Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Ikalawang Bahagi) Ikalawang Seksiyon

Partikular na sumasamba ang mga anticristo sa kapangyarihan at katayuan. Kung nagmula si Cristo sa isang mayaman at makapangyarihang pamilya, hindi sila mangangahas na magsalita ng kahit ano. Pero kung nagmula Siya sa isang ordinaryong pamilya na walang kapangyarihan, hinding-hindi sila matatakot sa Kanya, mararamdaman nila na maaari nilang basta-bastang pag-aralan at husgahan ang Diyos, si Cristo, at ganap silang magiging walang pakialam tungkol dito. Kung tunay nilang inaamin at pinaniniwalaan na ang taong ito ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, magagawa ba nilang kumilos nang ganito? Magagawa ba ito ng sinumang may kaunting may-takot-sa-Diyos na puso? Hindi ba’t magpipigil sila? (Oo.) Anong uri ng mga tao ang nakakakilos nang ganito? Hindi ba’t ito ang pag-uugali ng mga anticristo? (Oo.) Kung inaamin mo na ang diwa ni Cristo ay ang Diyos Mismo at na ang taong sinusundan mo ay ang Diyos, paano mo dapat tratuhin ang lahat ng bagay na may kaugnayan kay Cristo? Hindi ba’t dapat may mga prinsipyo ang mga tao? (Oo.) Kung gayon, bakit nangangahas silang labagin ang mga prinsipyong ito nang walang kahit kaunting pag-aalinlangan? Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagkamapanlaban kay Cristo? Dahil ipinanganak si Cristo sa isang ordinaryong pamilya, kasabay ng kanilang pagkadismaya sa Kanya, nagkikimkim din ang mga anticristo ng pagkamapanlaban sa Kanyang pamilya at mga miyembro nito. At habang lumilitaw ang pagkamapanlaban na ito sa kanila, hindi sila humihinto o nagpapahinga, sa halip ay tumatambay sila sa paligid ng sambahayan ni Cristo at nagtatanong sa tuwing may pagkakataon, na para bang gumagawa sila ng isang lehitimong trabaho: “Nagbalik na ba si cristo? Mayroon bang nagbago sa buhay ng pamilya mula nang lumitaw si cristo?” Inuusisa nila ang mga usaping ito tuwing may pagkakataon. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang gayong mga tao? Hindi ba’t nakakadiri sila? Hindi ba’t kasuklam-suklam sila? Sobra silang kasuklam-suklam at nakakadiri! Isantabi muna natin kung kumusta ang pananalig nila sa Diyos, at ikonsidera lamang: Anong uri ng karakter ang taglay ng mga taong kayang gumawa ng gayong mga bagay at may gayong uri ng mga nakakadiring kaisipan? Tiyak na mababa ang karakter nila. Mga hamak sila, at sobrang kasuklam-suklam at nakakadiri! Kung hindi ka nananampalataya kay Cristo, puwede mong sabihin nang malinaw sa Akin, “Hindi ka mukhang diyos; isang tao ka lang. Hinusgahan kita habang nakatalikod ka—ano ang magagawa mo tungkol doon? Itinanggi kita—ano ang magagawa mo roon?” Kung hindi ka nananampalataya, hindi kita pipilitin, at walang sinuman ang pipilit sa iyo na gawin ito. Pero hindi mo kailangang patagong gumawa ng gayong mabababaw na kilos. Ano ang papel ng mga iyon? Makakatulong ba ang mga iyon para lumago ang pananalig mo? Makakatulong ba ang mga ito sa pag-unlad ng buhay mo, o na mas maunawaan mo ang Diyos? Wala itong ganitong mga papel, kaya bakit ginagawa mo ang mga ito? Sa pinakamababa, may napakakasumpa-sumpang pagkatao ang mga taong gumagawa ng gayong mga kilos; hindi sila nananampalataya sa diwa ni Cristo o hindi nila kinikilala ang Kanyang pagkakakilanlan. Kung hindi ka nananampalataya, huwag kang manampalataya. Umalis ka na! Bakit pinapatagal mo pa ang pananatili mo sa sambahayan ng Diyos? Ang hindi pananampalataya sa Diyos pero gusto pa ring makatanggap ng mga pagpapala at nagkikimkim ng mga ambisyon at pagnanais—ito ang pagiging kasuklam-suklam ng mga anticristo. Ang gayong mga tao, dahil labis silang kasuklam-suklam, ay kayang gumawa ng mga “katangi-tanging” pagkilos. Wala Ako sa bahay sa loob ng 20 taon, at “inalagaan nang mabuti” ng mga taong ito ang bahay na iyon sa loob ng 20 taon; wala Ako sa bahay sa loob ng 30 taon, at “inalagaan” nila ito sa loob ng 30 taon. Nagtataka Ako kung bakit sobrang “bait” nila at walang ginagawa. Nahanap Ko ang sagot sa tanong na ito, at iyon ay gusto nilang kalabanin ang Diyos hanggang sa wakas. Hindi sila nananampalataya sa diwa ng Diyos o sa lahat ng Kanyang nagawa. Sa panlabas, mukhang mausisa at nagmamalasakit sila, pero sa diwa, nagmamatyag at naghahanap sila ng bentaha, sa loob nila ay may pagkamapanlaban, pagtanggi, at pagkondena. Bakit nananampalataya pa rin ang mga taong ito? Ano ang punto ng pananampalataya nila sa Diyos? Dapat nilang itigil ang pananampalataya nila at umalis na agad! Hindi nangangailangan ang sambahayan ng Diyos ng gayong mga tao. Huwag na nilang ipahiya ang sarili nila! Gagawin ba ninyo ang parehong mga bagay sa ilalim ng katulad na mga sitwasyon at kondisyon? Kung magagawa ninyo, kung gayon ay katulad lang din nila kayo, isang grupo ng mga anticristo na determinadong kalabanin ang Diyos hanggang sa wakas, hindi titigil hanggang kamatayan, naghahanap ng mga bentaha at ebidensiya laban sa Diyos upang itanggi Siya, ang Kanyang diwa, at ang Kanyang pagkakakilanlan.

Kahit ano pa ang gawin ng Diyos, hindi Siya kailanman nagkakamali. Isinilang man Siya sa isang pangkaraniwan at ordinaryong kapaligiran at pinagmulan, o sa isang respetadong kapaligiran at pinagmulan, walang mali rito, at walang dahilan para makahanap ng kapintasan ang mga tao sa Kanya. Kung susubukan mong maghanap ng anumang kamalian o ebidensiya sa nagkatawang-taong laman ng Diyos para patunayang hindi Siya si Cristo o na wala Siyang diwa ng Diyos, sinasabi Ko sa iyo, huwag ka nang mag-abala, at huwag ka nang manampalataya. Umalis ka na lang—hindi ba’t hindi ka na maaabala kung gayon? Bakit mo pa pinapahirapan ang sarili mo? Ang subukang hanapan ng mali o ebidensiya si Cristo para akusahan, itanggi, o kondenahin Siya ay hindi ang lehitimo mong trabaho, tungkulin, o responsabilidad. Anumang pamilya ang pinagsilangan ni Cristo, ang kapaligiran kung saan Siya lumaki, o ang pagkataong taglay Niya, pinili ito mismo ng Diyos, ng Lumikha, at wala itong kinalaman kaninuman. Tama ang anumang gawin ng Diyos, ito ang katotohanan, at ginagawa ito para sa kapakanan ng sangkatauhan. Kung ipinanganak ang Diyos sa isang palasyo at hindi sa isang ordinaryong pamilya, magkakaroon ba ng pagkakataon ang isang ordinaryong tao o isang tao mula sa mababang antas ng lipunan na makipag-ugnayan sa Diyos? Hindi ka magkakaroon ng pagkakataon. Kaya, may mali ba sa pagpili ng Diyos sa gayong paraan ng kapanganakan at paglaki? Pagmamahal ito na walang kapantay sa mundo; ito ang pinakapositibong bagay. Gayumpaman, nakikita ng mga anticristo ang pinakapositibong bagay na ginawa ng Diyos bilang tanda na madali Siyang apihin at paglaruan, at nais nilang patuloy Siyang bantayan at hanapan ng kapintasan. Ano ang binabantayan mo? Kung hindi mo man lang mapagkatiwalaan ang karakter at pagkatao ni Cristo, at sinusundan mo Siya bilang Diyos, hindi ba’t sinasampal mo lang ang sarili mo? Hindi ba’t pinapahirapan mo lang ang sarili mo? Bakit mo nilalaro ang larong ito? Masaya ba ito? Pagkatapos, napansin Ko na nagawang tratuhin nang tama ng karamihan sa mga taong tumanggap sa Makapangyarihang Diyos kalaunan ang bagay na ito. Ang ilan ay mausisa noong nakipag-ugnayan sila sa Akin, pero iniiwasan at hindi Ko pinapansin ang gayong mga tao. Kung matatanggap mo ang katotohanan, iisang pamilya tayo. Kung hindi mo kaya at palagi kang nagtatanong tungkol sa personal Kong impormasyon, umalis ka na. Hindi kita kinikilala; hindi tayo magkapamilya, kundi magkaaway. Kung, pagkatapos marinig ang napakaraming salita ng Diyos, at matanggap ang Kanyang gawain at pagpapastol sa loob ng maraming taon, nagkikimkim pa rin ang mga tao ng gayong mga kaisipan sa nagkatawang-taong laman ng Diyos at kumikilos pa nga ayon sa mga ito, masasabi talaga na may disposisyon ang mga taong ito na laban sa Diyos. Ipinanganak silang mga kaaway ng Diyos, hindi kayang tumanggap ng mga positibong bagay.

Dalawang libong taon na ang nakalipas, nagpakahirap si Pablo para labanan ang Panginoong Jesus, walang habas na inuusig, hinuhusgahan, at kinokondena Siya. Bakit? Dahil isinilang ang Panginoong Jesus sa isang karaniwang pamilya, isa Siyang pangkaraniwang miyembro ng populasyon, at hindi nakatanggap ng diumano’y edukasyon, epekto, o impluwensiya ng mga eskriba at mga Pariseo. Sa mata ni Pablo, hindi karapat-dapat ang gayong tao na matawag na Cristo. Bakit hindi? Dahil mababa ang Kanyang pagkakakilanlan, hindi mataas ang Kanyang posisyon sa lipunan, at miyembro Siya ng mababang uri sa lipunan ng tao, kaya hindi Siya karapat-dapat na matawag na Cristo o Anak ng buhay na Diyos. Dahil dito, naglakas-loob si Pablo na gawin ang lahat ng paraan para labanan ang Panginoong Jesus, gamit ang kanyang impluwensiya, karisma, at ang pamahalaan para kondenahin at labanan Siya, sirain ang Kanyang gawain, at arestuhin ang Kanyang mga tagasunod. Habang nilalabanan niya ang Panginoong Jesus, naniwala si Pablo na ipinagtatanggol niya ang gawain ng Diyos, na makatarungan ang mga kilos niya, at na kumakatawan siya sa isang makatarungang puwersa. Inakala niyang nilalabanan niya ang isang ordinaryong tao at hindi ang Diyos. Ito ay dahil mismo sa iniisip niya na mababa at hindi marangal ang pinagmulan ni Cristo kaya naglakas-loob siyang walang pakundangan at walang takot na husgahan at kondenahin si Cristo, at partikular na payapa at matatag ang pakiramdam ng puso niya tungkol sa mga kilos niya. Anong klaseng nilalang siya? Kahit na hindi niya napagtanto na ang Panginoong Jesus ang nagkatawang-taong laman ng Diyos o hindi niya nalaman na mula sa Diyos ang Kanyang mga sermon at salita, karapat-dapat ba ang gayong ordinaryong tao sa todo-todo niyang pag-atake? Karapat-dapat ba Siya sa ganitong uri ng mapaminsalang pagsalakay? Karapat-dapat ba Siya sa pag-iimbento ni Pablo ng mga tsismis at kasinungalingan para linlangin ang iba at makipagkompetensiya sa Kanya para sa mga tao? Hindi ba’t walang basehan ang mga kasinungalingan ni Pablo? Mayroon bang alinman sa mga ginawa ng Panginoong Jesus na nakaapekto sa interes o katayuan ni Pablo? Wala. Nangaral at nagsermon ang Panginoong Jesus sa mga nasa mababang antas ng lipunan, at kasabay nito, maraming tao ang sumunod sa Kanya. Ganap na ibang mundo ito kumpara sa kapaligirang ginagalawan ng isang taong tulad ni Pablo, kaya bakit inusig ni Pablo ang Panginoong Jesus? Ang anticristong diwa niya ang kumikilos. Naisip niya, “Gaano man kalalim, katama, o tinatanggap ang mga sermon mo, kung sasabihin kong hindi ka si cristo, hindi ka si cristo. Kung ayaw ko sa iyo, uusigin kita, walang pakundangan kitang aakusahan, at pagbabayarin kita.” Dahil ang mga bagay na tinataglay ni Cristo sa Kanyang normal na pagkatao ay hindi nakatugon sa mga hinihingi ni Pablo, at hindi ginawa o tinaglay nang naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ni Pablo, nagagawa ng mga anticristong tulad ni Pablo na walang pakundangang husgahan, itanggi, at kondenahin Siya. Ano ang nangyari sa huli? Pagkatapos siyang pabagsakin ng Panginoong Jesus, kinilala ni Pablo sa wakas, “Sino ka baga, panginoon?” Pagkatapos ay sinabi ng Panginoong Jesus, “Ako si Jesus, na nilalabanan mo.” Mula noon, hindi na naniwala si Pablo na isang ordinaryong tao si Jesus o isang taong hindi tulad ni Cristo dahil sa Kanyang mababang pinagmulan. Bakit? Dahil kayang bulagin ng liwanag ng Panginoong Jesus ang mga tao, mayroon Siyang awtoridad, at kayang hampasin ng Kanyang mga salita ang mga tao, at pabagsakin ang mga kaluluwa nila. Naisip ni Pablo, “Puwede ba talagang maging diyos ang taong ito na tinatawag na Jesus? Puwede nga kayang anak siya ng buhay na diyos? Kaya niyang hampasin ang mga tao, kaya tiyak na diyos siya. Pero may isang bagay lamang—hindi ang ordinaryong taong ito na tinatawag na cristo ang humahampas sa mga tao, kundi ang espiritu ng diyos. Kaya anuman ang mangyari, hangga’t tinatawag kang Jesus, hindi ako yuyukod sa iyo sa pagsamba. Sinasamba ko lamang ang diyos sa langit, ang espiritu ng diyos.” Pagkatapos mahampas, may naisip si Pablo. Bagaman isang masamang pangyayari ang paghampas sa kanya, napagtanto niya dahil dito na may natatanging pagkakakilanlan ang isang taong tinatawag na cristo, at na isang malaking karangalan ang maging cristo, at sinumang maging cristo ay puwedeng maging anak ng buhay na diyos, mapalapit sa diyos, at baguhin ang ugnayan niya sa diyos, ginagawang espesyal ang ordinaryong taong iyon, at ang pagkakakilanlan ng ordinaryong taong iyon ay nagiging anak ng diyos. Naisip niya, “Bagaman ikaw, Jesus, ay anak ng buhay na diyos, ano naman ang kahanga-hanga roon? Isang mahirap na karpintero ang ama mo, at isang pangkaraniwang maybahay ang iyong ina. Lumaki ka sa piling ng mga pangkaraniwang tao, at may mababang katayuan sa lipunan ang pamilya mo, at ikaw mismo ay walang espesyal na mga abilidad. Nakapangaral ka na ba sa isang templo? Kinikilala ka ba ng mga eskriba at Pariseo? Anong edukasyon ang natanggap mo? May mataas na antas ng kaalaman ba ang mga magulang mo? Wala ka ng alinman sa mga ito, pero anak ka pa rin ng buhay na diyos. Kung gayon, dahil may gayon akong mataas na antas ng kaalaman, at nakikisalamuha ako sa mga tao sa mataas na antas ng lipunan, at napakaintelektuwal, edukado, at may kilalang pinagmulan ang mga magulang ko, hindi ba’t madali para sa akin na maging cristo?” Ano ang ipinahiwatig niya? “Kung puwedeng maging cristo ang isang taong tulad ni Jesus, hindi ba’t ako, si Pablo, ay mas higit na may kapabilidad na maging cristo, anak ng buhay na diyos, dahil pambihira ako, karismatiko, maalam, at may mataas akong katayuan sa lipunan? Noong buhay pa si Jesus, nangangaral lang siya, nagbabasa ng mga kasulatan, nagpapalaganap ng daan ng pagsisisi, naglalakad sa iba’t ibang lugar, nagpapagaling ng mga maysakit, nagpapalayas ng mga demonyo, at gumagawa ng maraming tanda at kababalaghan. Iyon lang, hindi ba? Pagkatapos niyon, naging anak siya ng buhay na diyos at umakyat sa langit. Gaano ba kahirap iyon? Ako, si Pablo, ay puno ng kaalaman at may marangal na katayuan at pagkakakilanlan sa lipunan. Kung mas maglalakad ako sa gitna ng mga tao, tulad ng ginawa ni Jesus, kung mas magiging tanyag ako, makakakuha ng mas maraming tagasunod, at makikinabang ang mas maraming tao, at kung kaya kong tiisin ang mga paghihirap, magbayad ng halaga, ibaba ang katayuan ko sa lipunan, mangaral ng mas maraming sermon, gumawa ng mas maraming gawain, at makapagkamit ng mas maraming tao, hindi ba’t magbabago ang pagkakakilanlan ko? Hindi ba’t mula sa pagiging anak ng tao ay magiging anak ako ng diyos? Hindi ba’t ang isang anak ng diyos ay cristo? Gaano ba kahirap ang maging cristo? Hindi ba’t isang anak ng tao si cristo na isinilang ng tao? Kung naging cristo si Jesus, bakit ako, si Pablo, ay hindi kayang gawin iyon? Napakadali nito! Anuman ang ginawa ni Jesus, gagawin ko rin; anuman ang sinabi niya, sasabihin ko rin; paano man siya lumakad sa gitna ng mga tao, ganoon din ang gagawin ko. Hindi ba’t magkakaroon ako ng pagkakakilanlan at katayuan na katulad ng kay Jesus? Hindi ba’t matutugunan ko ang mga kondisyon para sang-ayunan ako ng diyos, tulad ng ginawa ni Jesus?” Samakatwid, hindi mahirap makita sa mga sulat ni Pablo ang kanyang pagkaunawa at pananaw sa pagkakakilanlan ni Jesus. Naniwala siya na isang ordinaryong tao ang Panginoong Jesus na, sa pamamagitan ng paggawa at pagbabayad ng halaga, at lalo na pagkatapos na ipako sa krus, nakamit ang pagsang-ayon ng Ama sa langit at naging Anak ng buhay na Diyos—na nagbago kalaunan ang Kanyang pagkakakilanlan. Kaya, sa isipan ng mga taong tulad ni Pablo, hindi nila kailanman kinikilala si Jesus bilang ang laman na isinusuot ng Diyos sa lupa, bilang ang nagkatawang-taong laman ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi nila kailanman kinikilala ang diwa ni Cristo.

Katulad ni Pablo ang mga anticristo sa kasalukuyan. Una, pareho sila ng mga kaisipan, ambisyon, at pamamaraan, pati na rin ang isa pang bagay—ang katangian ng kahangalan. Saan nagmumula ang kahangalan nila? Nagmumula ito sa kanilang mga ambisyon at pagnanais. Kapag tinitingnan ng mga anticristo ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, kahit saang anggulo, hindi nila nakikita ang diwa ng Diyos kay Cristo. Paano man nila tingnan, hindi nila makakamtan ang katotohanan mula rito o mauunawaan ang disposisyon ng Diyos. Paano man nila tingnan, palagi nilang iniisip na isang ordinaryong tao si Cristo. Iniisip nila na kung direktang bumaba mula sa langit si cristo para makita ng lahat, hindi siya magiging ordinaryo; iniisip nila na kung wala talagang pinagmulan o konteksto si cristo at bigla na lang lumitaw sa kalagitnaan ng mga tao, masyado iyong kakaiba at pambihira! Ang mga bagay na hindi maarok ng tao, na pambihira, ay mismong mga bagay na tumutugon sa mga ambisyon, pagnanais, at pagkamausisa ng mga anticristo. Mas gugustuhin nilang sundan ang ganoong cristo kaysa ang isang ordinaryong tao na kayang magpahayag ng katotohanan at magbigay sa kanila ng buhay. Dahil nga ipinanganak ng tao si Cristo, at talagang isa Siyang ordinaryong tao—isang normal, praktikal na tao na hindi nakakakuha ng sapat na pansin o hindi nagsasalita sa paraang nagpapayanig ng langit at lupa—kaya kapag inoobserbahan Siya ng mga anticristo nang ilang panahon, iniisip nila na sadyang ganoon lang ang lahat ng ginagawa ni Cristo. Pagkatapos ibuod ang ilang pattern, nagsisimula na silang gayahin si Cristo. Ginagaya nila ang Kanyang tono, paraan ng pagsasalita, at intonasyon. Ginagaya pa nga ng iba ang mga partikular na salitang ginagamit Niya, pati na rin ang tunog ng Kanyang paghinga at pag-ubo. Itinatanong ng ilang tao, “Dahil ba sa kamangmangan ang panggagayang ito?” Hindi. Ano ang sanhi nito? Kapag nakikita ng mga anticristo ang isang ordinaryong tao gaya ni Cristo, na nagsasalita lamang ng ilang ordinaryong salita, na may napakaraming tagasunod at napakaraming tao na nagpapasakop sa Kanya, hindi ba’t may mga kaisipang lumilitaw sa kaibuturan ng puso nila tungkol sa usaping ito? Natutuwa ba sila para sa Diyos, nagiging masaya ba sila para sa Kanya, at pinupuri ba nila Siya, o naiinis, nagagalit, nagiging mapanlaban, naiinggit, at nagseselos ba sila? (Naiinggit at nagseselos.) Iniisip nila, “Paano ka naging diyos? Bakit hindi ako ang diyos? Ilang wika ang kaya mong salitain? Makakagawa ka ba ng mga tanda at kababalaghan? Ano ang maibibigay mo sa mga tao? Anong mga kaloob at talento ang taglay mo? Anong mga abilidad ang mayroon ka? Paano mo napasunod ang napakaraming tao? Kung sapat na ang mga abilidad mo para makakuha ng ganyan karaming tagasunod, kung gayon, sa mga abilidad ko, mas marami pa ang susunod sa akin.” Kaya, nais ng mga anticristo na ituon ang kanilang mga pagsisikap dito. Samakatwid, para sa kanila, lubos nilang sinasang-ayunan ang pananaw ni Pablo na kayang maabot ang pangarap na maging cristo.

Kapag sinasabi ng Diyos sa mga tao na maging responsableng mga tao at responsableng mga nilikha, may partikular na paghamak ang mga anticristo sa mga salitang ito, sinasabi nila, “Mabuti at tama ang lahat ng sinasabi ng diyos, pero mali ang hindi pagpapahintulot sa amin na maging cristo. Bakit hindi puwedeng maging cristo ang mga tao? Hindi ba’t isang tao lamang si cristo na may buhay ng diyos? Kaya, kung tatanggapin namin ang mga salita ng diyos, tatanggapin ang kanyang pagdidilig at pagpapastol, at magtataglay ng buhay ng diyos, hindi ba’t puwede rin kaming maging cristo? Isa kang ordinaryong taong ipinanganak ng mga tao, at ganoon din kami. Sa anong batayan puwede kang maging cristo, pero kami ay hindi? Hindi ba’t naging cristo ka lang sa kalaunan ng buhay mo? Kung magdurusa kami at magbabayad ng halaga, magbabasa pa ng mga salita ng diyos, magtataglay ng buhay ng diyos, magsasalita ng mga salitang katulad ng sinasabi ng diyos, gagawa ng gustong gawin ng diyos, at gagaya sa diyos, hindi ba’t puwede rin kaming maging cristo? Ano naman ang mahirap doon?” Hindi masaya ang mga anticristo na sumunod kay Cristo at maging mga ordinaryong tagasunod ni Cristo, o maging mga nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha. Itinutulak sila ng kanilang mga pagnanais at ambisyon: “Huwag maging ordinaryong tao. Isang pagpapamalas ng kawalan ng kahusayan ang pagsunod at pagtalima kay cristo sa bawat pagkakataon. Higit pa sa mga salita ni cristo at mga pangako ng diyos, dapat kang magkaroon ng mas mataas na mga hangarin, tulad ng pagsusumikap na maging anak ng diyos, ang panganay na anak, si cristo mismo, na magamit nang husto ng diyos, o na maging isang haligi sa kaharian ng diyos. Napakadakila at nakapagbibigay ng inspirasyon ang mga layong iyon!” Ano ang palagay mo sa mga ideyang ito? Karapat-dapat bang itaguyod ang mga ito? Dapat bang taglayin ng mga normal na tao ang mga ito? (Hindi.) Dahil mismo may ganitong uri ng pagkaunawa sa pagkakakilanlan at diwa ni Cristo ang mga anticristo, kaya hindi nila sineseryoso ang kanilang mga salita at kilos ng paglaban, paghatol, panunukso, pagtanggi, at pagkondena kay Cristo. Iniisip nila, “Ano ang nakakatakot sa paghatol sa isang tao? Tao ka lang, hindi ba? Inaamin mong isa kang tao, kaya ano ang mali kung hahatulan, susuriin, o kokondenahin kita? Ano ang mali kung babantayan o pag-aaralan kita? Kalayaan kong gawin ang mga bagay na ito!” Hindi nila ito nakikita bilang paglaban sa Diyos o pagsalungat sa Kanya, na isang napakamapanganib na pananaw. Kaya, maraming anticristo ang lumaban kay Cristo sa ganitong paraan sa loob ng 20 o 30 taon, palaging nakikipagkompetensiya sa Kanya sa puso nila. Sasabihin Ko sa iyo ang katotohanan—ang ginagawa mo ay kalayaan mo, pero kung bilang isang tagasunod ng Diyos, tinatrato mo ang nagkatawang-taong laman ng Diyos nang napakawalang-habas, isang bagay ang tiyak: Hindi mo pinapahirapan ang isang tao, lantaran mong nilalabanan at sinasalungat ang Diyos—tinututulan mo ang Diyos. Anumang may kinalaman sa diwa, disposisyon, mga kilos ng Diyos, at lalo na sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, ay may kaugnayan sa mga atas administratibo. Kung tinatrato mo si Cristo nang napakawalang-habas, at hinahatulan at kinokondena Siya nang napakawalang-habas, sasabihin Ko sa iyo, nakatakda na ang kalalabasan mo. Huwag asahang ililigtas ka ng Diyos. Hindi maililigtas ng Diyos ang isang taong lantaran Siyang nilalabanan at walang habas Siyang tinututulan. Kaaway ng Diyos ang gayong tao, isa siyang Satanas at diyablo, at hindi siya ililigtas ng Diyos. Magmadali ka at pumunta sa kung sinuman sa palagay mo ang makakapagligtas sa iyo. Hindi ka pipigilan ng sambahayan ng Diyos; bukas na bukas ang mga pinto nito. Kung sa palagay mo na si Pablo ang makakapagligtas sa iyo, pumunta ka sa kanya; kung sa palagay mo na isang pastor ang makakapagligtas sa iyo, pumunta ka sa kanya. Pero isang bagay ang tiyak: hindi ka ililigtas ng Diyos. Ang ginagawa mo ay kalayaan mo, pero kung ililigtas ka ng Diyos ay kalayaan Niya, at Siya ang may huling pasya. May ganitong kapangyarihan ba ang Diyos? May ganitong dignidad ba Siya? (Oo.) Namumuhay kasama ng mga tao ang nagkatawang-taong Diyos, nagpapatotoo Siya na Siya si Cristo, na pumarito upang gawin ang gawain ng mga huling araw. Kinikilala ng ilang tao ang diwa ng Diyos at sumusunod sila sa Kanya nang buong puso, at itinuturing nila Siya at nagpapasakop sila sa Kanya bilang Diyos. May iba na gustong matigas na labanan Siya hanggang sa huli: “Kahit gaano karaming tao ang naniniwala na si cristo ka, hindi ako maniniwala. Kahit ano pa ang sabihin mo, hindi kita buong-pusong kikilalanin bilang diyos. Kapag nakita ko lang na tunay na nagsalita ang diyos at nagpapatotoo siya tungkol sa iyo, kapag personal na sinabi sa akin ng diyos sa langit nang may dumadagundong na tinig, ‘Ito ang aking nagkatawang-taong laman, ang aking minamahal, ang aking mahal na anak,’ saka ko lang kikilalanin at tatanggapin ka bilang diyos. Kapag personal kong narinig at nakita ang diyos sa langit na nagsasalita at nagpapatotoo tungkol sa iyo, saka lang kita tatanggapin; kung hindi, imposible ito!” Hindi ba’t mga anticristo ang gayong mga tao? Kapag dumating na nga ang araw na iyon, kahit na kilalanin pa nila si Cristo bilang Diyos, iyon na ang araw ng kaparusahan nila. Nilabanan nila ang Diyos, tumutol sila sa Kanya, at mapanlaban sila sa Kanya sa bawat pagkakataon—puwede bang mabura ang mga kilos na ito nang basta ganoon lang? (Hindi.) Kaya, may isang pahayag dito na totoo, na gaganti ang Diyos sa bawat tao ayon sa mga gawa nila. Hindi lang makakaranas ng ganting-parusa ang mga taong ito, kundi hindi rin nila kailanman maririnig ang Diyos na personal silang kakausapin. Nararapat ba ito sa kanila? Nais ng Diyos na magpatotoo para sa Kanyang sarili sa mga tao, para magpakita sa mga tao at sa mga tunay na nilikha, ihayag ang Kanyang tunay na persona, at magsalita at magpahayag ng mga salita. Hindi Siya nagpapakita sa mga diyablo, o nagsasalita at nagbibigkas ng mga salita sa kanila. Kaya, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang mga anticristo na makita ang tunay na persona ng Diyos o marinig ng sarili nilang tainga ang Kanyang mga salita at pagbigkas. Hindi sila kailanman magkakaroon ng ganitong pagkakataon. Kung gayon, mahihirapan ba sila sa hinaharap? (Oo.) Bakit? Ang mga anticristo, ang mga walang-kahihiyang nilalang na ito, ay lumalaban sa Diyos at tumututol sa Kanya sa bawat pagkakataon, at hinahamak, kinokondena, at kinukutya nila ang lahat ng Kanyang ginagawa. Kaya, paano sila tatratuhin ng Diyos? Tatratuhin ba Niya sila nang mabuti at patatawarin sila? Pagpapalain ba Niya sila? Ibibigay ba Niya sa kanila ang Kanyang pangako? Ililigtas ba Niya sila? Sa praktikal na pananalita, makakatanggap ba ang gayong mga tao ng kaliwanagan at gabay ng Diyos? Sa buhay na ito, hindi nila matatanggap ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, o ang Kanyang pagtutuwid at pagdidisiplina, o ang Kanyang pagtutustos para sa kanilang buhay. Hindi sila maliligtas, at sa mundong darating, magbabayad sila ng mabigat na halaga para sa kanilang masasamang gawa, magpakailanman. Ito ang kanilang kalalabasan. Katulad ng kay Pablo ang kalalabasan ng mga anticristo.