Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 442

Ang pagpapatotoo sa Diyos una sa lahat ay patungkol sa pagsasalita tungkol sa iyong kaalaman sa gawain ng Diyos, kung paano nilulupig ng Diyos ang mga tao, kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung paano Niya binabago ang mga tao; patungkol ito sa pagsasalita kung paano Niya ginagabayan ang mga tao papasok sa realidad ng katotohanan, na nagtutulot sa kanila na malupig, maperpekto, at mailigtas Niya. Ang pagpapatotoo ay nangangahulugan ng pagsasalita tungkol sa Kanyang gawain at lahat ng naranasan mo. Tanging ang Kanyang gawain ang kayang kumatawan sa Kanya, at tanging ang Kanyang gawain ang kayang maghayag sa Kanya sa publiko, sa Kanyang kabuuan; ang Kanyang gawain ay nagpapatotoo sa Kanya. Ang Kanyang gawain at mga binigkas ay direktang kumakatawan sa Espiritu; ang gawaing ginagawa Niya ay isinasakatuparan ng Espiritu, at ang mga salitang sinasambit Niya ay sinasalita ng Espiritu. Ang mga bagay na ito ay ipinapahayag lamang sa pamamagitan ng katawang-tao ng Diyos, subali’t, ang katunayan, mga pahayag ito ng Espiritu. Lahat ng gawaing ginagawa Niya at lahat ng salitang sinasambit Niya ay kumakatawan sa Kanyang diwa. Kung, matapos bihisan ang Kanyang sarili ng laman at pumarito sa gitna ng tao, hindi nagsalita o gumawa ang Diyos, at pagkatapos ay inutusan kayong alamin ang Kanyang pagkatotoo, Kanyang normalidad, at Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, magagawa mo ba? Magagawa mo bang alamin kung ano ang diwa ng Espiritu? Magagawa mo bang alamin ang mga katangian ng Kanyang katawang-tao? Dahil lamang sa naranasan ninyo ang bawa’t hakbang ng Kanyang gawain kaya Niya kayo hinihingan na magpatotoo tungkol sa Kanya. Kung wala kayong gayong karanasan, hindi Niya kayo pipiliting magpatotoo. Sa gayon, kapag nagpapatotoo ka sa Diyos, hindi mo lamang pinatototohanan ang Kanyang panlabas na normal na pagkatao, kundi pati na ang gawaing Kanyang ginagawa at ang landas na Kanyang tinatahak; patototohanan mo kung paano ka Niya nalupig at sa anong mga aspeto ka nagawang perpekto. Ito ang klase ng patotoo na dapat mong ibigay. Kung, saan ka man magtungo, humihiyaw ka ng: “Naparito ang ating Diyos upang gumawa, at ang Kanyang gawain ay talagang praktikal! Natamo na Niya tayo nang walang mga kilos na higit sa karaniwan, nang wala man lang anumang mga himala at kababalaghan!” Itatanong ng iba: “Ano ang ibig mong sabihin kapag sinasabi mo na hindi Siya gumagawa ng mga himala at kababalaghan? Paano ka Niya nalupig nang hindi gumagawa ng mga himala at kababalaghan?” At sasabihin mo: “Siya ay nagsasalita, at, kahit hindi nagpapakita ng anumang mga kababalaghan o himala, nalupig Niya tayo. Nalupig tayo ng Kanyang gawain.” Sa kahuli-hulihan, kung wala kang masabing anuman na may katuturan, kung hindi mo nasasabi ang mga detalye, ito ba ay tunay na patotoo? Kapag nilulupig ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga tao, ang Kanyang banal na mga salita ang gumagawa niyon. Hindi ito naisasakatuparan ng sangkatauhan; hindi ito isang bagay na nakakamit ng sinumang mortal, at kahit yaong mga may pinakamalalaking kakayahan sa normal na mga tao ay hindi ito kaya, sapagka’t ang Kanyang pagka-Diyos ay mas mataas kaysa sinumang nilikha. Hindi ito pangkaraniwan sa mga tao; ang Lumikha, matapos ang lahat, ay mas dakila kaysa sinumang nilikha. Ang mga nilikha ay hindi kayang maging mas mataas kaysa sa Lumikha; kung mas mataas ka kaysa sa Kanya, hindi Niya magagawang lupigin ka, at nalulupig ka lang Niya dahil mas mataas Siya kaysa sa iyo. Siya na nakakayang lupigin ang buong sangkatauhan ay ang Lumikha, at walang sinuman kundi Siya ang nakakagawa ng gawaing ito. Ang mga salitang ito ay “patotoo”—ang klase ng patotoo na dapat mong taglayin. Sa paisa-isang hakbang, naranasan mo ang pagkastigo, paghatol, pagpipino, mga pagsubok, mga pagkabigo, at mga pagdurusa, at nalupig ka na; naisantabi mo na ang mga pagkakataon ng laman, ang iyong mga personal na motibo, at ang matatalik na interes ng laman. Sa madaling salita, lubos nang nalupig ng mga salita ng Diyos ang iyong puso. Bagama’t hindi ka nakalago sa iyong buhay na katulad ng hinihingi Niya, alam mo ang lahat ng bagay na ito at lubos kang kumbinsido sa ginagawa Niya. Kaya, maaari itong tawaging patotoo, patotoo na tunay at totoo. Ang gawaing ipinarito ng Diyos na gawin, ang gawain ng paghatol at pagkastigo, ay para lupigin ang tao, nguni’t tinatapos din Niya ang Kanyang gawain, winawakasan ang kapanahunan, at isinasakatuparan ang gawain ng pagtatapos. Winawakasan Niya ang buong kapanahunan, inililigtas ang buong sangkatauhan, pinalalaya ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa huling pagkakataon; lubos Niyang natatamo ang sangkatauhan, na Kanyang nilikha. Dapat mong patotohanan ang lahat ng ito. Napakarami mo nang naranasan sa gawain ng Diyos, nakita na ito ng sarili mong mga mata at personal mo itong naranasan; kapag nakaabot ka na sa pinakadulo, kailangan ay magawa mong gampanan ang tungkuling nakaatas sa iyo. Sayang iyon! Sa hinaharap, kapag pinalalaganap ang ebanghelyo, dapat mong makayang magsalita tungkol sa sarili mong kaalaman, magpatotoo sa lahat ng iyong natamo sa puso mo, at gawin ang lahat. Ito ang dapat marating ng isang nilikha. Ano ang aktuwal na kabuluhan ng yugtong ito ng gawain ng Diyos? Ano ang epekto nito? At gaano rito ang isinasakatuparan sa tao? Ano ang dapat gawin ng mga tao? Kapag nakakapagsalita ka nang malinaw tungkol sa lahat ng gawaing nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao mula nang pumarito sa lupa, magiging husto ang iyong patotoo. Kapag nakakapagsalita ka nang malinaw tungkol sa limang bagay na ito: ang kabuluhan ng Kanyang gawain; ang mga nilalaman nito; ang diwa nito; ang disposisyon na kinakatawan nito; at ang mga prinsipyo nito, patutunayan nito na kaya mong magpatotoo sa Diyos, na tunay kang nagtataglay ng kaalaman. Ang Aking mga kinakailangan sa inyo ay hindi napakataas, at magagawa ng lahat ng nasa tunay na paghahabol. Kung nagpasya kang maging isa sa mga saksi ng Diyos, kailangan mong maunawaan kung ano ang kinapopootan ng Diyos at kung ano ang minamahal ng Diyos. Naranasan mo na ang marami sa Kanyang gawain; sa pamamagitan ng gawaing ito, kailangan mong malaman ang Kanyang disposisyon, maunawaan ang Kanyang kalooban at Kanyang mga kinakailangan sa sangkatauhan, at gamitin ang kaalamang ito upang magpatotoo tungkol sa Kanya at gampanan ang iyong tungkulin. Maaaring sabihin mo lang na: “Kilala namin ang Diyos. Napakatindi ng Kanyang paghatol at pagkastigo. Ang Kanyang mga salita ay napakahigpit; ang mga ito ay matuwid at maringal, at hindi maaaring suwayin ng sinumang tao,” nguni’t ang mga salitang ito ba sa kahuli-hulihan ay nagkakaloob sa tao? Ano ang epekto ng mga ito sa mga tao? Talaga bang alam mo na ang gawain ng paghatol at pagkastigo na ito ay napakabuti para sa iyo? Inilalantad ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ang iyong pagiging mapanghimagsik at katiwalian, hindi ba? Malilinis at mapapatalsik ng mga ito ang marurumi at tiwaling bagay na iyon na nasa loob mo, hindi ba? Kung walang paghatol at pagkastigo, ano ang mangyayari sa iyo? Kinikilala mo ba talaga ang katotohanang nagawa ka nang tiwali ni Satanas sa pinakamatinding antas? Ngayon, dapat ninyong sangkapan ang inyong sarili ng mga bagay na ito at alamin nang husto ang mga ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 7

Kaugnay na Nilalaman