Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 577

Dapat maunawaan ng mga tao na may isang pangunahing prinsipyo sa pagtrato sa mga nilikha ang Lumikha, na siya ring pinakamataas na prinsipyo. Kung paano tratuhin ng Lumikha ang mga nilikha ay lubos na nababatay sa Kanyang plano ng pamamahala at sa Kanyang mga hinihingi sa gawain; hindi Niya kailangang sumangguni kaninuman, ni hindi Niya kailangang pasang-ayunin sa Kanya ang sinuman. Anuman ang dapat Niyang gawin at paano man Niya dapat tratuhin ang mga tao, ginagawa Niya, at, anuman ang Kanyang ginagawa o paano man Niya tinatrato ang mga tao, lahat ng ito ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sa mga prinsipyo ng paggawa ng Lumikha. Bilang isang nilikha, ang tanging dapat gawin ay magpasakop sa Lumikha; hindi dapat gumawa ang isang tao ng sarili niyang pagpili. Ito ang katwirang dapat mayroon ang mga nilikha, at kung wala nito ang isang tao, hindi siya nararapat tawaging isang tao. Dapat maunawaan ng mga tao na ang Lumikha ay laging magiging Panginoon ng paglikha; nasa Kanya ang kapangyarihan at mga katangian upang pangasiwaan at pamahalaan ang sinumang nilikha ayon sa gusto Niya, at hindi kailangang magkaroon ng dahilan para gawin iyon. Ito ang Kanyang awtoridad. Wala ni isa man sa mga nilalang ng paglikha ang may karapatan o karapat-dapat humatol kung tama ba o mali ang ginagawa ng Lumikha, o kung paano Siya dapat kumilos. Walang nilalang ang may karapatang mamili kung tatanggapin ba niya ang paghahari at mga pagsasaayos ng Lumikha; at walang nilalang ang may karapatang masunod sa kung paano pinaghaharian at isinasaayos ng Lumikha ang kanyang kapalaran. Ito ang pinakamataas na katotohanan. Anuman ang nagawa na ng Lumikha sa Kanyang mga nilikha, at paano man Niya nagawa na iyon, isa lamang ang dapat gawin ng mga taong Kanyang nilikha: hanapin, magpasakop, alamin, at tanggapin ang lahat ng inilagay ng Lumikha. Ang magiging resulta sa huli ay na maisasakatuparan na ng Lumikha ang Kanyang plano ng pamamahala at matatapos na ang Kanyang gawain, na naging sanhi upang sumulong ang Kanyang plano ng pamamahala nang walang anumang mga sagabal; samantala, dahil natanggap na ng mga nilikha ang pamamahala at mga pagsasaayos ng Lumikha, at nagpasakop na sa Kanyang pamamahala at mga pagsasaayos, matatamo na nila ang katotohanan, mauunawaan na ang kalooban ng Lumikha, at malalaman na ang Kanyang disposisyon. May isa pang prinsipyo na kailangan Kong sabihin sa inyo: Anuman ang ginagawa ng Lumikha, paano man Siya nagpapamalas, at malaki man o maliit ang Kanyang ginagawa, Siya pa rin ang Lumikha; samantalang ang buong sangkatauhan, na Kanyang nilikha, anuman ang kanilang nagawa, at gaano man sila katalentado o katalino, ay nananatiling mga nilikha. Tungkol naman sa mga taong nilikha, gaano man karaming biyaya at gaano man karaming pagpapala ang natanggap nila mula sa Lumikha, o gaano man kalaking awa, mapagmahal na kabaitan, o kabutihan, hindi sila dapat maniwala na naiiba sila sa madla, o mag-isip na maaari silang makapantay sa Diyos at na mataas na ang kanilang katungkulan sa lahat ng nilalang. Ilang kaloob man ang naigawad sa iyo ng Diyos, o gaano kalaking biyaya ang naibigay Niya sa iyo, o gaano kabait ka man Niya natrato, o nabigyan ka man Niya ng ilang espesyal na talento, wala sa mga ito ang mga yaman mo. Ikaw ay isang nilikha, at sa gayon ay magiging isa kang nilikha magpakailanman. Huwag na huwag mong iisipin na, “Isa akong munting sinta sa mga kamay ng Diyos. Hinding-hindi ako isasantabi ng Diyos, ang saloobin ng Diyos sa akin ay lagi nang magiging isang pagmamahal, pagmamalasakit at magigiliw na paghaplos, na may kasamang mga bulong ng aliw at pagpapalakas ng loob.” Bagkus, sa mga mata ng Lumikha, katulad ka ng lahat ng iba pang nilikha; maaari kang gamitin ng Diyos kung gusto Niya, at mapangangasiwaan ka rin Niya kung gusto Niya, at maaari Niyang isaayos kung gusto Niya na gampanan mo ang anumang papel sa lahat ng uri ng tao, kaganapan, at bagay. Ito ang kaalamang dapat magkaroon ang mga tao, at ang magandang pag-unawang dapat nilang taglayin. Kung mauunawaan at matatanggap ng tao ang mga salitang ito, magiging mas normal ang kaugnayan nila sa Diyos, at magtatatag sila ng napaka-makatwirang kaugnayan sa Kanya; kung mauunawaan at matatanggap ng tao ang mga salitang ito, ibabagay nila nang wasto ang kanilang katayuan, lalagay sa kanilang lugar doon, at paninindigan ang kanilang tungkulin.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pag-unawa Lamang sa Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos

Kaugnay na Nilalaman