Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16 (Unang Bahagi)
Ano ang pinagbahaginan sa huling pagtitipon? (Sa huling pagtitipon, pangunahing nagbahagi ang Diyos tungkol sa pagbitiw ng pagkokondisyon ng pamilya ng isang tao tungkol sa tradisyon, pamahiin, at relihiyon. Detalyadong nagbahagi ang Diyos tungkol sa ilang mapamahiing kasabihan tulad ng “Dumpling kapag paalis, pansit kapag pauwi,” at “Ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna,” pati na ang epekto ng ilang tradisyonal na kaugaliang kaugnay ng Chinese New Year at iba pang mga pagdiriwang sa mga tao. Kasabay nito, nagbahagi ang Diyos sa tamang paraan ng pagharap natin sa mga tradisyonal at mapamahiing kasabihan at kaugaliang ito, kung saan dapat tayong maniwala na talagang magaganap ang ilang pangyayari, habang naniniwala rin na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay. Anuman ang ipinapahiwatig ng mga kasabihang ito o anuman ang mga pangyayaring maaaring maganap, dapat lahat tayo ay magkaroon ng isang mapagtanggap at mapagpasakop na saloobin at magawang ipasailalim ang ating sarili sa pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.) Ito ang mga batayang elemento ng ating pagbabahaginan noong huling pagtitipon. Pagdating sa nilalaman na may kaugnayan sa mga tradisyon, pamahiin, at relihiyon na ikinokondisyon ng mga pamilya sa mga tao, detalyado tayong nagbahaginan sa ilang bagay na nakakaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Bagamat ang nilalaman ng ating pagbabahaginan ay sumasaklaw lamang sa mga tradisyon, pamahiin, at relihiyong parte ng pang-araw-araw na buhay ng mga Tsino na pamilyar sa ating lahat, at hindi ito kumakatawan sa bawat bansa at lahi, ang mga tradisyon, pamahiin, at relihiyong kinakapitan ng mga taong namumuhay sa iba’t ibang rehiyon at lahi ay kapareho ng mga ito sa kalikasan—lahat sila ay sumusunod sa ilang tradisyon, kagawian sa pamumuhay, at mapamahiing kasabihan na ipinamana ng kanilang mga ninuno. Hindi mahalaga kung ang mga mapamahiing bagay na ito ay isang sikolohikal lamang na epekto ng isipan ng mga tao o kung tunay ang mga ito, sa madaling salita, ang saloobin ninyo sa mga ito ay dapat na kilalaning malinaw ang pangunahing kaisipan at diwa sa likod ng mga pamahiing ito. Kasabay nito, hindi ka dapat maimpluwensyahan o magambala ng mga ito. Sa halip, dapat kang maniwala na ang lahat tungkol sa mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos, na hindi mga pamahiin ang nagmamanipula sa mga tao, at na lalong hindi mga pamahiin ang nagdidikta sa kapalaran o pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Totoo man o hindi ang mga pamahiin, epektibo o totoo man ang mga ito, sa alinmang paraan, kapag hinaharap ang mga ganitong bagay, dapat magkaroon ang mga tao ng prinsipyo na umaayon sa katotohanan. Hindi sila dapat mabighani o maging kontrolado ng mga pamahiing ito, at lalong hindi nila dapat hayaan ang mga ito na makasagabal sa mga normal na layon ng kanilang paghahangad o ng kanilang pagsasagawa sa mga prinsipyo. Sa mga paksa ng tradisyon, pamahiin, at relihiyon, ang pamahiin ang lumilikha ng pinakamalaking hadlang at impluwensiya sa mga buhay, kaisipan, at pananaw ng mga tao sa iba’t ibang bagay. Karaniwang hindi nangangahas ang mga tao na isuko ang mga mapamahiing kasabihan at depinisyong ito, at hindi kailanman nalulutas ang mga suliranin sa buhay na nilikha ng mga pamahiing ito. Ang katunayan na hindi nangangahas ang mga tao na kumawala sa mga gapos ng mga pamahiing ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay ay nagpapatunay na hindi pa sapat ang kanilang pananalig sa Diyos. Hindi pa nila lubos na naunawaan o tumpak na naintindihan ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya, kapag nahaharap ang mga tao sa isang mapamahiing kasabihan o ilang damdamin na may kaugnayan sa pamahiin, lubos silang magagapos. Lalo na kapag kasali ang malalaking pangyayari na may kaugnayan sa buhay at kamatayan, sa kanilang kapalaran, o sa buhay at kamatayan ng kanilang mga mahal sa buhay, mas lalo pang nagagapos ang mga tao sa diumano’y mga pamahiing ipinagbabawal at mga pahayag na ito, at sa malaking antas, hindi nila magawang palayain ang kanilang sarili. Palagi silang natatakot na malalabag nila ang isang ipinagbabawal at ito ay magkakatotoo, na baka sumapit sa kanila ang kasawian, at baka may mangyaring masama sa kanila. Pagdating sa pamahiin, palaging hindi magawang kilatisin ng mga tao ang diwa ng isyu, at mas lalong hindi nila kayang kumawala sa mga gapos ng lahat ng uri ng mga pamahiin. Siyempre, hindi rin nila magawang malinaw na maunawaan ang impluwensiyang mayroon ang pamahiin sa buhay ng mga tao. Mula sa perspektiba ng pag-uugali ng tao at mula sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao sa mga pamahiin, ang kamalayan at mga perspektiba ng kanilang mga kaisipan ay labis pa ring naiimpluwensiyahan ni Satanas, at kontrolado ng isang uri ng di-nakikitang puwersa mula sa labas ng materyal na mundo. Kaya, habang sinusunod ng mga tao ang Diyos at tinatanggap ang Kanyang mga salita, kontrolado pa rin sila ng mga mapamahiing kasabihang may kaugnayan sa kanilang kapalaran, sa buhay at kamatayan, at sa kanilang pag-iral. Ibig sabihin, sa kaloob-looban ng kanilang isipan, naniniwala pa rin sila na talagang totoo ang mga pamahiing ito. Ano ang ibig sabihin ng kanilang paniniwala rito? Ibig sabihin, nakokontrol pa rin ang mga tao ng mga di-nakikitang puwersa sa likod ng mga pamahiing ito, sa halip na tunay na nakikilala na ang kanilang kapalaran ay pinamumunuan at pinamamatnugutan ng kamay ng Diyos. Nangangahulugan din ito na hindi sila lubusang masaya o panatag na iasa ang kanilang kapalaran sa Diyos, bagkus ay hindi sinasadyang nagiging kontrolado sila ni Satanas. Halimbawa, ang pang-araw-araw na pamumuhay, mga panuntunan para mabuhay, mga kuru-kuro, at iba pa ng mga taong regular na nagnenegosyo, mga taong madalas na naglalakbay, at mga taong dati nang medyo naniniwala sa mga mapamahiing aktibidad at kasabihan tulad ng pagbabasa ng mukha, ang walong trigram at ang I Ching, ang mga pag-aaral ng yin at yang, at kahalintulad, ay malalim na iniimpluwensiyahan, kinokontrol, at minamanipula ng mga pamahiing ito. Ibig sabihin, kahit ano pang gawin nila, kailangan itong magkaroon ng teoretikal na batayan na nagmumula sa pamahiin. Halimbawa, kapag lumalabas sila, kailangan nilang tingnan kung ano ang sinasabi sa kalendaryo, at kung mayroon bang anumang ipinagbabawal. Kapag nagpapatakbo ng negosyo, pumipirma ng mga kontrata, bumibili o nagbebenta ng mga bahay, at iba pa, talagang kailangan pa nilang kumonsulta sa kalendaryo sa araw na iyon. Kung hindi nila ito gagawin, nakakaramdam sila ng pag-aalinlangan at hindi nila alam kung ano ang maaaring mangyari. Nakakaramdam lamang sila ng kasiguraduhan at kapayapaan ng isip kapag kumikilos at nagdedesisyon sila pagkatapos kumonsulta sa kalendaryo. Dagdag pa rito, dahil nangyayari ang ilang masamang bagay bilang resulta sa kanilang paglabag sa ilang ipinagbabawal, ang kanilang kaalaman at paniniwala na totoo ang mga pamahiing ito ay lalo pang nagiging tiyak pagkatapos, at sila ay nagagapos ng mga pamahiing ito. Mas matibay nilang pinaniniwalaan na ang kapalaran, kayamanan, at buhay at kamatayan ng mga tao ay kontrolado ng mga mapamahiing kasabihan, at na sa hindi nakikita at mahiwagang mundo, mayroong isang di-nakikitang malaking kamay na kumokontrol sa sarili nilang kapalaran, buhay at kamatayan. Kaya, taimtim silang naniniwala sa lahat ng pamahiin, lalo na sa mga malapit na nauugnay sa kanilang buhay at kaligtasan ng buhay, hanggang sa puntong pagkatapos nilang manalig sa Diyos, bagamat sa salita ay umaamin at naniniwala sila na ang kapalaran ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos, kadalasang hindi namamalayang nababagabag at kontrolado sila ng iba’t ibang mapamahiing pahayag sa kaibuturan ng kanilang puso. May ilang tao pa nga na nalilito sa mga diumano’y ipinagbabawal na ito ng buhay—kung alin ang magkasalungat, kung ano ang nakatakdang mangyari sa kapalaran ng isang tao, at iba pang mapamahiing pahayag—sa mga katotohanang prinsipyo, at sumusunod sa mga ito. Ang mga saloobing ito na kinikimkim ng mga tao ukol sa mga pamahiin ay lubhang nakakaapekto sa mga saloobin nila ukol sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos sa presensiya ng Diyos. Lubha ring nakakaapekto ang mga ito sa mga saloobin ng mga tao bilang nilikha ukol sa Lumikha, at siyempre, nakakaapekto ang mga ito sa saloobin ng Diyos ukol sa mga taong iyon. Ito ay dahil habang sinusunod ng mga tao ang Diyos, sila pa rin ay kusa at di-sinasadyang kinokontrol at ginugulo ng iba’t ibang kaisipan at kasabihan na may kaugnayan sa pamahiin, na ikinintal ni Satanas sa kanila. Kasabay nito, mahirap din para sa mga tao na bitiwan ang iba’t ibang kaisipan at kasabihang ito na may kaugnayan sa pamahiin.
Kabilang sa mga bagay na ikinokondisyon ng mga pamilya sa mga tao, ang pamahiin, sa katunayan, ang pinakalubhang nakakasagabal sa mga tao, at ang nagdudulot ng pinakamalalim at pinakapangmatagalang epekto sa kanila. Samakatuwid, pagdating sa mga pamahiin, dapat siyasatin at isa-isang alamin ng mga tao ang mga ito sa kanilang totoong buhay, at tingnan kung nakatanggap ba sila ng anumang uri ng pagkokondisyon o impluwensiya mula sa kanilang malalapit na pamilya, kamag-anak, o angkan patungkol sa pamahiin. Kung mayroon man, kailangan nilang isa-isang bitiwan ang mga pamahiing ito, sa halip na kumapit sa mga ito, sapagkat ang mga bagay na ito ay walang kaugnayan sa katotohanan. Kapag madalas na lumilitaw sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao ang kaugalian ng isang tradisyonal na pamumuhay, maaari itong magtulak sa kanila na masunurin at hindi sinasadyang magpasailalim sa kontrol ni Satanas. Dagdag pa rito, ang mga mapamahiing kasabihan na nakakaimpluwensiya sa mga kaisipan ng mga tao ay mas higit pang may kakayahang panatilihing mahigpit na kontrolado ang mga tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kaya, bukod sa mga tradisyon at relihiyon, ang anumang kaisipan, pananaw, kasabihan, o patakarang may kaugnayan sa pamahiin ay dapat na bitiwan kaagad, at hindi ito dapat kapitan. Sa Diyos, wala ang mga ipinagbabawal. Ang mga salita ng Diyos, ang mga hinihingi ng sangkatauhan, at mga layunin ay malinaw na ipinapahayag sa salita ng Diyos. Bukod pa rito, ang lahat ng sinasabi ng Diyos sa mga tao o hinihingi Niya sa kanila sa Kanyang mga salita ay nauukol sa katotohanan at hindi naglalaman ng anumang kakaibang elemento. Sinasabi lamang ng Diyos sa mga tao nang malinaw at tuwiran kung paano kumilos at anong mga prinsipyo ang susundin sa kung ano ang mahalaga. Walang mga ipinagbabawal at walang maseselang detalye o kasabihan. Ang kailangang sundin ng mga tao ay ang kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo ayon sa kanilang sariling aktuwal na mga sitwasyon. Upang isagawa ang mga salita ng Diyos at sundin ang mga katotohanang prinsipyo, hindi mo kailangang tingnan ang petsa o oras; walang mga ipinagbabawal. Hindi rin kailangang konsultahin ang kalendaryo, lalo na ang isang horoscope, o kung ito ba ay kabilugan ng buwan o bagong buwan sa araw na iyon; hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa mga bagay na ito. Sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos at sa loob ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang mga tao ay may kalayaan at liberasyon. Ang kanilang puso ay mahinahon, masaya, at mapayapa, at hindi napupuno ng pagkataranta o pagkatakot, at lalo na ng pagpipigil. Ang pagkataranta, pagkatakot, at pagpipigil ay mga damdamin lamang na dulot ng iba’t ibang pamahiin. Ang katotohanan, ang mga salita ng Diyos, ang mga hinihingi ng Diyos, at ang gawain ng Banal na Espiritu ay nagbibigay sa mga tao ng kapayapaan at kagalakan, kalayaan at liberasyon, kaluwagan at kaligayahan. Gayunpaman, ang mismong kabaligtaran ang idinudulot ng pamahiin. Ginagapos ka nito nang husto, pinipigilan kang gawin ang ganito o ganyan, pinahihinto ka sa pagkain ng ganito o ganyan. Anuman ang iyong ginagawa ay mali at anuman ang iyong ginagawa ay may kasangkot na ipinagbabawal, at ang lahat ng bagay ay dapat naaayon sa mga kasabihan ng sinaunang almanac. Kung anong oras ito sa lunar calendar, kung ano ang pwedeng gawin sa alinmang araw, kung pwede ka bang lumabas—maging ang pagpapagupit, paliligo, pagpapalit ng damit, at pakikipagkita sa mga tao ay pawang may kani-kanilang mga ipinagbabawal. Sa partikular, ang mga kasal at libing, paglilipat ng bahay, paglabas para sa mga aasikasuhin, at paghahanap ng trabaho ay mas lalo pang nakadepende sa almanac. Ginagamit ni Satanas ang lahat ng uri ng pamahiin at kakaibang kasabihan para mahigpit na igapos ang mga tao. Ano ang layon ni Satanas sa paggawa nito? (Para kontrolin ang mga tao.) Sa modernong pananalita, ipinaparamdam nito ang presensiya nito. Ano ang ibig sabihin niyon? Ibig sabihin ay ipaalam sa mga tao ang presensiya nito, ipaalam sa kanila na ang mga pahayag na ito tungkol sa mga isinusulong nitong mga ipinagbabawal ay totoo, na ito ang may huling salita, na kaya nitong gawin ang mga bagay na ito, at na kung hindi ka makikinig dito ay bibigyan ka nito ng isang bagay na titingnan. Ano ang alegoryang iyon? Ito ay: “Naglalagay ng kolorete ang isang matandang babae—para may isang bagay kang titingnan.” Ibig sabihin nito ay na kung hindi ka makikinig o kung lalabag ka sa ipinagbabawal na ito, kakailanganin mo na lang na hintayin at tingnan kung ano ang mangyayari, at kakailanganin mong pasanin ang mga kahihinatnan. Kung hindi nananalig sa Diyos ang mga tao, sila ay natatakot sa mga ipinagbabawal na ito, dahil kung tutuusin, ang mga tao ay may laman, at hindi nila kayang labanan ang lahat ng iba’t ibang uri ng diyablo at si Satanas sa espirituwal na mundo. Pero ngayong nagbalik ka na sa harapan ng Diyos, ang lahat ng tungkol sa iyo, kasama na ang iyong mga kaisipan at bawat araw ng iyong buhay, ay nasa ilalim ng kontrol ng Diyos. Binabantayan ka ng Diyos at pinoprotektahan ka. Nabubuhay at umiiral ka sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, at hindi ka hawak ni Satanas. Kaya, hindi mo na kailangang sumunod pa sa mga ipinagbabawal na ito. Bagkus, kung natatakot ka pa rin na mapinsala ka ni Satanas, o na mangyayari ang masasamang bagay sa iyo kung hindi ka makikinig kay Satanas o maniniwala sa mga ipinagbabawal na binabanggit sa mga pamahiin, pinatutunayan nito na naniniwala ka pa rin na kayang kontrolin ni Satanas ang iyong kapalaran. Kasabay nito, pinatutunayan din nito na pumapayag kang magpasakop sa manipulasyon ni Satanas at hindi ka pumapayag tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ginagawa ni Satanas ang lahat ng ito upang ipaalam sa mga tao na talagang umiiral ito. Nais nitong gamitin ang mahika nito para kontrolin ang sangkatauhan, para kontrolin ang bawat nabubuhay na bagay. Ang layon ng pagkontrol sa mga nabubuhay na bagay na ito ay para sirain ang mga ito, at ang layon at huling resulta ng pagsira sa mga ito ay ang lamunin sila nito. Siyempre, ang layon ng pagkontrol sa kanila ay para din na sambahin ito ng mga tao. Kung gusto ng diyablong si Satanas na iparamdam ang presensiya nito, kailangan nitong magpakita ng kaunting pagkaepektibo. Halimbawa, maaari nitong gawing dumi ang isang itlog. Ang itlog na ito ay ibinibigay sa altar ng isang masamang espiritu, at kung nagugutom ka at gusto mong kainin ito, at sinusubukan mong agawin ito mula sa diyablo, gagawin nitong dumi ang itlog upang ipaalam sa iyo ang kapangyarihan nito. Matatakot ka rito at hindi ka mangangahas na makipagkumpitensiya rito para sa pagkain. Kung natatakot ka rito dahil sa isang bagay, at pagkatapos ay natatakot ka rito dahil sa isa pang bagay, sa paglipas ng panahon ay magsisimula kang maniwala nang bulag dito. Kung bulag kang naniniwala rito nang kaytagal, magsisimula kang sumamba rito mula sa kaibuturan ng iyong puso. Hindi ba’t ito ang mga layon ng mga kilos ni Satanas? Kumikilos si Satanas nang tumpak para sa mga layong ito. Ito man ay nasa timog o hilaga, at anumang lahi ng tao ito, sinasamba nilang lahat ang masasama at maruruming espiritu nang nakaluhod. Bakit nila sinasamba ang mga ito nang nakaluhod? Bakit nagagawa ng masasama at maruruming espiritu na iyon, na kanilang sinasamba nang nakaluhod, na patuloy na magsunog ng insenso para sa kanila sa sunod-sunod na henerasyon? Kung sasabihin mong hindi sila totoo, bakit maraming tao ang naniniwala sa kanila at patuloy na nagsusunog ng insenso para sa kanila, yumuyukod sa kanila, gumagawa ng mga panata para sa kanila at pagkatapos ay tumutupad sa kanilang mga panata, sa sunod-sunod na henerasyon? Hindi ba’t dahil ang masasama at maruruming espiritung iyon ay may nagawa? Kung hindi ka makikinig sa mga salita ng masasamang espiritu, bibigyan ka nila ng sakit, gagawing hindi kanais-nais ang mga bagay para sa iyo, magdudulot ng mga sakuna sa iyo, bibigyan ng sakit ang mga kalabaw ng iyong pamilya at nang hindi makapag-araro sa bukid ang mga ito, at magsasanhi pa nga ng mga aksidente sa sasakyan sa iyong pamilya. Maghahanap sila ng mga paraan para guluhin ka, at habang mas ginagawa nila ito, mas magkakaroon ka ng maraming problema. Hindi ka pwedeng tumangging sumunod, at sa huli, wala kang magagawa kundi sumamba sa kanila nang nakaluhod, at magkukusa kang iyuko ang iyong ulo para magpasakop sa kanila, sa puntong iyon, magiging masaya sila. Mula noon, ikaw ay mapapabilang na sa kanila. Tingnan mo ang mga tao sa lipunan na kinokontrol ng mga espiritu ng soro o ng iba’t ibang katauhan sa espirituwal na mundo na makikita sa mga altar. Ano ang tawag natin dito? Tinatawag natin itong sinasapian at pinaninirahan ng masasamang espiritu. Sa mga karaniwang tao, ito ay tinatawag na pagiging kontrolado ng isang espiritu o pangangasiwa ng isang bagay sa katawan ng isang tao. Kapag nagsisimula nang maghanap ang masasamang espiritu ng mga katawan na pangangasiwaan, ayaw silang payagan ng kanilang mga target na gawin ito, kaya’t nakikialam ang masasamang espiritu at ginugulo ang kanilang mga target, nagsasanhi ng mga aksidente at abala sa mga pamilya ng mga ito. Ang mga nasa negosyo ay pinaparanas ng pagkalugi at hindi kailanman nagkakaroon ng mga customer; sila ay hinahadlangan hanggang sa puntong hindi sila makaraos at napakahirap para sa kanila na umusad. Sa huli, nagpapasakop at pumapayag na lang sila. Pagkatapos nilang pumayag, ginagamit ng masasamang espiritu ang kanilang pisikal na katawan para gawin ang mga bagay-bagay, para magsagawa ng mga tanda at kababalaghan, para akitin ang ibang tao, para gamutin ang mga karamdaman, para basahin ang mga kapalaran, para tumulong pa nga sa pagtawag sa mga espiritu ng mga patay, at iba pa. Hindi ba’t ginagamit ng masasamang espiritu ang mga paraang ito para ilihis, gawing tiwali, at kontrolin ang mga tao?
Kung ang mga mananampalataya sa Diyos ay may parehong mga pananaw at opinyon sa mga walang pananampalataya ukol sa mga mapamahiing kasabihang ito, ano ang kalikasan nito? (Ito ay pagsuway at paglalapastangan sa Diyos.) Tama, napakatumpak ng sagot na ito, ito ay isang malubhang paglapastangan sa Diyos! Sinusunod mo ang Diyos at sinasabing nananalig ka sa Kanya, ngunit kasabay nito, kinokontrol at ginugulo ka ng mga pamahiin. Kaya mo pa ngang sundin ang mga ikinintal na kaisipan ng mga pamahiin sa mga tao, at ang mas malala pa riyan, ang ilan sa inyo ay natatakot sa mga kaisipan at katunayang ito na kaugnay ng mga pamahiin. Ito ang pinakamalaking kalapastanganan sa Diyos. Bukod sa hindi ka makapagpapatotoo para sa Diyos, sinusunod mo rin si Satanas sa paglaban sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—ito ay kalapastanganan sa Diyos. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Ang diwa ng paniniwala sa mga pamahiin o pagsunod sa mga pamahiin ng mga tao ay paglapastangan sa Diyos, kaya, hindi ba’t dapat mong bitiwan ang iba’t ibang uri ng pagkokondisyon na mayroon ang mga pamahiin sa iyo? (Oo.) Ang pinakasimpleng paraan ng pagbitiw sa mga ito ay ang huwag hayaan ang iyong sarili na guluhin ng mga ito, totoo man o hindi ang mga pamahiing iyon, at anuman ang idudulot ng mga ito. Kahit na talagang totoo ang mga pahayag ng mga pamahiin tungkol sa isang bagay, hindi ka dapat maabala o makontrol ng mga ito. Bakit? Dahil ang lahat ng bagay ay pinangangasiwaan ng Diyos. Kahit na matupad ni Satanas ang isang bagay, ito ay nagawa nang may pahintulot ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, gaya ng sinabi ng Diyos, ni hindi mangangahas si Satanas na hawakan ang isang hibla ng buhok sa iyong ulo. Isa itong katunayan, at isa itong katotohanan na dapat paniwalaan ng mga tao. Samakatuwid, alinman sa iyong mga talukap ang kumibot, o kung nananaginip ka na natatanggal ang iyong mga ngipin, na nalalagas ang iyong buhok, o ng kamatayan, o anumang uri ng bangungot, dapat kang manalig na ang mga bagay na ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi ka dapat maimpluwensiyahan o maabala ng mga ito. Walang sinumang makapagpapabago sa mga bagay na nais isakatuparan ng Diyos, at walang sinumang makapagpapabago sa mga bagay na inorden ng Diyos. Ang mga bagay na inorden at pinlano ng Diyos ay mga katunayan na naisakatuparan na. Hindi mahalaga kung mayroon ka mang premonisyon o kung anumang uri ng mga pangitain ang ibinibigay sa iyo ng mga diyablong ito at ni Satanas sa espirituwal na mundo, hindi ka dapat maabala ng mga ito. Paniwalaan lamang na ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at na dapat magpasakop ang mga tao sa pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang mga bagay na malapit nang maganap o ang mga bagay na hindi maaaring mangyari ay lahat nasa kontrol at ordinasyon ng Diyos. Walang sinumang makapagpapabago sa mga ito, at mas lalong walang makahahadlang sa mga ito. Ito ay isang katunayan. Ang Lumikha ang dapat sambahin ng mga tao nang nakaluhod, hindi ang anumang puwersa sa espirituwal na mundo na kayang gawing totoo o ibalik ang mga pamahiin. Gaano man kalawak ang kapangyarihan ng mga diyablo at ni Satanas, anumang himala ang kaya nilang gawin, o anumang bagay ang kaya nilang gawing totoo, o anumang premonisyon ng isang tao at anumang mapamahiing kasabihan ang kaya nilang gawing realidad, wala sa mga ito ang nangangahulugang hawak nila ang kapalaran ng mga tao sa kanilang mga kamay. Hindi ang mga diyablo at si Satanas ang dapat sambahin ng mga tao nang nakaluhod, kundi ang Lumikha. Ito ang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao pagdating sa paksa ng pagkokondisyon ng pamilya kaugnay sa mga tradisyon, pamahiin, at relihiyon. Sa madaling salita, ito man ay may kinalaman sa tradisyon, pamahiin, o relihiyon, hangga’t ang isang bagay ay walang kinalaman sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, o sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, dapat itong talikuran at bitiwan ng mga tao. Isa man itong pamumuhay o isang uri ng kaisipan, o isa mang patakaran o teorya, hangga’t wala itong kinalaman sa katotohanan, isa itong bagay na dapat iwaksi ng mga tao. Halimbawa, sa mga kuru-kuro ng mga tao, ang mga bagay na may kinalaman sa relihiyon, tulad ng Kristiyanismo, Katolisismo, Judaismo, at iba pa, ay itinuturing na medyo marangal at banal kumpara sa pamahiin, tradisyon, o pagsamba sa idolo. Nakakaramdam ng kaunting paghanga o pagpabor ang mga tao sa mga ito sa kanilang mga kuru-kuro at sa kaloob-looban ng kanilang isipan, pero sa kabila nito, dapat bitiwan ng mga tao ang mga simbolo, pagdiriwang, at mga tandang nauugnay sa relihiyon at hindi dapat sobrang pahalagahan ang mga ito o tratuhin ang mga ito nang pareho sa katotohanan, sambahin ang mga ito nang nakaluhod, o paglaanan pa nga ng puwang ang mga ito sa kanilang puso. Hindi ito dapat gawin. Ang mga simbolo ng relihiyon, mga gawain sa relihiyon, mga pagdiriwang sa relihiyon, ilang kilalang bagay sa relihiyon, pati na ang ilang medyo marangal na kasabihan sa relihiyon, at iba pa, ay pawang nabibilang sa saklaw ng paksa ng relihiyon na pinag-usapan natin. Sa madaling salita, ang layon ng pagsasabi ng lahat ng ito ay ang ipaunawa sa iyo ang isang katunayan: Pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa pamahiin, tradisyon, at relihiyon, hindi mahalaga kung marangal man o medyo kakaiba ang mga ito, hangga’t walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan, dapat bitiwan ang lahat ng ito, at hindi dapat kumapit ang mga tao sa mga ito. Siyempre, ang mga paksang lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo ay lalo pang dapat talikuran at ganap na hindi dapat panatilihin ang mga ito. Dapat na may katiyakang bitiwan ng mga tao ang lahat ng bagay na nagmumula sa pagkokondisyon at impluwensiya ng kanilang mga pamilya, nang paisa-isa, at huwag pahintulutang maapektuhan ang kanilang sarili ng mga ito. Halimbawa, kapag nakikita mo ang ilang kapatid sa Pasko, sa sandaling makita mo sila ay sasabihin mong, “Maligayang Pasko! Masayang Pasko!” Maganda bang sabihin ang: “Maligayang Pasko”? (Hindi, hindi maganda.) Nararapat bang sabihing, “Dahil ginugunita nito ang araw na isinilang si Jesus, hindi ba’t dapat tayong magpahinga sa araw na ito at walang anumang gagawin, at kahit gaano pa tayo kaabala sa ating gawain at mga tungkulin, hindi ba’t dapat tayong huminto at tumutok sa paggunita sa pinaka-hindi-malilimutang araw sa nakaraang yugto ng gawain ng Diyos?” (Hindi, hindi ito nararapat.) Bakit hindi ito nararapat? (Dahil ito ay gawaing ginawa ng Diyos sa nakaraan, at ito ay isang bagay na walang kinalaman sa katotohanan.) Sa doktrina, ganito ang kaso. Sa teorya, naarok ninyo ang ugat ng isyung ito, ngunit paano naman sa realidad? Ito ang pinakasimpleng bagay, at hindi ninyo Ako mabigyan ng sagot. Ayaw ng Diyos kapag gumagawa ang mga tao ng mga ganitong bagay; kinamumuhian Niya itong makita. Ganoon lang kasimple iyon. Sa mga pagdiriwang, sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Maligayang Bagong Taon! Maligayang Pasko!” Kung binabati nila Ako, tumatango lang Ako at nagsasabing, “Sa inyo rin!” na nangangahulugang “Maligayang Pasko rin sa inyo.” Iniraraos Ko lang ang pagbating ito, at iyon lang iyon. Ngunit hindi Ko ito kailanman sinasabi kapag nakikita ko ang mga kapatid. Bakit ganoon? Dahil isa itong pagdiriwang ng mga walang pananampalataya, isang pagdiriwang na komersiyal. Sa Kanluran, halos kada pagdiriwang, tradisyonal man o likha ng tao, ay talagang nauugnay sa kalakalan at konektado sa ekonomiya. Kahit na sa ilang bansa na may mahabang kasaysayan, ang kanilang mga pagdiriwang ay nauugnay lamang sa tradisyon at unti-unting umunlad tungo sa iba’t ibang komersiyal na aktibidad mula noong ika-20 siglo, at ang mga ito ay napakagandang oportunidad sa negosyo para sa mga mangangalakal. Komersiyal man o tradisyonal ang mga pagdiriwang na ito, ano’t anuman, walang kinalaman ang mga ito sa mga taong nananalig sa Diyos. Gaano man kasigasig ang mga walang pananampalataya o maging ang mga relihiyosong indibidwal tungkol sa mga pagdiriwang na ito o gaano man kaenggrande at kamangha-mangha ang mga pagdiriwang na ito sa alinmang bansa o bayan, walang kinalaman ang mga ito sa atin na mga sumusunod sa Diyos at ang mga ito ay hindi mga pagdiriwang na dapat nating obserbahan, lalo na ang ipagdiwang o gunitain. At lalo na ang mga tradisyonal na pagdiriwang na nagmumula sa mga walang pananampalataya, anuman ang pinanggalingang lahi, pangkat etniko, o yugto ng panahon, walang kinalaman sa atin ang mga ito. Kahit ang mga anibersaryo na nauugnay sa bawat yugto at ang bawat bahagi ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay walang kinalaman sa atin. Halimbawa, walang kinalaman sa atin ang mga pagdiriwang mula sa Kapanahunan ng Kautusan, at lalong walang kinalaman sa atin ang Easter, Pasko, at iba pang mula sa Kapanahunan ng Biyaya. Sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito, ano ang nais Kong ipaunawa sa mga tao? Na hindi sinusunod ng Diyos ang mga pagdiriwang o alinmang patakaran sa mga bagay na ginagawa Niya. Kumikilos Siya nang malaya at walang paghihigpit, nang walang anumang ipinagbabawal, at hindi Siya kailanman gumugunita ng anumang pagdiriwang. Kahit na ito ang simula, ang wakas, o isang espesyal na araw ng nakaraang gawain ng Diyos, hindi ito kailanman ginugunita ng Diyos. Ang Diyos ay hindi gumugunita at hindi diretsahang nagpapakilala sa mga tao tungkol sa mga petsa, araw, o oras na ito. Sa isang aspekto, ito ay nagsasabi sa mga tao na ang Diyos ay hindi gumugunita sa mga araw na ito, na walang pakialam ang Diyos sa mga araw na ito. Sa isa pang aspekto, ito ay nagsasabi sa mga tao na hindi nila kailangang gunitain o ipagdiwang ang mga araw na ito, na hindi nila dapat panatilihin ang mga araw na ito. Hindi kailangang tandaan ng mga tao ang anumang araw o panahon na may kaugnayan sa gawain ng Diyos, lalo na ang gunitain ang mga ito. Ano ang kailangang gawin ng mga tao? Kailangan nilang magpasakop sa pamamatnugot ng Diyos at tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa ilalim ng Kanyang patnubay. Kailangan nilang tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa katotohanan sa kanilang araw-araw na buhay. Ganoon lang kasimple iyon. Sa ganitong paraan, hindi ba’t magiging mas madali at mas kaaya-aya ang buhay ng mga tao? (Oo.) Samakatuwid, ang pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito ay talagang naghahatid ng liberasyon at kalayaan sa bawat tao, at hindi pagkagapos. Dahil sa isang aspekto, ang mga paksang ito ay mga obhetibong katunayan at mga tunay na bagay na dapat maunawaan ng mga tao, at sa isa pang aspekto, pinapalaya rin nito ang mga tao at pinahihintulutan silang bitiwan ang mga bagay na ito na hindi nila dapat sundin. Kasabay nito, ipinapaalam din nito sa mga tao na ang mga bagay na ito ay hindi kumakatawan sa katotohanan, at na mayroon lamang isang daan ng Diyos na dapat sundin ng mga tao, at iyon ay ang katotohanan. Naiintindihan mo ba? (Oo.)
Pagdating sa paksa ng pamilya, bukod sa pagbitiw sa pagkokondisyon ng pamilya ng isang tao, mayroong iba pang aspekto na dapat bitiwan ang mga tao. Dati tayong nagbahaginan tungkol sa pagkokondisyon ng pamilya sa pag-iisip ng isang tao, at pagkatapos ay nagbahaginan tayo sa iba’t ibang kasabihan tungkol sa buhay na ikinokondisyon sa mga tao ng kanilang mga pamilya. Lahat ng pamilya ay nagbibigay sa mga tao ng matatag na buhay at puwang sa pag-unlad. Binibigyan din nila ang mga tao ng pakiramdam ng seguridad, isang bagay na maaasahan, at isang mapagkukunan ng mga pangunahing pangangailangan sa proseso ng kanilang pag-unlad. Bukod sa pagtupad sa kanilang mga emosyonal na pangangailangan, natutugunan din ng mga tao ang kanilang mga materyal na pangangailangan mula sa kanilang mga pamilya. Siyempre, nakakatanggap din sila ng mga pangangailangan sa buhay at ilang pangkalahatang kaalaman sa buhay na kailangan nila habang lumalaki. Maraming bagay ang natatanggap ng mga tao mula sa kanilang mga pamilya, kaya para sa bawat indibidwal, ang pamilya ay isang parte ng buhay na mahirap putulin. Marami ang mga pakinabang na hatid ng pamilya sa mga tao, ngunit kung titingnan ito mula sa perspektiba ng nilalaman ng ating pagbabahaginan, ang iba’t ibang negatibong impluwensiya, at ang mga negatibong saloobin sa buhay at perspektiba na hatid ng pamilya sa mga tao ay marami rin. Ibig sabihin, habang dinadalhan ka ng iyong pamilya ng maraming mahahalagang bagay para sa iyong pisikal na buhay, nagtutustos para sa iyong mga pangunahing pangangailangan, at nagbibigay sa iyo ng emosyonal na makakapitan at suporta, kasabay nito, nagdudulot din ito sa iyo ng ilang di-kinakailangang problema. Siyempre, mahirap para sa mga tao na takasan at bitiwan ang mga problemang ito bago nila maunawaan ang katotohanan. Sa isang partikular na antas, ang iyong pamilya ay nagdudulot ng parehong malalaki at maliliit na kaguluhan sa iyong pang-araw-araw na buhay at pag-iral, na ginagawang madalas na komplikado at salungat ang iyong mga damdamin sa iyong pamilya. Dahil natutugunan ng iyong pamilya ang iyong mga emosyonal na pangangailangan habang pinakikialaman din ang iyong buhay sa emosyonal na antas, ang terminong “pamilya” ay pumupukaw ng mga komplikado at mahirap ipaliwanag na kaisipan sa karamihan ng mga tao. Nararamdaman mong puno ka ng pagiging sentimental, ng pagkagiliw, at siyempre, ng pasasalamat sa iyong pamilya. Ngunit kasabay nito, ang mga kagusutan na dala sa iyo ng iyong pamilya ay nagpaparamdam sa iyo na isa itong malaking pagmumulan ng problema. Ibig sabihin, pagkatapos umabot sa hustong gulang ang isang tao, ang kanilang konsepto, mga kaisipan, at mga perspektiba sa kanilang pamilya ay nagiging medyo kumplikado. Kung ganap nilang bibitiwan, tatalikuran, o hindi na iisipin ang kanilang pamilya, hindi ito matitiis ng kanilang konsensiya. Kung iisipin naman nila ang kanilang pamilya, gugunitain, at buong-pusong ibubuhos ang kanilang sarili dito tulad noong bata pa sila, mararamdaman nilang ayaw nilang gawin ito. Madalas na nararanasan ng mga tao ang ganitong uri ng kalagayan, ganitong uri ng kaisipan, pananaw, o kondisyon kapag kinakaharap ang kanilang mga pamilya, at ang mga kaisipan at pananaw o mga kondisyong ito ay nagmumula rin sa pagkokondisyon ng kanilang mga pamilya. Ito ang paksa na pagbabahaginan natin ngayong araw: ang pasanin na idinudulot ng mga pamilya sa mga tao.