Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1 (Ikalawang Bahagi)

Ang iba’t ibang emosyon na kinakailangang bitawan na tinatalakay natin ngayong araw ay mga bagay na malalim nang nakabaon sa kaluluwa ng mga tao. Ang epekto ng mga bagay na ito sa iyo ay hindi pansamantala lamang, sa halip, ang epekto ng mga ito ay malawak at malalim. Kapag nahihirapan kang makatulog sa gabi, kapag ikaw ay mag-isa, unti-unting pumapasok sa isip mo iyong mga tao, pangyayari, at bagay na nagdulot sa iyo ng mga negatibong emosyon at na mga malalim nang nakaugat sa iyong memorya. Isang salita, tunog, maging isang sumpa, pambubugbog, eksena, bagay, grupo ng mga tao, o ang pagkakasunod-sunod ng isang pangyayari mula umpisa hanggang katapusan—naglalaro sa isip mo na parang pelikula ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na ito na mula sa sulok ng iyong memorya na nagdulot sa iyo ng lahat ng uri ng negatibong emosyon. Paulit-ulit itong naglalaro sa isip mo, hanggang sa wakas, hindi mo namamalayang bumabalik ka sa mga negatibong emosyon na nagtatago sa kaibuturan ng iyong kaluluwa, at sa sandaling iyon na nakaapekto sa iyong mga damdamin, sa iyong pagkatao, personalidad, at buhay sa hinaharap. Kapag nag-iisa ka, kapag nahaharap ka sa mga paghihirap, kapag kailangan mong magpasya, at kapag nawawalan ka ng pag-asa, hindi mo mapigilang malugmok at iwasan ang lahat ng tao, binabalikan mo sa iyong kaloob-looban ang sitwasyon, pangyayari, at ang grupo ng mga tao na iyon na nagdulot sa iyo ng pasakit. Bagamat pakiramdam mo ay inatake at sinaktan ka ng mga tao, pangyayari, at bagay na ito, at itinanim ng mga ito sa iyo ang lahat ng uri ng negatibong emosyon, kapag nalulungkot o nalulumbay ka, kapag nahaharap ka sa kabiguan, kahit pa pinupungusan at iwinawasto ka o tinatanggihan ng iyong mga kapatid, hindi mo mapipigilan na bumalik sa negatibong damdamin na iyon na nakakaapekto sa buhay mo, ito man ay depresyon, poot, galit, o pagiging mas mababa. Bagamat nagdulot sa iyo ng lahat ng uri ng pasakit ang mga emosyong ito, o dahil sa mga ito ay nabahala ka, naiyak, o naging iritable, hindi mo pa rin mapigilan ang iyong sarili na magpabalik-balik sa negatibong emosyon na iyon na nararamdaman mo sa sandaling iyon. Kapag binabalikan mo ang sandaling iyon, lumalakas muli ang epekto ng negatibong emosyon na iyon sa iyo. Kapag paulit-ulit kang naaapektuhan, pinaaalalahanan at inaalerto ng negatibong emosyon na ito, hindi nakikitang ginagambala nito ang iyong pakikinig sa mga salita ng Diyos at ang iyong pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag muling lumitaw ang mga negatibong emosyong ito sa kaibuturan ng iyong puso, kapag pilit nitong pinangingibabawan ang iyong mga iniisip, mas mababawasan ang iyong interes sa katotohanan, magiging pagkamuhi pa nga ito, o maaaring lumitaw ang mga pakiramdam ng kagustuhang sumuway. Dahil sa pasakit at hindi patas na pagtrato na natanggap mo noon, maaaring lalo kang mapoot sa sangkatauhan at lipunan, at kamumuhian mo ang lahat ng nangyari, pati na rin siyempre ang lahat ng mangyayari sa hinaharap. Palagiang naipapamalas ang mga emosyong ito sa loob ng puso mo, at paulit-ulit na naiimpluwensyahan ng mga ito ang iyong mga damdamin, ang iyong kalagayan at ang iyong kondisyon. Paulit-ulit ding naiimpluwensyahan ng mga ito ang nadarama mo sa pagganap sa iyong tungkulin, gayundin ang iyong saloobin at mga pananaw sa iyong pagganap ng tungkulin, at siyempre, ang iyong motibasyon at kapasyahan sa paghahangad sa katotohanan. Minsan, kasisimula mo pa lang magpasya na hahangarin mo ang katotohanan at hinding-hindi ka na muling malulumbay, na hinding-hindi ka na muling maniniwala na hindi sapat ang husay mo at na hindi ka na muling aatras; gayunpaman, kapag ang iyong puso ay napuno ng isang panandaliang negatibong emosyon, maaaring tuluyang mawala ang motibasyon mo sa paghahangad sa katotohanan, naglalaho nang walang anumang bakas sa isang iglap. Kapag ang iyong motibasyon na hangarin ang katotohanan ay naglaho nang walang naiwang bakas sa ganitong uri ng sitwasyon, mararamdaman mo na hindi interesante ang paghahangad sa katotohanan at na ang pananampalataya sa Diyos at ang mailigtas ay walang kabuluhan para sa iyo. Dahil sa paglitaw ng ganitong uri ng damdamin at kalagayan, ayaw mo na muling lumapit sa Diyos, ayaw mo nang basahin ang mga salita ng Diyos sa panalangin o makinig sa mga salita ng Diyos, at siyempre, mas lalong wala ka nang determinasyon o pagnanais na isagawa ang mga salita ng Diyos, o maging isang tao na naghahangad sa katotohanan. Ito ang napakalaking hadlang at epekto ng iba’t ibang negatibong emosyong ito sa mga taong tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang mas tumpak pa, nagdudulot ang mga ito ng mga pagkagambala at pinsala sa mga tao, at paminsan-minsan, pawawalan ng mga ito ng kabuluhan ang katiting na tiwala sa sarili na kakaipon mo lang at ang iilang prinsipyo ng pag-asal na kakaunawa mo lang. Sa isang iglap, dahil sa mga ito ay hindi mo na madarama sa kaibuturan ng iyong puso ang pag-iral, mga pagpapala, at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang Kanyang mga panustos para sa iyo, at kaagad kang napupuno ng isa sa mga negatibong emosyong ito. Kapag napuno ka ng mga negatibong emosyon na ito, kaagad kang makokontrol ng iyong mga tiwaling disposisyon. Kapag nakontrol ka ng iyong mga tiwaling disposisyon, kaagad kang magiging ibang tao at ibang mukha ang ihaharap mo sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo. Ang pagmamahal na mayroon ka noon ay naglaho na, ang pagtitimpi na mayroon ka noon ay naglaho na, ang sigla na mayroon ka noon para magdusa at magbayad ng halaga, para magtiis ng mga paghihirap at magsikap ay naglaho na, ang dati mong motibasyon na nagtutulak sa iyo na laktawan ang isang pagkain at matulog nang mas maiksing oras upang maayos na magampanan ang tungkulin mo ay naglaho na, at ang pumalit dito ay pagkapoot sa bawat tao. Ano ang pangunahing pinagmumulan ng pagkapoot na nadarama mo para sa lahat ng tao? Nagmumula ito sa iyong tiwaling disposisyon, ngunit mula rin ito sa mga sitwasyon, tao, pangyayari at bagay na naranasan mo noon na nagdulot sa iyo ng mga negatibong emosyon. Sinasabi mo, “Nagpaparaya ako sa iba, pero sino ang nagpaparaya sa akin? Nagpapakita ako ng pang-unawa sa iba, pero sino ang nagpapakita ng pang-unawa sa akin? Maging ang mga magulang at mga kapatid ko ay hindi ako pinapakitaan ng anumang pang-unawa! Lahat ng ibang tao ay nagkakamali, kaya maaari din akong magkamali! Ang ibang tao ay nagbubulalas ng pagkanegatibo kapag iwinawasto at pinupungusan, kaya bakit hindi pwedeng ako rin? Ang ibang tao ay pwedeng dumiskarte para magkaroon ng impluwensya at posisyon, kaya bakit hindi pwedeng ako rin? Kung nagagawa mo ito, magagawa ko rin ito! Ang ibang tao ay nandaraya at umiiwas sa mga responsabilidad kapag gumaganap sa kanilang mga tungkulin, kaya gagawin ko rin ito. Ang ibang tao ay hindi naghahangad sa katotohanan, kaya hindi ko rin gagawin iyon. Ang ibang tao ay kumikilos nang walang mga prinsipyo, kaya ganoon din ang gagawin ko. Ang ibang tao ay hindi pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kaya hindi ko rin ito poprotektahan. Susundin ko lang ang ginagawa ng lahat. Ano naman ang mali roon?” Anong uri ng pagpapamalas ito? Tingnan man natin ito sa usapin ng iyong mga kaisipan o sa disposisyong ipinapakita mo, sadyang ito ay napakalaking pagbabago, na tila ba naging ibang tao ka na. Ano ang nangyayari dito? Ang pinakaugat ay na nagkaroon ng pagbabago sa loob mo. Maaaring ganoon ka pa rin tingnan sa panlabas at ang iyong pang-araw-araw na nakagawian ay walang pinagbago, ang tono ng pananalita mo ay walang pinagbago, ang hitsura mo ay walang pinagbago, at walang umaakay sa iyo o sumusulsol nang palihim, kaya bakit biglaan ang pag-usbong ng mga emosyon? Ang isang dahilan ay na idinulot ito ng mga negatibong emosyon na itinanim sa kaibuturan ng iyong puso. Kapag maganda ang kalagayan ng isang taong palaging nagkikimkim ng mga negatibong damdamin ng poot at galit sa kanyang kalooban, madalas siyang lalapit sa Diyos para magdasal, magbasa ng mga salita ng Diyos at sisiguruhin niya na magiging normal ang takbo ng lahat ng bagay kapag hinahangad niya ang katotohanan at ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung nahaharap siya sa isang bagay na hindi niya gusto, o nahaharap siya sa isang balakid, pagkabigo, o kahihiyan sa trabaho o sa buhay, o dumaranas siya ng pagkapahiya o pagkapinsala sa kanyang mga interes, nagpupuyos siya sa galit at nagwawala dahil sa poot at galit na idinulot ng mga negatibong emosyon sa loob niya. Marahil ay nakaranas siya dati ng mga pangyayari na hindi pangkaraniwan, gaya ng pagmamaltrato, o ng walang dahilang pambubugbog ng masasamang tao, o ng pagkamkam ng kanyang ari-arian, o pang-aapi at pamamahiya pa nga ng malulupit na tao; ang ilang tao ay maaaring nagkaroon ng mga katrabaho o mga superbisor na pinahihirapan sila sa trabaho, at ang ilang tao ay maaaring nakaranas ng diskriminasyon at hindi patas na pagtrato mula sa mga kaklase at guro sa paaralan dahil sa kanilang mabababang grado, mahirap na kalagayan ng pamilya, o dahil ang kanilang mga magulang ay magsasaka at nagmumula sa mababang antas ng lipunan, at iba pa. Kapag dumaranas ang isang tao ng maraming uri ng hindi patas na pagtrato sa lipunan, kapag inalis ang kanyang mga karapatang pantao, kapag binawi ang kanyang mga interes o kinuha ang kanyang mga pag-aari, natural na maitatanim ang mga binhi ng poot sa kaibuturan ng kanyang puso, at tulad ng inaasahan, dadalhin niya ang poot na ito sa paraan niya ng pakikipagharap sa lipunan, sangkatauhan, at maging sa sarili niyang pamilya, at sa kanyang mga kaibigan at kamag-anak. Ang mga pananaw ng mga taong may poot na nakatanim sa kanilang puso ay naiimpluwensyahan ng poot na ito, at natural na maaapektuhan din nito ang kanilang mga emosyon.

Sa sandaling mag-ugat na nang malalim ang poot sa puso ng isang tao, natural itong nagiging isang emosyon, at kapag namumuhay ang isang tao sa emosyong ito ng pagkapoot, hindi na magiging wasto ang kanyang perspektiba sa sangkatauhan at sa anumang usapin. Ang kanyang mga pananaw sa mga tao at mga bagay-bagay ay nagiging baluktot at salungat sa karaniwan niyang mga pananaw dito. Hindi na niya magawang maunawaan nang tama ang anumang normal at wastong tao, pangyayari, o bagay, at huhusgahan at kokondenahin rin niya ang mga ito. Palagi siyang naghahanap ng mga pagkakataon na maibulalas ang kanyang mga hinaing at poot. Umaasa siya na balang araw ay magkakaroon siya ng kapangyarihan at impluwensya, at na magagawa niyang itama ang lahat ng mga hinaing na ito at na makapaghiganti sa mga nang-api at nanakit sa kanya noon. Gayunpaman, sa ngayon, wala pa siyang naaangkop na paraan upang magawa ito, kaya, sa huli, ang ilan sa kanila ay mananalig sa Diyos. Matapos nilang magsimulang manalig sa Diyos, iniisip nila na, “Nananalig na ako ngayon sa Diyos at makapagmamalaki na ako. Hahayaan ko ang Diyos na magpasya para sa akin para makuha ng malulupit na taong iyon ang nararapat na parusa para sa kanila. Napakaganda nito!” Kaya, ngayong nananalig na sila sa Diyos, ibinabaon nila ang kanilang poot at galit sa kaloob-looban, ibinibigay nila ang lahat nila para gugulin ang kanilang sarili, bayaran ang halaga, magdusa, magpakaabala at gumawa sa sambahayan ng Diyos, umaasa na balang araw ay susuwertehin sila dahil sa kanilang mga pagsisikap at magbabago ang mga bagay-bagay, at kapag dumating ang araw na mas malakas na sila at hindi na mahina, sisiguruhin nilang maparurusahan ang mga nang-api at namahiya sa kanila nang husto. Ang layon nila sa paggawa ng lahat ng ito ay ang masaksihan ng sarili nilang mga mata ang kaparusahan at paghihiganti na inilapat sa mga taong nagdulot sa kanila ng walang katapusang pasakit at kahihiyan. Dala-dala nila ang emosyong ito sa kanilang pananampalataya sa Diyos, nagbabayad sila ng halaga, at gumugugol ng kanilang sarili. Sa panlabas, tila kailanman ay hindi sila nagrereklamo o nagnanais o nangangailangan ng anuman, na buong puso lang talaga nilang ibinubuhos ang kanilang sarili sa pagganap ng kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at na walang pagdurusa ang hindi nila kayang tiisin. Gayunpaman, ang totoo ay nananatiling hindi nalulutas at hindi nila nabibitiwan ang mga emosyong iyon ng poot at galit sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa sandaling may isang tao na magbigay ng opinyon at magbunyag sa kanilang tiwaling disposisyon, hindi namamalayang agad silang bumabalik sa mga emosyon nila ng poot at galit upang maharap at malutas ang problemang ito. Iniisip nila, “Minamaliit mo ba ako? Sinusubukan mo bang apihin ako dahil iniisip mong mangmang ako? Napakaraming tao ang nang-aapi sa akin, pero maghintay ka lang at makikita mo ang kahihinatnan nila!” May masabi lang ang isang tao na isang bagay tungkol sa kanila at sinasaktan na nila ang taong ito, kahit na hindi naman iyon sinasadya. Pero kung may nababanggit ang taong iyon na ikinagagalit nila, napupukaw ang kanilang poot at galit, kaya’t hindi namamalayang bumabalik sila sa pagkapoot sa lahat ng bagay. Malinaw na ang pananaw, ang emosyong ito, ay nakaapekto sa kanilang perspektiba at saloobin sa mga tao at bagay-bagay, at sa mga paraan ng kanilang pag-asal at pagkilos. Kahit sino pa ang magbanggit ng mga lehitimong opinyon at mga suhestiyon sa kanila, iniisip nila palagi na, “Minamaliit nila ako at nais nila akong apihin. Tingin ba nila ay madali lang akong alipustahin?” Ginagamit nila ang pananaw na ito at ang pamamaraang ito ng paggawa sa mga bagay-bagay upang harapin ang sitwasyon, samantalang lalong bumabaon sa puso nila ang kanilang mga emosyon ng poot at galit. Sa sandaling ang mga emosyon ng poot at galit ay malalim nang naitanim sa kaibuturan ng kanilang puso, patuloy na uusbong ang mga ito, at patuloy na gagamitin ng taong iyon ang mga ito upang harapin ang lahat ng uri ng tao, pangyayari at bagay, at palagi rin nilang pinapaalalahanan ang kanilang sarili na kailangan nilang kapootan ang lahat ng tao at na walang taong mabait sa kanila. Kahit maniwala sila sa isang saglit na mabait sa kanila ang isang tao, sasabihin nila sa kanilang sarili sa lalong madaling panahon, nang hindi sinasadya at hindi namamalayan, na, “Huwag kang mag-isip ng ganyan. Maliban sa Diyos na tunay na mabuti, walang tao na mabuti. Nasisiyahan ang lahat ng tao sa mga kamalasan mo at walang may nais na mapabuti ka. Iniisip nila na mangmang ka kaya’t inaapi ka nila, at kapag nakikita nilang nagtatagumpay ka sa isang bagay, bobolahin ka lang nila at susubukang sumipsip sa iyo. Kaya huwag maniwala sa sinuman at huwag isipin na mabait ang sinuman. Dapat kang maging mapagbantay at mapaghinala sa ibang tao.” Sa tuwing may sinasabi sa kanila ang isang tao, sinusuri nila ang sinabi nito, iniisip na, “Pinupuntirya ba niya ako? Bakit niya iyon sinabi? Sinusubukan ba niyang atakihin ako at gantihan ako dahil sa isang bagay? Sinusubukan ba niya akong alipustahin?” Ang mga damdamin na ito ng paghihinala, poot at galit ay paulit-ulit na nagpapaalala sa kanila at nag-uudyok sa kanila na hindi mamalayang gamitin ang mga damdaming ito sa kanilang pagharap at pakikitungo sa bawat uri ng tao, pangyayari, at bagay, subalit sila mismo ay hindi alam na ang lahat ng ito ay mga uri ng negatibong emosyon. Ang mga negatibong emosyong ito ay mahigpit na kumokontrol sa kanilang paghusga at mahigpit na iginagapos ang kanilang pag-iisip, at pinipigilan sila ng mga ito na tingnan ang sinumang tao, pangyayari o bagay mula sa tamang perspektiba o pananaw. Kapag nagsimulang mamuhay ang isang tao sa ilalim ng impluwensya ng mga negatibong emosyon na ito, nagiging napakahirap na makatakas sa kontrol ng mga ito. Bago bitiwan ng isang tao ang mga negatibong emosyong ito, hindi niya namamalayang namumuhay siya sa loob ng mga ito, at mula sa mga ito niya tinitingnan ang mga tao, pangyayari at bagay, hinaharap ang mga tao, pangyayari, at bagay gamit ang mga maling pananaw na umusbong mula sa mga negatibong emosyong ito. Una, hindi maiiwasan na humahantong ito sa kalabisan, paghihinala, pagdududa, at maging sa pagkamainitin ng ulo, at tinitingnan din niya ang iba nang may pagkamuhi at inaatake niya ang mga ito. Kinokontrol ng mga negatibong emosyong ito ang mga iniisip at pananaw ng tao sa kanyang puso, at kinokontrol ng mga ito ang kanyang bawat salita at gawa. Kaya naman, kapag narumihan ang taong ito nitong mga negatibong emosyon, kung siya ay isang taong naghahangad sa katotohanan, ang mga negatibong emosyong ito ay magdudulot ng mga balakid at makakaapekto sa kanyang puso at isipan, at kaya mababawasan nang husto ang pagsasagawa niya sa katotohanan. Dahil sa karumihan, paggambala, at pinsalang idinulot ng mga negatibong emosyong ito, mayroong limitasyon sa katotohanang kaya niyang isagawa, at kapag nahaharap siya sa isang sitwasyon, palagi siyang naiimpluwensyahan ng kanyang mga damdamin. Siyempre, ang pinakamalalang epekto ay na napapasailalim siya sa impluwensya ng iba’t ibang negatibong emosyong ito, kaya para sa kanya ay nagiging sobrang nakakapagod ang pagsasagawa sa katotohanan. Hindi niya magawang gamitin ang konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao, ni hindi niya magamit ang malayang kalooban at likas na gawi na nilikha ng Diyos, pati na rin ang mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa at sundin ng tao sa kanyang pakikitungo sa mga tao at bagay-bagay sa paligid niya, at sa kanyang paghuhusga sa mga tao at bagay-bagay sa paligid niya.

Mula sa mga bagay na ito na tinalakay Ko hanggang sa ngayon, paano mo man ito tingnan, sa magkakaibang antas ay malinaw na sinasakop ng iba’t ibang negatibong emosyon ang isip ng bawat tao. Dahil sinasakop ng mga ito ang isipan ng mga tao, lilitaw ang ilang paghihirap habang isinasagawa nila ang katotohanan. Kaya naman, habang dumaraan sila sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, dapat patuloy na bitiwan ng mga tao ang mga tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot sa kanila ng mga negatibong emosyon. Halimbawa, ang negatibong emosyon ng pagiging mas mababa na tinalakay natin kamakailan. Anuman ang sitwasyong nagdulot sa iyo na makaramdam ng pagiging mas mababa o kung sino o anong pangyayari ang sanhi nito, dapat mong taglayin ang tamang pagkaunawa sa iyong sariling kakayahan, mga kalakasan, talento, at sa kalidad ng sarili mong pagkatao. Hindi tama na makaramdam ng pagiging mas mababa, hindi rin tama na makaramdam ng pagiging mas nakatataas—parehong negatibong emosyon ang mga ito. Maaaring gapusin ng pagiging mas mababa ang iyong mga kilos at kaisipan, at iimpluwensyahan ang iyong mga pananaw at saloobin. Ang pagiging mas mataas ay mayroon ding ganitong negatibong epekto. Kaya, ito man ay pagiging mas mababa o iba pang negatibong emosyon, dapat mong taglayin ang tamang pagkaunawa sa mga interpretasyon na humahantong sa paglitaw ng emosyong ito. Una, dapat mong maunawaan na ang mga interpretasyong iyon ay hindi tama, at ito man ay tungkol sa iyong kakayahan, talento, o sa kalidad ng iyong pagkatao, ang mga pagsusuri at kongklusyon nila sa iyo ay palaging mali. Kaya, paano mo tumpak na masusuri at makikilala ang iyong sarili, at paano ka makalalaya sa pakiramdam ng pagiging mas mababa? Dapat mong gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan sa pagkilala sa iyong sarili, pag-alam sa kung ano ang iyong pagkatao, kakayahan, at talento, at kung anong mga kalakasan ang mayroon ka. Halimbawa, ipagpalagay na dati kang mahilig at magaling kumanta, pero palagi kang pinupuna at minamaliit ng ilang tao, sinasabing hindi ka makasabay sa tugtog at na wala ka sa tono, kaya ngayon ay nadarama mo na hindi ka magaling kumanta at hindi ka na naglalakas-loob na gawin ito sa harap ng ibang tao. Dahil mali kang sinuri at hinusgahan ng mga taong iyon na makamundo, magulo ang isip, at pangkaraniwan, nabawasan ang mga karapatan na nararapat sa iyong pagkatao, at napigilan ang iyong talento. Bilang resulta, ni hindi ka na naglalakas-loob na kumanta ng isang awitin, at matapang ka lang na nakakakanta nang malaya at malakas kapag walang tao sa paligid at nag-iisa ka. Dahil karaniwan ay nararamdaman mo na masyado kang napipigilan, kapag hindi ka nag-iisa, hindi ka nangangahas na kumanta ng awitin; nangangahas ka lang na kumanta kapag mag-isa ka, tinatamasa ang oras na nagagawa mong kumanta nang malakas at malinaw, at sobrang kaaya-aya at malaya ang pakiramdam mo sa oras na iyon! Hindi ba’t totoo iyon? Dahil sa pinsalang nagawa sa iyo ng mga tao, hindi mo alam at hindi mo malinaw na nakikita kung ano ba talaga ang kaya mong gawin, kung saan ka magaling, at kung saan ka hindi magaling. Sa ganitong sitwasyon, kailangan mong gumawa ng tamang pagsusuri at sukatin nang tama ang iyong sarili batay sa mga salita ng Diyos. Dapat mong pagtibayin kung ano ang natutunan mo at kung saan nakasalalay ang mga kalakasan mo, at humayo ka at gawin mo ang anumang kaya mo; para naman sa mga bagay na hindi mo kayang gawin, ang iyong mga kakulangan at kapintasan, dapat mong pagnilayan at kilalanin ang mga ito, at dapat din na tumpak mong suriin at alamin kung ano ang kakayahan mo, at kung mahusay o mahina ba ito. Kung hindi mo maunawaan o malinaw na makilala ang sarili mong mga problema, kung gayon, hilingin mo sa mga tao sa paligid mo na may pagkaunawa na kilatasin ka. Tumpak man o hindi ang sasabihin nila, kahit papaano ay mabibigyan ka nito ng pagbabatayan at pag-iisipan at mabibigyan ka nito ng kakayahan na magkaroon ng batayang pagsusuri o paglalarawan sa iyong sarili. Pagkatapos, malulutas mo na ang seryosong problema ng mga negatibong emosyon gaya ng pagiging mas mababa, at unti-unti kang makakaahon mula sa mga ito. Ang gayong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa ay madaling lutasin kung magagawa ng isang tao na kilalanin ito, mamulat tungkol dito, at hanapin ang katotohanan.

Para sa mga nagdusa ng hindi patas na pagtrato, na mga pinagmalupitan at diniskrimina ng lipunan, sa kanilang iba’t ibang propesyon, at sa iba’t ibang kapaligiran, madali bang lutasin ang mga pakiramdam ng poot at galit sa loob nila? (Oo.) Paano nalulutas ang mga ito? (Dapat nilang tingnan ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay alinsunod sa mga salita ng Diyos, bitawan ang mga negatibong emosyong ito ng poot at galit at bitawan ang mga tao, pangyayari at bagay na nakasakit sa kanila noon.) “Ang pagbitaw” ay pawang mga salita lamang—paano ka ba makabibitaw? Halimbawa, nakipagtagpo ang isang babae sa isang lalaki, at sa huli, siya ay nalansi na makipagsiping sa lalaking ito at naperahan siya nito, at sa tuwing naiisip niya ang pangyayaring ito, bigla na lang siyang nagpupuyos sa galit, at kapag umuusbong ang galit na ito, ikinukuyom niya ang kanyang mga kamao at napupuno ng poot ang kaibuturan ng kanyang puso. Iniisip niya ang mukha ng lalaking iyon, iniisip niya ang lahat ng sinabi nito, iniisip niya ang lahat ng pananakit na ginawa nito sa kanya, at habang mas iniisip niya ang mga bagay na ito, mas lalo siyang naghihinanakit, mas lalong kumukulo ang dugo niya, mas lalo siyang nagpupuyos sa galit, at mas tumitindi ang kanyang kapighatian. Iniisip niya ito nang iniisip at ayaw na niyang gawin ang kanyang tungkulin, at palubha nang palubha ang pakiramdam niya, sinasabi niya sa kanyang sarili na huwag magpahinga at sa halip ay magpatuloy lang sa pagtatrabaho at pakikipag-usap sa ibang tao, at kapag hindi siya makatulog sa gabi, umaasa siya sa mga gamot na pampatulog. Hindi siya nangangahas na mapag-isa o pagpahingahin ang puso niya. Sa sandaling maging mag-isa siya, sa sandaling magpahinga siya, umuusbong ang poot na ito sa kanya at ninanais niyang maghiganti, gusto niyang mamatay ang nanakit sa kanya, at mas mainam para sa kanya kung mas karima-rimarim ang kamatayan nito. Kung isang araw ay talagang mabalitaan niya ang kalunus-lunos na kamatayan ng lalaking iyon, saka lamang niya mabibitawan ang mga pakiramdam ng poot at galit. Pag-isipan ito: Kung namatay na nga ang lalaki, kung nakuha niya ang nararapat sa kanya at siya ay naparusahan, mabubura mo ba ang pangyayaring iyon na nagdulot sa pag-usbong ng poot at galit at ang alaala na malalim nang nakabaon sa kaibuturan ng iyong puso? Magagawa mo ba talagang bitawan ang poot sa pangyayaring iyon? Tunay ba itong maglalaho? (Hindi.) Kaya, ang paraan ba upang malutas ang poot at galit ay ang maglaho ang taong iyon na nanakit sa iyo at magdusa siya ng kaparusahan, o magkaroon ng kalunos-lunos na kamatayan, o dumanas ng paghihiganti, o mapahamak sa huli? Ito ba ang paraan para makabitaw sa poot at galit? (Hindi.) Kaya naman, sinasabi ng ilang tao, “Kapag natuklasan mong nagkikimkim ka ng mga emosyong ito ng poot at galit, dapat mong bitawan ang mga ito.” Ito ba ang landas ng pagsasagawa? (Hindi.) Kaya ano ang ibig sabihin kapag sinasabi ng isang tao na, “Dapat mong bitawan ang mga ito”? (Ito ay doktrina.) Tama, ito ay doktrina, hindi ang landas ng pagsasagawa. Kasasabi Ko lang sa inyo kung paano lutasin ang pakiramdam ng pagiging mas mababa, at ito ay isang paraan upang mabitawan ang pagiging mas mababa. Ngayon ba ay mayroon na kayong landas ng pagsasagawa? (Oo.) Kaya paano ninyo mabibitawan ang poot at galit? Landas ba ng pagsasagawa ang hindi isipin ang mga ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na pawiin mo ang mga ito sa iyong memorya—ito ba ang paraan para malutas ang problema? Mangangahulugan ba ito na binitawan ninyo ang mga bagay na ito? (Hindi.) Ang pag-iling ng inyong ulo, pagpikit ng inyong mga mata at hindi pag-iisip ng anumang bagay, o ang pagpapakaabala ay hindi ang paraan upang malutas ang problemang ito, at hindi ito ang tamang landas ng pagsasagawa para mabitawan ang mga negatibong emosyong ito. Kaya ano ba ang partikular na landas ng pagsasagawa? Paano ninyo mabibitawan ang mga bagay na ito? Paano ninyo malulutas ang usaping ito? Mayroon ba kayong mahusay na paraan ng paggawa nito? Upang mabitawan ang mga bagay na ito, dapat ninyong harapin ang mga ito, hindi ang taguan o takasan ang mga ito. Hindi ka ba natatakot na maging mag-isa? Hindi ka ba natatakot na gunitain ang pangyayaring ito? Hindi ka ba natatakot na may isang taong muling mananakit sa iyo? Kaya harapin mo ito, isipin ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na iyon na nakapanakit sa iyo at nakapagdulot sa iyo na makaramdam ng poot at galit noon, at lahat ng tao na nag-iwan ng malalim na impresyon sa iyo at iyong mga naaalala mo, at pagkatapos ay isulat mo ang lahat ng ito, isa-isang kilatisin ang kanilang pagkatao batay sa mga salita ng Diyos, alamin ang kanilang mga disposisyon, suriin, ilantad at kilalanin ang kanilang diwa, at tingnan kung anong klase ba talaga ng tao ang mga iyon. Ang pinal mong kongklusyon—ang tanging kongklusyong nakukuha mo—ay na masasama ang lahat ng taong iyon, sila ay mga demonyo, at hindi mga tao! Anuman ang pamamaraang ginagamit nila para saktan, lansihin, at pinsalain ka, ang diwa nila ay sa mga demonyo, hindi sa mga tao, at talagang hindi sila mga bagay na pinili ng Diyos. Wala sa mga taong iyon ang may kakayahan na makapasok sa sambahayan ng Diyos, samantalang ikaw ay hinirang ng Diyos. Nagagawa mo nang makinig ngayon sa mga sermon sa sambahayan ng Diyos, gampanan ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at makalapit sa Diyos—ito ang pagtataas sa iyo ng Diyos at pagpapakita Niya sa iyo ng kabutihan. Sa kabilang banda, ang mga taong iyon ay kailanman hindi itinuring na mga tao sa mga mata ng Diyos. Kaya, sa sandaling manalig ka sa Diyos, dapat kang dumistansya sa kanila. Kung nais mo pa ring magkaroon ng ugnayan sa kanila, tiyak na hindi ka mananaig laban sa kanila, at ikaw ay masisiil at mapaparusahan nila, at madidiskrimina at maiinsulto nila, mapipinsala nila, at maaabuso pa nga nila. Ang lahat ng kanilang ginagawa ay nagpapakita ng kung ano ang ginagawa ng mga demonyo at ni Satanas. Kung nasisiyahan kang makipag-ugnayan at makipaglaban sa kanila, kung gayon, hindi ka rin isang tao. Kagaya ka lang nila, at may kakayahan ka ring gawin ang mga bagay na ginagawa nila. Ito ay dahil hindi lang nilalansi ng mga demonyo ang mga tao, kundi ay pinipinsala din nila ang isa’t isa—ito ang kalikasan ng isang demonyo. Dahil nakikita ng mga demonyo na hinirang ka ng Diyos at nabibilang ka sa sangkatauhang nilikha ng Diyos, paanong hindi ka nila pupuntiryahin? Paanong hindi ka nila sasaktan at lalansihin? Lahat ay pinipinsala nila. Pinipinsala nila ang isa’t isa, kaya lalong hindi nila titigilan o hahayaan ang mga tao! Ipinapakita nito na ang mundo at sangkatauhang ito ay malademonyo at umaapaw sa mga gawa ni Satanas. Napakahirap na maging isang mabuting tao, at napakahirap din na maging isang ordinaryong tao na inaalipusta ng sinuman. Sinusubukan mong iwasan ito, pero hindi mo magawa. Ganito talaga ang mundo. Mula sa sapat na pagkaunawa upang makapagsimula sa pag-aaral, hanggang sa pagpasok sa lipunan at pagsisimula sa trabaho, hanggang sa kamatayan, sino ba ang hindi kailanman naalipusta sa buong buhay nila, o nalinlang o nausig? Tiyak na walang ganitong tao. Gaano man kahusay ang kasanayan o kakayahan mo, palaging may isang taong mas nangingibabaw kaysa sa iyo na aalipustahin ka. Gayunpaman, ang kaibahan ay na ang bawat isa ay may iba’t ibang pilosopiya sa pamumuhay. Ang ilang tao ay nagtitiis ng paghihirap at nagpapasakop dito, pero ang ilan ay naiiba. Pagkatapos malinlang nang maraming beses, at pagkatapos maapi nang husto hanggang sa puntong hindi na nila ito masikmura at pagkatapos magdusa nang malala, ang mga emosyong gaya ng poot at galit ay umuusbong sa loob nila, at kinapopootan nila kapwa ang sangkatauhan at ang lipunan. Sa sandaling malinaw mong makita ang diwa at kalikasan ng mga pumipinsala sa iyo at makita mo na ang kanilang diwa ay sa mga demonyo, ang poot at galit na nararamdaman mo ay hindi na nakatuon sa mga tao, at sa halip ay sa mga demonyo na, kung gayon, hindi ba’t nababawasan ang iyong poot? (Oo.) Medyo nababawasan na ang iyong poot. At ano ang pakinabang ng nabawasan na ito? Kapag naharap kang muli sa ganoong uri ng sitwasyon, hindi ka na magiging emosyonal at hindi mo na haharapin ang sitwasyon nang mainit ang ulo. Sa halip, haharapin mo ito nang tama, kikilatisin at pangangasiwaan mo ito gamit ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, haharapin mo iyong mga muling puminsala sa iyo mula sa pananaw ng konsiyensiya at katwiran ng pagkatao, at gagamitin mo ang paraang itinuro sa iyo ng Diyos, ang paraan at mga prinsipyo na sinabi sa iyo ng Diyos, sa iyong pagharap sa mga ito. Kung haharapin mo ang mga ito gamit ang paraang sinabi sa iyo ng Diyos, hindi na muling lilitaw ang poot at galit sa iyo, sa halip, makikilala mo ang katiwalian ng sangkatauhan, makikilala ang mukha ng mga demonyo, at makukumpirma at matitiyak mo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan sa mas malalim at progresibong paraan. Kapag ginagamit mo ang mga salita ng Diyos at ang paraang sinabi sa iyo ng Diyos, ang paraang itinuro Niya sa iyo, upang tingnan ang isang usapin na gaya nito, kung gayon ay maliban sa hindi ka muling mapipinsala ng ganitong usapin, at maliban sa hindi na nito mapapalalim ang iyong poot at galit, unti-unti nitong mababawasan ang poot at galit sa kaibuturan ng iyong puso, at habang paulit-ulit mong nararanasan ang ganitong uri ng usapin, ang iyong tayog ay lalago, at ang disposisyon mo ay magbabago.