Paano Hangarin ang Katotohanan (10) Ikatlong Bahagi
Pagkamaitim ng Budhi
Pag-usapan natin ang isa pang pagpapamalas: ang pagkamaitim ng budhi. Anong uri ng problema ito? (Ito ay problema ng ubod ng samang karakter.) Ang pagkamaitim ng budhi ay nabibilang sa ubod ng samang karakter at ikinakategorya sa ilalim ng pagkatao. Medyo katulad ba ng kabastusan ang pagkamaitim ng budhi? (Oo.) Isa rin itong pagpapamalas ng ubod ng samang karakter. Ang pagkamaitim ng budhi ay nangangahulugan ng pagkilos nang hindi sumusunod sa mga panuntunan, sa palihim na paraan, hindi lamang paggawa ng mga bagay nang walang mga prinsipyo o limitasyon ng konsensiya at moralidad, kundi paggawa rin ng mga bagay sa paraan na labis na kasuklam-suklam at napakababa. Ano ang mga pagpapamalas ng pagkamaitim ng budhi? Halimbawa, may isang taong maitim ang budhi na nakakakita ng isang tao na bumili ng magandang kotse na siya mismo ay hindi kayang bilhin. Habang dumadaan, sa panlabas ay binabati niya ang taong ito, sinasabing, “Ang ganda ng kotse! Ang yaman mo siguro!” Kaaya-ayang pakinggan ang mga salita niya, pero sa sandaling maglakad palayo ang may-ari ng sasakyan, duduraan niya ang kotse—pwe! Hindi ba’t ito ay pagiging maitim ang budhi? (Oo.) Anong klase ng pag-uugali ang pagdura? (Pagiging maitim ang budhi.) Ito ay tinatawag na pagiging maitim ang budhi. Ang pagkamaitim ng budhi ay pagiging sobrang kasuklam-suklam, marumi, at aba—ito ay pagkilos nang kahiya-hiya, na nagsasanhing kutyain at hamakin ka ng iba, ipinaparamdam sa iba na mababa ang karakter mo at na isa kang kahihiyan. Halimbawa, nakikita ng ilang tao na may magandang aso ang kapitbahay nila at naiinggit sila sa loob-loob: “May napakagandang aso ang pamilya nila. Bakit hindi ko binili ang asong iyon?” Kaya, gumagawa sila ng paraan para patayin ang aso, at pagkatapos niyon, tuwang-tuwa sila. Pag-uwi nila, nagdiriwang sila, nagbubukas ng champagne at nagkakaroon ng handaan, pakiramdam nila ay iyon ang pinakamasayang araw nila. Sabihin mo sa Akin, kakila-kilabot ba ang taong ito o hindi? (Kakila-kilabot.) Ito ay pagiging maitim ang budhi. Basta’t may magandang nangyayari sa iba at masaya ang mga ito, hindi sila natutuwa at nag-iisip sila ng mga paraan para sirain ang mga bagay-bagay na nagpapasaya sa iba. Kapag nakikita niya ang iba na nahaharap sa sakuna, natutuwa siya sa kasawian ng mga ito. Napakaitim ng budhi ng gayong mga tao.
Ang mga kaisipan ng mga taong maitim ang budhi ay napakanegatibo. Paanong negatibo ang mga ito? Halimbawa, kapag binigyan mo ang isang tao ng isang bagay, sa mga normal na sitwasyon, dapat siyang makaramdam ng pagpapasalamat, sinasabing, “Napakaganda nito. Dati ay talagang gusto mo ito, pero ngayon, hindi mo na ito kailangan. Hindi mo ito ibinigay sa iba, kundi sa akin mo ito ibinigay kaagad—talagang magkaibigan tayo!” Ang sinumang may konsensiya at katwiran ay mag-iisip nang ganito; positibo niyang aarukin ang ganitong usapin. Pero ang pag-iisip ng mga taong maitim ang budhi ay baluktot. Sasabihin nila sa sarili nila: “Ibinigay mo lang sa akin ito dahil hindi mo na ito kailangan. Kung kailangan mo pa ito, ibibigay mo kaya ito sa akin? Itinatago mo ang magagandang bagay para sa sarili mo at ibinibigay mo sa akin ang mga pangit—sino ba ang may gusto niyon! Itinataboy mo ba ako na parang isang pulubi? Akala mo ba hindi ko alam kung ano ang maganda? Ibinigay mo lang sa akin ito dahil hindi mo na ito kailangan, at inaasahan mo pa rin na maging mapagpasalamat ako. Hangal ba ang tingin mo sa akin?” Kita mo, sa isang napakasimpleng usapin, nag-iisip sila sa isang kasuklam-suklam, marumi, at abang paraan. Ang pagbibigay sa kanila ng isang bagay ay nauuwi pa sa pagkakaroon mo ng problema. Bakit nagdudulot ito sa iyo ng problema? Dahil ang taong binigyan mo ay isang taong maitim ang budhi—isang tao na may mga kasuklam-suklam, marumi, at napakababang kaisipan. Negatibo siyang mag-isip tungkol sa kahit sino. Kapag tinitingnan niya ang iba, hindi niya tinitingnan ang mga ito batay sa mga prinsipyo, ni batay sa karakter o mga prinsipyo ng sariling asal ng taong iyon na matagal na niyang alam mula sa maraming taon ng paggugol ng oras kasama ito. Sa halip, tinitingnan niya ang iba batay sa kanyang sariling mga sukdulan, mapagmatigas na mga kaisipan at pananaw. Ang gayong mga tao ay napakaitim ng budhi. Kung hindi ka makikihalubilo sa kanila o bibigyan sila ng anumang bagay, nananatiling payapa ang mga bagay-bagay. Pero kung talagang makikihalubilo ka sa kanila at tutulungan sila, madalas kang nahuhusgahan at napupuna nila sa huli. Kapag nakikita ka nilang gumagamit ng isang magandang bagay, palagi nilang gusto ang bagay na iyon. Kung hindi mo ito ibibigay sa kanila, iisipin nila na kuripot at maramot ka. Ang gayong mga tao ay napakamapanggulo, at napakahirap nilang pakisamahan. Maaaring hindi nila ito sabihin nang tuwiran, pero sa kaibuturan, nang palihim, palagi silang nakikipagkompetensiya sa iyo, bumubuo ng mga hindi kanais-nais na kaisipan tungkol sa iyo sa puso nila. Sa simpleng pananalita, ang gayong mga tao ay mayroong masagwang puso at masagwang mga kaisipan. Sa palagay Ko, ang salitang “masagwa” ay akma para ilarawan ang mga kaisipan at ang puso ng isang tao bilang marumi—ibig sabihin, hindi sila malinis, hindi positibo, at hindi mabait. Kahit gaano pa kapositibo ang isang bagay, kapag pinag-uusapan nila ito, nagiging negatibong bagay ito. Kahit gaano pa karaming mabubuting bagay ang gawin mo para sa kanila, hindi lamang nila ito hindi pinahahalagahan, kundi minamaliit at pinaparatangan ka pa nila, sinasabing mayroon kang masasamang intensiyon. Kung bibigyan mo sila ng kaunting pakinabang, pagninilayan nila kung sinusubukan mo ba silang samantalahin. Kung maligamgam ang pakikitungo mo sa kanila, iisipin nila na dahil mayaman at makapangyarihan ka, minamaliit mo ang mahihirap. Mararamdaman nila na wala kang pakikipagkapwa-tao, hindi marunong makisama sa mga tao, at hindi mo kayang isaalang-alang ang mga damdamin ng iba. Kung didistansiya ka sa kanila, hindi rin iyon uubra—mayroon pa rin silang masasabi tungkol dito. Ang gayong mga tao ay napakamapanggulo. Paano mo man sila pakisamahan, hinding-hindi mo sila mapapalugod. Hindi mo alam kung ano ang iisipin nila, at hindi mo alam kung anong mga problema ang lilitaw mula sa mga bagay na ginagawa mo nang may mabubuting intensiyon. Kaya, iisa lamang ang paraan para pakitunguhan ang gayong mga tao—umiwas at huwag makipag-ugnayan sa kanila. Kapag nakikipagkaibigan, huwag pumili ng gayong mga tao, dahil napakaitim ng kanilang budhi; ang pakikihalubilo sa kanila ay magdudulot sa iyo ng malaking gulo at matinding pagkabagabag, at ang lahat ng pagkabagabag at gulong ito ay lubos na hindi kinakailangan. Mayroon bang pagkamakatwiran ang mga taong maitim ang budhi? (Wala.) Ano ang ibig sabihin ng wala silang pagkamakatwiran? (Wala silang konsensiya o katwiran, at walang mga moral na hangganan.) Ano ang mga detalye nito? (Hindi nila taglay ang pag-iisip ng mga normal na tao.) Ang hindi pagkakaroon ng pag-iisip ng mga normal na tao ay isang aspekto. Sabihin mo sa Akin, mayroon bang anumang kahihiyan ang gayong mga tao? (Wala.) Wala silang kahihiyan, walang pag-iisip ng normal na pagkatao, at nagsasalita lang sila ng baluktot at walang-katotohanang pangangatwiran. Nakatutok sa pagprotekta sa kanilang sariling mga interes ang kanilang pangangatwiran—lahat ng ito ay baluktot na pangangatwiran. Kung bibigyan mo sila ng isang bagay, sasabihin nilang minamaliit mo sila at binibigyan mo lamang sila ng mga bagay na hindi mo kailangan. Kung hindi mo sila bibigyan ng kahit ano, sasabihin nila na masyado kang maramot. Hindi ba’t baluktot na pangangatwiran ang mga gayong salita? (Oo.) Sadyang hindi nila maarok nang wasto ang mga bagay-bagay at palagi silang nag-iisip sa napakanegatibong paraan—ito ay baluktot na pangangatwiran. Madalas sinasabi ng mga walang pananampalataya na dapat umasal nang makatwiran ang mga tao—kung hindi makatwiran ang isang tao at puro baluktot na pangangatwiran ang sinasalita niya, hindi siya mabuti. Kung may isang tao na nagbibigay sa iyo ng isang bagay, ibig sabihin nito ay may kaunti siyang pagpapahalaga sa iyo; kung hindi niya ito ibibigay sa iyo, matuwid din iyon—maaari niyang ibigay sa kahit sinong gusto niya ang mga pag-aari niya. Kung naghahanap ka pa rin ng kapintasan kapag ibinibigay niya ito sa iyo pero tinatawag mo naman siyang maramot kapag hindi niya ibinibigay, hindi ba’t pagiging wala sa katwiran ito? Hindi ba’t maitim ang budhi ng mga taong gumagawa ng ganitong baluktot na pangangatwiran? (Oo.) Lubhang maitim ang budhi nila! Ang mga taong maitim ang budhi ay walang katwiran, kaya hindi sila tinatablan ng anumang pangangatwiran. Ang pagkilos ayon sa konsensiya at katwiran, o batay sa mga katotohanang prinsipyo, ay sadyang walang katuturan para sa kanila. Medyo katulad ng kabastusan ang pagkamaitim ng budhi, hindi ba? (Oo.) Halimbawa, may ilang tao na gumagastos ng pera para bumili ng isang bagay at palaging nararamdaman na hindi sulit ang presyo, na para bang nalugi sila. Pagkatapos, nagninilay sila, “Sinamantala mo ako, kaya kailangan kong humanap ng paraan para malugi ka—saka ko pa lang mararamdaman sa loob ko ang pagkabalanse.” Ang mga taong gaya nito na kasuklam-suklam at maitim ang budhi ay palaging nagninilay-nilay kung paano pagsamantalahan ang iba. Kung pakiramdam nila ay nalugi sila, ginagawa nilang mahirap ang mga bagay-bagay para sa iba; palagi nilang gustong tiyakin na hindi sila nalulugi, at saka lamang sila nasisiyahan. Kung sinasamantala nila ang ibang tao, nagdiriwang sila at napakasaya nila na nagigising sila nang natatawa mula sa kanilang mga panaginip. Ang halaga ng pera na ginagastos mo para sa isang bagay ay sarili mong pagpili—walang pumilit sa iyo na ibigay sa kanila ang pera mo. Dahil kusang-loob mong binili ito, bakit masama pa rin ang loob mo at sinusubukan mo pa ring samantalahin ang iba at umiwas sa pagkalugi? Hindi ba’t napakaitim ng budhi ng gayong mga tao? (Oo.) Kapag pumupunta sila sa supermarket para mag-grocery at pakiramdam nila ay masyadong mahal ang mga ito, para hindi sila malugi, kumukuha sila ng ilang ekstrang plastic bag. Kung nangyayari ito sa panahon ng Bagong Taon o holiday at namimigay ng mga kalendaryo ang supermarket, kailangan nilang kumuha ng ilan pa, at saka lamang sila nasisiyahan. Kapag sinasamantala nila ang iba, natutuwa sila at naglilibot pa nga habang ipinapangalandakan kung gaano sila kahusay at kagaling. Sabihin mo sa Akin, anong uri ng mentalidad ang taglay ng gayong mga tao? Kahit ano pa ito, palagi nilang sinusukat ang mga bagay-bagay batay sa kung puwede silang makapagsamantala at makaiwas sa pagkalugi. Ang ganitong uri ng kaisipan at pananaw pa lang ay napakamaitim ng budhi at kasuklam-suklam. Siyempre, mayroon ding mapanupil na parte rito, pati na isang masamang parte. Ang gayong mga tao ay mahirap pakitunguhan at mabusisi. Maraming depekto ng pagkatao ang ipinapakita ng gayong mga tao—ang kanilang mga paraan ng pag-iisip, mula sa perspektiba ng pagkatao, ay hindi umaayon sa sentido kumon o sa anumang mga panuntunan ng pag-uugali kahit kaunti, at mas mababa sa batayang pamantayang moral ng normal na pagkatao; siyempre, hindi rin umaayon ang mga ito sa konsensiya at katwiran ng pagkatao. Ang mga ito ay napakabaluktot, napakababa, at napakamapanupil. Hindi ba’t madalas makita ang mga gayong tao sa gitna ng mga grupo ng mga tao? (Oo.) Ang mga taong maitim ang budhi ay may ubod ng samang karakter at napakahirap pakitunguhan. Hangga’t may isang bagay na may kinalaman sa kanilang mga interes, nauukol man ito sa mga materyal na interes o sa kanilang pride at katayuan, mabubunyag ang kanilang pag-asal sa aspektong ito; partikular itong makikita nang malinaw. Magsisimula silang magsalita ng baluktot at walang-katotohanang pangangatwiran, nagiging ganap na hindi tinatablan ng katwiran. Sige na, iyan na lahat para sa ating talakayan tungkol sa mga taong maitim ang budhi.
Pagiging Makasarili
Ang isa pang pagpapamalas ay pagiging makasarili. Mabuti ba ang pagiging makasarili? (Hindi.) Kung gayon, una, sabihin mo sa Akin, likas ba ang pagiging makasarili? (Hindi.) Hindi likas ang pagiging makasarili, kaya anong uri ng problema ito? (Isang depekto ng pagkatao.) (Sa palagay ko, isa itong problema ng karakter.) Dapat ikategorya ang pagiging makasarili batay sa sitwasyon. Ang ilang halimbawa ng pagiging makasarili ay pagpapamalas ng instinto ng tao; ang mga ito ay isang uri ng instinto ng tao, isang karapatang nararapat taglayin ng mga tao, isang karapatan para protektahan ang sariling mga interes. Kung isa itong pagpapamalas ng instinto ng tao, kung gayon, isa itong bagay na dapat taglayin ng mga tao. Ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay pagpapamalas ng pagprotekta sa sariling mga karapatang pantao at pagprotekta sa mga legal na karapatan at mga interes. Ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay makatarungan; hindi ito isang depekto ng pagkatao. Gayumpaman, may isa pang uri ng pagpapamalas na mas seryoso kaysa sa ganitong uri ng pagiging makasarili—kabilang dito ang pamiminsala sa mga interes ng iba, at isa itong depekto ng pagkatao; ito ay umabot na sa antas ng problema ng karakter. Dapat makilatis ang mga isyung ito: kung aling mga pagpapamalas ng pagiging makasarili ang makatarungan, aling mga pagpapamalas ng pagiging makasarili ang isang depekto ng pagkatao, at aling mga pagpapamalas ng pagiging makasarili ang kinapapalooban ng isang problema ng karakter. Kung malinaw na makikita ang mga isyung ito, malalaman ng isang tao kung paano magsagawa ayon sa mga prinsipyo. Halimbawa, nais ng mga tao na alagaan nang mabuti ang sarili nilang buhay, ganap na tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon, at pamahalaan nang maayos ang sarili nila nang hindi inaalala ang iba, pinamamahalaan lang nang maayos ang sarili nila habang hindi nilalabag ang mga interes ng iba—mula sa perspektiba ng pagkatao, isa rin itong uri ng pagiging makasarili, hindi ba? Gayumpaman, mula sa isa pang perspektiba, isa rin itong reaksiyon ng instinto na taglay ng mga tao. Siyempre, isa rin itong likas na karapatan na ibinigay ng Diyos sa mga tao—ibig sabihin, may karapatan kang alagaan muna ang iyong sarili nang hindi inaalala ang iba. Sa pagpapanatili ng sariling buhay mo bilang tao, pinapanatili mo ang sarili mong patuloy na pag-iral. Ito ay makatarungan. Siyempre, mula sa perspektiba ng pagkatao, ang pagmamalasakit lamang sa sarili at hindi pag-aalala sa iba ay isa ring pagpapamalas ng pagiging makasarili. Gayumpaman, ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay isang normal na pagpapamalas ng pagkatao at makatarungan. Bagama’t mula sa perspektiba ng tao, nakikita ito bilang isang depekto ng pagkatao, sa katunayan, hindi ito isang depekto ng pagkatao. Ang pagmamalasakit lamang sa sarili mo—ang makakain nang maayos at makapagdamit para hindi ginawin, paggawa nang maayos sa iyong gawain, pagtupad sa iyong mga obligasyon, at iyon na lahat—nang hindi magawang alagaan ang iba o hindi gustong alagaan ang iba, ay isang karapatang mayroon ka, at isa rin itong instinto na ibinigay sa iyo ng Diyos. Mula sa perspektiba ng mga likas na kondisyon, kung ang isang tao ay hindi man lang marunong mag-alaga ng kanyang sarili, kung wala siyang ganitong likas na instinto, kung gayon, hindi niya natutugunan ang pamantayan ng pagiging isang nasa hustong gulang. Ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay isang instintibong reaksiyon na taglay ng mga tao. Bagama’t sarili lamang nila ang kanilang pinagmamalasakitan, sariling mga karapatan at interes lamang ang pinoprotektahan, sariling mga pangunahing pangangailangan sa pamumuhay lamang ang inaasikaso, pati na ang mga usapin na sakop lamang ng kanilang sariling buhay at gawain, gayumpaman, hangga’t hindi nila nilalabag ang mga interes ng iba, ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay hindi kinokondena. Ang uri ng pagiging makasarili na tunay na umaabot sa antas ng ubod ng samang karakter, lampas sa pagmamalasakit lamang sa sarili, ay kinapapalooban din ng panghihimasok o pamiminsala sa mga interes at karapatan ng iba, nilalabag ang mga karapatang pantao ng iba. Ito ay tunay na pagiging makasarili, at isa itong problema ng ubod ng samang karakter. Para maprotektahan ang iyong sariling interes, reputasyon, katayuan, at pride, ginagawa mo ang lahat para agawin o sapilitang kunin ang mga interes ng iba—inaangkin mo ang mga interes ng iba, isinasaalang-alang lamang ang iyong sarili at hindi ang iba, iniiwan pa ngang walang paraan ang iba para patuloy na umiral—ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay nagpapahiwatig ng ubod ng samang karakter. Halimbawa, sa gabi, kapag natutulog ang lahat, nasasabik ka at hindi ka makatulog, kaya gusto mong kumanta. Habang nadadala ka na sa kanta, nagsisimula kang kumanta nang malakas, nagpapatugtog pa nga ng musika at sumasayaw habang kumakanta. Gumaganda ang iyong lagay ng loob, at masaya ang pakiramdam mo, pero nagigising mo ang lahat, kaya hindi sila makatulog. Ano ang tawag dito? (Pagiging makasarili.) Ang ganitong uri ng pag-uugali ay tinatawag na pagiging makasarili. Nagpapahiwatig ba ang pag-uugaling ito ng ubod ng samang karakter? (Oo.) Bakit nagpapahiwatig ng ubod ng samang karakter ang ganitong pag-uugali? (Dahil hindi nila isinasaalang-alang ang iba, at naaapektuhan nito ang pahinga ng iba.) Para mapasaya ang sarili mo, hindi ka nag-aatubiling isakripisyo ang oras ng pahinga at tulog ng iba, pinipilit ang lahat na samahan ka sa iyong pagkanta at pagsasaya. Para makamit ang sarili mong mga layon at maprotektahan ang sarili mong mga interes, nilalabag mo ang mga interes at karapatan ng iba. Ibig sabihin, ang kondisyon para maprotektahan ang sarili mong mga interes ay ang pagsasakripisyo ng mga interes at karapatan ng iba. Ang ganitong uri ng pagpapamalas ay tinatawag na pagiging makasarili. Ang dahilan kung bakit ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay nagpapahiwatig ng kasuklam-suklam, ubod ng samang karakter ay dahil ang ganitong uri ng pag-uugali ay nakakapinsala sa mga interes ng iba. Gumagamit ka ng mga di-wastong pamamaraan para maprotektahan ang sarili mong mga interes habang pinipinsala at sinisira ang mga interes ng iba—ito ay tinatawag na pagiging makasarili. Halimbawa, kapag sabay-sabay na kumakain ang lahat, ang ilang tao ay iniisip lamang kung makakakuha ba sila ng karne, at kinakain pa nga nila ang mga nakalaang karne para sa iba. Makasarili ba ang mga taong kumakain ng mas maraming karne? (Oo.) Hindi sila wasto sa paraan nila ng pag-asal, isinasaalang-alang lamang ang kanilang sarili at binabalewala ang iba—ito ay tinatawag na pagiging makasarili. Bakit tinatawag na pagiging makasarili ang sitwasyong ito? Bakit itinuturing ito na ubod ng samang karakter? Dahil, upang maprotektahan ang sarili nilang mga interes, pinanghihimasukan nila ang mga interes ng iba, inaagaw ang mga pag-aari ng iba at kinukuha ang mga ito bilang sarili nilang pag-aari. Ito ay tinatawag na pagiging makasarili, at ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay nagpapahiwatig ng kasuklam-suklam na pagkatao at ubod ng samang karakter. Kaya, kung pinoprotektahan mo ang sarili mong mga karapatan at interes sa pamamagitan ng panghihimasok at pamiminsala sa mga interes ng iba, kung gayon, isa kang makasariling tao, isang tao na may ubod ng samang karakter. Maaari ding sabihin na isa kang tao na may masamang pagkatao. Gayumpaman, kung hindi mo napinsala ang mga interes ng iba, hindi mo nawasak o nasira ang mga ugnayan ng iba, at pinagmalasakitan mo lang ang sarili mo nang hindi nag-aalala tungkol sa iba, kung gayon, ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay medyo mapangangatwiranan pa rin. Sa pinakahigit, masasabi na hindi ka masyadong mabait, at na makitid ang isip mo at sarili mo lang ang iniisip mo, pero hindi ka isang masamang tao; hindi ito umaabot sa antas ng ubod ng samang karakter. May pagkakaiba ba sa kalikasan ng dalawang uring ito ng pagiging makasarili? (Oo.) Sa pamamagitan ng pagkilatis sa karakter ng mga tao batay sa antas ng kanilang pagiging makasarili at sa diwa ng kung paano sila kumikilos, makikita na magkaiba ang karakter sa loob ng mga tao—mayroong mga kaibahan.
Hindi kailanman inaalala ng ilang tao ang usapin ng ibang mga tao at tumutuon lamang sila sa sarili nilang mga usapin. Ang gayong mga tao ay maaaring mukhang hindi gaanong mapagmalasakit, hindi masyadong palakaibigan, at hindi gaanong mainit ang pakikisalamuha nila sa iba. Gayumpaman, hindi sila kailanman nagdudulot ng mga kaguluhan, hindi kailanman nag-iimbento ng mga kasinungalingan o tsismis tungkol sa iba, at hindi kailanman nanghihimasok o nang-aagaw ng mga pag-aari ng iba. Siyempre, hindi nila kailanman ibinibigay ang sarili nilang mga pag-aari sa iba. Maaaring magmukha silang napakakuripot at napakamadamot, pero hindi nila kailanman pinipinsala ang mga interes ng iba, at napakamaprinsipyo nila sa kanilang paraan ng pag-asal. Ang gayong mga tao ay may batayang pamantayan, ito ay: “Hindi kita ginagamit para sa sariling pakinabang, at hindi mo dapat isipin na gamitin ako para sa sarili mong pakinabang. Hindi kita kailanman sinasamantala, at hindi mo dapat isipin na samantalahin ako.” Napakamaprinsipyo nila. Bagama’t ang gayong mga tao ay walang pakialam sa iba, hindi masigasig na tumulong sa iba, hindi nakikisalamuha sa iba, at hindi nagpapakita nang labis na pagiging palakaibigan o kasigasigan, hindi nila kailanman pinipinsala ang iba. Kahit pa marami silang gamit, hindi nila ito ibinibigay sa iba. Kapag nakikita nila ang iba na may magagandang bagay, maaaring nakararamdam sila ng inggit o selos minsan, pero wala silang intensiyon na sakim na kuhain ang mga iyon; hindi rin sila lihim na nagsasamantala sa iba, ni hindi sila nanghihimasok sa mga interes ng iba para sa sariling kapakinabangan. Batay sa mga puntong nabanggit sa itaas, hindi sila masamang tao. Kaya, ibig bang sabihin nito na mabuti ang pagkatao nila? Kung mabuti ba o hindi ang pagkatao nila ay nakadepende sa kanilang konsensiya at katwiran, sa kanilang saloobin sa pagtanggap sa katotohanan, at sa kanilang saloobin sa mga positibong bagay—ito ay hiwalay na usapin. Pero kahit papaano, batay sa saloobin at paraang ginagamit nila sa pakikisama nila sa iba, hindi sila mapaminsala sa iba. Sa panlabas, tila napakamakasarili nila, pinagmamalasakitan lamang ang kanilang sarili, namumuhay sa sarili nilang munting mundo, at hindi inaalala ang mga usapin ng iba. Gayumpaman, hindi nila kailanman pinipinsala ang mga interes ng iba, kaya ang kanilang karakter ay maituturing na katanggap-tanggap. Ibig sabihin, kapag nakikisalamuha ka sa kanila o mayroon kang materyal o panlipunang mga pakikipagpalitan sa kanila, kahit papaano, hindi nila pipinsalain ang mga interes mo. Kung hihingan mo sila ng payo o ng ilang ideya, tutulungan ka nila, pero kung hindi ka hihingi, hindi sila magkukusang mag-abot ng tulong. Batay sa pagpapamalas na ito, ang gayong mga tao ay maaaring mukhang mailap, pero batay sa katunayan na hindi nila kailanman sinasamantala ang iba o pinipinsala ang mga interes ng iba, mayroon pa rin silang pagkatao at sila ay medyo disente. Tumpak at obhetibo ba ang ganitong pagtingin dito? (Oo.) Samakatwid, hindi lahat ng makasariling tao ay masasamang tao o mga taong may mababang karakter. Dapat mo ring tingnan kung ang pagiging makasarili nila ay umabot na ba sa punto ng pamiminsala sa mga interes ng iba o pang-aagaw sa mga pag-aari ng iba, pati na kung ano ang mga prinsipyo nila sa pag-asal at pakikitungo sa mundo, ano ang diwa ng kanilang karakter, at kung mayroon ba silang mga limitasyon at prinsipyo sa pag-asal. Ang ilang tao, sa panlabas, ay tila napakamapagbigay at mapagmalasakit sa kanilang pakikisama sa iba. Nagbibigay din sila sa iba, tumutulong sa iba, at gumagawa ng mga bagay-bagay para sa iba. Kung kailangan mo ng tulong sa isang bagay, hangga’t nakikita nila iyon, nag-aabot sila ng tulong nang hindi mo na kailangan pang manghingi. Batay sa mga pagpapamalas na ito, mukhang napakabait nila. Gayumpaman, kung sasalungatin mo sila o hindi sinasadyang gumawa ka ng isang bagay na nakakapinsala sa kanilang mga interes, tumatanggi silang palampasin ito, nagkikimkim sila ng sama ng loob, inuungkat ang mga dating kamalian, at hindi nagpapahinga hanggang sa madurog ka nila. Ang mga ito ay masasamang tao—mas masahol sa pagkatao kaysa sa mga taong mukhang makasarili sa panlabas. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Sa gitna ng mga tao, alin sa dalawang uring ito ang mas karaniwan? Aling uri ang pinapaboran ninyo? Hindi gusto ng karamihan ng tao ang mga taong walang pakialam at makasarili. Ang ilang tao, kapag nakikita ka nilang nahihirapan, ay magkukusang-loob na tumulong. Kahit hindi ka magpatulong, titingnan pa rin nila kung kailangan mo ng tulong. Kung kailangan mo, tutulungan ka nila. Ang gayong mga tao ay may pagmamahal sa iba at may inklinasyon na magbigay at tumulong sa iba. Ang iba naman, kapag nakikita nilang nahihirapan ka, ay hindi magkukusang tumulong, pero basta’t magsasalita ka at hihingi ng tulong sa kanila, tutulong pa rin sila. Bagama’t medyo pasibo ang mga gayong tao, hindi pa rin sila masama at maituturing sila na mabubuting tao. May isa pang uri ng tao—kahit gaano pa kalaki ang paghihirap na kinakaharap mo, hindi siya tutulong. Kahit na humingi ka ng tulong sa kanya, hahanap siya ng mga dahilan at katwiran para tumanggi. Ang ganitong uri ng tao ang pinakamakasarili. Madalas sinasabi ng ilang tao sa panlabas na, “Kung kailangan mo ng anumang tulong, sabihin mo lang.” Kapag walang nangyayari, tila napakamapagmalasakit, maagap, at positibo nila. Pero kapag talagang humingi ka na ng tulong sa kanila para sa isang bagay, pagkatapos nilang tumulong, nagsisimula silang magparinig tungkol sa kabayaran para sa ginawa nila, sinasabi ang mga bagay tulad ng, “Gumastos ako nang ganito kalaking pera sa pagbibigay ng mga regalo sa amo ko para sa bagay na iyon.” Kita mo, sa panlabas ay mukha silang mapagmalasakit, nag-aalok na magbigay ng mga serbisyo at gumawa ng mga bagay para sa iyo nang walang anumang hinihinging kapalit. Pero pagkatapos nilang tumulong, hinding-hindi mo ganap na masusuklian ang personal na pabor. Kaylihim na mapanira ng gayong mga tao! Dapat ka bang makihalubilo sa mga gayong tao? (Hindi.) Sadyang hindi Ako nakikihalubilo sa gayong mga tao. Matamis silang magsalita, nagpapakita ng labis na pagmamalasakit at pagsasaalang-alang. Nagsasabi sila ng mga kaaya-ayang bagay sa harapan mo, pero gumagawa naman ng masasamang bagay sa iyong likuran. Wala silang anumang prinsipyo sa kanilang ginagawa; sila ay mga nakangiting tigre lamang, nagkukubli ng mga punyal sa likod ng kanilang mga ngiti. Kapag walang nangyayari, palagi silang tumatawa at nakikipagbiruan sa iyo, umaakto na para bang sobrang lapit ninyo sa isa’t isa. Pero kapag talagang kailangan mo ang tulong nila, hindi sila mahanap. Kahit sa mga bagay na napakadali para sa kanila na gawin, hahanap sila ng mga dahilan at palusot para maiwasan ang mga ito. Kahit isa itong bagay na nangangailangan ng kaunting paggugol ng lakas, humihingi pa rin sila ng mga personal na pabor mula sa iyo. Kapag may ginagawa sila para sa iyo, mag-iisip sila ng lahat ng uri ng paraan para masuklian mo sila. Hinding-hindi mo magagawang ganap na masuklian ang personal na pabor na ito. Sa kabilang banda, ang mga taong sa panlabas ay tila napakalamig at mukhang napakamakasarili ay madalas na may mga limitasyon sa kung paano sila umasal at napakametikuloso nila sa kanilang mga kilos. Bagama’t maaaring hindi sila masyadong magiliw sa iyo, hinding-hindi sila magpapakana laban sa iyo. Kung talagang hihingin mo ang tulong nila para sa isang bagay, tiyak na gagawin nila iyon nang napakaseryoso. Pagkatapos, kung susuklian mo sila ng maliit na pabor o ng isang materyal na bagay, tatratuhin nila ito nang maayos. Gayumpaman, kung hindi mo sila bibigyan ng kahit ano, hindi rin sila hihingi sa iyo ng kahit ano, ni hindi nila paulit-ulit na babanggitin ito para humingi ng mga pabor o kabayaran. Ang gayong mga tao ay tunay; kung ano ang ipinapakita nila sa panlabas ay ganoon din sila mismo sa panloob. Gayumpaman, madalas na walang may gusto sa gayong mga tao, sinasabi na sila ay makasarili, mahirap pakisamahan, malamig, at walang pakikipagkapwa-tao, at ayaw nilang magkaroon ng anumang pakikipag-ugnayan sa mga ito. Sa katunayan, ang ilan sa mga taong ito ay may disenteng pagkatao. Tumingin kayo sa paligid ninyo at alamin kung sino ang ganitong uri ng tao. Bagama’t hindi sila mahusay magsalita, medyo malamig ang personalidad nila, at sa panlabas ay mukhang wala silang pakikipagkapwa-tao at hindi marunong kung paano makibahagi o magsimula ng kuwentuhan sa iba, sila ay napakamaprinsipyo sa kanilang pag-asal. Bagama’t maaaring hindi sila masyadong mabait, walang masamang hangarin sa puso nila; sa pinakamababa, wala silang masasamang intensiyon laban sa karamihan ng tao. Kung ano ang ipinapakita nila sa panlabas ay siya ring mismong nasa loob nila. Hindi sila gumagamit ng mga taktika o pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo para kunin ang loob ng mga tao. Simple ang gayong mga tao. Ganoon ba ang kaso? (Oo.) Kaya ngayon, hindi ba’t mayroon na kayong batayan sa kung paano ninyo dapat tratuhin nang wasto ang mga makasariling tao? Sa anong batayan ninyo sila dapat tratuhin? Hindi ito puwedeng nakabatay sa iyong mga damdamin o kagustuhan, ni sa kung gusto mo ba ang mga taong ito o hindi, kung nakakasundo mo ba sila, kung matulungin o kapaki-pakinabang ba sila sa iyo, o sa saloobin nila sa iyo—hindi ito puwedeng nakabatay sa mga ito. Sa halip, dapat nakabatay ito sa kanilang karakter, sa kanilang pagkataong diwa, at sa saloobin nila sa mga tao, sa katotohanan, at sa mga positibong bagay. Nakabatay ito sa mga salik na ito kung paano mo dapat tratuhin ang mga makasariling tao. Kung tunay nga silang masasamang tao, harapin mo sila nang naaayon. Kung mukha silang makasarili sa panlabas pero hindi naman masama ang kanilang pagkatao, hindi mo sila dapat tratuhin bilang masasamang tao o mga taong may masamang pagkatao. Kahit hindi mo gusto ang mga taong ito o kung hindi sila mahusay sa pakikihalubilo sa iba o pagpapanatili ng mga ugnayan, hindi mo sila puwedeng ituring bilang masasamang tao o bilang mga taong walang pagkatao dahil lang sa mukha silang makasarili sa panlabas. Ito ay maling palagay sa mga taong ito. Kaya ngayon, hindi ba’t may prinsipyo ka na sa kung paano tratuhin ang mga makasariling tao? Hindi ito maaaring gawing pangkalahatan; sa halip, dapat nakabatay ito sa kanilang pagkataong diwa at sa saloobin nila sa katotohanan at sa kanilang tungkulin, at sa saloobin nila sa pag-asal—ito ang prinsipyo ng kung paano mo sila dapat tratuhin. Iyon na lahat para sa ating pagbabahaginan tungkol sa isyu ng pagiging makasarili.