Mga Salita sa Kung Paano Danasin ang mga Pagkabigo, Pagbagsak, Pagsubok, at Pagpipino (Sipi 61)

Nakagawa na ng mga paglabag, malaki man o maliit, ang bawat tao. Kapag hindi mo alam na ang isang bagay ay paglabag, titingnan mo ito nang may malabong estado ng pag-iisip, at marahil ay panghahawakan mo pa rin ang iyong mga sariling opinyon, nakasanayan, at paraan ng pag-unawa rito—ngunit, balang araw, sa pamamagitan man ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid, o pagbubunyag ng Diyos, matututunan mo na ang bagay na ito ay isang paglabag, at isang pagkakasala sa Diyos. Ano na ang magiging saloobin mo kung magkagayon? Tunay ka bang magsisisi, o mangangatwiran ka ba at makikipagtalo, kakapit sa sarili mong mga ideya, maniniwala na bagamat ang iyong ginawa ay hindi umaayon sa katotohanan, hindi rin naman iyon ganoon kalaking problema? May kaugnayan ito sa iyong saloobin sa Diyos. Ano ang naging saloobin ni David sa kanyang paglabag? (Pagsisisi.) Pagsisisi—na ang ibig sabihin ay kinamuhian niya ang kanyang sarili sa kanyang puso, at hindi na niya gagawin kailanman ang paglabag na iyon. Kaya, ano ang ginawa niya? Nanalangin siya, hiniling sa Diyos na parusahan siya, at sinabi niyang: “Kung gagawin ko ulit ang pagkakamaling ito, parusahan nawa ako ng Diyos at ikamatay ko!” Iyon ang kanyang paninindigan; iyon ang totoong pagsisisi. Maaari kaya itong makamit ng mga karaniwang tao? Para sa mga karaniwang tao, kung hindi nila susubukang mangatwiran o kung kaya nilang palihim na umamin ng pagkakamali, napakabuti na niyon. Tunay na pagsisisi ba ang hindi pagnanais na pag-usapang muli ang paksa dahil sa takot na mapahiya? Iyon ay pagiging balisa at masama ang loob dahil sa pagkapahiya, hindi pagsisisi. Ang tunay na pagsisisi ay ang kamuhian ang sarili dahil sa paggawa ng masama, ang makaramdam ng pighati at paghihirap dahil sa pagkakaroon ng kakayahan na gumawa ng masama, ang sisihin ang sarili, at ang isumpa pa nga ang sarili. Iyon ay pagkakaroon ng kakayahan na mangako pagkatapos na hindi na kailanman gagawing muli ang gayong kasamaan at pagiging handa na tanggapin ang parusa ng Diyos at magdusa ng kahabag-habag na kamatayan kung siya man ay muling gagawa ng masama. Ito ang tunay na pagsisisi. Kung laging nadarama ng isang tao sa kanyang puso na wala siyang ginawang masama, at na ang kanyang mga ikinilos ay hindi lang umayon sa mga prinsipyo o dahil lang sa kakulangan ng karunungan, at naniniwala siya na kung kikilos siya nang palihim ay walang mangyayaring mali, maaari ba siyang makaramdam ng tunay na pagsisisi sa ganitong pag-iisip? Tiyak na hindi, dahil hindi niya alam ang diwa ng sarili niyang kasamaan. Kahit pa kasuklaman niya nang kaunti ang kanyang sarili, kamumuhian lamang niya ang kanyang sarili dahil sa hindi pagiging marunong, at dahil sa hindi niya maayos na hinarap ang sitwasyon. Hindi niya tunay na napagtatanto na kaya siya nakagagawa ng masama ay dahil sa isang problema sa kanyang kalikasang diwa, na ito ay dahil sa wala siyang pagkatao, masama ang kanyang disposisyon, at siya ay imoral. Ang mga ganitong tao ay hindi kailanman magkakaroon ng tunay na pagsisisi. Bakit kailangan ng mga tao na magnilay-nilay sa kanilang sarili sa harap ng Diyos kapag mayroon silang ginawang mali o ginawang mga paglabag? Ito ay dahil hindi madaling malaman ng isang tao ang kanyang sariling kalikasang diwa. Madaling aminin ng isang tao na nagkamali siya at madaling alamin kung nasaan ang pagkakamali. Gayunpaman, hindi madaling malaman ang pinagmulan ng mga pagkakamali ng isang tao at kung ano ba mismong disposisyon ang nahayag. Kaya nga, kapag ang karamihan ng mga tao ay may ginawang mali, inaamin lamang nila na sila ay nagkamali, ngunit hindi sila nakadarama ng pagsisisi sa kanilang puso, ni kinamumuhian nila ang kanilang sarili. Sa ganitong paraan, hindi nila naaabot ang tunay na pagsisisi. Upang makamtan ang tunay na pagsisisi, kailangan na talikuran ng isang tao ang kasamaang kanyang ginawa at makapagbigay siya ng katiyakan na hindi niya ito gagawing muli. Saka lamang makakamtan ang tunay na pagsisisi. Kung palagi mong hinaharap ang mga bagay-bagay batay sa sarili mong mga haka-haka at imahinasyon, nang hindi mo kailanman pinagninilayan o kinikilala ang iyong sarili, at gumagawa ka lamang nang pabasta-basta, hindi ka pa tunay na nagsisi at hindi ka pa tunay na nagbago sa anumang paraan. Kung nais ng Diyos na ibunyag ka, paano mo ito dapat harapin? Ano ang iyong magiging saloobin? (Tatanggapin ko ang parusa ng Diyos.) Ang tanggapin ang parusa ng Diyos—ito ang uri ng saloobin na kailangang mayroon ka. Kasabay nito, kailangan mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Mas mabuti ang ganitong paraan, upang tunay mong makilala ang iyong sarili at tunay kang makapagsisi. Kung hindi tunay na nagsisisi ang isang tao, magiging imposible para sa kanya na huminto sa paggawa ng masama. Sa anumang oras at lugar, magagawa niyang bumalik sa dati niyang mga gawi, mamuhay nang ayon sa kanyang satanikong disposisyon, at maging paulit-ulit na gawin ang parehong mga pagkakamali. Kaya, hindi siya isang tao na tunay nang nagsisi. Sa ganitong paraan, siya ay lubusang nahahayag. Kaya, ano ang magagawa ng mga tao upang ganap nilang mapalaya ang kanilang sarili mula sa mga paglabag? Kailangan nilang hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema at kailangan din nilang maisagawa ang katotohanan. Ito ang tamang saloobin sa katotohanan na dapat magkaroon ang mga tao. Kung gayon, paano dapat isagawa ng mga tao ang katotohanan? Kahit ano pang mga tukso at pagsubok ang kaharapin mo, kailangan mong tunay na manalangin sa Diyos sa iyong puso at magpasakop sa mga pangangasiwa ng Diyos. Ang ilang pagsubok ay mga tukso rin—bakit hinahayaan ng Diyos na maharap ka sa gayong mga bagay? Hindi aksidente ni nagkataon lang na hinahayaan ng Diyos ang mga gayong bagay na mangyari sa iyo. Ito ay pagsubok at pagsusuri ng Diyos sa iyo. Kung hindi mo tatanggapin ang pagsusuring ito, kung hindi mo bibigyan ng pansin ang bagay na ito, hindi ba’t nabubunyag sa oras na ito ang iyong saloobin sa Diyos? Ano ang iyong saloobin sa Diyos? Kung may saloobin kang walang pakialam at humahamak sa mga kapaligiran na ipinagkakaloob ng Diyos sa iyo at sa mga pagsubok sa ibinibigay ng Diyos sa iyo, at hindi ka nananalangin ni naghahanap, ni nakatatagpo ng isang landas ng pagsasagawa sa pamamagitan nito, inihahayag nito na wala kang saloobing nagpapasakop sa Diyos. Paano maililigtas ng Diyos ang gayong tao? Posible ba na maperpekto siya ng Diyos? Tiyak na hindi. Ito ay dahil wala kang saloobing nagpapasakop sa Diyos, at kahit pa magsaayos ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, hindi mo ito mararanasan, at hindi ka makikipagtulungan dito. Ipinakikita nito ang paghamak mo sa Diyos, na hindi mo sineseryoso ang gawain ng Diyos, at na kaya mo pa ngang isantabi ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanan, na nangangahulugan na hindi mo nararanasan ang gawain ng Diyos. Kung gayon, paano mo makakamit ang kaligtasan? Yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi mararanasan ang gawain ng Diyos. Walang paraan na makamit ang kaligtasan habang nananalig sa Diyos sa ganitong paraan. Ibig sabihin nito, ang saloobin ng isang tao sa Diyos at sa katotohanan ay napakahalaga at may tuwiran itong kaugnayan sa kung ang isang tao ay maaaring maligtas. Ang mga taong hindi nagbibigay-pansin dito ay mga hangal at walang nalalaman.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.