Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 19 (Ikatlong Bahagi)
Ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak ay may dalawang aspekto: Ang isang aspekto ay may kinalaman sa mga ekspektasyon sa panahon ng paglaki ng kanilang mga anak, at ang isa pa ay may kinalaman sa mga ekspektasyon kapag umabot na sa hustong gulang ang kanilang mga anak. Noong huli, saglit na napag-usapan sa ating pagbabahaginan ang tungkol sa mga ekspektasyon kapag ang mga anak ay nasa hustong gulang na. Ano ang pinagbahaginan natin? (Diyos ko, noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa pag-aasam ng mga magulang na magkaroon ang kanilang mga anak na nasa hustong gulang na ng maayos na kapaligiran sa trabaho, masaya at mapayapang buhay may asawa, at matagumpay na propesyon.) Iyon ang humigit-kumulang na pinagbahaginan natin. Pagkatapos palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak, umabot na ang mga ito sa hustong gulang, at nahaharap ang mga ito sa mga sitwasyong may kinalaman sa trabaho, propesyon, buhay may asawa, pamilya, at pamumuhay nang mag-isa at nakapagsasarili, pati na sa pagpapalaki ng sarili nilang mga anak. Iiwan ng mga anak ang kanilang ama at ina at mamumuhay sila nang nagsasarili, haharapin nang mag-isa ang bawat problemang maaari nilang makatagpo sa buhay. Dahil malaki na ngayon ang kanilang mga anak, wala nang responsabilidad ang mga magulang na alagaan ang pisikal na kalusugan ng kanilang mga anak o na direktang makialam sa buhay, trabaho, buhay may asawa, at pamilya ng mga ito, at iba pa. Siyempre, dahil sa emosyonal at pampamilyang ugnayan, maaaring mag-alok ang mga magulang ng mababaw na pag-aalaga, magbigay ng payo paminsan-minsan at magbigay din ng ilang mungkahi o tulong mula sa posisyon ng isang taong may karanasan, o pansamantalang magbigay ng kinakailangang pag-aalaga. Sa madaling salita, sa sandaling umabot na sa hustong gulang ang mga anak, natupad na ng mga magulang ang karamihan sa kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga anak. Samakatuwid, ang ilang ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, sa Aking perspektiba man lang, ay hindi kinakailangan. Bakit hindi kinakailangan ang mga ito? Dahil, anuman ang inaasahan ng mga magulang na mangyari sa kanilang mga anak, kung anong uri man ng buhay may asawa, pamilya, trabaho, o propesyon ang inaasahan nilang magkakaroon ang mga ito, kung ang mga ito ba ay magiging mayaman o mahirap, o anuman ang ekspektasyon ng mga magulang, ang mga ito ay walang iba kundi mga ekspektasyon lamang, at bilang mga nasa hustong gulang na, sa huli, ang buhay ng kanilang mga anak ay nasa sarili nang mga kamay ng mga ito. Siyempre, sa simpleng pananalita, ang tadhana ng buong buhay ng kanilang mga anak, at kung mayaman ba o mahirap ang mga ito, ang lahat ng ito ay inorden ng Diyos. Walang responsabilidad o obligasyon ang mga magulang na pangasiwaan ang mga bagay na ito, at wala rin silang karapatan na makialam. Kaya, ang mga ekspektasyon ng magulang ay isang simpleng uri lang ng mabuting hangarin na nagmumula sa kanilang pagmamahal. Walang magulang ang nagnanais na ang kanilang anak ay maging dukha, walang asawa, hiwalay sa asawa, magkaroon ng magulong pamilya, o dumanas ng hirap sa trabaho. Wala ni isa sa kanila ang nag-aasam ng mga ganitong bagay para sa kanilang anak; walang dudang inaasam nila ang pinakamabuti para sa kanilang mga anak. Subalit, kung sumasalungat ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa realidad ng buhay ng kanilang mga anak, o kung ang realidad na iyon ay hindi tugma sa kanilang mga ekspektasyon, paano nila dapat harapin ito? Ito ang dapat nating pagbahaginan. Bilang mga magulang, pagdating sa saloobin na dapat nilang itaguyod sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, bukod sa pagpapala sa mga ito nang tahimik at pagkakaroon ng mabubuting ekspektasyon mula sa mga ito, anumang klase ng kabuhayan, uri ng tadhana o buhay mayroon ang mga ito, maaari lamang itong hayaan ng mga magulang na mangyari. Walang magulang ang makakapagbago ng alinman sa mga ito, at hindi rin nila ito makokontrol. Bagamat ikaw ang nagsilang at nagpalaki sa iyong mga anak, gaya ng napag-usapan natin noon, hindi ang mga magulang ang panginoon ng tadhana ng kanilang mga anak. Ipinagbubuntis ng mga magulang ang pisikal na katawan ng kanilang mga anak at sila ang nagpapalaki sa mga ito hanggang sa umabot na sa hustong gulang ang mga ito, ngunit pagdating sa kung ano ang magiging uri ng tadhana ng kanilang mga anak, hindi ito isang bagay na ibinibigay o pinipili ng mga magulang, at lalong hindi ang mga magulang ang nagpapasya tungkol dito. Ninanais mong maging maayos ang iyong mga anak, ngunit may garantiya ba na iyon ang mangyayari? Hindi mo ninanais na makatagpo sila ng kasawian, kamalasan, at lahat ng uri ng masasamang pangyayari, ngunit ibig bang sabihin niyon ay maiiwasan nila ang mga ito? Anuman ang kinakaharap ng iyong mga anak, walang alinman sa mga bagay na iyon ang nasasailalim sa kagustuhan ng tao, at wala rin sa mga iyon ang naitatakda ng iyong mga pangangailangan o ekspektasyon. Kaya, ano nga ba ang itinuturo nito sa iyo? Sapagkat nasa hustong gulang na ang mga anak, may kakayahan na silang alagaan ang kanilang sarili, na magkaroon ng sarili nilang mga kaisipan, pananaw sa mga bagay-bagay, prinsipyo ng pag-asal, at pananaw sa buhay, at hindi na sila naiimpluwensiyahan, nakokontrol, napipigilan, o napapamahalaan ng kanilang mga magulang, tunay na nga silang nasa hustong gulang. Ano ang ibig sabihin na sila ay nasa hustong gulang na? Nangangahulugan ito na ang kanilang mga magulang ay dapat nang bumitiw. Sa nasusulat na wika, ito ay tinatawag na “pagbitiw,” pagpapahintulot sa mga anak na tuklasin at tahakin ang sarili nilang landas sa buhay nang sila lang. Ano ang sinasabi natin sa sinasalitang wika? “Magbigay-daan ka.” Sa madaling salita, dapat itigil ng mga magulang ang pag-utos sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, ang pagsasabi ng mga bagay tulad ng, “Dapat kang maghanap ng ganitong trabaho, dapat kang magtrabaho sa ganitong industriya. Huwag mong gawin iyon, masyadong delikado!” Angkop ba na utusan ng mga magulang ang kanilang mga anak na nasa hustong gulang na? (Hindi, hindi ito angkop.) Palagi nilang gustong kontrolin at makita ang buhay, trabaho, pag-aasawa, at pamilya ng kanilang mga nasa hustong gulang na anak. Nababalisa, nag-aalala, natatakot, at nababahala sila kapag hindi nila alam ang isang bagay o kapag hindi nila ito makontrol, sinasabing, “Paano kung hindi maging maingat ang anak ko sa pagsasaalang-alang sa bagay na iyon? Mapapahamak ba siya sa batas? Wala akong pera para sa isang demandahan! Kung sasampahan siya ng kaso at wala kaming pera, makukulong ba siya? Kapag nakulong siya, maaari kayang akusahan siya ng masasamang tao, at makulong nang walo o sampung taon? Iiwanan ba siya ng asawa niya? Sino ang mag-aalaga sa mga anak niya?” Habang mas iniisip nila ito, mas lalo silang nag-aalala. “Hindi maayos ang takbo ng trabaho ng anak kong babae: Palagi siyang minamaltrato ng mga tao, at hindi rin mabait sa kanya ang kanyang amo. Ano ang magagawa namin? Dapat ba namin siyang hanapan ng ibang trabaho? Dapat ba kaming gumamit ng aming mga koneksiyon, makipag-ugnayan sa mga tao, gumastos ng pera, at ikuha siya ng trabaho sa gobyerno kung saan maaari siyang magkaroon ng magaan na trabaho araw-araw bilang isang empleyado ng gobyerno? Bagamat hindi mataas ang sahod, hindi naman siya mamaltratuhin. Hindi nga namin siya magawang paluin noong bata pa siya, at pinalayaw namin siya na parang isang prinsesa; ngayon, inaapi siya ng ibang tao. Ano ang dapat naming gawin?” Nag-aalala sila hanggang sa puntong hindi na sila makakain o makatulog, at nagpapaltos na ang kanilang bibig dahil sa pagkabalisa. Sa tuwing nahaharap sa anumang bagay ang kanilang mga anak, nababalisa sila at isinasapuso nila ito. Gusto nilang makialam sa lahat ng bagay, makisawsaw sa bawat sitwasyon. Kapag nagkakasakit o nahaharap sa anumang problema ang kanilang mga anak, nahihirapan sila at nagiging miserable, sinasabing, “Gusto ko lang na maging maayos ka. Bakit hindi maayos ang lagay mo? Gusto kong maging maayos ang lahat para sa iyo, gusto kong mangyari ang lahat ayon sa kagustuhan mo, ayon sa plano mo. Gusto kong magtagumpay ka, hindi malasin, dayain, o idiin at magkaproblema sa batas!” May ilang anak na umuutang para makabili ng isang bahay, at maaaring tumagal nang tatlumpung taon o limampung taon pa nga ang utang nila. Nagsisimulang mag-alala ang kanilang mga magulang, “Kailan ba mababayaran ang lahat ng utang na ito? Hindi ba’t katulad lang ito ng pagkaalipin sa utang? Sa henerasyon namin, hindi namin kailangang umutang para bumili ng bahay. Nakatira kami sa mga apartment na ibinigay ng kompanya at nagbabayad lang kami ng kaunting pera para sa upa kada buwan. Napakagaan ng pamumuhay namin noon. Ngayon, napakahirap talaga para sa mga kabataan; hindi talaga madali para sa kanila. Kinakailangan nilang umutang, at kahit na mabuti ang kanilang pamumuhay, nagtatrabaho sila nang husto araw-araw—pagod na pagod sila! Madalas silang nagpupuyat sa overtime, hindi regular ang kanilang oras ng pagkain at pagtulog, at palagi silang kumakain ng mga pagkaing binili sa labas. Nagdurusa ang kanilang mga tiyan at gayundin ang kalusugan nila. Kailangan kong magluto para sa kanila at maglinis ng kanilang tirahan. Kailangang ako na ang mag-ayos para sa kanila dahil wala silang oras—magulo ang buhay nila. Matanda na ako ngayon at mahihina na ang mga buto ko, at hindi na ako gaanong makakagawa ng maraming bagay, kaya magiging kasambahay na lang nila ako. Kung kukuha sila ng totoong kasambahay, kakailanganin pa nilang gumastos, at baka hindi pa mapagkakatiwalaan ang mga iyon. Kaya, ako na lang ang magiging kasambahay nila, nang walang bayad.” Kaya nagiging katulong siya, naglilinis ng bahay ng kanyang mga anak araw-araw, nag-aayos, nagluluto kapag oras nang kumain, namimili ng mga gulay at bigas, at pumapasan ng mga walang katapusang responsabilidad. Mula sa pagiging isang magulang, ngayon ay isa na siyang matandang katulong, isang kasambahay. Kapag umuuwi sa bahay ang kanyang mga anak at hindi maganda ang lagay ng kalooban ng mga ito, kinakailangan niyang tingnan ang mga ekspresyon ng mga ito at mag-ingat sa pagsasalita hanggang sa maging masaya na ulit ang mga ito, at saka lang din siya magiging masaya. Masaya siya kapag masaya ang kanyang mga anak, at nag-aalala siya kapag nag-aalala ang kanyang mga anak. May halaga ba ang paraang ito ng pamumuhay? Wala itong ipinagkaiba sa pagkawala ng sariling pagkakakilanlan.
Posible bang ang mga magulang ang magbayad ng halaga para sa kapalaran ng kanilang mga anak? Upang mahangad ang kasikatan, pakinabang, at mga makamundong kasiyahan, handang tiisin ng mga anak ang anumang hirap na dumarating sa kanila. Bukod dito, bilang mga nasa hustong gulang na, ayos lang ba na harapin nila ang anumang paghihirap na kinakailangan para manatili silang buhay? Kung gaano sila nasisiyahan, dapat ganoon din sila kahandang magdusa—natural lang ito. Natupad na ng mga magulang nila ang kanilang mga responsabilidad, kaya anuman ang nais tamasahin ng kanilang mga anak, hindi na sila ang dapat na magbayad. Gaano man kaganda ang buhay na nais ng mga magulang para sa kanilang mga anak, kung gusto ng mga anak na magtamasa ng magagandang bagay, ang mga anak mismo ang dapat pumasan sa lahat ng kagipitan at paghihirap, hindi ang mga magulang nila. Kaya naman, kung palaging gustong gawin ng mga magulang ang lahat para sa kanilang mga anak at pasanin ang pagbabayad para sa mga paghihirap ng mga ito, handang maging alipin ng mga ito, hindi ba’t labis-labis na ito? Hindi ito kinakailangan dahil lagpas na ito sa kung ano ang inaasahang dapat gawin ng mga magulang. Ang isa pang malaking dahilan ay, anuman o gaano man karami ang gawin mo para sa iyong mga anak, hindi mo mababago ang kanilang tadhana o mababawasan ang kanilang paghihirap. Ang bawat taong nagsisikap na makaraos sa lipunan, siya man ay naghahangad ng kasikatan at pakinabang o tumatahak sa tamang landas sa buhay, bilang isang taong nasa hustong gulang na, dapat niyang akuin ang responsabilidad para sa sarili niyang mga ninanais at mithiin, at dapat siya ang magbayad para sa sarili niya. Walang sinuman ang dapat umako ng anuman para sa kanya; kahit ang kanyang mga magulang, ang mga taong nagsilang at nagpalaki sa kanya, ang mga taong pinakamalapit sa kanya, ay hindi obligadong magbayad para sa kanya o makibahagi sa kanyang paghihirap. Ang mga magulang ay walang ipinagkakaiba sa aspektong ito dahil hindi nila mababago ang anuman. Kaya, ang anumang gawin mo para sa iyong mga anak ay walang saysay. Dahil wala itong saysay, dapat mo nang isuko ang paraang ito ng pagkilos. Bagamat maaaring matanda na ang mga magulang at natupad na nila ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa kanilang mga anak, bagamat hindi mahalaga ang anumang ginagawa ng mga magulang sa paningin ng kanilang mga anak, dapat pa rin silang magkaroon ng sarili nilang dignidad, sarili nilang mga paghahangad, at sarili nilang misyon na tutuparin. Bilang isang taong sumasampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan at kaligtasan, ang natitirang enerhiya at oras sa buhay mo ay dapat igugol sa pagganap ng iyong tungkulin at sa anumang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos; hindi ka dapat gumugol ng anumang oras sa iyong mga anak. Hindi pag-aari ng iyong mga anak ang buhay mo, at hindi ito dapat gamitin para sa kanilang buhay o pananatiling buhay, o para tugunan ang iyong mga ekspektasyon sa kanila. Sa halip, dapat itong ilaan sa tungkulin at sa ipinagkatiwalang gampanin ng Diyos sa iyo, pati na rin sa misyon na dapat mong tuparin bilang isang nilikha. Dito nakasalalay ang halaga at kabuluhan ng iyong buhay. Kung handa kang mawalan ng iyong sariling dignidad at maging alipin ng iyong mga anak, na mag-alala para sa kanila, at gawin ang lahat para sa kanila upang matugunan ang mga sarili mong ekspektasyon sa kanila, walang kabuluhan at walang halaga ang lahat ng ito, at hindi ito gugunitain. Kung magpapatuloy kang gawin ito at hindi mo bibitiwan ang mga ideya at kilos na ito, nangangahulugan lamang ito na hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, na hindi ka isang kuwalipikadong nilikha, at na labis kang mapaghimagsik. Hindi mo iniingatan ang buhay o ang oras na ibinigay sa iyo ng Diyos. Kung ang buhay at oras mo ay iginugugol lamang para sa iyong laman at mga damdamin, at hindi para sa tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos, ang buhay mo ay walang kabuluhan at walang saysay. Hindi ka karapat-dapat mabuhay, hindi ka karapat-dapat magtamasa ng buhay na ibinigay sa iyo ng Diyos, at hindi ka karapat-dapat magtamasa ng lahat ng ibinigay sa iyo ng Diyos. Binigyan ka ng Diyos ng mga anak para lang matamasa mo ang proseso ng pagpapalaki sa kanila, para magkamit ka ng karanasan at kaalaman sa buhay mula rito bilang isang magulang, para iparanas sa iyo ang isang bagay na espesyal at pambihira sa buhay ng tao, at pagkatapos, para hayaan ang iyong mga anak na dumami…. Siyempre, ito rin ay upang tuparin ang responsabilidad ng isang nilikha bilang isang magulang. Ito ang responsabilidad na inorden ng Diyos na tuparin mo tungo sa susunod na henerasyon, pati na rin ang papel na ginagampanan mo bilang magulang para sa susunod na henerasyon. Sa isang aspekto, ito ay ang pagdaanan ang pambihirang prosesong ito ng pagpapalaki ng mga anak, at sa isa pang aspekto, ito ay ang pagganap ng papel sa pagpaparami ng susunod na henerasyon. Sa sandaling matupad na ang obligasyong ito, at nasa hustong gulang na ang iyong mga anak, kung sila ba ay magtatagumpay nang husto o mananatiling payak, ordinaryo, at simpleng indibidwal, wala itong kinalaman sa iyo, dahil hindi ikaw ang nagtatakda ng kanilang tadhana, at hindi mo rin ito sariling pasya, at lalong hindi ikaw ang nagbigay sa kanila ng kanilang tadhana—ito ay inorden ng Diyos. Dahil ito ay inorden ng Diyos, hindi ka dapat makialam o makisali sa kanilang buhay o pananatiling buhay. Ang kanilang mga gawi, pang-araw-araw na gawain, at saloobin sa buhay, anuman ang mga estratehiya nila para manatiling buhay, anuman ang pananaw nila sa buhay, anuman ang saloobin nila sa mundo—ang mga ito ay sarili nilang mga pagpapasya, at hindi mo na problema ang mga ito. Wala kang obligasyon na ituwid sila o pasanin ang anumang paghihirap alang-alang sa kanila para lang matiyak na masaya sila araw-araw. Ang lahat ng ito ay hindi kinakailangan. Ang tadhana ng bawat tao ay itinatakda ng Diyos; kaya, kung gaano karaming pagpapala o pagdurusa ang mararanasan nila sa buhay, kung anong klaseng pamilya, buhay may asawa, at mga anak ang magkakaroon sila, kung anong mga karanasan ang pagdaraanan nila sa lipunan, at kung anong mga pangyayari ang kanilang mararanasan sa buhay, hindi nila mahuhulaan o mababago ang mga gayong bagay, at mas lalo nang walang kakayahan ang mga magulang na baguhin ang mga iyon. Kaya, kung nakakatagpo ng anumang paghihirap ang mga anak, dapat positibo at maagap na tumulong ang mga magulang kung kaya nila. Kung hindi naman, pinakamainam para sa mga magulang na magpahinga at tingnan na lang ang mga bagay na ito mula sa perspektiba ng mga nilikha, tratuhin ang kanilang mga anak nang pantay bilang mga nilikha. Ang paghihirap na nararanasan mo, dapat din nilang maranasan; ang buhay na iyong isinasabuhay, dapat din nilang isabuhay; ang prosesong pinagdaanan mo sa pagpapalaki ng mga batang anak, pagdaraanan din nila; ang mga pagpapasikot-sikot, pandaraya at panlilinlang na nararanasan mo sa lipunan at sa mga tao, ang mga emosyonal na pagkakasangkot, at mga gusot sa pagitan ng mga tao, at ang bawat kaparehong bagay na naranasan mo, mararanasan din nila iyon. Katulad mo, silang lahat ay mga tiwaling tao, lahat tinangay ng agos ng kasamaan, ginawang tiwali ni Satanas; hindi mo ito matatakasan, at ganoon din sila. Kaya, ang naisin na tulungan silang iwasan ang lahat ng paghihirap at tamasahin ang lahat ng pagpapala sa mundo ay isang hangal na kahibangan at ideya. Gaano man kalawak ang mga pakpak ng isang agila, hindi nito kayang protektahan ang batang agila sa buong buhay nito. Kalaunan, darating ang batang agila sa punto na kailangan nitong lumaki at lumipad nang mag-isa. Kapag nagpasya nang lumipad nang mag-isa ang batang agila, walang nakakaalam kung saan naroroon ang kanyang bahagi ng kalangitan, o kung saan nito pipiliing lumipad. Kaya, ang pinakamakatwirang saloobin para sa mga magulang pagkatapos lumaki ang kanilang mga anak ay ang matutong bumitiw, ang hayaan ang mga ito na maranasan ang buhay nang mag-isa, ang hayaan ang mga ito na mamuhay nang nakapagsasarili, at na harapin, pangasiwaan, at lutasin ang iba’t ibang hamon sa buhay nang mag-isa. Kung hihingi sila ng tulong sa iyo at mayroon kang kakayahan at mga angkop na kalagayan para tulungan sila, siyempre, pwede mo silang tulungan at bigyan ng kinakailangang suporta. Gayunpaman, kinakailangan dito na anuman ang tulong na ibigay mo, ito man ay pinansiyal o sikolohikal, dapat ay pansamantalang tulong lamang ito, at hindi nito mababago ang anumang malalaking isyu. Kailangan nilang tahakin ang sarili nilang landas sa buhay, at wala kang obligasyon na pasanin ang anuman sa kanilang mga gawain o kahihinatnan. Ito dapat ang saloobin ng mga magulang pagdating sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na.
Matapos maunawaan ang saloobin na dapat taglayin ng mga magulang sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, dapat din bang bitiwan ng mga magulang ang kanilang mga ekspektasyon sa mga anak nilang ito? May ilang mangmang na magulang na hindi nakakaunawa sa buhay o tadhana, hindi nila kinikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at madalas silang gumagawa ng mga kamangmangan pagdating sa kanilang mga anak. Halimbawa, pagkatapos matutong magsarili ng kanilang mga anak, maaaring maharap ang mga ito sa ilang espesyal na sitwasyon, paghihirap, o seryosong insidente; ang ilan ay nagkakasakit, may ibang nasasangkot sa mga demanda, may nagdidiborsiyo, may nalilinlang at naii-scam, at may iba pa na nakikidnap, napapahamak, nabubugbog nang husto, o nahaharap sa kamatayan. May ilan pa nga na nalululong sa droga, at iba pa. Ano ang dapat gawin ng mga magulang sa mga espesyal at mabibigat na sitwasyong ito? Ano ang karaniwang reaksiyon ng karamihan sa mga magulang? Ginagawa ba nila ang nararapat nilang gawin bilang mga nilikha na may pagkakakilanlan bilang magulang? Napakadalang na makarinig ang mga magulang ng gayong balita at tumugon tulad ng gagawin nila kung nangyari ito sa isang estranghero. Karamihan sa mga magulang ay nagpupuyat hanggang sa mamuti ang kanilang buhok, hindi makatulog gabi-gabi, walang gana kumain sa araw, pinipiga ang utak nila sa kakaisip, at ang ilan ay mapait pa ngang tumatangis, hanggang sa mamula ang kanilang mga mata at maubusan na sila ng luha. Taimtim silang nananalangin sa Diyos, hinihiling na isaalang-alang ng Diyos ang sarili nilang pananalig at protektahan Niya ang kanilang mga anak, na paboran at pagpalain Niya ang mga ito, na kaawaan Niya ang mga ito at iligtas ang buhay ng mga ito. Bilang mga magulang sa ganitong sitwasyon, nalalantad lahat ang kanilang mga kahinaan bilang tao, pagkamarupok, at damdamin para sa kanilang mga anak. Ano pa ang ibang nabubunyag? Ang kanilang pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos. Nagsusumamo sila sa Diyos at nananalangin sa Kanya, nagmamakaawa sa Kanya na ilayo ang kanilang mga anak sa kapahamakan. Kahit pa maganap ang isang sakuna, ipinagdarasal nila na hindi mamatay ang kanilang mga anak, na ang mga ito ay makatakas sa panganib, hindi mapahamak ng masasamang tao, hindi lumala ang mga sakit, bagkus ay gumaling, at iba pa. Ano ba talaga ang ipinagdarasal nila? (Diyos ko, sa mga dasal na ito, mayroon silang mga hinihingi sa Diyos, nang may bahid ng pagrereklamo.) Sa isang aspekto, labis silang hindi nasisiyahan sa sitwasyon ng kanilang mga anak, nagrereklamo na hindi dapat hinayaan ng Diyos na mangyari ang mga gayong bagay sa kanilang mga anak. May halong reklamo ang kanilang kawalang-kasiyahan, at hinihiling nila sa Diyos na magbago ang isip Niya, na huwag Siyang kumilos nang ganito, na ilayo Niya ang kanilang mga anak mula sa panganib, na panatilihin Niyang ligtas ang mga ito, na pagalingin Niya ang sakit ng mga ito, na tulungan Niyang makatakas ang mga ito sa mga demanda, na makaiwas ang mga ito sa kalamidad kapag dumarating ito, at iba pa—sa madaling sabi, na gawin ng Diyos na maayos ang lahat. Sa pagdarasal nang ganito, sa isang aspekto, nagrereklamo sila sa Diyos, at sa isa pa, humihingi sila sa Kanya. Hindi ba’t ito ay pagpapamalas ng pagiging mapaghimagsik? (Oo.) Sa pahiwatig, sinasabi nila na ang ginagawa ng Diyos ay hindi tama o mabuti, na hindi Siya dapat kumilos nang ganito. Dahil mga anak nila ito, at sila ay mga mananampalataya, iniisip nila na hindi dapat hayaan ng Diyos na mangyari ang mga gayong bagay sa kanilang mga anak. Ang mga anak nila ay hindi katulad ng iba; dapat makatanggap ang mga ito ng mga espesyal na pagpapala mula sa Diyos. Sapagkat nananalig sila sa Diyos, dapat Niyang pagpalain ang kanilang mga anak, at kung hindi Niya ito gagawin, sila ay mababagabag, iiyak, magmamaktol, at aayaw nang sumunod sa Diyos. Kung mamamatay ang kanilang anak, mararamdaman nilang hindi na rin nila kaya pang mabuhay. Ito ba ang sentimyentong nasasaisip nila? (Oo.) Hindi ba’t isa itong uri ng pagprotesta laban sa Diyos? (Ganoon nga.) Ito ay pagprotesta laban sa Diyos. Para itong mga aso na humihinging pakainin sila sa oras ng kainan, at na nagwawala na kapag medyo naaantala lang ang pagpapakain. Pinupulot nila ang kanilang kainan gamit ang kanilang bibig at ibinabalibag ito sa sahig—hindi ba’t wala ito sa katwiran? (Oo.) Minsan, kung bibigyan mo sila ng karne sa loob ng ilang sunod-sunod na araw pero paminsan-minsan ay may araw na walang karne, ang mga aso sa kanilang likas na ugali bilang hayop ay itatapon ang kanilang pagkain sa sahig, o kaya ay kukunin nila ang kanilang kainan gamit ang kanilang bibig at ihahampas ito sa sahig, ipinapahayag sa iyo na nais nilang mabigyan ng karne, na naniniwala sila na karne ang dapat ibigay sa kanila, at na hindi katanggap-tanggap na hindi mo sila bigyan ng karne. Ang mga tao ay ganoon din kawalang-katwiran. Kapag nahaharap sa mga problema ang kanilang mga anak, nagrereklamo sila sa Diyos, humihingi sa Kanya, at nagpoprotesta laban sa Kanya. Hindi ba’t halos katulad ito ng ugali ng mga hayop? (Oo.) Hindi naiintindihan ng mga hayop ang katotohanan o ang mga diumano’y doktrina ng mga tao at mga damdamin ng tao. Kapag nagwawala o nagmamaktol sila, medyo mauunawaan pa iyon. Pero kapag ang mga tao ang nagpoprotesta laban sa Diyos sa ganitong paraan, makatwiran ba sila? Mapapatawad ba sila? Kung umaasal nang ganito ang mga hayop, maaaring sasabihin ng mga tao na, “Talagang mainitin ang ulo ng maliit na hayop na ito. Marunong pa itong magprotesta; ang talino naman. Tingin ko, hindi natin ito dapat maliitin.” Natutuwa sila rito, at iniisip nila na ang hayop na ito ay hindi basta-basta. Kaya naman, kapag nagwawala ang isang hayop, hinahangaan ito ng mga tao. Ngunit kung ang isang tao ang magpoprotesta laban sa Diyos, dapat bang tratuhin din siya ng Diyos nang ganoon at sabihing, “Malalaki ang hinihingi ng taong ito; hindi siya basta-basta!” Hahangaan ka ba ng Diyos nang ganito? (Hindi.) Kung gayon, paano itinuturing ng Diyos ang ganitong pag-uugali? Hindi ba’t ito ay paghihimagsik? (Oo.) Hindi ba alam ng mga taong nananampalataya sa Diyos na mali ang pag-uugaling ito? Hindi ba’t matagal nang lumipas ang panahon ng “Ang pananampalataya ng isang tao sa Panginoon ay naghahatid ng mga pagpapala sa buong pamilya”? (Oo, matagal na iyong lumipas.) Kung gayon, bakit nag-aayuno at nagdarasal pa rin nang ganito ang mga tao, walang kahihiyang nagsusumamo sa Diyos na protektahan at pagpalain ang kanilang mga anak? Bakit nangangahas pa rin silang magprotesta at makipaglaban sa Diyos, sinasabing, “Kung hindi ganito ang gagawin Mo, patuloy akong magdarasal; mag-aayuno ako!” Ano ang ibig sabihin ng pag-aayuno? Ito ay ang magprotesta sa pamamagitan ng pagpapakagutom, na ang ibig ding sabihin ay pagkilos nang walang kahihiyan at pagmamaktol. Kapag ang mga tao ay kumikilos nang walang kahihiyan sa harap ng ibang tao, maaaring nagdadabog sila, sinasabing, “Naku, wala na ang anak ko; ayaw ko nang mabuhay pa, hindi ko na kaya!” Hindi nila ito ginagawa kapag nasa harap sila ng Diyos; nagsasalita sila nang maayos, sinasabing, “Diyos ko, nagmamakaawa po akong protektahan Mo ang aking anak at pagalingin Mo ang kanyang sakit. Diyos ko, Ikaw ang dakilang manggagamot na nagliligtas sa mga tao—kaya Mong gawin ang lahat ng bagay. Nakikiusap po ako sa Iyo na bantayan at protektahan siya. Ang Iyong Espiritu ay nasa lahat ng dako, Ikaw ay matuwid, Ikaw ay isang Diyos na nagpapakita ng awa sa mga tao. Inaalagaan at pinapahalagahan mo sila.” Ano ang ibig sabihin nito? Walang mali sa sinasabi nila, hindi lang ito ang tamang oras para sabihin ang mga bagay na iyon. Ang ipinapahiwatig niyon ay na kung hindi ililigtas ng Diyos ang iyong anak at poprotektahan ito, kung hindi tutuparin ng Diyos ang mga hiling mo, hindi Siya isang mapagmahal na Diyos, wala Siyang pagmamahal, hindi Siya isang mahabaging Diyos, at hindi Siya Diyos. Hindi ba’t ito ang nangyayari? Hindi ba’t ito ay pagkilos nang walang kahihiyan? (Oo.) Dinadakila ba ng mga taong kumikilos nang walang kahihiyan ang Diyos? Mayroon ba silang may-takot-sa-Diyos na puso? (Wala.) Ang mga taong kumikilos nang walang kahihiyan ay katulad lang ng mga taong may masasamang loob—wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Nangangahas silang makipaglaban at magprotesta laban sa Diyos, at na kumilos pa nga nang hindi makatwiran. Hindi ba’t kapareho lang ito ng paghahanap ng kamatayan? (Oo.) Bakit napakaespesyal ng mga anak mo? Kapag pinapatnugutan at pinamumunuan ng Diyos ang kapalaran ng iba, iniisip mo na ayos lang ito basta’t wala itong kinalaman sa iyo. Pero iniisip mo na hindi Niya dapat mapamunuan ang kapalaran ng iyong mga anak? Sa mga mata ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at walang makakatakas sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos na itinatakda ng mga kamay ng Diyos. Bakit dapat maiba ang mga anak mo? Ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay inorden at pinlano Niya. Ayos lang ba na gustuhin mong baguhin ito? (Hindi.) Hindi ito ayos lang. Kung gayon, ang mga tao ay hindi dapat gumawa ng mga kahangalan o mga hindi makatwirang bagay. Ang anumang ginagawa ng Diyos ay batay sa mga sanhi at epekto na mula sa mga nakaraang buhay—ano ang kinalaman nito sa iyo? Kung lalabanan mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, naghahanap ka lang ng kamatayan. Kung ayaw mong maranasan ng iyong mga anak ang mga bagay na ito, iyon ay nagmumula sa pagmamahal, hindi sa katarungan, awa, o kabaitan—ito ay epekto lang ng iyong pagmamahal. Ang pagmamahal ang tagapagpahiwatig ng pagkamakasarili. Ang pagmamahal na iyon na nasa iyo ay hindi karapat-dapat na ipakita; ni hindi mo ito mapangatwiranan sa iyong sarili, gayunpaman, gusto mo pa rin itong gamitin para gipitin ang Diyos. May mga tao pa ngang nagsasabi na, “May sakit ang anak ko, at kung mamamatay siya, hindi na ako mabubuhay!” Talaga bang may lakas ng loob kang mamatay? Subukan mong mamatay kung gayon! Tunay ba ang pananalig ng mga gayong tao? Talaga bang hihinto ka sa pananampalataya sa Diyos kung mamamatay ang iyong anak? Ano ba ang kayang baguhin ng kanyang pagkamatay? Kung hindi ka mananampalataya sa Diyos, hindi magbabago ang pagkakakilanlan o katayuan ng Diyos. Ang Diyos ay Diyos pa rin. Hindi siya Diyos dahil nananampalataya ka sa Kanya, at hindi rin Siya titigil sa pagiging Diyos dahil sa iyong kawalan ng pananampalataya. Kahit pa hindi manampalataya sa Diyos ang buong sangkatauhan, mananatili pa ring hindi nagbabago ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Mananatiling hindi nagbabago ang Kanyang katayuan. Siya ang palaging magiging ang Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng buong sangkatauhan at sa buong sansinukob. Wala itong kinalaman sa kung nananampalataya ka ba o hindi. Kung nananampalataya ka, ikaw ay papaboran. Kung hindi ka nananampalataya, hindi ka magkakaroon ng oportunidad na maligtas, at hindi mo ito makakamit. Minamahal at pinoprotektahan mo ang iyong mga anak, mayroon kang pagmamahal para sa iyong mga anak, hindi mo sila kayang bitiwan, at kaya hindi mo hinahayaan ang Diyos na gumawa ng anuman. May katuturan ba ito? Umaayon ba ito sa katotohanan, moralidad, o pagkatao? Hindi ito umaayon sa anuman, kahit sa moralidad, hindi ba? Hindi mo iniingatan ang iyong mga anak, pinoprotektahan mo sila—ikaw ay naiimpluwensiyahan ng iyong pagmamahal. Sinasabi mo pa nga na kung mamamatay ang anak mo ay hindi ka na magpapatuloy pang mabuhay. Dahil napakairesponsable mo sa sarili mong buhay at hindi mo iniingatan ang buhay na ibinigay sa iyo ng Diyos, kung gusto mong mabuhay para sa iyong mga anak ay sige lang, mamatay ka kasama nila. Anuman ang sakit na dumapo sa kanila, dapat kang mahawahan agad ng sakit na iyon at mamatay kasama nila; o kaya naman ay humanap ka na lang ng lubid para magbigti, hindi ba’t magiging madali iyon? Pagkatapos mong mamatay, magiging parehong uri ba kayo ng mga anak mo? Magiging ganoon pa rin ba ang pisikal ninyong ugnayan? Magkakaroon pa rin ba kayo ng pagmamahal para sa isa’t isa? Pagbalik mo sa kabilang mundo, magbabago ka. Hindi ba’t ganoon ang mangyayari? (Oo.) Kapag tinitingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay gamit ang kanilang mga mata at hinuhusgahan nila kung ito ba ay mabuti o masama, o kung ano ba ang kalikasan ng mga ito, saan sila umaasa? Umaasa sila sa kanilang mga kaisipan. Sa pagtingin lang sa mga bagay-bagay gamit ang kanilang mga mata, ang makikita lang nila ay ang materyal na mundo; hindi nila makikita ang espirituwal na mundo. Ano ang iisipin ng mga tao? “Sa mundong ito, ang mga taong nagsilang at nagpalaki sa akin ang pinakamalapit sa akin at ang pinakamamahal ko. Mahal ko rin ang mga taong nagsilang at nagpalaki sa akin. Kahit kailan, ang anak ko ang palaging pinakamalapit sa akin, at ang anak ko ang pinakainiingat-ingatan ko.” Ito lang ang saklaw ng kanilang mga iniisip at kayang isipin; ganito “kalawak” ang kanilang pag-iisip. Isang kahangalan ba na sabihin ito o hindi? (Kahangalan ito.) Hindi ba’t parang bata ito? (Oo, parang bata.) Masyadong parang bata! Ang iyong mga anak ay kadugo mo lamang sa buhay na ito; paano naman ang nakaraan nilang buhay, paano sila nauugnay sa iyo noon? Saan sila mapupunta pagkatapos nilang mamatay? Sa sandaling mamatay sila, iyon na ang magiging huling hininga ng katawan nila, ang kanilang kaluluwa ay lilisan, at ganap na silang mamamaalam sa iyo. Hindi ka na nila makikilala, ni hindi sila mananatili kahit isang saglit, basta na lang silang babalik sa kabilang mundo. Pagbalik nila sa kabilang mundong iyon, iiyak ka, mangungulila ka sa kanila, at magiging miserable ka at mamimighati, sasabihing, “Wala na ang anak ko, at hindi ko na siya muling makikita kailanman!” May kamalayan ba ang isang taong patay na? Wala siyang kamalayan sa iyo, hindi siya nangungulila sa iyo kahit kaunti. Sa sandaling lisanin niya ang kanyang katawan, agad siyang nagiging isang pangatlong partido, at wala na siyang ugnayan sa iyo. Ano ang tingin niya sa iyo? Sinasabi niya, “Ang matandang babaeng iyon, ang matandang lalaking iyon—sino ang iniiyakan niya? Ah, iniiyakan niya ang isang katawan. Pakiramdam ko ay kakahiwalay ko lang sa katawan na iyon: Hindi na ako gaanong mabigat ngayon, at wala na akong nararamdamang sakit mula sa karamdaman—malaya na ako.” Iyan ang kanyang nararamdaman. Pagkatapos niyang mamatay at iwanan ang kanyang katawan, patuloy siyang umiiral sa kabilang mundo, nagpapakita sa ibang anyo, at wala na siyang anumang kaugnayan sa iyo. Umiiyak ka at nangungulila ka sa kanya rito, nagdurusa dahil sa kanya, ngunit wala siyang nararamdaman, wala siyang nalalaman. Paglipas ng maraming taon, dahil sa kapalaran o pagkakataon, maaaring maging katrabaho mo siya, o kababayan mo, o maaaring nakatira siya malayo sa iyo. Bagamat namumuhay kayo sa iisang mundo, kayo ay magiging dalawang magkaibang tao na walang koneksiyon sa isa’t isa. Kahit pa may taong makakilala na siya ay si ganito at ganyan sa nakaraang buhay dahil sa mga espesyal na sitwasyon o dahil sa isang espesyal na sinabi, wala siyang mararamdaman kapag nakita ka niya, at wala ka ring mararamdaman kapag nakita mo siya. Kahit siya pa ang anak mo sa nakaraang buhay, wala ka nang mararamdaman para sa kanya ngayon—ang naiisip mo lang ay ang yumao mong anak. Wala rin siyang nararamdaman para sa iyo: Mayroon na siyang sarili niyang mga magulang, sariling pamilya, at ibang apelyido—wala siyang kaugnayan sa iyo. Pero naroroon ka pa rin, na nangungulila sa kanya—saan ka nangungulila? Nangungulila ka lamang sa pisikal na katawan at pangalan na minsang kadugo mo; isa lang itong larawan, isang alaalang nananatili sa iyong mga kaisipan o utak—wala itong tunay na halaga. Siya ay muling ipinanganak, naging isang tao o anumang iba pang buhay na nilalang—wala siyang kaugnayan sa iyo. Samakatuwid, kapag sinasabi ng ilang magulang na, “Kung mamamatay ang anak ko, hindi na rin ako mabubuhay!”—iyon ay sadyang kamangmangan! Umabot na sa katapusan ang buhay niya, pero bakit ka dapat tumigil na mabuhay? Bakit ka nagsasalita nang napakairesponsable? Natapos na ang kanyang buhay, winakasan na ito ng Diyos, at mayroon na siyang ibang tungkulin—ano ang pakialam mo roon? Kung mayroon ka nang ibang tungkulin, wawakasan na din ng Diyos ang buhay mo; pero wala ka pang ibang tungkulin, kaya kailangan mong patuloy na mabuhay. Kung nais ng Diyos na mabuhay ka, hindi ka pwedeng mamatay. May kinalaman man ito sa mga magulang, anak, o sa sinumang iba pang kamag-anak o kadugo ng isang tao sa kanyang buhay, pagdating sa pagmamahal, dapat may ganitong pananaw at pang-unawa ang mga tao: Pagdating sa pagmamahal na umiiral sa pagitan ng mga tao, kung ito ay magkadugo, sapat na ang pagtupad sa responsabilidad. Maliban sa pagtupad sa kanilang mga responsabilidad, walang obligasyon o kakayahan ang mga tao na baguhin ang anumang bagay. Kaya, iresponsable para sa mga magulang na sabihing, “Kung wala na ang mga anak namin, kung kailangan naming mga magulang na ilibing ang sarili naming mga anak, ayaw na naming mabuhay pa.” Kung talagang ililibing ang mga anak ng kanilang mga magulang, masasabi lang na ganoon lang kahaba ang panahon nila sa mundong ito, at kailangan na nilang lumisan. Pero nandito pa rin ang kanilang mga magulang, kaya’t dapat pa ring patuloy na mamuhay nang maayos ang mga magulang na ito. Siyempre, ayon sa kanilang pagkatao, normal lang para sa mga tao na isipin ang kanilang mga anak, ngunit hindi nila dapat sayangin ang natitira nilang oras sa pangungulila sa kanilang mga yumaong anak. Ito ay kahangalan. Kaya, sa pagharap sa usaping ito, sa isang aspekto, dapat maging responsable ang mga tao sa kanilang sariling buhay, at sa isa pang aspekto, dapat nilang lubusang maunawaan ang mga ugnayang pampamilya. Ang tunay na relasyon sa pagitan ng mga tao ay hindi nakabatay sa mga ugnayan sa laman at dugo, bagkus, ito ay isang relasyon sa pagitan ng isang buhay na nilalang at ng isa pang nilikha ng Diyos. Ang ganitong uri ng relasyon ay walang mga ugnayan sa dugo at laman; ito ay sa pagitan lamang ng dalawang buhay na nilalang. Kung iisipin mo ito mula sa ganitong anggulo, bilang mga magulang, kapag ang inyong mga anak ay minamalas na magkasakit o kapag nanganganib ang kanilang buhay, dapat ninyong harapin nang tama ang mga usaping ito. Hindi ninyo dapat isuko ang inyong natitirang oras, ang landas na dapat ninyong tahakin, o ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat ninyong tuparin, dahil lang sa mga kasawian o sa pagpanaw ng inyong mga anak—dapat ninyong harapin nang tama ang bagay na ito. Kung tama ang iyong mga kaisipan at pananaw at malinaw mong nauunawaan ang mga bagay na ito, mabilis mong malalampasan ang paghihinagpis, pagdadalamhati, at pangungulila. Ngunit paano kung hindi mo malinaw na maunawaan ang mga ito? Kung magkagayon, maaaring maglagi ito sa iyo habang nabubuhay ka, hanggang sa araw ng iyong kamatayan. Gayunpaman, kung malinaw mong nauunawaan ang sitwasyong ito, magkakaroon ng hangganan ang panahong ito ng buhay mo. Hindi ito magtatagal magpakailanman, hindi ka rin nito sasamahan sa huling bahagi ng buhay mo. Kung malinaw mo itong nauunawaan, mabibitiwan mo ito nang kaunti, na isang mabuting bagay para sa iyo. Ngunit kung hindi mo malinaw na nauunawaan ang mga ugnayang pampamilya ninyo ng iyong mga anak, hindi mo magagawang bumitiw, at magiging napakahirap nito para sa iyo. Walang magulang ang walang nararamdaman kapag namatay ang kanyang mga anak. Kapag naranasan ng sinumang magulang na ilibing ang kanyang mga anak, o kapag nasaksihan niyang nasa isang hindi magandang sitwasyon ang kanyang mga anak, gugugulin niya ang buong buhay niya sa kakaisip at pag-aalala tungkol sa mga ito, nang nakakulong sa pasakit. Walang makakatakas dito: Isa itong peklat at isang hindi nabuburang marka sa kaluluwa. Hindi madali para sa mga tao na bitiwan ang emosyonal na koneksiyong ito habang namumuhay sa laman, kaya’t nagdurusa sila dahil dito. Gayunpaman, kung malinaw mong nauunawaan ang emosyonal na koneksiyong ito sa iyong mga anak, hindi na ito gaanong magiging mabigat. Siyempre, gagaan ang pagdurusa mo; imposibleng ganap kang hindi magdurusa, pero labis na mababawasan ang iyong paghihirap. Kung hindi mo ito malinaw na mauunawaan, labis kang mahihirapan sa usaping ito. Ngunit kung malinaw mo itong mauunawaan, ito ay magiging isang espesyal na karanasan na nagdulot ng matinding emosyonal na trauma, na magbibigay sa iyo ng mas malalim na pagpapahalaga at pagkaunawa sa buhay, sa mga ugnayang pampamilya, at pagkatao, at na magpapayaman sa iyong karanasan sa buhay. Siyempre, ang partikular na pagpapayaman na ito ay isang bagay na hindi gustong taglayin o masumpungan ninuman. Walang may gustong maharap dito, subalit kung lilitaw ang usaping ito, kailangan mo itong harapin nang tama. Upang maiwasan ang kalupitan sa iyong sarili, dapat mong bitiwan ang mga dati mong pinanghahawakan na tradisyonal, bulok, at maling kaisipan at pananaw. Dapat mong harapin nang tama ang iyong mga kaugnayang emosyonal at sa dugo, at tratuhin nang tama ang pagpanaw ng iyong mga anak. Sa sandaling tunay mo itong maintindihan, magagawa mo itong bitiwan nang tuluyan, at hindi ka na pahihirapan ng usaping ito. Nauunawaan mo Ako, hindi ba? (Oo, nauunawaan ko.)
Sinasabi ng ilang tao na, “Ang mga anak ay mga kapaki-pakinabang na bagay na ibinibigay ng Diyos sa mga magulang, kaya sila ay para nang pribadong pag-aari ng mga magulang.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi, hindi ito tama.) Pagkarinig ng ilang magulang dito, sinasabi nila, “Tama ang pahayag na ito. Wala na kaming iba pang pag-aari kundi ang mga anak namin, na sarili naming laman at dugo. Sila ang pinakamamahal namin.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Ano ang mali rito? Pakipaliwanag ng inyong pangangatwiran. Nararapat bang ituring ang mga anak bilang pribadong pag-aari ng isang tao? (Hindi, hindi ito nararapat.) Bakit hindi ito nararapat? (Dahil ang pribadong pag-aari ay pag-aari ng isang tao at hindi ng iba. Subalit, ang ugnayan sa pagitan ng mga anak at mga magulang ay walang iba kundi isang ugnayan ng laman. Ang buhay ng tao ay nagmumula sa Diyos, ito ang hiningang ibinigay ng Diyos. Kung naniniwala ang isang tao na siya ang nagbigay ng buhay sa kanyang mga anak, mali ang kanyang perspektiba at posisyon, at ni hindi rin siya naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos.) Hindi ba’t totoo ito? Maliban sa pisikal na ugnayan, sa mga mata ng Diyos, magkahiwalay ang buhay ng mga anak at ng mga magulang. Hindi sila pag-aari ng isa’t isa, at wala ring herarkiya ang kanilang ugnayan. Siyempre, lalong wala silang relasyon ng pagmamay-ari o pagiging pag-aari. Ang buhay nila ay nagmumula sa Diyos, at ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang tadhana. Ang mga anak ay ipinanganak lang ng kanilang mga magulang, ang mga magulang ay mas matanda kaysa sa kanilang mga anak, at ang mga anak ay mas bata kaysa sa kanilang mga magulang; subalit, batay sa ugnayang ito, sa mababaw na penomenang ito, naniniwala ang mga tao na ang mga anak ay mga aksesorya at pribadong pag-aari ng kanilang mga magulang. Hindi ito pagtingin sa usapin mula sa ugat nito, kundi pagsasaalang-alang lamang ito batay sa panlabas na aspekto, sa laman, at sa mga damdamin ng isang tao. Samakatuwid, mali ang mismong paraang ito ng pagsasaalang-alang, at mali ang perspektibang ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Dahil ang mga anak ay hindi mga aksesorya o pribadong pag-aari ng kanilang mga magulang, kundi mga taong nakapagsasarili, anuman ang mga inaasahan ng mga magulang mula sa kanilang mga anak paglaki ng mga ito, dapat manatiling mga ideya lamang sa kanilang isipan ang mga inaasahang ito—hindi ito maaaring maging realidad. Siyempre, kahit pa may mga inaasahan ang mga magulang mula sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, hindi nila dapat subukang isakatuparan ang mga ito, at hindi rin nila dapat gamitin ang kanilang mga anak upang tuparin ang sarili nilang mga pangako at hindi rin sila dapat magsakripisyo o magbayad ng anumang halaga para sa mga ito. Kung gayon, ano ang dapat gawin ng mga magulang? Dapat silang magpasyang bumitiw kapag ang kanilang mga anak na nasa hustong gulang na ay may sarili nang buhay at kaya nang patuloy na mabuhay. Ang pagbitiw ang nag-iisang tunay na paraan para magpakita ng respeto sa mga anak at maging responsable para sa mga ito. Ang palaging pangingibabaw sa kanilang mga anak, pagkontrol sa mga ito, o pagnanais na makialam at makisali sa buhay at pananatiling buhay ng mga ito ay isang mangmang at walang katuturang pag-uugali sa parte ng mga magulang, at ito ay paggawa sa mga bagay-bagay sa paraang tila pambata. Gaano man kataas ang mga ekspektasyon ng mga magulang mula sa kanilang mga anak, hindi nito mababago ang anuman at hindi ito posibleng maging realidad. Samakatuwid, kung ang mga magulang ay may karunungan, dapat nilang bitiwan ang lahat ng makatotohanan o hindi makatotohanang ekspektasyong ito, at dapat silang magkaroon ng isang tamang perspektiba at paninindigan sa pangangasiwa nila sa ugnayan nila sa kanilang mga anak at sa pagharap sa bawat pagkilos ng kanilang mga anak na nasa hustong gulang na o sa bawat pangyayaring nararanasan ng mga ito. Iyon ang prinsipyo. Nararapat ba ito? (Oo, nararapat ito.) Kung maisasakatuparan mo ito, patutunayan nito na tinatanggap mo ang mga katotohanang ito. Ngunit kung hindi mo ito magagawa, at igigiit mong gawin ang mga bagay-bagay sa sarili mong paraan, iniisip na ang pagmamahalan ng pamilya ang pinakadakila at pinakamahalagang bagay, at ang pinakamakabuluhang bagay sa mundo, na para bang kaya mong pangasiwaan ang kapalaran ng iyong mga anak at hawakan ang kanilang tadhana sa iyong mga kamay, kung gayon, sige subukan mo—tingnan natin kung ano ang magiging pangwakas na resulta. Hindi na kailangan pang sabihin na mauuwi lamang ito sa isang miserableng pagkatalo, na walang mabuting kalalabasan.