Mga Salita sa Kung Paano Danasin ang mga Pagkabigo, Pagbagsak, Pagsubok, at Pagpipino (Sipi 60)

Nakaranas ang ilang tao ng ilang kabiguan noon, gaya ng pagkatanggal dahil sa hindi paggawa ng anumang totoong gawain bilang isang lider o dahil sa pag-iimbot sa mga benepisyo ng katayuan. Pagkatapos matanggal nang ilang ulit, ang ilan sa kanila ay sumailalim nga sa bahagyang tunay na pagbabago, kaya ang pagkatanggal ba ay isang mabuting bagay o isang masamang bagay para sa mga tao? (Ito ay isang mabuting bagay.) Noong una silang matanggal, ang pakiramdam ng mga tao ay pinagsasakluban sila ng langit at lupa. Para bang basta na lang nadurog ang kanilang puso. Hindi na nila masuportahan ang kanilang sarili at hindi nila alam kung aling direksiyon ang tutunguhin. Ngunit pagkatapos ng karanasang ito, iniisip nila, “Hindi naman iyon gayon kalaking isyu. Bakit napakaliit ng tayog ko dati? Bakit para akong isang musmos?” Ito ay nagpapatunay na nagkaroon sila ng pag-usad sa buhay, at na naunawaan nila nang bahagya ang mga layunin ng Diyos, ang katotohanan, at ang layunin ng pagliligtas ng Diyos sa tao. Ito ang proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos. Dapat mong aminin at tanggapin ang mga pamamaraang ito na ginagamit ng Diyos sa Kanyang gawain, ibig sabihin, ang palaging pagpupungos sa iyo, o ang paghatol sa iyo, na sinasabing wala kang pag-asa, sinasabing hindi ka isang taong maliligtas, at maging ang pagkokondena at pagsusumpa sa iyo. Maaaring maging negatibo ang pakiramdam mo, ngunit sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan at sa pagninilay-nilay sa iyong sarili at pagkilala sa iyong sarili, hindi magtatagal ay magagawa mong makaahon, at sumunod sa Diyos at gampanan ang mga tungkulin mo nang normal. Ito ang ibig sabihin ng lumago sa buhay. Kaya, ang pagdanas ba ng mas maraming pagkatanggal ay mabuti o masama? Tama ba ang pamamaraang ito na ginagamit ng Diyos sa Kanyang gawain? (Tama ito.) Gayunman, minsan ay hindi ito kinikilala ng mga tao, at hindi nila ito matanggap. Partikular na noong una nilang maranasang matanggal, pakiramdam nila ay hindi patas ang pagtrato sa kanila, palagi silang nangangatwiran sa Diyos at nagrereklamo laban sa Diyos, hindi nila magawang mapagtagumpayan ang balakid na ito. Bakit hindi nila ito mapagtagumpayan? Ito ba ay dahil naghahanap sila ng sigalot laban sa Diyos at sa katotohanan? Ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi nila alam kung paano pagninilay-nilayan ang kanilang sarili, at hindi nila hinahanap ang mga problema sa kanilang sarili. Palagi silang tumatanggi na sumunod sa kanilang puso, at kapag sila ay tinanggal, nagsisimula silang hamunin ang Diyos. Hindi nila matanggap ang katunayan ng pagkatanggal sa kanila at sila ay napupuno ng sama ng loob. Sa oras na ito, ang mga tiwaling disposisyon nila ay napakalala, ngunit kapag binalikan nila ang bagay na ito kinalaunan, makikita nilang tama lang sa kanila ang matanggal—lumabas na ito ay isang mabuting bagay, na nagbigay sa kanila ng kakayahang makausad sa buhay. Kapag sila ay naharap sa pagkatanggal muli sa hinaharap, hahamunin pa rin ba nila itong muli sa ganitong paraan? (Paunti nang paunti sa bawat pagkakataon.) Normal na ito ay bubuti nang paunti-unti. Kung walang nagbabago, ito ay nagpapatunay na hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at na sila ay mga hindi mananampalataya. Pagkatapos sila ay lubos na nabubunyag at itinitiwalag, at walang paraan upang magtamo ng kaligtasan.

Ang mga kabiguan, pagkadapa, at pagkatanggal ay mga bagay na dapat maranasan ng lahat ng tao sa proseso ng pagtatamo ng kaligtasan at ng pagpeperpekto, kaya huwag mong gawing isang malaking usapin ang mga ito. Kapag nakakakita ka ng mga taong tinanggal na nagdurusa at nagiging negatibo, huwag mo silang gawing katatawanan, dahil balang araw ay maaaring matanggal ka, at maging mas masahol pa kaysa sa kanila. Kung isang araw ay maharap ka sa pagkatanggal, magiging negatibo ka ba at buong pait na luluha? Magrereklamo ka ba? Gugustuhin mo bang isuko ang iyong pananalig? Nakadepende ito sa kung tinanggap mo ba ang katotohanan sa panahong nanampalataya ka sa Diyos, kung gaano karaming katotohanan ang talagang naunawaan mo, at kung ang mga katotohanang iniisip mong nauunawaan mo ay ang iyong realidad. Kung ang mga katotohanang ito ay naging realidad mo, kung gayon ay magkakaroon ka ng tayog upang mapagtagumpayan mo ang pagsubok at pagpipinong ito; kung hindi mo tinataglay ang katotohanang realidad, ang pagkakatanggal na ito ay magiging isang sakuna para sa iyo, at kung ito ay magwawakas nang hindi maganda, ikaw ay malulugmok at hindi mo magagawang bumangon. Ang ilang tao ay mayroong kaunting konsensiya at sinasabi nila, “Natamasa ko nang labis ang biyaya ng Diyos, napakaraming taon ko nang nakikinig sa mga sermon, at binigyan ako ng Diyos ng labis na pagmamahal. Hindi ko ito makakalimutan. Kahit papaano ay dapat kong suklian ang pagmamahal ng Diyos.” Pagkatapos ay ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang negatibo at pasibo, hindi nagsisikap tungo sa katotohanan, nang walang anumang buhay pagpasok. Kung mapanghahawakan mo ang tungkulin mo, maituturing kang mayroong kaunting konsensiya; ito ang pinakamaliit na dapat mong maisakatuparan. Ngunit kung palagi kang pabasta-basta sa tungkulin mo, hindi sumusunod sa mga prinsipyo, at wala kang buhay pagpasok, at hindi nakakakuha ng anumang resulta sa tungkulin mo, kung gayon, ito ba ay paggampan sa tungkulin mo? Kung palagi mong ginagampanan ang tungkulin mo sa pabasta-bastang pamamaraan, magagawa mo bang makapanindigan sa mga sakuna? Matitiyak mo bang hindi mo pagtataksilan ang Diyos? Kung magkagayon, upang magampanan mo ang tungkulin mo, dapat na kahit paano ay mayroon kang konsensiya at katwiran; matatamo lamang ang mga tunay na resulta sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin nang tunay na nakaalinsunod sa konsensiya at katwiran ng isang tao. Ito ang pinakamababang pamantayan. Kung hindi mo man lang maabot ang pamantayang ito, ikaw ay nagiging pabasta-basta kung gayon, nagagawa mong linlangin at pagtaksilan ang Diyos, at ni hindi sapat ang pagtatrabaho mo. Kahit na hindi mo iniiwan ang sambahayan ng Diyos, matagal ka nang itiniwalag ng Diyos. Ang gayong tao ay hindi maililigtas. Ito ay dulot ng kawalan ng konsensiya at katwiran at mula sa paulit-ulit na pagganap sa tungkulin ng isang tao sa pabasta-bastang pamamaraan. Ang mga paltos sa paa mo ay dulot ng landas na nilakaran mo at hindi mo ito maisisisi sa iba. Kung, sa huli, ikaw ay hindi nailigtas at sa halip ay isinumpa, at natulad ka kay Pablo, kung gayon ay hindi mo maaaring sisihin ang sino pa man. Iyan ay ang sarili mong landas at iyan ang pinili mo. Samakatwid, ang susi sa kung maaari bang maligtas ang mga tao o hindi ay pangunahing nakadepende sa kung may konsensiya at katwiran ba sila. Kung napanghahawakan ng mga tao ang diwang ito, mayroon silang konsensiya at katwiran. Ang gayong mga tao ay may pag-asang maligtas. Kung wala sila nito, ititiwalag sila. Ano ang limitasyon ng kung ano ang katanggap-tanggap sa inyo? Sabi mo, “Kahit bugbugin at pagalitan ako ng Diyos, at itakwil ako, at hindi ako iligtas, hindi ako magrereklamo. Magiging katulad ako ng isang baka o kabayo: patuloy akong magtatrabaho hanggang sa huli, susuklian ko ang pagmamahal ng Diyos.” Parang magandang pakinggan ang lahat ng iyan, ngunit talaga bang kaya mong makamtan ito? Kung talagang taglay mo ang gayong karakter at pagpapasya, malinaw Kong sinasabi sa iyo: May pag-asa kang maligtas. Kung wala ka ng ganitong karakter, kung wala kang ganitong konsensiya at katwiran, kahit na gusto mong magtrabaho, hindi ka makapaninindigan hanggang sa pinakahuli. Alam mo ba kung paano ka pakikitunguhan ng Diyos? Hindi mo alam. Alam mo ba kung paano ka susubukin ng Diyos? Hindi mo rin ito alam. Kung wala kang pamantayan ng konsensiya at katwiran sa iyong pag-asal, kung hindi mo taglay ang tamang pamamaraan ng paghahangad, at ang iyong mga pananaw sa buhay at mga pinapahalagahan ay hindi nakaayon sa katotohanan, kapag nakaranas ka ng mga dagok at kabiguan, o mga pagsubok at mga pagpipino, hindi mo magagawang manindigan—kaya manganganib ka. Ano ang papel na ginagampanan ng konsensiya at katwiran? Kung sasabihin mong, “Narinig ko na ang napakaraming sermon, at nauunawaan ko talaga ang ilang katotohanan. Ngunit hindi ko pa ito naisasagawa, hindi ko pa napalulugod ang Diyos, hindi ako ineendorso ng Diyos—at kung pababayaan ako ng Diyos sa huli, at ayaw na sa akin, ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Kahit parusahan at sumpain ako ng Diyos, hindi ko tatalikuran ang Diyos. Saanman ako magtungo, ako ay isang nilikha ng Diyos, mananampalataya ako sa Diyos magpakailanman, at kahit kailanganin kong magtrabaho na parang baka o kabayo, hindi ako kailanman titigil sa pagsunod sa Diyos, at wala akong pakialam kung ano ang aking kalalabasan”—kung talagang mayroon ka ng ganitong kapasyahan at ganitong konsensiya at katwiran, kung gayon ay magagawa mong manindigan. Kung wala kayong ganitong pasya, at hindi pa ninyo napag-isipan kailanman ang mga bagay na ito, walang duda na may problema sa karakter ninyo, sa inyong konsensiya at katwiran. Iyon ay dahil, sa puso ninyo, hindi ninyo ginusto kailanman na tumupad ng tungkulin sa Diyos. Ang tanging ginagawa ninyo ay humingi ng mga pagpapala mula sa Diyos. Palagi ninyong kinakalkula, sa inyong isipan, kung anong mga pagpapala ang matatanggap ninyo sa pagsisikap o pagdanas ng paghihirap sa sambahayan ng Diyos. Kung ang tanging ginagawa mo ay kalkulahin ang mga bagay na ito, mahihirapan ka nang husto na manindigan. Maliligtas ka man o hindi ay depende lang sa kung mayroon ka bang konsensiya at katwiran o wala. Kung wala kang konsensiya at katwiran, hindi ka nararapat na iligtas, sapagkat hindi inililigtas ng Diyos ang mga demonyo at hayop. Kung pinipili mong tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at tumatahak sa landas ni Pedro, bibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu at gagabayan ka sa pag-unawa sa katotohanan, at lilikha ng mga sitwasyon para sa iyo na magiging dahilan para makaranas ka ng maraming pagsubok at mga pagpipino upang maging perpekto. Kung hindi mo pipiliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kundi tumatahak ka sa landas ni Pablo na anticristo, ikinalulungkot Ko—susubukin at susuriin ka pa rin ng Diyos. Ngunit hindi maitatanggi na hindi mo matatagalan ang pagsusuri ng Diyos; kapag may nangyari sa iyo, magrereklamo ka tungkol sa Diyos, at kapag naharap ka sa mga pagsubok, tatalikdan mo ang Diyos. Sa sandaling iyon ay mawawalan ng silbi ang iyong konsensiya at katwiran, at ititiwalag ka. Hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong walang konsensiya at katwiran; ito ang pinakamababang pamantayan.

Dapat mong maabot kahit paano ang pamantayan ng konsensiya at katwiran. Ibig sabihin, kung ayaw na ng Diyos sa iyo, paano mo Siya dapat na ituring? Dapat mong sabihin, “Ibinigay ng Diyos sa akin ang hiningang ito. Pinili ako ng Diyos. Ngayon ay nakilala ko ang Lumikha at naunawaan ang napakaraming katotohanan, ngunit hindi ko naisasagawa ang mga ito. Nasa aking kalikasan ang ayawan ang katotohanan, at wala akong konsensiya. Ngunit kung maisasagawa ko man o hindi ang katotohanan sa hinaharap o kung ako ay maliligtas, palagi kong kikilalanin ang Diyos at na ang Lumikha ay matuwid. Hindi mababago ang katotohanang ito. Hindi dapat huminto ang isang tao sa pagkilala sa Diyos at sa Lumikha dahil lamang wala na siyang pag-asang maligtas o na wala na siyang kahihinatnan o patutunguhan. Ito ay isang mapaghimagsik na kaisipan. Kung mag-iisip ako sa ganitong paraan, dapat akong sumpain. Anuman ang ginagawa ng Diyos, dapat magpasakop ang isang tao; ito ang ibig sabihin ng magkaroon ng katwiran. Ang tayog ko ay napakaliit upang magpasakop, at dapat akong parusahan kung maghihimagsik ako laban sa Diyos o pagtataksilan ko ang Diyos. Gayunman, kahit paano pa ako tratuhin ng Diyos, ang determinasyon kong sumunod sa Diyos ay hindi magbabago. Ako ay palaging magiging isang nilikha ng Diyos. Tanggapin man ako ng Diyos o hindi, handa akong maging isang kasangkapan, isang tagapagserbisyo, at mapaghahambingan sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Dapat taglayin ko ang determinasyong ito.” Hindi mahalaga kung taglay mo man ang kaisipang ito ngayon, kung nag-isip ka man sa ganitong paraan kailanman, o kung may ganito ka mang determinasyon, ano’t anuman ay dapat mong taglayin ang katwirang ito. Kung hindi mo taglay ang katwirang ito o ang ganitong uri ng pagkatao, kung gayon, ang kaligtasan para sa iyo ay isa lamang salitang walang laman. Hindi ba’t totoo ito? Totoo nga ito. Nasabi na sa iyo ang pinakamababang pamantayan. Kapag nahaharap ka sa mga problema, dapat mong higit na pag-isipan ang tungkol sa aspektong ito. Ito ay mabuti para sa iyo at isang paraan upang protektahan ang sarili mo. Kung hindi mo talaga taglay ang aspektong ito ng pagkatao, kung gayon, ikaw ay nasa malaking panganib. Dapat kang manalangin, “O Diyos, hindi Kita itinuring kailanman bilang Diyos. Itinuring lang Kita na parang hangin, na parang isang bagay na malabo at hindi nakikita. Sa aking pagharap sa isyung ito ngayon, pakiramdam ko ay itiniwalag ako at wala akong mabuting destinasyon. Paano Mo man itakda ang aking kahihinatnan, handa akong magpasakop sa Iyo. Dapat akong sumunod sa Iyo at hindi Kita maaaring iwan. Ang mga nang-iiwan sa Iyo at namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ay hindi tao. Sila ay mga diyablo. Ayaw kong maging isang diyablo. Nais kong maging tao. Nais kong sumunod sa Diyos, hindi kay Satanas.” Kung kaya mong manalangin para sa bagay na ito araw-araw at higit na umusad, ang puso mo ay liliwanag nang liliwanag, at magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Kapag nahaharap sa mga paghihirap, kung ang isang tao ay mayroong mapaghimagsik na disposisyon, kung gayon, ang puso niya ay nagiging mapagmatigas, at hindi siya handang magsikap tungo sa katotohanan. Kahit makagawa siya ng isang pagkakamali, wala siyang pakialam. Ginagawa niya anuman ang gusto niya. Nagsisimula siyang maging sutil at walang pakundangan at ayaw na niyang manalangin. Anong dapat gawin sa puntong ito? Mayroong isang pinakabatayang prinsipyo na makakapagprotekta sa iyo. Kapag ikaw ay napakanegatibo at mahina, kung may mga salita sa puso mo na nagrerebelde sa Diyos, lumalaban sa Diyos, lumalapastangan sa Diyos, o humuhusga sa Diyos, huwag mong ibulalas ang mga ito, ni huwag kang gagawa ng anumang bagay na mag-uudyok sa iba na labanan ang Diyos. Sa ganoong paraan, kapag nananalangin ka sa Diyos at hinihingi ang Kanyang proteksyon, mapagtatagumpayan mo ang mga paghihirap. Ito ang pinakamahalaga. Kapag mayroon kang normal na katwiran, kapag lumabas ka mula sa mga negatibo, masama, mapagpalayaw, o palabang kalagayan, maaaring isipin mo, “Buti na lang, hindi ko ginawa iyon sa umpisa. Kung ginawa ko iyon, ako sana ay magiging isang makasalanang kokondenahin sa mahabang panahon at makakagawa ng kasamaang walang kapatawaran.” Kumusta ang landas na ito? (Ito ay mabuti.) Ano ang mabuti rito? (Mapipigilan nito ang mga tao na malabag ang disposisyon ng Diyos.) Huwag labagin ang disposisyon ng Diyos. Sa oras na ibulalas mo ang isang bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos, mababawi mo pa ba ito? Kapag nasabi na ang isang salita, ito ay nagiging isang katunayan na. Ito ay kokondenahin ng Diyos. Sa oras na kondenahin ka ng Diyos, ikaw ay nasa isang delikadong kalagayan. Kapag ang isang tao ay nananampalataya sa Diyos, kahit gaanong paghihirap ang tinitiis niya, kahit paano niya ginugugol ang sarili niya, o paano niya pinipiling manampalataya, ang layunin ay upang hindi sumpain o kondenahin ng Diyos, kundi upang marinig na sabihin ng Lumikha, “Ikaw ay sinasang-ayunan ng Diyos. Makakaya mong mabuhay at ikaw ang paksa ng pagliligtas ng Diyos.” Mahirap itong mangyari. Hindi ito madali, kaya dapat makipagtulungan ang mga tao. Huwag kailanman magsabi ng anumang bagay na nakakasama sa sarili mong kaligtasan. Dapat mong pigilan ang sarili mo sa mga kritikal na oras at huwag gumawa ng anumang bagay na magdudulot ng sigalot. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, sa oras na magdulot ka ng sigalot at kondenahin ka ng Diyos, kung lalabagin mo ang disposisyon ng Diyos, hindi mo na ito mababawi kailanman. Huwag kang gumawa o magsabi ng anumang bagay nang walang patumangga. Dapat mong pigilan ang sarili mo at huwag magpakasasa. Kapag napigilan mo ang sarili mo, pinatutunayan nito na mayroon kang kontrol sa sarili. Kapag pinipigilan mo ang sarili mo, tinatanggap ang pag-iral ng Diyos, naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at mayroon kang pusong may takot sa Diyos hanggang sa pinakahuli, makikita ito ng Diyos. Wala kang sinabing anuman na lumabag sa Diyos, ni may ginawang anuman na makasalanan. Masisiyasat ng Diyos ang mga kaisipan sa kaibuturan ng puso mo. Dahil mayroon kang medyo may-takot-sa-Diyos na puso, kahit na mayroon kang mga hindi makatwirang kaisipan, hindi mo ibinulalas ang mga ito, ni gumawa ng anuman upang labanan ang Diyos. Makikita ng Diyos na katanggap-tanggap ang pag-uugali mong ito. Paano ka tatratuhin ng Diyos? Patuloy kang gagabayan ng Diyos palabas sa ganoong mga gusot. Kaya, hindi ba’t mayroon ka pa ring pag-asang maligtas? Ito ay isang bagay na bihirang taglayin. Ano ang dapat gawin kapag nahaharap sa mga problema? Pigilan mo ang sarili mo at huwag magpakasasa kailanman. Kapag nagpapakasasa ka, ito ay resulta ng mga mapusok na emosyon. Ang mapagmataas mong kalikasan ay nasa bingit ng pagsabog at pakiramdam mo ay punong-puno ka ng mga hinaing at pangangatwiran. Labis kang nagdaramdam at pakiramdam mo ay kailangan mong magsalita. Sa sandaling ito, imposibleng mapigilan mo ang sarili mo. Bilang resulta, ang pangit na bahagi ng iyong satanikong disposisyon ay nalalantad, at malamang na nalabag ang disposisyon ng Diyos sa oras na ito. Ano ang layunin ng pagpipigil? Ang pagiging maingat sa mga pananalita, gawa, at hakbang upang protektahan ang sarili, upang hindi malabag ang disposisyon ng Diyos, at upang mag-iwan sa sarili ng huling sinag ng pag-asa para sa kaligtasan. Kaya, kinakailangan na pigilan ang sarili mo. Kahit gaano pa katindi ang pakiramdam mo na ikaw ay naagrabyado, kahit gaano pa katindi ang sakit at kalungkutan na nararamdaman mo sa puso mo, dapat mong pigilan ang sarili mo. Ito ay isang kapaki-pakinabang na pagsusumikap! Pagkatapos pigilan ang sarili mo, hinding-hindi mo ito pagsisisihan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa mga tao sa pangkalahatan, ginawa man ito bilang pamamaraan upang manampalataya sa Diyos o bilang isang sikretong diskarte upang protektahan ang sarili. Minsan, ang mga taong mayroong tiwaling disposisyon ay nagpapakita ng isang antas ng kawalan ng katinuan, na walang katwiran at walang mga prinsipyo sa kanilang mga kilos. Ni hindi mo alam kung kailan sisiklab ang tiwaling disposisyon mo. Kapag nagbulalas ka at nagsabi ng isang bagay na nagtatatwa at kumokondena sa Diyos, magiging huli na at wala nang magagawa ang pagsisihan pa ito. Ang mga bunga nito ay hindi makakayang arukin ng isip. Maaari kang itiwalag at ang Banal na Espiritu ay hindi na gagawa sa iyo. Hindi ba’t ang ibig sabihin niyon ay katapusan na ng lahat? Ganap na wala ka nang anumang pag-asa na maligtas.