sa iisang kasalukuyang kapaligiran? Saan ito nauugnay? Sasabihin mo ba na ang mga taong ito na umiidolo sa mga bituin ay nagmamahal sa sining? Hindi tiyak iyon. Magaling ba sila sa sining? Hindi rin iyon tiyak na totoo. Pero ang mga bagay na ginagawa nila ay nauugnay sa mga tao sa mundo ng sining at sa mga kalakaran sa sining. Anong klaseng problema ito? Problema ba ito ng mga tiwaling disposisyon? Isang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon mismo ang bagay na ito. Ang gayong mga tao ay tumitingala sa kasamaan at sumusunod sa masasamang kalakaran. Kung gayon, may problema ba sa pagkatao ng gayong mga tao? (Mayroon.) Kung napakaraming landas na mapagpipilian sa buhay, bakit pinipili nila ang gayong landas? Nasasangkot ba rito ang isyu ng karakter? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao: “Isa itong depekto sa pagkatao. Ito ay ang pagiging likas na mangmang at hangal, at pagiging madaling mailihis ng iba.” Ito ba ang dahilan? (Hindi.) Sinasabi ng iba: “Ito ba ay dahil karamihan sa mga taong umiidolo sa mga bituin ay bata, wala pang gulang ang isip, at mababaw, hindi kayang labanan ang tukso ng mga panlipunang kalakarang ito?” Ito ba ay dahil bata sila? (Hindi.) Ang ilan sa mga taong umiidolo sa mga bituin ay nasa katanghaliang-gulang o matatanda—kabilang sa grupong ito ang mga tao mula sa lahat ng edad. Mula sa pananaw na ito, ang mga taong ito na umiidolo sa mga bituin ay naililihis ng mga panlipunang kalakarang ito hindi dahil sila ay bata, wala pang gulang ang isip, at hindi pa nakauunawa sa mga usapin sa buhay. Samakatwid, ang pahayag na “ang mga taong umiidolo sa mga bituin ay pawang mga bata at wala pang gulang ang isip” ay walang batayan. Dahil hindi ito dulot ng pagiging bata at wala pang gulang ang isip, isa itong problema ng pagkatao. Kaya, anong problema sa pagkatao ito? Ito ba ay ang hindi paggawa ng mga nararapat na gampanin? (Oo.) Sa isang banda, ito ay ang hindi paggawa ng mga nararapat na gampanin; sa kabilang banda, ito ay pagiging medyo hindi seryoso at hindi pananatili sa loob ng mga tamang hangganan. Ano pa ito? (Hindi pagtahak sa tamang landas.) Tama iyan—ito ay ang hindi pagtahak sa tamang landas. Ito ay tungkol sa isyu ng landas na tinatahak ng isang tao. Pagkatapos umabot sa hustong gulang, kung anong trabaho ang pinapasok ng isang tao, at kung anong uri ng landas ang pinipili niyang tahakin sa lipunang ito at sa gitna ng mga tao, ay isang kinakailangang aralin na hinaharap ng bawat tao. Siya man ay marunong lumugar at namumuhay sa maayos na paraan, kung pumapasok ba siya sa isang maayos na trabaho, at kung gumagawa ba siya ng mga nararapat na gampanin at tumatahak sa tamang landas—ang lahat ng ito ay nakasalalay sa kung ano ang gusto niya at kung ano ang sinusunod niya sa kanyang pagkatao. Tingnan mo ang mga tao mula sa iba’t ibang larangan—ang ilan ay nagsasanay ng martial arts, ang ilan ay nag-aaral tungkol sa malusog na pamumuhay, ang ilan ay pumapasok sa industriya ng teknolohiya, ang ilan ay pumapasok sa industriya ng fashion, ang ilan ay pumapasok sa industriya ng pelikula at telebisyon, ang ilan ay nagnenegosyo, at ang ilan ay pumapasok sa pulitika, habang ang ilan ay naniniwala sa Budismo, ang ilan ay sumasali sa pananampalatayang Daoista, at ang ilan ay pinipiling manampalataya sa Diyos. Ang ilang tao ay walang maayos na trabaho, at hindi rin sila naghahanap ng sarili nilang mga layon sa buhay—araw-araw, nakatuon lang sila sa pag-idolo sa mga bituin. Hanggang sa anong antas nila ginagawa ito? Hanggang sa antas na nawawalan na sila ng gana sa pagkain at pag-inom. Kung ang bituin na iniidolo nila ay ang pinapangarap nilang kasintahan, maaari pa nga nilang abandonahin ang sarili nilang asawa anumang oras. Kung ang mga taong ito ay umiidolo sa mga bituin hanggang sa punto ng pagkahumaling, hanggang sa antas na kaya na nitong diktahan ang kanilang buhay at ang kanilang pagpili ng landas, nagiging isang kailangang-kailangang bahagi ng kanilang buhay, nasa anong kalagayan ang buhay nila sa kasalukuyan? Hindi sila marunong lumugar habang namumuhay sila. Kung ang taong umiidolo sa mga bituin ay isang babae, maaari ba siyang maging isang masunuring maybahay na sumusuporta sa kanyang asawa at nagpapalaki sa kanyang mga anak, isang butihing asawa at mapagmahal na ina? (Hindi.) Ang isang tao na umiidolo sa mga bituin hanggang sa punto ng pagkahumaling ay sadyang baliw. Saanman magdaos ng konsiyerto o press conference ang kanyang pinapangarap na kasintahan, pakiramdam niya ay kailangan niyang pumunta roon para magpa-autograph. Naglalakbay siya nang malalayo sakay ng eroplano at tumatawid pa nga sa mga hangganan para lang sundan ito, at hindi siya mapigilan ng kanyang pamilya. Palagi niyang sinusubaybayan sa internet ang itineraryo ng sikat na personalidad at palagi siyang nag-aabang sa mga lugar kung saan lilitaw ang sikat na personalidad. Kung hindi niya ito maabutan, ilang araw at gabi siyang hindi kumakain at hindi natutulog, walang-katapusang umiiyak. Kadalasan, ang lahat ng pinagtutuunan niya ng pansin sa internet at sa telebisyon ay tungkol sa mga sikat na personalidad. Siyempre, ang ilang tao ay hindi lang nakatuon sa iisang sikat na personalidad kundi sa marami—mga lalaki at babaeng sikat na personalidad, mga bata, nasa katanghaliang-gulang, at matatandang sikat na personalidad. Pinagtutuunan nila ng pansin ang mga hitsura ng mga sikat na personalidad na ito, ang kalagayan ng buhay may-asawa ng mga ito, ang estado ng relasyon ng mga ito, at ang mga pribadong buhay ng mga ito, gumagamit ng maraming lakas ng isip para maghanap ng impormasyon tungkol sa mga ito. Itinuturing nila ang pag-idolo sa mga bituin bilang ang pinagmumulan ng kasiyahan at interes sa buhay, ginagawa ito na para bang isa itong seryosong usapin. Nasa anong kalagayan ang buhay ng ganitong uri ng tao? Para siyang isang naglalakad na bangkay—ang kanyang mga kaisipan, ang kalagayan ng kanyang buhay, pati na rin ang kanyang pang-araw-araw na pag-uugali at kung maganda ba o masama ang kanyang timpla ay ganap na naiimpluwensiyahan ng sikat na personalidad na kanyang hinahabol at ginagaya. Kung magkakaroon ng karelasyon ang sikat na personalidad na kanyang hinahabol, nakakaramdam siya ng matinding kalungkutan kaya nawawalan siya ng gana sa pagkain at pag-inom sa loob ng ilang araw at gabi. Kung makikipaghiwalay ang sikat na personalidad sa karelasyon nito, tuwang-tuwa siya, nagpipiyesta siya, nagbubukas ng champagne, at nagpo-post sa Weibo para magdiwang. Gabi-gabi, napapanaginipan niyang kasama niya ang sikat na personalidad na kanyang hinahabol, at puro matatamis ang kanyang panaginip! Ang sikat na personalidad na kanyang hinahabol ay ang kanyang pinapangarap na kasintahan, at wala nang iba pang mas kaaya-aya sa kanyang paningin kaysa sa taong ito. Hindi ba’t hindi normal ang kalagayan ng kanyang buhay? (Oo.) Umabot na siya sa ganitong antas ng pagkahumaling—nakontrol ba siya ng isang masamang espiritu? (Oo.) Kaya, depekto ba, kapintasan, o problema ang mayroon sa pagkatao ng ganitong uri ng mga tao? (Problema.) Ang kalagayan ng kanilang pag-iisip ay medyo hindi normal. Ang mga normal na tao ay nakakarinig minsan ng ilang balita tungkol sa mga tao sa mundo ng sining, at kapag nagkukuwentuhan sila, maaari din nila itong mabanggit nang pahapyaw, pero pagbalik nila sa tunay na buhay, patuloy silang namumuhay gaya ng dati. Kung sila ay isang ina, tinutupad nila ang kanilang mga responsabilidad bilang isang ina; kung sila ay isang ama, tinutupad nila ang kanilang mga responsabilidad bilang isang ama. Ang gawaing ginagawa nila ay hindi naaapektuhan o nahahadlangan kahit kaunti. Kung ang bituin na gusto nila ay magdaraos ng konsiyerto sa isang lugar, pakiramdam nila ay wala itong kinalaman sa kanila at patuloy silang namumuhay gaya ng dati, nang hindi naaapektuhan. Bagama’t mayroon silang kaunting paghanga at inggit sa bituing iyon, at kaunting pagkagusto, pagbalik nila sa tunay na buhay, mayroon silang sariling pag-iisip, at walang anumang nagiging epekto sa sarili nilang buhay at karera, sa sarili nilang pananalig, at sa mga bagay na dapat nilang hangarin at sa landas na dapat nilang tahakin. Ito ang pagkakaroon ng normal na pag-iisip ng pagkatao at ng isang normal na kalagayan ng pag-iisip. Gayumpaman, ang mga taong mahilig umidolo sa mga bituin ay nawalan na ng kanilang identidad at wala na silang abilidad na kontrolin ang kanilang sarili sa proseso; ganap silang sunud-sunuran sa mga tinatawag na bituing ito. Ang kanilang mga kaisipan at ang kalagayan ng kanilang buhay ay ganap na nakokontrol at nadidiktahan ng mga salita, kilos, at emosyon ng mga bituin. Hindi na lang ito isang problema ng pagkatao—ang kalagayan ng kanilang pag-iisip ay medyo problematiko. Naging hindi normal na ang kanilang mga emosyon, naging magulo ang kalagayan ng kanilang pang-araw-araw na buhay, at ganap na silang nawalan ng direksyon. Ang buong buhay nila ay umiikot lamang sa pag-idolo sa mga bituin; ang pag-idolo sa mga bituin ang tanging bagay na kailangang-kailangan sa kanilang landas ng pag-iral. Hangga’t sila ay nabubuhay at humihinga, ikinasisiya nila ang pag-idolo sa mga bituin, at umaasa sila rito para magpalipas ng oras araw-araw. Kung hindi sila iidolo sa mga bituin, iisipin nila na ang buhay ay hungkag at walang kabuluhan, at na namumuhay sila nang walang anumang layon o direksyon, at nagugulumihanan ang kanilang puso. Kaya, paminsan-minsan, pakiramdam nila ay kailangan nilang mag-online para maghanap ng mga pinakabagong balita sa sikat na personalidad na gusto nila—kung ano ang kinakain at iniinom nito, kung ano ang kalagayan ng buhay nito sa kasalukuyan, kung kailan ito magdaraos ng konsiyerto, kung kumusta na ang pinakabagong pagganap nito sa pelikula, kung ano ang kalagayan ng buhay may-asawa nito, kung ano ang sitwasyon ng pamilya nito—paminsan-minsan, naghahanap sila ng gayong impormasyon para magpalipas ng oras at para punan ang kanilang hungkag, walang direksyon, at magulong buhay. Hindi ba’t ganap na silang nakontrol ng mga sikat na personalidad na ito? Hindi ba’t nakontrol na sila ng ganitong kaisipan o kalakaran ng pag-idolo sa mga bituin? (Oo.) Kung gayon, mayroon pa bang konsensiya at katwiran ang ganitong uri ng mga tao? Nawala na sila sa katinuan, naging hindi na normal ang kalagayan ng kanilang pag-iisip. Pagkatapos mailihis at magulo ng ganitong uri ng panlabas na kalakaran o penomenon, nawalan na sila ng direksyon at hindi na nila alam kung tama ba o mali ang kanilang ginagawa—hindi nila alam kung ano ang mabuti o masama para sa kanila. Kung susubukan ng mga tao na payuhan silang huwag gawin ang isang bagay, sadyang hindi nila ito matanggap o maunawaan. Para makadalo sa konsiyerto ng bituin na sinasamba nila, handa silang gumastos ng katumbas ng tatlo hanggang limang buwang sahod, at isinasangla pa nga nila ang ilang mahalagang gamit, o nanghihiram sila ng pera, at pagkauwi nila, kailangan nilang bayaran ang kanilang mga utang. Nagbabayad sila ng ganitong uri ng halaga para lang makamit ang kanilang layon na umidolo sa mga bituin. Normal ba ang ganitong uri ng mga tao? (Hindi.) Batay sa antas ng pagkahumaling at kawalan ng kontrol sa sarili na naabot nila, nawalan na ng lahat ng konsensiya at katwiran ang gayong mga tao, at hindi na nila kayang kontrolin ang kanilang sarili; wala silang pakialam kahit kaunti kung gaano karaming pera ang ginagastos nila at gaano kalayo ang nilalakbay nila alang-alang sa pag-idolo sa mga bituin. Kaya, batay sa mga pagpapamalas na ito, napakahirap na maklasipika sila bilang mga normal na tao. Dapat sabihin na may problema sa kanilang pagkatao—nawalan na sila ng pagkamakatwiran. Gumagana pa ba ang kanilang konsensiya, kung gayon? Mayroon pa ba silang konsensiya? (Wala na.) Kung gayon, anong uri sila ng mga tao? Wala silang konsensiya ni katwiran; ang kanilang pagkatao ay naging isa na lang hungkag na anyo. Ang tunay na buhay ng normal na pagkatao ay napalayo nang napalayo sa kanila. Napakahirap para sa kanila na makibagay sa tunay na buhay at napakahirap para sa kanila na pakalmahin ang kanilang isip at makibahagi sa mga normal na usapin ng tunay na buhay. Sa kanilang buhay, naroon lang ang iisang usapin ng pag-idolo sa mga bituin. Kaya, hindi ba’t nakontrol na ang kanilang espirituwal na mundo ng usapin ng pag-idolo sa mga bituin? (Oo.) Ang gayong tao, sa panlabas, ay mukhang tao, pero sa diwa, hindi ba’t naging isa na lang siyang hungkag na anyo? (Oo.) Anong uri ng mga tao iyong mga naiwan bilang mga hungkag na anyo? (Mga naglalakad na bangkay.) Tama iyan—mga naglalakad na bangkay. Mayroon ba silang pananalig? (Wala.) Mayroon ba silang anumang mga positibong paghahangad? (Wala.) Nauunawaan ba nila kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, kung ano ang makatarungan at kung ano ang buktot? (Hindi.) Paano makikita na hindi nila nauunawaan? Sa kasalukuyan, ang mga sikat na mang-aawit sa entablado ay nagsusuot ng mga damit na habang tumatagal ay lalong naglalantad ng balat at nagiging mapang-akit, at gumagawa ng mga kilos na pabuktot nang pabuktot. Ang mga manonood na umiidolo sa mga bituing ito ay nakakaramdam ng lalong pagkasabik, kasiyahan, at pagkalango habang pinapanood nila ito. Sa partikular, kapag ang isang pop star ay medyo nadadala ng emosyon at hinuhubad ang kanyang mga damit at inihahagis ang mga ito sa mga manonood, ang mga manonood ay ganap na nababaliw. Ang ilan ay labis na nasasabik kaya biglang tumitigil sa pagtibok ang kanilang puso at pagkatapos ay hinihimatay sila. Ang mga eksena ng pag-idolo sa bituin ay talagang ganito katindi! Minsan ay nagkakaroon pa nga ng mga stampede, at ang ilang tao ay nasusugatan at namamatay kapag nabibigo ang mga pagsisikap na sagipin ang mga tao. Ang lahat ng ito ay mga trahedyang dulot ng pag-idolo sa mga bituin. Ang masugatan at mamatay bilang resulta ng pag-idolo sa isang bituin—sabihin mo sa Akin, hindi ba’t walang halaga ang gayong buhay? Mayroon ba itong anumang halaga? Batay sa kanilang mga emosyon, sa mga bagay na gusto nila, at sa mga eksenang nagpapatili sa kanila sa sobrang pananabik, may kahihiyan ba ang mga taong ito? Alam ba nila kung ano ang mga positibo at makatarungang bagay, at kung ano ang mga buktot na bagay? (Hindi.) Hindi nila alam. Nakikita ng mga normal na tao ang mga eksenang ito at nakakaramdam sila ng pagkasuklam: “Paanong naging ganito kasama ang mundo? Masyado itong masama!” Pero ang mga taong ito na umiidolo sa mga bituin ay nakikita ang mga eksenang ito at nakakaramdam sila ng kaligayahan, pagmamalaki, kasiyahan, at pagkakontento, naniniwalang wala na silang mga pagsisisi sa buhay na ito, at tumitili at naghihiyawan sila para sa mga eksenang ito. Ipinapakita nito na sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa, hindi nila alam kung ano ang mga buktot na bagay, kung ano ang mga makatarungang bagay, kung ano ang mga positibong bagay, o kung ano ang mga negatibong bagay. Hinahabol pa nga ng ilang babaeng tagahanga ng mga mang-aawit o aktor ang paborito nilang lalaking bituin hanggang sa tirahan nito, handang ialay ang kanilang sarili rito. Kapag tumanggi ang bituin, nagagalit pa nga sila at tinatawag na duwag ang bituin. Mayroon man lang bang anumang kahihiyan ang gayong mga tao? Nauunawaan ba nila ang kahulugan ng mga salitang “pagkaramdam ng kahihiyan”? Nauunawaan ba nila kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay? (Hindi.) Hindi man lang nila nauunawaan ang mga salitang “pagkaramdam ng kahihiyan.” Kapag tumatanggi ang bituin, iniinsulto pa nga nila ito. Tao pa ba sila? Hindi sa may kulang sa kanilang pagkatao—nasiraan na sila ng bait; sila ay maruruming espiritu at masasamang espiritu!
Sa iba’t ibang grupo ng mga tao, palaging may ilang tao na nahuhumaling sa pag-idolo sa mga bituin. Ang gayong mga tao, sa tumpak na pananalita, ay mga naglalakad na bangkay, at sa partikular na pananalita, sila ay hindi tao. Itinuturing nila ang mga bituin na madalas na lumilitaw sa entablado at sa mga screen bilang isang puntirya na dapat habulin, at itinuturing pa nga nila ang paggawa nito bilang isang lehitimong propesyon. Sinasayang nila ang kanilang buhay sa ganitong uri ng pamamaraan. Dapat sabihin na sa buong lipunan, ang ganitong uri ng mga tao ay isang espesyal na grupo, halos kapareho ng mga nasa pinakamababang antas ng lipunan na hindi gumagawa ng mga nararapat na gampanin—silang lahat ay mga latak at walang halaga! Wala silang pananalig, walang mga positibong paghahangad, at sa kanilang pagkatao, hindi sila nagtataglay ng anumang mga positibong pangangailangan, mga positibong adhikain, o mga positibong bagay. Gaano man kabuktot o gaano man kadilim ang mundo ng sining, wala silang pakialam o hindi ito kasuklam-suklam sa kanilang paningin, at tinatanggap at sinasang-ayunan nila ito, at higit pa rito, masigasig nila itong sinusunod. Anong uri ng mga tao ang mga indibidwal na ito? Masasabing sila ay mga latak. Mula sa perspektiba ng espirituwal na mundo, ang ganitong uri ng mga tao ay maruruming espiritu at masasamang espiritu. Kapag ang maruruming espiritu at masasamang espiritu ay nagrereinkarnasyon bilang mga tao, kailangan din nilang kumain at kumilos tulad ng mga normal na tao, pero hindi sila gumagawa ng mga nararapat na gampanin, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, at gusto lang nilang maghanap ng mga taong kauri nila para maghanap ng kasiyahan, at wala silang ginagawa habang nagpapalipas ng oras at naghihintay ng kamatayan. Kung hindi sila makapasok sa industriya ng sining, sinusundan nila ang mga tao rito, at sinusunod nila ang lahat ng uri ng masasamang kalakaran sa loob nito para tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Samakatwid, sa anuman magaling ang mga taong ito, ang katunayan pa lang na mayroon silang gayong mga paghahangad at pinipili nila ang gayong landas at ang gayong paraan ng pamumuhay sa lipunan ay nagpapakita na hindi sila mabubuting tao o mga taong makapagtatamo ng kaligtasan. Ang dahilan kung bakit Ko sinasabi na hindi makapagtatamo ng kaligtasan ang gayong mga tao ay mismong dahil sa loob ng kanilang pagkatao ay mayroong isang “kahungkagan.” Ang “kahungkagan” na ito ay dapat ilagay sa mga panipi. Bakit? Dahil ang kanilang pagkatao ay hindi nagtataglay ng mga positibong bagay kundi sa halip ay nagtataglay ng lahat ng bagay na taglay ng maruruming espiritu at masasamang espiritu: ang pagsunod sa kasamaan, pagdakila sa kasamaan, pagsunod sa kadiliman, at pagdakila sa kadiliman. Sila ang mga tagasunod sa unahan ng masasamang kalakaran sa buong masamang lipunang ito, pati na rin ang mga tagapagpalaganap ng mga kalakarang ito. Pagkatapos maiparating sa publiko ang iba’t ibang buktot na maling kaisipan at iba’t ibang baluktot na kaisipan at pananaw mula sa mundo ng sining sa pamamagitan ng mga computer, telebisyon, magasin, pahayagan, mga pelikula at palabas sa telebisyon, at iba pang anyo, unti-unting lumalaganap sa mga tao ang mga ito, at pagkatapos ay malawakang kumakalat. Sa gitna ng mga taong ito, ang mga umiidolong ito sa mga bituin ang mismong nangunguna sa pagpapalaganap ng mga buktot na kaisipan o masasamang kalakaran at mga paraan ng paggawa ng mga bagay na matatagpuan sa iba’t ibang pelikula at palabas sa telebisyon at mga gawang sining. Sila ang unang linya ng mga tagapagpasa na nagpapalaganap ng iba’t ibang buktot na kaisipan at iba’t ibang baluktot na kaisipan at pananaw. Sa pamamagitan ng kanilang pasalitang pagpapasa-pasa ng impormasyon, sa pamamagitan ng kanilang mga kongkretong kilos at pagpapamalas, unti-unting sinasang-ayunan at tinatanggap ng publiko ang iba’t ibang buktot na kaisipan at masasamang kalakaran. Pagkatapos, unti-unti silang nakokondisyon ng mga ito at nanunuot sa kanila ang mga ito. Sa huli, nagdudulot ito na ang masasamang kalakaran, mga buktot na kaisipan, at mga baluktot na kaisipan at pananaw ay unti-unting magkaroon ng puwang at mabuo sa ilalim ng iba’t ibang panlipunang sistema at sa gitna ng iba’t ibang grupo ng mga tao. Sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan, pagdating sa pag-aasawa, kapag umabot na ang mga tao sa edad na maaari nang mag-asawa, ipinapakilala sila ng isang matchmaker at inirereto sila nito. Ang pag-aasawa ay nangangailangan din ng pahintulot ng parehong panig ng mga magulang, pagkatapos ay nagtatakda ng petsa, at ang mag-asawa ay pumapasok sa bulwagan ng matrimonya. Sa panlipunang konteksto ng nakaraan, karamihan sa mga tao ay nagpapakita ng paggalang at pag-iingat pagdating sa pag-aasawa sa pagitan ng mga lalaki at babae. Itinuturing nila ang pag-aasawa bilang isang malaking kaganapan at nagagawa nila itong tratuhin nang may kaseryosohan at kataimtiman. Lalo na pagdating sa kanilang mga anak, hinihingi nila sa mga ito na huwag maging imoral, huwag gumawa ng insesto, at huwag makibahagi sa mga ipinagbabawal na seksuwal na pakikipag-ugnayan—ang mga hinihinging ito ay dapat sundin. Kahit papaano man lang, karamihan sa mga tao ay may ganitong konsepto sa kanilang puso. Sa ganitong paraan, sa ilalim ng pagpipigil ng konsensiya ng kanilang pagkatao, maraming tao ang umiwas sa masasamang gawa ng pakikibahagi sa mga ipinagbabawal na seksuwal na pakikipag-ugnayan at pagkamahalay, na, hanggang sa isang antas, nagprotekta sa kapwa mga lalaki at babae. Siyempre, mayroon din itong partikular na positibong epekto at impluwensiya sa lagay ng lipunan. Gayumpaman, sa pag-unlad ng mga panahon at sa paglitaw ng iba’t ibang gawang sining, ang lahat ng uri ng mga kaisipan at pananaw na nagsusulong ng kalayaang seksuwal, kalayaan sa pag-aasawa, at iba pa ay patuloy na lumilitaw. Sa isang banda, isinusulong ang mga ito ng ilang indibidwal; dagdag pa rito, itinataguyod at malawakang ipinapalaganap ng lipunan ang mga ito nang mas higit pa sa pamamagitan ng mga pagtatanghal at pagganap sa iba’t ibang anyo ng sining. Ang mga kaisipang ito ay unang kinikilala at tinatanggap ng isang bahagi ng mga umiidolo sa bituin—ibig sabihin, ang unang manonood para sa mga ito ay ang mga umiidolong ito sa mga bituin. Dahil ang mga taong ito ay umiidolo sa mga bituin, mabilis nilang tinatanggap at sinasang-ayunan ang mga kaisipang ito na isinusulong ng mga bituin sa entablado, sa screen, o sa ilang anyo ng sining. Pagkatapos na mariing sang-ayunan ang mga ito, iniimpluwensiyahan nila ang kanilang mga anak matapos niyon pati na rin ang mga tao sa paligid nila sa pang-araw-araw na buhay. Sa ganitong paraan, ipinapasa ng isang tao ang mga kaisipang ito sa sampung tao, ipinapasa ng sampung tao ang mga ito sa isandaan, ipinapasa ng isandaang tao ang mga ito sa isang libo, ipinapasa ng isang libong tao ang mga ito sa sampung libo—ikinakalat ang mga kaisipang ito mula sa isang maliit na saklaw patungo sa mas malawak na saklaw. Sa susunod na isa o dalawang taon, isinasatinig ng mga tao ang mga kaisipang ito, at pagkalipas ng lima o sampung taon, isinasatinig pa rin nila ang mga ito. Pagkalipas ng dalawampu o tatlumpung taon, ang gayong mga buktot na kaisipan ay nabubuo nang nabubuo sa gitna ng mga tao, palawak nang palawak na naipapakalat ang mga ito sa bawat sulok ng lipunan, at palalim nang palalim na naitatanim sa puso ng bawat tao. Pagkatapos, ang mga buktot na kaisipan at masasamang kalakarang ito ay unti-unting sinasang-ayunan ng mga tao at unti-unting tinatanggap ng publiko, at habang tumatagal, ang mga tao ay lalong nagiging mapagpalayaw sa sarili, imoral, at walang pagpipigil pagdating sa pag-aasawa at sa mga usapin sa pagitan ng mga lalaki at babae. Naniniwala ang mga tao na ito ay pagiging bukas ang isip at pagkakaroon ng malawak na pananaw, at na ito ay tanda ng may-gulang na pagkatao, nagsasalita tungkol sa mga negatibong bagay na para bang ang mga ito ay positibo at lehitimo. Sa puntong ito, ang masasamang kalakaran ng buong lipunan ay lumaganap nang matindi, nangibabaw, at naging pangunahing kalakaran. Ang karamihan sa mga tao ay wala nang mga tamang kaisipan at pananaw pagdating sa pag-aasawa sa pagitan ng mga lalaki at babae at sa mga ugnayan ng lalaki at babae; pakiramdam nila ay hindi malaking isyu ang mga bagay na ito. Sa partikular, lalong naging karaniwan ang homoseksuwalidad; higit pa rito, lalong naging karaniwan ang mga pakikiapid sa hindi asawa, at sa gayon ay tumaas nang tumaas ang bilang ng mga nagdidiborsiyo. Mas maraming bata rin ang nawalan ng pagmamahal ng ama at ina, namumuhay sa isang tahanan na may nag-iisang magulang o sa isang tahanan na may madrasta o amain. Maraming tao ang may karelasyon na sa kabilang kasarian bago pa mag-asawa at hindi nila ito nakikita bilang kahiya-hiya, at iniisip pa nga nila na normal ito, na ganito ang lipunan, at na hindi ito malaking isyu. Sa lahat ng oras, ang kabuktutan ay kabuktutan magpakailanman, at ang mga positibong bagay ay positibo magpakailanman. Kahit pa iniisip mo na hindi ito malaking isyu, iyon ay dahil sa masamang kalakarang ito at sa pagkabulok ng lipunang ito—dulot ito ng paggawang tiwali ni Satanas sa mga tao at ng pagtatanim at pagpupuno sa kanila ng mga buktot na kaisipan at masasamang kalakaran. Hindi totoo na ang mga positibong bagay ay maaaring tawaging negatibo, o na ang mga negatibong bagay ay maaari na ngayong gawing mga positibong bagay. Kung ganito ka mag-isip, ito ay dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan o kung ano ang mga positibong bagay. Dulot ito ng pagkapuwersa sa iyo, sa ilalim ng mga sitwasyong ito, na tumanggap ng masasamang kalakaran at mga buktot na kaisipan bilang mga prinsipyo at pundasyon sa kung paano ka umasal. Ang lipunang ito at ang sangkatauhang ito ay malalim na nagawang tiwali sa ganitong paraan, nang paunti-unti. Samakatwid, sa usapin ng malawakang pagpapakalat at malalim na pagtatanim ng masasamang kalakaran sa puso ng mga tao, ang mga umiidolong ito sa mga bituin ay gumagampan sa papel ng tagapanguna sa pagpapakalat ng masasamang kalakaran at mga buktot na kaisipan at pananaw. Sila ang mga direktang tagapagpakalat ng mga bagay na ito. Kung sasabihin natin na ito ay ang paggawang tiwali ni Satanas sa mga tao, ito ay medyo malabo o abstrakto. Pero kung sasabihin natin na ang mga umiidolong ito sa mga bituin ang mga aktuwal na tagapagsulong ng pagpapakalat ng mga kaisipan ni Satanas at ng masasamang kalakaran ni Satanas, ito ay pinakatumpak. Ito ay dahil sila ang grupo ng mga tao na pinakamalapit sa mundo ng sining o sa iba’t ibang buktot na kaisipan at masasamang kalakaran, at sila ang bahagi ng mga tao na malapit na nakakasalamuha ang mga bituin sa pelikula at mga sikat na mang-aawit na ito. Kung wala ang mga taong ito na humahabol sa kanila, kung wala ang nahuhumaling na pagsuporta ng mga ito, ang mga tinatawag na sikat na mang-aawit at bituin sa pelikula na ito ay hindi magiging ganoon kaakit-akit, ganoon katanyag, ganoon kamaimpluwensiya, at ganoon kamakapangyarihan sa panlilihis. Dahil mismo sa labis na paghanga at matinding paggaya ng mga umiidolong ito sa mga bituin kaya ang iba’t ibang masasamang kalakaran at buktot na kaisipan ay naipakalat sa mga tao nang napakabilis. Sa pamamagitan ng kanilang mga kongkretong kilos, sinasabi nila sa publiko na ang iba’t ibang buktot na bagay at iba’t ibang baluktot at buktot na kaisipan at pananaw na lumilitaw sa mundo ng sining ay mga bagay na dapat tanggapin ng mga tao, na ang mga bagay na ito ay napakanormal at napakalehitimo. Sa huli, unti-unting tinatanggap ng karamihan sa mga tao ang mga buktot na paraang ito ng paggawa ng mga bagay at ang mga buktot na kaisipan at pananaw na ito. Bilang resulta, ang mga pakikiapid sa hindi asawa, ang pagkamahalay, o ang alinman sa mga buktot na kaisipan, pananaw, at paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ng mga tinatawag na kilalang personalidad, sikat na mang-aawit, at bituin sa pelikula na ito ay hindi na masyadong pinapahalagahan, nang walang sinumang nagpapahayag ng tamang opinyon o paghusga sa mga bagay na ito. Kaya, gaano man kamahalay ang mga kilalang personalidad, sikat na mang-aawit, at bituin sa pelikula na ito, hindi sila itinitiwalag o kinokondena kundi patuloy nilang ipinangangalandakan ang kanilang sarili sa entablado. Ganap itong umaayon sa isang sikat na kasabihan sa lipunan: “Kutyain ang mahirap, hindi ang mga patutot.” Isa itong tunay na paglalarawan ng pagkabulok ng sangkatauhan, at ebidensya rin nito. Tingnan mo, kapag nananampalataya ka sa Diyos at inaaresto at ikinukulong ka, kinukutya at minamaliit ka ng mga tao. Ang totoo, alam din nila na wala kang ginawang masama—ang pananampalataya sa Diyos ay pagkakaroon ng pananalig, pagnanais na maging isang mabuting tao, at pagnanais na makapunta sa langit; ang mga babaeng mananampalataya ay hindi nagbebenta ng kanilang katawan at nagtatrabaho bilang mga patutot, at ang mga lalaking mananampalataya ay hindi nanghoholdap kundi umaasal sa paraang sumusunod sa panuntunan. Ngunit kinaiinisan ka ng mga tao. Kung ang isang babae ay isang kaakit-akit na dilag, at mayroon siyang mga hindi disenteng pakikipag-ugnayan sa matataas na opisyal at mayayamang tao, at namamasyal siya sakay ng mararangyang sasakyan araw-araw, naiinggit at humahanga sa kanya ang iba, sinasabi nila: “Talagang mayroon kang ibubuga, ang galing mo. Nagagawa mong kumita ng pera para sa mga magulang mo para makakain sila ng masasarap na pagkain at makapagsuot ng magagandang damit. Talagang mahalaga ang hitsura mo!” Pero kung mayroon kang magandang hitsura at nagpakasal ka sa isang taong nananampalataya sa Diyos, pagtatawanan ka nila. Hindi ka lang nila pagtatawanan, kundi kapag nakita ka nilang inuusig, aapihin ka rin nila. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.)
Walang anumang kabuluhan ang mga bagay na ginagawa ng grupong ito—ng mga umiidolong ito sa mga bituin. Sa kabaligtaran, nagpasidhi ang mga kilos na ito sa pagpapakalat ni Satanas ng mga buktot na kaisipan at masasamang kalakaran. Tingnan mo ang mga umiidolo sa mga bituin sa kasalukuyang panahon—umaakyat sa entablado ang ilang babae at walang pag-aatubiling kumakanta at sumasayaw, at kapag nakakita sila ng isang sikat na mang-aawit, sinasamba nila ito nang walang katapusan. Lubha itong naiiba sa mga babae noong dekada 40 at 50. Sa mga salita ng mga walang pananampalataya, naging bukas sila—bukas sa kaisipan, at bukas sa seksuwalidad, malaya sila sa parehong larangang ito. Sinasabi ng ilang tao: “Anong panahon na ba ito? Sino ba ang gumugugol ng lahat ng kanyang mga araw kasama ang iisang mister lang? Sino ba ang palaging umiikot ang buhay sa kanyang mga anak? Kailangan mong humanap ng bago kapag kaya mo, at magpakasaya ka kapag may pagkakataon!” Tingnan mo kung anong uri ng mga kaisipan mayroon ang mga taong ito—lubhang kakila-kilabot ang mga ito! Kung ganito rin mag-isip ang isang mananampalataya sa Diyos, isa ba itong magandang senyales? Kung ang isang mananampalataya ay mayroong ganitong mga kaisipan at pananaw, naiinggit at sumasamba sa gayong mga tao, at gustong maging gayong tao, hindi ba’t lubhang kakila-kilabot at napakamapanganib niyon para sa kanya? (Oo.) Huwag muna nating pag-usapan sa ngayon kung gaano ito kakila-kilabot o kamapanganib. Batay lang sa diwa ng mga taong ito, sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa, labis silang naiinggit, humahanga, at nagmamahal sa mga bituing ito. Kaya nilang tanggapin ang lahat ng uri ng pag-uugali at lahat ng uri ng kaisipan at pananaw mula sa mga bituin. Gaano man kabuktot ang mga kaisipan, kaya nilang tanggapin ang mga ito. Naniniwala sila, “Ganito dapat umasal ang mga tao—ito lang ang pagiging malaya. Dapat pahintulutang umiral ang lahat ng kaisipan at pananaw. Kung tutuusin, kailangan ng mundo ang lahat ng uri ng tao.” Sa kanilang mga kaisipan, walang pagkakaiba ang positibo at negatibo, walang pagkakaiba ang tama at mali. Hindi ba’t hindi ito normal na pag-iisip? Kung dahil sa mahinang kakayahan kaya walang abilidad ang isang tao na kilatisin kung ano ang tama at mali, pero mayroon pa rin siyang pagkaramdam ng kahihiyan, at kaya niyang manindigan sa isang bagay kung alam niyang tama ito, at hinding-hindi niya gagawin ang isang bagay kung alam niyang mali ito, at kaya niyang kasuklaman ang isang bagay sa kanyang puso kung alam niyang buktot ito, kung gayon, isa pa rin itong normal na tao. Pero kung malinaw niyang alam na mali ang isang bagay, na buktot ito, ngunit hindi lang sa hindi niya ito nilalabanan, kundi kaya rin niya itong tanggapin nang walang pag-aatubili, at kinaiinggitan at sinusunod pa ito, lumulubog nang palalim nang palalim, kung gayon, hindi siya tao kundi isang naglalakad na bangkay. Sira na siya at hindi makapagtatamo ng kaligtasan. Samakatwid, hindi masasabi na ang ganitong uri ng mga tao ay may masamang pagkatao, kaunting integridad, ubod ng samang karakter, o na wala silang konsensiya at katwiran—hindi iyon ang isyu. Ang pinakamalaking isyu ay na sadyang wala silang pagkatao. Kaya, ano ang mga taong ito? Maruruming espiritu, masasamang espiritu, at mga naglalakad na bangkay. Sila ang mga tagapagsulong, tagapagpasa, at tagapagpalaganap ng iba’t ibang masasamang kalakaran at iba’t ibang buktot at baluktot na kaisipan at pananaw. Katulad lang ito ng isang salot—isang taong may dalang virus ang nagpapakalat nito saanman siya magpunta, at habang dumarami ang lugar na pinupuntahan niya, mas malawakang kumakalat ang virus. Ang mga umiidolong ito sa mga bituin ay katumbas ng mga tagapagdala at tagapagpalaganap ng virus, kaya talagang hindi sila mga miyembro ng sangkatauhan—sila ay hindi tao. Ano ang kahulugan ng mga tinatawag na hindi tao? Ang mga taong ito ay ang mga tagapagsulong at tagapagpakalat ng masasamang kalakaran at mga buktot na kaisipan at pananaw. Nauunawaan na ba ninyo ngayon? Kung naiinggit ka pa rin sa mga bituing ito sa iyong puso o minsan mo nang ginustong maging ganitong uri ng tao, sinasabi Ko sa iyo, isa itong landas na walang balikan. Huwag na huwag mong subukang maging ganitong uri ng tao! Kung gumanap ka na kailanman ng isang papel sa isang pelikula o palabas sa telebisyon, kung ninais mo na kailanman na maging isang bituin sa pelikula o isang kilalang personalidad at nagplano ka nang tahakin ang landas na ito, sinasabi Ko sa iyo—agad kang huminto. Hindi ito isang usapin ng pagtanggap ng kaparusahan o gantimpala. Isa itong landas na patungo sa walang hanggang pagkapahamak—huwag na huwag mo itong tahakin! Kung gusto mong sundan ang ganitong uri ng tao dahil pansamantala kang nailihis o nanghina, o dahil sa pansamantalang inggit at pag-aasam, pakinggan mo ang Aking babala, pakinggan mo ang Aking panghihikayat—agad kang huminto. Huwag na huwag kang pumasok sa industriyang iyon, huwag na huwag kang pumasok sa mga hanay na iyon; huwag na huwag kang maging isa sa kanila. Kung hindi ka makapagpursigi sa pagtahak sa tamang landas o sa paggawa ng mga makabuluhang bagay, hindi ka pa rin dapat maging isang tagapagpalaganap ng masasamang kalakaran at mga buktot na kaisipan at pananaw—iyon ay isang landas na isinumpa ng Diyos. Kaya, anuman ang papel na ginampanan mo noon sa isang pelikula o palabas sa telebisyon, itinuring mo man ang sarili mo bilang isang mahalagang personalidad, isang kilalang personalidad, o isang mataas na personalidad—paano mo man ipinosisyon ang sarili mo—lumipas na ang lahat ng iyon, mali ang lahat ng iyon. Kung huminto ka na ngayon, masasabi lang na noong panahong iyon, ang tayog mo ay mababa pa at hindi mo naunawaan ang katotohanan. Huwag kailanman mag-isip nang ganyan sa hinaharap, at huwag din kailanman tahakin ang landas na iyon. Kung gusto mong maging isang mahalagang personalidad o isang kilalang personalidad, kung gusto mong sambahin at sundan ng iba, agad mong isipin ang mga salitang sinabi Ko ngayon. Para sa sinumang tao, ang walang hanggang pagkapahamak ay isang balitang nakalulungkot na matanggap—ito ang pinakamasamang posibleng balita. Iyon ay isang landas na isinumpa ng Diyos. Huwag na huwag mong tahakin ang landas na ito, huwag na huwag kang madungisan ng karumihang ito. Ang pagtahak sa landas na ito ay nangangahulugan ng walang hanggang pagkapahamak! Dapat kang umasal sa paraang sumusunod sa panuntunan dahil ikaw ay isang nilikha, isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan. Anuman ang papel na ginampanan mo, anumang gawain ang ginawa mo, o anumang mga kontribusyon ang nagawa mo sa sambahayan ng Diyos, sa huli, dapat mong tukuyin ang nararapat mong posisyon. Anong posisyon? Ikaw ay isang nilikha, isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan. Dapat mong tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Ang paggampan mo ng tungkulin ay dapat na pasok sa pamantayan, dapat itong gawin nang ayon sa ikasisiya ng Diyos. Dapat mong patotohanan ang Diyos, ipalaganap ang mga salita ng Diyos, dapat kang maging isang tagapagpatotoo ng Diyos, at magtamo ng kaligtasan. Ito ang panghabambuhay na responsabilidad at obligasyon na tungkulin mong tuparin, pati na rin ang landas na dapat mong piliin. Hindi mo dapat sundin ang masasamang kalakaran ni Satanas at hindi ka dapat maging isang tagapagpalaganap at tagapagpasa ng mga buktot na kaisipan at pananaw. Ang mga taong iyon ay ang mga latak ng sangkatauhan, sila ay masasamang espiritu at maruruming espiritu. Sila ay isinumpa at itinalaga sa walang hanggang pagkapahamak! Kung tatahakin ng isang tao ang landas na iyon at kahit sampung mailap na kabayo ay hindi siya mahila pabalik, makukuha niya ang nararapat sa kanya—hindi siya hahantong sa magandang kahihinatnan. Samakatwid, sa lahat ng oras, dapat mong malaman na ikaw ay isang nilikhang tao, dapat mong malaman kung ano ang nararapat mong posisyon, kung ano ang dapat mong gawin, at kung anong uri ng landas ang dapat mong tahakin. Ito ang pinakamahalagang bagay. Kinakailangan bang magbahagi tungkol sa mga bagay na ito? (Oo.) Ang mga paksang may kinalaman sa mga landas ng mga tao sa buhay ay napakahalaga. Paminsan-minsan, dapat ninyong pakinggan at pagnilayan ang mga ito. Ang paggawa nito ay kapaki-pakinabang at nakatutulong para sa inyong buhay pagpasok at para sa inyong pagtahak sa tamang landas sa buhay—mayroon itong maganda, positibo, at nakabubuting epekto sa mga bagay na ito. Huwag ninyong kalimutan ang mga salitang ito.
Hanggang dito na lang ang pagbabahaginan natin sa araw na ito. Paalam!
Disyembre 30, 2023