Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 562

Ang makarating sa tunay na pagkaunawa ng mga salita ng Diyos ay hindi simpleng bagay. Huwag kang mag-isip nang ganito: “Naipapaliwanag ko ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, at sinasabi ng lahat na magaling ang aking pagpapaliwanag, at sinasang-ayunan nila ako, kaya ibig sabihin nito ay nauunawaan ko ang mga salita ng Diyos.” Hindi ito kapareho ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos. Kung nakatamo ka na ng kaunting liwanag mula sa mga pagpapahayag ng Diyos, at medyo naunawaan mo na ang tunay na kahulugan ng mga salita Niya, at kung naipapahayag mo ang layunin sa likod ng mga salita Niya at kung ano ang ibubunga ng mga ito sa huli—kung mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa lahat ng bagay na ito—maituturing ka nang nagtataglay ng kaunting pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Kaya, hindi ganoon kasimple ang maunawaan ang mga salita ng Diyos. Hindi dahil nakapagbibigay ka ng mabulaklak na paliwanag sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos ay nangangahulugang nauunawaan mo ang mga ito. Gaano mo man maipaliliwanag ang literal na kahulugan ng mga ito, nakabatay pa rin ang iyong paliwanag sa guni-guni at paraan ng pag-iisip ng tao. Walang silbi ito! Paano mo mauunawaan ang mga salita ng Diyos? Ang susi ay hanapin ang katotohanang nakapaloob sa mga iyon. Sa gayong paraan mo lamang tunay na mauunawaan ang mga salita ng Diyos. Hindi kailanman nagsasabi ang Diyos ng mga salitang walang kabuluhan. Bawat pangungusap na binibigkas Niya ay naglalaman ng mga detalye na tiyak na ihahayag pa sa Kanyang mga salita, at maaaring maipahayag ang mga ito sa ibang paraan. Hindi maaarok ng tao ang mga paraan ng pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan. Ang mga pagbigkas ng Diyos ay napakalalim at hindi madaling maaarok gamit ang pag-iisip ng tao. Maaaring matuklasan ng mga tao ang halos buong kahulugan ng bawat aspeto ng katotohanan basta’t pinagsisikapan nila. Ang natitirang mga detalye ay pupunan para sa kanila pagkatapos ng kanilang karanasan, sa pamamagitan ng pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu. Ang isang bahagi ay pagninilay at pag-unawa sa mga salita ng Diyos at paghahanap sa partikular na nilalaman ng mga ito sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga ito. Ang isa pang bahagi ay pag-unawa sa kahulugan ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagdanas sa mga ito at pagtatamo ng kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Sa pamamagitan ng patuloy na pag-unlad sa dalawang aspetong ito, unti-unti mong mauunawaan ang salita ng Diyos. Kung binibigyang-kahulugan mo ito nang literal at ayon sa teksto o mula sa sarili mong pag-iisip o mga imahinasyon, kahit ipaliwanag mo ito sa mabulaklak at mahusay na pananalita, hindi mo pa rin talaga nauunawaan ang katotohanan, at batay pa ring lahat iyon sa pag-iisip at mga imahinasyon ng tao. Hindi iyon natamo mula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Malamang na bigyang-kahulugan ng mga tao ang mga salita ng Diyos batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at maaari pa silang magkamali ng pakahulugan sa mga salita ng Diyos nang wala sa konteksto, kaya malamang ay magkamali sila ng pagkaunawa at manghusga sa Diyos, at problema ito. Samakatuwid, ang katotohanan ay natatamo higit sa lahat sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos at ng pagiging nabigyang-liwanag ng Banal na Espiritu. Ang magawang maunawaan at maipaliwanag ang literal na kahulugan ng salita ng Diyos ay hindi nangangahulugan na natamo mo na ang katotohanan. Kung ang pag-unawa sa literal na kahulugan ng salita ng Diyos ay nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan, mangangailangan ka lang ng kaunting pag-aaral at kaalaman, kaya bakit mo kakailanganin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu? Ang gawain ba ng Diyos ay isang bagay na maiintindihan ng isipan ng tao? Samakatuwid, ang pag-unawa sa katotohanan ay hindi batay sa mga kuru-kuro o imahinasyon ng tao. Kailangan mo ng kaliwanagan, pagtanglaw, at patnubay ng Banal na Espiritu para magkaroon ng tunay na karanasan at kaalaman. Ito ang proseso ng pag-unawa at pagtatamo sa katotohanan, at isa rin itong kinakailangang kondisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Kaugnay na Nilalaman