Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi) Ikatlong Seksiyon
Madalas na nililihis ng mga anticristo ang mga tao, kinukuha ang loob at kinokontrol ang mga tao gamit ang mga pahayag na sila ay mga tanyag na tao sa sambahayan ng Diyos, na sila ay inilagay ng Diyos sa mga importanteng posisyon, at na sila ay pinahahalagahan at pinagkakatiwalaan ng Diyos, dahil sa pagsisikap nilang matamo ang kanilang layon na palaging magtamasa ng katayuan at habambuhay na siyang may huling salita. Ano ang pinakakinatatakutan ng mga anticristo? Pinakakinatatakutan nila ang mawalan ng kanilang katayuan at magkaroon ng pangit na reputasyon. Natatakot sila na iisipin ng kanilang mga kapatid na hindi nila hinahangad ang katotohanan, na napakahina ng kanilang kakayahan, at na wala silang espirituwal na pang-unawa, o hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain, at na hindi nila kayang gumawa ng anumang aktuwal na gawain. Ito ang mga bagay na pinakakinatatakutang marinig ng mga anticristo. Kapag naririnig ng mga anticristo ang mga gayong pahayag at deklarasyon, natataranta sila at naiinis pa nga, kung minsan ay umaabot pa sila sa pag-aalboroto, nagsasabing, “Mahina ang kakayahan ko, kaya sige, gamitin mo kung sino ang puwede mong gamitin; tutal, hindi ko naman kaya ang gawaing ito! Hindi ba’t matuwid ang diyos? Nananampalataya ako sa kanya sa loob ng mga panahong ito, isinuko ko ang aking pamilya at propesyon para sa kanya, at nagsumikap nang labis para sa inyong lahat, mga kapatid ko. Bakit wala man lang kayong magandang masabi tungkol sa akin?” Hindi na sila makapaglaan ng atensyon sa kanilang reputasyon at katayuan, ni hindi na rin nila sinusubukang pagtakpan ang kanilang sarili o magkunwari pa; buong-buong nakaladlad ang kanilang kapangitan. Pagkatapos ilabas ang kanilang galit, pinupunasan nila ang kanilang mga luha at iniisip na, “Naku; pinahiya ko lang ang sarili ko. Kailangan kong bumawi!” Pagkatapos ay nagpapatuloy sila sa pagkukunwari, nagpapatuloy sila sa pag-aaral ng magagandang islogan at doktrina, at sa pakikinig, pagbabasa, pangangaral, at paglilihis ng mga tao. Pakiramdam nila na kailangan nilang isalba ang kanilang reputasyon at katayuan, at umaasa sila na isang araw, kapag oras na ng halalan, iisipin pa rin sila ng mga kapatid, na maaalala ng mga ito ang mabubuting bagay na nagawa nila, ang mga halagang ibinayad nila, at ang mga bagay na nasabi nila. Lubos itong kawalan ng kahihiyan, hindi ba? Ang lumang kalikasan nilang iyon ay hindi pa rin nagbabago, hindi ba? Bakit hindi nagbabago ang mga anticristo kahit kailan? Ito ay natutukoy ng kanilang kalikasang diwa, hindi nila kayang magbago; ganito lang talaga sila. Kapag ang kanilang ambisyon at mga pagnanais ay tuluyang naglaho, nagwawala sila, at pagkatapos ay mas gumaganda ang kanilang asal. Nagtanong Ako kamakailan tungkol sa kung kumusta na ang isang tao, at sinabi ng ilang kapatid na naging napakaganda ng asal niya. Ano ang ibig sabihin ng “maganda ang asal”? Ibig sabihin, nagpakabait siya nang husto nitong mga nakaraang araw, at mas maayos na ang kanyang kilos kaysa dati; hindi na siya nagsasanhi ng gulo, umaatake sa mga tao, o nakikipag-agawan para sa katayuan, at natututo na siyang makipag-usap sa mga tao nang mas malumanay, mapagpakumbaba, at tahimik. Pagkatapos ay gumagamit siya ng mga tamang salita para tulungan ang iba, at sa kanyang pang-araw-araw na buhay, nagpapakita siya ng espesyal na pagmamalasakit at pag-aalaga sa ibang tao. Para bang naging isang ganap na bagong tao na siya. Ngunit totoo bang nagbago na talaga siya? Hindi. Kung gayon, ano ang mga kaugaliang iyon? (Mga panlabas na mabuting pag-uugali.)
Pagkatapos maibunyag ang ilang anticristo at mailantad ang lahat ng kanilang masasamang gawa, kapag nakikita nila ang kanilang mga kapatid, sinasabi nila, “Pakiramdam ko ay naliwanagan at natanglawan ako ng diyos kamakailan, at nasa tunay na mabuting kalagayan ako. Lubos kong kinamumuhian ang mga dati kong kilos, at hinding-hindi ko malilimutan o mabibitiwan ang mga kawalang idinulot ko sa aking mga kapatid. Masyado akong nalulungkot.” Habang sinasabi nila ito, napapahagulgol sila at kusa pa nga nilang hinihiling sa mga kapatid na pungusan sila, sinasabing, “Huwag kayong mag-alala sa pagiging mahina ko. Kung makikita ninyo na may mali akong ginagawa, pungusan ninyo ako, kaya ko itong tanggapin—kaya ko itong tanggapin mula sa diyos; hindi ako magkikimkim ng sama ng loob sa inyo.” Mula sa matigas na pagtanggi, paglaban, at pagsuway na mapungusan ng mga kapatid, pagbibigay-katwiran at pagtatanggol sa kanilang sarili, at pagiging puno ng sama ng loob, naging aktibo sila sa paghahangad na mapungusan. Ito ay medyo mabilis na pagbabago ng saloobin, hindi ba? Ibig bang sabihin nito ay nagsisisi sila? Batay sa saloobing ito, mukhang nagbago na sila, kaya dapat mo silang pungusan. Kung gagawin mo ito, mapagtatanto nila ang mga pagkakamaling nagawa nila sa nakaraan, at matutulungan silang makilala ang kanilang sarili. Sa sandaling iyon, dapat mo silang tulungan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kaunting sinseridad, at sasabihin na, “Nakikita ko na medyo maayos na ang ikinikilos mo kamakailan. Kakausapin kita nang mula sa puso ko. Kung may masabi akong mali, at hindi mo ito matanggap, huwag mo na lang pansinin; kung naniniwala ka na tama ang sinasabi ko, tanggapin mo ito mula sa Diyos. Ang layunin ko ay tulungan ka, hindi para saktan ka habang nahihirapan ka o para atakihin ka. Buksan natin ang ating puso sa isa’t isa at magbahaginan tayo. Noong naglingkod ka bilang isang lider, mapagmataas kang palakad-lakad sa paligid, at tumatangging aminin ang iyong mga pagkakamali; kahit na sa panlabas ay inamin mo ang ilan, hindi mo naman talaga tinanggap na may kasalanan ka sa loob-loob mo—at pagkatapos, nang maharap ka sa parehong isyu, kumilos ka pa rin na gaya ng dati. Pag-usapan natin ang huling insidenteng iyon, halimbawa. Dahil naging iresponsable ka, may nangyaring mali, at nagkaroon ng malaking kawalan sa mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Dahil sa iyong pagiging iresponsable, naaresto at nakulong ang maraming kapatid, at nagbayad ng halaga para dito. Hindi mo ba naisip na dapat mong akuin ang responsabilidad para doon? Ikaw ang tao na direktang responsable sa insidenteng iyon, kaya dapat kang humarap sa Diyos, magkumpisal ng iyong mga kasalanan, at magsisi. Sa katunayan, kung aaminin mo ang iyong pagkakamali, sa pinakamalala ay ituturing lang ito ng Diyos bilang isang pagsalangsang, at hindi ito makakaapekto sa paghahangad mo sa katotohanan sa hinaharap. Magagawa ka ring tratuhin nang maayos ng mga kapatid at ituturing ka nila bilang miyembro ng sambahayan ng Diyos; hindi ka nila itatakwil o aatakihin. Totoo na ang lahat tungkol sa isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit kung hindi mo kailanman hahangarin ang katotohanan, tiyak na kamumuhian at aabandonahin ka ng Diyos, at sa puntong iyon, magiging target ka ng pagkawasak. Kung tatanggapin mo at magpapasakop ka sa gawain ng Diyos at tunay kang magsisisi, hindi na maaalala ng Diyos ang iyong mga nakaraang pagsalangsang at magiging isa ka pa ring tao na naghahangad sa katotohanan sa harap ng Diyos. Hindi tayo humihingi ng pagpapaumanhin o kapatawaran Niya, ngunit kahit papaano man lang, kailangan nating gawin ang dapat gawin ng mga tao; ito ang responsabilidad at tungkulin ng bawat nilikha, at ito ang landas na dapat nating tahakin.” Ang mga ito ay mga totoong salita, hindi ba? Mayroon bang anumang pangungutya o panlalansi sa mga ito? Mayroon bang anumang panunuya o panlilibak sa mga ito? (Wala.) Ito ay mga taos-pusong salita lamang, binibigkas nang kalmado at naaayon sa prinsipyo ng pagtulong at pagpapabuti sa mga tao. Ang mga salitang ito ay tama; sa loob ng mga ito, mayroong isang landas ng pagsasagawa, pati na rin isang katotohanang dapat hanapin. Subalit, kaya bang tanggapin ng mga anticristo ang mga salitang ito? Kaya ba nilang maarok at isagawa ang mga ito bilang katotohanan? (Hindi nila kaya.) Paano sila tutugon sa mga salitang ito? “Hanggang ngayon, patuloy ninyong binabantayan ang mga pagkakamali ko, ayaw talaga ninyong palampasin, ano? Kahit ang diyos ay hindi inaalala ang mga dating pagsalangsang ng mga tao, kaya bakit palagi ninyong tinitingnan ang sa akin? Sinasabi ninyo na gusto ninyong makipag-usap sa akin nang puso-sa-puso at na tinutulungan ninyo ako. Anong klaseng tulong ito? Malinaw na isa itong pagtatangkang halukayin ang nakaraan at papanagutin ako. Sinusubukan lamang ninyo na ipaako sa akin ang responsabilidad, hindi ba? Ako lang ba ang may pananagutan para sa insidenteng iyon? Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng diyos, ibig sabihin, siya ang may pananagutan. Nang mangyari ang insidenteng iyon, bakit hindi tayo binigyan ng diyos ng anumang pahiwatig tungkol dito? Hindi ba’t ito ay pinamatnugutan ng diyos? Kung gayon, paanong sinisisi ninyo ako?” Sinasabi nila kung ano ang nasa isip nila, hindi ba? Nasaan ba ang kanilang problema? Sa panlabas, tila sila ay nagbago na at naging mas mapagpakumbaba; mukhang mas maayos na ang kanilang pag-uugali kaysa dati, na para bang hindi na nila hinahangad ang katayuan at reputasyon at tila kaya na nilang umupo nang mahinahon, kausapin ang isang tao, at makipag-usap nang puso-sa-puso. Kung gayon, paanong nagagawa pa rin nilang magsalita nang gaya nito? Anong problema ang makikita rito? (Ang paraan ng kanilang pagkilos ay isa lamang ilusyon na kanilang ipinapakita para makabawi sila.) Ano pa? (Hindi nila talagang kilala ang kanilang sarili, at ang mga iyon ay hindi mga pagpapakita ng tunay na pagsisisi. Ang mga iyon ay isang uri lamang ng mapagpaimbabaw na pagsasagawa. Kapag nagbabahagi sa kanila ang ibang tao tungkol sa kanilang mga problema, wala pa rin silang kakayahan na tanggapin ang katotohanan. Malinaw na ang kanilang kalikasang diwa ay mapanlaban sa katotohanan.) Dalawang punto ang napakalinaw rito. Una sa lahat, kapag nawalan ang isang anticristo ng katayuan, ang isa sa kanilang kalagayan ay, “Kung may buhay, may pag-asa”—palagi silang handang bumangong muli. Ang ikalawang punto ay tungkol sa maling landas na tinahak nila noon at ang mga pagsalangsang na nagawa nila, tiyak na hindi kailanman tunay na nagninilay-nilay sa kanilang sarili ang mga anticristo. Hindi nila aaminin ang kanilang mga pagkakamali o tatanggapin ang katotohanan, at lalong hindi nila mauunawaan ang kanilang diwa mula sa mga katunayan ng kanilang masamang gawa, o maibubuod kung paano magsagawa ayon sa katotohanan. Kapag tinanggal sila at nawalan sila ng katayuan, hindi nila iniisip na, “Ano ba mismo ang nagawa kong mali? Paano ako dapat magsisi? Kung mangyayari ulit ang ganitong bagay, paano ako dapat kumilos para maging kaayon ako sa layunin ng Diyos?” Wala silang ganitong saloobin na baguhin ang kanilang sarili. Kahit na pungusan sila, at kahit na matanggal sila, hindi pa rin sila magbabago at maghahangad sa katotohanan, maghahanap ng landas ng pagsasagawa, o magbabago ng direksiyon sa kanilang paghahangad. Gaano man kalaki ang mga kawalang idinudulot nila sa sambahayan ng Diyos at gaano man katindi ang kanilang pagbagsak, hinding-hindi nila ipagtatapat ang kanilang mga kasalanan. Ang mga kabiguan nila ay hindi magtutulak sa kanila na hangarin at hanapin ang katotohanan sa sumusunod na panahon; sa halip, magkakalkula sila sa kung ano ang maaari nilang gawin para maisalba ang lahat at mabawi ang katayuang nawala sa kanila. Ito ang dalawang punto. Ang una ay isang uri ng kalagayang mayroon sila pagkatapos mawalan ng katayuan, kung saan palagi silang handang bumangon muli. Ang pangalawang punto ay ang kanilang pagtangging aminin o unawain ang maling landas na tinahak nila. Sa loob ng pangalawang punto na ito, ang hindi pag-unawa sa maling landas na tinahak nila ay isang parte lang nito; dagdag pa rito, tiyak na hindi sila tunay na magsisisi, o tatanggap sa katotohanan, at siguradong hindi rin sila babawi sa mga pinsalang ginawa nila sa sambahayan ng Diyos nang may pusong nagsisisi. Tiyak na hindi nila iisipin kung paano magbabago, kung paano sila magbabago mula sa pagiging mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan tungo sa pagiging mga tao na naghahangad at nagsasagawa sa katotohanan. Malinaw na ipinapakita ng dalawang punto na ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan at likas na buktot; talagang magaling sila sa pagbabalatkayo at pakikibagay sa kanilang kapaligiran, gaya ng mga hunyango. Mayroon silang pabago-bagong diwa, at sa kaibuturan ng kanilang puso, hinding-hindi humuhupa ang kanilang paghahangad sa katayuan at mga ambisyon at pagnanais, hindi rin ito magbabago kailanman. Walang sinuman ang makakapagpabago sa mga taong iyon. Kung titingnan ang mga pagpapamalas na ito, ano ang kalikasang diwa ng ganitong klase ng tao? Kapatid ba ang isang anticristo? Tunay na tao ba ang isang anticristo? (Hindi.) Kung mga kapatid ang tingin ninyo sa mga taong ito, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay lubha kayong hangal? Ang mga pagpapamalas na ito ay mga pagbubunyag ng diwa ng isang anticristo. Kapag ang mga anticristo ay walang katayuan, ganito ang kalagayan nila; ang mga kalkulasyon sa kanilang puso, ang kanilang ibinubunyag, at kung paano sila kumikilos sa panlabas, at ang uri ng saloobing mayroon sila sa kaibuturan ng kanilang puso tungkol sa katotohanan at sa kanilang mga pagsalangsang ay ganito, at hindi magbabago ang kanilang pananaw. Gaano ka man magbahagi tungkol sa katotohanan o magsalita tungkol sa mga tama at positibong landas ng pagsasagawa, talagang hindi nila kailanman tatanggapin ito sa kaloob-looban nila; sa halip, lalabanan nila ito. Maniniwala pa nga sila na, “Sabagay, wala na akong katayuan kaya wala nang silbi ang sinasabi ko. Wala nang sumusuporta sa akin; gusto lang ninyo akong kutyain at turuan ng leksiyon. Kalipikado ka bang turuan ako ng leksiyon? Sino ka ba sa inaakala mo? Noong maging lider ako, ni hindi ka pa nga marunong maglakad! Hindi ba’t sa akin mo natutunan ang ilang bagay na sinasabi mo? At ngayon sinusubukan mo pa akong turuan ng leksiyon. Talagang hindi mo alam kung saan ka lulugar sa mundo!” Iniisip nila na kailangan ng mga tao ng isang partikular na kataasan ng ranggo para pungusan sila, kausapin sila, makipag-usap sa kanila, o magkaroon ng puso-sa-pusong usapan kasama sila. Anong uri ng tao ang mga ito? Tanging mga anticristo ang kayang magsabi ng mga ganitong bagay; ang mga normal na tao, at mga tao na may kaunting kahihiyan at kaunting katwiran, ay hindi kailanman magsasabi ng mga ganitong bagay. Kung may isang tao na nangangaral ng sermon sa inyo, mahinahong nakikipag-usap nang puso-sa-puso sa inyo, at tinutukoy ang mga problemang mayroon kayo at nagbibigay sa inyo ng ilang mungkahi, kaya ba ninyong tanggapin ito? O magkakaroon kayo ng parehong mentalidad na tulad ng sa isang anticristo? Halimbawa, sabihin nating isa kang mananampalataya sa loob ng 10 taon ngunit hindi ka kailanman naglingkod bilang isang lider. May ibang tao na dalawang taon pa lamang nananampalataya ngunit mayroon siyang mas mataas na katayuan kaysa sa iyo, at masama ang loob mo tungkol dito. Sabihin nating nananampalataya ka sa Diyos sa loob ng 20 taon bago ka naging isang lider ng distrito sa wakas. May isang tao na naging lider ng rehiyon matapos manampalataya ng limang taon lamang at nagsisimula siyang gabayan ka, at nahihirapan kang tanggapin ito. Kung pinupungusan ka niya, hindi ka komportable, at kahit na tama siya na pungusan ka, ayaw mo pa ring tanggapin ito. Ni minsan ba ay nagtaglay ka ng ganitong uri ng saloobin o mga pagpapamalas? (Oo.) Ito ay disposisyon ng isang anticristo. Sa tingin mo ba na tanging mga anticristo ang may disposisyon ng isang anticristo? Ang sinumang may disposisyon ng isang anticristo ay nasa panganib, maaaring tumahak sila sa landas ng isang anticristo, at maaaring wasakin sila ng disposisyong ito. Ganoon ang mga bagay-bagay. Kapag nagbabahaginan tayo tungkol sa diwa ng isang anticristo at naghihimay-himay tungkol dito, kasali rin dito ang mga taong may disposisyon ng isang anticristo. Masasabi ba ninyo na ang mga taong kasali rito ay ang minorya o ang mayorya? O kasali ba rito ang lahat? (Kasali rito ang lahat.) Tama, dahil ang disposisyon ng isang anticristo ay ang disposisyon ni Satanas, at ang lahat ng tiwaling tao ay nagtataglay ng disposisyon ni Satanas. Ngayon, nagbahaginan na tayo nang kaunti tungkol sa paksang ito kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan. Para sa higit pang detalye, maaaring magbigay ng ilang kongkretong halimbawa. Kayo na ang bahalang magbahaginan tungkol dito sa inyong mga pagtitipon. Habang nagbabahaginan kayo, huwag palaging pag-usapan kung kumusta na ang ibang tao. Siyempre, hindi maiiwasan ang pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng iba, ngunit dapat pangunahin ninyong ibahagi ang sarili ninyong mga pagpapamalas. Kung matutuklasan ninyo sa inyong sarili ang ilang pagpapamalas o mga pagbubunyag na nauugnay sa disposisyon ng isang anticristo, ito ay makatutulong at magiging kapaki-pakinabang sa inyong pagkakilala sa sarili, at matutulungan kayo nito na maalis ang disposisyong iyon sa inyo.
Nagbahaginan na tayo dati tungkol sa paksa ng iba’t ibang pagpapamalas ng disposisyon ng isang anticristo—nagagawa na ba ninyo ngayon na ikumpara ang inyong sarili sa mga ito? Nagtamo na ba kayo ng kaunting pagkaunawa? Kaya na ba ninyong lutasin ang ilang tunay na problema? Anumang aspekto ng inyong mga tiwaling disposisyon ang babaguhin ninyo, lahat ito ay nakakamit sa pundasyon ng pag-unawa sa katotohanan, pagkumpara sa inyong sarili sa katotohanan, at pagkatapos ay pagkakaroon ng kaunawaan sa inyong sarili. Samakatwid, ang magawang kilatisin at himay-himayin ang iba’t ibang pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon ay isang landas na kailangan ninyong tahakin pagdating sa pagkilala sa inyong sarili at pagtatamo ng pagbabago ng disposisyon. Naiintindihan na ba ninyo ang puntong ito? Ang ilan sa inyo ay maaaring hindi pa, at iniisip na, “Palagi Kang nagbabahagi tungkol sa mga walang kabuluhang paksa at mga bagay-bagay na ito; hindi Ka kailanman nagsasalita tungkol sa ilang malalalim na katotohanan o nagbubunyag ng anumang malalalim na misteryo. Masyadong nakakabagot at nakakainip ito! Ano ang kinalaman ng mga bagay na ito na ibinabahagi Mo sa aming pagpasok sa kaharian ng langit, pagtamo ng malalaking pagpapala, at pagpeperpekto sa amin sa hinaharap?” Hindi kailanman nakakaunawa ang mga taong ito; inaantok sila habang nakikinig sa mga bagay na ito. Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay hindi nakakaunawa rito; hindi nila nauunawaan ang iba’t ibang kalagayan ng tao na tinutukoy ng bawat katotohanan, o ang mga kaugnayan sa pagitan ng iba’t ibang katotohanan. Hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Habang mas detalyado ang paliwanag na ibinibigay mo sa kanila, lalo lang silang nalilito at mas kaunti ang tinatanggap nila, kaya lagi silang inaantok. Kapag nagsimula ang isang pagtitipon, kumakanta at sumasayaw sila, at hindi sila inaantok kahit gaano pa man na nakababagot o paulit-ulit ang mga panuntunan at seremonya. Gayumpaman, sa oras na nagbahagi ka tungkol sa katotohanan at sa iba’t ibang kalagayan ng mga tao, nagsisimula silang antukin. Ano ba ang nangyayari sa mga tao na laging inaantok nang ganoon? Hindi ba’t nabunyag na sila? Ito ay isang pagpapamalas ng hindi pagmamahal sa katotohanan, hindi ba? Pagdating sa mga detalye ng iba’t ibang katotohanan na may kinalaman sa buhay pagpasok, ang mga taong tunay na naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng partikular na kakayahan ay mas nakakaunawa sa mga ito habang lalo nilang napapakinggan ang mga ito, samantalang ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan at walang espirituwal na pang-unawa ay lalo lang nalilito habang mas napapakinggan nila ang mga ito. Habang mas nakikinig sila, lalong nagiging nakakabagot ang mga ito para sa kanila, at kahit gaano pa sila katagal makinig, ganoon pa rin ang nararamdaman nila; wala silang marinig na landas sa mga ito. Pakiramdam nila, hindi naman talaga ganoon kakomplikado ang mga bagay na may kinalaman sa buhay pagpasok, kaya hindi kailangang masyadong magbahagi tungkol sa mga ito. Ganito ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Ang pagbabago ng disposisyon ay may kasamang napakaraming katotohanan. Kung, sa landas ng paghahangad na baguhin ang kanilang disposisyon ay hindi gumugugol ng oras at pagsisikap ang mga tao sa bawat katotohanan, at kung hindi sila nagtatamo ng pagkaunawa, pagkaarok, at kaalaman sa bawat katotohanan, at nakakahanap ng landas ng pagsasagawa, kung gayon, tiyak na hindi sila makakapasok sa anumang katotohanan. Ano ang paraan para makilala ng mga tao ang Diyos? Ito ay sa pamamagitan ng pagkaunawa at pagpasok sa lahat ng iba’t ibang katotohanan; ito lamang ang paraan. Dagdag pa rito, ang bawat katotohanan ay hindi isang uri ng teorya o kaalaman o pilosopiya; ito ay may kinalaman sa buhay ng mga tao at sa estado ng kanilang pag-iral, sa kanilang kalagayan at sa mga bagay na iniisip nila araw-araw, at sa iba’t ibang kaisipan, ideya, layunin, at saloobin na nabubuo nila sa ilalim ng pangingibabaw ng kanilang mga tiwaling diwa. Kaya, ito ang mga paksang pinag-uusapan natin. Kapag naintindihan mo na ang mga paksang ito, naiugnay ang mga ito sa iyong sarili, natuklasan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at nakilala ang iba’t ibang kalagayan at pananaw na nabubuo ng iyong iba’t ibang disposisyon, talagang mauunawaan mo na ang mga katotohanang nauugnay sa mga ito, at saka ka lamang makakapagsagawa nang tumpak ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung literal mo lang na nauunawaan ang mga salita, at kapag nakikita mo ang paglalantad ng Diyos sa pagiging makasarili at kasuklam-suklam ng mga anticristo, iniisip mo na, “Makasarili at kasuklam-suklam ang mga anticristo, ngunit ako mismo ay labis na walang pag-iimbot; marami akong maibibigay na pagmamahal, ako ay mapagparaya, ipinanganak ako sa isang pamilya ng mga iskolar, nakatanggap ako ng mas mataas na edukasyon, at naimpluwensiyahan ako ng mga sikat na personalidad at mga obra-maestra, hindi ako makasariling tao”—ang pagsasabi ba ng mga bagay na ito ay pagtanggap sa katotohanan? Ito ba ay pagkakakilala sa iyong sarili? Halata talaga na hindi mo nauunawaan ang partikular na katotohanang ito, o ang iba’t ibang kalagayan na saklaw ng partikular na katotohanang ito. Kapag nauunawaan mo ang iba’t ibang kalagayan na binabanggit at inilalantad ng Diyos na saklaw ng isang partikular na katotohanan, at naikukumpara mo ang iyong sarili sa mga ito at natutuklasan ang mga tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa, makakatahak ka na sa landas ng pagsasagawa sa katotohanan, at makakapasok ka na sa katotohanang realidad. Kung hindi mo pa nagawa ito, kung gayon, isang doktrina lang ang naunawaan mo; hindi mo naunawaan ang katotohanan. Katulad ito ng paksang pinag-usapan pa lang natin, tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan. Ang iba’t ibang kalagayan, pagpapamalas, at pagbubunyag na pinagbahaginan natin ay may kinalaman lahat sa kalikasang diwa at disposisyon ng isang anticristo. Ilan sa mga ito ang nauunawaan mo? Ilan sa mga ito ang naikumpara mo sa iyong sarili? Ang mga pahayag, detalye, at kalagayang nakapaloob sa paksang ito na naarok mo ay may kaugnayan ba sa ibang tao o sa iyo? Ikaw ba mismo ay may koneksiyon sa mga kalagayang ito? Tunay mo bang naiugnay ang mga ito sa iyong sarili, o atubili mo lang na kinilala at sinang-ayunan ang mga ito? Nakadepende ito sa iyong pagkaarok at sa iyong saloobin sa katotohanan. Ang pag-uugnay sa mga kalagayang ito sa sarili mo ay isang paunang kinakailangan lamang para maisagawa mo ang katotohanan; hindi ito nangangahulugan na sinimulan mo nang isagawa ito. Gayumpaman, kung hindi mo maiuugnay ang mga kalagayang ito sa iyong sarili, kung gayon ay ganap kang walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Dahil dito, kapag nakikinig ka sa mga sermon, ano ang maririnig mo? Magpapanggap ka lamang; magmumukhang tila nananampalataya ka sa Diyos, ngunit ang totoo ay hindi ka magsasagawa ayon sa Kanyang mga salita, at hindi ka makakapasok sa realidad ng Kanyang mga salita. Magiging isang karaniwang tao ka lang, isang gamit-panserbisyo, isang hambingan. Pagdating sa kung paano ninyo dapat ikumpara ang inyong sarili sa mga kalagayang ito at kung paano ninyo dapat himay-himayin ang iba’t ibang kalagayan na may kaugnayan sa mga bagay na sinabi Ko, nakasalalay ito sa sarili ninyong kaalaman. Ang magagawa Ko lang ay sabihin sa inyo ang mga salitang ito at tustusan kayo ng mga salitang ito, ngunit para sa iba, kailangang kayo mismo ang magsumikap. Matatanggap man ninyo ang mga salitang ito o hindi ay nakadepende sa inyong saloobin. Ang ilang tao ay mapagmatigas sa kanilang puso; palagi silang nagkukunwari at sinusubukang protektahan ang kanilang katayuan at reputasyon. Malinaw na mayroon silang mga problema, pero hindi nila nakikita ang mga problemang ito at hindi inaamin ang mga ito, at sila pa ang nagkukusang ilantad at himay-himayin ang iba. Dahil dito, nakikinabang dito ang iba pang mga tao, habang sila mismo ay walang nakakamit. Ang mga taong ito ay mga hangal, hindi ba? Ito ay hangal na pag-uugali. Ang punto ng pakikinig sa mga sermon ay hindi para matutunan kung paano kilatisin ang ibang tao, ni para makinig sa ngalan ng ibang tao; ito ay para ikaw mismo ang makarinig kung ano ang sinabi at makamit mo ito. Nakikinig ka sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga sermon, at mula sa lahat ng ito ay nauunawaan mo ang katotohanan, nakakamit ang buhay, at nakakamtan ang pagbabago sa disposisyon. May kinalaman ba ito sa ibang tao? Ang mga salitang ito ay may kinalaman sa iyo. Kung panghahawakan mo ang ganitong uri ng saloobin, maaaring mabago ka ng mga salitang ito, maging realidad mo, at tulungan kang makamtan ang pagbabago sa disposisyon.
Sa unang paksang ito, pinag-usapan natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan. Sa isang banda, ang pagbabahaginan sa paksang ito ay nakakatulong sa inyong lahat na maunawaan ang uri ng saloobin ng mga anticristo, at ang mga pagbubunyag ng kanilang kalikasang diwa, pagdating sa bagay na ito; sa kabilang banda, nagbibigay ito sa inyo ng ilang positibong patnubay at babala. Maaari ninyong pagbahaginan at lutasin ang mga natitirang problema nang kayo mismo; ang mga ito ay sarili ninyong responsabilidad.