Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 11 (Ikalawang Bahagi)

Ang paksang kakatapos lang nating pagbahaginan ay ang dapat bitiwan ng mga tao ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, at na sapat na ang tuparin lamang ang kanilang mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Natapos na natin ang pagbabahaginan tungkol sa pagbitiw sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, kaya ngayon ay magbabahaginan tayo sa isa pang isyu: Hindi ka alipin sa iyong buhay may-asawa. Ito ay isang isyu na dapat nating pagbahaginan. Pagkatapos nilang magpakasal, ano ang pinaniniwalaan ng ilang tao? “Ganito na ang buhay ko ngayon. Nakatadhana akong mamuhay kasama ang taong ito habambuhay. Ang aking mga magulang at ang mga nakatatanda sa aming pamilya ay hindi ang mga habambuhay kong maaasahan, ni mga kaibigan ko. Kaya, sino ang aking habambuhay na maaasahan? Ang taong kasama ko sa pagpasok sa pag-aasawa ang siyang aking maaasahan habambuhay.” Sa pang-uudyok ng ganitong mga kaisipan, itinuturing ng maraming tao ang pag-aasawa bilang napakahalaga, naniniwala na kapag sila ay nag-asawa, magkakaroon sila ng matatag na buhay, ng ligtas na tahanan, at ng taong mapagsasabihan nila ng kanilang niloloob. Sinasabi ng mga babae, “Sa pamamagitan ng pag-aasawa, mayroon akong malalakas na bisig na masasandalan.” Sinasabi ng mga lalaki, “Sa pamamagitan ng pag-aasawa, mayroon akong isang payapang tahanan at hindi na ako magpapalaboy-laboy; naiisip ko pa lang ito ay napapasaya na ako. Tingnan mo ang mga tao sa paligid ko na walang asawa. Ang mga babae ay pagala-gala buong araw nang walang maaasahan, walang permanenteng tahanan, walang balikat na maiiyakan, at ang mga lalaki ay walang mapagmahal na tahanan. Sobra silang kaawa-awa!” Kaya, kapag iniisip nila ang kanilang sariling kaligayahan sa pag-aasawa, iniisip nila na ito ay lubos na nakapagbibigay ng kasiyahan. Bukod sa nadaramang kasiyahan, pakiramdam nila ay may dapat silang gawin para sa kanilang buhay may-asawa at para sa kanilang tahanan. Kaya, kapag nag-asawa na sila, ang ilang tao ay handang ialay ang lahat ng kanilang magagawa para sa kanilang buhay may-asawa, at naghahanda silang magsikap, makibaka, at magtrabaho nang mabuti para sa kanilang buhay may-asawa. Ang ilan ay desperadong kumikita ng pera at nagdurusa, at siyempre, higit pa nilang ipinagkakatiwala sa kanilang kabiyak ang kanilang kaligayahan sa buhay. Naniniwala sila na kung sila ay natutuwa o nagagalak sa buhay ay nakasalalay sa kung ano ang katangian ng kanilang kabiyak, kung ito ba ay isang mabuting tao; kung magkatugma ba ang kanilang personalidad at mga hilig; kung ito ba ay isang taong may kakayahang maghanapbuhay at pamahalaan ang isang pamilya; kung ito ba ay isang taong kayang tiyakin ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa hinaharap, at makakapagbigay sa kanila ng isang masaya, matatag, at magandang pamilya; at kung ito ba ay isang taong kaya silang bigyang-ginhawa kapag sila ay may dinaranas na anumang pasakit, kapighatian, kabiguan o problema. Upang kumpirmahin ang mga bagay na ito, binibigyan nila ng espesyal na atensiyon ang kanilang kabiyak habang namumuhay sila nang magkasama. Maingat nilang inoobserbahan at itinatala ang mga iniisip, pananaw, pananalita at kilos, bawat galaw ng kanilang kabiyak, pati na rin ang anumang kalakasan at kahinaan nito. Detalyado nilang tinatandaan ang lahat ng iniisip, pananaw, salita, at pag-uugali sa buhay na ipinapakita ng kanilang kabiyak, upang mas maunawaan nila nang mabuti ang kanilang kabiyak. Kasabay nito, umaasa rin sila na mas mauunawaan sila nang mabuti ng kanilang kabiyak, binibigyan nila ng puwang ang kanilang kabiyak sa kanilang puso, at binibigyan nila ang kanilang sarili ng puwang sa puso ng kanilang kabiyak, upang mas mahusay nilang mapigilan ang isa’t isa, o upang sila ang unang taong lilitaw sa harap ng kanilang kabiyak sa tuwing may mangyayari, ang unang taong tutulong dito, ang unang taong titindig at susuporta rito, magpapalakas ng loob nito, at magiging matibay na tagasuporta nito. Sa ganitong kalagayan ng pamumuhay, hindi bihirang subukan ng mag-asawa na kilatisin kung anong uri ng tao ang kanilang kabiyak, ganap silang namumuhay sa kanilang damdamin para sa kanilang kabiyak, at ginagamit nila ang kanilang damdamin upang alagaan ang kanilang kabiyak, pagtiisan ito, pangasiwaan ang lahat ng kasalanan, kapintasan, at hinahangad nito, maging sa punto ng pagtugon sa bawat hinihingi nito. Halimbawa, sinasabi ng mister ng isang babae, “Sobrang haba ng mga pagtitipon ninyo. Dapat ay manatili ka lang doon nang kalahating oras at pagkatapos ay umuwi ka na.” Sumasagot naman ang babae, “Gagawin ko ang aking makakaya.” Totoo nga, sa sunod na pagpunta niya sa pagtitipon ay kalahating oras lamang siya roon at pagkatapos ay umuuwi na siya agad, at sinasabi na ngayon ng kanyang mister, “Mas mainam ang ganyan. Sa susunod, magpakita ka lang doon at pagkatapos ay umuwi ka na agad.” Sinasabi niya, “Ah, ganoon pala katindi ang pangungulila mo sa akin! Sige, gagawin ko ang aking makakaya.” Totoo nga, hindi niya binibigo ang kanyang asawa sa sunod niyang pagpunta sa pagtitipon, at umuuwi na siya pagkatapos lamang ng mga sampung minuto. Labis na nasisiyahan at natutuwa ang kanyang asawa, at sinasabi nito, “Mas mainam iyan!” Kung gusto nito na pumunta siya sa silangan, hindi siya mangangahas na magpunta sa kanluran; kung gusto nitong makita na tumatawa siya, hindi siya mangangahas na umiyak. Nakikita nito na nagbabasa siya ng mga salita ng Diyos at nakikinig sa mga himno at napopoot ito rito at nasusuklam, at sinasabi ng mister niya, “Ano ba ang silbi ng pagbabasa ng mga salitang iyan at pagkanta ng mga awit na iyan palagi? Hindi ba pwedeng huwag mong basahin ang mga salitang iyan o kantahin ang mga awit na iyan habang nasa bahay ako?” Sumasagot siya, “Sige na, sige na, hindi ko na babasahin ang mga ito.” Hindi na siya naglalakas-loob na magbasa ng mga salita ng Diyos o makinig sa mga himno. Dahil sa mga iginigiit ng kanyang mister, sa wakas ay nauunawaan niya na hindi nito gusto na siya ay manampalataya sa Diyos o magbasa ng mga salita ng Diyos, kaya sinasamahan na lang niya ito kapag ito ay nasa bahay, magkasama silang nanonood ng telebisyon, kumakain, nag-uusap, at pinakikinggan pa nga niya ang mga hinaing nito. Gagawin niya ang kahit ano para dito, basta’t ikasisiya ito ng kanyang mister. Naniniwala siya na ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng isang asawa. Kaya, kailan niya binabasa ang mga salita ng Diyos? Hinihintay niyang makalabas ang kanyang mister, pagkatapos ay kinakandado niya ang pinto at nagmamadali siyang magsimulang magbasa. Kapag naririnig niyang may tao sa pinto, agad niyang itinatago ang libro at labis siyang natatakot kaya hindi na siya nagbabasa pa. At kapag binuksan niya ang pinto ay nakikita niyang hindi pa naman bumabalik ang kanyang asawa—nagkamali siya ng akala, kaya ipinagpapatuloy niya ang pagbabasa. Habang patuloy siyang nagbabasa, hindi siya mapakali, ninenerbiyos siya at natatakot, iniisip na, “Paano kung umuwi nga talaga siya? Mas mabuting itigil ko na muna ang pagbabasa sa ngayon. Tatawagan ko siya at tatanungin kung nasaan siya at kailan siya uuwi.” Kaya, tinatawagan niya ito at sinasabi nito sa kanya, “Medyo maraming ginagawa sa trabaho ngayon, kaya baka hindi ako makauwi bago mag-alas-tres o alas-kuwatro.” Kumalma siya dahil dito, ngunit mapapanatag pa rin ba ang kanyang isip para makapagbasa siya ng mga salita ng Diyos? Hindi; nagulo na ang kanyang isipan. Nagmamadali siyang humarap sa Diyos para manalangin, at ano ang sinasabi niya? Sinasabi ba niya na walang pananalig ang kanyang pananampalataya sa Diyos, na takot siya sa kanyang mister, at hindi niya mapatahimik ang kanyang isipan para makapagbasa siya ng mga salita ng Diyos? Pakiramdam niya ay hindi niya masasabi ang mga bagay na ito, kaya wala siyang masabi sa Diyos. Ngunit pagkatapos ay ipinipikit niya ang kanyang mga mata at ipinagsasalikop ang kanyang mga kamay. Kumakalma siya at hindi na gaanong nababalisa, kaya binabasa na niya ang mga salita ng Diyos, ngunit hindi niya nauunawaan ang mga salita. Iniisip niya, “Nasaan na ang binabasa ko kanina? Saan na ako nakarating sa aking pagninilay-nilay? Tuluyan ko nang nalimutan ang iniisip ko.” Habang mas pinag-iisipan niya ito, mas lalo siyang nayayamot at nababagabag: “Hindi na lang ako magbabasa ngayong araw. Hindi naman malaking problema kung makakaligtaan ko ang aking espirituwal na debosyon, ngayon lang naman.” Ano sa palagay mo? Maganda ba ang takbo ng buhay niya? (Hindi.) Ito ba ay pagkabagabag sa pag-aasawa o kaligayahan sa pag-aasawa? (Pagkabagabag.) Sa puntong ito, maaaring sabihin ng ilang taong walang asawa, “Kung gayon, nilamon ka na ng apoy, hindi ba? Wala namang espesyal sa pag-aasawa, hindi ba? Tingnan mo kung gaano kaganda ang buhay ko, wala akong iniisip na ibang tao, at walang pumipigil sa akin sa pagdalo sa mga pagtitipon at gawin ang aking tungkulin kailan ko man naisin.” Upang malugod sa iyo ang iyong kabiyak at mapapayag siya sa iyong paminsan-minsang pagbabasa ng mga salita ng Diyos o pagdalo sa pagtitipon, gumigising ka nang napakaaga araw-araw upang maghanda ng almusal, mag-ayos ng bahay, maglinis, magpakain ng mga manok, magpakain ng aso, at gawin ang lahat ng nakakapagod na gawain—kahit ang mga gawain na karaniwang ginagawa ng mga lalaki. Upang mapalugod ang iyong mister, walang humpay kang nagtatrabaho na tulad ng isang matandang alila. Bago umuwi ang iyong mister, pinapakintab mo ang kanyang mga sapatos na gawa sa katad at inaayos ang kanyang tsinelas, at kapag nakauwi na siya, nagmamadali kang pagpagin ang alikabok mula sa kanyang katawan at tulungan siyang hubarin ang kanyang coat at isabit ito, tinatanong mo siya, “Napakainit ngayon. Naiinitan ka ba? Nauuhaw ka ba? Ano ang gusto mong kainin ngayon? Maasim na pagkain ba o maanghang? Kailangan mo bang magpalit ng damit? Hubarin mo ang mga damit na iyan at lalabhan ko ang mga iyan para sa iyo.” Para kang isang matandang alila o isang alipin, lumalagpas ka na sa saklaw ng mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ginagawa mo ang bawat hinihingi ng iyong mister, at itinuturing mo siya bilang iyong amo. Sa ganitong klase ng pamilya, halata ang pagkakaiba sa katayuan ng mag-asawa: Ang isa ay alipin, at ang isa ay amo; ang isa ay sunod-sunuran at mapagpakumbaba, habang ang isa ay mukhang mabagsik at mapang-utos; ang isa ay yumuyukod at nagpapakumbaba, habang ang isa ay puno ng kayabangan. Malinaw na hindi pantay ang katayuan ng dalawang tao sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Bakit ganito? Hindi ba’t ibinababa ng aliping ito ang kanyang sarili? (Oo.) Ibinababa ng alipin ang kanyang sarili. Nabigo kang itaguyod ang responsabilidad sa pag-aasawa na inorden ng Diyos sa sangkatauhan, at labis-labis na ang iyong ginawa. Ang iyong mister ay walang tinutupad na anumang responsabilidad at wala siyang ginagawa, ngunit ginagawa mo pa rin ang bawat hinihingi ng ganitong asawa at nagpapasakop ka sa kanyang awtoridad, kusang-loob na nagiging kanyang alipin at matandang alila para maglingkod sa kanya at gawin ang lahat para sa kanya—anong klase ka ng tao? Sino nga ba ang iyong Panginoon? Bakit hindi ka nagsasagawa nang ganito para sa Diyos? Inorden ng Diyos na ang iyong asawa ang magtustos para sa iyong buhay; ito ay isang bagay na dapat niyang gawin, wala kang anumang pagkakautang sa kanya. Ginagawa mo ang dapat mong gawin at tinutupad ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin—ginagawa ba niya iyon? Ginagawa ba niya ang dapat niyang gawin? Sa buhay mag-asawa, hindi nangangahulugan na kung sinuman ang dominante ay siya na ang amo, at kung sinuman ang kayang magtrabaho nang husto at may kakayahang gumawa ng maraming bagay ang dapat na maging alipin. Sa buhay mag-asawa, dapat ay parehong tinutupad ng dalawang tao ang kanilang mga responsabilidad sa isa’t isa at sinasamahan ang isa’t isa. Pareho silang may responsabilidad sa isa’t isa, at pareho silang may mga obligasyon na dapat nilang tuparin at mga bagay na dapat gawin sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Dapat kang kumilos nang naaayon sa iyong papel; anuman ang papel mo, dapat mong gampanan ang papel na iyon. Kung hindi mo ito gagawin, wala kang normal na pagkatao. Sa madaling salita, wala kang halaga. Kung ang isang tao ay walang halaga at sinusunod mo pa rin ang bawat hinihingi niya at handa kang maging kanyang alipin, iyon ay lubos na kamangmangan at dahil doon ay wala kang halaga. Ano ba ang mali sa pananampalataya sa Diyos? Ang pananampalataya mo ba sa Diyos ay isang masamang gawain? May problema ba sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos? Lahat ito ay matuwid at marangal na bagay na dapat gawin. Ano ang ipinapakita nito kapag inuusig ng gobyerno ang mga taong nananampalataya sa Diyos? Ipinapakita nito na ang sangkatauhan ay napakasama, at kinakatawan nito ang masasamang puwersa at si Satanas. Hindi ito kumakatawan sa katotohanan o sa Diyos. Kaya, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi nangangahulugan na ikaw ay mas mababa kaysa sa iba. Taliwas dito, dahil sa iyong pananampalataya sa Diyos, ikaw ay nagiging mas marangal kaysa sa mga makamundong tao; dahil sa iyong paghahangad sa katotohanan, ikaw ay nagiging marangal sa mga mata ng Diyos, at pinahahalagahan ka Niya. Ngunit ibinababa mo ang iyong sarili at walang pag-aalinlangan na nagpapakaalipin sa iyong asawa para lamang mapalugod ang iyong kabiyak. Bakit hindi ka kumikilos nang ganito kapag ginagampanan mo ang tungkulin ng isang nilikha? Bakit hindi mo magawa iyon? Hindi ba’t ito ay pagpapahayag ng pagiging hamak ng tao? (Oo.)

Inorden ng Diyos ang pag-aasawa sa iyo para lamang matuto kang tuparin ang iyong mga responsabilidad, matutong mamuhay nang payapa kasama ang isa pang tao at mamuhay kayo nang magkasama, at maranasan mo kung paano ang buhay na kasama ang iyong kabiyak at kung paano ninyo haharapin nang magkasama ang lahat ng bagay na inyong pinagdadaanan, at dahil dito ay nagiging mas makulay at naiiba ang iyong buhay. Gayunpaman, hindi ka ipinagkakanulo ng Diyos sa pag-aasawa, at siyempre, hindi ka Niya ipinagkakanulo sa iyong kabiyak upang maging alipin nito. Hindi ka alipin ng iyong kabiyak, at hindi rin siya ang amo mo. Magkapantay kayo. May mga responsabilidad ka lang bilang misis o mister sa iyong kabiyak, at kapag tinutupad mo ang mga responsabilidad na ito, itinuturing ka ng Diyos na isang mabuting misis o mister. Walang anumang taglay ang iyong kabiyak na wala sa iyo, at hindi ka mas masahol kaysa sa iyong kabiyak. Kung ikaw ay nananampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan, kayang gumampan sa iyong tungkulin, madalas na dumadalo sa mga pagtitipon, nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at humaharap sa Diyos, kung gayon, ito ay ang mga bagay na tinatanggap ng Diyos at ang mga ito ang dapat gawin ng isang nilikha at ang mga ito ang normal na buhay na dapat ipamuhay ng isang nilikha. Walang kahiya-hiya rito, ni hindi mo dapat maramdaman na may pagkakautang ka sa iyong kabiyak dahil ganito ang uri ng buhay mo—wala kang pagkakautang sa kanila. Kung nais mo, may obligasyon kang magpatotoo sa iyong kabiyak tungkol sa gawain ng Diyos. Ngunit kung hindi siya nananampalataya sa Diyos, at hindi siya sumusunod sa landas na pareho ng sa iyo, kung gayon, hindi mo kailangan, o wala kang obligasyon na sabihin o ipaliwanag sa kanya ang anumang bagay o anumang impormasyon tungkol sa iyong pananalig o sa landas na iyong sinusunod, ni wala siyang karapatan na malaman ang tungkol dito. Responsabilidad at obligasyon niya na suportahan, palakasin ang loob mo, at ipagtanggol ka. Kung hindi niya magawa ito, wala siyang pagkatao. Bakit? Dahil sinusunod mo ang tamang landas, at dahil sinusunod mo ang tamang landas, ang iyong pamilya at ang iyong kabiyak ay pinagpapala at nagtatamasa ng biyaya ng Diyos kasama mo. Tama lamang na maging mapagpasalamat ang iyong kabiyak dahil dito, sa halip na ikaw ay kanyang diskriminahin o apihin dahil sa iyong pananalig o dahil sa ikaw ay inuusig, o sa halip na maniwala siya na dapat kang gumawa ng higit pang gawaing-bahay at ng iba pang bagay, o na may pagkakautang ka sa kanya. Wala kang anumang emosyonal, espirituwal, o iba pang pagkakautang sa kanya—siya ang may pagkakautang sa iyo. Dahil sa iyong pananalig sa Diyos, natatamasa niya ang karagdagang biyaya at pagpapala mula sa Diyos, at natatamo niya ang mga bagay na ito nang higit pa sa karaniwan. Ano ang ibig Kong sabihin sa “natatamo niya ang mga bagay na ito nang higit pa sa karaniwan”? Ibig Kong sabihin, ang ganoong klaseng tao ay hindi karapat-dapat na magtamo ng mga bagay na iyon at hindi niya dapat matamo ang mga bagay na iyon. Bakit hindi niya dapat matamo ang mga iyon? Dahil hindi niya sinusunod ang Diyos o kinikilala ang Diyos, samakatuwid, ang biyayang natatamasa niya ay dahil sa iyong pananalig sa Diyos. Nakikinabang siya kasama mo at nagtatamasa ng mga pagpapala kasama mo, at tama lamang na maging mapagpasalamat siya sa iyo. Sa madaling salita, dahil natatamasa niya ang karagdagang pagpapala at biyayang ito, dapat ay higit niyang gampanan ang kanyang mga responsabilidad at higit na suportahan ang iyong pananampalataya sa Diyos. Dahil may isang tao sa tahanan na nananampalataya sa Diyos, may ilang tao na nagiging maayos ang takbo ng negosyo ng kanilang pamilya at ito ay nagtatagumpay nang husto. Kumikita sila ng malaking pera, namumuhay nang maganda ang kanilang pamilya, yumayaman sila sa mga bagay na materyal, at nagiging mas maganda ang kalidad ng kanilang pamumuhay—paano nangyari ang lahat ng ito? Makakamit ba ng iyong pamilya ang lahat ng bagay na ito kung walang isa sa inyo ang nananampalataya sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Inorden ng Diyos na magkaroon sila ng mayamang kapalaran.” Tama na inorden ito ng Diyos, ngunit kung wala ang isang taong iyon sa kanilang pamilya na nananampalataya sa Diyos, hindi masyadong bibiyayaan at pagpapalain ang kanilang negosyo. Dahil may isang tao sa kanila na nananampalataya sa Diyos, dahil ang taong iyon na nananampalataya sa Diyos ay may tunay na pananalig, taos-pusong naghahangad, at handang ilaan at igugol ang sarili nito para sa Diyos, natatanggap ng walang-pananampalatayang asawa nito ang biyaya at mga pagpapala nang higit pa sa karaniwan. Napakadali para sa Diyos na gawin ang munting bagay na ito. Ang mga hindi nananampalataya ay hindi pa rin nasisiyahan, at sinusupil at inaapi pa nga nila ang mga nananampalataya sa Diyos. Ang pang-uusig ng bansa at lipunan sa mga mananampalataya ay isa nang trahedya para sa kanila, gayunpaman, mas masahol pa ang ginagawa ng kanilang mga kapamilya at dinagdagan pa ng mga ito ang panggigipit. Kung sa gayong mga sitwasyon ay naniniwala ka pa rin na binibigo mo sila at handa kang maging alipin sa iyong buhay may-asawa, iyon ay isang bagay na hindi mo talaga dapat gawin. Kung hindi nila sinusuportahan ang iyong pananampalataya sa Diyos, ayos lang; kung hindi nila ipinagtatanggol ang iyong pananampalataya sa Diyos, ayos lang din. Malaya sila na hindi gawin ang mga bagay na iyon. Gayunpaman, hindi ka nila dapat tratuhin na parang isang alipin dahil nananampalataya ka sa Diyos. Hindi ka isang alipin, ikaw ay isang tao, isang taong may dignidad at matuwid. Sa pinakamababa, ikaw ay isang nilikha sa harap ng Diyos, at hindi alipin ng sinuman. Kung kinakailangan mong maging alipin, maaari ka lamang maging alipin ng katotohanan, alipin ng Diyos, at hindi isang alipin ng sinumang tao, lalong hindi mo dapat gawin na iyong amo ang asawa mo. Pagdating sa mga ugnayan sa laman, bukod sa iyong mga magulang, ang taong pinakamalapit sa iyo sa mundong ito ay ang iyong asawa. Ngunit dahil nananampalataya ka sa Diyos, itinuturing ka niyang kaaway at inaatake at inuusig ka niya. Tinututulan niya ang pagdalo mo sa mga pagtitipon, kapag nakakarinig siya ng anumang tsismis, umuuwi siya para pagalitan at maltratuhin ka. Kahit na nagdadasal o nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos sa bahay at hindi ka naman nakakaapekto sa pagiging normal ng kanyang buhay, papagalitan at tututulan ka pa rin niya, at maaari ka pa nga niyang saktan. Sabihin mo sa Akin, anong uri ng bagay ito? Hindi ba’t isa siyang demonyo? Ito ba ang taong pinakamalapit sa iyo? Karapat-dapat ba ang ganitong tao sa pagtupad mo ng anumang responsabilidad para sa kanya? (Hindi.) Hindi, hindi siya karapat-dapat! At kaya, ang ilang taong nasa ganitong uri ng buhay may-asawa ay sumusunod pa rin sa bawat hihiningi ng kanilang asawa, handang isakripisyo ang lahat, isakripisyo ang oras na dapat ay igugol nila sa pagtupad ng kanilang tungkulin, ang pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin, at maging ang kanilang pagkakataon na makamit ang kaligtasan. Hindi nila dapat gawin ang mga bagay na ito, at sa pinakamababa, dapat nilang iwaksi ang gayong mga ideya. Bukod sa pagkakautang sa Diyos, wala nang ibang pinagkakautangan ang mga tao. Wala kang pagkakautang sa iyong mga magulang, sa iyong asawa, sa iyong mga anak, lalo na sa iyong mga kaibigan—wala kang anumang pagkakautang sa kahit na sino. Ang lahat ng bagay na mayroon ang mga tao ay nagmumula sa Diyos, pati na ang kanilang buhay may-asawa. Kung kailangan nating pag-usapan ang pagkakautang, ang mga tao ay may pagkakautang lamang sa Diyos. Siyempre, hindi hinihingi ng Diyos na bayaran mo Siya, hinihingi lamang Niya na sundin mo ang tamang landas sa buhay. Ang pinakamalaking layunin ng Diyos sa pag-aasawa ay na huwag kang mawalan ng dignidad at integridad dahil sa iyong pag-aasawa, huwag maging isang tao na walang tamang landas na hinahangad, na walang sariling pananaw sa buhay o sariling direksiyon sa paghahangad, at huwag maging isang tao na sumusuko pa nga sa paghahangad sa katotohanan, isinusuko ang kanyang pagkakataong makamit ang kaligtasan, at isinusuko ang anumang atas o misyong ibinigay sa kanya ng Diyos, para sa halip ay kusang-loob na maging isang alipin sa iyong buhay may-asawa. Kung ganito mo pangangasiwaan ang iyong buhay may-asawa, mas mabuti pa kung hindi ka na lang nag-asawa, at mas bagay pa sa iyo ang buhay ng isang taong walang asawa. Kung hindi ka makakaalis sa ganitong uri ng sitwasyon o kaayusan ng pag-aasawa kahit ano ang gawin mo, pinakamainam na ganap mo nang lisanin ang buhay may-asawa, at mas mabuti para sa iyo na mamuhay bilang isang malayang tao. Tulad ng sinabi Ko, ang layon ng Diyos sa pag-orden ng pag-aasawa ay upang magkaroon ka ng kabiyak, upang harapin mo ang mga pagsubok at tagumpay sa buhay at malagpasan mo ang bawat yugto ng buhay nang kasama ang iyong kabiyak, upang hindi ka nag-iisa o nalulumbay sa bawat yugto ng buhay, upang mayroon kang karamay, isang taong mapagsasabihan mo ng iyong mga kaloob-loobang iniisip, at isang taong magbibigay-ginhawa at mag-aalaga sa iyo. Gayunpaman, hindi ginagamit ng Diyos ang pag-aasawa upang igapos ka, o igapos ang iyong mga kamay at paa, upang wala kang karapatang pumili ng iyong sariling landas at maging alipin ng pag-aasawa. Inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa iyo at nagsaayos ng isang kabiyak para sa iyo; hindi ka Niya hinanapan ng isang amo, ayaw rin Niya na ikaw ay makulong sa loob ng iyong buhay may-asawa nang walang sariling mga paghahangad, layon sa buhay, tamang direksyon para sa iyong mga paghahangad, at karapatang maghangad ng kaligtasan. Sa halip, may asawa ka man o wala, ang pinakadakilang karapatan na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ay ang karapatan na hangarin ang sarili mong mga layon sa buhay, itatag ang tamang pananaw sa buhay, at hangarin ang kaligtasan. Walang sinuman ang makapagkakait ng karapatang ito sa iyo, at walang sinumang maaaring makialam dito, kabilang na ang iyong asawa. Kaya, kayong mga gumaganap sa papel ng isang alipin sa inyong buhay may-asawa, dapat ninyong iwaksi ang ganitong paraan ng pamumuhay, iwaksi ang inyong mga ideya o kaugalian tungkol sa pagnanais na maging alipin sa inyong buhay may-asawa, at talikuran ang ganoong sitwasyon. Huwag magpapigil sa iyong kabiyak, at huwag magpaapekto, magpalimita, magpahigpit, o magpagapos sa mga emosyon, pananaw, salita, saloobin, o maging sa mga kilos ng iyong kabiyak. Talikdan ang lahat ng ito at umasa sa Diyos nang may tapang at lakas ng loob. Kapag nais mong magbasa ng mga salita ng Diyos, magbasa ka ng mga salita ng Diyos, dumalo ka sa mga pagtitipon kapag dapat kang dumalo sa mga pagtitipon, sapagkat ikaw ay isang tao, hindi isang aso, at hindi mo kailangan ang sinuman na kontrolin ang iyong asal o paghigpitan at kontrolin ang iyong buhay. Mayroon kang karapatan na piliin ang iyong sariling mga layon at direksiyon sa buhay—ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang karapatang ito, at sa partikular, tumatahak ka sa tamang landas. Ang pinakamahalaga, kapag kailangan ka ng sambahayan ng Diyos na gawin ang isang partikular na trabaho, kapag binigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng isang tungkulin, dapat masunurin mong talikuran ang lahat ng bagay nang kusang-loob at nang walang pag-aalinlangan at gampanan ang tungkulin na dapat mong gampanan at tapusin ang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Kung hinihingi ng trabahong ito na umalis ka ng bahay nang sampung araw o isang buwan, kailangan mong piliin na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, tapusin ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos—ito ang saloobin, determinasyon, at pagnanais na dapat taglayin ng mga naghahangad sa katotohanan. Kung hinihingi ng trabahong ito na ikaw ay pumunta sa malayo nang anim na buwan, isang taon, o kapag walang nakakaalam kung gaano ito katagal, kung gayon ay dapat masunurin mong talikuran ang iyong pamilya at ang iyong asawa at tapusin ang misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Iyon ay dahil ito ang panahon kung kailan pinakakinakailangan ka ng gawain ng sambahayan ng Diyos at ng iyong tungkulin, at hindi ang oras kung kailan pinakakinakailangan ka ng iyong buhay may-asawa at ng iyong kabiyak. Kaya, hindi mo dapat isipin na kung may asawa ka ay kailangan mong maging alipin sa iyong buhay may-asawa, o na isang kahihiyan kung magwawakas ang iyong buhay may-asawa o kung maghihiwalay kayo. Sa katunayan, hindi ito isang kahihiyan, at kailangan mong makita ang mga sitwasyon kung paano nagwakas ang pagsasama ninyong mag-asawa at kung ano ang pagsasaayos ng Diyos. Kung ito ay inorden at pinamahalaan ng Diyos, at hindi idinulot ng tao, kung gayon, iyon ay maluwalhati, ito ay isang karangalan, dahil isinuko at winakasan mo ang iyong buhay may-asawa para sa isang makatarungang layunin, naghahangad na mabigyang-kasiyahan ang Diyos at maisakatuparan ang iyong misyon bilang isang nilikha. Ito ay isang bagay na gugunitain at tatanggapin ng Diyos, at kaya sinasabi Ko na ito ay isang maluwalhating bagay, hindi isang kahihiyan! Kahit na nagwawakas ang ilang pagsasama ng mag-asawa dahil iniiwan at niloloko sila ng kanilang kabiyak—sa madaling salita, sila ay iniwan at inabandona—hindi ito kahiya-hiya. Sa halip, dapat mong sabihin, “Ito ang aking karangalan. Bakit? Inorden at pinamahalaan ng Diyos na umabot sa ganitong punto at magtapos sa ganitong paraan ang aking buhay may-asawa. Ang patnubay ng Diyos ang nag-akay sa akin na gawin ang hakbang na ito. Kung hindi ito ginawa ng Diyos at sa halip ay hinayaan Niya na palayasin ako ng aking kabiyak, talagang hindi ako magkakaroon ng pananalig at lakas ng loob na gawin ito. Salamat sa kataas-taasang kapangyarihan at patnubay ng Diyos! Lahat ng kaluwalhatian ay sa Diyos!” Ito ay isang karangalan. Sa lahat ng uri ng pag-aasawa, maaari kang magkaroon ng ganitong karanasan, maaari mong piliin na sundin ang tamang landas sa ilalim ng patnubay ng Diyos, isakatuparan ang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos, iwanan ang iyong asawa sa ilalim ng ganitong partikular na kondisyon at nang may ganitong uri ng motibasyon, at wakasan ang pagsasama ninyong mag-asawa, at ito ay isang bagay na dapat ipagdiwang. Kahit papaano, may isang bagay na dapat ipagdiwang, at iyon ay na hindi ka na alipin ng iyong pag-aasawa. Nakatakas ka na sa pang-aalipin ng iyong buhay may-asawa, at hindi mo na kailangang mag-alala, masaktan, at magdusa dahil ikaw ay isang alipin sa iyong pag-aasawa at nais mong makalaya ngunit hindi mo magawa. Mula sa sandaling iyon, nakatakas ka na, malaya ka na, at iyan ay isang mabuting bagay. Sa sinabi Kong ito, umaasa Ako na iyong mga may buhay may-asawa na nagwakas sa kirot at nababalot pa rin ng kalungkutan sa usaping ito ay tunay nang makabibitiw sa kanilang naging buhay may-asawa, makabibitiw sa kalungkutang idinulot nito sa iyo, makabibitiw sa poot, galit, at maging sa dalamhating idinulot nito sa iyo, at hindi na makakaramdam ng pasakit at galit dahil ang lahat ng sakripisyo at pagsisikap na ginawa mo para sa iyong kabiyak ay sinuklian ng pangangalunya, pagtataksil, at pangungutya. Umaasa Ako na tatalikdan mo na ang lahat ng iyon, na magdiriwang ka na hindi ka na alipin sa iyong pag-aasawa, na magdiriwang ka na hindi mo na kailangang gumawa ng anumang bagay o gumawa ng mga hindi kinakailangang sakripisyo para sa amo sa iyong buhay may-asawa, at sa halip, sa ilalim ng patnubay at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, susundan mo ang tamang landas sa buhay, gagampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at hindi ka na malulungkot at wala ka nang aalalahanin pa. Siyempre, hindi na rin kailangan pang mag-alala, mabahala, o mabalisa tungkol sa iyong asawa o na abalahin pa ang iyong isipan tungkol sa kanya, mula ngayon ay magiging mabuti na ang lahat, hindi mo na kailangang talakayin pa ang iyong personal na mga usapin sa iyong asawa, hindi mo na kailangang magpapigil pa sa kanya. Kailangan mo lang na hangarin ang katotohanan, at hanapin lamang ang mga prinsipyo at batayan sa mga salita ng Diyos. Malaya ka na at hindi na alipin ng iyong pag-aasawa. Sa kabutihang palad, iniwan mo na ang bangungot na iyon ng buhay may-asawa, na tunay ka nang humarap sa Diyos, na hindi ka na napipigilan ng iyong buhay may-asawa, at mayroon ka nang mas maraming oras para basahin ang mga salita ng Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, at gumampan ng mga espirituwal na debosyon. Ganap ka nang malaya, hindi mo na kailangang kumilos sa partikular na paraan na nakadepende sa lagay ng loob ng iba, hindi mo na kailangang pakinggan ang pangungutya ng sinuman, hindi mo na kailangang isaalang-alang ang lagay ng loob o damdamin ng sinuman—ikaw ay nabubuhay bilang isang taong walang asawa, napakaganda! Hindi ka na isang alipin, maaari ka nang umalis sa kapaligiran kung saan mayroon kang iba’t ibang responsabilidad na dapat tuparin para sa mga tao, maaari ka nang maging isang tunay na nilikha, maging isang nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha—kayganda na magawa ito nang tapat! Hindi mo na kailangang makipagtalo, mag-alala, mag-abala, magparaya, magtiis, magdusa, o magalit pang muli tungkol sa iyong buhay may-asawa, hindi mo na kailangang mamuhay ulit sa nakakasuklam na kapaligiran at masalimuot na sitwasyong iyon. Mabuti ito, lahat ng ito ay mabuting bagay, at lahat ay maayos. Kapag ang isang tao ay humarap sa Lumikha, kumikilos at nagsasalita siya ayon sa mga salita ng Diyos at ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Nagiging maayos ang takbo ng lahat, wala nang magugulong pagtatalo, at matatahimik na ang iyong puso. Lahat ito ay mabuting bagay, ngunit nakakalungkot na ang ilan ay handa pa ring maging alipin sa gayong nakakasuklam na kapaligiran ng mag-asawa, at hindi nila ito tinatakasan o tinatalikuran. Ano’t anuman, umaasa pa rin Ako na kahit hindi winawakasan ng mga taong ito ang kanilang buhay may-asawa o kahit hindi sila namumuhay nang may iniiwang sirang buhay may-asawa, kahit papaano, hindi sila dapat maging alipin sa kanilang buhay may-asawa. Sinuman ang iyong asawa, anuman ang kanyang taglay na mga talento o pagkatao, gaano man kataas ang kanyang katayuan, gaano man kahusay ang kanyang kasanayan o kakayahan, hindi pa rin siya ang iyong amo. Siya ang iyong asawa, ang iyong kapantay. Hindi siya mas marangal kaysa sa iyo, hindi ka rin mas mababa kaysa sa kanya. Kung hindi niya kayang tuparin ang kanyang mga responsabilidad bilang asawa, may karapatan kang sitahin siya, at obligasyon mo na pangasiwaan at pagsabihan siya. Huwag mong ibaba ang iyong sarili at hayaan ang iyong sarili na masamantala dahil iniisip mo na masyado siyang dominante o natatakot ka na pagsasawaan ka niya, na itatakwil ka niya o iiwan ka niya, o dahil gusto mong mapanatili ang inyong relasyon bilang mag-asawa, kusa mong ikinokompromiso ang iyong sarili na maging alipin niya at ng inyong pagsasama bilang mag-asawa—hindi ito nararapat. Hindi dapat ganito umasal ang isang tao, ni hindi ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao, sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na maging alipin ka, o na ikaw ay maging isang amo. Hinihingi Niya lamang na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad, at kaya kailangan mong maunawaan nang tama ang mga responsabilidad na dapat mong gampanan sa buhay may-asawa, at dapat mo ring maunawaan nang tama at makita nang malinaw ang papel na ginagampanan mo sa buhay may-asawa. Kung ang papel na ginagampanan mo ay baluktot at hindi naaayon sa pagkatao o sa kung ano ang inorden ng Diyos, kailangan mong suriin ang iyong sarili at pagnilayan kung paano makakalabas sa ganitong kalagayan. Kung ang iyong asawa ay maaaring pagsabihan, pagsabihan mo siya; kung sa pamamagitan ng pagsaway sa iyong asawa ay makakaranas ka ng mga hindi kanais-nais na kahihinatnan, kailangan mong gumawa ng mas matalino at mas naaangkop na pasya. Ano’t anuman, kung nais mong hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, kailangan mong iwaksi ang iyong mga ideya o kaugalian tungkol sa pagiging alipin sa iyong buhay may-asawa. Hindi ka dapat maging alipin sa iyong pag-aasawa, sa halip ay dapat mong talikdan ang papel na iyon, maging isang tunay na tao, maging isang tunay na nilikha, at kasabay nito ay gampanan mo ang iyong tungkulin. Nauunawaan mo ba? (Oo.)