Yaong mga Hindi Natututo at Walang Alam: Hindi Ba Sila mga Hayop?

Habang naglalakad ka sa landas ngayon, ano ang pinakaangkop na klase ng pagsisikap? Sa iyong pagsisikap, anong klase ng tao ang dapat mong makita sa sarili mo? Dapat mong malaman kung paano mo dapat harapin ang lahat ng sumasapit sa iyo ngayon, mga pagsubok man ito o paghihirap, o walang-awang pagkastigo at pagsumpa. Dapat mong bigyan ito ng maingat na pagsasaalang-alang sa lahat ng pagkakataon. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil ang sumasapit sa iyo ngayon, sa kabila ng lahat, ay maiikling pagsubok na paulit-ulit na nangyayari; marahil ay hindi mo itinuturing na mabigat sa isipan ang mga ito, kaya hinahayaan mo na lang magdaan ang mga bagay na ito, at hindi mo itinuturing ang mga ito na napakahalagang yaman sa pagsisikap na sumulong. Masyado kang bulagsak! Lumalabas na ipinapalagay mo na isang ulap ang napakahalagang yamang ito na nakalutang sa harap ng iyong mga mata; hindi mo pinahahalagahan ang malulupit na haplit ng ulan na bumabagsak paminsan-minsan—mga haplit na maiikli, at para sa iyo, tila marahan—kundi basta minamasdan mo lang ang mga ito, nang hindi mo sineseryoso, na itinuturing ang mga ito na paminsan-minsang pagkatok lamang. Napakayabang mo! Sa malulupit na pag-atakeng ito, mga pag-atake na katulad ng mga unos na dumarating paminsan-minsan, ipinapakita mo lang na masaya ka; kung minsan malamig pa ang ngiti mo, na naghahayag ng iyong pagwawalang-bahala—sapagkat hindi mo naisip kailanman kung bakit patuloy kang nagdaranas ng gayong “mga kasawian.” Lubha ba Akong hindi makatarungan sa tao? Hinahanapan ba kita ng mali? Bagama’t maaaring hindi kasingseryoso ang mga problema sa pag-iisip mo na tulad ng nailarawan Ko, sa ipinapakita mong pagkakalmado, matagal ka nang nakalikha ng perpektong imahe ng niloloob mo. Wala nang dahilan para sabihin Ko pa sa iyo na ang tanging nakatago sa kaibuturan ng puso mo ay ang magaspang na pagtuligsa at halos hindi mahalatang kalungkutan. Dahil inaakala mo na lubhang hindi makatarungan ang naranasan mong mga pagsubok, nagmumura ka; ipinadarama sa iyo ng mga pagsubok na ito ang kapanglawan ng mundo, at dahil dito, lungkot na lungkot ka. Sa halip na ituring na pinakamainam na proteksyon ang paulit-ulit na paghaplit at disiplina, ang tingin mo sa mga ito ay walang katuturang panggugulo ng Langit, o dili kaya’y angkop na paghihiganti sa iyo. Napakamangmang mo! Walang awa mong itinago sa dilim ang magagandang panahon; oras-oras, itinuring mong pag-atake ng iyong mga kaaway ang magagandang pagsubok at disiplina. Wala kang kakayahang makibagay sa iyong kapaligiran; at lalo nang ayaw mong gawin ’yon, sapagkat ayaw mong matuto ng anuman mula sa paulit-ulit—at para sa iyo ay malupit—na pagkastigo. Hindi ka nagsasaliksik ni nagsisiyasat, basta sumusuko ka na lang sa iyong kapalaran, at tinatanggap ang iyong kinalalagyan. Hindi nabago ng sa tingin mo ay mababagsik na pagkastigo ang puso mo, ni hindi pumalit ang mga ito sa puso mo; sa halip, sinasaksak ng mga ito ang puso mo. Ang tingin mo rito sa “malupit na pagkastigo” ay walang iba kundi ang iyong kaaway sa buhay na ito, at wala kang natutuhan. Masyado kang mapagmagaling! Madalang kang maniwala na nagdaranas ka ng ganitong mga pagsubok dahil napakasama mo; sa halip, iniisip mo na napakamalas mo, at sinasabi mo na palagi kitang hinahanapan ng mali. Sa ngayon, gaano ba talaga karami ang alam mo tungkol sa Aking sinasabi at ginagawa? Huwag mong isipin na likas kang matalino, medyo mas mababa lamang kaysa sa kalangitan ngunit mas mataas kaysa sa lupa. Hindi ka mas matalino kaysa sa iba—at masasabi pa nga na mas hangal ka kaysa sinumang iba pang mga tao sa lupa na may katwiran, sapagkat napakataas ng tingin mo sa iyong sarili, at hindi ka nakaramdam kailanman na mas mababa ka sa iba; tila nahihiwatigan mo ang pinakamaliit na detalye ng Aking mga kilos. Sa katunayan, isa kang tao na walang katwiran, sapagkat wala kang ideya kung ano ang Aking gagawin, at lalo kang walang alam kung ano ang Aking ginagawa ngayon. Kaya sinasabi Ko na hindi ka kapantay ng isang matandang magsasaka na nagtatrabaho sa lupain, isang magsasaka na wala ni katiting na pagkaunawa sa buhay ng tao subalit umaasa sa mga pagpapala ng Langit habang nagbubungkal ng lupa. Hindi ka nag-uukol ng kahit isang segundo para pag-isipan ang iyong buhay, wala kang alam na dapat ipagbunyi, at lalo nang wala kang alam tungkol sa sarili mo. Masyado kang “mapagmataas”! Talagang nag-aalala Ako sa iyo na maselang manamit at sa inyo na maseselang dalaga: Paano ninyo matatagalan ang paghampas ng mas matitinding bagyo? Lubos na walang pakialam ang maselang manamit sa kapaligirang kinaroroonan nila. Para sa kanila, mukhang walang kuwenta ito, hindi nila ito iniisip, hindi sila negatibo, at ni hindi nila iniisip na napakasama at napakaaba nila; sa halip, palakad-lakad lang sila sa mga lansangan na pakaway-kaway sa mga tagahanga nila. Hindi alam nitong mga “kilalang tao,” na hindi na natuto, kung bakit Ko sinasabi sa kanila ang mga bagay na ito; puno ng galit ang kanilang mukha, sinisikap lamang nilang kilalanin ang kanilang sarili, at pagkatapos ay patuloy sila sa kanilang masasamang gawi; kapag iniiwan nila Ako, muli silang nagsisimulang magwala sa mundo, at binabalikan ang dati nilang mga panloloko. Napakabilis magbago ng ekspresyon sa iyong mukha. Kaya, muli, tinatangka mo Akong linlangin sa ganitong paraan—napakatapang mo! Mas nakakatawa pa yaong maseselang pihikang dalaga. Nang marinig ang Aking kagyat na mga pagbigkas, at makita ang kapaligirang kinaroroonan nila, tumulo ang mga luha—nang hindi sinasadya—sa kanilang mukha, na puno ng mga paghikbi, at parang gumagawa sila ng eksena—nakakainis! Nakikita ang sarili nilang tayog, at sumasalampak sila sa kanilang kama at nahihiga roon, umiiyak nang walang tigil, na para bang halos maubusan sila ng hininga. Naipakita sa kanila ng mga salitang ito ang pagiging batang-isip, kasamaan at pagiging hamak nila, at pagkatapos niyon ay napupuspos sila ng pagkanegatibo, nawawalan ng ningning ang kanilang mga mata, at hindi sila nagrereklamo tungkol sa Akin o namumuhi sa Akin, ngunit nananatili silang hindi kumikilos, negatibo, at mangmang din at walang natutuhan; matapos Akong iwan, nagkakatuwaan at naglalaro sila, ang kanilang tawa ay kagaya sa isang “kampanang pilak ng prinsesa.” Napakarupok nila at walang-wala silang pagmamahal sa sarili! Kayo, na nasirang mga produkto ng sangkatauhan—hindi kayo talaga makatao! Hindi ninyo alam kung paano mahalin ang inyong sarili, o protektahan ang inyong sarili, wala kayong katwiran, hindi ninyo hinahanap ang tunay na daan, hindi ninyo mahal ang tunay na liwanag, at, bukod diyan, hindi ninyo alam kung paano pahalagahan ang inyong sarili. Matagal na ninyong kinalilimutan ang paulit-ulit Kong mga turo. Itinuturing pa ninyong laruan ang mga ito para sa inyong bakanteng oras, at lagi ninyong itinuturing ang mga ito na sarili ninyong “bantay na anting-anting.” Kapag inakusahan kayo ni Satanas, nagdarasal kayo; kapag negatibo kayo, natutulog kayo; kapag masaya kayo, takbo kayo nang takbo; kapag pinangangaralan Ko kayo, yumuyuko kayo at nagkakamot; at kapag iniiwan ninyo Ako, tumatawa kayo na parang baliw. Sa umpukan ng mga tao, walang ibang mas mataas kaysa sa iyo, ngunit hindi mo naisip kailanman na ikaw ang pinakamayabang sa lahat. Napakatayog mo palagi, kampante at mapagmataas. Paano magagawa ng gayong “mga binatilyo at dalagita” at “mga binata at dalaga” na walang alam at walang natututuhan kailanman na tratuhin ang Aking mga salita bilang isang napakahalagang yaman? Ngayon ay patuloy kitang tatanungin: Ano ba talaga ang natutuhan mo mula sa Aking mga salita at gawain sa loob ng napakahabang panahon? Hindi ka ba naging mas tuso sa iyong panlilinlang? Naging mas sopistikado sa iyong katawan? Mas nagwawalang-bahala sa iyong pagtingin sa Akin? Sasabihin Ko sa iyo nang diretsahan: Napakarami Kong nagawang gawain, subalit lalo ka nitong pinatapang, tapang na dati-rati ay kagaya lamang sa isang daga. Ang iyong takot sa Akin ay nababawasan bawat araw, sapagkat napakabait Ko, at hindi Ko kailanman pinarusahan ang iyong laman gamit ang karahasan; marahil, sa tingin mo ay nagbibitiw lang Ako ng mababagsik na salita—ngunit kadalasan ay nakangiti Ako sa iyo, at halos hindi kita pinuna nang harapan kailanman. Bukod pa riyan, lagi Kong pinatatawad ang iyong kahinaan, at dahil lamang dito kaya mo Ako tinatrato na tulad ng pagtrato ng ahas sa mabait na magsasaka. Malaki ang paghanga Ko sa galing, sa nagawa ng kapangyarihan ng tao na magmasid! Para sabihin Ko sa iyo ang totoo, ngayon ay hindi mahalaga kung may pagpipitagan ang iyong puso o wala. Hindi Ako kinakabahan o kaya’y nababalisa. Ngunit kailangan Ko ring sabihin ito sa iyo: Ikaw na “matalinong tao,” na mangmang at ayaw matuto, sa dakong huli ay ibabagsak ka ng sarili mong kasiyahan at katalasan ng isip—ikaw ang magdurusa at makakastigo. Hindi Ako hangal para samahan kang patuloy na magdusa sa impiyerno, sapagkat hindi Ako kauri mo. Huwag mong kalilimutan na ikaw ay isang nilikha na Aking sinumpa, subalit tinuruan at iniligtas Ko. Wala kang anumang para sa Akin na aayawan Kong bitawan. Tuwing Ako ay gumagawa, hindi Ako pinipigilan ng sinumang mga tao, anumang mga pangyayari, o mga bagay. Hindi pa rin nagbabago ang Aking mga pag-uugali at opinyon sa sangkatauhan: Hindi kita masyadong gusto, sapagkat dagdag ka lang sa Aking pamamahala, at wala namang mas mabuti tungkol sa iyo kumpara sa anupamang ibang bagay. Ang payo Ko sa iyo: Sa lahat ng oras, tandaan na isa ka lamang nilalang ng Diyos! Maaaring mabuhay ka sa piling Ko, ngunit dapat mong malaman ang iyong pagkakakilanlan; huwag mong ipalagay na napakataas mo. Kahit hindi Kita hinihiya o pinakikitunguhan, at hinaharap Kita nang may ngiti, hindi ito patunay na ikaw ay kauri Ko; dapat mong malaman na isa ka sa mga naghahangad na matamo ang katotohanan, hindi ang katotohanan mismo! Dapat ay hindi ka tumigil na magbago ayon sa Aking mga salita. Hindi mo ito matatakasan. Pinapayuhan kita na magsikap at matuto ng isang bagay sa napakagandang panahong ito, na dumarating ang bihirang pagkakataong ito. Huwag mo Akong lokohin; hindi mo Ako kailangang purihin para linlangin Ako. Kapag hinanap mo Ako, hindi iyon para lang sa Aking kapakanan, kundi para sa iyo!

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger