Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikawalong Bahagi) Unang Seksiyon
II. Ang mga Interes ng mga Anticristo
D. Ang Kanilang mga Kinabukasan at Tadhana
Balikan muna natin ang napagbahaginan natin sa huling pagtitipon. (Noong nakaraan, nagbahagi ang Diyos tungkol sa ikalawang aytem ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang mga kinabukasan at tadhana—kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang tungkulin. May tatlong uri ng saloobin ang mga anticristo sa tungkulin nila. Una, nagtutustos at gumagabay ang Diyos sa sangkatauhan, kaya ang paggawa ng tungkulin bilang isang nilikha sa harap ng Diyos ay ganap na angkop, likas, at may katwiran, at ito ang pinakamakatarungan at pinakamagandang bagay sa sangkatauhan, pero itinuturing ito ng mga anticristo bilang isang uri ng transaksiyon, at gusto nilang ipalit ang paggawa nila ng tungkulin para sa magagandang kinabukasan at magandang hantungan. Pangalawa, kapag gumagawa ang Diyos, nagpapahayag Siya ng maraming katotohanan; hindi lang sa hindi itinuturing ng mga anticristo ang salita ng Diyos bilang ang katotohanan, bilang isang bagay na dapat taglayin, hangarin, tanggapin, at pasukin ng sangkatauhan upang maligtas, kundi sa kabaligtaran, itinuturing nila ang paghahangad ng mga kinabukasan, hantungan, reputasyon, at katayuan bilang ang katotohanan at bilang mga bagay na dapat nilang itaguyod at tamuhin. Pangatlo, gumagawa ang Diyos para pamahalaan at iligtas ang sangkatauhan, pero sa perspektiba ng mga anticristo, isa lang itong transaksiyon at isang laro; naniniwala sila na makakamit lang ng mga tao ang mga pagpapala ng kaharian ng langit sa pamamagitan ng masigasig na paggawa at mga transaksiyon. Batay sa saloobin ng mga anticristo sa katotohanan ng paghingi ng Diyos sa mga tao na gawin ang tungkulin nila, buktot ang disposisyon nila.) Mayroon bang idadagdag? (Itinuturing ng mga anticristo ang paggawa ng tungkulin nila bilang ang tanging paraan upang hangarin ang mga pagpapala. Kapag nabigo sila sa pagnanais nilang magkamit ng mga pagpapala, maaaring agad nilang abandonahin ang tungkulin nila o iwan ang Diyos. Ito ang saloobin ng mga anticristo kapag nabigo sila sa pagnanais nilang magkamit ng mga pagpapala.) (Hindi tunay na nagsisisi ang mga anticristo. Kapag tinanggal o pinatalsik sila dahil sa kanilang mga panggagambala at panggugulo o paggawa ng masasamang gawa, at binibigyan sila ng isa pang pagkakataon ng sambahayan ng Diyos para gawin ang tungkulin nila, hindi sila mapagpasalamat. Sa halip, nagrereklamo at nanghuhusga sila, sinasabi nila, “Pinapabalik ninyo ako kapag kailangan ninyo ako, pero pinapalayas ninyo ako kapag hindi ninyo ako kailangan.” Ipinapakita nito na hindi kailanman magsisisi ang mga anticristo.) Sa madaling salita, talagang magkapareho ang mga diwa na ipinapamalas ng mga anticristo sa pagtrato nila sa tungkulin nila at sa salita ng Diyos; ipinapamalas lang nila ang magkakaparehong disposisyon at ang magkakaparehong diwa sa pagtrato nila sa magkakaibang bagay na ito. Noong nakaraan, sa pangkalahatan ay napagbahaginan na natin ang lahat ng diwang ipinapamalas ng mga anticristo sa pagtrato nila sa kanilang tungkulin. Unang aytem, hindi sila nananampalataya at tumatanggi silang kilalanin na ang salita ng Diyos ang katotohanan; pangalawang aytem, kahit makipagbahaginan ka sa kanila sa salita ng Diyos, at kaya nilang maunawaan ang katotohanan, hindi nila ito tinatanggap; pangatlong aytem, tumatanggi silang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; pang-apat na aytem, hindi sila kailanman tunay na nagsisisi. Hindi ba’t ang mga ito ang mga diwa ng mga pagpapamalas nila? (Oo.) Ibinuod ba ninyo ang apat na aytem na ito? (Hindi.) Karamihan sa mga sinabi ninyo ay ilan sa mga pagpapamalas na pinagbahaginan natin noong nakaraan, pero hindi pa rin ninyo nakilatis kung anong mga diwa ang nasa likod ng mga pagpapamalas na ito. Ang mga diwang ipinapamalas ng mga anticristo sa harap ng katotohanan at sa harap ng Diyos ay palaging pagtangging kumilala, tumanggap, magpasakop, o magsisi. Dahil ganito tinatrato ng mga anticristo ang salita ng Diyos at ang tungkulin nila, paano nila tinatrato ang mapungusan? Ano pang ibang mga pagpapamalas ang naroroon na nagpapakita sa mga tao na taglay nila ang mga naunang nabanggit na diwa, at nagkukumpirma na mga anticristo sila, mga kaaway ng Diyos, at mga kaaway ng katotohanan? Ito ang ikatlong aytem, na pagbabahaginan natin ngayon: kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan. Ang aytem na ito ang ikatlong maliit na paksa ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang mga kinabukasan at kapalaran. Kita ninyo, ang pagbabahaginan tungkol sa bawat katotohanan ay nangangailangan ng gayong partikular na pagbabahaginan at partikular na paghahanap at pagbubulay-bulay. Kung nagsalita lamang Ako sa pangkalahatang paraan, hindi mo mauunawaan ang mga realidad ng bawat katotohanan sa mas partikular na paraan. Sige, hindi na natin babalikan ang nilalaman na pinagbahaginan natin noong nakaraan. Sa pagkakataong ito, pormal nating pagbabahaginan ang ikatlong aytem.
3. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Mapungusan
Ang mapungusan ay isang bagay na maaaring maranasan ng lahat ng nananampalataya sa Diyos. Lalo na sa panahon ng paggawa ng isang tungkulin, habang dumarami ang kanilang karanasan sa pagkakapungos, mas nagkakaroon ng kabatiran ang karamihan sa mga tao sa kahulugan ng mapungusan. Nararamdaman nila na napakaraming pakinabang sa pagkakapungos, at mas lalo nilang nagagawang tratuhin nang tama ang mapungusan. Siyempre, hangga’t kaya nilang gampanan ang isang tungkulin, at anuman ang tungkulin na kanilang ginagampanan, ang bawat tao ay magkakaroon ng pagkakataong mapungusan. Kayang tratuhin nang tama ng mga normal na tao ang mapungusan. Sa isang banda, kaya nilang tanggapin ang pagkakapungos nang may pusong nagpapasakop sa Diyos, at sa kabilang banda, kaya rin nilang pagnilay-nilayan at alamin ang mga problema na mayroon sila. Isang karaniwang saloobin at perspektiba ito sa kung paano tinatrato ng mga taong naghahangad sa katotohanan ang mapungusan. Kaya, ganito rin ba tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan? Tiyak na hindi. Tiyak na naiiba ang mga saloobin ng mga anticristo at ng mga taong naghahangad sa katotohanan pagdating sa kanilang pagtrato sa mapungusan. Una sa lahat, pagdating sa usapin ng mapungusan, hindi ito kayang tanggapin ng mga anticristo. At may mga dahilan kung bakit hindi nila ito matanggap, ang pangunahing dahilan ay na kapag pinupungusan sila, pakiramdam nila ay napahiya sila, nawalan ng reputasyon, katayuan, at dignidad, na naiwan silang wala nang mukhang maihaharap sa lahat. May epekto sa puso nila ang mga bagay na ito, kaya’t nahihirapan silang tanggapin ang pagkakapungos, at pakiramdam nila, ang sinumang pumupungos sa kanila ay pinupuntirya sila at kaaway nila. Ito ang mentalidad ng mga anticristo kapag pinupungusan sila. Makakasiguro ka rito. Sa katunayan, sa pagpupungos lubusang nabubunyag kung kaya bang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at kung tunay ba siyang makakapagpasakop. Ang matinding paglaban ng mga anticristo sa pagkakapungos ay sapat na para maipakita na tutol sila sa katotohanan at hindi nila ito tinatanggap kahit kaunti. Ito, kung gayon, ang pinakabuod ng problema. Hindi ang kanilang pride ang pinakabuod ng usapin; ang hindi pagtanggap sa katotohanan ang pinakabuod ng problema. Kapag pinupungusan sila, hinihingi ng mga anticristo na gawin ito nang may magandang tono at ugali. Kung seryoso ang tono ng pumupungos at mabagsik ang ugali nito, lalaban at magiging suwail ang isang anticristo, at magagalit siya dahil sa kahihiyan. Hindi niya iniisip kung tama ba ang inilalantad sa kanya o kung katunayan ba ito, at hindi rin siya nagninilay-nilay kung saan siya nagkamali o kung dapat ba niyang tanggapin ang katotohanan. Ang iniisip lang niya ay kung nasaktan ba ang kanyang banidad at pride. Ganap na hindi kayang kilalanin ng mga anticristo na ang pagpupungos ay nakakatulong, mapagmahal, at nakapagliligtas sa mga tao, na kapaki-pakinabang ito sa mga tao. Ni hindi nila ito makita. Hindi ba’t medyo wala silang pagkilatis at katwiran? Kung gayon, kapag napupungusan, anong disposisyon ang ibinubunyag ng isang anticristo? Walang duda na disposisyon ito ng pagtutol sa katotohanan, pati na rin ng kayabangan at pagiging mapagmatigas. Ibinubunyag nito na pagtutol sa katotohanan at pagkamuhi rito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Samakatwid, pinakakinatatakutan ng mga anticristo ang mapungusan; sa sandaling mapungusan sila, lubusang nalalantad ang kanilang pangit na kalagayan. Kapag pinupungusan ang mga anticristo, anong mga pagpapamalas ang ipinapakita nila, at anong mga bagay ang maaari nilang sabihin o gawin, na malinaw na nagpapakita sa iba na mga anticristo ang mga anticristo, na iba sila sa karaniwang tiwaling tao, at na naiiba ang kanilang kalikasang diwa sa mga naghahangad sa katotohanan? Magbibigay Ako ng ilang halimbawa, at maaari ninyong pag-isipan ang mga ito at dagdagan pa ang mga ito. Kapag pinupungusan ang mga anticristo, nagkakalkula at nag-iisip muna sila: “Anong klaseng tao ang pumupungos sa akin? Ano ang pakay niya? Paano niya ito nalaman? Bakit niya ako pinungusan? Hinahamak ba niya ako? May nasabi ba akong nakapagpasama ng loob niya? Gumaganti ba siya sa akin dahil mayroon akong magandang bagay at hindi ko ito ibinigay sa kanya, at ginagamit niya ang pagkakataong ito para i-blackmail ako?” Sa halip na magnilay-nilay at kilalanin ang kanilang sariling mga pagsalangsang, mga dating maling gawa, at ang mga tiwaling disposisyong ibinunyag nila, gusto nilang makahanap ng mga pahiwatig sa usapin ng pagpupungos. Pakiramdam nila ay may kahina-hinala rito. Ganito nila tinatrato ang pagpupungos. Mayroon bang tunay na pagtanggap dito? Mayroon bang tunay na kaalaman o pagninilay-nilay? (Wala.) Kapag karamihan sa mga tao ay pinupungusan, maaaring iyon ay dahil nagpakita sila ng mga tiwaling disposisyon. Maaari ding dahil may ginawa silang mali dahil sa kamangmangan at ipinagkanulo nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Maaari ding dahil naging pabasta-basta sila sa kanilang tungkulin at nagdulot ito ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pinakakasuklam-suklam na bagay ay na lantarang ginagawa ng mga tao ang gusto nila nang walang pagpipigil, nilalabag ang mga prinsipyo, at ginagambala at ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang mga pangunahing dahilan kaya pinupungusan ang mga tao. Anuman ang mga sitwasyong nagiging dahilan para pungusan ang isang tao, ano ang pinakamahalagang saloobing dapat taglayin ukol dito? Una, dapat mong tanggapin ito. Sinuman ang pumupungos sa iyo, anuman ang dahilan, hindi mahalaga kung malupit man ang dating nito, o anuman ang tono at pananalitang ginagamit, dapat mong tanggapin ito. Pagkatapos, dapat mong aminin ang nagawa mong mali, ang tiwaling disposisyon na ibinunyag mo, at kung kumilos ka ba alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Unang-una sa lahat, ito ang saloobing dapat mong taglayin. At taglay ba ng mga anticristo ang gayong saloobin? Hindi; mula simula hanggang katapusan, ang saloobing inilalabas nila ay paglaban at pag-ayaw. Sa ganoong saloobin, kaya ba nilang maging tahimik sa harap ng Diyos at mapagpakumbabang tanggapin ang pagpupungos? Hindi, hindi nila kaya. Ano ang gagawin nila, kung gayon? Una sa lahat, pilit silang makikipagtalo at mangangatwiran, na ipinagtatanggol at ipinaliliwanag ang mga maling nagawa nila at ang tiwaling disposisyong nailantad nila, sa pag-asang makuha ang pag-unawa at pagpapatawad ng mga tao, upang hindi na nila kailangang managot o tumanggap ng mga salitang pumupungos sa kanila. Ano ang saloobing ipinapakita nila kapag nahaharap sila sa pagkakapungos? “Wala akong kasalanan. Wala akong nagawang mali. Kung nagkamali ako, may dahilan iyon; kung nagkamali ako, hindi ko iyon sinadya, hindi ako dapat managot para doon. Sino ang hindi nakagagawa ng ilang pagkakamali?” Sinasamantala nila ang mga pahayag at pariralang ito, ngunit hindi nila hinahanap ang katotohanan, ni hindi nila kinikilala ang mga pagkakamaling nagawa nila o ang mga tiwaling disposisyong naipakita nila—at talagang hindi nila inaamin ang kanilang intensyon at layon sa paggawa ng kasamaan. Gaano man kalinaw ang mga pagkakamaling nagawa nila o gaano man kalaking kawalan ang naidulot nila, nagbubulag-bulagan lang sila sa mga bagay na ito. Hindi sila nakadarama ng kahit katiting na kalungkutan o pagsisisi, at hindi man lang sila inuusig ng kanilang konsensiya. Sa halip, pinangangatwiranan nila ang kanilang sarili nang buong lakas nila at nakikipagsagutan sila, iniisip na, “May makatarungang pananaw ang lahat. Ang bawat tao ay may kanya-kanyang mga dahilan; ang pinakamahalaga ay kung sino ang mas mahusay magsalita. Kung maipapasa ko ang pangangatwiran at paliwanag ko sa karamihan, ako ang panalo, at ang mga katotohanang sinasabi mo ay hindi mga katotohanan, at walang bisa ang mga katunayan mo. Gusto mo akong kondenahin? Hindi maaari!” Kapag ang isang anticristo ay pinupungusan, sa kaibuturan ng kanyang puso at kaluluwa, ganap at matigas siyang lumalaban at umaayaw, at tinatanggihan niya iyon. Ang kanyang saloobin ay, “Anuman ang sasabihin mo, gaano ka man katama, hindi ko tatanggapin iyon, at hindi ko aaminin iyon. Hindi ako ang may kasalanan.” Paano man inilalantad ng mga katunayan ang kanyang tiwaling disposisyon, hindi niya iyon kinikilala o tinatanggap, kundi patuloy siya sa kanyang pagsuway at paglaban. Anuman ang sabihin ng iba, hindi niya tinatanggap o kinikilala iyon, kundi iniisip niya na, “Tingnan natin kung sino ang mas magaling magsalita; tingnan natin kung sino ang mas mahusay na tagapagsalita.” Ito ay isang uri ng saloobin ng mga anticristo sa pagtrato nila sa pagkakapungos.
Kung matatanggap ba ng isang tao ang katotohanan o hindi ay nabubunyag kapag napupungusan siya. Napakalinaw magsalita ng mga anticristo tungkol sa mga salita at doktrina, pero kapag pinupungusan sila, patuloy silang lumalaban, nakikipagtalo, at sumusuway, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Hindi nila maisagawa ang alinman sa mga salita at doktrinang madalas nilang nililitanya. Bakit ganito? Ang dahilan ay na sa diwa, tutol ang mga anticristo sa katotohanan. Sobrang malupit at mayabang ang disposisyon ng mga anticristo. Ang saloobin nila sa harap ng katotohanan at mga katunayan ay palaging pagmamatigas, paglaban, at pag-ayaw. Kapag pinupungusan sila, bukod pa sa pangangatwiran at pagpapaliwanag sa sarili nila para mapanatili ang reputasyon nila, napakalakas ng paninindigan ng mga anticristo: “Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa isang tao. Ang diyos ay matuwid, at gaano man ako pungusan ng taong iyon, hindi niya kayang pagpasyahan ang kapalaran ko. Hindi ko tinatanggap ang katotohanan, pero ano ba ang magagawa niya?” Sa puso nila, matigas ang paninindigan nila, “Gaano man katama o kaayon sa katotohanan ang mga sinasabi ng taong iyon dito sa lupa, hindi pa rin katotohanan ang mga iyon, tanging ang mga direktang pagbigkas mula sa diyos sa langit ang katotohanan; kahit gaano pa husgahan at kastiguhin ng taong iyon sa lupa ang mga tao, at pungusan sila, hindi siya matuwid, tanging ang diyos sa langit ang matuwid.” Ano ang lihim nilang ipinahihiwatig? “Gaano man katama o kaayon sa katotohanan ang mga sinasabi ng diyos sa lupa, hindi pa rin iyon ang katotohanan. Tanging ang diyos sa langit ang katotohanan, ang diyos sa langit ang pinakadakila. Bagama’t nakakapagpahayag din ng katotohanan ang diyos sa lupa, hindi siya makakapantay sa diyos sa langit.” Hindi ba’t ito ang ibig nilang sabihin? (Oo.) “Ang diyos sa langit ang pinananampalatayaan ko, hindi ang diyos sa lupa. Gaano man katama o kaayon sa katotohanan ang sinasabi mo, ikaw na ordinaryong tao, hindi ka pa rin diyos sa langit. Ang diyos sa langit ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Itinatakda ng diyos sa langit ang kapalaran ko. Hindi maitatakda ng diyos sa lupa ang kapalaran ko. Kahit gaano pa katugma sa katotohanan ang sinasabi ng diyos sa lupa, hindi ko tatanggapin ang mga ito. Tanging sa diyos sa langit ako tumatanggap at nagpapasakop. Paano man ako tratuhin ng diyos sa langit, magpapasakop ako rito.” Ang mga salitang ito ay pawang mga salitang ibinubunyag ng mga anticristo kapag pinupungusan sila. Pawang mga salita ito na nanggagaling sa puso nila. Ang mga taos-pusong salitang ito ay ganap na kumakatawan sa disposisyon nila at nagbubunyag sa kalikasang diwa nila na tutol at namumuhi sa katotohanan. Kapag ibinubunyag ng mga anticristo ang mga salitang ito, ganap na nalalantad ang tunay nilang mukha. Maaaring sabihin na sinumang magsabi ng mga ganitong salita ay isang tunay na anticristo, at isang tunay na diyablo at Satanas. May ilang anticristo na nagpapakita ng hindi sumusukong saloobin na hindi mapagpakumbaba o malabis kapag pinupungusan sila. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan o ang pagpupungos, at hindi rin nila tunay na nakikilala ang kanilang sarili. Sa halip, bumabalik sila sa matibay nilang paniniwala at ginagamit ito para ipagtanggol ang kanilang reputasyon, katayuan, at pakiramdam ng presensiya, ganap na inilalantad ang kanilang hindi mananampalatayang diwa. Ginagamit nila ang mga salitang, “Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa isang tao, at matuwid ang diyos” para pabulaanan at talunin ang lahat, at para itatwa ang katotohanan at itatwa ang Diyos sa lupa. Kasabay nito, ginagamit nila ang mga salitang ito para ikubli at iwasan ang pananagutan nila sa sarili nilang mga kasalanan, at para ikubli ang mga tiwaling disposisyon nila at ang kalikasang diwa nila. Ginagamit ng mga anticristo ang paninindigan nila at mga teorya para ikubli ang sarili nilang masasamang gawa, at ginagamit din nila ang mga ito para aluin at protektahan ang sarili nila. Paano nila inaalo ang sarili nila? Iniisip nila, “Ayos lang, hindi mahalaga ang sinasabi ng taong ito sa lupa. Gaano man katama ang mga sinasabi niya, hindi ko tatanggapin ang mga ito. Hangga’t hindi ko tinatanggap ang mga ito, ang mga sinasabi niya ay hindi mga katunayan at hindi naaayon sa katotohanan. Kaya, hindi ko kailangang managot sa anumang pagkakamali, maling gawa, o pagsalangsang na ginagawa ko, puwede kong gawin ang gusto ko, maglakad-lakad nang nakataas-noo, at gawin ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan, gaya ng dati.” Kaya, patuloy na tinatahak ng mga anticristo ang landas nila sa ganitong paraan nang walang anumang pag-aalinlangan at nang wala pa ring anumang pakiramdam ng kahihiyan, patuloy silang kumakapit sa pagnanais at intensiyon nilang magkamit ng mga pagpapala hanggang sa pinakahuli. Ito ang tunay na mukha ng mga anticristo.
Kapag pinupungusan ang mga anticristo, nabubunyag sila. Ito ang oras kung kailan pinakamalamang na malalantad ang kanilang kalikasang diwa. Una: Kaya ba nilang ipagtapat ang masasama nilang gawa? Pangalawa: Kaya ba nilang pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili? At pangatlo: Kaya ba nilang tanggapin ito mula sa Diyos kapag pinupungusan sila? Sa tatlong sukatang ito, makikita ng isang tao ang kalikasang diwa ng isang anticristo. Kung kayang magpasakop ng isang tao kapag pinupungusan siya, at kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili, at sa gayon ay makilala niya ang sarili niyang mga pagbubunyag ng katiwalian at tiwaling diwa, iyon ay isang taong kayang tumanggap ng katotohanan. Hindi siya isang anticristo. Ang tatlong sukatang ito ang mismong wala sa isang anticristo. Sa halip, ibang bagay ang ginagawa ng isang anticristo, isang bagay na hindi inaasahan ninuman—iyon ay, kapag siya ay pinupungusan, bilang ganti ay nagpaparatang siya nang walang batayan. Sa halip na ipagtapat ang ginawa niyang mali at aminin ang kanyang tiwaling disposisyon, kinokondena niya ang taong pumupungos sa kanya. Paano niya ginagawa iyon? Sinasabi niya, “Hindi naman laging tama ang lahat ng pagpupungos. Ang pagpupungos ay tungkol lahat sa pagkondena ng tao, sa paghusga ng tao; hindi iyon ginagawa sa ngalan ng diyos. Ang diyos lamang ang matuwid. Sinumang huhusga sa iba ay hahatulan.” Hindi ba’t isa itong ganting-paratang na walang batayan? Anong klaseng tao ang gagawa ng gayong mga ganting-paratang na walang batayan? Isang walang katuturang nakakaabalang tao na hindi tinatablan ng katwiran ang tanging gagawa niyan, at isang tao lamang na kauri ng mga diyablo at ni Satanas ang gagawa niyan. Hindi gagawin ng isang taong may konsensiya at katwiran ang gayong bagay. Kaya, tiyak na masasamang tao iyong mga gumagawa ng mga walang batayang ganting-paratang kapag pinupungusan sila. Mga diyablo silang lahat. Kapag gumagawa ng mga walang batayang ganting-paratang ang mga anticristo, ano ang madalas nilang sinasabi? “Nananampalataya ako sa diyos, at ang diyos ay matuwid! Nagpapasakop ako sa diyos, hindi sa isang tao! Hindi lahat ng pagpupungos ay tama. Kung pupungusan ako ng diyos, tatanggapin ko ito, pero kung mga tao ang magpupungos sa akin, hindi ko ito tatanggapin!” Ang unang sasabihin ng mga anticristo ay, “Ang diyos ay matuwid!” Maririnig mo sa tono nila na may kalakip itong mapaminsalang mentalidad. Ang pangalawang sinasabi nila ay, “Nagpapasakop ako sa diyos, hindi sa isang tao!” Narinig na ba ninyo ang dalawang pahayag na ito? (Oo.) Nasabi na ba ninyo ang mga ito? (Hindi.) Karamihan sa mga tao ay hindi nangangahas na sabihin ang dalawang pahayag na ito. Kapag may nangyayari sa kanila na pinaniniwalaan nilang positibo at nararapat tanggapin, saka nila sinasabing: “Talagang matuwid ang Diyos, tama lang na mapungusan at madisiplina ako.” Tinatanggap nila ito nang positibo, at hinding-hindi nila ginagamit ang mga salitang ito para ipagtanggol ang sarili nilang mga interes o pangatwiranan at ipaliwanag ang kanilang sarili. Tunay nilang tinatanggap at kinikilala ang mga salitang ito at katunayang ito mula sa kaibuturan ng puso nila. Iba ang saloobin ng mga anticristo. Sa konteksto ng mapungusan, maaaring gamitin nila ang ganitong tono o intensiyon para sabihin, “Nananampalataya ako sa diyos, at ang diyos ay matuwid! Nagpapasakop ako sa diyos, hindi sa isang tao!” Ano ang ibig sabihin nito? Sila ba ay mga taong tumatanggap sa katotohanan? Tiyak na hindi. Itinatanggi nila na ang mapungusan ay nagmumula sa Diyos at sinasang-ayunan ng Diyos. Ang kawalan nila ng kakayahang tanggapin ito mula sa Diyos ay lubos na nagpapatunay na hindi nila kinikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi nila pinaniniwalaan na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Paano nila kikilalanin na matuwid ang Diyos, kung gayon? Malinaw na ginagamit nila ang mga salitang ito, na tila tama kung pakikinggan, para kondenahin ang iba, para kondenahin ang mga hindi pabor sa kanila, na pumupungos sa kanila, at naglalantad ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t mga kilos ito ng masasamang tao? Masasamang tao ang mga ito. Maaaring gumamit ang masasamang tao ng mga tamang salita para labanan ang Diyos at kontrahin ang katotohanan sa mga kritikal na sandali, at gumamit ng mga tamang salita para protektahan ang sarili nilang mga interes, ang imahe nila, at sarili nilang mukha at reputasyon. Hindi ba’t wala itong kahihiyan? “Pinatitigas ng masamang tao ang kanyang mukha” (Kawikaan 21:29), ang pangungusap na ito ay napapatunayan sa masasamang tao at mga anticristo. Ganitong uri ng mga tao ang mga anticristo.
Isa pang bagay na sinasabi ng mga anticristo ay: “Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa isang tao!” Mukha bang mali ang pangungusap na ito kung pakikinggan? (Hindi.) Siyempre, tama ang manampalataya sa Diyos—hindi maaaring manampalataya sa isang tao. Ang mga salitang ito ay napakadisente at tama, walang mali sa mga ito. Sa kasamaang-palad, nagbabago ang kahulugan ng pangungusap na ito kapag nanggagaling ito sa bibig ng isang anticristo. Ano ang ipinapakita ng pagbabagong ito ng kahulugan? Ipinapakita nito na ginagamit ng mga anticristo ang mga tamang salita para ilayo ang sarili nila sa problema at ipaliwanag ang sarili nila. Ano ang intensiyon nila sa pagsasabi ng mga salitang ito? Ano ang dahilan nila sa pagsasabi ng mga salitang ito? Anong mga aspekto ng diwa nila ang pinatutunayan nito? (Ang hindi pagtanggap sa katotohanan, pagkamuhi sa katotohanan.) Tama, hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Kung gayon, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, pero hayagan ba nilang sasabihin, “Hindi ko ito tinatanggap; kahit na tama ang sinabi mo, hindi ko ito tinatanggap”? Kung sasabihin nila ito, makikilatis sila ng mga tao, at tatanggihan sila ng lahat, at hindi nila mapapanatili ang kanilang posisyon, kaya, hindi nila puwedeng sabihin ito. Malinaw nilang nauunawaan ang mga bagay na ito sa puso nila. Dito matatagpuan ang pagiging mapanlinlang at kabuktutan ng mga anticristo. Iniisip nila, “Kung hayagan akong lalaban sa iyo, hayagang magpoprotesta at sasalungat sa iyo, sasabihin mo na hindi ko tinatanggap ang katotohanan. Hindi ko ipapakita sa iyo na hindi ko tinatanggap ang katotohanan. Gagamit ako ng ibang paraan para lutasin ang bagay na ito at protektahan ang sarili ko.” Kaya, sinasabi nila: “Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa isang tao.” Nananampalataya man sila sa Diyos o sa isang tao, ang hinihimay natin dito ay kung tinatanggap ba ng mga anticristo ang katotohanan. Hindi ba’t napaghahalo-halo nila ang mga konsepto sa pagsasabi nito? Pinaghahalo-halo nila ang mga konsepto at sinusubukang linlangin ang mga tao. Para hindi makita ng mga tao na hindi nila tinatanggap ang katotohanan, sinasabi nilang kinikilala nila ang Diyos at kinikilala nila ang katotohanan, na nananampalataya sila sa Diyos at nananampalataya silang ang Diyos ang katotohanan, at na dahil ang Diyos ang katotohanan, hindi puwedeng maging tao ang Diyos, at na kung magiging tao Siya, wala Siyang katotohanan, at na ang taong iyon ay hindi ang Diyos. Batay rito, hindi ba’t nabunyag na sila bilang mga anticristo? Sadyang hindi nila kinikilala na ang Diyos ay maaaring maging si Cristo at maging isang ordinaryong tao. Iniisip nila na tanging ang Diyos sa langit, ang Diyos lang na iyon na hindi nakikita at hindi nahahawakan, at maaaring basta-bastang maisip at gamitin ng tao, ang Diyos. May mga pagkakatulad ba ang pananaw na ito sa pananaw ni Pablo? (Mayroon.) Ano ang saloobin ni Pablo kay Cristo sa lupa? Kinilala ba niya si Cristo? Tinanggap ba niya si Cristo? (Hindi.) Sinabi ni Pablo: “Si cristo ay anak ng buhay na diyos, at mga anak din tayo ng buhay na diyos. Nangangahulugan ito na tayong lahat ay mga kapatid ni cristo, at pagdating sa senyoridad, pantay-pantay tayong lahat. Ang diyos na pinananampalatayaan natin ay nasa langit. Walang diyos sa lupa. Kaya huwag magkamali ng pag-unawa, ang taong ito sa lupa ay si cristo, siya ay anak ng diyos. Hindi siya kapareho ng diyos. Hindi siya puwedeng kumatawan sa diyos sa langit, hindi siya maaaring ituring ng tao bilang ang katotohanan, at hindi kailangang sumunod ng tao sa kanya.” Ano ang mahihimay natin mula sa mga salitang “Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa isang tao” na sinasabi ng mga anticristo? Kagaya ni Pablo, kinikilala lamang nila ang malabong Diyos sa langit, at hindi kinikilala na si Cristo ay Diyos. Sa madaling salita, hindi nila kinikilala ang katunayan na nagkatawang-tao ang Diyos at naging isang ordinaryong tao—sa aspektong ito, ang mga anticristo ay katulad mismo ni Pablo. Ang ibig nilang sabihin ay: “Kung nananampalataya ka sa diyos, manampalataya ka sa diyos, hindi sa isang tao. Walang silbi na manampalataya sa kung sinong tao, hindi ka makakakuha ng mga pagpapala mula sa pananampalataya sa kung sinong tao. Para manampalataya sa diyos, dapat kang manampalataya sa diyos sa langit, sa hindi nakikitang diyos. Ang diyos sa langit ay napakadakila at makapangyarihan sa lahat, ano ang kayang gawin ng diyos sa lupa? Kaya lamang niyang magpahayag ng ilang katotohanan at magsalita ng ilang tamang salita.” Kung hihimayin at huhusgahan natin ang diwa nila batay sa mga salitang ito, nilalabanan nila si Cristo, hindi nila kinikilala si Cristo, at itinatanggi nila ang katunayan na nagkatawang-tao ang Diyos. Sila ay lubusang mga anticristo.
Kapag pinupungusan ang mga anticristo, o kapag nahaharap sila sa mga dagok, at kapag may naglalantad sa kanila, ginagamit nila ang pariralang “Ang diyos ay matuwid” para ipagtanggol ang sarili nila, para tanggihan ang paglalantad ng ibang tao sa kanila at tanggihan ang pagpupungos nito sa kanila. Anumang mangyari, kapag pinupungusan sila, ang pangunahing saloobin nila ay pagsuway, paglaban, at hindi pagtanggap, ginagawa ang pinakamakakaya nila para ipaliwanag at ipagtanggol ang sarili nila. Sinasabi pa nga ng ilan na, “Darating ang panahon na mabubunyag ang lahat. Ang diyos ay matuwid. Hayaan ang diyos na ibunyag ito sa akin balang araw!” Bilang mga tiwaling tao, gaano man kalaki ang mga kawalang naidudulot nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos habang ginagawa ang tungkulin nila, wala silang pakialam dito o hindi nila ito binibigyang-pansin. Kung malalantad ang katunayang ito, hindi pa rin nila kikilalanin na sila ang dahilan ng mga kawalang ito at hindi sila handang managot. Sa huli, nais pa rin nila na ang Diyos ang magbunyag nito para sa kanila, na para bang naroroon ang Diyos para paglingkuran sila, at dapat silang ipagtanggol ng Diyos kapag nagkakamali sila, na para bang ganoong uri Siya ng Diyos. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi nila kayang tanggapin ang mapungusan, at hindi nila kayang kilalanin ang sarili nila, pero hindi lang iyon—hinihiling pa nga nila sa Diyos na magbigay ng mga paliwanag at katwiran para sa kanila. Hindi ba’t kahiya-hiya ito? Sobrang kahiya-hiya ito! Ang mga anticristo ay pawang lubos na walang kahihiyan, at ubod ng kabuktutan. Isang aspekto ito. Ano ang dalawang pahayag na madalas na sinasabi ng mga anticristo kapag pinupungusan sila? (“Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa isang tao!” “Ang diyos ay matuwid!”) Ang mga ito ang dalawang pahayag na nakagawian nilang gamitin. Hindi sila makapagbigkas ng iba pang uri ng maling pangangatwiran, at hindi sila naglalakas-loob na gawin iyon. Gumagamit sila ng dalawang tamang pahayag para ilihis ang mga tao, para di-makatwirang makipagtalo para sa sarili nila, sinusubukang gawing tama ang mali, gawing makatarungan ang buktot, at bigyang-katwiran ang mga pagkakamali at kawalang naidulot nila. Gusto nilang gamitin ang dalawang pahayag na ito para burahin ang lahat ng bagay na ito sa isang iglap, ganap na burahin ang mga ito, at magpanggap na hindi umiiral ang mga ito, at patuloy silang nananampalataya tulad ng dati. May pagsisisi ba sa ganitong pagpapamalas ng mga anticristo? (Wala.) Bukod sa hindi sila nagsisisi, nagpapamalas din sila ng isa pang aspekto ng mga anticristo—pagtutol sa katotohanan, kayabangan, kabuktutan, at kalupitan. Ang kayabangan nila ay naipapamalas sa katunayan na hinahamak nila ang sinumang nagpupungos sa kanila, iniisip nila, “Isa ka lang tao, hindi ako natatakot sa iyo!” Hindi ba’t kayabangan ito? (Oo.) Paano naman naipapamalas ang kabuktutan nila? (Paggawa ng mga walang batayang ganting-paratang.) Ang paggawa ng mga walang batayang ganting-paratang ay isang aspekto, at ang isa pang aspekto ay ang paggamit ng mga tamang salita para ipaliwanag, pangatwiranan, at ipagtanggol ang sarili nila. Ano pang ibang disposisyon ang nakapaloob dito? Ang paggawa ng mga walang batayang ganting-paratang ay malupit din. Hindi kinikilala ng mga anticristo na ang salita ng Diyos ang katotohanan. Kung may isang taong naglalantad sa diwa nilang ito, hindi pa rin nila tinatanggap ang katunayan na hindi nila kinikilala ang katotohanan. Hindi nila pinagninilayan at sinusubukang kilalanin ang sarili nila; sa halip, gumagawa sila ng mga walang batayang ganting-paratang, at gumagamit sila ng magagandang-pakinggan na salita para kondenahin ang iba. Ang mga pamamaraan at kasabihang ginagamit nila para kondenahin ang iba ay parehong mapanira at buktot. Alam nila kung aling mga salita ang gagamitin para kondenahin at patahimikin ang iba, para hindi malaman ng ibang tao kung ano ang sunod na sasabihin at para walang magawa ang mga ito laban sa kanila. Ito ay kabuktutan. Ang pamamaraan at pagsasagawa nilang ito ay isang lubusang malupit na disposisyon. Ang mga ito ang ilang disposisyon ng mga anticristo na puwede nating mahimay mula sa usapin ng pagkakapungos sa mga anticristo. Hindi ba’t tumutugma ang mga disposisyon at pagbubunyag na ito ng mga anticristo sa apat na aytem na tinalakay natin dati? (Oo.) Ano ang apat na aytem na iyon? (Ang unang aytem ay ang hindi pananampalataya at pagtangging kilalanin na ang salita ng Diyos ang katotohanan; ang pangalawang aytem ay na kahit makipagbahaginan ka sa kanila sa salita ng Diyos, at kaya nilang maunawaan ang katotohanan, hindi nila ito tinatanggap; ang pangatlong aytem ay ang pagtangging magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; ang pang-apat na aytem ay ang hindi kailanman tunay na pagsisisi.) Hindi sumasampalataya, hindi tumatanggap, hindi nagpapasakop, at hindi nagsisisi, ang “apat na hindi” na ito ay kumakatawan sa diwa ng mga anticristo. Hindi kailanman tatanggapin ng mga anticristo ang katotohanan, at hindi sila kailanman yuyukod sa harap ng mga katunayan. Ito ay mapagmatigas na kawalan ng pagsisisi at isa itong bagay na lumalabas mula sa kalikasan ng mga anticristo. Ito ang unang pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan. Bagama’t pareho ang disposisyong diwa ng mga anticristo, tiyak na hindi eksaktong pareho ang mga sikat na kasabihan at magagandang salawikain na nagmumula sa bibig nila. Minsan, maaaring iba-iba ang sinasabi ng mga anticristo, subalit, anumang uri ng pananalita ang lumalabas mula sa bibig nila, ang mga katangian at diwa ng mga ito ay pareho pa rin—ang diwa ng mga salita nila ay hindi pagtanggap sa katotohanan. Kung hindi nila tinatanggap ang katotohanan, ano ang mga salita nilang ito? Ang mga ito ba ay salitang naaayon sa katotohanan? Mga salita ba ito ng tao o mga salitang naaayon sa etika? Mga salita ba itong naaayon sa konsensiya at katwiran? (Mga maladiyablong salita ang mga ito.) Tama. Hindi tumpak na ilarawan ang mga ito na mga walang kabuluhan o magulong salita, pero nakakapagpaliwanag sa isyu ang pagsasabing maladiyablong salita ang mga ito.