Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 15 (Ikatlong Bahagi)
Natapos na natin ang ating pagbabahaginan tungkol sa kung paano harapin ang pagkibot ng mata, ngunit paano nga ba dapat pangasiwaan ng mga tao ang usapin ng pananaginip sa kanilang pang-araw-araw na buhay? Halimbawa, kung nanaginip ka isang gabi na natanggal ang iyong mga ngipin, maaaring tatanungin ka ng iyong ina, “Dumugo ba nang matanggal ang mga ngipin mo?” Kung itatanong mo na, “Ano ang mangyayari kung dumugo nga ito?” maaaring sasabihin sa iyo ng iyong ina na pwedeng nangangahulugan ito na mayroong mamamatay sa pamilya, o maaaring may magaganap na hindi maganda. Hindi Ko alam kung ano ang maaaring partikular na kasabihan sa likod ng detalyeng ito, magkakaiba ang sinasabi ng iba’t ibang pamilya. Maaaring sasabihin ng ilan na hinuhulaan nito ang kamatayan ng isang malapit na kamag-anak, tulad ng lolo o lola, o mga magulang, samantalang maaaring sasabihin naman ng ilan na nagpapahiwatig ito ng pagkamatay ng isang kaibigan. Ano’t anuman, ang pananaginip tungkol sa pagkawala ng mga ngipin ay karaniwang itinuturing na masamang bagay. Dahil ito ay masama, at nauugnay ito sa mga usapin ng buhay at kamatayan, labis na nag-aalala ang mga tao dahil dito. Sa tuwing nananaginip ang mga tao ng pagkawala ng mga ngipin, nagigising sila nang nababalisa. Mayroon silang pakiramdam na malapit nang mangyari ang isang kasawian o masamang bagay, na nagdudulot sa kanila ng pagkabalisa, pagkatakot, at pangamba. Gusto nilang mapawi ang pakiramdam na iyon ngunit hindi nila magawa, gusto nilang makahanap ng mga taong tutugon sa usaping ito o aayos nito, pero imposibleng magawa ito. Sa madaling salita, sila ay nabihag ng panaginip na ito. Lalo na kapag ang panaginip ay naglalaman ng pagdurugo ng kanilang mga ngipin, mas tumitindi ang kanilang pag-aalala. Pagkatapos magkaroon ng ganitong panaginip, madalas na hindi maganda ang lagay ng kalooban ng mga tao sa loob ng maraming araw, hindi sila mapalagay, at hindi nila alam kung paano ito kakayanin. Para sa mga hindi pamilyar sa mga bagay na ito, maaaring hindi pa rin sila maapektuhan, ngunit para sa mga taong nakatanggap na ng mga partikular na kaisipan at pananaw o nakarinig na ng mga mas nakakaalarma at nakakagulat na kasabihang may kaugnayan sa usaping ito na ipinamana ng kanilang mga ninuno, mas lalo silang nag-aalala. Natatakot silang magkaroon ng mga ganitong panaginip at sa tuwing nangyayari ito, agad silang nagdarasal, “O Diyos, pakiusap, protektahan Mo po ako, damayan Mo po ako, bigyan Mo po ako ng lakas, at pigilan na mangyari ang mga bagay na ito. Kung nakatakda ito para sa aking mga magulang, pakiusap, panatilihin Mo po silang ligtas at malaya sa anumang aksidente.” Malinaw na ang mga saloobing ito ay iniimpluwensiyahan ng kanilang mga kaisipan at pananaw o ng mga tradisyonal na kasabihan. Tungkol sa mga tradisyon, maaaring may mga espesyal na paraan ang ilang pamilya o indibidwal para maibsan ang mga ganitong bagay, o maaaring kumakain at umiinom sila ng mga partikular na bagay, bumibigkas ng mga partikular na orasyon, o gumagawa ng mga partikular na bagay para malutas o maiwasan ang masasamang kalalabasan. Talagang may mga ganoong kaugalian sa mga katutubong tradisyon, ngunit hindi na natin susuriin ang mga ito. Ang pagbabahaginan natin ay ang kung paano harapin at unawain ang usapin ng pananaginip. Ang pananaginip ay isang likas na gawi ng tao sa laman o isang parte ng penomena ng pananatiling buhay ng laman. Ano’t anuman, isa itong misteryosong pangyayari. Madalas sinasabi ng mga tao na, “Kung ano ang iniisip mo sa umaga, iyon ang mapapanaginipan mo sa gabi.” Gayunpaman, hindi karaniwang iniisip ng mga tao ang mga bagay tulad ng pagkawala ng kanilang mga ngipin sa umaga, hindi rin ito mga bagay na nakikita ng mga tao sa kanilang mga pagnanais. Walang gustong makaranas ng gayong mga bagay, at walang sinumang nahuhumaling sa mga bagay na ito araw at gabi. Gayunpaman, madalas nangyayari ang mga ito kapag hindi inaasahan ng mga tao. Kaya, wala itong kinalaman sa kasabihang, “Kung ano ang iniisip mo sa umaga, iyon ang mapapanaginipan mo sa gabi.” Hindi ito isang bagay na nangyayari dahil lang sa iniisip mo ito. Anuman ang mga interpretasyon ni Freud sa Kanluran o ng Duke ng Zhou sa Tsina tungkol sa mga panaginip, o kung ang mga panaginip ay nagkakatotoo man o hindi sa huli, sa madaling salita, ang usapin ng pananaginip ay nauugnay sa ilang di-namamalayang sensasyon at kamalayan sa katawan ng tao, at bumubuo ng isang parte ng mga misteryo nito. Ang mga siyentista na nag-aaral ng biyolohiya at neurosiyensiya sa Kanluran ay nagsasaliksik tungkol dito, at sa huli, nabigo silang lubusang maunawaan ang mga pinagmulan ng mga panaginip ng tao. Hindi nila ito mawari, kaya, dapat bang subukan nating magsaliksik tungkol dito? (Hindi natin dapat gawin ito.) Bakit hindi natin dapat gawin ito? (Ang pagsasaliksik sa mga bagay na ito ay walang silbi, at hindi rin natin mauunawaan ang mga ito.) Hindi dahil sa walang silbi ito o na hindi natin mauunawaan ito; ito ay dahil hindi kasama ang katotohanan dito, ganoon kasimple. Ano ang maaari mong makamit sa pag-aaral at pag-unawa rito? Kasama ba rito ang katotohanan? (Hindi, hindi kasama.) Ito ay isa lamang penomena na nagaganap sa takbo ng pananatiling buhay ng katawan, at madalas itong nangyayari sa buhay ng mga tao. Gayunpaman, hindi alam ng mga tao ang ibig sabihin nito. Parte ito ng misteryo. Hindi ito kailangang saliksikin o siyasatin ng mga tao dahil walang katotohanan dito, at hindi ito nauukol sa mga landas na tinatahak ng mga tao. Nananaginip ka man sa gabi tungkol sa pagkawala ng iyong mga ngipin o hindi, nananaginip ka man tungkol sa pagkakaroon ng engrandeng piging o sa pagsakay ng rollercoaster, may kinalaman ba ito sa takbo ng buhay mo sa umaga? (Wala itong kinalaman.) Kung isang gabi ay nanaginip ka na nakikipag-away ka sa isang tao, ibig bang sabihin nito ay tiyak na may makakaaway ka sa araw? Kung isang gabi ay mayroon kang maganda at masayang panaginip, at gumising ka nang masaya, ibig bang sabihin nito ay tiyak na magiging maayos at ayon sa inaasahan ang takbo ng lahat ng bagay sa araw? Ibig bang sabihin nito na sa araw ay mauunawaan mo ang katotohanan at mahahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay? (Hindi, hindi ganoon.) Kaya, walang kinalaman sa katotohanan ang pananaginip. Hindi na kailangang magsaliksik tungkol dito. May kaugnayan ba sa pagkamatay ng isang malapit na kamag-anak ang pananaginip tungkol sa pagkawala ng iyong ngipin at pagdugo nito? (Wala itong kaugnayan.) Bakit palagi kang nagsasalita ng mga kamangmangan? Nagiging mangmang ka na naman, hindi ba? Wala kang kabatiran. Ang katawan ng tao ay isang misteryo, at maraming bagay ang hindi mo kayang ipaliwanag. Malulutas mo ba ang lahat sa simpleng “hindi”? Noon, ang mga propeta at mga taong hinirang ng Diyos ay nagkaroon din ng mga propetikong panaginip na nagbibigay ng mensahe mula sa Diyos na nagsasabi ng mga mangyayari sa hinaharap. Ang mga panaginip na ito ay may kabuluhan. Paano mo ipapaliwanag na ginagamit ng Diyos ang mga panaginip upang ihayag ang mga bagay-bagay sa mga tao? Kung gayon, paano pumasok ang Diyos sa kanilang mga panaginip? Lahat ng ito ay misteryo. Ginagamit din ng Diyos ang mga panaginip para ipaalam sa mga tao ang ilang partikular na bagay at bigyang-liwanag sila tungkol sa ilang usapin, nagbibigay-daan sa kanilang mahulaan ang ilang pangyayari bago ito mangyari. Paano mo ipapaliwanag ito? Mangmang ba kayo tungkol sa mga bagay na ito? (Oo.) Ngayon, ang punto ay hindi para bulag mong itatwa ang iba’t ibang di-maipaliwanag na penomenang nagyayari sa pang-araw-araw na buhay na kinabibilangan ng mga misteryong hindi mo maunawaan, kundi ang unawain at harapin ang mga ito nang tumpak. Hindi ito tungkol sa paulit-ulit na pagtatanggi sa mga bagay na ito, pagsasabing hindi umiiral ang mga ito, na walang ganoong bagay, o na imposible ang mga ito, bagkus, ito ay para tratuhin mo nang tama ang mga ito. Ano ang ibig sabihin ng tamang pagtrato sa mga ito? Ibig sabihin nito ay huwag harapin ang mga usaping ito nang may mga mapamahiin o labis-labis na kaisipan at pananaw tulad ng ginagawa ng mga makamundong tao, ni harapin ang mga ito katulad ng mga ateista o hindi mananampalataya. Hindi ito para gawin mo ang dalawang sukdulang bagay na ito, bagkus ay upang akuin mo ang tamang posisyon at pananaw para isaalang-alang ang mga bagay na ito na nangyayari sa araw-araw na buhay, hindi ang pananaw ng mga makamundong tao, ni ang mga pananaw ng mga hindi mananampalataya—kundi ang pananaw na dapat taglayin ng isang mananampalataya sa Diyos. Kaya, anong pananaw ang dapat mong taglayin ukol sa mga usaping ito? (Anuman ang mangyari, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos—huwag itong saliksikin.) Hindi mo ito dapat saliksikin, ngunit dapat bang magkaroon ka ng kaunting pagkaunawa tungkol dito? Ipagpalagay natin na may nagsasabing, “Nanaginip si ganito at ganyan na natanggal ang kanyang mga ngipin at mayroong dugo, at sa loob ng ilang araw, nabalitaan kong namatay ang kanyang ama.” Kung agad mong itatatwa ito at sasabihing, “Imposible! Pamahiin lang iyan, nagkataon lang na nangyari. Ang pamahiin ay paniniwala sa isang bagay dahil sa nahuhumaling ka rito; kung hindi ka nahuhumaling dito, hindi ito iiral,” kahangalan bang sabihin ito? (Oo.) Paano mo dapat tingnan ang bagay na ito kung gayon? (Dapat nating kilalanin na may maraming misteryo sa pisikal na katawan ng tao, at ang pananaginip na natanggal ang mga ngipin at pagdugo nito ay maaaring nagpapahiwatig ng isang hindi magandang pangyayari. Subalit, nangyayari man ito o hindi, dapat tayong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos.) May natutunan kayo mula sa pagkibot ng mata, kaya paano ninyo dapat harapin ang pananaginip tungkol sa pagkatanggal ng mga ngipin at pagdugo nito? Dapat mong sabihin, “Hindi natin lubos na maunawaan ang usaping ito. Sa totoong buhay, tunay ngang umiiral ang penomenang ito. Hindi natin masasabi kung magiging totoo ito o kung magbabadya ito ng masamang mangyayari, ngunit ang masasamang bagay na tulad nito ay talagang nangyayari sa totoong buhay. Hindi natin lubos na naaarok ang mga usapin sa espirituwal na mundo, at hindi tayo nangangahas na gumawa ng mga walang basehang pahayag. Kung mayroon akong ganoong panaginip, ano dapat ang saloobin ko? Anuman ang panaginip, hindi ako dapat mapigilan nito. Kung tunay mang magkakatotoo ang panaginip na ito gaya ng sinasabi ng mga tao, kung gayon, pinasasalamatan ko ang Diyos sa pagbibigay sa akin ng kahandaan sa pag-iisip, sa pagpapaalam sa akin na maaaring mangyari ang ganitong bagay. Hindi ko kailanman naisip kung maaapektuhan ba ako kung mamamatay ang isang kapamilya, kung mamamatay ang aking mga magulang: kung mararamdaman ko ba na nabibigatan ako, kung maaapektuhan ba ang aking pagganap sa tungkulin, kung manghihina ba ako o kung magrereklamo ba ako laban sa Diyos—hindi ko kailanman naisip ito. Pero ngayon, ang pangyayaring ito ay nagbigay sa akin ng pahiwatig tungkol dito, ipinapakita sa akin ang aking tunay na tayog. Kapag naiisip ko ang kamatayan ng aking mga magulang, nakakaramdam ako ng malalim na kirot sa loob; napipigilan ako nito at nakakaramdam ako ng depresyon. Bigla kong napagtatantong napakaliit pa rin ng tayog ko. Napakaliit ng aking pusong nagpapasakop sa Diyos, at masyadong maliit ang aking pananalig sa Diyos. Simula ngayon, pakiramdam ko ay dapat kong sangkapan ang aking sarili ng higit pang katotohanan, dapat akong magpasakop sa Diyos, at hindi magpapigil sa bagay na ito. Kung talagang may isang malapit na kamag-anak na mamamatay o lilisan, hindi ako mapipigilan nito. Handa ako at humihingi ako sa Diyos ng patnubay at dagdag na lakas. Anuman ang nasa hinaharap, hindi ko pagsisisihang pinili kong gawin ang aking tungkulin, hindi rin ako susuko sa pagpiling igugol ang aking sarili sa Diyos kasama ang aking buong katawan at isipan. Magpupursige ako, at magpapatuloy akong katulad ng dati, na handang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.” Sunod, dapat madalas kang manalangin sa puso mo, hinahanap ang patnubay ng Diyos at hinihiling na dagdagan Niya ang iyong lakas upang hindi ka na mapigilan ng bagay na ito. May mamatay mang isang malapit na kamag-anak o wala, dapat mong sangkapan ang iyong tayog para dito, tinitiyak na kapag may ganitong pangyayari, hindi ka magiging mahina, hindi ka magrereklamo sa Diyos, at hindi magbabago ang iyong determinasyon at pagnanais na igugol ang iyong sarili para sa Diyos kasama ang iyong buong katawan at isipan. Hindi ba’t ito ang saloobin na dapat mong taglayin? (Oo.) Pagdating sa mga bagay tulad ng pananaginip tungkol sa iyong mga ngiping natatanggal, hindi mo dapat ipagkaila na mayroong ganito o isantabi at balewalain ang mga ito, at lalong hindi ka dapat gumamit ng anumang kakaiba o depensibong pamamaraan para harapin ang mga ito. Sa halip, dapat mong hanapin ang katotohanan, lumapit sa harap ng Diyos nang tinatanggap ang Kanyang mga pamamatnugot; huwag kang gumawa ng mga walang kabuluhang sakripisyo o mga hangal na pagpapasya. Ang mga taong mangmang at mapagmatigas, kapag naharap sa isang bagay na hindi pa nila naranasan noon at hindi nila maunawaan, ay kadalasang nagsasabing, “Wala namang ganoon,” “Wala iyan,” “Hindi umiiral iyan,” o “Pamahiin lang iyan.” Ang ilang taong nananamplataya sa Diyos ay nagsasabi pa nga ng, “Nananampalataya ako sa Diyos, hindi ako naniniwala sa mga multo” o “Nananampalataya ako sa Diyos, hindi ako naniniwala kay Satanas. Walang Satanas!” Ginagamit nila ang mga pahayag na ito upang patunayan ang kanilang tunay na pananalig sa Diyos, sinasabing nananampalataya sila sa Diyos ngunit hindi sa mga multo, masasamang espiritu, pagsanib, o maging ang pagkakaroon ng espirituwal na mundo. Hindi ba’t sadyang sila ay mga hindi mananampalataya? (Oo, ganoon nga.) Hindi nila tinatanggap ang mga kasabihang iyon ng tradisyonal na kaisipan sa mundo ng mga walang pananampalataya, ni tinatanggap ang mga mapamahiing paliwanag o anumang katunayang nauugnay sa mga pamahiin. Ang hindi paniniwala sa mga bagay na ito ay hindi nangangahulugang walang ganito. Ngayon, hindi ito tungkol sa paghiling sa iyo na huwag maniwala, o na takasan o ipagkaila ang mga bagay na ito. Sa halip, ito ay tungkol sa pagtuturo sa iyo na magkaroon ng mga tamang kaisipan at pananaw kapag hinaharap ang mga bagay na ito, na gumawa ng mga tamang pasya at magkaroon ng tamang saloobin. Ito ang magiging tunay mong tayog, at ito ang dapat mong pasukan. Halimbawa, mayroong isang taong nananaginip na nalalagas ang kanyang buhok. Ang paglagas ng buhok sa panaginip ay itinuturing din na hindi magandang pangitain. Anuman ang mga kaugnay na interpretasyon o mga pangyayaring nagkatotoo, sa madaling salita, may mga negatibong paliwanag ang mga tao sa mga ganitong panaginip, at naniniwala silang nagpapahiwatig ito na magkakaroon ng masama o sawing pangyayari. Maliban sa mga ordinaryong panaginip na walang kasamang mahahalagang isyu, mayroong partikular na interpretasyon para sa mga espesyal na panaginip na iyon, at ang mga interpretasyong ito ay nagbabadya ng ilang pangyayari, na nagbibigay sa mga tao ng partikular na kabatiran, mga babala, o mga hula, ipinapaalam sa kanila kung ano ang mangyayari sa hinaharap o binibigyan sila ng tiyak na kamalayan, na nagsasabi sa mga tao kung ano ang mangyayari para maihanda nila ang kanilang sarili sa mental na aspekto. Anuman ang maaaring mangyari, para sa inyo, hindi ninyo dapat panghawakan ang mga saloobin ng pag-iwas, pagtanggi, depensa, o paglaban, o maging ang saloobin ng paggamit ng mga pamamaraang pantao para lutasin ang mga sitwasyong ito. Kapag nahaharap kayo sa mga ganitong sitwasyon, dapat kayong mas handang lumapit sa Diyos at hilingin sa Kanya na gabayan kayo, upang sa harap ng mga paparating na pangyayari ay magawa ninyong manindigan sa inyong patotoo at maiayon ang inyong pagsasagawa sa mga layunin ng Diyos, sa halip na tanggihan at labanan ito. Ang hilingin sa iyo na magsagawa nang ganito ay hindi nangangahulugang kinakailangan mong pagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito; tinuturuan ka nito kung anong uri ng saloobin ang dapat mayroon ka para harapin ang mga ito at anong diskarte ang dapat mong gamitin sa paglutas nito kapag hindi maiiwasang mangyari ang mga ito. Ito ang dapat mong maunawaan. Sabihin mo sa Akin, hiniling sa iyo na huwag pagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito, ngunit hindi ba’t nangyayari ang mga bagay na ito sa pang-araw-araw na buhay? (Oo.) Kung sinasabi mong hindi umiiral ang mga ganito, at pagkatapos ay nangyayari nga ang mga ito, maaari mo itong isaalang-alang at isipin, “Naku, kailangan kong paniwalaan ito, talaga ngang nagkatotoo ito!” Kung walang paunang paghahanda at tamang saloobin, kapag nangyari ang mga bagay na ito, magugulat ka na lang, hindi ka magiging handa sa anumang paraan, hindi mo malalaman kung paano magdasal sa Diyos o kung paano harapin ang sitwasyon, at hindi ka magkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos o ng tunay na pagpapasakop. Ang tanging mararamdaman mo sa huli ay takot. Habang mas lalo kang natatakot, mas lalong mawawalan ka ng presensiya ng Diyos; kapag nawala sa iyo ang presensiya ng Diyos, maaari ka na lamang humingi ng tulong sa ibang tao at iisipin mo ang lahat ng pamamaraang pantao para makatakas. Kapag hindi ka makatakas, magsisimula kang maniwala na hindi na mapagkakatiwalaan o maaasahan ang Diyos; sa halip, pakiramdam mo ay maaasahan ang mga tao. Patuloy na lalala ang mga bagay-bagay; bukod sa hindi ka na naniniwalang pamahiin ito, nagiging kakila-kilabot na rin ito sa paningin mo, isang sitwasyon na hindi mo makontrol. Sa puntong iyon, maaaring sasabihin mo na, “Hindi na nakapagtataka na ang mga walang pananampalataya at iyong mga naniniwala sa Budismo at nagsusunog ng insenso para sambahin si Buddha, ay palaging pumupunta sa mga templo, nagsusunog sila ng insenso, nagdarasal para sa mga pagpapala, tumutupad sa mga panata, nagiging vegetarian, at bumibigkas ng mga banal na kasulatan ng Budismo. Nagkakatotoo pala talaga ang mga bagay na ito!” Bukod sa mawawalan ka ng tunay na pagpapasakop at pananalig sa Diyos, magkakaroon ka rin ng takot sa masasamang espiritu at kay Satanas. Pagkatapos niyon, mararamdaman mong may obligasyon kang sundin sila kahit papaano at sasabihin mong, “Hindi dapat kalabanin ang masasamang espiritu na ito; hindi mabuti para sa iyo na hindi maniwala sa kanila, dapat kang mag-ingat sa paligid nila. Hindi mo maaaring sabihin ang anumang gusto mo sa likod nila: May mga taboo. Hindi dapat maliitin ang masasamang espiritung ito!” Sa likod ng mga pangyayaring ito, bigla mong mapagtatanto na may mga kapangyarihang gumagana sa labas ng materyal na mundo na hindi mo inaasahan. Kapag nararamdaman mo na ang mga bagay na ito, mapupuno ng takot at pag-iwas sa Diyos ang puso mo, at unti-unting mababawasan ang iyong pananalig sa Diyos. Kaya, pagdating sa mga usaping tulad ng pananaginip tungkol sa pagkatanggal ng mga ngipin o paglagas ng buhok, dapat kang magkaroon ng tamang saloobin. Anuman ang mga partikular na interpretasyon o hulang nauugnay sa mga kaganapang ito kapag nangyari ang mga ito sa iyo, ito lang ang kailangan mong gawin: Maniwala ka na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos at maging handang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos—ito ang saloobing dapat mayroon ka kapag nahaharap sa lahat ng usaping ito. Ito dapat ang paninindigan at patotoong mayroon ka bilang tagasunod ng Diyos, hindi ba? (Oo nga.) Maniwala ka na maaaring mangyari ang lahat ng ito at na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay; ito ang saloobing dapat mong itaguyod.
Ang ilang tao ay may mga taboo tungkol sa mga partikular na numero o espesyal na araw. Halimbawa, ang ilang taong matagal na sa negosyo ay nagbibigay ng malaking importansiya sa pagpapayaman, kaya may partikular silang gusto at pinahahalagahang mga numero na nauugnay sa pagpapayaman sa negosyo, at iniiwasan nila ang mga numero na pinaniniwalaan nilang maghahatid ng malas sa kanilang negosyo. Halimbawa, ang mga numerong 6 at 8 ay partikular na pinapaboran ng isang tao, ang numero sa pintuan ng kanyang tindahan ay 168, at ang tawag sa tindahan ay “Yi Lu Fa,” na nangangahulugang lubusang pagyaman, ang pagbigkas nito sa Mandarin ay katulad ng mga numerong 1, 6, at 8,[a] na mga masuwerteng numero sa alamat sa China. Sa kabilang banda, ang mga numerong 4 at 5 ay itinuturing na masama sa tradisyon ng China, dahil ang 4 ay nangangahulugang kamatayan at ang 5 ay nangangahulugang wala, kawalan, o kahungkagan, na nagpapahiwatig na maaaring hindi na makabawi ang isang tao sa kanyang dating puhunan o na hindi siya kikita ng pera. Maging ang mga plaka ng lisensiya ng ilang sasakyan ng mga taga-China ay may mga numerong 6 lahat, at kung makakakita ka ng isang hanay ng numerong 6, kadalasan ay isang taga-China ang may-ari. Sino ang nakakaalam kung gaano kalaking yaman na ang naipon nila sa paggamit ng napakaraming numerong 6? Isang beses sa isang paradahan, halos lahat ng espasyo ay okupado na maliban sa isa, na may numerong 64. Alam mo ba kung bakit walang pumarada sa espasyong iyon? (Ang 64 ay maaaring nangangahulugang kamatayan at itinuturing itong malas.) Ang 64 ay nangangahulugang kamatayan sa kalsada. Noong oras na iyon, hindi Ko alam kung bakit walang nagparada sa espasyong iyon, pero kalaunan ay narinig Ko ito mula sa mga walang pananampalataya at naintindihan Ko na. Ang 6 ay parang “kalsada” kung pakikinggan at ang 4 ay parang “kamatayan,” kaya ang 64 ay parang “kamatayan sa kalsada” kung pakikinggan ito sa Mandarin, kaya walang mga taong pumarada roon. Sa palagay Ko, malamang na binago nila ang numero ng espasyong iyon kalaunan sa numerong 68, na kung pakikinggan ay parang “lubusang pagyaman” sa Mandarin. Ang mga tao ay sobrang nahuhumaling sa pera na sila ay lubusan nang nakatutok dito. Kaya ba talagang baguhin ng isang numero ang anumang bagay? Ang mga kasabihan ng mga tao sa China tungkol sa mga numerong ito ay nakaimpluwensiya pa nga sa mga dayuhan. Noong tumitingin kami sa mga bahay, tinanong kami ng isang ahente sa real estate, “Mayroon ba kayong anumang taboo tungkol sa mga partikular na numero? Halimbawa, kung ang numero ng pinto ng bahay ay 14, masama ba ito dahil sa 4?” Sabi Ko, “Hindi Ko kailanman naisip iyan. Wala Akong alam sa kasabihang ito.” Sabi niya, “Maraming taga-China ang tumatangging ikonsidera ang isang bahay dahil mayroon itong 4 sa numero ng pinto.” Sabi Ko, “Wala kaming anumang taboo tungkol sa mga numero. Ikinokonsidera lamang namin ang posisyon, lokasyon, ilaw, bentilasyon, istraktura ng bahay, kalidad, at iba pang bagay na tulad nito. Wala kaming pakialam sa mga numero; wala kaming anumang taboo.” Kaya, sa tingin mo ba ay talagang may mangyayaring masama kung ang mga walang pananampalataya ay may mga taboo tungkol sa mga partikular na numero? (Hindi sa ganoon.) Hindi natin alam ang tungkol sa iba pang bansa sa labas ng China, tulad ng South Korea, Japan, Philippines, o ilang bansa sa Timog-Silangang Asya, kung ano ang kanilang mga detalye tungkol sa mga numero. Sa madaling salita, ang mga tao ng bawat bansa ay maselan tungkol sa ilang partikular na numero. Halimbawa, hindi gaanong interesado sa numerong 6 ang mga Amerikano. Ayaw ng mga taga-Kanluran ang 6 dahil sa isang kulturang panrelihiyon, dahil ang numerong 6 na nabanggit sa Aklat ng Pahayag sa Bibliya ay may mga negatibong konotasyon. Mayroon ding numerong 13, na hindi rin gusto ng mga taga-Kanluran. Maraming elevator ang walang ganoong palapag dahil itinuturing nilang malas ang numerong iyon. Sa kabilang dako, naniniwala ang mga taga-China na ang 6 at 8 ay mga swerteng numero. Kaya, aling kasabihan ang katotohanan? (Wala sa mga ito.) Mahalaga ba sa inyo ang anumang partikular na numero? Mayroon ba kayong sariling swerteng numero? (Wala.) Mabuti iyan. Ang mga tao sa Timog China ay partikular na binibigyang-pansin ang mga bagay tulad ng kung ang isang numero ay swerte o hindi, pinipili nila ang tamang petsa para sa anumang gagawin nila, at sinusunod nila ang mga ipinagbabawal sa pagkain sa panahon ng mga pagdiriwang—lalo silang maselan tungkol dito. Pero ang usapin tungkol sa mga numero ay tiyak na hindi makakapagpaliwanag sa anumang bagay. Ang pag-iwas ng mga tao sa ilang partikular na numero ay nauugnay sa kanilang mga paniniwala, imahinasyon, at mga kaisipan at kuru-kuro. Ang lahat ng ito ay mga hangal na kaisipan at pananaw. Kung ikinintal sa iyo ng iyong pamilya ang mga ganitong kaisipan at pananaw, dapat mong bitiwan at hindi paniwalaan ang mga ito. Mas lalong kakatwa ang mga ideyang ito—ni hindi nga pamahiin ang mga ito—at binubuo ang mga ito ng mga katawa-tawa at walang katuturang kasabihan ng mga tao sa lipunan na gutom sa pera.
May ilang taong nagbibigay ng malaking importansiya sa mga zodiac sign, at may kinalaman ang usaping ito sa pamahiin. Sa panahon ngayon, kahit ang mga taga-Kanluran ay nag-uusap tungkol sa mga zodiac sign, kaya huwag mong isipin na ang mga taga-Asya lang ang may alam tungkol dito. Alam din ng mga taga-Kanluran ang tungkol sa kuneho, baka, daga, at kabayo. Ano pa? Ahas, dragon, manok, at tupa, hindi ba? Halimbawa, ipinamamana ng mga ninuno at mga magulang ang paniniwala na ang mga taong may zodiac sign na Tupa ay may sumpa sa buhay. Kung ikaw ay isang Tupa, maaaring iisipin mo na, “May sumpa ang buhay ko, lagi akong dumaranas ng kasawian. Mayroon akong masamang asawa, mga pasaway na anak, at hindi maayos ang takbo ng aking trabaho. Hindi ako kailanman na-promote, at wala akong natatanggap na bonus. Palagi na lang akong malas. Kung magkakaanak ako ng isa pa, hindi dapat sa Taon ng Tupa. Mayroon nang isang miyembro sa pamilya na may zodiac sign na Tupa na isinumpa ang buhay; kung isisilang ko ang isa pang may Tupa na zodiac sign, magiging dalawa kami. Paano kami mabubuhay nang ganoon?” Isinasaalang-alang mo ang usapin, iniisip na, “Talagang hindi ako pwedeng magkaroon ng anak sa Taon ng Tupa, kaya, anong taon ang dapat kong tutukan? Dragon? Ahas? Tigre?” Kung ipinanganak ka sa Taon ng Dragon, ibig bang sabihin nito ay dragon ka talaga? Talaga bang maaari kang maging isang emperador? Hindi ba’t walang katuturan iyon? Gusto ba ninyong magkaroon ng mga ganitong zodiac sign? May mga taong nagsasabi na, “Ang mga ipinanganak sa Taon ng Kuneho at sa Taon ng Manok ay hindi nagkakasundo. Isa akong Kuneho, kaya dapat kong iwasang makipag-ugnayan sa isang Manok. Hindi magkaayon ang aming zodiac sign, at magkasalungat ang aming tadhana. Sinasabi ng mga magulang ko na hindi kami bagay na magpakasal at hindi kami magkakasundo. Mas mabuti nang hindi gaanong makipag-ugnayan sa kanila, hindi makipag-usap o makisalamuha. Magkasalungat ang aming tadhana, at kung magkasama kami, hindi ko malalampasan ang mga ito, at iikli ang buhay ko, hindi ba? Kailangan kong lumayo sa mga gayong tao.” Ang mga taong ito ay naiimpluwensiyahan ng mga kasabihang ito. Hindi ba’t kahangalan iyon? (Oo, ganoon nga.) Sa madaling salita, sumasalungat man ang iyong tadhana sa isang taong may partikular na zodiac sign, talaga bang magkakaroon ito ng epekto sa iyong kapalaran? Makakaapekto ba ito sa iyong pagtahak sa tamang landas sa buhay? (Hindi, hindi ito makakaapekto.) May ilang tao na payag lamang magtrabaho, makipagtulungan, at mamuhay kasama ang isang taong kaayon ng kanilang zodiac sign. Nang hindi namamalayan, sa kaibuturan ay apektado sila ng mga kasabihang ito, at may tiyak na puwang sa puso nila ang mga kasabihang ito na ipinamana ng kanilang mga magulang o mga ninuno. Kita mo, ang mga tao sa Silangan ay binibigyang-halaga ang mga zodiac sign, samantalang ang mga nasa Kanluran ay binibigyang-halaga ang mga astrological sign. Ngayon, ang mga tao sa Silangan na nakikisabay sa panahon ay nagsisimula nang magsalita tungkol sa mga astrological sign, tulad ng Scorpio, Virgo, Sagittarius, at iba pa. Halimbawa, natututunan ng isang taong Sagittarius kung ano ang kanyang personalidad at madalas nilang nakakasundo ang mga taong may partikular na astrological sign. Kapag nalaman niyang ganoon ang astrological sign ng isang tao, handa siyang makisalamuha sa taong ito, iniisip niyang kamangha-mangha ito at mayroon siyang magandang impresyon dito. Naimpluwensiyahan din siya ng mga tradisyon ng pagkokondisyon ng pamilya. Ito man ay zodiac sign ng Silangan o astrology ng Kanluran, kung tunay mang umiiral ang pagkakasalungat ng tadhana o ang pagiging hindi kaayon ng mga sign, at kung mayroon bang anumang epekto sa iyo ang mga ito, dapat mong maunawaan kung anong pananaw ang dapat panghawakan tungkol sa mga ito. Ano ang dapat mong maunawaan? Ang oras ng kapanganakan ng isang tao, ang dekada ng pagkapanganak sa kanya, ang buwan at oras ng kapanganakan niya—lahat ng ito ay may kaugnayan sa tadhana ng isang tao. Anuman ang sabihin ng mga manghuhula o mambabasa ng mukha tungkol sa iyong tadhana, sa iyong astrological sign, o kung ang zodiac sign mo ay mabuti o hindi, gaano man katumpak ang mga ito—eh ano ngayon? Ano ang ipinaliliwanag nito? Hindi ba’t mas lalo nitong pinatutunayan na ang buhay mo ay isinaayos na ng Diyos? (Oo.) Ano man ang magiging takbo ng iyong pag-aasawa, saan ka titira, anong mga uri ng tao ang magiging kasama mo, gaano karaming materyal na yaman ang matatamasa mo sa iyong buhay, magiging mayaman ka man o mahirap, gaano karaming paghihirap ang titiisin mo, ilan ang magiging anak mo, at ano ang magiging kapalaran mo sa pinansiyal—ang lahat ng ito ay inorden na. Maniwala ka man o hindi rito, kung kinakalkula man ito para sa iyo ng mga manghuhula o hindi, pareho lang naman ang magiging resulta. Mahalaga ba ang malaman ang mga bagay na ito? May mga tao na talagang sabik na makaalam, “Ano kaya ang magiging kapalaran ko sa hinaharap? Magiging mahirap ba ako o mayaman? Makakatagpo ba ako ng mapagsamantalang mga tao? May mga tao ba na makakasalungat ng kapalaran ko? Makakatagpo ba ako ng mga taong makakaaway sa buhay ko? Sa anong edad ako mamamatay? Mamamatay ba ako sa sakit, pagod, uhaw, o gutom? Paano ako mamamatay? Magiging masakit ba ito o nakakahiya?” Kapaki-pakinabang ba na malaman ang mga bagay na ito? (Hindi.) Sa kabuuan, kailangan mo lamang makatiyak sa isang bagay tungkol sa usaping ito: Ang lahat ay inorden ng Diyos. Anuman ang iyong zodiac o astrological sign, o ang oras at petsa ng iyong kapanganakan, ang lahat ay itinakda na ng Diyos. Dahil lahat ay itinakda na, ang kasaganahan at kayamanang mararanasan mo sa iyong buhay, pati na rin ang kapaligirang titirhan mo, ay itinakda na ng Diyos bago ka pa man ipanganak, hindi mo kailangang harapin ang mga usaping ito nang may kasamang pamahiin o mula sa perspektiba ng mga makamundong tao, pinanghahawakan ang ilang partikular na pamamaraan para maiwasan ang mga malas na sandali o ginagawa ang ilang hakbang para ingatan at panatilihin ang masusuwerteng sandali. Hindi dapat ganito ang paraan ng pagharap mo sa tadhana. Halimbawa, kung itinakda sa iyo na magkaroon ng malubhang sakit sa isang partikular na edad, at ipinapaalam ito sa iyo ng mga mambabasa ng mukha batay sa iyong astrological sign, zodiac sign, o oras ng kapanganakan, ano ang gagawin mo kung gayon? Matatakot ka ba, o susubukan mo bang maghanap ng paraan para malutas ang problema? (Hayaan ang nakatakdang mangyari at magpasakop sa pamamatnugot ng Diyos.) Ito ang saloobin na dapat panghawakan ng mga tao. Anuman ang mayroon o wala sa iyong tadhana, lahat ng ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Sa ayaw mo at sa gusto, handa ka mang tanggapin ito o hindi, kaya mo mang harapin ito o hindi, ano’t anuman, lahat ng ito ay inorden na ng Diyos. Ang saloobing dapat mong itaguyod ay ang pagtanggap sa mga katunayang ito bilang isang nilikha. Nangyari man ito o hindi pa, handa ka mang harapin ito o hindi, dapat mong tanggapin at harapin ito bilang isang nilikha, sa halip na gumugol ng lakas o humingi ng payo mula sa iba tungkol sa mga bagay tulad ng astrolohiya, mga zodiac sign, o pagbabasa ng mukha, o paghahanap ng iba’t ibang paraan upang malaman kung ano ang mangyayari sa iyong hinaharap at maiiwasan ito sa lalong madaling panahon. Maling tratuhin ang kapalaran at buhay na isinaayos ng Diyos para sa iyo nang may ganitong saloobin. May ibang tao na naghahanap ang mga magulang ng manghuhula para sa kanila, na nagsasabi sa kanila na, “Batay sa iyong astrological sign, pati na rin sa iyong Chinese zodiac sign at oras ng kapanganakan, hindi mo dapat hayaan ang apoy sa buhay mo.” Pagkatapos marinig ito, tinatandaan at pinaniniwalaan nila ito, at kalaunan ay nagiging isang normal na taboo na ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, kung ang pangalan ng isang tao ay naglalaman ng salitang “apoy,” hindi sila makikipag-ugnayan sa taong iyon, at kahit na makipag-ugnayan sila rito, hindi sila magiging malapit sa taong ito o hindi sila magkakaroon ng anumang malapit na ugnayan dito. Matatakot sila rito at iiwasan ito. Halimbawa, kung ang pangalan ng isang tao ay Li Can, pag-iisipan nila ito, “Ang letrang ‘Can’ ay naglalaman ng isang radikal na ‘apoy’ at isang ‘bundok’: Masama iyon, naroon ang radikal na letrang ‘apoy’ rito, kaya hindi ako puwedeng makipag-ugnayan sa kanya—kailangan kong dumistansiya.” Matatakot silang makipag-ugnayan sa taong ito. Sa abot ng kanilang makakaya, iiwasan nila ang kalan sa kusina sa tahanan, hindi sila sasali sa mga hapunang may kandila, hindi dadalo sa mga bonfire party, o kaya’y hindi pupunta sa mga bahay na mayroong fireplace, dahil lahat ito ay may kaugnayan sa apoy. Kung gusto nilang maglakbay, at mabalitaan nila na may bulkan sa isang partikular na lugar, hindi sila pupunta roon. Kapag naglalakbay sila sa isang lugar para ipalaganap ang ebanghelyo, kinakailangan nilang magtanong tungkol sa apelyido at pangalan ng taong babahaginan nila ng ebanghelyo, at sisiguraduhing walang letrang “apoy” ang pangalan ng taong iyon, ngunit kung ang taong iyon ay isang panday na gumagawa ng bakal sa bahay, tiyak na hindi sila pupunta. Bagamat naniniwala sila sa kanilang kamalayan na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos at alam nilang hindi sila dapat matakot, sa sandaling maharap sila sa mga ganitong usapin na taboo, nagsisimula silang mag-alala at matakot, at hindi sila nangangahas na lumabag sa taboo. Palagi silang natatakot na may mangyayaring aksidente at sakunang hindi nila kakayanin. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos. Maaaring sila ay masunurin, nagtitiis ng paghihirap, at nagbabayad ng halaga sa ibang aspekto, ngunit ang usaping ito ang isang bagay na hindi nila kayang tiisin. Halimbawa, kung may magsasabi sa kanila na, “Hinding-hindi ka pwedeng tumawid ng tulay sa buong buhay mo. Kung tatawid ka ng tulay, may aksidenteng mangyayari. Kung tatawid ka ng ilang tulay, mas lalo pa iyong delikado, at manganganib ang buhay mo,” matatandaan nila ang mga salitang ito, at pagkatapos, papasok man sila sa trabaho o makikipagkita sa mga kaibigan, o kahit dumadalo sa mga pagtitipon, iiwasan nila ang mga tulay at sa iba na dadaan, natatakot na baka malabag nila ang taboo. Hindi sila naniniwalang mamamatay sila nang ganoon-ganoon na lang, pero nababagabag sila ng bagay na ito. Paminsan-minsan, wala silang magawa kundi tumawid ng tulay, at pagkatapos tumawid, sinasabi nila, “Naniniwala ako na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung hindi pahihintulutan ng Diyos na mamatay ako, hindi ako mamamatay.” Gayunpaman, nababagabag pa rin ang puso nila sa bagay na ito, at hindi nila ito maiwaksi. May ilan na nagsasabing ang tubig ay sumasalungat sa kanilang kapalaran, kaya iniiwasan nilang lumapit sa mga batis o balon. May isang kapatid na may swimming pool sa kanyang bakuran, kaya hindi sila pumunta sa kanyang bahay para sa mga pagtitipon, at nang magpalit sila ng ibang host na may aquarium sa bahay, hindi rin sila pumunta roon. Hindi sila pupunta sa anumang lugar na may tubig at hindi hahawak ng tubig ito man ay umaagos o patay na tubig. Sa pang-araw-araw na buhay, ang mga kakatwang kasabihan mula sa pagkokondisyon ng pamilya ay may kasamang tradisyonal na kultura at pamahiin. Sa ilang antas, naaapektuhan ng mga kasabihang ito ang mga pananaw ng mga tao sa ilang partikular na usapin, at naaapektuhan din ang kanilang pang-araw-araw na kaugalian o pamumuhay. Sa partikular na antas, ginagapos nito ang mga kaisipan ng mga tao at kinokontrol ang kanilang mga prinsipyo at wastong pamamaraan sa paggawa ng mga bagay-bagay.
Talababa:
a. Ang orihinal na teksto ay hindi naglalaman ng pariralang “nangangahulugang lubusang pagyaman, ang pagbigkas nito sa Mandarin ay katulad ng mga numerong 1, 6, at 8.”
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.