Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17 (Ikaapat na Bahagi)
Ang mga pinakamalaking ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, sa isang aspekto, ay na umaasa silang magkakaroon ng magandang buhay ang kanilang mga anak, at sa isa pang aspekto, umaasa sila na ang kanilang mga anak ay nasa tabi nila at babantayan sila kapag matanda na sila. Halimbawa, kung magkakasakit ang isang magulang o makararanas ng ilang paghihirap sa kanyang buhay, aasa siya na makakatulong ang kanyang mga anak na pawiin ang kanyang mga alalahanin at paghihirap, at makibahagi sa pasaning ito. Aasa siya na nasa tabi niya ang kanyang mga anak sa kanyang paglisan sa mundong ito, para makita niya silang muli, sa huling pagkakataon. Kadalasan, ito ang dalawang pinakamalaking ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak, at mahirap bitiwan ang mga ito. Kung magkasakit o daranas ng mga paghihirap ang mga magulang ng isang tao, at hindi niya mabalitaan ang tungkol dito, posible na malulutas ang mga bagay na ito nang hindi niya kinakailangang makialam. Ngunit kung malalaman niya ang mga bagay na ito, kadalasan ay mahihirapan siyang lampasan ang mga ito, lalo na kapag seryoso at malubha ang maging sakit ng mga magulang niya. Sa mga panahong iyon, mas mahirap lalo para sa mga tao na bumitiw. Kapag, sa kaibuturan ng iyong puso, nararamdaman mo na ang kalagayan ng iyong mga magulang ay pareho pa rin sa kalagayan nila 10 o 20 taon na ang nakararaan pagdating sa pisikal, pamumuhay, o trabaho, na kaya pa rin nilang alagaan ang kanilang sarili, at mamuhay nang ganoon kanormal, na sila ay malusog, bata pa, at malakas pa rin, at kapag tingin mo ay hindi ka nila kailangan, hindi ka magkikimkim ng matinding pag-aalala para sa kanila sa puso mo. Ngunit kapag nalaman mo na matanda na ang iyong mga magulang, na ang kanilang mga katawan ay mahina na, at na kailangan nila ng mga taong mag-aalaga sa kanila at makakasama nila, kung ikaw ay nasa ibang lugar, malamang na malulungkot ka, at maaapektuhan ka nito. May mga taong tumatalikod pa nga sa kanilang mga tungkulin, at gustong umuwi para bisitahin ang kanilang mga magulang. Ang ilang emosyonal na tao ay lalo pa ngang di-makatwirang nagpapasya, sinasabing: “Kung magagawa ko lang, ibibigay ko ang 10 taon ng buhay ko sa aking mga magulang.” Mayroon ding ilang tao na naglalayong humingi ng mga pagpapala para sa kanilang mga magulang. Bumibili sila ng lahat ng uri ng produktong pangkalusugan at ng mga bitamina para sa kanilang mga magulang, at kapag nalaman nilang may malubhang karamdaman ang kanilang mga magulang, hindi nila maiwasang maipit sa kanilang mga damdamin, nagnanais na pumunta agad sa tabi ng kanilang mga magulang. Sinasabi ng ilang tao, “Handa pa nga akong kunin ang sakit ng aking mga magulang,” nang hindi isinasaalang-alang kung anong tungkulin ang dapat nilang gampanan, at binabalewala ang atas ng Diyos. Samakatuwid, sa ganitong mga sitwasyon, malamang na magiging mahina ang mga tao at mahuhulog sa tukso. Iiyak ba kayo kung mababalitaan ninyong malubhang nagkasakit ang mga magulang ninyo? Lalo na, ang ilang tao ay nakatatanggap ng sulat sa bahay, na nagsasabing nagbigay na ang doktor ng huling paunawa. Ano ang ibig sabihin ng “nagbigay ng huling paunawa”? Ang pariralang ito ay madaling bigyang-kahulugan. Nangangahulugan ito na ang mga magulang ng mga taong iyon ay mamamatay na sa loob ng ilang araw. Sa oras na iyon, iisipin mo: “Nasa singkuwenta anyos lang ang mga magulang ko. Hindi ito dapat mangyari. Ano ang naging sakit nila?” At kapag ang sagot ay “cancer,” iisipin mo kaagad: “Paano nila nakuha ito? Malayo ako sa kanila sa loob ng maraming taon, nangungulila sila sa akin, at napakahirap ng buhay nila—kaya ba sila nagkaroon ng ganitong sakit?” Pagkatapos ay agad mong sisisihin ang iyong sarili sa lahat: “Napakahirap ng buhay ng mga magulang ko, at hindi ko sila tinutulungang pagaanin ang kanilang mga pasanin. Nangungulila sila sa akin at nag-aalala tungkol sa akin, at wala ako sa tabi nila. Binigo ko sila, at hinayaan ko lang silang magdusa sa pasakit ng pangungulila sa akin palagi. Gumugol ng napakaraming oras sa pagpapalaki sa akin ang aking mga magulang, at para saan? Ang ginawa ko lang ay pahirapan sila!” Habang mas iniisip mo ito, mas lalo mong paniniwalaan na binigo mo sila, at na may utang ka sa kanila. Pagkatapos ay iisipin mong: “Hindi, hindi tama iyon. Nananampalataya ako sa Diyos, ginagampanan ko ang tungkulin ng isang nilikha, at tinatapos ang atas ng Diyos. Hindi ko binigo ang sinuman.” Subalit maiisip mo: “Napakatanda na ng mga magulang ko, at wala silang anak sa tabi nila para mag-alaga sa kanila. Ano ang silbi ng pagpapalaki nila sa akin kung gayon?” Mag-uurong-sulong ka, hindi mo malalampasan ang bagay na ito kahit gaano mo pa ito pag-isipan. Hindi ka lang iiyak, lubos ka ring mababalot sa masalimuot mong nararamdaman para sa iyong mga magulang. Madali bang bumitiw, sa mga ganitong pagkakataon? Sasabihin mo: “Isinilang at pinalaki ako ng aking mga magulang. Hindi sila umaasang yumaman ako nang husto, at hindi sila kailanman humingi sa akin nang labis-labis. Umasa lang sila na nasa tabi nila ako kapag nagkasakit sila at kailangan nila ako, sasamahan sila, at pagagaanin ang kanilang pagdurusa. Ni hindi ko nagawa iyon!” Iiyak ka mula sa araw na mabalitaan mong may malubhang sakit ang mga magulang mo hanggang sa araw na mamatay sila. Malulungkot ba kayo kung maharap kayo sa ganitong sitwasyon? Iiyak ba kayo? Luluha ba kayo? (Oo.) Sa sandaling iyon, matitinag ba ang iyong determinasyon at hangarin? Gugustuhin mo bang magmadali at walang ingat na bumalik sa tabi ng iyong mga magulang? Iisipin mo ba, sa kaibuturan ng iyong puso, na isa kang walang malasakit na ingrata, at na walang saysay ang pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang? Patuloy ka bang mahihiyang harapin ang iyong mga magulang? Palagi mo bang maaalala ang kabutihang ipinakita sa iyo ng iyong mga magulang sa pagpapalaki sa iyo, at kung gaano sila kabait sa iyo? (Oo.) Bibitiwan mo ba ang tungkulin mo? Susubukan mo bang gawin ang lahat para makuha ang pinakabagong balita tungkol sa iyong mga magulang mula sa mga kaibigan, o mula sa mga kapatid? Lahat ng tao ay magkakaroon ng ganitong mga pagpapamalas, hindi ba? Kung gayon, madali bang lutasin ang usaping ito? Paano mo dapat unawain ang mga gayong bagay? Paano mo dapat tingnan ang usapin ng karamdaman o ang isang uri ng malaking kasawian na nangyayari sa iyong mga magulang? Kung mauunawaan mo ito nang mabuti, magagawa mo itong bitiwan. Kung hindi, hindi mo ito mabibitiwan. Palagi mong iniisip na ang lahat ng tiniis at dinanas ng iyong mga magulang ay may kaugnayan sa iyo, at na nararapat mo ring dalhin ang mga pasaning iyon; palagi mong sinisisi ang iyong sarili, palaging iniisip na may kinalaman sa iyo ang mga bagay na ito, palaging gustong makisangkot. Tama ba ang ideyang ito? (Hindi.) Bakit? Paano mo dapat tingnan ang mga bagay na ito? Anong mga pagpapamalas ang normal? Anong mga pagpapamalas ang hindi normal, hindi makatwiran, at hindi naaayon sa katotohanan? Pag-usapan muna natin ang mga normal na pagpapamalas. Ang lahat ng tao ay isinilang ng kanilang mga magulang; sila ay sa laman at nagtataglay ng damdamin. Ang damdamin ay parte ng pagkatao, at walang makakaiwas sa mga ito. Ang bawat tao ay may damdamin—kahit ang maliliit na hayop ay mayroon din ng mga ito, lalo na ang mga tao. Ngunit ang damdamin ng ilang tao ay medyo mas malakas, at ang damdamin ng ibang tao ay medyo mahina. Ngunit anuman ang mga sitwasyon, lahat ng tao ay mayroon ng mga ito. Nagmumula man ito sa kanilang damdamin, pagkatao, o katwiran, sinuman ay mababalisa kapag narinig nilang nagkasakit ang kanilang mga magulang, dumanas ng malaking kasawian, o naharap sa pagdurusa. Sinuman ay mababalisa. Napakanormal lang na makaramdam ng pagkabalisa, ito ay isang likas na gawi ng tao, ito ay isang bagay na taglay ng mga tao sa kanilang pagkatao at damdamin. Napakanormal lang na naipapamalas ito sa mga tao. Kapag lubhang nagkasakit o dumanas ng malaking kasawian ang kanilang mga magulang, napakanormal lang para sa mga tao na malungkot, maiyak, makaramdam ng pagpipigil, mag-isip ng mga paraan para malutas ang mga problema, at makipasan sa suliranin ng kanilang mga magulang. Para sa ilang tao, maaapektuhan pa nito ang kanilang mga katawan—hindi sila makakain, makakaramdam sila ng paninikip ng dibdib, at panghihinaan sila ng loob sa buong araw. Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng mga emosyon, at lahat ng ito ay napakanormal lang. Hindi ka dapat punahin ng mga tao para sa mga normal na pagpapamalas na ito; hindi mo dapat subukang iwasan ang mga pagpapamalas na ito, at lalong hindi mo dapat tanggapin ang kritisismo ng sinuman sa mga ito. Kung mayroon kang ganitong mga pagpapamalas, pinatutunayan nito na tunay ang damdamin mo para sa iyong mga magulang, at na isa kang taong nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya, isang normal at ordinaryong tao. Walang sinuman ang dapat pumuna sa pagiging emosyonal mo nang ganito, sa pagkakaroon ng mga emosyonal na pangangailangan na ito. Ang lahat ng pagpapamalas na ito ay nasa saklaw ng katwiran at konsensiya. Kaya, anong mga pagpapamalas ang hindi normal? Ang mga hindi normal na pagpapamalas ay iyong mga lagpas sa katwiran. Ang mga ito ay kapag ang mga tao ay nagiging pabigla-bigla sa sandaling mangyari sa kanila ang mga bagay na ito, at gusto nilang talikuran agad ang lahat ng bagay para bumalik sa tabi ng kanilang mga magulang, agad na isinisisi ang lahat sa kanilang sarili, at talikuran ang mga mithiin, adhikain, at determinasyon na minsang taglay nila, at maging ang mga isinumpa sa harap ng Diyos. Ang mga pagpapamalas na ito ay hindi normal, at lagpas ang mga ito sa katwiran, masyado silang pabigla-bigla! Kapag pumili ng landas ang mga tao, hindi ibig sabihin na maaari nilang piliin ang wasto at tamang landas sa biglaang init ng ulo. Ang pagpapasya mo na tahakin ang landas ng paggampan sa isang tungkulin at pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha ay hindi simpleng bagay, at ito ay isang bagay na walang ibang makakapalit. Talagang hindi ito isang pagpapasya na maaaring gawin sa isang biglaang init ng ulo. Higit pa rito, ito ang tamang landas—hindi mo dapat baguhin ang iyong desisyon na tahakin ang tamang landas sa buhay dahil sa mga kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay na nakapaligid sa iyo. Ito ang katwiran na dapat mong taglayin. Ito man ay iyong mga magulang o anumang uri ng malaking pagbabago, hindi ito dapat makaapekto sa pinakamahalagang bagay—ang paggampan mo sa tungkulin ng isang nilikha. Iyon ay isang aspekto nito. Ang isa pang aspekto ay na, pagdating sa kung paano nagkakaroon ng karamdaman ang iyong mga magulang, kapag nagsimula silang magdusa mula rito, at kung anong uri ng mga kahihinatnan ang maaaring idulot nito, mapagpapasyahan mo ba ang mga bagay na ito? Maaaring sabihin mo na: “Siguro nangyari ito dahil hindi ako naging mabuting anak. Kung ginugol ko ang mga nagdaang taon sa pagsisipag na kumita at sa pagtatrabaho, at kung marami akong pera, maaaring napagamot sana nila nang mas maaga ang karamdamang ito, at hindi na sana ito lumala nang husto. Ito ay dahil hindi ako naging mabuting anak.” Tama ba ang kaisipang ito? (Hindi.) Kung ang isang tao ay may pera, nangangahulugan ba talaga ito na makakabili na siya ng mabuting kalusugan at maiiwasan niya ang magkasakit? (Hindi.) Ang mayayaman ba sa mundong ito ay hinding-hindi nagkakasakit? Mula sa sandaling maramdaman ng isang tao na magkakasakit siya, hanggang sa siya ay nagkasakit nga, at hanggang sa mamatay siya sa huli, ang lahat ng ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Paanong mapagpapasyahan ito ng sinumang tao? Paanong maitatakda ito ng pagkakaroon o kawalan ng pera? Paanong maitatakda ito ng kapaligiran ng isang tao? Ang lahat ng ito ay itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at ng mga pagsasaayos ng Diyos. Samakatuwid, hindi mo kailangang labis na suriin o siyasatin ang usapin ng pagkakaroon ng malubhang sakit ng iyong mga magulang o ang pagdanas nila ng malaking kasawian, at lalong hindi mo ito dapat paglaanan ng lakas—walang silbi na gawin ito. Ang pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, pagkamatay, at pagharap sa iba’t ibang malaki at maliit na bagay sa buhay ng mga tao ay mga napakanormal na pangyayari. Kung nasa hustong gulang ka na, dapat kang magkaroon ng mature na pag-iisip, at dapat mong harapin ang bagay na ito nang mahinahon at tama: “May sakit ang mga magulang ko. Sinasabi ng ilang tao na iyon ay dahil masyado silang nangulila sa akin, possible ba iyon? Totoong nangulila sila sa akin—paanong hindi mangungulila ang isang tao sa sarili niyang anak? Nangulila rin ako sa kanila, kaya bakit hindi ako nagkasakit?” May tao bang nagkakasakit dahil nangungulila siya sa kanyang mga anak? Hindi iyon ganoon. Kung gayon, ano ang nangyayari kapag nahaharap ang iyong mga magulang sa mahahalagang usaping ito? Masasabi lamang na pinangasiwaan ng Diyos ang ganitong uri ng bagay sa kanilang buhay. Ito ay pinangasiwaan ng kamay ng Diyos—hindi ka maaaring tumuon sa mga obhektibong dahilan at mga sanhi—nakatakda talaga na mahaharap ang iyong mga magulang sa bagay na ito kapag umabot na sila sa ganitong edad, nakatakda nang matatamaan sila ng sakit na ito. Naiwasan kaya nila ito kung nandoon ka? Kung hindi isinaayos ng Diyos na magkasakit sila bilang parte ng kanilang kapalaran, walang mangyayari sa kanila, kahit na hindi ka nila nakasama. Kung nakatadhana silang maharap sa ganitong uri ng malaking kasawian sa kanilang buhay, ano ang maaaring naging epekto mo kung nandoon ka sa tabi nila? Hindi pa rin naman nila ito maiiwasan, hindi ba? (Tama.) Isipin mo iyong mga taong hindi nananampalataya sa Diyos—hindi ba’t magkakasama ang kanilang mga pamilya, taon-taon? Kapag nahaharap sa malaking kasawian ang mga magulang na iyon, kasama nila ang lahat ng miyembro ng kanilang pamilya, mga kamag-anak, at ang kanilang mga anak, tama ba? Kapag nagkasakit ang mga magulang, o kapag lumala ang kanilang mga karamdaman, dahil ba ito sa iniwan sila ng kanilang mga anak? Hindi iyon ang kaso, ito ay nakatadhanang mangyari. Kaya lang, bilang anak nila, dahil may ugnayan kayo ng iyong mga magulang bilang magkadugo, mababalisa ka kapag nabalitaan mong may sakit sila, samantalang ang ibang tao ay walang anumang mararamdaman. Normal na normal lang ito. Gayunpaman, ang pagdanas ng iyong mga magulang ng ganitong uri ng malaking kasawian ay hindi nangangahulugan na kailangan mong magsuri o magsiyasat, o pag-isipan kung paano ito alisin o lutasin. Ang mga magulang mo ay nasa hustong gulang na; ilang beses na nilang naranasan ang ganito sa lipunan. Kung nagsasaayos ang Diyos ng isang kapaligiran upang alisin sa kanila ang bagay na ito, kung gayon, sa malao’t madali, ito ay ganap na maglalaho. Kung ang bagay na ito ay isang pagsubok sa buhay para sa kanila, at dapat nilang maranasan ito, kung gayon, ang Diyos na ang bahala kung hanggang kailan nila ito dapat maranasan. Isa itong bagay na dapat nilang maranasan, at hindi nila ito maiiwasan. Kung nais mong mag-isang lutasin ang bagay na ito, suriin at siyasatin ang pinagmulan, mga sanhi, at mga kahihinatnan ng bagay na ito, iyan ay isang kahangalan. Wala itong silbi, at ito ay kalabisan lang. Hindi ka dapat kumilos nang ganito, nagsusuri, nagsisiyasat, at nakikipag-ugnayan sa iyong mga kaklase at kaibigan para makahingi ng tulong, nakikipag-ugnayan sa ospital para sa iyong mga magulang, nakikipag-ugnayan sa pinakamagagaling na doktor, ipinahahanda ang pinakamagandang silid sa ospital para sa kanila—hindi mo kailangang pigain ang utak mo sa paggawa ng lahat ng bagay na ito. Kung talagang mayroon kang natitirang lakas, dapat mong galingan ang tungkuling dapat ay ginagampanan mo ngayon. May sariling kapalaran ang iyong mga magulang. Walang sinuman ang makakatakas sa edad kung kailan sila dapat mamatay. Hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong kapalaran, at gayundin, hindi ikaw ang tagapamahala ng kapalaran ng iyong mga magulang. Kung may nakatadhanang mangyari sa kanila, ano ang magagawa mo tungkol dito? Ano ang epektong matatamo ng iyong pagiging balisa at paghahanap ng mga solusyon? Wala itong anumang matatamo; ito ay nakasalalay sa kalooban ng Diyos. Kung nais ng Diyos na kunin sila, at bigyan ka ng kakayahang magampanan ang iyong tungkulin nang hindi naaabala, maaari mo bang panghimasukan ito? Maaari mo bang talakayin ang iyong mga kondisyon sa Diyos? Ano ang dapat mong gawin sa panahong ito? Ang pigain ang utak mo sa pag-iisip ng mga solusyon, pagsisiyasat, pagsusuri, paninisi sa iyong sarili, at pagkahiyang harapin ang iyong mga magulang—ito ba ang mga kaisipan at kilos na dapat taglayin ng isang tao? Ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng kawalan ng pagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan; ang mga ito ay hindi makatwiran, hindi matalino, at mapanghimagsik sa Diyos. Hindi dapat magkaroon ng ganitong mga pagpapamalas ang mga tao. Nauunawaan mo ba? (Oo.)
Sinasabi ng ilang tao: “Alam kong hindi ko dapat suriin o siyasatin ang usapin ng pagkakasakit ng aking mga magulang o ang pagdanas nila ng malaking kasawian, na walang saysay na gawin iyon, at na dapat kong harapin ito batay sa mga katotohanang prinsipyo, pero hindi ko mapigilan ang aking sarili na suriin at siyasatin ito.” Kung gayon, lutasin natin ang problema ng pagpigil, upang hindi mo na kailangang pigilan ang iyong sarili. Paano ito makakamit? Sa buhay na ito, ang mga taong may malusog na pangangatawan ay nagsisimulang makaranas ng mga sintomas ng katandaan kapag umabot na sila sa 50 o 60 taong gulang—ang kanilang mga kalamnan at buto ay nagiging mahina, nawawalan sila ng lakas, hindi sila makatulog o makakain nang maayos, at wala silang sapat na lakas para magtrabaho, magbasa, o gumawa ng anumang uri ng trabaho. Naglalabasan ang iba’t ibang uri ng sakit sa loob ng kanilang katawan, tulad ng altapresyon, diabetes, sakit sa puso, cardiovascular disease, cerebrovascular disease, at iba pa. Para sa mga medyo mas malusog, bagamat mayroon sila ng mga sintomas na ito ng katandaan, nagagawa nila ang anumang kailangan nilang gawin, at hindi nakakaapekto ang mga sintomas na ito sa kanilang normal na pamumuhay at pagtatrabaho. Maigi kung ganito. Para sa mga hindi gaanong malusog, ang mga sintomas na ito ay nakakaapekto sa kanilang normal na pagtatrabaho at pamumuhay, at kung minsan ay kailangan nilang pumunta sa ospital para magpatingin sa doktor. Ang ilan sa mga taong ito ay nagkakaroon ng sipon o pananakit ng ulo; ang iba ay nagkakaroon ng enteritis o pagtatae, at kailangan nilang magpahinga sa kama nang dalawang araw sa tuwing nagtatae sila. Ang ilang tao ay may altapresyon, at sa sobrang pagkahilo nila ay hindi na sila makalakad, makasakay ng kotse, o makalayo sa kanilang tahanan. May ilan din na may urinary incontinence, hindi komportable sa kanila ang lumabas, kaya bihira silang lumabas at bumiyahe kasama ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan. May iba naman na palaging may allergy kapag kumakain. May ilang tao na hindi makatulog nang maayos, at hindi makatulog sa maiingay na lugar; sa sandaling lumipat sila sa ibang lugar, lalong nagiging mas mahirap para sa kanila na makatulog. Ang lahat ng bagay na ito ay may matinding epekto sa buhay at sa trabaho ng mga taong ito. May ilang tao pa nga na hindi kayang magtrabaho nang tuloy-tuloy nang higit sa tatlo hanggang apat na oras. At mayroon pa ngang mas malalalang kaso, kung saan ang mga tao ay nagkakasakit nang malubha sa edad na 50 o 60, halimbawa, may kanser, diabetes, rheumatic heart disease, dementia, o Parkinson’s disease, at iba pa. Kung ang mga sakit na ito ay sanhi man ng mga bagay na kinakain nila, o ng maruming kapaligiran, hangin, o tubig, ang batas ng laman ng tao ay na, kapag nasa edad 45 na ang mga babae at kapag nasa edad 50 na ang mga lalaki, ang kanilang mga katawan ay unti-unti nang humihina. Araw-araw, sinasabi nila na ang parteng ito ng katawan nila ay hindi komportable at ang parteng iyon ay masakit, pumupunta sila sa doktor para ipasuri ito, at ito ay terminal cancer pala. Sa huli, sinasabi ng doktor: “Umuwi ka na, hindi ito magagamot.” Lahat ng tao ay mararanasan ang mga sakit na ito sa laman. Ngayon ay sila, bukas ay kayo at kami. Ayon sa edad at sa sunud-sunod na pagkakaayos, ang lahat ng tao ay isisilang, tatanda, magkakasakit, at mamamatay—mula sa kabataan ay tumatanda sila, mula sa katandaan ay nagkakasakit sila, at mula sa pagkakasakit ay namamatay sila—ito ang batas. Kaya lang, kapag nababalitaan mong nagkakasakit ang iyong mga magulang, sapagkat sila ang mga taong pinakamalapit sa iyo, ang mga taong inaalala mo nang higit sa lahat, at siyang nagpalaki sa iyo, hindi mo malalagpasan ang hadlang na ito ng iyong mga damdamin, at iisipin mong: “Wala akong nararamdaman kapag namatay ang mga magulang ng ibang tao, pero hindi maaaring magkasakit ang mga magulang ko, dahil ikalulungkot ko iyon. Hindi ko ito makakaya, kumikirot ang puso ko, hindi ko maiwaksi ang nararamdaman ko!” Dahil lang sa mga magulang mo sila, iniisip mo na hindi sila dapat tumanda, magkasakit, at na lalong hindi sila dapat mamatay—makatwiran ba iyon? Hindi ito makatwiran, at hindi ito katotohanan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang bawat tao ay mahaharap sa pagtanda at pagkakasakit ng kanilang mga magulang, at sa ibang malubhang lagay, ang mga magulang ng mga tao ay paralisado pa nga sa kama, at ang ilan ay nakaratay na parang lantang gulay. Ang mga magulang ng ilang tao ay may altapresyon, pagkaparalisa sa isang bahagi ng katawan, stroke, o nagkakaroon pa nga ng malubhang karamdaman at namamatay. Ang bawat tao ay personal na makakasaksi, makakakita, o makakabalita tungkol sa proseso ng pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ng kanilang mga magulang. Sadyang may mga taong nababalitaan ito nang mas maaga, kapag ang kanilang mga magulang ay nasa edad 50; ang ilang tao naman ay nababalitaan ito kapag ang kanilang mga magulang ay nasa edad 60; at ang iba ay nababalitaan lamang ito kapag ang kanilang mga magulang ay 80, 90, o 100 taong gulang na. Ngunit, kailan mo man ito mabalitaan, bilang isang anak, isang araw, sa malao’t madali, tatanggapin mo ang katunayang ito. Kung nasa hustong gulang ka na, dapat mayroon kang mature na pag-iisip, at ng tamang saloobin sa pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ng mga tao, at hindi maging pabigla-bigla; hindi tamang hindi mo kakayanin kapag nabalitaan mong may sakit ang iyong mga magulang, o na nakatanggap sila ng paunawa mula sa ospital na may malubha silang sakit. Ang pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ay mga bagay na dapat tanggapin ng bawat tao, sa anong batayan mo ito hindi kayang tiisin? Ito ang batas na inorden ng Diyos para sa pagsilang at kamatayan ng tao, bakit mo gustong labagin ito? Bakit hindi mo ito tanggapin? Ano ang intensiyon mo? Ayaw mong mamatay ang iyong mga magulang, ayaw mong mamuhay sila ayon sa batas ng pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay na itinatag ng Diyos, gusto mong pigilan silang magkasakit at mamatay—ano ang idudulot nito sa kanila? Hindi ba’t ginagawa sila nitong plastik na tao? Magiging tao pa rin ba sila kung gayon? Samakatuwid, dapat mong tanggapin ang katunayang ito. Bago mo mabalitaang tumatanda na ang iyong mga magulang, na nagkasakit sila, at namatay, dapat mong ihanda ang iyong sarili para dito sa puso mo. Isang araw, sa malao’t madali, ang bawat tao ay tatanda, sila ay manghihina, at sila ay mamamatay. Dahil normal na tao ang iyong mga magulang, bakit hindi pwedeng maranasan nila ang pagsubok na ito? Dapat nilang maranasan ang pagsubok na ito, at dapat mong harapin ito nang tama. Nalutas na ba ang usaping ito? Magagawa mo na ba ngayon na harapin ang mga ganitong bagay nang makatwiran? (Oo.) Kung gayon, kapag nagkaroon ng malubhang sakit ang iyong mga magulang o sumapit sa kanila ang malaking kasawian, paano mo ito haharapin? Mali rin na balewalain ito, at sasabihin ng mga tao: “Ikaw ba ay isang palaka o isang ahas? Bakit masyado kang malamig sa mga magulang mo?” Isa kang normal na tao, kaya dapat mayroon kang reaksiyon. Dapat kang magnilay-nilay: “Naging mahirap ang buhay ng mga magulang ko, at nagkasakit na sila nang ganito sa murang edad. Hindi nila natamasa ang anumang pagpapala, at hindi sila naging masigasig sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ganoon ang naging buhay nila. Wala silang naunawaan, hindi nila tinahak ang tamang landas o hinangad ang katotohanan. Pinapalipas lang nila ang kanilang mga araw. Wala silang ipinagkaiba sa mga hayop—wala silang ipinagkaiba sa matatandang baka o kabayo. Ngayong malubha silang nagkasakit, kakailanganin na lamang nilang alagaan ang kanilang sarili, ngunit umaasa ako na sana ay mabawasan ng Diyos ang kanilang pagdurusa.” Ipanalangin mo sila sa puso mo, at sapat na iyon. Ano pa ba ang magagawa ng sinuman? Kung hindi mo kasama ang iyong mga magulang, wala kang magagawa; kahit na nasa tabi ka nila, ano ba ang magagawa mo? Ilang tao na ba ang personal na nakakita sa kanilang mga magulang na dumadaan sa pagkabata hanggang sa pagtanda, mula sa pagtanda hanggang sa pagkakaroon ng iba’t ibang sakit, mula sa pagkakaroon ng iba’t ibang sakit na ito hanggang sa pagkabigong magamot sila, hanggang sa sila ay ideklarang patay na, at hanggang sa pagdadala ng kanilang katawan sa morge? Hindi maliit ang bilang nila. Ang lahat ng anak na ito ay nananatili sa tabi ng kanilang mga magulang, ngunit ano ang magagawa nila? Wala silang magagawa; maaari lamang silang manood. Makakaiwas ka sa abala kung hindi mo na panonoorin ang prosesong ito; mas mabuting huwag mo na itong panoorin, hindi makabubuti para sa iyo ang panoorin na mangyari ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo nga.) Pagdating sa usaping ito, sa isang aspekto ay dapat mong malinaw na makita na ang katunayan na ang pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ng mga tao ay isang batas na itinatag ng Diyos; sa isa pang aspekto, dapat malinaw mong makita ang mga responsabilidad na dapat gampanan ng mga tao at ang kanilang kapalaran, hindi ka dapat maging di-makatwiran, at hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na pabigla-bigla o kahangalan. Bakit hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na pabigla-bigla o kahangalan? Dahil kahit na gawin mo ang mga ito, wala itong silbi, sa halip ay ibubunyag nito ang iyong kahangalan. Ang mas malubha pa, habang gumagawa ka ng mga kahangalan, sinusuway mo ang Diyos, at ayaw ng Diyos ng ganito, kinasusuklaman Niya ito. Malinaw na sa iyo at nauunawaan mo ang lahat ng katotohanang ito pagdating sa doktrina, ngunit kumakapit ka pa rin sa sarili mong landas, at ginagawa mo ang ilang bagay nang sutil at napipilitan, kaya ayaw sa iyo ng Diyos, kinamumuhian ka Niya. Ano ang kinamumuhian Niya tungkol sa iyo? Kinamumuhian Niya ang iyong matigas na kahangalan at ang iyong pagkasuwail. Iniisip mo na mayroon kang damdamin ng tao, ngunit sinasabi ng Diyos na mapagmatigas at hangal ka—ikaw ay matigas ang ulo, mangmang, hangal, at mapagmatigas, at hindi ka tumatanggap sa katotohanan o nagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Malinaw na sinabi sa iyo ng Diyos ang diwa, pinagmulan, at mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa na nakapaloob sa usaping ito, ngunit gusto mo pa ring gamitin ang iyong mga damdamin para pangasiwaan ang lahat ng ito, kaya ayaw ng Diyos sa iyo. Sa huli, kung hindi aalisin ng Diyos ang karamdaman ng iyong mga magulang, sila ay magkakasakit nang malubha at mamamatay, kung iyon ang dapat na mangyari sa kanila. Walang taong makakapagpabago sa katunayang ito. Kung nais mong baguhin ito, pinatutunayan lamang nito na gusto mong gamitin ang sarili mong mga kamay at pamamaraan para baguhin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang pinakamatinding pagsuway, at sinasalungat mo ang Diyos. Kung ayaw mong salungatin ang Diyos, kapag nabalitaan mong nangyari ang mga bagay na ito sa iyong mga magulang, dapat kang maging mahinahon, at humanap ka ng lugar kung saan maaari kang mapag-isa para umiyak, mag-isip, at magdasal, o ipahayag sa mga kapatid sa paligid mo ang iyong nararamdamang pangungulila. Iyon lang ang kailangan mong gawin. Hindi mo dapat maisipang baguhin ang isang bagay, at lalong hindi ka dapat gumawa ng mga kahangalan. Huwag magdasal sa Diyos, humihiling sa Kanya na alisin ang karamdaman ng iyong mga magulang, at tulutan silang mabuhay pa nang ilang taon, o bawasan ng dalawang taon ang iyong sariling buhay at ibigay ito sa kanila, dahil lamang sa nananampalataya ka sa Diyos, o sa batayan na tinalikuran mo ang iyong pamilya at ang iyong propesyon para magampanan ang iyong tungkulin sa loob ng napakaraming taon. Huwag gawin ang mga ganitong bagay. Hindi pakikinggan ng Diyos ang mga ganitong uri ng panalangin, at kinamumuhian Niya ang mga ganitong uri ng kaisipan at panalangin. Huwag pasamain ang loob ng Diyos o galitin Siya. Sawang-sawa na ang Diyos sa mga taong nagnanais na manipulahin ang kapalaran ng isang tao, na baguhin ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng isang tao, o na baguhin ang ilang katunayan na matagal nang itinatag ng Diyos o ang mga takbo ng kapalaran ng mga tao. Ito ang pinakakinamumuhian ng Diyos.
Tapos na Akong magbahagi tungkol sa saloobin, mga kaisipan, at pagkaunawa na dapat taglayin ng mga tao tungkol sa usapin ng pagkakasakit ng kanilang mga magulang. Gayundin, pagdating sa pagpanaw ng kanilang mga magulang, ang mga tao ay dapat ding magtaglay ng wasto at makatwirang saloobin. Ang ilang tao ay nalayo sa kanilang mga magulang sa loob ng maraming taon, wala sila sa tabi ng kanilang mga magulang o hindi sila nakatira kasama ang mga ito, at kapag nabalitaan nilang biglang pumanaw ang kanilang mga magulang, nagiging isang malaking dagok ito sa kanila, at pakiramdam nila ay lahat ng ito ay sobrang biglaan. Dahil ang mga taong ito ay hindi nakasama ang kanilang mga magulang o nakatira kasama nila sa loob ng napakaraming taon, palagi silang nagkikimkim ng maling akala sa kanilang mga kaisipan at ng mga kuru-kuro. Anong uri ng maling akala? Noong iniwan mo ang iyong mga magulang, buhay sila at malusog. Pagkatapos mong malayo sa kanila sa loob ng napakaraming taon, sa isipan mo, hindi nagbabago ang edad ng mga magulang mo, at hindi nagbabago ang kondisyon ng kanilang katawan at pamumuhay, gaya pa rin ang mga ito ng iyong naaalala. Nakakagulo ito. Pagkatapos ay naniniwala ka na hinding-hindi tatanda ang iyong mga magulang at na mabubuhay sila para magdiwang ng napakaraming kaarawan. Ibig sabihin, sa sandaling naukit na ang kanilang mga mukha sa iyong puso, sa sandaling ang kanilang buhay, kanilang mga salita, at kanilang pag-uugali ay nag-iiwan ng impresyon at tatak sa iyong isipan at alaala, iisipin mo na magiging ganoon magpakailanman ang iyong mga magulang, na hindi sila magbabago, tatanda, at lalong hindi mamamatay. Ano ang tinutukoy rito ng “hindi mamamatay”? Sa isang aspekto, nangangahulugan ito na ang kanilang pisikal na katawan ay hindi maglalaho. Sa isa pang aspekto, nangangahulugan ito na ang kanilang mga mukha, ang kanilang damdamin para sa iyo, at iba pa, ay hindi maglalaho. Isa itong maling akala, at magdudulot ito sa iyo ng malaking problema. Samakatuwid, anuman ang edad ng iyong mga magulang, mamamatay man sila sa katandaan, o dahil sa isang karamdaman, o dahil may nangyaring ilang insidente, magiging isang dagok ito sa iyo, at mararamdaman mong sobrang biglaan ito. Dahil, sa isip mo, buhay at malusog pa rin ang mga magulang mo, at pagkatapos ay bigla silang nawala, iisipin mong: “Paanong nawala sila? Paanong nagiging alikabok na lang ang mga buhay na tao? Sa puso ko, palagi kong nararamdaman na buhay pa ang aking mga magulang, na nagluluto pa rin sa kusina ang nanay ko, nagpapakaabala siya, samantalang ang tatay ko ay nagtatrabaho sa labas araw-araw, umuuwi lamang sa gabi.” Ang mga eksenang ito mula sa kanilang buhay ay nag-iwan ng ilang impresyon sa isipan mo. Kaya, dahil sa iyong nararamdaman, nagkikimkim ang iyong kamalayan ng isang bagay na hindi dapat, na naniniwala ka sa puso mo na mabubuhay ang iyong mga magulang magpakailanman. Dahil dito, naniniwala kang hindi sila dapat mamatay, at anuman ang maging sitwasyon ng pagpanaw ng iyong mga magulang, mararamdaman mong isa itong malaking dagok sa iyo, at hindi mo ito makakayang tanggapin. Kakailanganin mo ng oras para malampasan mo ang katunayang ito, hindi ba? Ang pagkakasakit ng iyong mga magulang ay isang malaking dagok na para sa iyo, kaya’t ang pagpanaw ng iyong mga magulang ay magiging mas higit na malaking dagok. Kung gayon, bago pa ito mangyari, paano mo dapat lutasin ang hindi inaasahang dagok na idinudulot nito sa iyo, upang hindi ito makaapekto o makasagabal sa paggampan mo sa iyong tungkulin o sa landas na iyong tinatahak? Una, tingnan natin kung tungkol saan nga ba ang kamatayan, at kung tungkol saan ang pagpanaw—hindi ba’t ibig sabihin nito ay lilisan na ang isang tao sa mundong ito? (Oo.) Nangangahulugan ito na ang buhay na taglay ng isang tao, na mayroong pisikal na presensiya, ay hiwalay sa materyal na mundo na nakikita ng mga tao, at naglalaho ito. Ang taong iyon ay nagpapatuloy na mabuhay sa ibang mundo, nang may ibang anyo. Ang paglisan ng buhay ng iyong mga magulang ay nangangahulugan na ang relasyon mo sa kanila sa mundong ito ay natunaw, naglaho, at nagwakas na. Nabubuhay na sila sa ibang mundo, nang may ibang anyo. Kung ano ang magiging takbo ng kanilang buhay sa kabilang mundo, kung babalik man sila sa mundong ito, muli kang makakatagpo, o magkakaroon ng anumang uri ng ugnayan sa laman o emosyonal na koneksiyon sa iyo, ito ay inorden ng Diyos, at wala itong kinalaman sa iyo. Sa kabuuan, ang pagpanaw nila ay nangangahulugan na ang kanilang mga misyon sa mundong ito ay tapos na, at ganap na itong nagwakas. Ang kanilang mga misyon sa buhay na ito at sa mundong ito ay natapos na, kaya ang relasyon mo sa kanila ay natapos na rin. Tungkol sa kung sila ay muling magkakatawang-tao sa hinaharap, o kung makakatagpo sila ng anumang uri ng parusa at paghihigpit, o anumang uri ng pangangasiwa at mga pagsasaayos sa kabilang mundo, may kinalaman ba ito sa iyo? Mapagpapasyahan mo ba ito? Wala itong kinalaman sa iyo, hindi mo ito mapagpapasyahan, at hindi ka makakakuha ng anumang balita tungkol dito. Ang relasyon mo sa kanila sa buhay na ito ay magwawakas sa oras na iyon. Ibig sabihin, magtatapos na ang kapalarang nagbuklod sa inyo habang namumuhay kayong magkasama sa loob ng 10, 20, 30, o 40 taon. Pagkatapos niyon, sila ay sila, ikaw ay ikaw, at wala nang anumang relasyong umiiral sa pagitan ninyo. Kahit nananampalataya kayong lahat sa Diyos, ginampanan nila ang kanilang sariling mga tungkulin, at ginagampanan mo ang sa iyo; kapag hindi na sila namumuhay sa parehong pisikal na kapaligiran, wala nang anumang relasyon sa pagitan ninyo. Natapos na nila ang mga misyon na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Kaya, pagdating sa mga responsabilidad na tinupad nila para sa iyo, natatapos ang mga iyon sa araw na magsimula kang mamuhay nang hiwalay sa kanila—wala ka nang kinalaman sa iyong mga magulang. Kung mamamatay sila ngayon, may mawawala lamang sa iyo sa emosyonal na aspekto, at hindi ka na mangungulila sa dalawang mahal mo sa buhay. Hinding-hindi mo na sila makikita pang muli, at hindi ka na muling makaririnig ng anumang balita tungkol sa kanila. Kung ano ang mangyayari sa kanila pagkatapos at ang kanilang kinabukasan ay wala nang kinalaman sa iyo, wala na kayong magiging ugnayan sa dugo, hindi na kayo magiging parehong nilalang. Ganoon ang mangyayari. Ang pagpanaw ng iyong mga magulang ay ang magiging huling balitang maririnig mo tungkol sa kanila sa mundong ito, at ang mga huling pagsubok na makikita o maririnig mo tungkol sa kanilang mga karanasan ng pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay sa buhay nila, iyon na ang lahat. Ang pagkamatay nila ay walang kukunin o ibibigay na anuman sa iyo, sila ay simpleng mamamatay, ang kanilang mga paglalakbay bilang tao ay matatapos na. Kaya, pagdating sa kanilang pagpanaw, hindi mahalaga kung ito ay aksidenteng pagkamatay, normal na pagkamatay, pagkamatay dahil sa sakit, at iba pa, sa ano’t anuman, kung hindi dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, walang tao o puwersa ang maaaring bumawi sa buhay nila. Ang kanilang pagpanaw ay nangangahulugan lamang ng katapusan ng kanilang pisikal na buhay. Kung nangungulila at nananabik ka sa kanila, o nahihiya ka sa iyong sarili dahil sa iyong mga damdamin, hindi mo dapat maramdaman ang alinman sa mga bagay na ito, at hindi kinakailangang maramdaman mo ang mga ito. Nilisan na nila ang mundong ito, kaya ang mangulila sa kanila ay hindi na kinakailangan, hindi ba? Kung iniisip mo na: “Nangulila ba sa akin ang mga magulang ko sa lahat ng taong iyon? Gaano pa ba sila nagdusa dahil wala ako sa kanilang tabi para magpakita ng pagiging mabuting anak sa kanila sa loob ng napakaraming taon? Sa lahat ng taong ito, palagi kong ninanais na sana ay makasama ko sila nang ilang araw, hindi ko akalain na napakaaga nilang mamamatay. Nalulungkot at nakokonsensiya ako.” Hindi mo kinakailangang mag-isip nang ganito, walang kinalaman sa iyo ang kanilang pagkamatay. Bakit walang kinalaman sa iyo ang mga ito? Dahil, kahit na ipinakita mo sa kanila ang pagiging mabuting anak o sinamahan mo sila, hindi ito ang obligasyon o gampanin na ibinigay sa iyo ng Diyos. Inorden na ng Diyos kung gaano kaganda ang kapalaran at kung gaano karami ang pagdurusa na mararanasan ng iyong mga magulang mula sa iyo—wala itong anumang kinalaman sa iyo. Hindi sila mabubuhay nang mas matagal dahil lang sa kasama mo sila, at hindi sila mabubuhay nang mas maikli dahil lang sa malayo ka sa kanila at hindi mo sila madalas na nakakasama. Inorden na ng Diyos kung gaano katagal sila mabubuhay, at wala itong kinalaman sa iyo. Kaya, kung mabalitaan mo na pumanaw na ang iyong mga magulang habang ikaw ay buhay pa, hindi mo kailangang makonsensiya. Dapat mong harapin ang bagay na ito sa tamang paraan at tanggapin ito. Kung marami ka nang nailuha habang may malubha silang karamdaman, dapat kang matuwa at maging malaya kapag pumanaw na sila; pagkatapos mong mamaalam sa kanila, hindi na kailangang umiyak pa. Natupad mo na ang iyong mga responsabilidad bilang anak nila, naipanalangin mo na sila, nalungkot ka na para sa kanila, at hindi na mabilang ang nailuha mo para sa kanila, at, siyempre, marami ka nang naisip na solusyon para gamutin ang kanilang sakit, at nagawa mo na ang iyong makakaya para mabawasan ang kanilang pagdurusa. Nagawa mo na ang lahat ng makakaya mo bilang anak nila. Kapag pumanaw na sila, ang masasabi mo lang: “Naging mahirap ang buhay ninyo. Bilang anak ninyo, sana ay mamahinga kayo nang mapayapa. Kung marami kayong nagawang pagkakasala sa Diyos sa buhay na ito, kung gayon ay maparurusahan kayo sa kabilang mundo. Kung, pagkatapos ninyong maparusahan, bibigyan kayo ng Diyos ng pagkakataong muling magkatawang-tao sa mundong ito, sana ay gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya para umasal nang mabuti, at tumahak sa tamang landas. Huwag na kayong gumawa ng anumang bagay na magkakasala sa Diyos, at magsikap na huwag nang makatanggap ng anumang kaparusahan sa susunod ninyong buhay.” Iyon lang. Hindi ba’t malinaw ang pagkakasabi rito? Ito lang ang magagawa mo; ito man ay para sa iyong mga magulang o para sa isa pang mahal mo sa buhay, ito lang ang magagawa mo. Siyempre, kapag namatay na ang iyong mga magulang, kung hindi mo sila makakapiling o mabibigyan ng panghuling kaginhawahan, hindi mo kailangang maging malungkot. Ito ay dahil ang bawat tao, sa totoo lang, ay lumilisan sa mundong ito nang mag-isa. Kahit na kasama nila ang kanilang mga anak, kapag may dumating na sugo para kunin sila, sila lang ang makakakita nito. Sa paglisan nila, walang taong makakasama sa kanila, hindi sila masasamahan ng kanilang mga anak, at hindi rin sila masasamahan ng kanilang asawa. Kapag nililisan ng mga tao ang mundong ito, palagi silang nag-iisa. Sa kanilang mga huling sandali, kailangang harapin ng bawat tao ang sitwasyong ito, ang prosesong ito, at ang kapaligirang ito. Samakatuwid, kung ikaw ay nasa tabi nila, at nakatingin sila nang diretso sa iyo, wala pa rin itong silbi. Kapag kailangan na nilang lumisan, kung gusto nilang tawagin ang pangalan mo, hindi nila magagawa, at hindi mo ito maririnig; kung gusto ka nilang abutin at hawakan, wala na silang lakas, at hindi mo ito mararamdaman. Sila ay mag-isa na. Ito ay dahil ang bawat tao ay pumapasok sa mundong ito nang mag-isa, at sa huli, dapat din nilang lisanin ito nang mag-isa. Ito ay inorden ng Diyos. Ang pag-iral ng gayong mga bagay ay nagbibigay-daan sa mga tao na makita nang mas malinaw na ang kanilang buhay at kapalaran, at ang pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay, ay lahat nasa mga kamay ng Diyos, at na ang buhay ng bawat tao ay nagsasarili. Bagamat ang lahat ng tao ay may mga magulang, kapatid, at mga mahal sa buhay, mula sa perspektiba ng Diyos, at sa perspektiba ng buhay, ang buhay ng bawat tao ay nagsasarili, ang mga buhay ay hindi pinagsasama-sama, at walang buhay ang may kapareha. Mula sa perspektiba ng mga nilikhang tao, ang bawat buhay ay nagsasarili, ngunit sa perspektiba ng Diyos, walang buhay na Kanyang nilikha ang nag-iisa, dahil sinasamahan ng Diyos ang bawat isa sa mga ito at hinihila ang mga ito pasulong. Kaya lang ay kapag nandito ka sa mundo, ipinanganak ka ng iyong mga magulang, at iniisip mo na ang mga magulang mo ang mga taong pinakamalapit sa iyo, ngunit sa katunayan, kapag nilisan ng iyong mga magulang ang mundong ito, mapagtatanto mo na hindi sila ang mga taong pinakamalapit sa iyo. Kapag nagwakas na ang kanilang buhay, patuloy kang mabubuhay, hindi wawakasan ng katapusan ng kanilang buhay ang sarili mong buhay, at lalong hindi ito makakaapekto sa buhay mo. Ilang taon ka nang malayo sa kanila, at nagpapatuloy pa rin ang iyong magandang buhay. Bakit ganoon? Dahil binabantayan at ginagabayan ka ng Diyos; nabubuhay ka sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Kapag lumisan na ang iyong mga magulang sa mundong ito, nagiging mas malinaw sa iyo na sa paglipas ng mga taon na ito, lumalaki ka tungo sa hustong gulang, katanghaliang gulang, at katandaan nang walang magulang na sumasama sa iyo, nag-aalaga sa iyo, nagbabantay sa iyo, o nagpapalaki sa iyo, at sa ilalim ng patnubay ng Diyos, mas lalo kang maraming nauunawaan sa buhay mo, at mas lalong nagiging malinaw ang iyong pasulong na direksiyon at landas. Samakatuwid, kayang iwanan ng mga tao ang kanilang mga magulang. Ang pag-iral ng kanilang mga magulang ay kinakailangan lamang sa kanilang pagkabata, ngunit pagkatapos nilang lumaki, ang pag-iral ng kanilang mga magulang ay isang pormalidad na lamang. Ang kanilang mga magulang ay mga emosyonal na panustos at suporta na lamang, at hindi na sila kinakailangan. Siyempre, kapag nilisan na ng iyong mga magulang ang mundong ito, magiging mas malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, at mas lalo mong mararamdaman na ang buhay ng mga tao ay nagmumula sa Diyos, at na hindi mabubuhay ang mga tao nang hindi sumasandal sa Diyos, nang wala ang Diyos bilang kanilang mental at espirituwal na panustos, at bilang panustos ng kanilang buhay. Kapag iniwan ka na ng iyong mga magulang, mangungulila ka lang sa kanila sa emosyonal na aspekto, pero kasabay nito, makakalaya ka sa emosyonal o iba pang aspekto. Bakit ka makakalaya? Noong nabubuhay pa ang iyong mga magulang, parehong mga alalahanin at pasanin sila para sa iyo. Sila ang mga taong maaari kang maging sutil, at pinaparamdam nila sa iyo na parang hindi ka makakawala sa iyong mga damdamin. Kapag pumanaw na ang iyong mga magulang, ang lahat ng ito ay malulutas. Mawawala na ang mga taong pakiramdam mo ay pinakamalapit sa iyo, at hindi mo na sila kailangang alalahanin, o mangulila sa kanila. Kapag nakawala ka na sa relasyong ito kung saan umaasa ka sa iyong mga magulang, kapag lumisan na sila sa mundong ito, kapag lubusan mo nang nararamdaman sa kaibuturan ng puso mo na wala na ang iyong mga magulang, at nararamdaman mo na nalampasan mo na ang iyong ugnayan sa iyong mga magulang sa dugo, tunay ka nang magiging mature at nakapagsasarili. Pag-isipan ito: Kahit gaano pa katanda ang mga tao, kung nariyan pa rin ang mga magulang nila, sa tuwing may problema sila, iisipin nilang: “Tatanungin ko si nanay, tatanungin ko si tatay.” Palaging may emosyonal na panustos para sa kanila. Kapag ang mga tao ay may emosyonal na panustos, nararamdaman nila na ang pag-iral nila sa mundong ito ay umaapaw sa pagmamahal at kaligayahan. Kapag nawala ang pakiramdam ng kaligayahan at pagmamahal na iyon, kung hindi mo mararamdamang mag-isa ka, o na nawalan ka ng kaligayahan at pagmamahal, kung gayon, ikaw ay mature na, at tunay ka nang nakapagsasarili pagdating sa iyong mga kaisipan at damdamin. Karamihan sa inyo ay malamang na hindi pa nakakaranas ng mga ganitong bagay. Kapag naranasan mo na ang mga ito, maiintindihan mo na. Pag-isipan ito: Gaano man katanda ang mga tao, sila man ay 40, 50, o 60 taong gulang, kapag pumanaw na ang kanilang mga magulang, agad silang nagiging mas mature. Para silang biglang nagiging isang matinong tao na nasa hustong gulang mula sa pagiging isang batang walang kaalam-alam. Sa loob lamang ng magdamag, nagawa nilang maunawaan ang mga bagay-bagay, at nakapagsasarili na sila. Samakatuwid, para sa bawat tao, ang pagkamatay ng kanilang mga magulang ay isang malaking pagsubok. Kung mapangangasiwaan at mahaharap mo nang tama ang iyong relasyon sa iyong mga magulang, at kasabay nito ay mahaharap, mapangangasiwaan, at mabibitiwan mo rin nang tama ang iba’t ibang ekspektasyon sa iyo ng iyong mga magulang, o ang mga responsabilidad na dapat mong gampanan para sa iyong mga magulang sa emosyonal at etikal na aspekto, kung gayon, tunay ka nang nagmature, at kahit papaano, ikaw ay isa nang taong nasa hustong gulang sa harap ng Diyos. Ang maging isang taong nasa hustong gulang na tulad nito ay hindi madali, kailangan mong magdusa ng kaunting pasakit pagdating sa iyong pisikal na damdamin, lalo na, kailangan mong magtiis ng kaunting emosyonal na paghihinagpis at pagdurusa, pati na rin ng pasakit ng hindi maayos na takbo ng mga bagay, ng hindi pagtugma ng mga ito sa iyong inaasahan, o ng pagiging kapus-palad, at iba pa. Kapag naranasan mo na ang lahat ng pasakit na ito, magkakaroon ka ng kaunti pang kabatiran sa mga bagay na ito. Kung iuugnay mo ang mga ito sa mga katotohanang pinagbahaginan natin tungkol sa mga usaping ito, magkakaroon ka ng kaunti pang kabatiran sa buhay at kapalaran ng mga tao, na mga inorden ng Diyos, pati na rin sa pagmamahal na umiiral sa pagitan ng mga tao, sa paraang napakamasinsinan. Kapag nagkaroon ka ng kabatiran sa mga bagay na ito, magiging madali para sa iyo na bitiwan ang mga ito. Kapag kaya mong bitiwan ang mga bagay na ito at mapangasiwaan ang mga ito nang tama, magagawa mong harapin ang mga ito nang tama. Hindi mo haharapin ang mga ito batay sa mga doktrina ng tao o sa mga pamantayan ng konsensiya ng tao; haharapin mo ang mga ito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang ibig sabihin ng maging alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Nangangahulugan ito na magagawa mong magpasakop sa Diyos. Kung magagawa mong magpasakop sa Diyos at sa Kanyang mga pangangasiwa, isa itong magandang senyales at isang mabuting pahiwatig. Ano ang ipinahihiwatig nito? Na may pag-asa kang maligtas. Kaya, pagdating sa usapin ng mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, hindi mahalaga kung ikaw ay bata pa, nasa katanghaliang-gulang, matanda, o nasa mga huling taon mo na ngayon, at kahit hindi mo pa naranasan ito, kung nararanasan mo na ito ngayon mismo, o kung naranasan mo na ito, ang kailangan ninyong gawin ay hindi lang bastang bitiwan ang inyong nararamdaman, o putulin ang ugnayan ninyo sa inyong mga magulang at humiwalay sa kanila, kundi kailangan ninyong magsikap tungo sa katotohanan, at hangaring maunawaan ang mga aspektong ito ng katotohanan. Ito ang pinakamahalagang bagay. Kapag nauunawaan ninyo ang iba’t ibang, kumplikadong relasyon, maaari na kayong makalaya mula sa mga ito, at hindi na kayo mapipigilan ng mga ito. Kapag hindi ka na napipigilan ng mga ito, magiging mas madali para sa iyo na magpasakop sa mga pangangasiwa ng Diyos, at mas kaunting balakid at mas maliliit na hadlang ang haharapin mo sa paggawa nito. Kung gayon, mas malamang na hindi ka susuway sa Diyos, hindi ba?
Malinaw mo na ba ngayong nauunawaan at nalulutas ang lahat ng mahalagang usaping ito na may kaugnayan sa mga magulang? Kapag may libreng oras kayo, pagnilayan ninyo ang katotohanan. Kung, sa hinaharap, o sa mga bagay na nararanasan mo ngayon, maiuugnay mo ang mga bagay na ito sa katotohanan, at malulutas ang mga problemang ito batay sa katotohanan, mas kaunting problema at paghihirap ang kakaharapin mo, at magiging napakaluwag at masaya ng pamumuhay mo. Kung hindi mo haharapin ang mga bagay na ito batay sa katotohanan, marami kang kakaharaping problema, at magiging napakahirap ng buhay mo. Ito ang kalalabasan. Tatapusin Ko na rito ngayon ang pagbabahagi tungkol sa paksa ng mga ekspektasyon ng magulang. Paalam na!
Abril 29, 2023