Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 10 (Unang Bahagi)

Ngayon ay itutuloy natin ang pagbabahaginan sa paksa ng ating huling pagtitipon. Tungkol saan ang pagbabahaginan sa huli nating pagtitipon? (Noong huli, pangunahing nagbahagi ang Diyos tungkol sa dalawang paksa. Una, nagbahagi ang Diyos tungkol sa itinatanong ng mga tao: “Kung hindi hinangad ng sangkatauhan ang kanilang mga mithiin at hangarin, uunlad kaya nang ganito ang kasalukuyang mundo?” Sunod, nagbahagi ang Diyos tungkol sa ilang maling perspektiba at pananaw ng mga tao tungkol sa pag-aasawa, at pagkatapos ay nagbahagi Siya tungkol sa tamang konsepto at depinisyon ng pag-aasawa.) Noong huli, nagbahagi Ako sa isang napakalawak na paksa—ang pag-aasawa. Ang pag-aasawa ay isang malawak na paksa na tumutukoy sa buong sangkatauhan at laganap sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao. Ang paksang ito ay tumutukoy sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, at ito ay mahalaga para sa lahat. Noong huli, nagbahaginan tayo sa ilang nilalaman na may kaugnayan sa paksang ito, pangunahing tungkol sa pinagmulan at pagkakabuo ng pag-aasawa, pati na rin sa mga tagubilin at inorden ng Diyos para sa dalawang taong mag-asawa, at sa mga responsabilidad at obligasyong dapat akuin ng dalawang taong mag-asawa. Ano ang pangunahing batayan ng nilalaman na ito? (Ang nakatala sa Bibliya.) Ang pagbabahaginang ito ay batay sa mga salita at talatang naitala sa Bibliya, kung saan matapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan, inorden Niya ang pag-aasawa para sa kanila, tama? (Tama.) Sa pamamagitan ng ating huling pagbabahaginan, at sa pagbabasa ng ilang pahayag at gawain ng Diyos tungkol sa pag-aasawa ng tao gaya ng naitala sa Bibliya, mayroon na ba kayong tumpak na depinisyon sa pag-aasawa ngayon? Sinasabi ng ilang tao: “Bata pa kami, wala kaming konsepto ng pag-aasawa, ni wala kaming karanasan. Mahirap para sa amin ang bigyang-kahulugan ang pag-aasawa.” Mahirap ba ito? (Hindi.) Hindi ito mahirap. Kung gayon, paano nga ba natin dapat bigyang-kahulugan ang pag-aasawa? Batay sa mga pahayag at gawain ng Diyos tungkol sa pag-aasawa ng tao, hindi ba’t dapat na mayroon kayong tumpak na depinisyon sa pag-aasawa? (Oo.) Tungkol sa pag-aasawa, may asawa ka man o wala, kailangan mong magkaroon ng tumpak na kaalaman sa mga salita ng Aking pagbabahagi ngayon. Ito ay isang aspekto ng katotohanan na dapat mong maunawaan. Mula sa perspektibang ito, kung mayroon ka mang karanasan sa pag-aasawa o wala, at interesado ka man sa pag-aasawa o hindi, at anuman ang iyong mga kalkulasyon at plano noon tungkol sa pag-aasawa, hangga’t ang usaping ito ay may kaugnayan sa iyong paghahangad sa katotohanan, dapat mong malaman ito. Ito rin ay isang bagay na dapat mong makita nang malinaw, sapagkat ito ay may kinalaman sa katotohanan, sa mga ideya at pananaw ng tao, sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan, at sa iyong mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa sa iyong daan ng paghahangad sa katotohanan. Kaya, may karanasan ka man sa pag-aasawa noon o wala, interesado ka man sa pag-aasawa o hindi, o anuman ang sitwasyon ng iyong buhay may-asawa, kung nais mong hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, kailangan mong magkaroon ng tumpak na kaalaman at wastong mga ideya at pananaw tungkol sa pag-aasawa, tulad ng sa anumang bagay na may kaugnayan sa katotohanan; hindi mo ito dapat labanan sa iyong puso, o magkaroon ng mga pagkiling at mga kuro-kuro tungkol dito, o harapin ito batay sa iyong pinagmulan at sitwasyon, o gumawa ng anumang pasya tungkol dito. Lahat ng ito ay maling pananaw. Ang pag-aasawa, tulad ng anumang bagay, ay may kaugnayan sa mga pananaw, opinyon, at perspektiba ng mga tao. Kung nais mong magkaroon ng tama, naaayon-sa-katotohanan na mga ideya, pananaw, perspektiba, at opinyon sa usapin ng pag-aasawa, kailangan mong magkaroon ng tumpak na kaalaman at depinisyon sa usaping ito, na lahat ay may kaugnayan sa katotohanan. Kaya, pagdating sa pag-aasawa, dapat mayroon kang tamang kaalaman at dapat mong maunawaan ang katotohanan na nais ng Diyos na malaman ng mga tao tungkol sa usaping ito. Sa pamamagitan ng pagkaunawa sa katotohanan dito, saka ka lamang magkakaroon ng mga wastong ideya at pananaw sa pagharap sa pag-aasawa kapag ikinasal ka na, o kapag may mga bagay na lumitaw sa iyong buhay na may kaugnayan sa usapin ng pag-aasawa; saka ka lang magkakaroon ng mga wastong opinyon at perspektiba rito, at siyempre, saka ka lang magkakaroon ng tumpak na landas sa paglutas sa mga problemang may kaugnayan sa pag-aasawa. Sinasabi ng ilang tao: “Hinding-hindi ako mag-aasawa.” At marahil ay hindi ka nga mag-aasawa, ngunit hindi maiiwasan na magkakaroon ka pa rin ng mga ideya at pananaw tungkol sa pag-aasawa, malaki man o maliit, tama man o mali. Dagdag pa rito, sa iyong buhay, hindi mo maiiwasang maharap sa ilang tao o bagay na may mga problemang may kinalaman sa pag-aasawa, kaya, paano mo titingnan at lulutasin ang mga problemang ito? Kapag lumitaw ang mga problemang ito na may kinalaman sa pag-aasawa, ano ang dapat mong gawin para magkaroon ng mga tumpak na ideya, pananaw, opinyon, at prinsipyo ng pagsasagawa? Paano ka dapat kumilos upang maging ayon sa kalooban ng Diyos? Ito ay isang bagay na dapat mong maunawaan, isang bagay na dapat mong hangarin simula ngayon. Ano ang ibig Kong sabihin kapag sinasabi Ko iyon? Ibig Kong sabihin, may ilang tao na maaaring nag-aakala na walang kinalaman sa kanila ang pag-aasawa, kaya’t nakikinig sila nang wala sa loob. Ito ba ang tamang pananaw? (Hindi.) Hindi. Anuman ang paksang Aking ibinabahagi, hangga’t ito ay may kaugnayan sa katotohanan, may kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan, at may kaugnayan sa mga batayan at pamantayan sa pagtingin sa mga tao at bagay, at sa pag-asal at pagkilos, dapat mo itong tanggapin at taimtim at maingat na pakinggan. Sapagkat ito ay hindi karaniwang pagkaunawa, hindi ito kaalaman, lalong hindi ito propesyonal na pagkaunawa—ito ay ang katotohanan.

Balikan natin at ipagpatuloy ang pagbabahaginan sa paksa ng pag-aasawa. Ano ang dapat na depinisyon ng pag-aasawa? Batay sa inorden at mga pagsasaayos ng Diyos tungkol sa pag-aasawa, pati na rin sa Kanyang mga paalala at tagubilin sa dalawang taong mag-asawa na ibinahagi Ko noong huli, ang inyong konsepto at depinisyon sa pag-aasawa ay hindi na dapat magulo; sa halip, dapat ay malinaw at maliwanag na ito. Ang pag-aasawa ay dapat na pag-iisa ng isang lalaki at isang babae sa ilalim ng inorden at mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ang bumubuo sa pag-aasawa, na may mga pangunahing kondisyon. Sa ilalim ng inorden at mga pagsasaayos ng Diyos, ang pag-iisa ng isang lalaki at isang babae ang bumubuo sa pag-aasawa. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Hindi ba’t tumpak sa teorya ang gayong depinisyon sa pag-aasawa? (Oo.) Bakit sinasabi na ito ay tumpak? Paano kayo makasisigurong ito ay tumpak? Dahil ito ay batay sa nakatala sa Bibliya, at ito ay may mga indikasyon na maaaring sundan. Malinaw na ipinaliliwanag ng tala sa Bibliya ang pinagmumulan ng pag-aasawa. Ito ang depinisyon ng pag-aasawa. Sa pundasyon ng malinaw na depinisyong ito ng pag-aasawa, tingnan natin kung ano ang mga tungkuling inaako ng dalawang taong mag-asawa. Hindi ba’t malinaw itong nakatala sa mga sipi ng Bibliya na binasa natin noong huling pagtitipon? (Oo.) Ang pinakasimple sa lahat ng tungkuling inaako ng dalawang taong mag-asawa ay ang samahan at tulungan ang isa’t isa. Ano naman ang tagubilin ng Diyos sa babae? (Sinabi ng Diyos sa babae: “Pararamihin Kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo” (Genesis 3:16).) Ito ang orihinal na pananalita sa Bibliya. Gamit ang ating mga modernong salita, ang tagubilin ng Diyos sa babae ay ang kanyang tungkulin. Ano ang tungkuling iyon? Ang manganak, palakihin ang kanyang mga anak, at alagaan at mahalin ang kanyang mister. Ito ang tagubilin ng Diyos sa babae. Ano naman ang itinagubilin ng Diyos na tungkulin ng lalaki? Bilang pinuno ng pamilya, ang lalaki ang dapat na pumasan sa buhay-pamilya at magtustos para sa pamilya sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap. Dapat din niyang pasanin ang pamamahala sa mga miyembro ng pamilya, sa kanyang asawa, at sa kanyang sariling buhay. Ito ang paghahati ng Diyos ng mga tungkulin sa pagitan ng mga babae at lalaki. Dapat maging malinaw at tiyak sa iyo ang mga tungkulin ng mga babae at lalaki. Ito ang depinisyon at pagkabuo ng pag-aasawa, pati na rin ang mga responsabilidad na dapat akuin ng magkabilang partido at ang mga obligasyong dapat nilang tuparin. Ito ang mismong pag-aasawa at ang tunay na nilalaman nito. Mayroon bang anumang negatibong bagay sa nilalaman na tinalakay natin tungkol sa pag-aasawa? (Wala.) Walang negatibong bagay rito. Lahat ito ay napakalinis, naaayon sa katotohanan, at naaayon sa mga katunayan, at ito ay naaayon sa batayan ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng biblikal na mga tala bilang pundasyon, ang usapin ng pag-aasawa ay nagiging napakatiyak at napakalinaw sa mga modernong tao; hindi natin kailangang maglatag ng maraming paunang kondisyon o gumamit ng masyadong maraming salita para pag-usapan ang pinagmulan ng pag-aasawa. Hindi ito kinakailangan. Ang depinisyon ng pag-aasawa ay malinaw, at ang mga tungkulin na dapat akuin ng parehong partido sa pag-aasawa, at ang mga obligasyon na dapat nilang tuparin, ay malinaw at tiyak. Kapag malinaw at tiyak na sa isang tao ang mga bagay na ito, ano ang epekto niyon sa kanyang paghahangad sa katotohanan? Ano ang kahulugan sa likod ng pagkaunawa sa depinisyon at sa kayarian ng pag-aasawa at sa mga tungkulin ng parehong partido? Ibig sabihin, ano ang mga resulta ng pagbabahagi ng nilalamang ito sa mga tao, at ano ang mga epektong idinudulot nito? Sa madaling salita, ano ang mabuting nagagawa sa inyo ng pakikinig sa nilalamang ito? (Tinutulutan tayo nitong magkaroon ng tama at naaayon-sa-katotohanan na pananaw para tingnan ang mga bagay-bagay kapag hinaharap natin ang pag-aasawa, o kapag tinitingnan natin ang pag-aasawa; hindi tayo maiimpluwensiyahan o maliligaw ng masasamang kalakaran o ng mga ideya na itinanim ni Satanas.) Ito ay isang positibong epekto. Ang pagbabahaginan ba tungkol sa depinisyon ng pag-aasawa at pagkabuo nito at ang mga tungkulin ng parehong partido ay nagtutulot sa mga tao na magkaroon ng tamang mga ideya at pananaw tungkol sa pag-aasawa? (Oo.) Kapag ang isang tao ay may mga tamang ideya at pananaw, ang mga pakinabang at positibong epekto ba nito ay nagtutulot sa kanila na magkaroon ng tamang pananaw sa pag-aasawa sa kanilang kamalayan? Kapag mayroon nang tamang pananaw sa pag-aasawa at tamang mga ideya at opinyon ang isang tao, mayroon ba siyang partikular na pagtutol at panangga laban sa mga sumasalungat, mga negatibong ideya at pananaw, na nabibilang sa masasamang kalakaran? (Mayroon.) Ano ang tinutukoy ng pagtutol at pananggang ito? Ito ay nangangahulugang, sa pinakamababa, mayroon kang pagkilatis pagdating sa ilang buktot na ideya at pananaw tungkol sa pag-aasawa na mula sa mundo at lipunan. Kapag mayroon ka nang pagkilatis, hindi mo na titingnan ang pag-aasawa batay sa mga ideya at pananaw na nagmumula sa mga buktot na kalakaran ng mundo, hindi mo na rin tatanggapin ang mga ideya at pananaw na iyon. Kaya, ano ang pakinabang sa iyo ng hindi pagtanggap sa mga ideya at pananaw na iyon? Hindi na kokontrolin ng mga ideya at pananaw na iyon ang iyong mga perspektiba at pagkilos tungkol sa pag-aasawa, at hindi ka na matitiwali ng mga ito, at hindi na rin maitatanim ng mga ito sa iyo ang mga buktot na ideya at pananaw; samakatuwid, hindi mo titingnan ang pag-aasawa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga buktot na kalakaran ng mundo, hindi ka na rin matatangay ng mga buktot na kalakarang iyon, kaya magagawa mong manindigan sa iyong patotoo sa usapin ng pag-aasawa. Kaya, sa partikular na punto, mabibitiwan mo na ba ang ilang sataniko, makamundong ideya, pananaw, at perspektiba tungkol sa pag-aasawa? (Oo.) Pagkatapos magkaroon ng tumpak na depinisyon sa pag-aasawa ang mga tao, nabibitiwan nila ang ilan sa kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin tungkol sa pag-aasawa, pero sapat na ba ito? Nagagawa ba nilang ganap na bitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin tungkol sa pag-aasawa? Hinding-hindi pa ito sapat. Ang mayroon lang sila ay isang tumpak na depinisyon at konsepto ng pag-aasawa, isa lamang pangunahin at batayang konsepto at kaalaman ng pag-aasawa sa kanilang isipan. Ngunit ang iba’t ibang ideya, pananaw, at paksa na ipinapakalat ng mundo at lipunan tungkol sa pag-aasawa ay makakaimpluwensiya pa rin sa iyong mga ideya at pananaw, at makakaapekto sa iyong mga perspektiba—at maging sa iyong mga kilos—tungkol sa pag-aasawa. Kaya, hanggang sa ngayon, pagkatapos magkaroon ng tumpak na depinisyon sa pag-aasawa, hindi pa rin ganap na nabibitiwan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin tungkol sa pag-aasawa. Kaya sa susunod, hindi ba’t dapat tayong magbahaginan tungkol sa iba’t ibang paghahangad, mithiin, at hangarin na lumilitaw sa mga tao tungkol sa pag-aasawa? (Oo.)

Tatapusin Ko na ang pagbabahaginang ito tungkol sa depinisyon ng pag-aasawa. Sunod, pagbabahaginan natin kung paano bitiwan ang iba’t ibang paghahangad, mithiin, at hangarin na lumilitaw dahil sa pag-aasawa. Una, magbahaginan tayo tungkol sa iba’t ibang pantasya ng mga tao tungkol sa pag-aasawa. Kapag sinabi Kong pantasya, ang tinutukoy Ko ay ang mga larawan na nasa imahinasyon ng mga tao. Ang mga larawang ito ay hindi pa nagiging totoo; mga imahinasyon lamang ang mga ito na napupukaw ng mga pang-araw-araw na buhay ng mga tao o ng mga sitwasyong kanilang nakahaharap. Ang mga imahinasyong ito ay bumubuo ng mga larawan at ilusyon sa isipan ng mga tao, at nagiging ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin pa nga tungkol sa pag-aasawa. Kaya, upang mabitiwan ang iyong mga paghahangad, mithiin, at hangarin tungkol sa pag-aasawa, dapat mo munang bitiwan ang iba’t ibang pantasya na minsang naitanim na sa iyong isipan at sa kaibuturan ng puso mo. Ito ang unang kailangan ninyong gawin upang mabitiwan ang inyong mga paghahangad, mithiin, at hangarin tungkol sa pag-aasawa—ibig sabihin, bitiwan ninyo ang inyong iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa. Kaya, pag-usapan muna natin kung ano-anong pantasya mayroon ang mga tao tungkol sa pag-aasawa. Ang iba’t ibang opinyon ng mga sinaunang tao tungkol sa pag-aasawa mula sa daan-daan o libo-libong taon na ang nakalilipas ay masyado nang malayo sa kasalukuyan, kaya hindi na natin tatalakayin ang mga iyon. Sa halip, tatalakayin natin kung ano ang sariwa, popular, uso, at pangunahing mga opinyon at kilos ng mga modernong tao tungkol sa pag-aasawa; ang mga bagay na ito ay nakakaimpluwensiya sa inyo, nagdudulot na patuloy na lumitaw ang iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa sa kaibuturan ng inyong puso o sa inyong isipan. Una, ang ilang opinyon tungkol sa pag-aasawa ay nagiging popular sa lipunan, at pagkatapos, iba’t ibang akda ng literatura ang naglalaman ng mga ideya at opinyon ng mga may-akda tungkol sa pag-aasawa; habang ang mga akdang ito ay ginagawang mga palabas sa telebisyon at mga pelikula, mas malinaw na naipaliliwanag ng mga ito ang iba’t ibang opinyon ng mga tao tungkol sa pag-aasawa, at ang kanilang iba’t ibang paghahangad, mithiin, at hangarin tungkol dito. Mas marami man o mas kaunti, nakikita man o hindi, patuloy na itinatanim ang mga bagay na ito sa inyo. Bago kayo magkaroon ng anumang tumpak na konsepto sa pag-aasawa, ang mga opinyon at mensaheng ito ng lipunan tungkol sa pag-aasawa ay lumilikha ng mga paunang konsepto sa inyo at tinatanggap ninyo ang mga ito; pagkatapos, nagsisimula kayong magpantasya kung ano ang mangyayari sa sarili ninyong buhay may-asawa, at kung ano ang mga katangian ng inyong magiging kabiyak. Tinatanggap mo man ang mga mensaheng ito sa mga palabas sa telebisyon, pelikula, at nobela, o sa pamamagitan ng iyong mga kaibigan at mga tao sa iyong buhay—anuman ang pinanggalingan, ang mga mensaheng ito ay pawang galing sa mga tao, lipunan, at mundo, o sa mas tumpak na pananalita, umuusbong at umuunlad ang mga ito mula sa mga buktot na kalakaran. Siyempre, sa mas tumpak pang pananalita, ang mga ito ay galing kay Satanas. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Sa prosesong ito, anuman ang uri ng mga ideya at pananaw tungkol sa pag-aasawa ang tinatanggap ninyo, ang totoo, habang tinatanggap ang iba’t ibang ideya at pananaw tungkol sa pag-aasawa, patuloy kayong nagpapantasya tungkol sa pag-aasawa sa inyong isipan. Ang mga pantasyang ito ay umiikot lahat sa isang bagay. Alam ba ninyo kung ano ito? (Romantikong pag-ibig.) Sa lipunan ngayon, ang mas popular o pangunahing mensahe ng pagsasalita tungkol sa pag-aasawa ay nasa konteksto ng romantikong pag-ibig; ang kaligayahan ng pag-aasawa ay nakasalalay sa pag-iral ng romantikong pag-ibig, at kung ang mag-asawa ay nag-iibigan. Ang mga opinyong ito ng lipunan tungkol sa pag-aasawa—ang mga bagay na ito na pinapasok ang isipan ng mga tao at ang kaibuturan ng kanilang kaluluwa—ay pangunahing tungkol sa romantikong pag-ibig. Ang mga opinyong ito ay itinatanim sa mga tao, na nagdudulot sa kanila na magkaroon ng iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa. Halimbawa, nagpapantasya sila tungkol sa kung sino ang taong iibigin nila, kung anong klaseng tao ito, at kung ano ang mga pamantayan nila sa kanilang magiging asawa. Partikular na may iba’t ibang mensaheng mula sa lipunan na nagsasabing kinakailangan nilang ibigin ang taong iyon at na kailangan ding ibigin sila ng taong iyon, na ito lamang ang tunay na romantikong pag-ibig, na tanging ang romantikong pag-ibig ang hahantong sa pag-aasawa, na tanging ang pag-aasawa na batay sa romantikong pag-ibig ang mabuti at masaya, at na ang pag-aasawa nang walang romantikong pag-ibig ay imoral. Kaya, bago nila matagpuan ang taong iibigin nila, lahat ay naghahanda na makahanap ng romantikong pag-ibig, naghahanda nang maaga para sa pag-aasawa, naghahanda para sa araw na matatagpuan nila ang taong iibigin nila para maaari nilang walang-ingat na hangarin ang kanilang iniibig, at maisakatuparan ang kanilang pag-ibig. Tama? (Tama.) Noon, hindi nababanggit ng mga tao ang romantikong pag-ibig, o ang diumano’y kalayaan sa pag-aasawa, o na ang pag-ibig ay inosente, na ang pag-ibig ay dakila. Noong panahong iyon, nahihiya ang mga tao na pag-usapan ang tungkol sa pag-aasawa, pag-ibig, at romansa. Lalo na kapag may kinalaman ito sa kabilang kasarian, nahihiya ang mga tao, namumula ang kanilang mukha at bumibilis ang tibok ng kanilang puso, o nahihirapan silang magsalita. Ngayon, nagbago na ang mga saloobin ng mga tao. Kapag nakikita nila ang iba na nagtatalakay tungkol sa pag-ibig at pag-aasawa nang kalmado at nang may kumpiyansa, nais din nilang maging ganoong klase ng tao, nagtatalakay nang malaya at bukas tungkol sa pag-ibig at pag-aasawa, nang hindi namumula ang mukha o bumibilis ang tibok ng puso. Higit pa rito, nais din nilang maging bukas sa pag-amin ng kanilang nararamdaman kapag natagpuan nila ang taong nais nilang ligawan, na masabi nila ang nilalaman ng kanilang puso; nagpapantasya pa sila tungkol sa lahat ng uri ng eksena ng pagliligawan, at higit pa rito, nagpapantasya sila kung anong klase ng tao ang iibigin at liligawan nila. Nagpapantasya ang mga kababaihan na ang taong hahangarin nila ay isang Prinsipe, hindi bababa sa 1.8 metro ang tangkad, matalinong kausap, may mabuting asal, may pinag-aralan, may magandang pamilyang pinagmulan, at mas maganda pa nga kung ito ay may sasakyan at bahay, may katayuan sa lipunan, may angking yaman, at iba pa. Para naman sa mga kalalakihan, nagpapantasya sila na ang kanilang magiging kabiyak ay isang magandang babae na maputi ang balat, isang superwoman na mamumukod-tangi sa mga pagtitipon pati na rin sa kusina. Nagpapantasya pa nga sila na ang kanilang magiging kabiyak ay isang maganda at mayamang babae, at mas maganda kung maykaya ang pinagmulan nitong pamilya. Pagkatapos ay sasabihin ng mga tao na ang pagsasama nilang dalawa ay parang sina Romeo at Juliet, tulad ng magkasintahang perpekto o tinadhana ng langit, ang magkasintahang kinaiinggitan ng mga tao sa paligid, na hindi kailanman nag-aaway o nagagalit sa isa’t isa, na hindi kailanman nagbabangayan tungkol sa kung anu-ano, na lubos na nagmamahalan—tulad ng mga magkasintahan sa mga pelikula na sumusumpang mamahalin ang isa’t isa hanggang sa matuyo ang mga dagat at ang mga bato ay maging alikabok, na tatanda silang magkasama, na hindi sila kailanman mayayamot o iiwas sa isa’t isa, na hindi nila kailanman susukuan ang isa’t isa, at na hindi nila kailanman iiwanan ang isa’t isa. Ang mga babae ay nagpapantasya na balang araw ay papasok sila sa pook-kasalan kasama ang kanilang iniibig, at sa pagpapala ng ministro, sila ay magpapalitan ng singsing, ng mga pangako, sumusumpa ng taimtim na pangako ng pag-ibig, nangangakong mamumuhay nang magkasama at hindi iiwan o tatalikdan ang isa’t isa, sila man ay dumaranas ng sakit o kahirapan. Ang mga lalaki ay nagpapantasya rin na isang araw ay papasok sila sa pook-kasalan kasama ang babae na kanilang iniibig, at sa pagpapala ng ministro, sila ay magpapalitan ng singsing at mangangako, sumusumpa na gaano man tumanda o pumangit ang kanilang bagong asawa, hindi nila ito iiwan o tatalikdan, at na bibigyan nila ito ng pinakamaganda, pinakamasayang buhay may-asawa, at gagawin siyang pinakamasayang babae sa buong mundo. Ang mga lalaki at babae ay pawang nagpapantasya nang ganito, naghahangad nang ganito, at sa kanilang tunay na buhay, patuloy nilang natututunan ang lahat ng uri ng paghahangad, mithiin, at hangarin tungkol sa pag-aasawa. Kasabay nito, palagi rin nilang inuulit-ulit ang mga pantasyang ito sa kaibuturan ng kanilang puso, umaasa na isang araw ay matutupad sa tunay na buhay ang kanilang mga pantasya, na ang mga ito ay hindi na magiging isang mithiin o hangarin lamang, kundi totoo na. Sa ilalim ng impluwensiya ng makabagong pamumuhay at ng pagkokondisyon ng lahat ng uri ng mensahe at impormasyon sa lipunan, ang bawat babae ay umaasa na magsusuot sila ng puting damit pangkasal at magiging ang pinakamagandang ikakasal, ang pinakamaligayang babae sa mundo; umaasa rin sila na makapagsusuot sila ng sarili nilang singsing na diyamante, na talagang dapat ay higit pa sa isang karat, at dapat na napakaganda ng kalidad nito. Hindi ito dapat magkaroon ng anumang depekto, at dapat itong isuot ng kanyang pinaka-iniibig na lalaki sa kanyang daliri. Ito ang pantasya ng isang babae sa pag-aasawa. Sa isang banda, may mga pantasya siya tungkol sa anyo ng pagpapakasal; sa kabilang banda, may mga pantasya rin siya tungkol sa buhay may-asawa, umaasa na ang lalaking kanyang iniibig ay hindi bibiguin ang kanyang mga ekspektasyon, na iibigin siya nito kapag mag-asawa na sila gaya ng pag-ibig nito sa kanya noong nagsisimula pa lang ang kanilang pag-iibigan, na hindi ito magmamahal ng ibang babae, na bibigyan siya nito ng masayang buhay, na tutuparin nito ang mga pangako nito, at na hanggang sa matuyo ang dagat at ang mga bato ay maging alikabok, mananatili silang magkasama sa buhay na ito at sa susunod. Sa isang banda pa, may mga pantasya at pamantayan din siya tungkol sa taong kanyang iibigin. Sa pinakamababa, dapat ito ay isang Prinsipe, kung hindi man ito nakasakay sa isang puting kabayo, pwede rin naman sa itim na kabayo. Tiyak na ito ang antas ng pagka-prinsipe na iniisip ng isang babae para sa kanyang minimithing lalaki—napakaromantiko at napakamarangya niyon, napakasaya ng kanyang magiging buhay. Ang batayan ng mga pantasyang ito na nabubuo ng mga tao tungkol sa pag-aasawa ay nagmumula sa lipunan, sa kanilang mga kakilala, o mula sa lahat ng uri ng mensahe, aklat, literatura, at pelikula; dagdag pa roon ang ilang medyo burgesyang elemento sa kanilang puso na naaayon sa kanilang sariling mga hilig, at kaya sila ay nagpapantasya tungkol sa lahat ng uri ng tao na kanilang iibigin, lahat ng uri ng kasintahan, lahat ng uri ng anyo at buhay may-asawa. Sa madaling salita, ang iba’t ibang pantasya ng mga tao ay pawang batay sa pagkaunawa, interpretasyon, at iba’t ibang opinyon ng lipunan tungkol sa pag-aasawa. Ganito ang kababaihan, pati na rin ang kalalakihan. Ang iba’t ibang paghahangad ng mga lalaki sa pag-aasawa ay hindi naiiba sa mga babae. Umaasa rin ang isang lalaki na makahanap ng babaeng kanyang magugustuhan, na malinis, mahinhin, mabait, at maalalahanin, na tatratuhin siya nang may malasakit at pagmamahal, at na umaasa sa kanya gaya ng isang munting ibon, na buong-pusong tapat sa kanya, na hindi nanghahamak sa kanyang mga pagkukulang at kapintasan, na tatanggapin pa nga ang lahat ng kanyang kapintasan at kakulangan, na tutulong at susuporta sa kanya kapag siya ay pinanghihinaan ng loob o nadidismaya, at saka magsasabi sa kanya na: “Mahal, ayos lang iyan, narito ako. Wala tayong hindi malalampasan nang magkasama. Huwag kang matakot. Kahit kailan, palagi akong narito sa iyong tabi.” May iba’t ibang pamantayan ang mga babae sa mga lalaki, at gayundin, may iba’t ibang pamantayan ang mga lalaki sa mga babae, kaya, lalaki man o babae, hinahanap nila ang kanilang kabiyak sa gitna ng mga tao, at ang batayan nila sa paghahanap sa kanilang kabiyak ay ang kanilang iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa. Siyempre, mas madalas na magpapantasya ang isang lalaki tungkol sa pagkakaroon ng matibay na katayuan sa lipunan, pagtatatag ng isang propesyon, paglilikom ng partikular na yaman, at pag-iipon ng partikular na dami ng kapital, pagkatapos ay maaari na siyang maghanap ng isang kabiyak na kapantay niya sa katayuan, pagkakakilanlan, panlasa, at mga hilig. Hangga’t gusto niya ang kabiyak na ito at naaayon ito sa kanyang mga pamantayan, handa siyang gawin ang lahat para dito, kahit maglakad pa sa nagbabagang mga uling para dito. Siyempre, kung magsasalita nang mas praktikal, bibilhan niya ito ng magagandang gamit, tutugunan ang mga materyal na pangangailangan nito, bibilhan ito ng kotse, bahay, singsing na diyamante, ng bag at mga damit na may tatak. Kung may kakayahan siya, bibili rin siya ng isang pribadong yate at eroplano, at isasama ang kanyang minamahal na babae sa dagat na silang dalawa lang, o isasama ito upang makita ang mundo, maglakbay sa mga pinakasikat na bundok, lupain, at magandang tanawin sa buong mundo. Napakaganda ng gayong buhay. Ang mga babae ay nagbabayad ng iba’t ibang halaga para sa kanilang iba’t ibang pantasya sa pag-aasawa, at gayundin, ang mga lalaki ay nagsusumikap at nagtatrabaho para sa kanilang iba’t ibang pantasya sa pag-aasawa. Anuman ang klase ng pantasya na mayroon ka tungkol sa pag-aasawa, hangga’t ito ay nagmumula sa mundo, nagmumula sa pagkaunawa at opinyon ng tiwaling sangkatauhan tungkol sa pag-aasawa, o nagmumula sa impormasyon tungkol sa pag-aasawa na itinatanim sa iyo ng mundo at ng tiwaling sangkatauhan, ang mga ideya at pananaw na ito, sa isang antas, ay makakaimpluwensiya sa iyong buhay at pananampalataya, at makakaimpluwensiya sa iyong pananaw sa buhay at sa landas na tinatahak mo sa buhay. Ito ay dahil ang pag-aasawa ay isang bagay na hindi maiiwasan ng sinumang nasa hustong gulang na, at ito rin ay isang paksang hindi maiiwasan. Kahit na piliin mong manatiling walang asawa sa buong buhay mo, hindi mag-aasawa kailanman, ang iyong mga pantasya sa pag-aasawa ay iiral pa rin. Maaaring piliin mong manatiling walang asawa, ngunit mula sa sandaling nagkaroon ka ng batayang mga konsepto at kaisipan tungkol sa pag-aasawa, mayroon ka nang iba’t ibang klase ng pantasya tungkol dito. Ang mga pantasyang ito ay hindi lamang umookupa sa iyong isipan, pinupuno rin nito ang iyong pang-araw-araw na buhay at nakakaimpluwensiya sa iyong mga ideya, pananaw, at mga desisyon habang hinaharap mo ang iba’t ibang bagay. Sa madaling salita, kung ang isang babae ay mayroong pamantayan para sa taong gusto niyang ibigin, kahit na gaano ka-mature o kahusay ang pamantayan, gagamitin niya ito upang sukatin ang kabutihan at kasamaan ng pagkatao at katangian ng mga taong nasa kabilang kasarian, pati na rin kung ang mga ito ba ang uri ng tao na gusto niyang makasama. Ang pamantayan na ito ay hindi maihihiwalay sa pamantayan na ginagamit niya sa pagpili ng mapapangasawa. Halimbawa, sabihin nating gusto niya ng lalaking kapansin-pansin ang hitsura, malaki ang mukha na medyo mapanga, at makinis ang balat; elegante kung magsalita, tila mahilig magbasa, at magalang. Sa kanyang pananaw sa pag-ibig, gusto niya ang ganitong klase ng lalaki, at may pagkiling siya sa ganitong klase ng lalaki. Kaya, sa kanyang buhay, ang gayong tao man ang kanyang iibigin o hindi, tiyak na magugustuhan niya ito. Ibig Kong sabihin, kapag nakaugnayan niya ang gayong tao, mabuti man o masama ang pagkatao nito, anuman ang katangian nito, kahit na ito ay isang mapanlinlang o masamang tao, ang mga bagay na ito ay hindi pangunahin; ang mga ito ay hindi ang pamantayan na ginagamit niya para tingnan ang ibang kasarian. Ano ang kanyang pamantayan? Ito ang pamantayan na ginagamit niya sa pagpili ng asawa. Kung ang kanyang kapareha ay naaayon sa pamantayan niya sa pagpili ng asawa, kahit na hindi ito ang taong mismong pinili niyang maging asawa niya, ito pa rin ang taong gusto niyang makasama. Ano ang ipinapakita ng isyung ito? Ang pananaw ng isang tao sa pag-ibig—sa mas partikular, ang pamantayan ng isang tao sa kanyang kasintahan o asawa—sa malaking antas, ay nakakaimpluwensiya sa kanyang pananaw sa lahat ng nasa kabilang kasarian. Kapag nakakatagpo siya ng isang lalaking tumutugma sa kanyang pamantayan sa nais niyang mapangasawa, natutuwa siya sa lahat ng bagay tungkol sa lalaking ito, ang boses nito ay masarap pakinggan, at komportable siyang masdan ang mga salita at kilos nito. Kahit na hindi ito ang taong plano niyang ibigin at hangarin, masaya pa rin siyang pagmasdan ito. Ang kasiyahang ito ang pinagmumulan ng problema. Anuman ang kanyang sinasabi, hindi mo nakikilatis kung ito ba ay tama o mali; nakikita mo na ang lahat ng bagay tungkol sa kanya ay mabuti at tama, at iniisip mong lahat ng kanyang ginagawa ay mahusay. Mula sa magagandang nararamdaman mo tungkol sa kanya, unti-unti mo siyang hinahangaan at sinasamba. Saan nagmumula ang paghanga at pagsambang ito? Ang pinagmulan ay ang pamantayang iyong ginagamit sa pagpili ng iibigin at mapapangasawa. Sa isang partikular na antas, nililihis ng pamantayang ito ang iyong paraan ng pagtingin sa ibang tao; sa mas tumpak na pananalita, pinalalabo nito ang mga pamantayan at batayan na iyong ginagamit sa pagtingin sa kabilang kasarian. Ang kanyang panlabas na hitsura ay tumutugma sa iyong mga pamantayan ng kagandahan, kaya anuman ang uri ng katangiang mayroon siya, naaayon man ang kanyang mga kilos sa mga prinsipyo o hindi, mayroon man siyang mga katotohanang prinsipyo o wala, hinahangad man niya ang katotohanan o hindi, mayroon man siyang tunay na pananalig at pagpapasakop sa Diyos o wala—ang mga bagay na ito ay nagiging napakalabo sa iyo, at malamang na maaapektuhan ang iyong emosyon sa pagtingin mo sa taong ito. Dahil maganda ang nararamdaman mo sa taong ito, at dahil sa emosyonal na antas ay natutugunan niya ang iyong pamantayan, itinuturing mo ang lahat ng kanyang ginagawa bilang mabuti at maganda; pinoprotektahan mo siya at sinasamba, hanggang sa punto na kahit na gumawa siya ng masama, hindi mo ito kikilatisin, o hindi mo siya ibubunyag o tatalikdan. Ano ang dahilan nito? Ito ay sapagkat ang iyong damdamin ang nangunguna, ito ang umookupa sa iyong puso. Sa sandaling ang iyong mga damdamin ang manguna, madali ba para sa iyo na gawin ang mga bagay nang ayon sa mga prinsipyo? Ang iyong mga damdamin ang nangunguna, kaya wala kang mga prinsipyo. Kaya, ang mga resulta na dala ng usaping ito ay lubos na malubha. Kahit na hindi siya ang taong iniibig mo, o hindi siya ang taong nais mong pakasalan, tumutugma pa rin siya sa iyong mga pamantayan ng kagandahan at sa iyong mga emosyonal na pangangailangan; sa ilalim ng ganitong paunang kondisyon, hindi maiiwasan na ikaw ay maimpluwensiyahan at makokontrol ng iyong mga damdamin, at magiging napakahirap para sa iyo na tingnan ang taong ito, harapin ang mga problemang lumitaw sa taong ito, at harapin ang iyong sariling mga problema batay sa mga salita ng Diyos. Sa sandaling kontrolin ka ng iyong mga damdamin at ang mga ito ang mangingibabaw na puwersa sa iyo, napakahirap na makawala mula sa mga emosyonal na tanikala na gumagapos sa iyo, na makapasok sa realidad ng pagsasagawa sa katotohanan. Kaya ano ang ibig Kong sabihin sa lahat ng ito? Ang ibig Kong sabihin, ang lahat ay may iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa. Ito ay dahil hindi ka namumuhay nang hiwalay sa iba o namumuhay sa ibang planeta, at siyempre, hindi ka menor de edad, lalong wala kang kapansanan sa isipan o hindi ka isang hangal; ikaw ay nasa hustong gulang na, at mayroon kang mga ideya ng sa isang taong nasa hustong gulang na. Kasabay nito, hindi sinasadyang tinanggap mo rin ang iba’t ibang opinyon ng lipunan tungkol sa pag-aasawa, natanggap mo ang impormasyon tungkol sa pag-aasawa na nanggagaling sa lipunan at sa buktot na sangkatauhan. Pagkatapos tanggapin ang mga bagay na ito, hindi sinasadyang nagpapantasya ka sa kung sino ang iyong magiging romantikong kasintahan. Ano ang ibig sabihin ng pagpapantasya? Ang ibig sabihin nito ay pagbibigay-pansin sa mga hindi makatotohanan, walang kabuluhang kaisipan. Batay sa ating pinagbahaginan at inihayag, ito ay pangunahing nakatuon sa iba’t ibang opinyon tungkol sa pag-aasawa na nagmumula sa lipunan at sa buktot na sangkatauhan. Dahil wala kang tama, naaayon-sa-katotohanan na pananaw sa pag-aasawa, hindi maiiwasan na ikaw ay naiimpluwensiyahan, nasisira, at natitiwali ng iba’t ibang opinyon tungkol sa pag-aasawa na nagmumula sa lipunan at sa buktot na sangkatauhan, ngunit hindi mo ito alam at hindi mo ito namamalayan. Hindi mo nararamdaman na ito ay isang pagkasira, isang pagtitiwali. Hindi namamalayang tinatanggap mo ang impluwensiyang ito, at hindi namamalayang nagsisimula ka nang mag-isip na ito ay lubos na makatarungan at makatwiran, at iniisip mong natural lang ito, iniisip mong ito ay mga ideya na nararapat taglayin ng mga nasa hustong gulang na. Natural mong gagawin ang lahat ng ito na iyong sariling naaangkop na mga pamantayan at pangangailangan—ang mga wastong ideya na nararapat mayroon ang isang taong nasa hustong gulang na. Kaya, mula sa oras na matanggap mo ang mga mensaheng ito, lalo pang titindi at lalalim ang iyong mga pantasya tungkol sa pag-aasawa. Kasabay nito, patuloy na maglalaho ang iyong hiya tungkol sa pag-aasawa, o maaaring sabihin na mas lalo mong aayawan na tanggihan ang mga pantasyang ito tungkol sa pag-aasawa. Sa madaling salita, ang iyong mga pantasya tungkol sa iyong kasintahan o ang iba’t ibang eksena at bagay na may kinalaman sa pag-aasawa ay lalo pang magiging hindi sinasadya at mapangahas. Hindi ba’t totoo ito? (Totoo nga.) Habang mas tinatanggap ng mga tao ang mga opinyon at impormasyon tungkol sa pag-aasawa mula sa lipunan at sa buktot na sangkatauhan, mas lalo silang nagiging mapangahas at walang habas sa pagpapantasya tungkol sa sarili nilang pag-aasawa, sa paghahanap ng iibiging kasintahan, at pagpupursigi sa kasintahang iyon. Kasabay nito, umaasa sila na ang kanilang iniibig ay magiging katulad ng isang karakter na inilarawan sa isang romantikong nobela, TV drama, o romantikong pelikula—na mamahalin sila nito nang walang kondisyon, hanggang sa matuyo ang mga dagat at ang mga bato ay maging alikabok, nananatiling tapat hanggang sa kamatayan. Samantalang sila, labis din nilang iniibig ang kanilang kasintahan tulad ng ipinakikita ng mga TV drama at romantikong nobela, hanggang sa matuyo ang mga dagat at ang mga bato ay maging alikabok, nananatiling tapat hanggang sa kamatayan. Sa madaling salita, ang mga pantasyang ito ay hiwalay sa mga pangangailangan ng tunay na mundo ng pagkatao at ng buhay. Siyempre, ang mga ito ay hiwalay rin sa diwa ng pagkatao; ito ay ganap na hindi tugma sa totoong buhay. Kagaya ng anumang bagay na iniisip ng mga tao na mabuti, ang mga ito ay mga kaaya-ayang kaisipan lamang na nilikha ng imahinasyon ng mga tao. Sapagkat ang mga kaisipang ito ay hindi naaayon sa depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa at sa Kanyang mga pagsasaayos para dito, dapat bitiwan ng mga tao ang mga ideya at pananaw na ito na lubusang hindi naaayon sa mga katunayan, na hindi nila dapat hangarin sa una pa lamang.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.