Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Disposisyon ng Diyos at Kung Ano ang Mayroon Siya at Ano Siya | Sipi 253

Ang kabuluhan ng lahat ng ginagawa ng Diyos ay may labis na kalaliman. Isipin mo, halimbawa, ang pagpapako sa krus kay Jesus. Bakit kinailangang ipako sa krus si Jesus? Hindi ba’t para tubusin ang buong sangkatauhan? Kaya, may malaking kabuluhan din ang kasalukuyang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ang Kanyang pagdanas ng pagdurusa ng mundo—para iyon sa magandang hantungan ng sangkatauhan. Sa Kanyang gawain, laging ginagawa ng Diyos ang mismong pinakapraktikal. Bakit walang kasalanan ang tingin ng Diyos sa tao, at na maaaring magkaroon ng magandang kapalaran ang tao na lumapit sa harapan ng Diyos? Ito ay dahil ipinako sa krus si Jesus, pinasan ang mga kasalanan ng tao, at tinubos ang sangkatauhan. Kung gayon ay bakit hindi na magdurusa pa ang sangkatauhan, hindi na magdadalamhati, hindi na luluha, at hindi na bubuntong-hininga? Ito ay dahil inako lahat sa Kanyang sarili ng kasalukuyang pagkakatawang-tao ng Diyos ang pagdurusa na ito, at natiis na ngayon ang pagdurusang ito para sa tao. Para iyong isang ina na nakikitang nagkakasakit ang kanyang anak at nagdarasal sa Langit, hinihiling na bawian siya ng buhay kung nangangahulugan iyon na mapapagaling ang kanyang anak. Gumagawa rin ang Diyos sa ganitong paraan, inaalay ang Kanyang pasakit kapalit ng magandang hantungan na darating pagkatapos para sa sangkatauhan. Wala nang dalamhati, wala nang mga luha, wala nang mga buntong-hininga at wala nang pagdurusa. Ang Diyos ang nagbabayad ng halaga—ng kabayaran—ng personal na pagdanas ng pagdurusa ng mundo kapalit ng susunod na magandang hantungan para sa sangkatauhan. Ang pagsasabi na ginawa ito bilang “kapalit” ng magandang hantungan ay hindi nangangahulugan na walang kapangyarihan o awtoridad ang Diyos na pagkalooban ng magandang hantungan ang sangkatauhan, kundi sa halip ay na nais ng Diyos na maghanap ng mas praktikal at makapangyarihang patunay para lubos na makumbinsi ang mga tao. Naranasan na ng Diyos ang pagdurusang ito, kaya karapat-dapat Siya, nasa Kanya ang kapangyarihan, at lalo nang nasa Kanya ang awtoridad na ihatid ang sangkatauhan sa magandang hantungan, ibigay sa sangkatauhan ang magandang hantungan at pangakong ito. Lubusang makukumbinsi si Satanas; lubusang makukumbinsi ang sangnilikha sa sansinukob. Sa huli, tutulutan ng Diyos ang sangkatauhan na tanggapin ang Kanyang pangako at pagmamahal. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay praktikal, wala Siyang ginagawang hungkag, at nararanasan Niya Mismong lahat iyon. Pinagbabayaran ng Diyos ang halaga ng Kanyang sariling karanasan ng pagdurusa kapalit ng isang hantungan para sa sangkatauhan. Hindi ba ito praktikal na gawain? Maaaring magbayad nang matindi ang mga magulang para sa kapakanan ng kanilang mga anak, at kinakatawan nito ang kanilang pagmamahal para sa kanilang mga anak. Sa paggawa nito, ang Diyos na nagkatawang-tao, mangyari pa, ay nagpapakita ng lubos na sinseridad at katapatan sa sangkatauhan. Ang diwa ng Diyos ay tapat; ginagawa Niya kung ano ang Kanyang sinasabi, at kung anuman ang Kanyang ginagawa ay nakakamit. Lahat ng Kanyang ginagawa para sa mga tao ay tapat. Hindi Siya bumibigkas lang ng mga salita; kapag sinabi Niyang babayaran Niya ang halaga, talagang binabayaran Niya ang halaga. Kapag sinabi Niyang babalikatin Niya ang pagdurusa ng sangkatauhan at Siya ang magdurusa sa halip na sila, talagang dumarating Siya upang mamuhay sa piling nila, personal na nadarama at nararanasan ang pagdurusang ito. Pagkatapos niyon, kikilalanin ng lahat ng bagay sa sansinukob na lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at matuwid, na lahat ng ginagawa ng Diyos ay makatotohanan: Ito ay malaking katibayan. Bilang karagdagan, magkakaroon ng magandang hantungan ang sangkatauhan sa hinaharap, at lahat ng natira ay pupurihin ang Diyos; pararangalan nila na ang mga gawa ng Diyos ay talagang ginawa dahil sa pagmamahal Niya sa sangkatauhan. Mapagpakumbabang dumarating ang Diyos sa sangkatauhan, bilang isang pangkaraniwang tao. Hindi lamang Niya ginagampanan ang ilang gawain, binibigkas ang ilang pananalita, pagkatapos ay aalis; sa halip, tunay Siyang nagsasalita at gumagawa habang dinaranas ang pasakit ng sanlibutan. Aalis lamang Siya kapag natapos na Niyang danasin ang pasakit na ito. Ganito katotoo at praktikal ang gawain ng Diyos; ang lahat ng nananatili ay magpupuri sa Kanya dahil dito, at makikita nila ang katapatan ng Diyos sa tao at ang Kanyang kagandahang-loob. Ang diwa ng Diyos tungkol sa kagandahan at kabutihan ay maaaring makita sa kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao sa laman. Anumang ginagawa ng Diyos ay taos-puso; anuman ang Kanyang sinasabi ay masigasig at tapat. Ang lahat ng nilalayon Niyang gawin ay aktuwal Niyang ginagawa; kapag may halagang dapat bayaran, aktuwal Niya itong binabayaran; hindi lamang Siya bumibigkas ng mga salita. Ang Diyos ay isang matuwid na Diyos; ang Diyos ay isang tapat na Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Ikalawang Aspekto ng Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

Kaugnay na Nilalaman