Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi) Unang Seksiyon
Karagdagang Babasahin: Isang Paghihimay sa mga Problemang Lumilitaw Kapag Isinasalin sa Panulat ang mga Sermon
Narinig Kong sinasabi ng ilang tao na inalis ng mga taga-transcribe ang mga kuwentong nasa simula ng huling ilang sermon, itinira lamang ang pormal na nilalaman ng mga sermon na kasunod ng mga kuwento. Ganito ba talaga? Aling mga kuwento ang inihiwalay mula sa mga sermon na kasunod ng mga ito? (Ang Kuwento nina Dabao at Xiaobao, Ang Kuwento nina Daming at Xiaoming, at Isang Diskusyon Tungkol sa Kapital: “Hayaan na ito!”) Inihiwalay ang tatlong kuwentong ito mula sa nilalaman ng sermon, pero bakit? Sa anong dahilan? Mukhang inakala ng mga taga-transcribe na hindi angkop ang mga naunang kuwento sa nilalaman ng mga sumunod na sermon, kaya inihiwalay nila ang mga ito. Makatwiran ba ito? Ito mismo ang ginawa ng mga taga-transcribe. Masyado silang mapagmataas at mapagmagaling, kinukuha ang mga kuwento at inilalagay ang mga ito sa hiwalay na mga kabanata nang walang anumang nilalaman na sermon. Masasabi ba ninyo na ang resulta ng paggawa nito ay mabuti o masama? Saka, masasabi ba ninyo na ang kuwentong nasa unahan ay dapat angkop at tugma sa sermon na kasunod nito? Kailangan ba talaga ito? (Hindi.) Kung gayon bakit nagkamali ng pagkaunawa sa gampanin ang mga nagta-transcribe ng mga sermon sa ganitong paraan? Paano sila nagkaroon ng gayong paniniwala? Ano ang problema rito? Inisip nilang: “Ang mga kuwentong sinabi Mo ay malayo sa paksa. Susuriin ko ang mga ito para sa Iyo, at sa pamamahagi ng mga ito, hindi ko pagsasama-samahin ang mga ito. Ang mga sermon ay mga sermon; hayaang maging magkakatugma ang mga ito sa isa’t isa. Ang nilalaman ng mga naunang kuwento ay hindi dapat makasagabal sa nilalaman ng mga sermon. Kailangan kong suriin ang mga ito para sa Iyo dahil hindi Mo Mismo nauunawaan ang isyu.” Mabuting layunin ba ito? Saan nagmumula ang mabuting layunin nilang ito? Nagmumula ba ito sa mga kuru-kuro ng tao? (Oo.) Kapag nangangaral Ako, kailangan ko bang isaalang-alang nang lubusan ang lahat ng ito? Kailangan bang tugma ang bawat kuwentong sinasabi Ko sa kasunod na nilalaman? (Hindi.) Hindi ito kailangan; tinatawag itong isang regulasyon, isang kuru-kuro. Anong mga pagkakamali ang nagawa ng mga taga-transcribe? (Ang paggawa ng mga bagay batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon.) Ano pa? (Ang pagkilos nang walang ingat at padalos-dalos.) Ang kalikasan ng ganitong uri ng pag-uugali ay na medyo walang ingat at padalos-dalos ito; wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Makatwiran na sabihin ito, pero naiiba pa rin ito sa diwa ng usapin. Nang i-transcribe nila ang mga sermon, anong uri ng saloobin at anong uri ng pananaw ang ginamit nila sa pagtingin sa lahat ng sinabi ng Diyos? Mga kuwento o mga sermon man ito, sa anong uri ng saloobin at anggulo nila tiningnan at pinakinggan ang mga sinabing bagay na ito? (Mula sa anggulo ng kaalaman at pagkatuto.) Tama iyan. Ang pagtingin sa mga kuwentong sinabi at sa nilalaman ng mga sermon mula sa perspektiba ng kaalaman ay hahantong sa ganitong problema. Naniniwala sila na kapag nagbibigay Ako ng sermon, anuman ang bahaging nais Kong talakayin, dapat may tamang pagkakasunod-sunod ang nilalaman; ang bawat pangungusap ay dapat lohikal, ang bawat pangungusap ay dapat naaayon sa mga kuru-kuro ng lahat, at ang bawat bahagi ay dapat may masusing layon. Sinusukat nila ang Aking mga sermon ayon sa kuru-kurong ito. Nagpapakita ba ito ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Kawalan talaga ito ng espirituwal na pang-unawa! Ang paggamit ng lohika at hinuha para tingnan ang tinalakay Ko mula sa perspektiba ng kaalaman ay paggawa ng isang seryosong pagkakamali. Nagbabahagi Ako ng katotohanan, hindi gumagawa ng mga talumpati; dapat malinaw ito sa iyo. Kayong mga nakarinig ng mga sermon sa pagtitipon at pagkatapos ay nakinig muli ng mga sermong i-tinranscribe nila, may napansin ba kayong anumang mahahalagang punto o bagay na sinabi noong panahong iyon na inalis nila? May nangyari bang ganito? Halimbawa, baka nakarinig kayo ng isang sipi noong pagtitipon na talagang nakaaantig at talagang nakapagbibigay ng aral, ngunit nalaman ninyo pagkatapos, nang pakinggan ninyo ang recording ng sermon na wala roon ang sipi; inalis na ito. Nangyari na ba ito sa inyo? Kung hindi kayo nakinig nang mabuti, maaaring hindi ninyo napansin, kaya siguraduhin ninyong makinig nang mabuti sa hinaharap. Minsan, nakinig Ako sa isang recording, at sa parte kung saan kasisimula Ko lang talakayin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, inililista ang mga ito mula una hanggang panglabinlima, inalis nila ang mga detalyadong paglilinaw at paliwanag mula sa bawat isa, at sa halip ay inilista lamang nila ang unang pagpapamalas, ang ikalawang pagpapamalas, ang ikatlong pagpapamalas, at iba pa. Tinalakay ang bawat pagpapamalas nang napakabilis, sunod-sunod, mas mabilis pa kaysa sa isang guro na nagtuturo ng aralin. Para sa karamihan ng tao na hindi pa narinig ang sermong iyon noon at hindi pamilyar dito, wala silang pagkakataong magnilay habang nakikinig dito. Kung gusto nilang makinig nang mabuti, palagi nilang kakailanganing huminto, makinig sa isang pangungusap at pagkatapos ay mabilis na magtala, pagkatapos ay pagnilayan kung ano ang ibig sabihin ng pangungusap na ito, at saka pakinggan ang susunod na pangungusap. Kung hindi, magiging masyadong mabilis ang tempo at hindi sila makasasabay. Isa itong seryosong pagkakamali ng mga nag-edit ng mga recording ng sermon. Ang sermon ay isang usapan, isang talakayan. Ano ang nilalaman ng mga sermon? Tinatalakay ng mga ito ang iba’t ibang katotohanan at ang iba’t ibang kalagayan ng mga tao; lahat ng ito ay may kinalaman sa katotohanan. Kaya, madali ba para sa mga tao na tanggapin at unawain ang mga nilalamang ito na may kinalaman sa katotohanan, o nangangailangan ba ang mga ito ng pagsasaalang-alang, pagninilay-nilay, at mental na pagpoproseso bago unti-unting tugunan? (Nangangailangan ang mga ito ng pagsasaalang-alang, pagninilay-nilay, at mental na pagpoproseso.) Kung gayon, batay sa sitwasyong ito, anong uri ng bilis ang dapat panatilihin ng nagpapahayag ng sermon? Epektibo ba kung magsasalita siya nang kasimbilis ng isang machine gun? (Hindi.) Tulad ng isang gurong nagtuturo ng aralin? (Hindi.) Tulad ng isang taong nagtatalumpati? (Hindi.) Hindi talaga maaari. Sa panahon ng sermon, dapat ay may tanungan, may pagkakataon para sa pagninilay-nilay, na magbibigay ng oras sa mga tao para tumugon—angkop ang tempong ito. I-tinranscribe nila ang mga sermon nang hindi nauunawaan ang prinsipyong ito; nagpapakita ba ito ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Talagang wala silang espirituwal na pang-unawa. Inisip nilang: “Ang mga bagay na ito na Iyong tinatalakay, narinig ko na ang mga ito. Pagkatapos makinig nang isang beses, natatandaan ko na ang pinakapunto, at alam ko na ang sinasabi Mo. Gamit ang aking karanasan at ang mahuhusay na kasanayang natutuhan ko mula sa madalas na pag-eedit ng mga recording ng sermon, gagawin ko ito sa ganitong paraan at pabibilisin ko ang takbo.” Ang pagpapabilis ay tila hindi masyadong malaking isyu sa sarili nito—subalit ano ang ginagawa nito sa transkripsiyon ng sermon? Nagiging sanaysay ito. Sa sandaling maging sanaysay ito, nawawala ang pakiramdam na nakikinig ka rito nang personal; makakamit ba nito ang parehong epekto? Tiyak na may pagkakaiba. Nakabubuti ba o nakasasama ang pagkakaibang ito? (Nakasasama.) Nakasasama ito. Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay kumikilos sa sarili nilang pagkukusa, at iniisip nila na sila ay matatalino. Naniniwala sila na sila ay edukado, may kasanayan, may likas na talento at matalino, subalit sa huli ay gumagawa sila ng mga di-makatwirang bagay. Hindi ba ganito nga ito? (Oo.) Sa Aking mga sermon, bakit minsan ay nagtatanong Ako sa inyo? Sinasabi ng ilang tao na: “Baka natatakot Kang kami ay makaidlip.” Ganoon ba iyon? Bakit minsan ay nagsasalita Ako tungkol sa ibang mga bagay, lumilihis sa paksa at tumatalakay ng magagaan at masasayang bagay? Ito ay para hayaan kayong ma-relax, para mabigyan kayo ng ilang panahong magnilay-nilay. Hinahayaan din kayo nitong magkaroon ng mas malawak na pang-unawa sa isang aspekto ng katotohanan, para hindi ninyo ilimita ang inyong pang-unawa sa mga salita, literal na kahulugan, mga doktrina, o estrukturang gramatikal—hindi dapat ito limitado sa mga ito. Kaya minsan ay nagsasalita Ako tungkol sa ibang mga bagay; minsan ay nagbibiro Ako para pagaanin ang kapaligiran, subalit sa katunayan ay pangunahin Ko itong ginagawa para makamit ang isang partikular na resulta—dapat ninyo itong maunawaan.
Nakikita mo, kapag nagbibigay ng sermon ang isang relihiyosong pastor, tumatayo siya sa pulpito at nagsasalita lamang tungkol sa nakababagot na mga paksa na walang kahit kaunting kaugnayan sa aktuwal na buhay ng mga tao, sa mental nilang kalagayan, o sa kasalukuyan nilang mga problema. Patay na mga salita at mga doktrina ang lahat ng ito. Wala silang sinasabi kundi ilang magagandang-pakinggang salita at sumisigaw sila ng ilang walang kabuluhang islogan. Nagdudulot ito ng pagkabagot sa mga tagapakinig, at wala silang kapakinabangan mula rito. Sa huli, nagreresulta ito sa isang sitwasyon kung saan ang pastor ay nagsasalita mula sa itaas, at sa ibaba ay walang nagbibigay-pansin; walang anumang interaksiyon. Hindi ba’t nasasayang lang ang pagod ng pastor? Sa ganitong paraan nagbibigay ng mga sermon ang mga pastor para lamang maghanapbuhay, para sa kapakanan ng sarili nilang kabuhayan; hindi nila isinasaalang-alang ang mga pangangailangan ng kanilang kongregasyon. Para sa atin naman ngayon, ang pagbibigay natin ng mga sermon ay hindi tungkol sa pagsasagawa ng isang relihiyosong seremonya o pagkompleto ng isang uri ng gawain—tungkol ito sa pagkamit ng ilang resulta. Para makamit ang mga resulta, dapat isaalang-alang ang lahat ng aspekto—ang mga pangangailangan ng lahat ng uri ng tao, ang kanilang mga kuru-kuro, mga imahinasyon, at mga kalagayan, at ang kanilang mga pananaw ay dapat isaalang-alang lahat. Dapat ding isaalang-alang kung hanggang saan matatanggap ng mga tao mula sa bawat antas ng lipunan ang wikang ginagamit. Ang ilang edukadong tao na medyo mahilig sa pormal na wika ay kailangang makarinig ng ilang salitang pampanitikan na medyo gramatikal at lohikal. Kaya nilang unawain ang mga ito. Mayroon ding ilang ordinaryong tao, iyong mga nasa mabababang antas ng lipunan, na hindi pamilyar sa ganitong pormal na wika; kaya ano ang dapat Kong gawin? Kailangan Kong magsalita ng wikang medyo karaniwan. Noon, hindi Ako masyadong gumagamit ng wikang karaniwan, subalit sa paglipas ng mga taon ay natuto Ako nang kaunti, at ngayon gumagamit pa nga Ako minsan ng mga salawikaing may dalawang bahagi o kaya naman ay nagbibiro. Sa ganitong paraan, pagkatapos makinig, mararamdaman ng lahat na ang lahat ng sinasabi Ko ay madaling maunawaan, anuman ang antas nila sa lipunan, at na ito ay may mas malapit na kaugnayan sa kanila. Subalit kung nasa wikang karaniwan ang lahat ng ito, hindi magtutunog-malalim ang nilalaman ng sermon, kaya dapat itong samahan ng kaunting pormal na wika, lahat ay ipinahahayag sa wika ng pang-araw-araw na buhay; saka lamang nito maaabot ang pinakamababang pamantayan. Kapag nagsimula nang gamitin ang wikang karaniwan, ang pagsasabi ng mga bagay tulad ng “sinasabi lang,” “parang,” “ibig Kong sabihin,” at iba pa, ang pagsasama ng napakaraming gayong ekspresyon ay maaaring makaapekto sa lawak ng pagpapahayag ng katotohanan. Gayumpaman, kung ang lahat ay pormal na wika, lahat ay sinasalita nang napakaayos at napakapormal, sumusunod sa lohikang gramatikal at hakbang-hakbang na pangangatwiran, walang kahit kaunting pagkakamali, na para bang bumibigkas ng sanaysay o nagbabasa ng teksto, na para bang ang lahat ng ito ay naka-iskrip mula simula hanggang katapusan, bawat isang salita, pati na rin ang mga bantas, sa tingin ba ninyo ay gagana iyon? Magiging masyadong nakagugulo iyon, wala Akong lakas para diyan. Isang aspekto ito. Bukod dito, edukado man o hindi edukado, ang lahat ay nagpapakita ng iba’t ibang aspekto ng kanilang pagkatao, at ang mga pagpapahayag na ito ng pagkatao ay nauugnay sa aktuwal na buhay. Ang aktuwal na buhay naman ay hindi maihihiwalay sa wika sa pang-araw-araw na buhay; hindi ito maihihiwalay sa iyong kapaligirang pinamumuhayan. Ang kapaligirang pinamumuhayan na ito ay puno ng ganitong uri ng pang-araw-araw na wika, na may halong kaunting wikang karaniwan, dagdag pa ang ilang simpleng bokabularyo na may bahagyang pampanitikang estilo. Sapat na ito; nasasakop at kasama na nito ang buong saklaw ng pinagtutuunang-pansin. Sila man ay matanda o bata, hindi nakapag-aral o may kaunting kaalaman, sa pinakapayak na anyo ay maaarok ito ng lahat, mauunawaan ito ng lahat; hindi sila makararamdam ng pagkabagot, at hindi nila madaramang hindi nila ito kayang arukin. Ito ang dapat isaalang-alang sa pagbabahagi at paghahatid ng mga sermon, ang pagsasaalang-alang ng lahat ng aspekto ng mga pangangailangan ng mga tao. Para magkamit ng resulta ang isang sermon, dapat mong isaalang-alang ang lahat ng aspektong ito: ang tempo ng pagsasalita, pagpili ng salita, at paraan ng pagpapahayag. Karagdagan pa, kapag nagpapahayag ng isang bagay at nagbabahagi ng isang aspekto ng katotohanan, sa anong punto ito lubusang naiparating? Sa anong punto ito hindi sapat na detalyado? Anong mga aspekto ang dapat idagdag? Ang lahat ng ito ay dapat isaalang-alang. Kung hindi mo man lang isinasaalang-alang ang mga aspektong ito, kulang na kulang ang iyong kakayahang mag-isip. Kung ang iba ay nag-iisip sa dalawang dimensiyon, dapat magawa mong mag-isip sa tatlo. Dapat kang makakita nang mas komprehensibo at mas tumpak kaysa sa iba, dapat kaya mong tingnan nang malinaw ang lahat ng uri ng isyu, at maramdaman din ang mga sangkot na katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan, ang lahat ng aspekto ng mga tiwaling disposisyon na maiisip, maipahahayag, o maipakikita ng mga tao, gayundin ang mga kalagayang kasangkot, ay nasasaklawan na at mauunawaan ng lahat. Kailangan din bang taglayin ng mga taga-transcribe ang mga kakayahan at paraan ng pag-iisip na ito? Kung hindi nila taglay ang mga ito, at sa halip ay lagi silang umaasa sa kaalamang natutuhan nila para maibuod ang pangunahing punto ng sermon, ang pangunahing ideya nito, ang pinakapunto ng bawat seksiyon, magiging katulad ito ng kung paano pinag-aaralan ng mga estudyanteng Tsino ang mga tekstong pampanitikan. Ipinasisilip muna sa kanila ng guro ang buong teksto, pagkatapos ay ipinababasa ito nang mabuti. Sa unang pormal na aralin, ipinaliliwanag ng guro ang tungkol sa pinakapunto ng unang talata, ipinakikilala ang bagong bokabularyo, at tinatalakay ang gramatikang ginamit. Kapag napag-aralan na ang lahat ng seksiyon, kailangan mo pa ring isaulo ang mga ito, at sa huli ay gumawa ng mga pangungusap gamit ang bagong bokabularyo, at unawain ang sentral na ideya ng teksto at ang layunin ng may-akda sa pagsulat nito. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng lubos na pang-unawa sa kung ano ang nais iparating ng teksto. Pinag-aralan ng lahat ang mga bagay na ito, alam ng lahat ang mga ito, pero kung gagamitin mo ang mga bagay na ito sa pagta-transcribe ng sermon, masyado itong payak. Sinasabi Ko sa iyo, kung nagsusulat ka ng isang sanaysay, maaari mong gamitin ang mga ito; simpleng sentido komun lang iyan sa pagsusulat. Pero kung gagamitin mo ang pag-iisip na ito, ang teoryang ito, ang pamamaraang ito sa pagta-transcribe ng sermon, hindi ba’t maaari kang magkamali? Tiyak na magkakamali ka. Hindi mo alam kung bakit gusto Kong sabihin ang kuwentong ito, hindi mo sinusubukang unawain ang katotohanang dapat mong maunawaan mula sa kuwentong ito—isa itong pagkakamali. Gayundin, nauunawaan mo ba ang katotohanan sa kapwa kuwento at nilalaman ng sermon? Kung hindi mo ito nauunawaan, kulang ka sa espirituwal na pang-unawa. Ano kayang mga kalipikasyon mayroon ang isang taong walang espirituwal na pang-unawa para mag-transcribe ng mga sermon?
Bakit sa tingin ninyong lahat ay nagkukuwento Ako? Hindi alam ng mga taga-transcribe ng mga sermon ang dahilan kung bakit, kaya nagdagdag sila ng sarili nilang mga pananaw. Naniniwala sila na kung gusto Kong magkuwento, dapat angkop ito sa kasunod na nilalaman—hindi nila alam kung bakit nagkukuwento Ako. Hindi ninyo rin alam, hindi ba? Dahil hindi ninyo alam, sasabihin Ko sa inyo ang dahilan. Mula sa simula hanggang ngayon, tinalakay ko ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo nang mga sampung beses, at kalahati pa lamang sa mga ito ang Aking natalakay. Kung tatapusin Ko ang pagsasalita tungkol sa nilalamang ito nang tuloy-tuloy, magiging medyo nakaaantok ang paksa, hindi ba? Kung sasabihin Ko ang tungkol sa bagay-bagay nang deretsahan sa tuwing nagsisimula tayo—unang ipababalik-aral sa lahat kung ano ang tinalakay noong nakaraan, at pagkatapos ay nagsisimulang magsalita, na kayo lahat ay nagmamadaling magtala, nagsusulat nang nagsusulat at nagpupumilit na panatilihing bukas ang mga talukap ng inyong mata—at kung pagkatapos ay ipabuod Ko sa lahat kapag natapos na Ako, na kinukusot ng lahat ang kanilang mga mata, binabasa at binibigkas ang nilalamang pinagbahaginan ngayon, at, kapag tila halos naalala na ito ng lahat, sinabi Ko, “Iyan na muna para sa araw na ito, tapusin na natin at ipagpapatuloy natin ang pag-uusap tungkol dito sa susunod,” sa gayon ang lahat ay medyo mababahala: “Ang bawat pagtitipon ay palaging tungkol sa mga bagay na ito, pare-parehong paraan; masyadong mahaba at tuyo ang nilalaman.” Higit pa rito, ang pakikipagbahaginan ng katotohanan ay dapat may maraming aspekto, na ang mga tao ay umuunlad sa lahat ng aspekto ng katotohanan nang sabay-sabay. Katulad lang ito sa buhay pagpasok ng tao. Dapat umunlad ang isang tao tungkol sa kaalaman niya sa sarili, pagbabago ng disposisyon, kaalaman sa Diyos, kamalayan sa kanyang iba’t ibang kalagayan, at sa kanyang pagkatao, mga pananaw, at lahat ng iba pang aspekto—ang lahat ng ito ay dapat umunlad nang sabay-sabay. Kung sa panahong ito ay tatalakayin Ko lamang ang pagkilatis sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, maaaring isantabi ng mga tao ang iba pang mga aspekto ng katotohanan, at buong araw na silang mag-iisip: “Sino ang tila isang anticristo? Ako ba ay isang anticristo? Ilan sa kanila ang nasa paligid ko?” Ang paggawa nito ay makaaapekto sa pagpasok nila sa iba pang aspekto ng katotohanan. Kaya, iniisip Ko kung paano maaaring maisama sa nilalaman ng sermon ang isa pang katotohanan, para maunawaan ng mga tao ang karagdagang katotohanan; ibig sabihin, kapag tinatalakay ang paksang “Paglalantad sa mga Anticristo,” magagawa ring maunawaan ng mga tao nang hindi sinasadya ang iba pang aspekto. Mas maganda ang resulta ng gayong sermon, hindi ba? (Oo.) Halimbawa, kapag kumakain ka ng pangunahing pagkain, minsan ay kakain ka ng mansanas kasama nito. Nagbibigay ito ng karagdagang nutrisyon, hindi ba? (Oo.) Sabihin mo sa Akin, kung gayon, kailangan Ko bang magkuwento? (Oo.) Tiyak iyon. Kung hindi naman ito kailangan, bakit Ko sasabihin sa kanila? Ang paggamit ng mga kuwento para talakayin ang ilang magagaan at masasayang paksa ay nagpapahintulot sa mga tao na makakuha at matuto ng kaalaman sa iba pang mga aspekto ng katotohanan. Mabuting bagay ito. Kapag tapos nang talakayin ang magagaang paksang ito, bumabalik Ako sa pangunahing paksa. Ang ganitong pagsasaayos ay angkop. Ano ang kinakain mo bago ang pangunahing putahe? (Isang pampagana.) Ito ay pampagana. Ang mga pampagana ay kadalasang napakasarap at nakapagpapagana, tama ba? Kaya, kapag nagkukuwento Ako, maaari kang makakuha ng isang aspekto ng katotohanan mula sa kuwentong iyon, pinalalalim ang iyong kaalaman o iyong pang-unawa. Mabuti ang lahat ng ito. Siyempre, iyong mga walang espirituwal na pang-unawa ay nakikinig ng mga kuwento at naririnig lamang ang mababaw na bahagi, hindi nila nakikita ang katotohanan sa loob na dapat maunawaan. Wala silang espirituwal na pang-unawa—walang magagawa tungkol dito. Halimbawa, sa pakikinig sa “Ang Kuwento nina Dabao at Xiaobao,” naaalala lang ng ilang tao na masama si Dabao at hangal si Xiaobao. Naaalala nila ang mga pangalan nina Dabao at Xiaobao, subalit hindi nila natatandaan kung sa aling mga pangyayari ibinunyag ng tao sa kuwento ang kanyang tiwaling disposisyon, anong uri ng disposisyon ang ibinunyag, ano ang ibig sabihin ng disposisyong ito, o ano ang kaugnayan nito sa katotohanan. Sa anong mga sitwasyon mo mismo maibubunyag ang ganitong uri ng disposisyon? Sasabihin mo ba ang ganitong mga salita? Kung sasabihin mo, “Hindi ko sasabihin ang ganitong mga salita,” kung gayon ay nakababahala ito, dahil pinatutunayan nito na hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao: “Maaari kong sabihin ang ganitong mga salita kapag nakararanas ako ng partikular na mga sitwasyon, isa itong uri ng disposisyon na lumalabas sa isang partikular na kalagayan.” Kapag nalaman mo na ito, hindi ka nakinig sa kuwentong ito nang walang kabuluhan. Matapos pakinggan ang kuwento, may ilang taong nagsabing: “Anong klaseng tao si Dabao? Inaapi at nililinlang pa niya ang isang maliit na bata. Napakasama niya! Hindi ko lilinlangin ang mga bata nang ganyan.” Hindi ba ito kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Pinag-uusapan lang nila ang mismong pangyayari subalit hindi nauunawaan ang katotohanan sa loob ng kuwentong ibinabahagi. Hindi nila maiugnay ang sitwasyon sa kanilang sarili; nagpapakita ito ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa, isang seryosong kawalan ng espirituwal na pang-unawa. Nakararanas ng problemang ito ang mga taga-transcribe ng mga sermon. Sa sandaling ang isang bagay ay may kinalaman sa katotohanan, ibinubunyag ng ilang tao ang mga pananaw ng isang hindi mananampalataya; sa sandaling may kinalaman sa katotohanan, ang ilang tao ay walang espirituwal na pang-unawa; sa sandaling may kinalaman sa katotohanan, ang ilang tao ay nagiging madaling mabaluktot, ang ilan ay nagiging matigas ang ulo, ang ilan ay nagiging buktot, at ang ilan ay nagiging tutol dito. Kaya anong disposisyon mayroon ang mga taga-transcribe ng sermon? Sa pinakamababa, sila ay mayayabang at mga palalo, kumikilos sa sarili nilang pagkukusa, hindi nakauunawa at hindi naghahangad na makaunawa. Hindi man lang sila nagtanong tungkol dito; direkta lang nilang inihiwalay ang mga kuwento sa mga sumunod na nilalaman. Iniisip nilang, “Ibinigay sa akin ang mga sermong ito para i-transcribe, kaya may awtoridad akong gawin ang desisyong ito. Sa isang hampas ng aking palakol, malinis kong puputulin ang mga kuwento. Ganito ko lang itatrato ang mga sermong ibinigay Mo sa akin. Kung hindi Mo ito gusto, huwag Mo akong gamitin.” Hindi ba ito pagiging mayabang at palalo? Hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi nila alam kung ano ang tungkulin nila o kung ano ang dapat at hindi nila dapat gawin—hindi nila alam ang alinman sa mga bagay na ito. Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay makagagawa lamang ng mga di-makatwirang bagay, di-makatao at walang dangal na mga bagay. Gumagawa lamang din sila ng mga bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, iniisip ang kanilang sarili na matalino at walang pagpapasakop. Ang mga recording ng Aking mga sermon ay ibinigay sa kanila para i-transcribe, at anumang mga opinyon o mga kaisipan mayroon sila tungkol sa kung paano nila ito aasikasuhin, hindi nila Ako tinanong. Hindi ba napakaseryoso ng problemang ito? (Oo.) Seryoso sa anong antas? (May kalikasan itong pakikialam sa mga salita ng Diyos.) Mayroon nga itong bahagyang ganitong kalikasan.
Nagsasalaysay Ako ng kuwento, tinatalakay ang isang partikular na aspekto ng katotohanan, at pagkatapos ay nagbibigay Ako ng mga sermon sa iba pang mga aspekto. Isinasaalang-alang Ko ba kung magkatugma ang dalawang bagay na ito? Kailangan Ko itong isaalang-alang sa simula, subalit bakit hindi Ko iginigiit na kailangang magkatugma ang dalawang aspektong ito? Alam Ko ba ito? (Oo.) Bakit kaya naging problema ito para sa mga taga-transcribe ng sermon? Alam Kong ang kuwentong isinasalaysay Ko ay walang koneksiyon sa sermong kasunod nito. Alam ba nila ito? Hindi nila alam. Hindi man lang nila pinag-isipang mabuti ang bagay na ito. Iniisip nila, “Ginagabayan Ka ng Banal na Espiritu; basta parang totoo sa pandinig, ayos lang. Nagsalaysay Ka ng kuwento noong araw na iyon, at pagkatapos ay tinalakay ang partikular na nilalaman. Anong relasyon mayroon sa pagitan ng dalawang bagay na ito? Bakit nagsasalita sa ganitong paraan? Anong pakinabang ang maaaring makuha pagkatapos magsalita? Wala Kang alam sa alinman sa mga ito. Hindi ito maaari!” Una, kung ano ang Aking sasabihin, paano Ako magsasalita, at anong partikular na nilalaman ang Aking tatalakayin—sabihin mo sa Akin, Ako ba ay nasa isang malinaw na kalagayan ng pag-iisip habang nagpapasya sa mga ito? (Oo.) Talagang nasa kalagayan Ako nang malinaw na pag-iisip, tiyak na wala Ako sa isang magulong kalagayan; ang Aking isip ay may malinaw na daloy ng kaisipan. Kung ang isang tao ay walang espirituwal na pang-unawa, hindi alam kung paano hanapin ang katotohanan, at bulag na sinusuri at bulag na ikinakategorya ang mga bagay, iniisip na ito ay medyo mabuti, hindi ba sila isang klasikong Pariseo? Gusto lang nilang makinig sa malalaking teoryang walang laman, at ayaw makinig sa totoo at praktikal na mga sermon. Ang resulta ay hindi nila nauunawaan kahit ang pinakamababaw na mga katotohanan. Nagpapakita ito ng seryosong kawalan ng espirituwal na pang-unawa! Kung walang may-takot-sa-Diyos na puso, magiging mayabang at mapagmagaling ang mga tao, lalong magiging mapangahas; maglalakas-loob silang hatulan ang anumang bagay, sa pag-aakalang nauunawaan nila ang lahat. Tumpak na ganito ang tiwaling sangkatauhan; ito ang kanilang disposisyon. Ang pagiging matapang at pagkilos nang walang ingat ba ay isang mabuting bagay o isang masamang bagay? (Isang masamang bagay.) Ang pagiging matapang o mahiyain ay talagang hindi mahalaga; ang mahalaga ay kung may anumang takot sa Diyos sa puso ng isang tao. Mamaya, kapag makikinig kayo ng recording ng sermon, kilatising mabuti kung tinanggal ang anumang mahahalagang bagay mula sa transkripsiyon. Ang mga hamak na ito na walang espirituwal na pang-unawa, minsan ang mga bagay na kanilang ginagawa ay maaaring hindi sinasadyang magdudulot ng mga kaguluhan at pinsala. Sinasabi nilang hindi ito sinasadya—kung hindi sinasadya, nangangahulugan ba ito na ang disposisyon nila ay hindi tiwaling disposisyon? Tiwaling disposisyon pa rin ito. Sa ngayon, hanggang dito na lang muna ang paksang ito.