Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 18 (Ikatlong Bahagi)

Ang lahat ng ginagawa ng mga magulang para maisakatuparan ang kanilang mga ekspektasyon para sa kanilang mga anak bago umabot ang mga ito sa hustong gulang ay salungat sa konsensiya, katwiran, at likas na mga batas. Higit pa rito, ito ay salungat sa ordinasyon at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Bagamat walang abilidad ang mga bata na makakilatis kung ano ang tama at mali, o mag-isip nang nakapagsasarili, nasa ilalim pa rin ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang kanilang kapalaran, hindi sila pinamumunuan ng kanilang mga magulang. Samakatuwid, bukod sa pagkakaroon ng mga ekspektasyon sa kanilang mga anak sa kanilang kamalayan, isinasagawa rin ng mga hangal na magulang ang mas maraming aksyon, sakripisyo, at pagbabayad ng halaga pagdating sa kanilang pag-uugali, ginagawa nila ang lahat ng gusto nila at ang lahat ng handa nilang gawin para sa kanilang mga anak, ito man ay paggugol ng pera, oras, lakas, o iba pang bagay. Bagamat ginagawa ng mga magulang ang mga bagay na ito nang kusang-loob, ang mga ito ay hindi makatao at hindi ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang; lumagpas na sila sa saklaw ng kanilang mga abilidad at ng kanilang mga angkop na responsabilidad. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil ang mga magulang ay nagsisimulang magtangkang planuhin at kontrolin ang kinabukasan ng kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, at sinusubukan din nilang itakda ang kinabukasan ng kanilang mga anak. Hindi ba’t kahangalan iyon? (Oo.) Halimbawa, sabihin nating inorden ng Diyos na maging isang ordinaryong manggagawa ang isang tao, at sa buhay na ito, magagawa lamang niyang kumita ng kaunting sahod para pakainin at bihisan ang kanyang sarili, ngunit iginigiit ng kanyang mga magulang na siya ay maging tanyag, mayaman, mataas na opisyal, pinaplano at isinasaayos ang mga bagay-bagay para sa kanyang kinabukasan bago pa siya umabot sa hustong gulang, binabayaran ang iba’t ibang uri ng halaga, sinusubukang kontrolin ang kanyang buhay at kinabukasan. Hindi ba’t kahangalan iyon? (Oo.) Bagamat nakakakuha ng magagandang marka ang kanilang anak, pumapasok sa unibersidad, natututo ng iba’t ibang kasanayan paglaki niya, at mayroong ilang kasanayan, kapag sa wakas ay naghanap na siya ng trabaho, gaano man siya maghanap, nauuwi pa rin siya sa pagiging isang ordinaryong manggagawa. Sa pinakamainam, susuwertehin siya at magiging isang foreman, na mainam na rin. Sa bandang huli, kumikita lamang siya ng batayang sahod, at hindi niya kailanman nagagawang kitain ang sahod ng isang mataas na opisyal o ng isang mayamang tao tulad ng hinihingi ng kanyang mga magulang. Palaging ninanais ng kanyang mga magulang na siya ay umasenso, kumita ng maraming pera, maging isang mataas na opisyal, upang makabahagi ang kanyang mga magulang sa tagumpay niya. Hindi nila kailanman inasahan na, bagamat magaling siya sa eskuwela at napakamasunurin, bagamat nagbayad sila ng napakaraming halaga para sa kanya, at bagamat pumasok siya sa unibersidad paglaki niya, sa buhay na ito ay itinadhana pa rin siyang maging isang ordinaryong manggagawa. Kung nahulaan lang ito ng mga magulang niya, hindi sana masyadong nagpakahirap ang mga ito noon. Pero maiiwasan ba ng mga magulang na pahirapan ang kanilang sarili? (Hindi.) Binebenta ng mga magulang ang kanilang mga bahay, lupa, mga ari-arian ng pamilya, at may ilan pa nga na nagbebenta ng kidney para lang makapasok ang kanilang mga anak sa kilalang unibersidad. Kapag hindi pumapayag ang anak dito, sinasabi ng ina: “Dalawa ang kidney ko. Kung mawala man ang isa, mayroon akong isa pa. Matanda na ako, isang kidney lang ang kailangan ko.” Ano ang mararamdaman ng kanyang anak matapos itong marinig? “Kahit na nangangahulugan ito na hindi ako makakapag-aral sa unibersidad, hindi ko hahayaang ibenta mo ang kidney mo.” At sasabihin ng ina: “Hindi ka mag-aaral? Isa kang suwail at hindi mabuting anak! Bakit ko ba ibinebenta ang kidney ko? Hindi ba’t para magkaroon ka ng magandang kinabukasan?” Naantig ang anak nang marinig ito, at iniisip na, “Sige, hahayaan ko na lang na ibenta ni mama ang kidney niya. Hindi ko siya bibiguin.” Sa huli, talagang ginawa ito ng ina—ibinenta ang kanyang kidney para sa kinabukasan ng kanyang anak—at sa huli, naging isang manggagawa lamang ang anak at hindi nagtagumpay. Kung gayon, nagbenta ng kidney ang ina, at ang tanging nakuha niyang kapalit ay isang manggagawa—angkop ba iyon? (Hindi.) Sa huli, mapagtatanto ito ng ina at sasabihing: “Nakatadhana ka lang na maging isang manggagawa. Kung nalaman ko lang sana iyon nang mas maaga, hindi ko sana ibinenta ang aking kidney para paaralin ka sa unibersidad. Pwede naman palang maging isang manggagawa, hindi ba? Ano ang silbi ng pag-aaral mo sa unibersidad?” Huli na! Sino ba ang nagsabing magpakahangal siya noon? Sino ang nag-udyok sa kanya na maganda kung magiging isang mataas na opisyal ang kanyang anak at kikita ng malaking pera? Nabulag siya sa kasakiman, nararapat lang sa kanya ito! Nagbayad siya ng napakaraming halaga para sa kanyang anak, ngunit mayroon bang aumang pagkakautang sa kanya ang kanyang anak? Wala. Kusa niyang ibinayad ang mga halagang iyon, at nakuha niya kung ano ang nararapat sa kanya! Kahit pa dalawang kidney ang ibinenta niya, iyon ay kusang-loob pa rin. Upang maipadala ang kanilang mga anak sa mga prestihiyosong unibersidad, may mga taong nagbebenta ng kanilang cornea, may ilan na nagbebenta ng kanilang dugo, isinasakripisyo naman ng iba ang lahat ng mayroon sila at ibinebenta ang mga ari-arian ng kanilang pamilya, at sulit ba ito? Para bang tingin nila na ang pagbebenta ng kaunting dugo o ng isang organo ay makapagpapasya sa kinabukasan ng isang tao at makapagpapabago sa kanyang kapalaran. Pwede ba iyon? (Hindi.) Napakahangal ng mga tao! Naghahanap sila ng mga mabilisang resulta, binulag sila ng katanyagan at pakinabang. Palagi nilang iniisip, “Ganito lang talaga ang buhay ko,” kaya’t iniaasa nila sa kanilang mga anak ang kanilang mga inaasam. Ibig bang sabihin niyon ay tiyak nang magiging mas maganda ang kapalaran ng kanilang mga anak kaysa sa kanilang kapalaran? Na aasenso ang kanilang mga anak? Na magiging iba ang mga ito? Bakit ba napakahangal ng mga tao? Inaakala ba nila na dahil lang mataas ang kanilang mga ekspektasyon sa kanilang mga anak ay tiyak nang magiging mas nakatataas ang mga ito kaysa sa iba at na matutugunan ang kanilang mga ekspektasyon? Ang mga kapalaran ng mga tao ay hindi itinatakda ng kanilang mga magulang, ang mga ito ay itinatakda ng Diyos. Siyempre, wala namang magulang na nagnanais na makitang nanlilimos ang kanilang mga anak. Gayunpaman, hindi nila kinakailangang igiit na umasenso ang kanilang mga anak at maging mataas na opisyal o prominenteng tao sa mataas na antas ng lipunan. Ano ba ang maganda sa pagiging nasa mataas na antas ng lipunan? Ano ba ang maganda sa pag-asenso? Masalimuot ang mga iyon, hindi maganda. Maganda bang maging tanyag na tao, dakila, superman, o isang taong may posisyon at katayuan? Ang buhay ay pinakamaginhawa kapag isa kang ordinaryong tao. Ano ba ang masama sa pamumuhay nang medyo mas salat, mas mahirap, mas nakakapagod, nang medyo mas pangit ang mga pagkain at damit? Sa pinakamababa, isang bagay ang natitiyak, sapagkat hindi ka namumuhay sa mga kalakarang panlipunan ng mataas na antas ng lipunan, kahit papaano, hindi ka gaanong magkakasala at mababawasan ang mga bagay na ginagawa mo para labanan ang Diyos. Bilang isang ordinaryong tao, hindi ka mahaharap sa napakalaki o madalas na tukso. Bagamat magiging medyo mas mahirap ang buhay mo, hindi naman mapapagod ang iyong espiritu. Isipin mo, bilang isang manggagawa, ang kailangan mo lang alalahanin ay tiyakin na makakakain ka ng tatlong beses sa isang araw. Iba ang sitwasyon kapag ikaw ay isang opisyal. Kailangan mong makipaglaban, at hindi mo malalaman kung kailan darating ang araw na hindi na tiyak ang iyong posisyon. At hindi pa iyon doon natatapos, hahanapin ka ng mga taong sinalungat mo at pagbabayarin ka nila, at parurusahan ka nila. Sobrang nakakapagod ang buhay ng mga tanyag na tao, dakilang tao, at mayayaman. Ang mayayaman ay palaging natatakot na hindi sila magiging napakayaman sa hinaharap, at na hindi nila kakayaning magpatuloy sa buhay kung mangyari iyon. Ang mga tanyag na tao ay palaging nag-aalala na mawawala ang kanilang magandang imahe, at palagi nilang gustong protektahan ito, natatakot na maitiwalag sila ng panahong ito at ng mga kalakaran. Sobrang nakakapagod ng buhay nila! Hindi kailanman malinaw na nauunawaan ng mga magulang ang mga bagay na ito, at palagi nilang gustong itulak ang kanilang mga anak sa gitna ng paghihirap na ito, ipinadadala sila sa mga mapanganib at masalimuot na sitwasyon. Mayroon ba talagang mabubuting intensiyon ang mga magulang? Kung sasabihin Kong wala silang mabubuting intensiyon, hindi mo gugustuhing pakinggan ito. Kung sasabihin Ko na ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ay negatibong nakakaapekto sa inyo sa maraming aspekto, handa ba kayong kilalanin ito? (Oo.) Malalim na nakapipinsala sa inyo ang mga ito, hindi ba? May ilan sa inyo na hindi handang kilalanin ito, sinasabi ninyo na: “Nais ng mga magulang ko kung ano ang nakabubuti para sa akin.” Sinasabi mong nais ng iyong mga magulang kung ano ang nakabubuti para sa iyo—kung gayon, nasaan na ang mabubuting bagay na iyon? Nais ng iyong mga magulang kung ano ang nakabubuti para sa iyo, pero gaano ba karaming positibong bagay ang naipaunawa nila sa iyo? Nais ng iyong mga magulang kung ano ang nakabubuti para sa iyo, pero gaano karami sa iyong mga mali at hindi kanais-nais na kaisipan at pananaw ang naituwid nila? (Wala.) Kung gayon, malinaw mo na bang nauunawaan ngayon ang mga bagay na ito? Nararamdaman mo na hindi makatotohanan ang ekspektasyong ito ng magulang, hindi ba?

Sa pamamagitan ng pagsusuri sa diwa ng mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak, makikita natin na ang mga ekspektasyong ito ay makasarili, na salungat ang mga ito sa pagkatao, at higit pa rito ay walang kinalaman ang mga ito sa mga responsabilidad ng mga magulang. Kapag nagpapataw ang mga magulang ng iba’t ibang ekspektasyon at hinihingi sa kanilang mga anak, hindi nila tinutupad ang kanilang mga responsabilidad. Kung gayon, ano nga ba ang kanilang “mga responsabilidad”? Ang pinakabatayang responsabilidad na dapat gampanan ng mga magulang ay ang turuan ang kanilang mga anak na magsalita, turuan sila na maging mabait at huwag maging masamang tao, at gabayan sila sa positibong direksiyon. Ito ang kanilang mga pinakabatayang responsabilidad. Bukod dito, dapat nilang tulungan ang kanilang mga anak sa pag-aaral ng anumang uri ng kaalaman, talento, at iba pa, na angkop sa mga ito, base sa edad, kakayahan, husay at mga hilig ng kanilang mga anak. Tutulungan ng mga medyo mas mabuting magulang ang kanilang mga anak na maunawaan na ang mga tao ay nilikha ng Diyos at na mayroong Diyos na umiiral sa sansinukob na ito, ginagabayan ang kanilang mga anak na magdasal at magbasa ng mga salita ng Diyos, kinukwentuhan ang mga ito ng ilang istorya mula sa Bibliya, at umaasa sila na susunod ang kanilang mga anak sa Diyos at gagampanan ang tungkulin ng isang nilikha paglaki ng mga ito, sa halip na hangarin ang mga kalakaran ng mundo, masangkot sa iba’t ibang komplikadong pakikipag-ugnayan sa mga tao, at mapinsala ng iba’t ibang kalakaran ng mundo at lipunang ito. Ang mga responsabilidad na dapat gampanan ng mga magulang ay walang kinalaman sa kanilang mga ekspektasyon. Ang mga responsabilidad na dapat nilang tuparin sa kanilang papel bilang mga magulang ay ang bigyan ng positibong gabay at angkop na tulong ang kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, pati na rin ang agarang pag-aalaga sa mga pangangailangan sa katawan ng mga ito, tulad ng pagkain, kasuotan, tirahan, o sa mga panahong nagkakasakit sila. Kung magkasakit ang kanilang mga anak, dapat gamutin ng mga magulang ang anumang sakit na kailangang gamutin; hindi nila dapat pabayaan ang kanilang mga anak o sabihin sa mga ito, “Pumasok ka pa rin sa paaralan, magpatuloy ka sa pag-aaral—hindi ka pwedeng mahuli sa iyong mga klase. Kung masyado ka nang mahuhuli, hindi ka na makakahabol.” Kapag kailangan ng kanilang mga anak na magpahinga, dapat hayaan ng mga magulang na magpahinga ang mga ito; kapag may sakit ang kanilang mga anak, dapat tulungan ng mga magulang ang mga ito na gumaling. Ito ang mga responsabilidad ng mga magulang. Sa isang aspekto, kailangan nilang alagaan ang pisikal na kalusugan ng kanilang mga anak; sa isa pang aspekto, kailangan nilang tulungan, turuan, at suportahan ang kanilang mga anak pagdating sa kalusugang pangkaisipan ng mga ito. Ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang, sa halip na magpataw ng anumang hindi makatotohanang ekspektasyon o mga hinihingi sa kanilang mga anak. Dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad hindi lamang sa mga pangangailangan ng kalusugang pangkaisipan ng kanilang mga anak kundi pati na rin sa mga bagay na kailangan ng katawan ng kanilang mga anak. Hindi dapat pabayaan ng mga magulang ang kanilang mga anak na lubhang ginawin sa taglamig; dapat turuan nila ang mga ito ng ilang karaniwang kaalaman sa buhay, tulad ng sa kung anong mga sitwasyon sila magkakasipon, na dapat silang kumain ng mainit na pagkain, na sasakit ang kanilang tiyan kung kakain sila ng malalamig na pagkain, at na hindi nila dapat basta-bastang ilantad ang kanilang katawan sa hangin o hubarin ang kanilang damit sa lugar na masyadong mahangin kapag malamig ang panahon, tinutulungan sila na matutong alagaan ang kanilang sariling kalusugan. Dagdag pa rito, kapag lumitaw sa murang isipan ng kanilang mga anak ang ilang pang-musmos at walang-muwang na ideya tungkol sa kinabukasan ng mga ito, o ilang malabis na kaisipan, dapat maging maagap ang mga magulang sa pagbigay ng tamang gabay sa mga anak sa sandaling matuklasan nila ito, sa halip na piliting supilin ang mga ito; dapat nilang hikayatin ang kanilang mga anak na magpahayag at ilabas ang mga ideya ng mga ito, upang tunay na malutas ang problema. Ito ay pagtupad sa kanilang mga responsabilidad. Ang pagtupad sa mga responsabilidad ng isang magulang ay nangangahulugan, sa isang aspekto, ng pangangalaga sa kanilang mga anak, at sa isa pang aspekto, ng paggabay at pagtutuwid sa kanilang mga anak, at pagbibigay ng patnubay sa mga ito hinggil sa mga tamang kaisipan at pananaw. Sa totoo lang, ang mga responsabilidad na dapat gampanan ng mga magulang ay walang kinalaman sa mga ekspektasyon nila sa kanilang mga anak. Maaari kang umasa na magiging malusog ang pangangatawan ng iyong mga anak at na magtataglay sila ng pagkatao, konsensiya, at katwiran paglaki nila, o maaari kang umasa na magiging mabuting anak sila sa iyo, ngunit hindi ka dapat umasa na ang iyong mga anak ay magiging kung anong uri ng tanyag o dakilang tao paglaki nila, at mas lalong hindi mo dapat palaging sabihin sa iyong mga anak na: “Tingnan mo kung gaano kamasunurin si Xiaoming na kapitbahay natin!” Ang mga anak mo ay mga anak mo—ang responsabilidad na dapat mong tuparin ay hindi ang sabihin sa iyong mga anak kung gaano kabuti si Xiaoming na kapitbahay ninyo o na hikayatin silang matuto mula sa inyong kapitbahay na si Xiaoming. Ito ay hindi dapat gawin ng isang magulang. Magkakaiba ang bawat tao. Magkakaiba ang kaisipan, pananaw, hilig, libangan, kakayahan, at personalidad ng mga tao, at kung mabuti ba o masama ang kanilang pagkataong diwa. May mga taong likas na madaldal, samantalang ang iba naman ay likas na hindi palakibo, at ayos lang sa kanila kahit pa lumipas ang buong araw nang hindi man lang sila umiimik. Kaya, kung nais gampanan ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad, dapat nilang sikaping unawain ang mga personalidad, disposisyon, hilig, kakayahan, at mga pangangailangan ng pagkatao ng kanilang mga anak, sa halip na iasa sa kanilang mga anak ang sarili nilang mga paghahangad sa mundo, katanyagan, at pakinabang bilang taong nasa hustong gulang na, ipinapataw sa kanilang mga anak ang mga bagay na nauugnay sa katanyagan, pakinabang, at mundo na nagmumula sa lipunan. Ang tawag ng mga magulang sa mga bagay na ito, “mga ekspektasyon para sa kanilang mga anak,” ay magandang pakinggan pero ang totoo, hindi ganoon ang mga ito. Malinaw na nagtatangka silang ipahamak ang kanilang mga anak at itulak ang mga ito sa mga bisig ng mga diyablo. Kung ikaw ay isang magulang na talagang sapat, dapat mong gampanan ang iyong mga responsabilidad hinggil sa pisikal at mental na kalusugan ng iyong mga anak, sa halip na ipilit sa kanila ang iyong kagustuhan bago sila umabot sa hustong gulang, pinupwersa ang kanilang murang isipan na tiisin ang mga bagay na hindi naman nila dapat tiisin. Kung tunay mo silang mahal at iniingatan sila at talagang gusto mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila, dapat mong alagaan ang kanilang katawan at siguraduhing malusog ito. Siyempre, may mga batang ipinanganak na mahina at hindi malusog. Kung talagang may mga magagawang paraan ang mga magulang, maaari nilang bigyan ang kanilang mga anak ng mga suplemento sa nutrisyon o kumonsulta sila sa isang tradisyonal na doktor sa Tsina o sa isang nutrisyonista, higit pang alagaan ang mga anak na ito. Bukod dito, sa bawat edad bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, mula sa pagkasanggol at pagkabata hanggang sa pagtanda, dapat pagtuunan ng higit pang atensiyon ng mga magulang ang mga pagbabago sa mga personalidad at hilig ng kanilang mga anak, at sa mga pangangailangan ng mga anak pagdating sa pagtuklas ng mga ito sa sariling pagkatao, pinapakitaan ng higit pang malasakit ang kanilang mga anak. Dapat din nilang bigyan ang kanilang mga anak ng positibo at makataong gabay, tulong, at panustos pagdating sa mga pangkaisipang pagbabago at mga maling akala ng mga ito, at sa ilang bagay na walang nakakaalam tungkol sa mga pangangailangan ng kanilang pagkatao, gamit ang praktikal na kabatiran, karanasan, at mga aral na natutunan nila sa pagdanas ng ganoon ding mga bagay. Dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na lumaki nang maayos sa bawat edad ng mga ito, at umiwas sa pagtahak sa mga pasikot-sikot o maling landas, o umasal nang sobra-sobra. Kapag napinsala o negatibong naapektuhan ang kanilang mura at nalilitong isipan, dapat silang makatanggap ng agarang lunas, pati na rin ng pagmamalasakit, pagmamahal, pag-aalaga, at paggabay mula sa kanilang mga magulang. Ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Tungkol naman sa anumang plano na mayroon ang mga anak para sa kanilang sariling kinabukasan, kung nais ba nilang maging guro, alagad ng sining, o opisyal, at iba pa, kung makatwiran naman ang kanilang mga plano, maaari silang hikayatin ng mga magulang at bigyan ng tamang tulong at suporta batay sa sariling mga sitwasyon, edukasyon, kakayahan, pagkatao, sitwasyon ng pamilya ng mga magulang, at iba pa. Ngunit, hindi dapat lumagpas ang mga magulang sa saklaw ng kanilang sariling mga abilidad, hindi nila dapat ibenta ang kanilang mga sasakyan, bahay, kidney, o ang kanilang dugo. Hindi ito kailangang gawin, hindi ba? (Oo.) Dapat lang nilang bigyan ng tamang tulong ang kanilang mga anak sa abot ng kanilang makakaya bilang mga magulang. Kung sasabihin ng kanilang mga anak, “Gusto kong magkolehiyo,” maaaring sabihin ng mga magulang, “Kung gusto mong magkolehiyo, susuportahan kita, at hindi ako kokontra, pero hindi ganoon kayaman ang pamilya natin. Simula ngayon, kakailanganin kong mag-ipon ng pera araw-araw para sa isang taon ng iyong matrikula sa kolehiyo. Kung pagdating ng panahon ay makaipon ako nang sapat, pwede kang mag-aral sa kolehiyo. Pero kung hindi ako makakaipon nang sapat, kakailanganin mong maghanap ng sarili mong solusyon.” Dapat magkasundo nang ganito ang mga magulang at ang kanilang mga anak, nang may pagkakaintindihan at kasunduan, at nilulutas ang problema sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak kaugnay sa kinabukasan ng mga ito. Siyempre, kung hindi maisasakatuparan ng mga magulang ang mga plano at layunin ng kanilang mga anak para sa kinabukasan ng mga ito, hindi nila kailangang makonsensiya at isipin na: “Binigo ko ang mga anak ko, wala akong kakayahan, at dahil dito ay kailangan pang magdusa ng mga anak ko. Ang mga anak ng ibang tao ay kumakain ng masasarap, nagdadamit ng mga sikat na brand, at nagmamaneho ng mga sasakyan sa kolehiyo, at kapag umuuwi sila, sumasakay sila ng eroplano. Samantalang ang mga anak ko ay kailangang sumakay ng tren na may matitigas na upuan—hindi ko man lang sila kayang pasakayin sa mga tren na may higaan. Binigo ko ang mga anak ko!” Hindi kailangang makonsensiya ng mga magulang, ganito ang sitwasyon nila, at kahit na magbenta sila ng kidney, hindi pa rin nila maibibigay ang mga bagay na iyon, kaya dapat nilang tanggapin ang kanilang kapalaran. Isinaayos ng Diyos ang ganitong kalagayan para sa kanila, kaya ang mga magulang ay hindi kailangang makonsensiya sa kalagayan ng kanilang mga anak, sinasabing: “Binigo kita. Kung hindi ka magiging isang mabuting anak sa hinaharap, hindi ako magrereklamo. Wala kaming kakayahan, at hindi ka namin binigyan ng magandang kapaligiran sa pamumuhay.” Hindi ito kailangang sabihin ng mga magulang. Kailangan lamang tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad nang may malinis na konsensiya, gawin ang lahat ng kanilang makakaya, at gawing malusog ang katawan at isipan ng kanilang mga anak. Sapat na iyon. Ang kahulugan ng “kalusugan” dito ay na ginagawa ng mga magulang ang lahat ng kanilang makakaya para siguraduhing mayroong mga positibong kaisipan ang kanilang mga anak, pati na mga aktibo, positibo, at optimistang kaisipan at saloobin patungkol sa kanilang pang-araw-araw na buhay at pag-iral. Kapag may nagpapasama ng loob nila, ang mga anak ay hindi dapat magmaktol, magtangkang magpakamatay, pagproblemahin ang kanilang mga magulang, o sumbatan ang kanilang mga magulang na ang mga ito ay walang kakayahan at walang kwenta na hindi marunong kumita ng pera, sinasabing: “Tingnan mo ang mga magulang ng iba. Nagmamaneho sila ng magagandang sasakyan, nakatira sa mga mansiyon, sumasakay sa mararangyang cruise ship, at naglalakbay sa Europa. Samantalang tayo ay hindi pa kailanman nakaalis sa bayan natin o nakasakay sa mabilis na tren!” Kung magmamaktol sila nang ganito, paano ka dapat sumagot? Dapat sabihin mo na: “Tama ka, ganyan kahina ang kakayahan namin. Ipinanganak ka sa pamilyang ito, at dapat mong tanggapin ang kapalaran mo. Kung may kakayahan ka, ikaw mismo ang kumita ng pera sa hinaharap. Huwag mo kaming bastusin, at huwag mong igiit na gawin namin ang mga bagay-bagay para sa iyo. Natupad na namin ang aming mga responsabilidad sa iyo, at wala kaming utang sa iyo. Balang araw, magiging isa kang magulang, at kakailanganin mo ring gawin ito.” Kapag may sarili na silang mga anak, malalaman nilang hindi ganoon kadali para sa mga magulang na kumita ng pera para suportahan ang sarili at ang buong pamilya, kapwa bata at matanda. Sa kabuuan, dapat mo silang turuan ng ilang prinsipyo sa kung paano sila dapat umasal. Kung tatanggapin ito ng mga anak mo, dapat kang magbahagi sa kanila tungkol sa pananampalataya sa Diyos at sa pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan para makamit ang kaligtasan, pati na rin sa ilang tamang kaisipan at pananaw na iyong naunawaan mula sa Diyos. Kung ang mga anak mo ay handang tanggapin ang gawain ng Diyos at manampalataya sa Diyos kasama mo, mas mainam iyon. Kung walang ganitong pangangailangan ang mga anak mo, sapat na ang tuparin mo ang mga responsabilidad mo sa kanila; hindi mo na kailangang maglitanya o magbanggit ng mga salita at doktrina ukol sa pananampalataya sa Diyos para ipangaral sa kanila. Hindi mo ito kailangang gawin. Kahit hindi nananampalataya ang mga anak mo, basta’t sumusuporta sila sa iyo, maaari pa rin kayong maging mabuting magkaibigan, at mag-usap at magtalakayan tungkol sa anumang bagay. Hindi kayo dapat maging magkaaway, at huwag kang magdamdam sa kanila. Magkadugo pa rin kayo. Kung handang tuparin ng mga anak mo ang mga responsabilidad nila sa iyo, na maging mabuting anak sa iyo, at sumunod sa iyo, kung gayon, maaari mong papanatilihin ang iyong ugnayan sa kanila bilang iyong kapamilya, at makisalamuha sa kanila nang normal. Hindi mo kailangang palaging murahin o pagalitan ang iyong mga anak dahil lang sa iba sa iyo ang kanilang mga opinyon at pananaw tungkol sa pananalig. Hindi kailangang gawin iyon. Hindi kailangang uminit ng ulo mo, o isipin na malaking isyu na hindi nananampalataya sa Diyos ang mga anak mo, na para bang nawalan ka ng buhay at kaluluwa. Hindi iyon ganoon kalubha. Kung hindi sila nananampalataya, natural na may sarili silang mga napiling landas na tatahakin. Mayroon ka ring landas na dapat tahakin at tungkulin na dapat gampanan, at walang kinalaman ang mga bagay na ito sa iyong mga anak. Kung hindi nananampalataya ang mga anak mo, hindi mo kailangang igiit ito. Marahil ay hindi pa lang dumating ang tamang oras, o na sadyang hindi pa sila hinirang ng Diyos. Kung sadyang hindi pa sila hinirang ng Diyos, at pinipilit mo silang manampalataya, kung gayon, ikaw ay mangmang at mapaghimagsik. Siyempre, kung hinirang na sila ng Diyos, ngunit hindi pa dumating ang tamang oras, at iginigiit mong manampalataya sila ngayon, medyo masyado pang maaga. Kung nanaisin ng Diyos na kumilos, walang taong makakatakas sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Kung isinaayos ng Diyos na ang mga anak mo ay manampalataya, maisasakatuparan Niya ito sa isang salita o kaisipan. Kung hindi isinaayos ng Diyos na sila ay manampalataya, hindi sila maaantig, at kung hindi sila maaantig, gaano ka man magsalita, wala itong silbi. Kung hindi nananampalataya ang mga anak mo, wala kang pagkakautang sa kanila; kung nananampalataya naman ang mga anak mo, hindi ito dahil sa iyo. Hindi ba’t ganoon ang lagay? (Oo.) Magkapareho man kayo ng layon ng iyong mga anak ukol sa pananalig o kung nagkakasundo man kayo sa aspektong ito, ano’t anuman, kailangan mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Kung natupad mo na ang mga responsabilidad na ito, hindi ito nangangahulugan na napakitaan mo sila ng kabutihan, at kung hindi nananampalataya ang iyong mga anak, hindi ito nangangahulugang may pagkakautang ka sa kanila, dahil natupad mo na ang iyong mga responsabilidad, at hanggang doon na lang iyon. Hindi pa rin nagbabago ang inyong relasyon, at maaari ka pa ring makipag-ugnayan sa iyong mga anak tulad ng dati. Kapag nahaharap sa mga suliranin ang iyong mga anak, dapat mo silang tulungan hangga’t kaya mo. Kung may kakayahang-pinansyal ka para matulungan ang iyong mga anak, dapat kang tumulong; kung magagawa mong ituwid ang mga kaisipan at pananaw ng iyong mga anak sa sikolohikal o mental na antas, at bigyan sila ng tamang gabay at tulong upang makaahon sila mula sa kanilang mga suliranin, mainam iyon. Sa kabuuan, ang dapat gawin ng mga magulang bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak ay ang tuparin ang mga responsabilidad ng mga magulang, alamin kung ano ang gustong gawin ng kanilang mga anak, at kung ano ang mga hilig at hangarin ng kanilang mga anak. Kung gusto ng kanilang mga anak na pumatay ng mga tao, magsunog ng mga gamit, at gumawa ng krimen, dapat seryosong disiplinahin ng mga magulang o parusahan pa nga ang kanilang mga anak. Pero kung sila ay mga masunuring anak, at walang ipinagkaiba sa ibang ordinaryong bata, at maganda ang kanilang asal sa paaralan, ginagawa ang kahit anong sabihin ng kanilang mga magulang, dapat lang na tuparin ng mga magulang ang mga responsabilidad ng mga ito sa kanilang mga anak. Maliban sa pagtupad sa kanilang mga responsabilidad, iyong mga diumano’y ekspektasyon, hinihingi, at pag-iisip tungkol sa kanilang kinabukasan ay pawang hindi kinakailangan. Bakit Ko sinasabing hindi kinakailangan ang mga ito? Ang kapalaran ng bawat tao ay inorden ng Diyos at hindi ito mapagpapasyahan ng kanilang mga magulang. Anuman ang ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, imposibleng maisasakatuparan ang lahat ng ito sa hinaharap. Hindi maitatakda ng mga ekspektasyong ito ang kinabukasan o buhay ng kanilang mga anak. Kahit gaano kalaki ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, o gaano kalaki ang mga sakripisyo o halagang inilalaan nila para sa mga ekspektasyong iyon, walang saysay ang lahat ng ito; walang epekto ang mga bagay na ito sa hinaharap o buhay ng kanilang mga anak. Kaya, hindi dapat gumawa ng mga kahangalan ang mga magulang. Hindi sila dapat magsakripisyo nang di-kinakailangan para sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, at natural na hindi sila dapat sobrang mag-alala tungkol dito. Ang pagpapalaki ng mga anak ay tungkol sa pagkatuto ng isang magulang habang nagkakaroon din ng iba’t ibang karanasan mula sa iba’t ibang kapaligiran, at pagbibigay-daan sa kanilang mga anak na makinabang mula sa mga ito. Iyon lang ang kailangang gawin ng mga magulang. Tungkol naman sa kinabukasan at landas ng buhay ng mga anak sa hinaharap, walang kinalaman ang mga bagay na ito sa mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang. Ibig sabihin, hindi mapagpapasyahan ng mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ang iyong kinabukasan. Hindi ibig sabihin na dahil mataas ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang sa iyo, o dahil malaki ang inaasahan nila sa iyo ay magtatagumpay at magiging maayos ang pamumuhay mo, at hindi rin ibig sabihin na dahil walang mga ekspektasyon sa iyo ang iyong mga magulang ay magiging isa ka nang pulubi. Wala naman talagang ugnayan ang mga bagay na ito. Sabihin mo sa Akin, madali bang unawain itong mga paksang ibinahagi Ko? Madali ba para sa mga tao na isakatuparan ang mga bagay na ito? Mahirap ba ang mga ito? Kailangan lang tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga anak, palakihin ang mga ito, at itaguyod hanggang umabot sa hustong gulang. Hindi nila kailangang palakihin ang kanilang mga anak upang maging isang taong may talento. Madali bang tuparin ito? (Oo.) Madali lang gawin ito—hindi mo kailangang magpasan ng anumang responsabilidad para sa kinabukasan o buhay ng iyong mga anak, o bumuo ng anumang plano para sa kanila, o magtakda kung magiging anong uri sila ng tao, anong klase ng buhay mayroon sila sa hinaharap, sa anong mga grupo sa lipunan sila matatagpuan sa mga susunod na panahon, kung ano ang magiging kalidad ng buhay nila sa mundong ito sa hinaharap, o kung ano ang magiging katayuan nila sa mga tao. Hindi mo kailangang itakda o kontrolin ang mga bagay na ito; kailangan mo lang na tuparin ang iyong responsabilidad bilang magulang. Ganoon lang iyon kasimple. Kapag nasa tamang edad na ang mga anak mo para mag-aral, kailangan mong maghanap ng paaralan at ipasok sila roon, bayaran ang kanilang matrikula kapag kinakailangan, at bayaran ang anumang kailangan nila sa eskuwela. Sapat na ang tuparin ang mga responsabilidad na ito. Pagdating sa kung ano ang kanilang kinakain at sinusuot sa buong taon, kailangan mo lang alagaan ang kanilang katawan base sa mga sirkumstansiya. Huwag hayaang hindi sila magamot mula sa isang karamdaman bago pa sila umabot sa hustong gulang, kung kailan hindi pa nila naiintindihan kung paano alagaan ang kanilang sariling katawan. Maagap na ituwid ang kanilang mga kapintasan at masasamang gawi, tulungan mo silang magkaroon ng mabubuting kagawian sa buhay, at pagkatapos ay payuhan at patnubayan ang kanilang mga isipan, at tiyaking hindi sila nagmamalabis. Kung gusto nila ang ilang masamang bagay sa mundo, pero nakikita mo na mababait silang anak, at na naimpluwensiyahan lamang sila ng masasamang kalakaran sa mundo, dapat mo silang ituwid kaagad at tulungan silang ayusin ang kanilang mga kapintasan at masasamang gawi. Ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang at ang mga papel na kailangan nilang gampanan. Hindi dapat itulak ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga kalakaran ng lipunan, at hindi nila dapat ipapasan sa kanilang mga anak, kapag napakabata pa ng mga ito, ang iba’t ibang uri ng presyur, na karaniwan ay para lang sa mga taong nasa hustong gulang na, samantalang wala pa sa hustong gulang ang kanilang mga anak. Hindi dapat gawin ng mga magulang ang mga bagay na ito. Ito ay mga simpleng bagay lang na dapat makamit, ngunit hindi ito kayang isakatuparan ng ilang tao. Dahil hindi kayang bitiwan ng mga taong iyon ang kanilang paghahangad sa makamundong katanyagan at pakinabang, o sa masasamang kalakaran ng mundo, at dahil natatakot silang itiwalag ng mundo, bago pa man umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, maaga nilang inihahanda ang isip ng mga ito na umangkop sa lipunan at mabilis na makibagay sa lipunan. Kung may mga ganitong magulang ang mga anak, malas sila. Anuman ang mga pamamaraan o dahilan ng pagmamahal, pagtatangi, at pagbabayad ng mga halaga para sa kanila ng kanilang mga magulang, para sa mga anak na may ganitong pamilya, hindi ibig sabihin na magagandang bagay ang mga iyon—masasabi pa nga na mga uri ng kasawian ang mga iyon. Ito ay dahil, sa likod ng mga ekspektasyon ng magulang, ang idinudulot ng mga magulang na iyon sa murang isipan ng kanilang mga anak ay pagkawasak. Sa madaling salita, ang mga ekspektasyon ng mga magulang na iyon, sa totoo lang, ay hindi naman talaga tungkol sa pagkakaroon ng kanilang mga anak ng malusog na isipan at katawan; ang mga ito ay mga ekspektasyon lang na magkaroon ng posisyon ang kanilang mga anak sa lipunan, at hindi maitiwalag ng lipunan ang mga ito. Ang layon ng kanilang mga ekspektasyon ay ang magkaroon ng magandang buhay ang kanilang mga anak, o maging mas nakatataas kaysa sa ibang tao, upang hindi maging pulubi, upang hindi diskriminahin o apihin ng ibang tao, at upang makapasok sa masasamang kalakaran at masasamang grupo ng tao. Mabubuting bagay ba ang mga ito? (Hindi.) Kaya, hindi mo kailangang isapuso ang mga ganitong ekspektasyon ng magulang. Kung minsan nang pinanghawakan ng mga magulang mo ang mga ganitong ekspektasyon sa iyo, o kung nagbayad na sila ng maraming halaga para maisakatuparan ang kanilang mga ekspektasyon sa iyo, kaya pakiramdam mo ay may pagkakautang ka sa kanila, at nilalayon mong gamitin ang buong buhay mo para masuklian ang mga halagang binayaran nila para sa iyo—kung mayroon kang ganitong ideya at hangarin, dapat mo na itong bitiwan ngayon. Wala kang anumang pagkakautang sa kanila, sa halip, sila ang nagdulot ng pagkawasak at pinsala sa iyo. Bukod sa hindi nila natupad ang kanilang mga responsabilidad bilang magulang, sa kabaligtaran, sinaktan ka nila, nagdulot sila ng iba’t ibang pinsala sa iyong murang isipan, at nag-iwan ng maraming masasamang alaala at marka sa iyong isipan. Sa madaling salita, ang mga ganitong magulang ay hindi mabubuting magulang. Kung, bago ka umabot sa hustong gulang, sa kanilang paraan ng pagtuturo, pag-impluwensiya, at pagsasalita sa iyo ay palaging umaasa ang iyong mga magulang na ikaw ay mag-aaral nang mabuti, magtatagumpay, at hindi magiging isang trabahador lamang, na tiyak na magkakaroon ka ng magandang kinabukasan, na ikaw ay kanilang ipagmamalaki at ikagagalak, at ikararangal, kung gayon, sa araw na ito, dapat kang kumawala sa kanilang diumano’y mga kabutihan, at hindi mo na kailangang isapuso ang mga ito. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Ito ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito.

Ang likas na katangian ng mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak ay hindi nagbabago kapag umabot na sa hustong gulang ang kanilang mga anak. Bagamat ang kanilang mga anak na nasa hustong gulang na ay kaya nang mag-isip para sa sarili, at kayang makipag-usap, magsalita, at makipagtalakayan sa kanila mula sa perspektiba ng isang taong nasa hustong gulang na, ganoon pa rin ang mga kinikimkim na ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak mula sa perspektiba ng isang magulang. Mula sa mga ekspektasyon para sa isang anak na wala pa sa hustong gulang, ang kanilang mga ekspektasyon ay nagiging para sa isang taong nasa hustong gulang na. Bagamat naiiba ang mga ekspektasyon ng magulang para sa mga taong nasa hustong gulang na kumpara sa ekspektasyon para sa mga anak na wala pa sa hustong gulang, bilang mga ordinaryo, tiwaling tao, at miyembro ng lipunan at mundo, pareho pa rin ang kinikimkim na mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Umaasa silang magiging maayos ang takbo ng trabaho ng kanilang mga anak, na magkakaroon ang mga ito ng masayang buhay may-asawa at perpektong pamilya, na tataas ang sahod at ranggo ng mga ito, na pahahalagahan ang mga ito ng mga amo ng mga ito, at na magiging maayos ang lahat para sa mga ito sa trabaho, nang hindi nakakaranas ang mga ito ng anumang paghihirap. Ano ang silbi ng mga ekspektasyong ito? (Walang silbi ang mga ito.) Walang silbi at hindi kinakailangan ang mga ito. Iniisip ng mga magulang na kaya nilang basahin ang iyong isipan dahil sila ang nagpalaki at sumuporta sa iyo, kaya naman naniniwala silang alam na nila ang lahat ng iniisip mo, gusto mo, at ang iyong personalidad, kahit na ikaw ay nasa hustong gulang na ngayon. At kahit na isa kang taong nasa hustong gulang na nakapagsasarili, at kaya mo nang kumita ng pera para suportahan ang sarili mo, pakiramdam nila ay kaya ka pa rin nilang kontrolin, at na may karapatan pa rin silang magsalita, makialam, magdesisyon, manghimasok, o maghari-harian pa nga pagdating sa anumang bagay tungkol sa iyo. Ibig sabihin, iniisip nila na maaaring sila ang may huling pasya. Halimbawa, pagdating sa pag-aasawa, kung may nililigawan ka, at agad na sasabihin ng iyong mga magulang: “Hindi maganda iyan, hindi siya kasing-edukado mo, hindi siya gaanong kagandahan, at nakatira sa probinsiya ang pamilya niya. Kapag naikasal ka na sa kanya, dadagsa ang kanyang mga kamag-anak mula sa probinsiya, hindi nila alam kung paano gumamit ng banyo, at dudumihan lang nila ang lahat. Tiyak na hindi ka magkakaroon ng magandang buhay niyan. Hindi maganda ito, hindi kita pinapayagang makasal sa kanya!” Hindi ba’t ito ay pangingialam? (Oo.) Hindi ba’t sobra-sobra na ito at nakakasuklam? (Oo, sobra-sobra na ito.) Kailangan pa ring humingi ng pahintulot ang mga anak mula sa kanilang mga magulang kapag naghahanap sila ng katuwang sa buhay. Bilang resulta, may ilang anak ngayon na hindi na nagsasabi sa kanilang mga magulang na nakahanap na sila ng kasintahan, para lang makaiwas sa pangingialam ng kanilang mga magulang. Kapag tinatanong sila ng kanilang mga magulang, “May kasintahan ka na ba?” sinasabi lang nila, “Wala pa, maaga pa, bata pa ako, hindi ko kailangang magmadali,” pero ang totoo, dalawa o tatlong taon na silang may kasintahan, hindi lang nila sinasabi sa kanilang mga magulang. At bakit hindi nila sinasabi sa kanilang mga magulang? Dahil gustong makialam ng kanilang mga magulang sa lahat ng bagay; masyadong pihikan ang mga ito, kaya’t hindi na lang nila ikinukuwento sa kanilang mga magulang ang tungkol sa kanilang kasintahan. Kapag handa na silang magpakasal, direkta na lamang nilang dinadala ang kanilang kasintahan sa bahay ng kanilang mga magulang, at nagtatanong, “Ibinibigay mo ba ang iyong pahintulot? Magpapakasal na ako bukas. Ganito ang gagawin ko sa bagay na ito, papayag man kayo o hindi. Kung hindi kayo papayag, magpapakasal pa rin kami at mag-aanak.” Masyadong nakikialam ang mga magulang na ito sa kanilang mga anak, pati na sa buhay may-asawa ng mga anak. Hangga’t hindi naaayon sa kanilang inaasam ang kasintahan ng kanilang mga anak, kung hindi nila nakakasundo ang mga ito, o kung ayaw nila sa mga ito, susubukan nilang paghiwalayin ang kanilang anak at ang kasintahan nito. Kung hindi papayag ang kanilang anak, sila ay iiyak, gagawa ng gulo, at magbabantang magpapakamatay, hanggang sa puntong hindi malaman ng kanilang mga anak kung maiiyak o matatawa ba ang mga ito—hindi malaman ng mga ito kung ano ang gagawin. May mga anak din na nagsasabing matanda na sila at ayaw nang mag-asawa, at sinasabi sa kanila ng kanilang mga magulang: “Hindi maganda iyan. Umasa akong lalaki ka, mag-aasawa, at magkakaanak. Nasaksihan ko na ang paglaki mo, at ngayon, gusto kong makita na mag-aasawa ka at magkakaanak. Kung magkagayon ay pwede na akong mamatay nang mapayapa. Kung hindi ka mag-aasawa, hinding-hindi ko matutupad ang pangarap na ito. Hindi ako maaaring mamatay, at kung mamatay man ako, hindi ako mamamatay nang mapayapa. Kailangan mong mag-asawa, bilisan mo at humanap ka na ng kasintahan. Ayos lang kahit pansamantalang kasintahan lang ang mahanap mo, at ipakilala mo siya sa akin.” Hindi ba’t pangingialam ito? (Oo.) Pagdating sa pagpili ng kanilang mga anak ng mapapangasawa, maaaring magbigay ng angkop na payo ang mga magulang, maari nilang paalalahanan ang kanilang mga anak, o tulungan ang mga ito na suriin ang kanilang kasintahan, pero hindi sila dapat makialam, hindi nila dapat tulungan ang kanilang mga anak na magdesisyon. May sariling damdamin ang mga anak kung gusto ba nila ang kanilang kasintahan, kung nakakasundo ba nila ito, kung pareho ba ang kanilang mga hilig, at kung magiging masaya ba sila sa hinaharap. Hindi palaging alam ng mga magulang ang mga bagay na ito, at kahit na alam nila, maaari lamang silang magbigay ng mga suhestiyon, hindi sila dapat lantarang humadlang o lubhang makialam sa usaping ito. May mga magulang pa nga na nagsasabing: “Kapag nakahanap ng kasintahan ang anak ko, dapat kapantay ng sa pamilya namin ang katayuan nito sa lipunan. Kung hindi, at may mga motibo sila sa anak ko, hindi ko sila papayagang makasal, kailangan kong putulin ang kanilang mga plano. Kung gusto nilang pumasok sa bahay ko, hindi ko sila papayagan!” Angkop ba ang ekspektasyong ito? Ito ba ay makatwiran? (Hindi ito makatwiran.) Mahalagang bagay ito sa buhay ng kanilang mga anak, hindi makatwirang makialam ang mga magulang dito. Ngunit mula sa perspektiba ng mga magulang na ito, may higit pang dahilan para makialam sila sa mahahalagang bagay sa buhay ng kanilang mga anak. Kung kaswal lang na nagkakaroon ng kaibigan sa ibang kasarian ang kanilang mga anak, hindi sila makikialam, pero kung may kinalaman ito sa mahalagang usapin ng pag-aasawa, iisipin nila na kinakailangan nilang makialam. May mga magulang pa nga na labis na nagsusumikap na tiktikan ang kanilang mga anak, tinitingnan kung sino sa mga ibang kasarian ang mayroon silang mga numero at impormasyon sa kanilang mga telepono at kompyuter, pinakikialaman at minamanmanan ang kanilang mga anak, hanggang sa puntong wala nang matatakbuhan ang kanilang mga anak, kung saan sila ay hindi makalaban, makasagot, o makaiwas sa hadlang na ito. Angkop ba ang ganitong kilos ng isang magulang? (Hindi.) Kung napapasama ng mga magulang ang loob ng kanilang mga anak, ito ay nakakabahala, hindi ba? Ang dapat gawin ng mga magulang para sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na ay ang patuloy na gampanan ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon bilang mga magulang, tulungan ang mga anak sa mga landas ng mga ito sa hinaharap, at bigyan ang mga anak ng makatwiran at mahalagang payo, patnubay, at paalala, upang hindi malinlang sa trabaho o kapag nakikipag-ugnayan ang mga ito sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at bagay, at upang maiwasan ng mga anak ang paggamit ng mga di-kinakailangang pamamaraan, ang maharap sa mga di-kinakailangang problema, o ang makasuhan pa nga. Ang mga magulang ay dapat tumindig bilang isang taong may karanasan, at bigyan ang kanilang mga anak ng kapaki-pakinabang at mahalagang payo at mga sanggunian. Hinggil sa kung makikinig man sa kanila o hindi ang kanilang mga anak, problema na iyon ng kanilang mga anak. Ang dapat gawin ng mga magulang ay tuparin lamang ang kanilang mga responsabilidad. Hindi makokontrol ng mga magulang kung gaano karaming paghihirap ang daranasin ng kanilang mga anak, kung gaano katinding pasakit ang titiisin ng mga ito, o kung gaano karaming biyaya ang tatamasahin ng mga ito. Kung kinakailangang tiisin ng kanilang mga anak ang ilang malaking pagsubok sa buhay na ito, at itinuturo na nila ang mga bagay na kinakailangang ituro sa kanilang mga anak, ngunit kapag may nangyayari sa kanilang mga anak ay napakasutil pa rin ng mga ito, kung gayon, ang mga anak ay nararapat lang na magdusa, iyon ang kapalaran ng mga ito, at hindi na kailangang sisihin ng mga magulang ang kanilang sarili, hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Sa ilang sirkumstansiya, hindi nagiging maayos ang buhay may-asawa ng mga tao, hindi sila magkasundo ng kanilang asawa, at nagpapasya silang magdiborsiyo, at pagkatapos nilang magdiborsiyo, may mga alitan sa kung sino ang magpapalaki sa kanilang mga anak. Umasa ang mga magulang ng mga taong iyon na magiging maayos ang lahat sa trabaho ng kanilang mga anak, na magkakaroon sila ng masayang buhay may-asawa at na walang anumang hidwaan o problema na lilitaw, ngunit sa huli, hindi nangyari ang gusto nila. Dahil dito, nag-aalala ang mga magulang sa kanilang mga anak, umiiyak, nagsusumbong sa kanilang mga kapitbahay tungkol dito, at tinutulungan ang kanilang mga anak na makahanap ng mga abogado para ipaglaban ang kustodiya para sa mga anak nito. May mga magulang pa nga na nakakakita na naagrabyado ang kanilang anak na babae, at tumitindig sila para ipaglaban ang kanilang anak, pumupunta sila sa bahay ng asawa ng kanilang anak at bumubulyaw, “Bakit mo inagrabyado nang ganito ang anak ko? Hindi ko mapapalampas ang panghahamak na ito!” Dinadala pa nga nila ang kanilang mga kamag-anak para maglabas ng galit sa ngalan ng kanilang anak, at humahantong ito sa mga pag-aaway. Bilang resulta, nagdudulot ito ng malaking eskandalo. Kung hindi dumating ang buong pamilya para manggulo, at kung unti-unting humupa ang tensiyon sa pagitan ng mag-asawa, pagkatapos nilang kumalma, malamang ay hindi na sana sila nagdiborsiyo. Ngunit, dahil sa kaguluhang ginawa ng mga magulang na ito, naging malaking isyu ito; hindi na maaayos ang kanilang nasirang pagsasama bilang mag-asawa, at nagkaroon na ito ng lamat. Sa huli, sobrang laking gulo ang ginawa ng mga magulang kaya’t hindi naging maayos ang buhay may-asawa ng kanilang mga anak, at kinailangan ding mag-alala ang mga magulang tungkol dito. Sabihin mo sa Akin, sulit ba ang naging panggugulo? Ano ang silbi ng pangingialam nila sa mga bagay na iyon? May kinalaman man ito sa buhay may-asawa o sa trabaho ng kanilang mga anak, iniisip ng lahat ng magulang na may malaking responsabilidad sila: “Dapat akong makialam, kailangan kong subaybayan at obserbahang mabuti ang bagay na ito.” Inoobserbahan nila kung masaya ba o hindi ang buhay may-asawa ng kanilang mga anak, kung may mga problema ba sa pagmamahalan ng mga ito, at kung may kabit ba ang kanilang mga anak na lalaki o ang kanilang manugang na lalaki. Ang ibang magulang ay nakikialam, namumuna, o nakakaisip pa nga ng mga pakana ukol sa iba’t ibang aspekto ng buhay ng kanilang mga anak para masunod ang kanilang mga ekspektasyon sa buhay may-asawa ng kanilang mga anak o sa iba pang bagay, at lubha itong nakakaapekto sa normal na ayos ng buhay at trabaho ng kanilang mga anak. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang mga ganitong magulang? (Oo.) May mga magulang pa nga na nakikialam sa pamumuhay at kagawian sa buhay ng kanilang mga anak, at kapag wala silang magawa, pumupunta sila sa bahay ng kanilang mga anak para makita kung kumusta ang kanilang manugang na babae, para tingnan kung palihim itong nagpapadala ng mga regalo o pera sa sarili nitong pamilya, o kung nakikipagkita ba ito sa ibang lalaki. Para sa kanilang mga anak, talagang kasuklam-suklam at kamuhi-muhi ang mga kilos na ito. Kung magpapatuloy nang ganito ang mga magulang, mararamdaman ng kanilang mga anak na kasuklam-suklam at kamuhi-muhi ito, kaya’t napakalinaw na hindi makatwiran ang mga ganitong kilos. Siyempre, kung titingnan natin ito mula sa ibang perspektiba, ang mga ganitong kilos ay imoral din at walang pagkatao. Anuman ang uri ng mga ekspektasyon mayroon ang mga magulang para sa kanilang mga anak, kapag nasa hustong gulang na ang mga anak, hindi na dapat makialam ang mga magulang sa pamumuhay o trabaho ng mga ito, o sa pamilya ng mga ito, at mas lalong hindi nila dapat pakialaman o kontrolin ang iba’t ibang aspekto ng buhay ng kanilang mga anak. May mga magulang pa nga na talagang mahilig sa pera, at sinasabi nila sa kanilang mga anak: “Para mabilis kang kumita ng mas maraming pera, kailangan mong palakihin ang iyong negosyo. Tingnan mo ang anak ni ganito, pinalawak niya ang kanyang negosyo—malaki na ngayon ang tindahan nila, at ginawa na nilang pang-franchise ang malaking tindahan na iyon, at ngayon ay nakakasama na nila ang kanilang mga magulang sa pagkain at pag-inom nang maayos. Kailangan mong kumita ng mas maraming pera. Kumita ka ng mas maraming pera at magbukas ng mas maraming tindahan, pagkatapos ay maaari tayong magkasamang magtamasa sa iyong tagumpay.” Sa kabila ng mga paghihirap o mga pagnanais ng kanilang mga anak, nais lamang nilang matugunan ang sarili nilang mga kagustuhan at makasariling hangarin; nais lamang nilang gamitin ang kanilang mga anak para kumita ng malaking pera, upang matamo ang kanilang layon na magtamasa ng mga kasiyahan sa laman. Lahat ng ito ay mga bagay na hindi dapat gawin ng mga magulang. Ang mga ito ay imoral at walang pagkatao, at ang gayong mga magulang ay hindi tumutupad sa kanilang mga responsabilidad. Hindi dapat ganito ang saloobin ng mga magulang sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na. Sa halip, sinasamantala ng mga magulang na ito ang kanilang katandaan, nanghihimasok sila sa buhay ng kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, pinakikialaman nila ang buhay may-asawa ng kanilang mga anak, at ang iba pang bagay, habang nagkukunwaring nagpapakita ng pagkaresponsable para sa kanilang mga anak. Gaano man kahusay ang mga anak na nasa hustong gulang, anuman ang kanilang kakayahan, katayuan sa lipunan, o ang kanilang kinikita, ito ang kapalarang itinakda ng Diyos para sa kanila—ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi dapat nakikialam ang mga magulang sa uri ng pamumuhay ng kanilang mga anak, maliban na lamang kung hindi tumatahak sa tamang landas ang kanilang mga anak o kung nilalabag ng mga ito ang batas, kung magkagayon ay dapat mahigpit na disiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak. Ngunit, sa mga normal na sitwasyon, kung saan nasa tamang kaisipan at may kakayahang mamuhay at nakapagsasarili ang mga nasa hustong gulang na ito, dapat lang na huwag nang makialam ang mga magulang, dahil nasa hustong gulang na ang kanilang mga anak. Kung kakaabot pa lang sa hustong gulang ang kanilang mga anak, at sila ay 20 o 21 taong gulang, at hindi pa rin nila alam ang iba’t ibang komplikadong sitwasyon sa lipunan, o kung paano umasal sa buhay, at hindi nila naiintindihan kung paano makipag-ugnayan sa iba, at mahina ang mga kasanayan ng mga anak na ito sa pamumuhay, kung gayon, dapat silang bigyan ng tamang tulong ng mga magulang, na magbibigay-daan sa kanila na unti-unting marating ang puntong kaya na nilang mamuhay nang nakapagsasarili. Ito ay tinatawag na pagtupad sa kanilang responsabilidad. Subalit, sa sandaling mailagay na nila sa tamang landas ang kanilang mga anak, at may abilidad nang makapamuhay ang mga ito nang nakapagsasarili, dapat ay hindi na makialam ang mga magulang. Hindi nila dapat patuloy na tratuhin ang kanilang mga anak na parang wala pa sa hustong gulang o na parang may kakulangan sa pag-iisip ang mga ito. Hindi sila dapat magkaroon ng anumang di-makatotohanang ekspektasyon sa kanilang mga anak, o manghimasok sa pribadong buhay ng kanilang mga anak o sa mga saloobin, pananaw, at kilos ng mga ito patungkol sa trabaho, pamilya, pag-aasawa, mga tao, at mga pangyayari, habang nagkukunwaring mayroon silang mga ekspektasyon sa kanilang mga anak. Kung gagawin nila ang alinman sa mga bagay na iyon, hindi sila tumutupad sa kanilang mga responsabilidad.