Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 19 (Ikaapat na Bahagi)

Bukod pa sa pagkakaroon ng mga ekspektasyong ito mula sa mga anak na nasa hustong gulang na, mayroon ding hinihingi ang mga magulang sa sarili nilang mga anak na karaniwan sa lahat ng magulang sa buong mundo, na sana ay maging mabuting anak ang mga ito at tratuhin nang maayos ang kanilang mga magulang. Siyempre, mayroong mga mas partikular na hinihingi sa kanilang mga anak ang ilang etnikong grupo at rehiyon. Halimbawa, bukod sa pagiging mabuting anak sa mga magulang, kinakailangan din nilang alagaan ang kanilang mga magulang hanggang kamatayan at isaayos ang libing ng mga ito, manirahan kasama ang mga ito pagtuntong nila sa hustong gulang, at maging responsable para sa mga kabuhayan ng mga ito. Ito ang huling aspekto ng mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak na ating tatalakayin ngayon—ang paghingi na maging mabuting anak ang mga ito at alagaan sila sa kanilang pagtanda. Hindi ba’t ito ang totoong intensiyon ng lahat ng magulang sa pagkakaroon ng mga anak, at ang pangunahing hinihingi nila sa kanilang mga anak? (Oo, ganoon na nga.) Tinatanong ng mga magulang ang kanilang mga anak habang bata pa ang mga ito at hindi pa nakakaunawa ng mga bagay-bagay: “Kapag malaki ka na at kumikita ng pera, kanino mo ito gagastusin? Gagastusin mo ba ito para kay nanay at tatay?” “Opo.” “Gagastusin mo ba ito para sa mga magulang ni tatay?” “Opo.” “Gagastusin mo ba ito para sa mga magulang ni nanay?” “Opo.” Gaano kalaking pera ang maaaring kitain ng isang anak sa kabuuan? Kailangan niyang suportahan ang kanyang mga magulang, ang magkabilang pares ng lolo at lola, at maging ang kanilang malalayong kamag-anak. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mabigat na pasanin ito para sa isang bata, hindi ba’t kapus-palad sila? (Oo.) Kahit na nagsasalita sila nang inosente at walang muwang gaya ng ginagawa ng mga bata, at hindi nila alam kung ano talaga ang kanilang sinasabi, sumasalamin ito sa isang partikular na realidad, na pinapalaki ng mga magulang ang kanilang mga anak nang may layon, at ang layong iyon ay hindi dalisay o simple. Habang masyado pang bata ang kanilang mga anak, nagsisimula nang magtakda ng mga hinihingi ang mga magulang at palagi nilang sinusubok ang kanilang mga anak, tinatanong: “Paglaki mo, susuportahan mo ba si nanay at tatay?” “Opo.” “Susuportahan mo ba ang mga magulang ni tatay?” “Opo.” “Susuportahan mo ba ang mga magulang ni nanay?” “Opo.” “Sino ang pinakagusto mo?” “Si nanay ang pinakagusto ko.” Pagkatapos ay nagseselos ang ama, “Paano naman si tatay?” “Si tatay ang pinakagusto ko.” Nagseselos naman ang ina, “Sino ba talaga ang pinakagusto mo?” “Si nanay at tatay.” At doon ay nasisiyahan na ang parehong magulang. Sinisikap nilang maging mabuting anak ang kanilang mga anak samantalang halos kakasimula pa lang matutong magsalita ang mga ito, at umaasa sila na tatratuhin sila nang maayos ng kanilang mga anak paglaki ng mga ito. Bagamat hindi pa malinaw na maipapahayag ng mga batang ito ang kanilang sarili at wala pa silang gaanong nauunawaan, nais pa rin ng mga magulang na makarinig ng isang pangako sa mga sagot ng kanilang mga anak. Kasabay nito, nais din nilang makita ang kanilang sariling kinabukasan sa kanilang mga anak at umaasa sila na ang mga anak na pinapalaki nila ay hindi magiging walang utang na loob, kundi ay magiging mabubuting anak na magpapakaresponsable para sa kanila, at higit pa rito, magiging mga anak na maaasahan nila, at susuporta sa kanila sa kanilang pagtanda. Bagamat tinatanong na nila ang mga katanungang ito mula pa noong bata pa ang kanilang mga anak, hindi ito mga simpleng katanungan lamang. Ang mga ito ay ganap na mga hinihingi at inaasam na umuusbong mula sa kaibuturan ng puso ng mga magulang na ito, mga napakatunay na hinihingi at inaasam. Kaya, sa sandaling makaunawa ng mga bagay-bagay ang kanilang mga anak, umaasa ang mga magulang na kapag nagkasakit sila, ang kanilang mga anak ay makakapagpakita ng malasakit, mananatili sa tabi ng kanilang kama at aalagaan sila, kahit na iyon ay pagsasalin lang ng tubig para makainom sila. Bagamat walang gaanong magagawa ang mga anak, hindi makakapagbigay ng pinansiyal o mas praktikal na tulong ang mga ito, kahit papaano man lang ay dapat makapagpakita ang mga ito ng ganitong pagkamabuting anak. Gusto ng mga magulang na makita ang ganitong pagkamabuting anak habang bata pa ang kanilang mga anak, at kumpirmahin ito paminsan-minsan. Halimbawa, kapag hindi maganda ang pakiramdam ng mga magulang o pagod sila sa trabaho, tinitingnan nila kung alam ng kanilang mga anak na dalhan sila ng inumin, dalhan sila ng mga sapatos, labhan ang kanilang mga damit, o ipagluto sila ng simpleng pagkain, kahit pa ito ay pritong itlog at kanin lamang, o kung tatanungin ba sila ng mga ito na, “Pagod ba kayo? Kung oo, hayaan ninyong ipagluto ko kayo ng makakain.” May mga magulang na umaalis tuwing may okasyon at sadyang hindi bumabalik sa oras ng kainan para maghanda ng pagkain, para lang makita nila kung ang kanilang mga anak ay lumaki na at naging matino, kung alam ba ng mga ito na ipagluto sila, kung alam ba ng mga ito na maging mabuti at maalalahaning anak, kung kaya bang makihati ng mga ito sa kanilang mga paghihirap, o kung ang mga ito ba ay mga walang-pusong ingrata, kung sa wala lang ba nauwi ang pagpapalaki nila sa mga ito. Habang lumalaki ang kanilang mga anak, at kahit na nasa hustong gulang na ang mga ito, palaging sinusubok ng mga magulang ang mga ito at palagi nilang inuusisa ang tungkol sa bagay na ito, at kasabay nito, palagi silang may hinihingi sa kanilang mga anak, “Hindi ka dapat maging isang walang-pusong ingrata. Bakit ka nga ba namin pinalaki bilang mga magulang mo? Ito ay upang alagaan mo kami pagtanda namin. Sa wala lang ba nauwi ang pagpapalaki namin sa iyo? Hindi mo kami dapat suwayin. Hindi naging madali para sa amin na palakihin ka. Mabigat na trabaho iyon. Dapat kang maging maalalahanin at dapat alam mo ang mga bagay na ito.” Lalo na sa tinatawag na yugto ng pagrerebelde, na ibig sabihin, sa pagtuntong ng isang binatilyo o dalagita sa hustong gulang, may mga anak na hindi gaanong matino o maunawain, at madalas silang sumusuway sa kanilang mga magulang at nagsasanhi ng gulo. Ang kanilang mga magulang ay umiiyak, gumagawa ng eksena, at nanunumbat, sinasabing, “Hindi mo alam kung gaano kami naghirap para alagaan ka noong maliit ka pa! Hindi namin akalain na magiging ganito ka paglaki mo, hindi mabuting anak, hindi marunong makihati sa pagpasan sa mga gawaing bahay o sa mga paghihirap namin. Hindi mo alam kung gaano kahirap ang lahat ng ito para sa amin. Hindi ka isang mabuting anak, pasaway ka, hindi ka isang mabuting tao!” Bukod sa pagiging galit sa kanilang mga anak dahil sa pagiging suwail o pagpapakita ng radikal na pag-uugali sa pag-aaral o pang-araw-araw na buhay ng mga ito, ang isa pang dahilan ng kanilang galit ay ang hindi nila makita ang kanilang sariling kinabukasan sa kanilang mga anak, o nakikita nila na hindi magiging mabuting anak ang mga ito sa hinaharap, na ang mga ito ay hindi maalalahanin at hindi naaawa sa kanilang mga magulang, na wala sa puso ng mga ito ang kanilang mga magulang, o sa mas tumpak na pananalita, hindi alam ng mga ito kung paano maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Kaya, sa tingin ng mga magulang, hindi sila makakaasa sa mga ganitong anak: Maaaring walang utang na loob o suwail ang mga anak na ito, at nagdadalamhati ang kanilang mga magulang, nakakaramdam na nasayang ang kanilang mga ipinuhunan at ginastos para sa kanilang mga anak, na nadehado sila, na hindi ito sulit, at na pinagsisisihan nila ito, kaya nalulungkot sila, nababagabag, at nagdadalamhati. Pero hindi na nila mababawi ang kanilang ginastos, at habang mas hindi nila ito nababawi, mas lalo silang nagsisisi, mas lalo nilang iginigiit na maging mabuting anak ang kanilang mga anak, sinasabing, “Hindi ba pwedeng maging mas mabuting anak ka kahit kaunti? Hindi ba pwedeng mas magpakatino ka? Hindi ka ba namin maaasahan paglaki mo?” Halimbawa, sabihin nating kailangan ng mga magulang ng pera, at wala silang sinasabi tungkol dito, pero nag-uuwi ang kanilang mga anak ng perang iyon para sa kanila. Ipagpalagay natin na gustong kumain ng mga magulang ng karne o ng masarap at masustansiyang pagkain, at wala silang sinasabi tungkol dito, pero nag-uuwi ang kanilang mga anak ng pagkaing iyon para sa kanila. Talagang maalalahanin ang mga anak na iyon sa kanilang mga magulang—gaano man sila kaabala sa trabaho o gaano man kabigat ang mga sarili nilang pasanin sa pamilya—palagi nilang iniisip ang kanilang mga magulang. Kapag nagkagayon, iisipin ng kanilang mga magulang na, “Ah, maaasahan ang anak ko, malaki na siya sa wakas, sulit lang ang lahat ng pagod na iginugol ko sa pagpapalaki sa kanya, sulit lang ang perang ginastos ko para sa kanya, nakikita naming naibabalik ang aming ipinuhunan.” Subalit, kung may anumang gagawin ang kanilang mga anak na medyo mas mababa sa inaasahan ng mga magulang, huhusgahan nila iyon batay sa kung gaano kabuting anak ang mga ito, tinutukoy na ang kanilang mga anak ay hindi mabuting anak, hindi maaasahan, walang utang na loob, at na nauwi sa wala ang pagpapalaki nila sa mga ito.

May mga magulang din na paminsan-minsang abala sa trabaho o sa pag-aasikaso ng mga gawain, at pag-uwi nila nang medyo gabi ay nalalaman nilang nagluto ng hapunan ang kanilang mga anak pero hindi sila ipinagtabi ng pagkain. Ang mga kabataang ito ay hindi pa umaabot sa tamang edad, maaaring hindi nila ito naiisip o nakagawiang gawin, o may ilang tao na sadyang walang pagkatao, at hindi marunong magpakita ng konsiderasyon o malasakit sa iba. Maaaring naimpluwensiyahan din sila ng kanilang mga magulang, o maaaring likas na makasarili ang kanilang pagkatao, kaya’t nagluluto at kumakain sila nang hindi nagtitira ng pagkain para sa kanilang mga magulang o nagluluto nang may sobra. Kapag umuwi na ang mga magulang at nakita nila ito, nasasaktan sila at nakakaramdam sila ng sama ng loob. Ano ang ikinasasama ng loob nila? Iniisip nila na ang kanilang mga anak ay hindi mabubuting anak at hindi rin matitino. Lalo na pagdating sa mga dalagang ina: Mas lalong sumasama ang loob nila kapag nakikita nilang umaasal nang ganito ang kanilang mga anak. Nagsisimula silang umiyak at sumigaw, “Sa tingin mo ba naging madali para sa akin na palakihin ka sa loob ng maraming taon? Ako ang naging ama at ina mo, ang nagpalaki sa iyo sa buong panahong ito. Nagtatrabaho ako nang husto, at pag-uwi ko, hindi mo man lang ako ipinagluluto ng hapunan. Kahit isang mangkok man lang ng lugaw, kahit pa nga hindi iyon mainit, magiging isa pa rin iyong magandang tanda ng iyong pagmamahal. Bakit hindi mo ito maintindihan sa edad mong iyan?” Hindi sila nakakaintindi at hindi sila kumikilos nang nararapat, pero kung wala kang ganitong inaasahan sa kanila, magagalit ka ba nang todo? Seseryosohin mo ba ang usaping ito? Ituturing mo ba itong batayan ng pagiging mabuting anak? Kung hindi ka nila ipagluto, pwede mo namang ipagluto ang sarili mo. Kung wala sila, hindi ba’t kailangan mo pa rin namang patuloy na mabuhay? Kung hindi sila mabuting anak sa iyo, hindi ba’t dapat ay hindi mo na lang sila ipinanganak? Kung hindi talaga sila kailanman matututo kung paano ka pahalagahan at alagaan sa buong buhay nila, ano ang dapat mong gawin? Dapat mo bang ituring ang usaping ito nang tama o dapat ka bang magalit, sumama ang loob, at magsisi tungkol dito, palaging makipag-away sa kanila? Ano ang tamang gawin? (Harapin nang tama ang bagay na ito.) Sa kabuuan, hindi mo pa rin alam kung ano ang gagawin. Sa huli, sinasabi mo na lang sa mga tao, “Huwag kang mag-anak. Pagsisisihan mo ang bawat batang isisilang mo. Walang maganda sa pagkakaroon ng anak, o sa pagpapalaki sa kanila. Palagi na lang silang lumalaking mga walang-pusong ingrata! Mas mainam pang maging mabuti sa sarili mo at huwag nang umasa kahit kanino. Walang sinumang maaasahan! Sinasabi ng lahat na maaasahan ang mga anak, ngunit ano ba ang maaasahan mo? Parang mas maaasahan ka pa nila. Tinatrato mo sila nang maayos sa maraming iba’t ibang paraan, pero kapalit nito, iniisip nila na ang kaunti pang kabaitan nila sa iyo ay isa nang napakalaking kabutihan, at na katumbas na ito ng pagtrato sa iyo nang tama.” Mali ba ang pahayag na ito? Isa ba itong uri ng opinyon, isang uri ng kaisipan at pananaw na umiiral sa lipunan? (Oo.) “Sinasabi ng lahat na ang pagpapalaki ng mga anak ay makakatulong sa pagtutustos sa mga pangangailangan mo pagtanda mo. Ni hindi nga madali na magawa silang ipagluto ka, lalo na ang tustusan ka pagtanda mo. Huwag ka nang umasa!” Anong uri ng pahayag ito? Hindi ba’t puro pagmamaktol lang ito? (Oo, ganoon na nga.) Paano nagkakaroon ng ganitong pagmamaktol? Hindi ba’t ito ay dahil masyadong mataas ang mga ekspektasyon ng mga magulang mula sa kanilang mga anak? Mayroon silang mga pamantayan at hinihingi sa kanilang mga anak, iginigiit nila na ang mga ito ay maging mabuting anak, maalalahanin, masunurin sa bawat sabihin nila paglaki ng mga ito, at na gawin ng mga ito ang anumang kinakailangan para maging mabuting anak, at gawin kung ano ang dapat gawin ng mga anak. Sa sandaling itakda mo ang mga hinihingi at pamantayang ito, imposible na para sa iyong mga anak na matugunan ang mga ito kahit ano pa ang gawin nila, at mapupuno ka ng pagmamaktol at magkakaroon ka ng napakaraming reklamo. Anuman ang gawin ng iyong mga anak, magsisisi kang ipinanganak mo sila, mararamdaman mong mas maraming kawalan kaysa pakinabang at walang naibabalik sa ipinuhunan mo. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Hindi ba’t ito ay dahil mali ang layon mo sa pagpapalaki ng mga anak? (Oo.) Tama ba o mali na magkaroon ng mga ganitong kahihinatnan? (Mali ito.) Mali na magkaroon ng mga ganitong kahihinatnan, at malinaw na ang pangunahin mong layon sa pagpapalaki ng mga anak ay mali rin. Ang pagpapalaki ng mga anak ay isa nang responsabilidad at obligasyon ng mga tao. Noong simula, ito ay likas na udyok ng tao, at kalaunan ay naging isa nang obligasyon at responsabilidad. Ang mga anak ay hindi kinakailangang maging mabuting anak sa kanilang mga magulang o sumuporta sa kanilang mga magulang sa pagtanda ng mga ito, at hindi naman ibig sabihin na dapat lamang mag-anak ang mga tao kung mabubuting anak ang mga ito. Ang mismong pinagmulan ng layong ito ay marumi, kaya sa huli ay inaakay nito ang mga tao na ipahayag ang ganitong uri ng maling kaisipan at pananaw: “Hay naku, huwag kang magpalaki ng mga anak, anuman ang gawin mo.” Dahil marumi ang layon, mali rin ang mga ibinubunga nitong kaisipan at pananaw. Kaya, hindi ba’t kailangang ituwid at bitiwan ang mga ito? (Oo.) Paano dapat bitiwan at ituwid ng isang tao ang mga ito? Anong klaseng layon ang dalisay? Anong uri ng kaisipan at pananaw ang tama? Sa madaling salita, ano ang tamang paraan ng pangangasiwa sa ugnayan ng isang tao sa kanyang mga anak? Una sa lahat, ang pagpapalaki ng mga anak ay sarili mong pasya, kusang-loob mo silang ipinanganak, at sila ay pasibo sa pagkakapanganak sa kanila. Maliban sa gampanin at responsabilidad na ibinigay ng Diyos sa mga tao na magkaanak, at maliban sa ordinasyon ng Diyos, para sa mga magulang, ang kanilang pansariling dahilan at pinagsisimulan ay na handa silang mag-anak. Kung handa kang magkaanak, dapat mo silang palakihin at alagaan hanggang umabot sila sa hustong gulang, na magbibigay-kakayahan sa kanila na matutong makapagsarili. Handa kang magkaanak, at marami ka nang nakamit mula sa pagpapalaki sa kanila—lubos kang nakinabang. Una sa lahat, nasiyahan ka sa masasayang panahon kasama ang mga anak mo, at nasiyahan ka rin sa proseso ng pagpapalaki sa kanila. Bagamat may mga tagumpay at kabiguan sa prosesong ito, kadalasan ay puno ito ng kaligayahan ng pagsasama ninyo ng mga anak mo, na isang kinakailangang proseso sa pagkatao. Natamasa mo ang mga bagay na ito, at marami ka nang nakamit mula sa iyong mga anak, hindi ba? Ang mga anak ay naghahatid ng kaligayahan at nagbibigay ng makakasama sa kanilang mga magulang, at sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga at paggugol ng oras at lakas, ang mga magulang ang nakakasaksi na unti-unting lumaki ang mumunting buhay na ito hanggang sa umabot na sa hustong gulang. Mula sa isang walang kamalayan at batang buhay na walang anumang nalalaman, ang kanilang mga anak ay unti-unting natututong magsalita, nagkakaroon ng kakayahang pagsama-samahin ang mga salita, natututunan at natutukoy ang kaibahan ng iba’t ibang uri ng kaalaman, nakakausap at nakakaugnayan ang kanilang mga magulang, at natitingnan ang mga bagay-bagay mula sa pantay na paninindigan. Ito ang uri ng prosesong pinagdaraanan ng mga magulang. Para sa kanila, hindi mapapalitan ng anumang iba pang pangyayari o tungkulin ang prosesong ito. Natamasa at nakamit na ng mga magulang ang mga bagay na ito mula sa kanilang mga anak, na isang malaking kaginhawahan at gantimpala para sa kanila. Sa katunayan, mula pa lamang sa pagkakaroon at pagpapalaki ng mga anak, marami ka nang nakamit mula sa kanila. Pagdating naman sa kung magiging mabuting anak ba sila sa iyo, kung makakaasa ka ba sa kanila bago ka pumanaw, at kung ano ang maaari mong makuha mula sa kanila, ang mga bagay na ito ay nakasalalay sa kung nakatadhana ba kayong mamuhay nang magkasama, at ito ay nakasalalay sa ordinasyon ng Diyos. Sa isa pang aspekto, sa kung anong uri ba ng kapaligiran namumuhay ang iyong mga anak, ang kanilang mga kalagayan sa pamumuhay, kung mayroon ba sila ng mga kakailanganin para maalagaan ka, kung sila ba ay maginhawa sa pinansiyal na aspekto, at kung mayroon ba silang sobrang pera para mabigyan ka ng materyal na kasiyahan at tulong, ay nakasalalay ring lahat sa ordinasyon ng Diyos. Bukod pa rito, bilang mga magulang, kung kapalaran mo bang magtamasa ng mga materyal na bagay, pera, o emosyonal na kaginhawahan na ibinibigay sa iyo ng iyong mga anak, ito rin ay nakasalalay sa ordinasyon ng Diyos. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Ang mga ito ay hindi mga bagay na maaaring hingin ng mga tao. Alam mo, may mga anak na hindi gusto ng kanilang mga magulang, at ayaw ng kanilang mga magulang na manirahan kasama sila, subalit inorden ng Diyos na manirahan sila kasama ang kanilang mga magulang, kaya hindi nila magawang maglakbay nang malayo o iwan ang kanilang mga magulang. Makakasama nila ang kanilang mga magulang sa buong buhay nila—hindi mo maitataboy ang mga ito kahit pa subukan mo. Sa kabilang dako naman, may mga anak na may mga magulang na gustong-gusto silang makasama; hindi sila mapaghihiwalay, palagi silang nangungulila sa isa’t isa, ngunit sa iba’t ibang kadahilanan, hindi nila magawang tumira sa kaparehong lungsod ng kanilang mga magulang, o maging sa kaparehong bansa. Mahirap para sa kanila na makita at makausap ang isa’t isa; kahit na labis nang umunlad ang mga pamamaraan ng komunikasyon, at maaari namang makapag-video chat, iba pa rin ito sa pamumuhay araw-araw nang magkasama. Ang kanilang mga anak, sa anumang kadahilanan, ay nangingibang-bansa, nagtatrabaho o namumuhay sa ibang lugar pagkatapos mag-asawa, at kung ano-ano pa, at napakalaking distansiya ang layo nila sa kanilang mga magulang. Hindi madaling makipagkita kahit isang beses lang, at nakadepende sa oras ang pagtawag sa telepono o video. Dahil sa pagkakaiba ng oras o iba pang abala, hindi nila madalas na makausap ang kanilang mga magulang. Sa anong bagay may kaugnayan ang mga pangunahing aspektong ito? Hindi ba’t ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa ordinasyon ng Diyos? (Oo.) Hindi ito isang bagay na mapagdedesisyunan ng mga pansariling kahilingan ng alinman sa magulang o anak; higit sa lahat, nakasalalay ito sa ordinasyon ng Diyos. Sa isa pang aspekto, inaalala ng mga magulang kung makakaasa ba sila sa kanilang mga anak sa hinaharap. Ano ang nais mong asahan mula sa kanila? Ang maghatid ng tsaa at magsalin ng tubig? Anong klaseng pagdepende iyan? Hindi mo ba iyon kayang gawin nang ikaw lang? Kung malusog ka at kaya mong kumilos at alagaan ang iyong sarili, na gawin ang lahat nang mag-isa, hindi ba’t maganda iyon? Bakit kailangan mo pang umasa sa iba na paglingkuran ka? Talaga bang isang kaligayahan na matamasa ang pag-aaruga at pagiging naroon ng iyong mga anak, pati na rin ang paglilingkod nila sa iyo kapwa sa hapag-kainan at sa iba pang gawain? Hindi lagi. Kung hindi ka makakilos, at talagang kinakailangan nilang paglingkuran ka sa hapag-kainan at sa ibang gawain, iyon ba ay kaligayahan para sa iyo? Kung makakapili ka, pipiliin mo bang maging malusog at hindi mangailangan ng aruga mula sa iyong mga anak, o pipiliin mo bang maging paralisado sa kama habang kasama mo ang iyong mga anak sa tabi mo? Alin ang pipiliin mo? (Ang maging malusog.) Hindi hamak na mas magandang maging malusog. Kung mabubuhay ka man hanggang 80, 90, o kahit 100 taon, kaya mo pa ring patuloy na alagaan ang sarili mo. Isa itong magandang kalidad ng buhay. Bagamat tumatanda ka man, bumabagal man ang iyong pang-unawa, mahina man ang iyong memorya, humihina ka mang kumain, mas mabagal man at hindi na gaanong maayos ang paggawa mo sa mga bagay-bagay, at hindi na gaanong komportable ang paglabas, maganda pa rin na kaya mong asikasuhin ang iyong sariling mga pangunahing pangangailangan. Sapat na ang makatanggap ng tawag mula sa iyong mga anak paminsan-minsan para kumustahin ka nila o na umuwi sila at samahan ka kapag may mga okasyon. Bakit ka hihingi ng mas marami pa sa kanila? Palagi kang umaasa sa iyong mga anak; magiging masaya ka lang ba kapag naging alipin mo sila? Hindi ba’t makasarili na isipin mo ang ganoon? Palagi mong hinihingi na maging mabuting anak ang iyong mga anak at na maasahan mo sila—ano nga ba ang aasahan mo? Umasa ba sa iyo ang mga magulang mo? Kung hindi man lang umasa sa iyo ang mga magulang mo, bakit mo iniisip na dapat kang umasa sa sarili mong mga anak? Hindi ba’t iyon ay pagiging hindi makatwiran? (Oo.)

Tungkol sa usapin ng pag-asam ng mga magulang na maging mabuting anak sa kanila ang kanilang mga anak, sa isang aspekto, dapat malaman ng mga magulang na ang lahat ng bagay ay pinamamatnugutan ng Diyos at nakasalalay sa ordinasyon ng Diyos. Sa isa pang aspekto, dapat maging makatwiran ang mga tao, at sa pagsilang sa kanilang mga anak, likas na nararanasan ng mga magulang ang isang espesyal na bagay sa buhay. Marami na silang nakamit mula sa kanilang mga anak at nagawa na nilang pahalagahan ang mga kalungkutan at kagalakan sa pagiging magulang. Ang prosesong ito ay isang makabuluhang karanasan sa kanilang buhay, at siyempre, isa rin itong hindi malilimutang karanasan. Pinupunan nito ang mga pagkukulang at kamangmangan na nasa kanilang pagkatao. Bilang mga magulang, nakamit na nila ang nararapat nilang makamit sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Kung hindi sila kontento rito at hinihingi nilang pagsilbihan sila ng kanilang mga anak bilang mga katulong o alipin, at kung umaasam sila na susuklian sila ng kanilang mga anak para sa pagpapalaki sa mga ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang, pag-aalaga sa kanila sa kanilang pagtanda, paghatid sa kanila sa libingan nila, paglalagay sa kanila sa kabaong, pagpapanatili sa katawan nila para hindi ito mabulok sa bahay, pag-iyak nang labis kapag pumanaw na sila, pagdadalamhati at pagluluksa para sa kanila sa loob ng tatlong taon, atbp., na magagamit ng kanilang mga anak para mabayaran ang pagkakautang ng mga ito, kung gayon, nagiging hindi makatwiran at hindi makatao ito. Alam mo, pagdating sa kung paano tinuturuan ng Diyos ang mga tao na tratuhin ang kanilang mga magulang, hinihingi lamang Niya na maging mabuting anak sila sa kanilang mga magulang, at hindi Niya hinihingi kahit kaunti na suportahan ng mga anak ang kanilang mga magulang hanggang sa kamatayan. Hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng ganitong responsabilidad at obligasyon—wala Siyang sinabing ganito kahit kailan. Pinapayuhan lamang ng Diyos ang mga anak na maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Ang pagpapakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang ay isang pangkalahatang pahayag na may malawak na saklaw. Sa partikular na pananalita ngayon, nangangahulugan ito ng pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa abot ng iyong kakayahan at mga kalagayan—sapat na iyon. Ganoon lang iyon kasimple, iyon lamang ang hinihingi sa mga anak. Kaya, paano dapat maunawaan ng mga magulang ito? Hindi hinihingi ng Diyos na “Ang mga anak ay dapat maging mabuting anak sa kanilang mga magulang, alagaan sila sa pagtanda, at ihatid sila sa huling hantungan.” Kaya naman, dapat na bitiwan ng mga magulang ang kanilang pagiging makasarili at huwag umasa na sa kanila iikot ang lahat ng bagay tungkol sa kanilang mga anak dahil lang sila ang nagsilang sa mga ito. Kung ang buhay ng mga anak ay hindi umiikot sa kanilang mga magulang at hindi nila itinuturing na sentro ng kanilang buhay ang mga ito, hindi tamang palagi silang pagalitan, konsensiyahin, at sabihan ng kanilang mga magulang ng mga bagay tulad ng “Wala kang utang na loob, hindi ka mabuting anak, at suwail ka, at kahit matapos kitang palakihin nang napakahabang panahon, hindi pa rin kita maasahan,” palaging pinagagalitan ang kanilang mga anak nang ganito at binibigyan ang mga ito ng mga pasanin. Ang hingin sa kanilang mga anak na maging mabuting anak at samahan sila, alagaan sila sa kanilang pagtanda at ilibing sila, at palagi silang isipin saanman magpunta ang mga ito, ay isang likas na maling paraan ng pagkilos at hindi makataong kaisipan at ideya. Ang ganitong pag-iisip ay maaaring umiral sa magkakaibang antas sa iba’t ibang bansa o sa iba’t ibang etnikong pangkat, ngunit kung titingnan ang tradisyonal na kultura sa Tsina, lubusang binibigyang-diin ng mga Tsino ang pagiging mabuting anak. Magmula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, palagi itong tinatalakay at binibigyang-diin bilang isang parte ng pagkatao ng mga tao at isang pamantayan ng pagsukat kung ang isang tao ay mabuti ba o masama. Siyempre, mayroon ding isang karaniwang kaugalian at pampublikong opinyon sa lipunan na kung hindi mabuting anak ang mga anak, mapapahiya rin ang kanilang mga magulang, at mararamdaman ng mga anak na hindi nila kayang tiisin ang bahid na ito sa kanilang reputasyon. Sa ilalim ng impluwensiya ng iba’t ibang bagay, lubha ring nalalason ang mga magulang ng ganitong tradisyonal na pag-iisip, hinihingi nila nang walang pag-iisip o pagkilatis na maging mabuting anak ang kanilang mga anak. Ano ang silbi ng pagpapalaki ng mga anak? Hindi ito para sa sarili mong mga pakay, kundi isang responsabilidad at obligasyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Ang isang aspekto ay na ang pagpapalaki ng mga anak ay kabilang sa likas na gawi ng tao, habang ang isa pang aspekto ay na isa itong parte ng responsabilidad ng tao. Nagpapasya kang mag-anak dahil sa likas na gawi at responsabilidad, hindi para maghanda sa iyong pagtanda at para maalagaan ka kapag matanda ka na. Hindi ba’t tama ang pananaw na ito? (Oo.) Maiiwasan ba ng mga taong walang anak ang pagtanda? Talaga bang nangangahulugan na magiging miserable ang isang tao sa pagtanda? Hindi naman palagi, hindi ba? Maaari pa ring mabuhay hanggang sa katandaan ang mga taong walang anak, at ang ilan pa nga ay malusog, masaya sa kanilang mga huling taon sa buhay, at mapayapang pumapanaw. Tiyak bang magtatamasa ng kaligayahan at kalusugan sa kanilang mga huling taon sa buhay ang mga taong may anak? (Hindi naman palagi.) Kung gayon, ang kalusugan, kaligayahan, at sitwasyon sa pamumuhay ng mga magulang na nasa katandaan na, pati na rin ang kalidad ng kanilang materyal na buhay, ay wala talagang gaanong kinalaman sa pagiging mabuting anak sa kanila ng kanilang mga anak, at walang direktang kaugnayan sa pagitan ng dalawa. Ang iyong sitwasyon sa pamumuhay, kalidad ng buhay, at pisikal na kondisyon sa pagtanda ay may kaugnayan sa kung ano ang inorden ng Diyos para sa iyo at sa kapaligirang isinasaayos Niyang pamuhayan mo, at walang direktang kaugnayan ang mga ito sa kung mabuting anak ba ang iyong mga anak o hindi. Hindi obligasyon ng iyong mga anak na pasanin ang responsabilidad para sa iyong sitwasyon sa pamumuhay sa iyong katandaan. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Kaya, anuman ang saloobin ng mga anak sa kanilang mga magulang, kung sila man ay handang alagaan ang mga ito, pabasta-bastang inaalagaan ang mga ito, o talagang ayaw na alagaan ang mga ito, ito ay saloobin nila bilang mga anak. Isantabi muna natin sa ngayon ang pagsasalita mula sa perspektiba ng mga anak, bagkus ay magsalita tayo mula lamang sa perspektiba ng mga magulang. Hindi dapat hingin ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay dapat maging mabuting anak, alagaan sila sa kanilang pagtanda, at pasanin ang pagsuporta sa kanila pagtanda nila—hindi ito kinakailangang gawin. Sa isang aspekto, ito ay isang saloobin na dapat mayroon ang mga magulang sa kanilang mga anak, at sa isa pang aspekto, ito ang dignidad na dapat taglayin ng mga magulang. Siyempre, mayroon ding mas mahalagang aspekto: Ito ang prinsipyo na dapat sundin ng mga magulang bilang mga nilikha pagdating sa pagtrato sa kanilang mga anak. Kung ang mga anak mo ay maasikaso, mabubuting anak, at handang alagaan ka, hindi mo sila kailangang tanggihan; kung ayaw naman nilang gawin ito, hindi mo kailangang magreklamo o dumaing buong araw, hindi ka dapat mabalisa o madismaya sa puso mo, o magtanim ng sama ng loob sa iyong mga anak. Dapat kang umako ng responsabilidad at dalhin ang pasanin para sa sarili mong buhay at pananatiling buhay hangga’t kaya mo, at hindi mo ito dapat ipasa sa iba, lalo na sa iyong mga anak. Dapat mong maagap at wastong harapin ang buhay na hindi kasama ang iyong mga anak at wala ang tulong nila, at kahit malayo ka pa sa mga anak mo, kaya mo pa ring haraping mag-isa ang anumang idinudulot sa iyo ng buhay. Siyempre, kung nangangailangan ka ng napakahalagang tulong mula sa iyong mga anak, maaari mo itong hingin sa kanila, ngunit hindi ito dapat nakabatay sa ideya na kailangang maging mabuting anak sa iyo ang iyong mga anak o na kailangan mong umasa sa kanila. Sa halip, dapat na harapin ng magkabilang panig ang paggawa ng mga bagay-bagay para sa isa’t isa mula sa perspektiba ng pagtupad ng kanilang mga responsabilidad, upang makatwirang mapangasiwaan ang ugnayan ng magulang at anak. Siyempre, kung ang magkabilang panig ay makatwiran, binibigyan ng kalayaan ang isa’t isa, at nirerespeto ang isa’t isa, sa huli, sila ay tiyak na mas matiwasay at mas maayos na magkakasundo, pahahalagahan ang pagmamahalang ito ng pamilya, at pahahalagahan ang kanilang pag-aaruga, pagmamalasakit, at pagmamahal sa isa’t isa. Siyempre, ang paggawa sa mga bagay na ito nang batay sa respeto at pag-unawa sa isa’t isa ay mas makatao at nararapat. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Kapag nagagawang harapin at isakatuparan nang tama ng mga anak ang kanilang mga responsabilidad, at bilang magulang nila ay hindi ka na humihingi sa iyong mga anak ng anumang labis-labis o hindi kinakailangan, makikita mo na ang lahat ng ginagawa nila ay natural at normal lang, at iisipin mo na magandang bagay ito. Hindi mo na sila tatratuhin nang mapanuri tulad ng dati, kung saan sa tingin mo ay hindi kanais-nais, mali, o hindi sapat ang anumang ginagawa nila para mabayaran ang pagkakautang nila sa pagpapalaki sa kanila. Sa halip, haharapin mo ang lahat ng bagay nang may tamang saloobin, magpapasalamat ka sa Diyos dahil nakasama mo ang iyong mga anak at naging mabuting anak sila sa iyo, at iisipin mong disente naman ang iyong mga anak, at na sila ay makatao. Kahit pa hindi ka samahan ng iyong mga anak at hindi sila maging mabuting anak sa iyo, hindi mo sisisihin ang Diyos, at hindi mo rin pagsisisihan ang pagpapalaki mo sa kanila, at lalo nang hindi mo sila kamumuhian. Sa madaling salita, napakahalaga para sa mga magulang na harapin nang tama ang anumang saloobin ng kanilang mga anak patungkol sa kanilang sarili. Ang tamang pagharap dito ay nangangahulugan ng hindi paghingi ng anumang labis-labis sa kanilang mga anak, hindi pag-asal nang sobra-sobra sa mga ito, at lalong hindi pagbibigay ng anumang hindi makatao o negatibong pagpuna o mga panghuhusga sa anumang ginagawa ng mga ito. Sa ganoong paraan, magsisimula kang mamuhay nang may dignidad. Bilang magulang, ayon sa sarili mong abilidad, mga kondisyon, at siyempre, ayon sa ordinasyon ng Diyos, dapat mong tamasahin ang anumang ibinibigay sa iyo ng Diyos, at kung wala Siyang ibinibigay sa iyo, dapat ka ring magpasalamat sa Diyos at magpasakop sa Kanya. Hindi mo dapat ikumpara ang iyong sarili sa iba, sabihing “Tingnan mo ang pamilya ni kuwan, napakabuti ng kanilang anak, palagi niyang ipinapasyal ang kanyang mga magulang at nagbabakasyon sila sa timog. Sa tuwing umuuwi sila, andami nilang bag na iba’t iba ang laki. Napakabuti ng anak nila! Tingnan mo ang anak nila, isa siyang taong maaasahan nila. Kailangan mong magpalaki ng ganoong anak para may mag-aalaga sa iyo sa pagtanda mo. Ngayon, tingnan mo ang anak namin: Umuuwi siya nang walang dalang kahit ano at hindi niya kami binibilhan kailanman ng kahit anong bagay; bukod sa wala siyang dala, madalang pa nga siyang umuwi. Kung hindi ko siya tatawagan, hindi siya uuwi. Pero kapag nakauwi na siya, ang gusto lang niya ay pagkain at inumin, at ayaw man lang niyang magtrabaho.” Dahil ganoon ang nangyayari, huwag mo na lang siyang tawagan para umuwi. Kung tatawagan mo siya para umuwi, hindi ba’t hinihiling mo lang na maging miserable? Alam mo naman na kung uuwi siya, kakain at iinom lang siya nang libre, kaya bakit mo pa siya tatawagan? Kung wala kang anumang motibo para gawin ito, tatawagan mo pa ba siya para umuwi? Hindi ba’t ito ay dahil lang sa nagpapakababa ka at nagiging makasarili? Gusto mong palaging umasa sa kanya, umaasa kang hindi nasayang ang pagpapalaki mo sa kanya, umaasa ka na ang anak na pinalaki mo mismo ay hindi isang walang-pusong ingrata. Gusto mong palaging patunayan na ang anak na pinalaki mo ay hindi isang walang-pusong ingrata, na siya ay isang mabuting anak. Ano ba ang silbi na patunayan ito? Hindi mo ba kayang ipamuhay nang maayos ang sarili mong buhay? Hindi mo ba kayang mabuhay nang walang anak? (Kaya.) Kaya mong patuloy na mabuhay. Napakaraming halimbawa na tulad nito, hindi ba?

Ang ilang tao ay kumakapit sa isang bulok at makalumang kuru-kuro, sinasabing, “Hindi mahalaga kung ang mga tao ay nag-aanak ba para maging mabuting anak ang mga ito sa kanila at kung mabuti ba sa kanila ang kanilang mga anak habang buhay pa sila, ngunit kapag namatay sila, dapat silang ihatid ng kanilang mga anak sa kabaong. Kung wala sa kanilang tabi ang kanilang mga anak, walang makakaalam kapag namatay sila, at mabubulok ang katawan nila sa kanilang bahay.” Ano naman kung walang makaalam? Kapag namatay ka, patay ka na, at hindi mo na namamalayan ang anumang bagay. Kapag patay na ang iyong katawan, agad itong nililisan ng iyong kaluluwa. Saan man naroroon ang katawan o anuman ang hitsura nito pagkatapos mamatay, hindi ba’t patay na talaga ito? Kahit nasa kabaong pa ito sa isang marangyang libingan at ilibing sa lupa, mabubulok pa rin ang katawang ito, hindi ba? Iniisip ng mga tao, “Ang pagkakaroon ng mga anak sa tabi mo para ilagay ka sa kabaong, para suutan ka ng kasuotang panglibing, para lagyan ka ng makeup, at maghanda ng isang marangyang libingan ay isang dakilang bagay. Kung mamamatay ka nang walang sinumang maghahanda ng iyong libing o maghahatid sa iyo sa libingan, para bang ang buong buhay mo ay hindi nagkaroon ng wastong pagwawakas.” Tama ba ang ideyang ito? (Hindi.) Sa panahon ngayon, hindi na masyadong binibigyang-pansin ng mga kabataan ang mga ganitong bagay, pero mayroon pa ring mga tao sa mga liblib na lugar at mga nakatatanda na makitid ang pang-unawa, na nagtataglay ng kaisipan at pananaw na malalim na nakatanim sa kanilang puso—na dapat alagaan ng mga anak ang kanilang mga magulang pagtanda ng mga ito at ihatid ang mga ito sa libingan. Gaano ka man magbahagi tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap—ano ang huling kahihinatnan nito? Ang kahihinatnan ay lubos silang magdurusa. Matagal nang nakatago sa loob nila ang tumor na ito, at lalasunin sila nito. Kung huhukayin nila ito at tatanggalin, hindi na sila malalason nito, at magiging malaya na ang kanilang buhay. Ang anumang maling pagkilos ay dulot ng mga maling kaisipan. Kung natatakot silang mamatay at mabulok sa kanilang bahay, palagi nilang iisipin na, “Kailangan kong magkaroon ng anak. Paglaki ng anak ko, hindi ko siya pwedeng hayaang masyadong lumayo. Paano kung wala siya sa tabi ko kapag namatay ako? Kung walang mag-aalaga sa akin sa pagtanda ko o maghahatid sa akin sa libingan, iyon ang magiging pinakamalaking pagsisisi ko sa buhay! Kung mayroong gagawa nito para sa akin, hindi magiging walang saysay ang buhay ko. Magiging isang perpektong buhay ito. Anuman ang mangyari, hindi pwedeng pagtawanan lang ako ng mga kapitbahay ko.” Hindi ba’t isa itong bulok na ideolohiya? (Oo, ganoon na nga.) Ito ay makitid na pag-iisip at kababaang-uri, masyado nitong binibigyang-importansiya ang pisikal na katawan! Ang totoo, ang pisikal na katawan ay walang halaga: Pagkatapos maranasan ang kapanganakan, katandaan, karamdaman, at kamatayan, wala nang natitira. Kapag nakamit ng mga tao ang katotohanan habang nabubuhay sila, kapag sila ay naligtas, ay saka lang sila mabubuhay magpakailanman. Kung hindi mo nakamit ang katotohanan, kapag namatay at naaagnas na ang katawan mo, wala nang matitira; kahit gaano pa kabuti sa iyo ang mga anak mo, hindi mo na ito matatamasa. Kapag namatay ang isang tao at inilibing siya ng kanyang mga anak nang nasa isang kabaong, may mararamdaman bang anuman ang lumang katawang iyon? Mapapansin ba nito ang anumang bagay? (Hindi.) Wala itong anumang pandama. Pero sa buhay, masyadong binibigyang-importansiya ng mga tao ang usaping ito, malaki ang hinihingi nila mula sa kanilang mga anak pagdating sa kung maihahatid ba sila ng mga ito sa libingan—na isang kahangalan, hindi ba? (Oo.) Sinasabi ng ibang anak sa kanilang mga magulang na, “Nananampalataya kami sa Diyos. Habang buhay pa kayo, magiging mabuting anak kami sa iyo, aalagaan ka namin, at pagsisilbihan ka namin. Pero kapag namatay ka na, hindi kami maghahanda ng libing mo.” Kapag narinig ito ng mga magulang, nagagalit sila. Hindi sila nagagalit sa anumang ibang bagay na sabihin mo, pero sa sandaling banggitin mo ito, sumasabog sila, sinasabing, “Ano ang sinabi mo? Ikaw na walang galang, babaliin ko ang mga binti mo! Mas mabuti pa sana kung hindi kita ipinanganak—papatayin kita!” Hindi sila nababagabag sa anumang ibang sabihin mo, dito lang. Sa buong buhay nila, nagkaroon ng maraming pagkakataon ang kanilang mga anak para tratuhin sila nang maayos, pero iginiit nilang ihatid sila ng mga ito sa libingan. Dahil nagsimula nang manampalataya sa Diyos ang kanilang mga anak, sinabi ng mga ito sa kanila, “Kapag namatay ka, hindi kami magdaraos ng seremonya para sa iyo: Ipapa-cremate ka namin at maghahanap kami ng lugar na paglalagyan noong lalagyan ng abo. Habang buhay ka pa, hahayaan ka naming tamasahin ang aming presensiya, at bibigyan ka namin ng pagkain at damit, at hindi ka namin hahayaang maagrabyado.” Hindi ba’t makatotohanan ito? Ang sagot ng mga magulang, “Walang halaga ang mga iyan. Ang gusto ko ay maghanda kayo ng libing para sa akin kapag namatay na ako. Kung hindi mo ako aalagaan sa aking pagtanda at ihahatid sa libingan, hindi ko ito palalampasin!” Kapag ganito kahangal ang isang tao, hindi niya kayang maintindihan ang ganoon kasimpleng pangangatwiran, at gaano mo man iyon ipaliwanag sa kanya, hindi pa rin niya kayang makaunawa—para siyang isang hayop. Kaya, kung hinahangad mo ang katotohanan, bilang magulang, unang-una ay dapat mong bitiwan ang mga tradisyonal, bulok, at mababang-uring kaisipan at pananaw tungkol sa kung ang mga anak mo ba ay mabuting anak, kung aalagaan ka ba nila sa iyong pagtanda, at kung ihahatid ka ba nila sa libingan, at dapat mong harapin nang tama ang usaping ito. Kung talagang mabuti sa iyo ang iyong mga anak, tanggapin mo ito sa wastong paraan. Pero kung wala sa iyong mga anak ang mga kondisyon, enerhiya, o pagnanais na maging mabuting anak sa iyo, at pagtanda mo ay hindi ka nila maalagaan sa tabi mo o maihatid sa iyong libingan, hindi mo kailangang hingin ito o maging malungkot. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. May oras para sa kapanganakan, may lugar para sa kamatayan, at inorden ng Diyos kung saan isisilang ang mga tao at kung saan sila mamamatay. Kahit pa pangakuan ka ng iyong mga anak ng anumang bagay, sabihing, “Kapag namatay ka, siguradong naroroon ako sa tabi mo; hinding-hindi kita bibiguin,” hindi pinamatnugutan ng Diyos ang mga ganitong sitwasyon. Kapag malapit ka nang mamatay, maaaring wala sa tabi mo ang iyong mga anak, at kahit gaano sila magsikap na makauwi agad, maaaring hindi na sila umabot—hindi ka nila makikita sa huling pagkakataon. Maaaring tatlo hanggang limang araw na mula sa iyong huling hininga, at nabubulok na ang iyong katawaan, at saka lang sila makakauwi. May silbi pa ba ang kanilang mga pangako? Ni hindi nila magawang maging panginoon ng sarili nilang buhay. Sinabi Ko na ito sa iyo, pero hindi ka lang naniniwala. Iginigiit mo na mangako sila. May silbi ba ang kanilang mga pangako? Pinalulugod mo lang ang iyong sarili gamit ang mga ilusyon, at iniisip mo na kayang panindigan ng mga anak mo ang kanilang mga pangako. Sa tingin mo ba talaga ay kaya nila? Hindi nila kaya. Bawat araw, kung saan sila pupunta at ano ang gagawin nila, pati na rin ang kinabukasan nila—sila mismo ay hindi alam ang mga ito. Sa totoo lang, nagsisilbing panlilinlang sa iyo ang kanilang mga pangako, binibigyan ka nito ng huwad na kapanatagan, at pinaniniwalaan mo ang mga ito. Hindi mo pa rin maarok na nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng isang tao.

Kung gaano katagal na itinadhanang magkasama ang mga magulang at ang kanilang mga anak, at kung gaano karami ang makakamit nila mula sa kanilang mga anak—tinatawag ito ng mga hindi mananampalataya na “pagtanggap ng tulong” o “hindi pagtanggap ng tulong.” Hindi natin alam kung ano ang ibig sabihin nito. Sa huli, kung makakaasa ba ang isang tao sa kanyang mga anak, sa simpleng pananalita, ay pauna nang itinakda at inorden ng Diyos. Hindi naman sa para bang ang lahat ng bagay ay nagaganap nang ayon mismo sa nais mo. Siyempre, gusto ng lahat na maging maayos ang mga bagay-bagay at makinabang sila mula sa kanilang mga anak. Pero bakit hindi mo kailanman inisip kung nakatadhana ka ba para doon, kung nakasulat ba ito sa iyong tadhana? Kung hanggang kailan magtatagal ang ugnayan ninyo ng mga anak mo, kung magkakaroon ba ng koneksiyon sa iyong mga anak ang anumang trabahong gawin mo sa buhay, kung isinaayos ba ng Diyos na makilahok sa mahahalagang pangyayari sa buhay mo ang mga anak mo, at kung makakasama ba ang mga anak mo kapag dumanas ka ng isang mahalagang pangyayari sa buhay—ang lahat ng ito ay nakasalalay sa ordinasyon ng Diyos. Kung hindi ito inorden ng Diyos, pagkatapos mong palakihin ang mga anak mo hanggang sa hustong gulang, kahit pa hindi mo sila paalisin sa bahay, pagdating ng panahon ay kusa silang aalis. Isa itong bagay na kailangang maunawaan ng mga tao. Kung hindi mo kayang maunawaan ang bagay na ito, palagi kang kakapit sa mga pansarili mong ninanasa at hinihingi, at magtatatag ka ng iba’t ibang panuntunan at tatanggap ng iba’t ibang ideolohiya alang-alang sa sarili mong pisikal na kasiyahan. Ano ang mangyayari sa huli? Matutuklasan mo kapag namatay ka na. Marami kang nagawang kahangalan sa buhay mo, at marami kang naisip na hindi makatotohanang bagay na hindi umaayon sa mga katunayan o sa ordinasyon ng Diyos. Hindi ba’t magiging masyado nang huli para mapagtanto ang lahat ng ito sa iyong huling sandali? Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Samantalahin mo na habang nabubuhay ka pa at hindi pa magulo ang utak mo, habang kaya mo pang makaunawa ng ilang positibong bagay, at kaagad na matanggap ang mga ito. Ang pagtanggap sa mga ito ay hindi nangangahulugang ginagawa mong ideolohikal na teorya o sawikain ang mga ito, kundi ay sinusubukan mong gawin ang mga bagay na ito at isagawa ang mga ito. Unti-unti mong bitiwan ang sarili mong mga ideya at mga makasariling ninanasa, at huwag mong isipin na, bilang isang magulang, ang anumang ginagawa mo ay tama at katanggap-tanggap, o na dapat itong tanggapin ng mga anak mo. Hindi umiiral ang ganitong uri ng pangangatwiran kahit saan sa mundo. Ang mga magulang ay tao—ang kanilang mga anak ba ay hindi tao? Ang mga anak ay hindi mo mga aksesorya o alipin; sila ay mga nilikhang nakapagsasarili—ano ang kinalaman sa iyo kung mabuti ba silang anak o hindi? Kaya, kahit anong uri ka ng magulang, kahit ilang taon na ang mga anak mo, o kung ang mga anak mo ay umabot na ba sa edad kung saan nagiging mabuting anak na sila sa iyo o sa edad na nakapagsasarili na sila sa pamumuhay, bilang magulang, dapat mong gamitin ang mga ideyang ito at itatag ang mga tamang kaisipan at pananaw ng pagtrato sa iyong mga anak. Hindi ka dapat umasta nang labis-labis, at hindi mo rin dapat sukatin ang lahat ayon sa mga mali, napakababa, o makalumang kaisipan at pananaw. Ang mga kaisipan at pananaw na iyon ay maaaring tumutugma sa mga kuru-kuro ng tao, mga interes ng tao, at sa mga pisikal at emosyonal na pangangailangan ng tao, ngunit ang mga iyon ay hindi ang katotohanan. Iniisip mo man na nararapat o hindi nararapat ang mga ito, ang mga bagay na ito ay magdudulot lamang ng iba’t ibang problema at pasanin sa iyo sa huli, magkukulong sa iyo sa iba’t ibang suliranin, at magtutulak sa iyong magpakita ng iyong pagkamainitin ng ulo sa iyong mga anak. Ipapahayag mo ang iyong pangangatwiran, ipapahayag nila ang kanila, at sa huli, pareho ninyong kamumuhian at sisisihin ang isa’t isa. Hindi na aakto bilang pamilya ang pamilya: Hindi na kayo magkakasundo at magiging magkaaway kayo. Kung tatanggapin ng lahat ang katotohanan at ang mga tamang kaisipan at pananaw, magiging madaling harapin ang mga usaping ito, at malulutas ang mga pagsasalungatan at alitan na nagmumula sa mga ito. Gayunpaman, kung igigiit nila ang mga tradisyonal na kuru-kuro, bukod sa hindi malulutas ang mga problemang ito, lalalim pa ang kanilang mga pagsasalungatan. Ang tradisyonal na kultura ay hindi isang pamantayan mismo sa pagsusuri sa mga usapin. May kinalaman ito sa pagkatao, at ang mga bagay na may kinalaman sa laman tulad ng pagmamahal ng mga tao, mga makasariling ninanasa, at ang pagkamainitin ng ulo ay sangkot din dito. Siyempre, mayroon ding isang bagay na pinakamahalaga sa tradisyonal na kultura, iyon ay ang pagpapaimbabaw. Ginagamit ng mga tao ang pagiging mabuting anak ng sarili nilang mga anak upang mapatunayan na tinuruan nila nang mabuti ang mga ito at na nagtataglay ang mga ito ng pagkatao; gayundin, ginagamit ng mga anak ang pagiging mabuting anak sa kanilang mga magulang upang patunayan na hindi sila mga taong walang utang na loob, kundi mga mapagpakumbaba at disenteng ginoo at binibini, at sa gayon ay nagkakaroon sila ng posisyon sa iba’t ibang lahi at grupo sa lipunan at ginagamit nila ito bilang kanilang paraan para mabuhay. Ito ang likas na pinakamapagpaimbabaw at pinakamahalagang aspekto sa loob ng tradisyonal na kultura, at hindi ito isang pamantayan sa pagsusuri ng mga bagay-bagay. Samakatuwid, pagdating sa mga magulang, dapat nilang bitiwan ang mga hinihingi nilang ito mula sa kanilang mga anak at gamitin ang mga tamang kaisipan at pananaw para tratuhin ang kanilang mga anak at tingnan ang mga saloobin ng kanilang mga anak sa kanilang sarili. Kung hindi mo taglay o nauunawaan ang katotohanan, kahit papaano man lang ay dapat mo itong tingnan mula sa perspektiba ng pagkatao. Paano ito titingnan ng isang tao mula sa perspektiba ng pagkatao? Hindi madali ang buhay ng mga anak na namumuhay sa lipunang ito, sa iba’t ibang grupo, posisyon sa trabaho, at antas sa lipunan. May mga bagay na kinakailangan nilang harapin at asikasuhin sa iba’t ibang kapaligiran. Mayroon silang sarili nilang buhay at isang tadhanang itinakda ng Diyos. Mayroon din silang sarili nilang mga pamamaraan para mabuhay. Siyempre, sa modernong lipunan, napakatindi ng mga kagipitang ipinapataw sa sinumang taong nakapagsasarili. Nahaharap siya sa mga problemang may kinalaman sa pananatiling buhay, ugnayan sa pagitan ng mga nakatataas at mas mababa, at mga problemang may kinalaman sa mga anak, at iba pa—matindi ang panggigipit ng lahat ng ito. Para naman maging patas, hindi ito madali para kaninuman. Lalo na sa magulo at mabilisang takbo ng pamumuhay ngayon, na puno ng kompetisyon at madugong labanan kahit saan, hindi madali ang buhay ninuman—sa halip, mahirap ang buhay ng bawat isa. Hindi Ko na tatalakayin kung paano ito nangyari. Sa pamumuhay sa ganitong kapaligiran, kung ang isang tao ay hindi nananampalataya sa Diyos at hindi gumaganap ng kanyang tungkulin, wala na siyang landas na tatahakin. Ang tanging landas niya ay ang hangarin ang mundo, panatilihing buhay ang kanyang sarili, patuloy na makibagay sa mundong ito, at makipaglaban para sa kanyang kinabukasan at pananatiling buhay anuman ang mangyari para lang mairaos niya ang bawat araw. Sa katunayan, masakit para sa kanya ang bawat araw, at nahihirapan siya araw-araw. Samakatuwid, kung bukod dito ay hihingin pa ng mga magulang sa kanilang mga anak na gawin ang ganito at ganyan, walang dudang palalalain lang nito ang sitwasyon, sisirain at pahihirapan ang kanilang katawan at isipan. Ang mga magulang ay may sarili nilang mga samahan sa lipunan, pamumuhay, at kapaligiran sa pamumuhay, at mayroon ding sarili nilang kapaligiran at lugar sa pamumuhay ang mga anak, pati na rin sitwasyon sa buhay. Kung masyadong makikialam ang mga magulang o labis-labis silang hihingi sa kanilang mga anak, hihilingin sa mga ito na gawin ang ganito at ganyan para sa kanila upang mabayaran ang mga pagsisikap nila noon alang-alang sa kanilang mga anak; kung titingnan mo ito mula sa perspektibang ito, labis itong hindi makatao, hindi ba? Paano man namumuhay o nananatiling buhay ang kanilang mga anak, o anuman ang mga suliraning kinakaharap ng mga ito sa lipunan, walang responsabilidad o obligasyon ang mga magulang na gumawa ng anuman para sa kanila. Kaya, dapat ding iwasan ng mga magulang na dumagdag ng anumang problema o pasanin sa komplikadong buhay o mahirap na sitwasyon sa pamumuhay ng kanilang mga anak. Ito ang dapat gawin ng mga magulang. Huwag kang masyadong humingi sa iyong mga anak, at huwag mo silang masyadong sisihin. Dapat mo silang tratuhin nang makatarungan at patas, at dapat mong isaalang-alang ang kanilang sitwasyon nang may pang-unawa. Siyempre, dapat ding pangasiwaan ng mga magulang ang sarili nilang buhay. Rerespetuhin ng mga anak ang mga ganitong magulang, at magiging karapat-dapat respetuhin ang mga ito. Bilang magulang, kung nananampalataya ka sa Diyos at ginagawa mo ang iyong mga tungkulin, anumang tungkulin ang ginagawa mo sa sambahayan ng Diyos, hindi ka magkakaroon ng oras na isipin ang mga bagay tulad ng paghinging maging mabuting anak ang mga anak mo o pagsandal sa kanila para suportahan ka sa iyong pagtanda. Kung mayroon pa ring mga taong ganito, hindi sila mga tunay na mananampalataya, at lalong hindi sila mga naghahangad sa katotohanan. Sila ay pawang mga taong magugulo lang ang isip at mga hindi mananampalataya. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Kung abala ang mga magulang, kung mayroon silang mga tungkuling gagawin at abala sila sa gawain, lalong hindi nila dapat banggitin kung ang kanilang mga anak ay mabuting anak ba o hindi. Kung palagi itong binabanggit ng mga magulang, sinasabing “Hindi mabuting anak ang mga anak ko: hindi ko sila maaasahan, at hindi nila ako masusuportahan sa aking pagtanda,” sadyang tamad at nakatunganga lang sila, naghahanap ng gulo nang walang dahilan. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? Ano ang dapat ninyong gawin kung makakatagpo kayo ng mga magulang na ganito? Turuan sila ng aral. Paano ninyo ito dapat gawin? Sabihin lang ninyo na, “Hindi mo ba kayang mabuhay nang mag-isa? Nasa punto ka na ba na hindi mo na kayang kumain o uminom? Hindi mo na ba kayang mabuhay? Kung kaya mo pang mabuhay, eh di mabuhay ka; kung hindi naman, eh di mamatay ka!” Naglalakas-loob ba kayong magsabi ng ganito? Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba makatao na sabihin ito? (Hindi ako naglalakas-loob na sabihin iyan.) Hindi mo ito magawang sabihin, hindi ba? Hindi mo ito kayang sabihin. (Tama Ka.) Kapag medyo mas tumanda na kayo, magagawa na ninyo itong sabihin. Kung ang mga magulang ninyo ay nakagawa ng napakaraming nakagagalit na bagay, magagawa mo itong sabihin. Talagang naging mabuti sila sa iyo at hindi ka nila kailanman sinaktan; kung sakaling saktan ka nga nila, magagawa mo itong sabihin. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Kung palagi nilang hinihinging umuwi ka, sinasabing, “Umuwi ka na at dalhan mo ako ng pera, walang utang na loob na anak!” at pinagagalitan at minumura ka nila araw-araw, magagawa mo itong sabihin. Sasabihin mo na, “Kung kaya mo pang mabuhay, eh di mabuhay ka; kung hindi naman, eh di mamatay ka! Hindi mo ba kayang mabuhay nang walang anak? Tingnan mo nga iyong matatandang walang anak, hindi ba’t maayos silang namumuhay at masaya naman sila? Inaasikaso nila ang sarili nilang buhay araw-araw, at kung may libreng oras sila, lumalabas sila para maglakad-lakad at nag-eehersisyo sila. Sa bawat araw, tila puno ng kasiyahan ang buhay nila. Tingnan mo ang sarili mo—walang kulang sa iyo, kaya bakit hindi mo kayang patuloy na mabuhay? Ibinababa mo ang iyong sarili at karapat-dapat kang mamatay! Dapat ba kaming maging mabuting anak sa iyo? Hindi mo kami alipin o pribadong pag-aari. Kailangan mong tahakin ang sarili mong landas, at hindi kami obligadong pasanin ang responsabilidad na ito. Binigyan ka na namin ng sapat na pagkain, damit, at gamit. Bakit ka nanggugulo? Kung patuloy kang manggugulo, ipapadala ka namin sa nursing home!” Ganito dapat harapin ang mga magulang na gaya nito, hindi ba? Hindi mo sila dapat palayawin. Kung wala ang kanilang mga anak para alagaan sila, umiiyak at humihikbi sila buong araw, na para bang pinagsakluban sila ng langit at lupa, na tila ba hindi na nila kaya pang mabuhay. Kung hindi na nila kaya pang mabuhay, hayaan mo silang mamatay at nang maranasan nila ito mismo—pero hindi sila mamamatay, masyado nilang pinahahalagahan ang kanilang buhay. Ang kanilang pilosopiya sa pamumuhay ay ang umasa sa iba para mamuhay nang mas maayos, mas malaya, at mas nasusunod. Kinakailangan nilang bumuo ng sarili nilang kaligayahan at kagalakan mula sa pagdurusa ng kanilang mga anak. Hindi ba’t dapat mamatay ang mga magulang na ito? (Oo.) Kung sinasamahan at pinaglilingkuran sila ng kanilang mga anak araw-araw, nakakaramdam sila ng kasiyahan, kagalakan, at pagmamalaki, samantalang kinakailangang magdusa ng kanilang mga anak at tanggapin ito. Hindi ba’t dapat mamatay ang mga magulang na ito? (Oo.)

Tapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan ngayon hinggil sa huling paksa ng mga inaasahan ng mga magulang mula sa kanilang mga anak. Malinaw na ba ang usapin tungkol sa pagharap ng mga magulang sa kung ang kanilang mga anak ba ay mabuting anak, maaasahan, aalagaan sila sa kanilang pagtanda, at ihahatid sila sa libingan? (Oo.) Bilang magulang, hindi ka dapat magkaroon ng mga gayong hinihingi, kaisipan at pananaw, o inaasam sa iyong mga anak. Walang anumang pagkakautang sa iyo ang mga anak mo. Responsabilidad mo na palakihin sila; kung ginagawa mo ba ito nang maayos o hindi ay ibang usapan na. Wala silang anumang pagkakautang sa iyo: Mabait sila sa iyo at inaalagaan ka nila nang ganap na dahil sa pagtupad ng responsabilidad, hindi para magbayad ng anumang pagkakautang, dahil wala naman silang pagkakautang sa iyo. Kaya, hindi sila obligadong maging mabuting anak sa iyo o maging isang taong masasandalan at maaasahan mo. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Inaalagaan ka nila, maaasahan mo sila, at binibigyan ka nila ng kaunting perang magagastos—responsabilidad lamang nila ito bilang mga anak, hindi ito pagiging mabuting anak. Binanggit natin noong huli ang talinghaga tungkol sa mga uwak na nagpapakain sa kanilang mga magulang at ang mga tupang lumuluhod para makahigop ng gatas. Kahit ang mga hayop ay naiintindihan ang doktrinang ito at naisasakatuparan ito, siyempre ang mga tao rin dapat! Ang mga tao ang pinakamataas na nilikha sa lahat ng buhay na nilalang, nilikha sila ng Diyos nang may mga kaisipan, pagkatao, at mga damdamin. Bilang mga tao, nauunawaan nila ito nang hindi kinakailangang turuan. Kung ang mga anak ay kaya bang maging mabuting anak o hindi ay lubos na nakasalalay sa kung inorden ba ng Diyos ang isang tadhana sa pagitan ninyong dalawa, kung magkakaroon ba ng isang ugnayan sa pagitan ninyong dalawa na kumukompleto at sumusuporta sa isa’t isa, at kung matatamasa mo ba ang pagpapalang ito; higit pa rito, nakasalalay ito sa kung nagtataglay ba ang iyong mga anak ng pagkatao. Kung tunay silang nagtataglay ng konsensiya at katwiran, hindi mo sila kailangang turuan—mauunawaan nila ito mula sa murang edad. Kung nauunawaan nila ito mula sa murang edad, hindi ba’t mas marami pa silang mauunawaan habang sila ay lumalaki? Hindi ba’t ganoon? (Oo.) Mula sa murang edad, nauunawaan na nila ang mga doktrinang tulad ng “Ang kumita ng pera para gastusin sa mga magulang ay ang ginagawa ng mababait na anak,” kaya, hindi ba’t mas mauunawaan pa nila ito paglaki nila? Kailangan pa ba silang turuan? Kinakailangan pa bang ituro sa kanila ng kanilang mga magulang ang mga gayong ideolohikal na leksiyon? Hindi na kailangan. Samakatuwid, isang hangal na pagkilos na hingin ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay maging mabuting anak, alagaan sila sa kanilang pagtanda, at ihatid sila sa libingan. Hindi ba tao ang mga anak na isinisilang mo? Sila ba ay mga puno o mga plastik na bulaklak? Hindi ba talaga sila nakakaunawa, kinakailangan mo pa ba talagang turuan sila? Kahit ang mga aso ay nauunawaan ito. Tingnan mo, kapag kasama ng dalawang tuta ang kanilang ina, kung magsisimulang tumakbo ang ibang aso patungo sa kanilang ina at tatahulan ito, hindi nila ito hahayaan: Poprotektahan nila ang kanilang ina mula sa likod ng bakod at hindi nila hahayaang tahulan ng ibang aso ang kanilang ina. Kahit ang mga aso ay naiintindihan ito, siyempre ganoon din dapat ang mga tao! Hindi na kinakailangang turuan pa sila: Ang pagtupad sa mga responsabilidad ay isang bagay na kayang gawin ng mga tao, at hindi kailangang ikintal ng mga magulang ang mga gayong kaisipan sa kanilang mga anak—gagawin nila ito nang kusa. Kung hindi sila nagtataglay ng pagkatao, kahit nasa tamang mga kondisyon ay hindi nila ito gagawin; kung nagtataglay sila ng pagkatao at tama ang mga kondisyon, likas nila itong gagawin. Samakatuwid, hindi kailangang hingan, diktahan, o sisihin ng mga magulang ang kanilang mga anak hinggil sa kung sila ba ay mabuting anak o hindi. Ang lahat ng ito ay hindi kinakailangan. Kung natatamasa mo ang pagiging mabuting anak ng iyong mga anak, ito ay maituturing na isang pagpapala. Kung hindi mo ito natatamasa, hindi ito maituturing na kawalan mo. Ang lahat ng bagay ay inorden ng Diyos, hindi ba? Sige, tapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam!

Mayo 27, 2023