Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 375

Kapag walang kabatiran ang mga tao sa mga bagay na nangyayari sa kanila at hindi nila alam ang angkop na bagay na gagawin, ano ang una nilang dapat gawin? Dapat muna silang magdasal; nauuna ang pagdarasal. Ano ang ipinapakita ng pagdarasal? Na ikaw ay masigasig, na mayroon kang medyo may-takot-sa-Diyos na puso, at na alam mo kung paano hanapin ang Diyos, pinapatunayan na inuuna mo ang Diyos. Kapag nasa puso mo ang Diyos at may lugar Siya roon, at kapag nakakapagpasakop ka sa Diyos, isa ka nang masigasig na Kristiyano. Maraming matatandang mananampalatayang lumuluhod sa pagdarasal sa parehong oras at lugar araw-araw. Lumuluhod sila nang isa o dalawang oras sa bawat pagkakataon, pero kahit gaano karaming taon na silang lumuluhod nang ganito, hindi nito nalulutas ang marami sa mga problema nila sa kasalanan. Isantabi muna natin kung kapaki-pakinabang ba ang ganoong relihiyosong pagdarasal o hindi. Kahit papaano ay medyo masigasig ang matatandang kapatid na ito. Mas mabuti pa sila kaysa sa mga kabataan sa puntong ito. Kung gusto mong mabuhay sa harapan ng Diyos at maranasan ang gawain ng Diyos, ang una mong dapat gawin kapag may nangyayari sa iyo ay ang magdasal. Ang pagdarasal ay hindi lang isang usapin ng wala sa isip na pagbigkas ng mga kabisadong kataga, at wala nang iba; wala kang mararating nang ganito. Kailangan mong magsanay sa pagdarasal nang gamit ang iyong puso. Maaaring nagdarasal ka nang ganito walo o sampung beses nang walang masyadong nakukuhang resulta, pero huwag kang panghinaan ng loob: Dapat kang magpatuloy sa pagsasanay. Magdasal ka muna kapag may nangyayari sa iyo. Magsabi ka muna sa Diyos at ipaubaya mo ito sa Kanya. Hayaan mong tulungan ka ng Diyos, hayaan mong gabayan ka Niya at ipakita Niya sa iyo ang daan. Patutunayan nito na mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso at na inuuna mo ang Diyos. Kapag may nangyayari sa iyo o nahaharap ka sa ilang paghihirap at nagiging negatibo at nagagalit ka, isa itong pagpapamalas na wala ang Diyos sa iyong puso at wala kang takot sa Diyos. Anumang paghihirap ang hinaharap mo sa tunay na buhay, dapat kang humarap sa Diyos. Ang una mong dapat gawin ay lumuhod sa pagdarasal. Ito ang pinakamahalaga. Ipinapakita ng pagdarasal na may puwang ang Diyos sa puso mo. Kapag may problema ka, ipinapakita ng pagtingala sa Diyos at pagdarasal sa Kanya at paghahanap mula sa Kanya na mayroon kang medyo may-takot-sa-Diyos na puso; hindi mo ito gagawin kung wala sa puso mo ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Nagdasal na ako, pero hindi pa rin ako binigyang-liwanag ng Diyos!” Hindi ganoon ang pagtingin dito. Dapat mo munang tingnan kung tama ang layunin sa likod ng panalangin mo. Kung taimtim mong hinahanap ang katotohanan at madalas kang nagdarasal sa Diyos, malamang na magkakaroon ng partikular na bagay kung saan bibigyang-liwanag ka ng Diyos at bibigyang-daan kang makaunawa. Anu’t ano man, ipauunawa ito sa iyo ng Diyos. Kung hindi ka bibigyang-liwanag ng Diyos, hindi mo magagawang maunawaan ito nang ikaw lang. May ilang bagay na hindi maaabot ng kaisipan ng tao, may kapangyarihan ka man ng pang-unawa o wala at anuman ang iyong kakayahan. Kapag naunawaan mo na, galing ba iyon sa pag-iisip mo? Sa mga layunin ng Diyos at sa gawain ng Espiritu, kung hindi ka bibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, hindi ka makakahanap ng sinumang nakakaalam. Malalaman mo lang ito kapag ang Diyos Mismo ang magsasabi sa iyo kung ano ang ibig Niyang sabihin. Kaya, ang unang bagay na dapat mong gawin kapag may nangyayari sa iyo ay ang magdasal. Kapag nagdarasal ka, dapat mong ipahayag sa Diyos ang mga iniisip, pananaw, at saloobin mo, at hanapin mo ang katotohanan mula sa Kanya, nang may mentalidad ng pagpapasakop; ito ang dapat isagawa ng mga tao. Hindi ka magkakamit ng anumang resulta kung wala sa loob ang ginagawa mo, at kung ganoon ay hindi ka dapat magreklamo na hindi ka binigyang-liwanag ng Banal na Espiritu. Nakakita na Ako ng ilang tao na nakikibahagi lang sa mga relihiyosong seremonya at gumagawa ng mga relihiyosong aktibidad sa pananampalataya nila sa Diyos. Wala talagang puwang sa mga puso nila para sa Kanya; itinatatwa pa nga nila ang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi sila nagdarasal o nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Patuloy lang silang pumupunta sa pagtitipon at wala nang iba. Pananalig ba ito sa Diyos? Ipinagpapatuloy nila ang pananampalataya nila gaya ng dati, subalit walang Diyos sa pananampalataya nila. Wala ang Diyos sa mga puso nila, ayaw na nilang magdasal sa Diyos, at ayaw na nilang magbasa ng mga salita ng Diyos. Kung ganoon ay hindi ba’t naging mga walang pananampalataya na sila? May ilang partikular na lider at manggagawa na madalas na nag-aasikaso ng mga pangkalahatang aktibidad. Hindi sila kailanman tumutuon sa buhay pagpasok sa halip ay itinuturing nilang pangunahing trabaho ang gawain ng pangkalahatang aktibidad. Naging mga tagapangasiwa na lang sila ng gawain at wala silang ni isang ginagawa sa mahahalagang gawain ng mga lider at manggagawa. Dahil dito, pagkatapos sumampalataya sa Diyos nang dalawampu o tatlumpung taon, wala silang nasasabi tungkol sa karanasan nila sa buhay at wala silang tunay na pagkakilala sa Diyos. Kaya lang nilang magsabi ng ilang salita at doktrina. Sa ganoon ay hindi ba’t naging mga huwad na lider na sila? Ito ay dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, hindi nila inaasikaso ang mga tamang tungkulin nila o hinahangad ang katotohanan. Walang anumang malulutas ang pagdepende lang sa pagkaunawa ng isang tao sa ilang salita at doktrina. Nagrereklamo sila sa Diyos sa sandaling masubok sila, masalanta ng sakuna, o magkasakit. Wala silang anumang tunay na pagkilala sa kanilang sarili, at wala talaga silang patotoong batay sa karanasan. Ipinapakita nito na hindi nila hinangad ang katotohanan sa mga taon na sumampalataya sila sa Diyos, na nagpapakaabala lang sila sa mga panlabas na bagay, at dahil dito ay ipinahamak nila ang kanilang sarili. Kahit ilang taon pang sumampalataya ang mga tao sa Diyos, kahit papaano ay dapat silang makaunawa ng ilang katotohanan para masiguro nilang hindi sila madarapa, gagawa ng masama, o matitiwalag. Kahit papaano ay dapat silang masangkapan nang ganito. Ang ilang tao ay walang interes kapag nakikinig sa mga sermon at hindi nila pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos. Hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit ano pa ang nangyayari sa kanila. Kontento na sila sa pag-unawa lang sa mga salita at doktrina, ipinagpapalagay na nakamit na nila ang katotohanan. Pagkatapos, kapag dumarating ang isang pagsubok, wala talaga silang kaalaman, at puno ang puso nila ng mga hinaing at reklamo na hindi nila pinangangahasang sabihin nang malakas, kahit na gusto nila. Hindi ba’t masyadong kaawa-awa ang ganoong mga tao? Maraming tao na palaging pabasta-basta sa paggampan sa kanilang tungkulin. Hindi nila pinagninilayan o sinusubukang maunawaan ang kanilang sarili kapag pinupungusan sila. Palagi silang nangangatwiran, kung kaya’t lumilitaw ang kapangitan nila sa maraming iba’t ibang paraan, at nabubunyag at natitiwalag sila, walang kakayahang kilalanin ang sarili nila hanggang sa huli. Kung ganoon ay ano ang punto ng pag-unawa sa mga doktrinang iyon? Talagang walang punto. Kahit ilang taon pang sumampalataya ang mga tao sa Diyos, walang saysay ang pag-unawa at kakayahan lang na magsalita ng mga doktrina. Hindi nila nakamit ang katotohanan kundi naligaw sila. Kung ganoon, kapag may nangyayari sa iyo at nagdarasal ka sa Diyos, hinahanap ang Kanyang mga layunin, ang susi ay ang maunawaan mo ang katotohanan para malutas ang problema. Ito ang tamang landas, at dapat ay palagi kang magpursige sa ganoong pagsasagawa.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalagang Bagay ang Pagkakamit ng Katotohanan

Kaugnay na Nilalaman