Mga Salita sa Kung Paano Danasin ang mga Pagkabigo, Pagbagsak, Pagsubok, at Pagpipino (Sipi 63)

May ilang tao na madalas magkasakit, ngunit gaano man sila manalangin sa Diyos, hindi pa rin sila gumagaling. Gaano man nila kagustong mawala ang karamdaman nila, hindi nila kaya. Minsan, maaari pa nga silang maharap sa mga agaw-buhay na sitwasyon at napipilitan sila na diretsong harapin ang mga ito. Sa katunayan, kung ang isang tao ay talagang may pananampalataya sa Diyos sa kanyang puso, una sa lahat, dapat ay alam niyang nasa mga kamay ng Diyos ang haba ng buhay ng isang tao. Ang panahon ng kapanganakan at kamatayan ng isang tao ay itinakda ng Diyos. Kapag nagbibigay ng karamdaman ang Diyos sa mga tao, may dahilan sa likod nito—may kahulugan ito. Parang isa itong karamdaman sa kanila, ngunit, ang totoo, ang naipagkaloob sa kanila ay biyaya, hindi karamdaman. Una sa lahat, kailangang kilalanin at tiyakin ng mga tao ang katotohanang ito, at seryosohin ito. Kapag nagkakasakit ang mga tao, maaari silang lumapit nang madalas sa Diyos, at tiyakin na gawin nila ang nararapat, nang may kahinahunan at pag-iingat, at tratuhin ang kanilang tungkulin nang may higit na pag-iingat at kasipagan kaysa sa iba. Pagdating sa mga tao, ito ay isang proteksyon, hindi mga kadena. Ito ang negatibong paraan ng pamamahala sa mga bagay-bagay. Dagdag pa riyan, ang haba ng buhay ng lahat ng tao ay natukoy na ng Diyos noon pa man. Maaaring lumitaw na nakamamatay ang isang karamdaman mula sa pananaw ng isang doktor, ngunit sa pananaw ng Diyos, kung kailangan pa ring magpatuloy ang buhay mo at hindi mo pa oras, hindi ka maaaring mamatay kahit gusto mo. Kung nabigyan ka ng Diyos ng isang atas, at hindi pa tapos ang iyong misyon, hindi mo ikamamatay ang isang karamdaman na dapat ay nakamamatay—hindi ka pa kukuhain ng Diyos. Kahit hindi ka nagdarasal at naghahanap ng katotohanan, o hindi mo inaasikaso ang pagpapagamot sa iyong karamdaman, o kahit ipagpaliban mo ang iyong pagpapagamot, hindi ka mamamatay. Totoo ito lalo na sa mga taong nakatanggap ng atas mula sa Diyos: Kapag hindi pa tapos ang kanilang misyon, anumang karamdaman ang dumapo sa kanila, hindi sila dapat mamatay kaagad; dapat silang mabuhay hanggang sa huling sandali ng pagtatapos ng misyon. May ganito ka bang pananampalataya? Kung wala, mabababaw na panalangin lang ang iaalay mo sa Diyos at sasabihing, “Diyos ko! Kailangan kong matapos ang atas na ibinigay Mo sa akin. Nais kong gugulin ang mga huling araw ko nang tapat sa Iyo, nang sa gayon ay wala akong pagsisisihan. Dapat Mo akong protektahan!” Bagama’t ganito ka magdasal, kung wala kang inisyatibang hanapin ang katotohanan, hindi ka magkakaroon ng determinasyon at lakas na ipamuhay ang katapatan. Dahil hindi ka handang ibigay ang totoong kabayaran, madalas mong ginagamit ang ganitong uri ng palusot at ganitong paraan upang manalangin sa Diyos at makipagnegosasyon sa Kanya—ito ba ang taong naghahangad ng katotohanan? Kung pagagalingin ang iyong karamdaman, magagawa mo ba talaga nang maayos ang iyong tungkulin? Posibleng hindi. Ang katotohanan ay, kung nakikipagnegosasyon ka man upang mapagaling ang iyong karamdaman at hindi ka mamatay, o kung may iba ka pang intensyon o layunin dito, sa pananaw ng Diyos, kung kaya mong gawin ang iyong tungkulin at magagamit ka pa, kung nagpasya ang Diyos na gamitin ka, hindi ka mamamatay. Hindi mo magagawang mamatay kahit na gustuhin mo. Ngunit kung gagawa ka ng gulo, at gagawin mo ang lahat ng uri ng masamang gawa, at gagalitin ang disposisyon ng Diyos, mabilis kang mamamatay; iikli ang iyong buhay. Ang haba ng buhay ng lahat ng tao ay natukoy na ng Diyos bago pa man ang paglikha sa mundo. Kung magagawa nilang sundin ang mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, kung may karamdaman man sila o wala, at kung nasa mabuti man o masamang lagay ang kanilang kalusugan, mabubuhay sila nang ayon sa bilang ng taon na itinakda ng Diyos. May ganito ka bang pananampalataya? Kung kinikilala mo lamang ito batay sa doktrina, wala kang tunay na pananampalataya, at walang kabuluhan ang pagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan; kung kukumpirmahin mo mula sa kaibuturan ng iyong puso na gagawin ito ng Diyos, kusang magbabago ang iyong pagtingin at paraan ng pagsasagawa. Siyempre, ang mga tao ay dapat magkaroon ng praktikal na pag-iisip tungkol sa pangangalaga sa kanilang kalusugan habang nabubuhay sila, magkaroon man sila ng sakit o hindi. Ito ang likas na kaisipang ibinigay ng Diyos sa tao. Ito ang katwiran at praktikal na pag-iisip na dapat taglay ng isang tao sa malayang pagpapasya na ibinigay sa kanya ng Diyos. Kapag may sakit ka, dapat mong maunawaan ang ilang praktikal na kaisipan patungkol sa pangangalaga sa kalusugan at pagpapagamot para harapin ang karamdamang ito—ito ang dapat mong gawin. Gayunman, ang paggamot ng iyong karamdaman sa ganitong paraan ay hindi nangangahulugan ng paghamon sa haba ng buhay na itinakda ng Diyos para sa iyo, ni hindi ito isang garantiya na mabubuhay ka ayon sa haba ng buhay na naitakda Niya para sa iyo. Ano ang ibig sabihin nito? Maaari itong sabihin nang ganito: Sa pasibong pagtingin, kung hindi mo sineseryoso ang iyong karamdaman, kung ginagawa mo ang iyong tungkulin kung paano mo dapat gawin iyon, at nagpapahinga nang kaunti pa kaysa sa iba, kung hindi mo pa ipinagpapaliban ang iyong tungkulin, hindi lulubha ang iyong karamdaman, at hindi mo ikamamatay ito. Ang lahat ay nakadepende sa ginagawa ng Diyos. Sa madaling salita, sa pananaw ng Diyos, kung ang nakatakdang haba ng buhay mo ay hindi pa natatapos, kahit magkasakit ka, hindi ka Niya tutulutang mamatay. Kung may lunas ang iyong karamdaman, ngunit dumating na ang iyong takdang oras, kukunin ka ng Diyos kailan man Niya naisin. Hindi ba ito ganap na nakadepende sa awa ng pag-iisip ng Diyos? Nasa awa ito ng Kanyang pagtatakda! Ganito mo dapat tingnan ang bagay na ito. Maaari mong gawin ang iyong bahagi at magpunta ka sa doktor, uminom ng gamot, pangalagaan ang iyong kalusugan, at mag-ehersisyo, ngunit kailangan mong maunawaan sa iyong kaibuturan na ang buhay ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang haba ng buhay ng isang tao ay itinatakda ng Diyos at walang sinumang maaaring mangibabaw sa itinakda na ng Diyos. Kung wala kang taglay kahit kaunti ng pag-unawang ito, talagang wala kang pananampalataya, at hindi ka talaga naniniwala sa Diyos.

May ibang tao na ginagawa ang lahat ng puwedeng gawin, gumagamit ng samu’t saring paraan upang magamot ang kanilang mga karamdaman, ngunit anumang paggamot ang gawin, hindi sila gumagaling. Habang lalo silang ginagamot, lalong lumalala ang karamdaman. Sa halip na manalangin sa Diyos upang malaman kung ano mismo ang nangyayari sa sakit, at hanapin ang pinag-uugatan nito, inilalagay nila ang mga bagay sa sarili nilang mga kamay. Nauuwi sila sa paggamit ng napakaraming paraan at paggastos nang malaki, ngunit hindi pa rin gumagaling ang kanilang sakit. Pagkatapos, kapag sinukuan na nila ang gamutan, kusang gumagaling ang karamdaman nang hindi inaasahan paglipas ng ilang panahon, at hindi nila alam kung paano ito nangyari. May ilang taong nagkakaroon ng hindi kapansin-pansing sakit at hindi talaga nila ito inaalala, ngunit isang araw lumala ang kondisyon nila at bigla na lang silang namatay. Anong nangyayari doon? Hindi iyon maarok ng mga tao; sa katunayan, mula sa pananaw ng Diyos, ito ay dahil tapos na ang misyon ng taong iyon sa mundong ito, kaya kinuha na Niya ito. Madalas sinasabi ng mga tao, “Hindi mamamatay ang mga tao kung wala silang sakit.” Totoo ba talaga iyon? May mga tao na, pagkatapos masuri sa ospital, ay napag-alamang walang sakit. Talagang malusog sila ngunit namatay rin sila makalipas ang ilang araw. Ang tawag dito ay pagkamatay nang walang sakit. Maraming ganoong tao. Ibig sabihin nito, umabot na ang isang tao sa dulo ng kanyang buhay, at bumalik na siya sa espirituwal na mundo. May ilang taong nakaligtas sa kanser at tuberkulosis at umabot pa hanggang pitumpu o walumpung taong gulang. May ilang ganoong tao. Ang lahat ng ito ay nakadepende sa mga ordinasyon ng Diyos. Ang pagkakaroon ng ganitong pagkaunawa ay tunay na pananampalataya sa Diyos. Kung may pisikal kang karamdaman at kailangan mong uminom ng gamot upang mapamahalaan ang iyong kondisyon, dapat kang uminom ng gamot o regular na mag-ehersisyo, nagpapahinga at kalmado itong pinangangasiwaan. Anong uri ng saloobin ito? Ang saloobing ito ay tunay na pananampalataya sa Diyos. Sabihin nating hindi mo iniinom ang gamot mo, hindi ka nagpapaturok, hindi ka nag-eehersisyo, hindi mo inaalagaan ang iyong kalusugan, at pagkatapos ay alalang-alala ka pa rin, nananalangin sa lahat ng oras: “O, Diyos ko, kailangan kong magampanan nang wasto ang aking mga tungkulin, hindi pa natatapos ang aking misyon, hindi pa ako handang mamatay. Nais kong maisakatuparan ang aking mga tungkulin at matapos ang Iyong ibinigay na gawain. Kung mamamatay ako, hindi ko matatapos ang ibinigay Mong gawain. Ayokong may pagsisihan. Diyos ko, pakiusap, pakinggan Mo ang aking mga panalangin; hayaan Mo akong mabuhay nang sa gayon ay maisakatuparan ko ang aking mga tungkulin at matapos ang ibinigay Mong gawain. Nais kong papurihan Ka magpakailanman at makita ang araw ng Iyong kaluwalhatian sa lalong madaling panahon.” Ang nakikita sa panlabas ay hindi ka umiinom ng gamot o nagpapaturok, at mukhang napakalakas mo at puno ka ng pananampalataya sa Diyos. Ang totoo ay mas maliit pa sa binhi ng mustasa ang iyong pananampalataya. Takot na takot ka, at wala kang pananampalataya sa Diyos. Bakit wala kang pananampalataya? Paano ito nangyari? Talagang hindi nauunawaan ng mga tao ang saloobin, mga prinsipyo, at mga paraan ng pakikitungo ng Lumikha sa Kanyang mga nilikha, kaya ginagamit nila ang kanilang sariling limitadong pananaw, kuru-kuro, at imahinasyon upang hulaan kung ano ang gagawin ng Diyos. Gusto nilang makipagpustahan sa Diyos upang makita kung pagagalingin ba sila ng Diyos at hahayaan silang mabuhay nang matagal. Hindi ba’t kahangalan ito? Kung papayagan ka ng Diyos na mabuhay, hindi ka mamamatay kahit na gaano pa kalala ang maging sakit mo. Kung hindi ka papayagan ng Diyos na mabuhay, kahit na wala kang sakit, mamamatay ka pa rin kung iyon ang nakatakda. Ang haba ng iyong buhay ay itinakda na ng Diyos. Tunay na kaalaman at tunay na pananampalataya ang malaman ito. Kaya, hinahayaan lang ba ng Diyos na magkasakit ang mga tao? Hindi iyon nagkataon; isang paraan iyon upang dalisayin ang kanilang pananampalataya. Paghihirap iyon na dapat na tiisin ng mga tao. Kung hahayaan Niyang magkasakit ka, huwag mong subukang takasan iyon; kung hindi naman, huwag mong hilingin iyon. Lahat ay nasa mga kamay ng Lumikha, at kailangang matutunan ng mga tao na hayaang dumaloy nang normal ang kalikasan. Ano ang kalikasan? Walang anumang bagay sa kalikasan ang nagkataon lamang; lahat ng iyon ay nagmumula sa Diyos. Ito ang totoo. Sa mga magkakapareho ang karamdaman, ang ilan ay namamatay at ang iba naman ay nabubuhay; lahat ng ito ay itinakda na ng Diyos. Kung mabubuhay ka, nagpapatunay iyon na hindi mo pa natatapos ang misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Dapat mong pagsumikapang tapusin iyon, at pahalagahan ang pagkakataong iyon; huwag mong sayangin iyon. Ganito iyon. Kung maysakit ka, huwag mong subukang takasan iyon, at, kung wala ka namang sakit, huwag mong hilingin iyon. Sa anumang bagay, hindi mo makukuha ang gusto mo sa paghiling lamang nito, ni hindi mo matatakasan ang anuman dahil lamang sa gusto mo. Walang sinumang maaaring magpabago sa anumang naipasiyang gawin ng Diyos.

Bago ipinako sa krus, nag-alay ng panalangin ang Panginoong Jesus. Paano ito sinambit mismo? (“Ama, kung maaari, hayaan Mong lumampas mula sa Akin ang sarong ito: gayon man hindi ayon sa pagnanais Ko, kundi ang ayon sa pagnanais Mo” (Mateo 26:39).) Bilang mga miyembro ng nilikhang sangkatauhan, dapat sumailalim ang lahat ng tao sa gayong proseso ng paghahanap, dahil hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Ito ay isang normal na proseso. Gayunman, gaano ka man maghanap, at gaano man katagal, kabigat, o kahirap ang proseso ng paghahanap, walang anuman sa mga ipinasiyang gawin ng Diyos ang nagbago simula pa noong umpisa ni hindi Siya nagpasiya kailanman na baguhin iyon. Maaaring maghanap at maghintay ang mga tao, at pinahihintulutan ng Diyos na daanan nila ang isang proseso upang magtamo ng pagkaunawa, kaalaman, at kaliwanagan kung ano talaga ang totoo, ngunit hindi Niya babaguhin kailanman ang isa mang desisyon. Samakatuwid, hindi mo dapat madama na nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay nang hindi sinasadya, o na, kapag natakasan mo kahit paano ang sakuna at tiyak na kamatayan, ay suwerte at pagkakataon lamang. Hindi. Ang Diyos ay may naitakda nang plano at partikular na mga pagsasaayos para sa bawat nilalang, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakamaliit, mula sa mayorya—mga planeta at kosmo—hanggang sa nilikhang sangkatauhan, at maging mga kaliit-liitang organismo. Ito ang pagiging makapangyarihan ng Diyos. Sinasabi ng ilang taong nagkakasakit na ang kanilang karamdaman ay nagmula sa kapaguran sa isang aktibidad o sa pagkain ng maling bagay nang hindi sinasadya. Huwag kang maghanap ng gayong mga dahilan; lahat ng iyon ay mga saloobing negatibo at palaban. Dapat mong harapin nang may positibong pananaw ang mga sitwasyon, tao, pangyayari, at bagay na isinaayos na ng Diyos para sa iyo. Huwag maghanap ng mga kadahilanang walang kaugnayan sa iyo; sa halip, dapat mong hanapin at maunawaan mismo kung ano ang layunin ng Diyos at ang pag-uugaling nagpapakita sa iyo sa sitwasyong ito, at anong pag-uugali ang dapat mong taglayin bilang isang nilalang kapag nakakaharap mo ito; ito ang landas na dapat mong hangarin. Kapag nakaligtas ang isang tao, hindi iyon nagkataon lamang, ni hindi iyon maiiwasan; palaging naroon ang mga pagsasaayos, pagnanais, at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Walang hungkag. Iniisip mo ba na ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang mga layunin, at ang katotohanan ay pawang hungkag? Hindi! Kapag hindi pa naiintindihan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, madali silang maniwala sa ilang haka-haka at imahinasyon, at pakiramdam nila ay medyo tama ang mga haka-haka at imahinasyong iyon, at na malamang ay naaayon ang mga ito sa mga pagnanais ng Diyos. Hindi alam ng mga tao kung ano ang mga pagnanais ng Diyos, kaya pakiramdam nila, “Tama ang pag-iisip ko nang ganito. Mayroon akong tunay na pananampalataya. May takot at nagpapasakop ako sa Diyos, isa akong taong nagmamahal sa Diyos.” Sa katunayan, lubos na kinasusuklaman ng Diyos ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon. Bagama’t iniisip mo kung gaano ka kawasto, ang totoo ay hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo ito nakamit. Kapag isang araw ay malinaw mong nakita ang lahat ng bagay na ito at napagtanto sa huli na ang lahat ng bagay na ito ay pinamamahalaan, isinasaayos, at inoordena ng Lumikha, matututunan mo ang iyong mga leksyon mula sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay na kinaharap mo, at matatamo mo ang mga resultang nararapat sa iyo. Saka mo lang tunay na mauunawaan ang mga layunin ng Diyos at mapagtatanto na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay upang iligtas ang mga tao, at nakapaloob dito ang mabubuting kalooban at matitinding pagsusumikap ng Diyos. Kapag may ganito kang pag-unawa, dapat mong pasalamatan at papurihan ang Diyos, at hindi kailanman makaramdam na para bang: “Inordena ako ng Diyos upang gampanan ang tungkuling ito, kaya sa puso ng Diyos, napakaimportante ko siguro. Hindi ako kayang abandonahin ng Diyos at hindi Niya ako hahayaang mamatay.” Mali ito. May pamamaraan ang Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ano ang ibig sabihin niyon? Inoordena ng Diyos kung kailan isisilang, kailan mamamatay, at ilan ang magiging misyon ng isang tao sa buhay na ito. Inordena na ng Diyos kung gaano kahaba ang buhay mo. Hindi Niya tatapusin agad ang iyong buhay dahil hindi naging maayos ang pagganap mo sa buhay na ito, ni pahahabain ang buhay mo nang ilang taon dahil sa mahusay mong pagganap sa buhay na ito. Ito ang tinatawag na pagkakaroon ng pamamaraan. Patungkol sa masasamang taong gumagawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa sa mundo, nagdulot ng matinding pinsala sa mundo, nagsagawa ng maraming mapaminsalang gawa na nagpahamak sa iba sa isang partikular na yugto, may ilang taong nagsasabi: “Bulag ang Diyos. Bakit hindi Niya wasakin ang mga ganoong tao?” Alam mo ba ang dahilan nito? Ano ang pinag-uugatan nito? Ito ang pinag-uugatang dahilan: Ang mga positibong karakter ay gumaganap ng positibong papel, at ang mga negatibong karakter ay gumaganap ng negatibong papel. Ang lahat ay may misyon, ang lahat ay may papel, ang buhay at kamatayan ng lahat ay itinakda na noon pa man; hindi ito kailanman sisirain ng Diyos. Noong isinilang ka, dumating ka sa mundong ito sa tamang oras, hindi maaga o huli nang isang minuto o isang segundo kaysa sa nakatakda; kapag namatay ka at lumisan na ang iyong kaluluwa, hindi rin ito magiging maaga o huli nang isang minuto o isang segundo kaysa sa nakatakda. Hindi babaguhin ng Diyos ang haba ng buhay na orihinal na nakatadhana para sa isang tao dahil sa malaki niyang kontribusyon sa sangkatauhan, at hahayaang madagdagan ang kanyang buhay nang dalawampu o tatlumpung taon. Hindi ito kailanman ginawa ng Diyos at hindi Niya ito gagawin sa hinaharap. Hindi Niya rin sasadyaing mamatay ang isang tao nang mas maaga kaysa sa nakatakda dahil lang sa siya ay bukod-tanging mapaminsala sa sangkatauhan. Hindi iyon kailanman gagawin ng Diyos. Ito ang panuntunan at batas ng kalangitan, at hindi ito kailanman lalabagin ng Diyos. Ano ang nakita ninyo sa usaping ito? (Walang sinumang makapagbabago sa mga bagay na inordena ng Diyos.) Hindi kailanman sisirain ni babaguhin Mismo ng Diyos ang mga bagay na inordena o pinlano na Niya. Isa itong katotohanan; higit pa rito, mula sa usaping ito, makikita natin ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Lubos nang naiplano ng Diyos ang simula, pagdating, haba ng buhay, ang katapusan ng lahat ng nilikha, gayundin ang kanilang misyon sa buhay at ang tungkuling ginagampanan nila sa buong sangkatauhan. Walang sinumang maaaring bumago sa mga bagay na ito; ito ang awtoridad ng Lumikha. Ang pagdating ng bawat nilikha, ang kanilang misyon sa buhay, kung kailan matatapos ang kanilang buhay—lahat ng batas na ito ay matagal na panahon nang inorden ng Diyos, tulad nang iorden ng Diyos ang orbit ng bawat bagay na selestiyal; aling orbit ang sinusundan ng mga bagay na ito, ilang taon, paano nag-oorbit ang mga ito, anong mga batas ang sinusunod ng mga ito—lahat ng ito ay inorden ng Diyos noong unang panahon, hindi nagbago sa loob ng libu-libo, sampu-sampung libo, at daan-daang libong taon. Ito ay inorden ng Diyos, at ito ang Kanyang awtoridad. Kung gayon, paano naman ang tao, ang munting nilalang na nilikha? Isantabi natin ang tao at pag-usapan muna ang mga aso. Inordena ng Diyos na mabuhay sila nang humigit-kumulang sampung taon, at pagdating ng ganoong edad ay dapat na silang mamatay. Puwede bang baguhin ang itinakdang panahong ito? (Hindi.) Hindi natin tatalakayin ang mga espesyal na kaso. Ang haba ng buhay ng isang maliit na hayop, na hindi man lang kayang baguhin ng mga tao, ay itinakda na ng Diyos—paano pa ang sa tao? Dahil dito, ano pa man ang hilingin ng mga tao, ang hindi nila dapat hilingin ay ang pahabain pa ang kanilang buhay. Ang mga biyaya at kasawiang-palad sa buhay ng isang tao, at kung kailan mamamatay ang isang tao—ang mga bagay na ito ay itinakda na ng Diyos. Walang makapagbabago ng mga ito, at walang magiging anumang epekto kahit na ilang beses pa itong hilingin. Puwede mong hilingin sa Diyos na ipaunawa sa iyo ang tungkol sa ilang bagay, gaya ng nararanasan, nakikilala, at maaari mong makuha sa isang kapaligiran. Ibig sabihin, magagawa mong hanapin ang katotohanan at manalangin sa Diyos para sa pagpasok sa buhay at pagbabago ng disposisyon mo sa buhay. Kung maaantig ng katapatan mo ang Diyos, makakamit mo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ito ang gustong gawin ng Diyos. Ngunit dapat ay makatwiran ka. Hindi ka puwedeng humiling sa Diyos ng mahabang buhay o imortalidad, dahil inordena ng Diyos ang haba ng iyong buhay. Hindi ito mababago ng mga tao, at walang magiging pagkakaiba kahit na ilang beses pa itong hilingin. Basta’t inordena ito ng Diyos, hindi Niya ito babaguhin. Kung kikilalanin mo na ang Diyos ang Lumikha, na ang Diyos ang iyong Kataas-taasang Kapangyarihan, ang iyong Diyos at iyong Panginoon, hindi mo dapat kailanman hingin ang mga bagay na ito. Ano ang sinasabi ng Diyos na hingin ng mga tao? Ano ang sinasabi sa Panalangin ng Panginoon? “Dumating nawa ang kaharian Mo. Gawin nawa ang Iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa” (Mateo 6:10). Ano pa ang dapat ninyong hilingin? Alam ba ninyo? Dapat ninyong gampanan ang inyong mga tungkulin bilang mga nilikha sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Dapat ninyong tapusin ang mga atas na ibinigay sa inyo ng Diyos, isakatuparan nang maayos ang inyong misyon, iwasang mabigo sa inyong misyon, maging karapat-dapat sa buhay at pag-iral na ibinigay sa inyo ng Diyos, at huwag hayaang masayang o mawalan ng kabuluhan ang buhay na ito. Sa buhay na ito, dapat ninyong makilala ang Lumikha, isabuhay ang pagkakatulad na akma sa isang nilikha, at tuparin ang mga kahilingan ng Lumikha—ito ang mga bagay na dapat ninyong hilingin. Kung ano ang dapat hilingin at hindi dapat hilingin, aling mga hihilinging bagay ang naaayon sa mga layunin ng Diyos at aling mga bagay ang hindi, kung mapagbibigyan man ang gusto mong hilingin—ang mga bagay na ito ay dapat malinaw muna sa iyong puso. Huwag kang kumilos nang hindi nag-iisip. Kung naordena na ng Diyos ang hinihiling mo, walang saysay ang mga panalangin mo. Kung gayon, hindi ba’t kahangalan na ipanalangin mo ito? Hindi ba’t pagsalungat ito sa Diyos? Pinahihintulutan ka ng Diyos na mabuhay hanggang walumpung taong gulang, ngunit ang hinihingi mo ay mabuhay hanggang isang daang taong gulang; pinahihintulutan ka ng Diyos na mabuhay hanggang tatlumpung taong gulang, ngunit hinihingi mong umabot nang animnapu. Hindi ba’t paghihimagsik ito? Hindi ba’t paglaban ito sa Diyos? Dapat ay makatwiran ang mga tao at hindi gumagawa ng mga bagay na hangal.