Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 472

Tinutulutan ka ng Diyos na danasin ang lahat ng uri ng paghihirap, pagkadismaya, at kapighatian, pati na ang maraming kabiguan at dagok. Sa huli, sa pamamagitan ng pagtulot sa iyo na danasin ang mga bagay na ito, ipinapaunawa sa iyo ng Diyos na ang lahat ng Kanyang sinabi ay tama at ang katotohanan. Kasabay nito, ipinapaunawa Niya sa iyo na mali lahat ang iniisip at inaakala mo, pati na ang iyong mga kuru-kuro, kaalaman, mga teoryang pilosopikal, mga pilosopiya, at ang mga bagay na natutunan mo sa mundo at na mga itinuro sa iyo ng iyong mga magulang, at na hindi ka magagabayan ng mga bagay na ito sa tamang landas sa buhay, at hindi ka maaakay ng mga ito para maunawaan ang katotohanan o makalapit sa harapan ng Diyos. Kung namumuhay ka pa rin ayon sa mga bagay na ito, kung gayon ay tinatahak mo ang landas ng kabiguan, pati na ang landas ng paglaban at pagkakanulo sa Diyos. Sa huli, ipapakita ito sa iyo ng Diyos nang malinaw. Ang prosesong ito ay isang bagay na dapat mong maranasan, at sa ganitong paraan lamang makakamit ang mga resulta, pero masakit din ito para sa Diyos na makita. Mapaghimagsik at may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya dapat silang magdusa nang kaunti, at dapat nilang danasin ang mga dagok na ito. Kung wala ang pagdurusang ito, hindi sila magkakaroon ng paraan na madalisay. Kung ang isang tao ay tunay na may pusong nagmamahal sa katotohanan, at tunay na nakahandang tanggapin ang iba’t ibang pamamaraan ng pagliligtas ng Diyos, at magbayad ng halaga, hindi na niya kailangang magdusa nang husto. Sa totoo lang, ayaw ng Diyos na pagdusahin nang husto ang mga tao, at hindi Niya gustong iparanas sa kanila ang napakaraming dagok at kabiguan. Gayunpaman, masyadong mapaghimagsik ang mga tao; ayaw nilang gawin ang iniuutos sa kanila, ayaw magpasakop, at hindi nila magawang tahakin ang tamang landas o pumili ng mas maikling daan; tinatahak lamang nila ang sarili nilang daan, naghihimagsik laban sa Diyos at nilalabanan Siya. Tiwali ang mga tao. Ang magagawa lamang ng Diyos ay ang ipasa sila kay Satanas at ilagay sila sa iba’t ibang sitwasyon para palagi silang hubugin, sa gayon ay tinutulutan silang magkamit ng maraming uri ng karanasan at matuto ng maraming uri ng aral, at maunawaan ang diwa ng maraming uri ng buktot na bagay. Pagkatapos niyon, kapag bumalik na ang mga tao at muling tingnan ang mga ito, mapagtatanto nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, aaminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at aaminin na ang Diyos ang realidad ng lahat ng positibong bagay, at ang Nag-iisang tunay na nagmamahal, nag-aalala, at makapagliligtas sa mga tao. Ayaw ng Diyos na magdusa nang husto ang mga tao, pero masyadong mapaghimagsik ang mga tao, gusto nilang tahakin ang maling landas, at gustong pagdaanan ang pagdurusang ito. Walang magawa ang Diyos kundi ilagay ang mga tao sa iba’t ibang sitwasyon para patuloy silang hubugin. Hanggang saan hinuhubog ang mga tao sa huli? Hanggang sa sasabihin mong, “Naranasan ko na ang bawat uri ng sitwasyon, at nauunawaan ko na sa wakas na maliban sa Diyos, wala nang tao, pangyayari o bagay ang makapagpapaunawa sa akin sa katotohanan, na makapagpapatamasa sa akin ng katotohanan, o makapagbibigay-daan sa akin na pumasok sa mga katotohanang realidad. Kung masunurin akong magsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, masunuring mananatili sa lugar ng tao, itataguyod ang aking katayuan at tungkulin bilang nilikha, masunuring tatanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, hindi na magkakaroon ng karagdagang reklamo o magnanais ng magagarbong bagay mula sa Diyos, at tunay na makapagpapasakop sa harap ng Lumikha, saka lamang ako magiging isang tao na tunay na nagpapasakop sa Diyos.” Kapag umabot na ang mga tao sa antas na ito, tunay silang yuyukod sa harap ng Diyos, at hindi na kakailanganin ng Diyos na magsaayos ng iba pang mga sitwasyon na ipaparanas sa kanila. Kaya, aling landas ang nais ninyong tahakin? Sa kanilang mga pansariling pagnanais, walang may gustong magdusa, walang may gustong dumanas ng mga dagok, kabiguan, suliranin, pagkadismaya, o paghihirap ngunit wala nang ibang paraan. Ang mga tao ay mayroong satanikong kalikasan; masyado silang mapaghimagsik, napakamasalimuot ng kanilang mga kaisipan at pananaw. Araw-araw, may walang tigil na kontradiksiyon sa puso mo, alitan, at pagkaligalig. Kaunting katotohanan lamang ang nauunawaan mo, mababaw ang iyong buhay pagpasok, at wala kang lakas na madaig ang mga kuru-kuro, imahinasyon, at tiwaling disposisyon ng laman. Ang magagawa mo lang ay sundin ang karaniwang pamamaraan ng tao: palaging dumaranas ng kabiguan at pagkadismaya, at palaging nasasadlak, sinasalanta ng paghihirap, at gumulong-gulong sa putik, hanggang sa sumapit ang isang araw na sasabihin mong, “Pagod na ako. Sawa na ako. Ayaw ko nang mamuhay nang ganito. Ayaw kong maranasan ang mga kabiguang ito. Handa akong humarap sa Lumikha nang may pagsunod; makikinig ako sa sinasabi ng Diyos, at gagawin ko ang sinasabi Niya. Ito lamang ang tamang landas sa buhay.” Sa araw na ganap kang kumbinsido at tinatanggap mo ang pagkatalo, saka ka lamang makakaharap sa Diyos. May naunawaan ka ba tungkol sa disposisyon ng Diyos mula rito? Ano ang saloobin ng Diyos sa mga tao? Anuman ang gawin ng Diyos, ninanais Niya ang pinakamainam para sa tao. Anuman ang sitwasyong isinasaayos Niya o ang hinihingi Niyang gawin mo, palagi Niyang hinihiling na makita ang pinakamagandang kalalabasan. Sabihin nang may pinagdadaanan kang isang bagay at nahaharap ka sa mga dagok at kabiguan. Hindi nais ng Diyos na makita kang pinanghihinaan ng loob kapag nabigo ka, isipin na katapusan mo na at na naagaw ka na ni Satanas, at pagkatapos ay susukuan mo na ang iyong sarili, hindi na muling makakabangon, at masasadlak ka sa panlulumo—hindi nais ng Diyos na makita ang kalalabasang ito. Ano ang nais makita ng Diyos? Na bagamat nabigo ka sa bagay na ito, nagagawa mong hanapin ang katotohanan at pagnilay-nilayan ang iyong sarili, makita ang dahilan ng iyong pagkabigo, tanggapin ang aral na itinuro ng kabiguang ito sa iyo, gunitain ito sa hinaharap, malaman na maling kumilos nang ganito at na sa pagsasagawa lamang ayon sa mga salita ng Diyos ang tama, at napagtatanto mo na, “Masamang tao ako. Mayroon akong isang tiwaling satanikong disposisyon. May paghihimagsik sa loob ko. Malayo ako sa matutuwid na tao na binabanggit ng Diyos, at wala akong may-takot-sa-Diyos na puso.” Nakita mo na ang katunayang ito nang malinaw; nakilala mo ang katotohanan ukol sa bagay na ito, at sa pamamagitan ng dagok na ito, ng kabiguang ito, nagkamit ka ng kaunting pang-unawa at naging husto ang pag-iisip. Ito ang gusto ng Diyos na makita. Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging nasa hustong pag-iisip? Ibig sabihin nito ay maaari kang makamit ng Diyos, na maaari kang maligtas, na maaari kang pumasok sa mga katotohanang realidad, at na tinahak mo ang landas ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Umaasa ang Diyos na makita ang mga tao na tumahak sa tamang landas. Ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay nang may mga napakataimtim na layunin, at ang lahat ng ito ay ang nakatago Niyang pagmamahal, pero madalas na hindi ito nararamdaman ng mga tao. Ang mga tao ay makikitid ang utak at lubhang mababaw ang pag-iisip. Sa sandaling hindi nila matamasa ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos, nagrereklamo sila tungkol sa Diyos, nagiging negatibo sila at nagpapakita ng galit, pero hindi ito ginagamit ng Diyos laban sa kanila. Tinatrato lang Niya sila na parang mga mangmang na bata at hindi Niya sila pinupuna. Naglalatag Siya ng mga sitwasyon para sa mga tao para ipaalam sa kanila kung paano natatamo ang biyaya at mga pagpapala, ipinauunawa sa kanila kung ano ang ibig sabihin ng biyaya sa tao, at kung ano ang matututunan ng mga tao mula rito. Sabihin na nating gusto mong kumain ng isang bagay na sinasabi ng Diyos na masama para sa iyong kalusugan kapag nasobrahan ka ng kain. Hindi ka nakinig, at nagpumilit kang kainin ito, at tinulutan ka ng Diyos na malayang pagpasyahan iyon. Bunga nito, nagkasakit ka. Pagkatapos maranasan ito nang ilang beses, napagtanto mo na talagang tama ang mga salitang binibigkas ng Diyos, na totoo ang mga sinasabi Niya, na dapat kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita, at na ito ang tamang landas. Kung gayon, ano ang ibubunga ng mga dagok, kabiguan at pagdurusang nararanasan mo? Isa na rito ay na, mararamdaman mo ang mga napakataimtim na layunin ng Diyos. Ang isa pa ay na, napapaniwala ka nito at nakakasigurado ka na tama nga ang mga salita ng Diyos at na praktikal ang lahat ng ito, at lumalago ang pananalig mo sa Diyos. Dagdag pa roon, sa pagdanas mo sa yugtong ito ng kabiguan, nakikilala mo ang pagkatotoo at katumpakan ng mga salita ng Diyos, nakikita mo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at nauunawaan mo ang prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan. Kaya naman, mabuti para sa iyo na makaranas ng kabiguan—bagamat isa rin itong bagay na nagpapahirap sa iyo, at humuhubog sa iyo. Pero kung ang pagkakahubog ay makapagpapabalik-loob sa iyo sa Diyos sa huli, magiging dahilan para maunawaan mo ang Kanyang mga salita at tanggapin ang mga ito sa iyong puso bilang katotohanan, at magiging dahilan para makilala mo ang Diyos, kung gayon, ang pagkakahubog, ang mga dagok at kabiguang naranasan mo ay hindi mauuwi sa wala. Ito ang resultang nais ng Diyos na makita.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo

Kaugnay na Nilalaman