Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi) Ikalawang Seksiyon
Bagama’t may ilang tao na pumupunta sa ibang bansa at nakakaranas ng ilan sa mga kultura, tradisyon, tuntunin, at mga materyal na bagay tulad ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay sa Europa at iba pang mga bansa sa Asya, at nagiging pamilyar sila sa ilang batas at karaniwang kaalaman ng ibang bansa, mahirap pa ring alisin ang mga tradisyong iyon ng kanilang sariling bansa. Bagama’t nilisan mo na ang iyong lupang tinubuan at tinanggap ang pang-araw-araw na aspekto ng buhay sa ibang bansa, pati na rin ang mga batas at sistema nito, hindi mo alam kung ano ang iniisip mo araw-araw, o kung paano mo hinaharap ang mga isyu kapag may nangyayari sa iyo, o kung ano ang pananaw at perspektiba na pinanghahawakan mo. Iniisip ng ilang tao na, “Nasa Kanluran ako, kaya, isa ba akong taga-Kanluran?” o “Nasa Japan ako, kaya, isa ba akong Hapon?” Ganito ba ang lagay? (Hindi.) Sabi ng mga Hapon: “Gustong-gusto naming kumain ng sushi at udon noodles. Hindi ba’t marangal kami dahil dito?” Sabi naman ng mga taga-Timog Korea: “Mahilig kaming kumain ng kanin at kimchi. Hindi ba marangal ang aming dakilang bansang Timog Korea? Sinasabi ninyong mga Intsik na ang inyong kultura ay sinauna at libo-libong taon na mas nakatatanda kaysa sa amin, pero nagpapakita ba kayo ng pagiging mabuting anak sa inyong mga nakatatanda tulad ng ginagawa namin? Tradisyonal din ba kayo tulad namin? Mayroon ba kayong maraming panuntunan tulad ng sa amin? Hindi na ninyo pinag-uusapan ang mga ganitong bagay sa panahon ngayon, napag-iiwanan na kayo; kami ang tunay na mga tradisyonal na tao, at ang kultura namin ay tunay na kultura!” Iniisip nila na nakatataas ang kanilang tradisyonal na kultura, at pagkatapos ay nakikipagkompetensiya sila para ideklara ang maraming bagay bilang World Heritage. Bakit kailangang makipagkompetensiya? Ang bawat bansa, bawat lahi, at maging ang bawat maliit na pangkat etniko ay naniniwala na ang mga bagay, panuntunan, tradisyon, kaugalian, at kombensiyong iniwan ng kanilang mga ninuno ay mabuti at positibo, at maaaring ipalaganap ng sangkatauhan. Hindi ba’t ang kanilang ideya at pananaw na ito ay nagpapahiwatig na mga katotohanan ang mga ito, na mabuti at positibong bagay ang mga ito, at na dapat maipasa ng lahing ito ng tao? Kung gayon, sumasalungat ba sa kalayaan ang mga bagay na ito na ipinapasa? Kabibigay Ko lang ng halimbawa ng isang binata na nakawala mula sa mga gapos ng kanyang pamilya, isang binatang puno ng mga hikaw at singsing at may mga tattoo sa buong katawan, at mayroon pa ngang nobya na taga-ibang bansa. Sa kanyang panlabas na anyo at laman, tila hindi siya sumusunod sa mga panuntunan ng pamilya at tila iwinaksi niya ang tradisyon. Pagdating sa mga pormalidad at sa kanyang pag-uugali, at maging sa kanyang pansariling kalooban, iwinaksi na niya ang mga gayong bagay tulad ng pamilya, tradisyon, at kaugalian. Ngunit inilalantad siya ng isang regalo sa kanyang kaarawan, pinabubulaanan at kinokondena ang kanyang paniniwala na siya ay “lubhang hindi tradisyonal.” Kung gayon, talaga bang tradisyonal ang taong ito o hindi? (Siya ay tradisyonal.) Ang pagiging tradisyonal ba ay mabuti o masama? (Masama.) Kaya naman, itinuturing mo man na tradisyonal o hindi tradisyonal ang iyong sarili, at anuman ang iyong lahi—ito man ay tinatawag na marangal na lahi o isang ordinaryong lahi—ang inyong mga panloob na kaisipan ay nakakulong. Gaano mo man hangarin at igalang ang kalayaan, gaano man katindi ang iyong determinasyon, pagnanais, at ambisyon na makalaya mula sa mga puwersa ng tradisyon at mula sa mga tradisyonal na kombensiyon ng pamilya, o gaano man nakahihikayat at pagiging makapangyarihan ng iyong mga aktuwal na kilos, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, magpapasikot-sikot ka lang sa gitna ng mga turo at maling paniniwala na ikinikintal ni Satanas sa iyo, nang hindi nakalalabas. Ang ilang tao ay naiimpluwensiyahan ng tradisyonal na kultura, ang ilan ay naiimpluwensiyahan ng ideolohikal na edukasyon, ang iba naman ay naiimpluwensiyahan ng posisyon at katayuan, at ang iba pa ay naiimpluwensiyahan ng isang uri ng ideolohikal na sistema. Halimbawa, ang mga taong may kinalaman sa politika, tulad ng mga grupo ng tao na nagsusulong ng komunismo. Nagsimula sila bilang isang grupo ng mga proletaryo, tinanggap nila ang manifesto at mga teorya ng komunismo, kumawala sila sa tradisyon, sa piyudal na monarkiya, sa ilang lumang kaugalian, at pagkatapos ay tinanggap nila ang Marxismo-Leninismo at komunismo. Pagkatapos tanggapin ang mga ito, naging malaya ba sila, o patuloy na pinaghihigpitan? (Patuloy silang pinaghihigpitan.) Inakala nila na sa pamamagitan ng paglipat mula sa isang lumang bagay patungo sa isang bagong bagay, magtatamo sila ng kalayaan. Hindi ba’t mali ang ideyang ito? (Oo, mali ito.) Mali ang ideyang ito. Maaaring magbago ang mga tao mula sa isang lumang bagay tungo sa anumang bagong bagay, ngunit hangga’t hindi ito ang katotohanan, habambuhay silang mabibitag sa lambat ni Satanas—hindi ito tunay na kalayaan. Inilalaan ng ilang tao ang kanilang sarili sa komunismo o sa isang partikular na adhikain, inilalaan naman ng iba ang kanilang sarili sa isang sinumpaan, samantalang inilalaan ng iba ang kanilang sarili sa isang teorya at dagdag pa rito, ang iba ay sumusunod sa mga kasabihan tulad ng “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” o “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari,” o “Kapag may kaguluhan sa isang bansa, may responsabilidad ang bawat isa na gawin ang kanilang parte.” Nabibilang ba ang mga ito sa tradisyonal na kultura? (Oo.) Sa panlabas, maaaring tila napakapositibo, napakawasto, at talagang matayog at marangal ang mga bagay na ito sa gitna ng sangkatauhan, ngunit ang totoo, mula sa ibang perspektiba at gamit ang iba’t ibang paraan, ito ay nagbibigkis sa mga kaluluwa ng mga tao, naglilimita sa mga tao, at pumipigil sa kanila na makamit ang tunay na kalayaan. Gayumpaman, bago maunawaan ng mga tao ang katotohanan, pakiramdam lang nila ay hindi nila alam ang gagawin at kaya, tinatanggap nila ang mga bagay na ito, na itinuturing ng sangkatauhan na medyo positibo, bilang kanilang paraan ng pag-iral. Kaya, itong mga di-umano’y tradisyonal na kultura—ang mga bagay na ito na sa palagay ng mga tao ay medyo maganda sa mundo—ay natural na tinatanggap ng mga tao. Pagkatapos tanggapin ang mga ito, nararamdaman ng mga tao na namumuhay sila nang may kapital, kumpiyansa, at motibasyon. Halimbawa, tinanggap ng ilang tao ang isang posisyon ng lipunang ito at ng sangkatauhang ito ukol sa kaalaman at mga kredensiyal. Ano ang posisyong ito? (Kayang baguhin ng kaalaman ang iyong kapalaran.) (Maliliit ang ibang paghahangad, ang mga libro ang nakahihigit sa lahat ng ito.) Sa kaibuturan ng kanilang puso, sinasang-ayunan at tinatanggap din at inaaprubahan ng mga tao ang mga bagay na ito. Kasabay ng pagtanggap at pag-apruba sa mga ito, habang mas tumatagal ang pagdurusa ng mga tao ng paghihirap sa lipunang ito, mas pinahahalagahan nila ang mga bagay na ito. Bakit ganoon? Ang mga tao ay umaasa lahat sa kaalaman sa buhay. Kung walang kaalaman at mga kredensiyal na ito, nararamdaman mo na hindi ka makakapagtatag ng posisyon sa lipunan. Aapihin at didiskriminahin ka ng iba, at kaya desperado mong hinahabol ang mga bagay na ito. Mas mataas ang iyong mga kredensiyal, mas mataas din ang iyong katayuan sa lipunan o sa iyong lahi o komunidad, at magiging mas malaki at mas maganda ang paghanga at pagtrato sa iyo ng mga tao, pati na ang iba’t iba pang bagay. Sa isang punto, nagagawang tukuyin ng mga kredensiyal ng isang tao ang kanyang katayuan sa lipunan.
Noong nakaraan, may isang grupo ng pito o walong propesor ng unibersidad ang pumunta sa Beijing para sa karagdagang pag-aaral. Noong mga panahong iyon, maaaring wala pang mga serbisyo ng pagsundo o pagmaneho, kaya kinailangan nilang sumakay ng bus pagkarating ng Beijing. Sa katunayan, madalas na makikita ang mga propesor na tulad nila kahit saan sa Beijing. Hindi sila itinuturing na espesyal, mga ordinaryong tao lang sila. Ngunit sila mismo ay hindi alam ito, at dito nakasalalay ang bigat ng problema—naganap ang isyung ito batay sa problemang ito. Ano nga ba ang nangyari? Hinihintay ng grupo ng mga propesor na ito ang bus sa hintuan nito. Habang naghihintay sila, parami nang parami ang mga taong nagsiksikan at habang kumakapal ang dami ng mga tao, naging balisa ang lahat. Nang dumating ang bus, silang lahat ay nagdagsaan dito nang hindi hinihintay ang mga pasahero sa loob na makababa muna. Tinutulak at sinisiko nila ang isa’t isa, gumagawa sila ng malaking komosyon. Iyon ay isang napakagulong eksena. Pinag-isipan ito ng mga propesor, at sinabi nila: “Malinaw na hindi madali ang buhay para sa ating mga kapwa mamamayan sa Beijing, araw-araw na sasakay sila ng bus pagpunta at pauwi mula sa trabaho. Bilang mga propesor sa unibersidad, dapat nating isaalang-alang ang mga sitwasyon ng mga tao. Bilang nakatataas na intelektuwal, hindi tayo puwedeng makipagkompetensiya sa ordinaryong mamamayan. Dapat nating ipakita ang walang pag-iimbot na diwa ni Lei Feng sa pamamagitan ng pagpapaubaya sa kanila na maunang sumakay sa bus na ito, kaya, huwag tayong makipagsiksikan dito.” Lahat sila ay sumang-ayon dito at nagpasya silang maghintay sa susunod na bus. Subalit ang nangyari, nang dumating ang kasunod na bus, ganoon pa rin ang dami ng tao, at muling nagdagsaan ang mga nagkakagulo na grupong ito ng mga tao. Natulala ang mga propesor. Pinanood nila na mapuno ang bus at ang pag-alis nito, at muli na naman silang hindi nakasakay rito. Nag-usap sila ulit at sinabing, “Hindi naman tayo nagmamadali. Tayo ay mga nakatataas na intelektuwal, hindi tayo puwedeng makipag-agawan sa mga ordinaryong tao para makasakay sa mga bus. Huwag tayong magmadali, baka hindi na masyadong maraming tao ang naghihintay sa susunod na bus.” Habang naghihintay sa ikatlong bus, medyo nababahala na ang mga propesor na ito. Ang ilan sa kanila ay napapakuyom ng kanilang mga kamao at nagsabing, “Kung pareho pa rin ang dami ng tao sa bus na ito, makikipagsiksikan na lang ba tayo? Kung hindi, baka hindi na tayo makasakay sa ikalimang bus, o maging sa ikaanim na bus, kaya mas mabuti pang makipagsiksikan na lang tayo!” May iba naman na nagsabing, “Puwede bang makipagsiksikan ang mga nakatataas na intelektuwal sa bus? Masisira niyon ang ating imahe! Sobrang kahiya-hiya kung isang araw ay malaman ng mga tao na tayong mga nakatataas na intelektuwal ay nakipagsiksikan sa mga bus!” Nahahati ang kanilang mga opinyon. Habang nagdidiskusyon sila, nagkukumpulan na naman ang mga taong naghihintay. Sa puntong ito, balisang-balisa na ang mga propesor at tumigil na sila sa pag-uusap. Nang dumating ang bus, pagkabukas ng mga pintuan at bago pa man makababa ang lahat, ginaya ng mga propesor ang naunang grupo ng mga nagkakagulong tao, at sumiksik sila sa loob gamit ang lahat ng kanilang lakas. Ang ilan sa kanila ay nakapasok, samantalang ang ilang pino na intelektuwal—mga pinong iskolar—ay hindi nakapasok dahil hindi sila determinado at palaban. Iwan na natin doon ang usaping ito. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t katunayan ito? (Oo.) Ang pagsisiksikan na ito sa mga bus ay labis na pangkaraniwang pangyayari, at kayang-kayang magpanggap ng mga intelektuwal na ito! Sabihin mo sa Akin, ano ang problema rito? Pag-usapan muna natin ang mga intelektuwal na ito, na nakatanggap ng mas mataas na antas ng edukasyon at naging mga propesor na nagtuturo sa mga tao, at naging mga nakatataas na intelektuwal. Ibig sabihin, ang edukasyong natanggap nila at ang kaalamang taglay nila ay mas mataas kaysa sa antas na nakamit ng mga karaniwang tao, at ang kanilang kaalaman ay sapat para sila ay maging mga guro at tagapagturo ng mga tao, magbigay ng edukasyon, at magbahagi ng kaalaman sa mga tao—kaya tinatawag silang mga nakatataas na intelektuwal. May mga problema ba sa mga ideya at pananaw ng mga nakatataas na intelektuwal na ito? Tiyak na may mga problema. Saan matatagpuan ang kanilang mga problema? Suriin natin ang usaping ito. Sa dami ng kaalaman at mataas na antas ng edukasyong natanggap nila, ang kanilang pag-iisip ba ay mahigpit o malaya? (Mahigpit.) Paano ninyo nalalaman na mahigpit ito? Saan matatagpuan ang kanilang mga problema? Una sa lahat, ipinahayag nila bilang mga nakatataas na intelektuwal ang kanilang sarili. May problema ba sa pahayag na ito? (Oo.) May problema sa pahayag na ito. Sumunod, sinabi nila, “Kapag tayong mga nakatataas na intelektuwal ay sumasakay ng bus, hindi tayo dapat makipag-agawan at makipagsiksikan sa ibang tao para makapasok dito.” May problema ba sa pangungusap na ito? (Oo.) Ito ang pangalawang problema. Ang pangatlong problema ay nang sinabi nila na, “Tayong mga nakatataas na intelektuwal ay maaaring maghintay sa susunod na bus”—may problema ba sa puntong ito? (Oo.) May problema sa lahat ng puntong ito. Magpatuloy at himay-himayin ang usaping ito sa pamamagitan ng tatlong puntong ito, para makita kung ano ang mga problema. Kung magkakaroon kayo ng masusing pagkaunawa sa mga problema, una, hindi na ninyo iidolohin ang mga nakatataas na intelektuwal, at pangalawa, hindi na ninyo nanaising maging isang nakatataas na intelektuwal.
Ano ang unang punto? Na ipinahayag nila ang kanilang sarili bilang mga nakatataas na intelektuwal. May problema ba sa pahayag na ito? (Oo.) Walang mali sa terminong “pagpoproklama sa sarili,” na sa kasong ito ay nangangahulugan na pagbibigay sa sarili ng titulo bilang isang nakatataas na intelektuwal. Kung gayon, may problema ba sa pariralang “bilang isang nakatataas na intelektuwal”? Ang katunayan, ang mga propesor sa unibersidad ay mga nakatataas na intelektuwal sa lipunan. Dahil ito ay isang katunayan, bakit may problema sa pariralang ito? (Inakala nila na sa pagkakaroon ng kaalaman, mas nakatataas sila kaysa sa iba.) Mas nakatataas sila kaysa sa iba—tiyak na may disposisyon sa likod nito. (Inakala nila na dahil nakakuha sila ng mas maraming kaalaman, mas nakatataas sila kaysa sa iba. Sa katunayan, hindi nababago ng mga bagay na ito ang disposisyon ng isang tao.) Sa isang parte, tama ito, pero hindi ito malinaw na naipapaliwanag. Sino ang may anumang maidadagdag? (O Diyos, hindi ba’t sila ay hambog at mapagmagaling?) Tama ito, ngunit hindi mo naipaliwanag nang malinaw ang diwa, ipaliwanag mo ito nang mas detalyado. (Kapag nakakuha na sila ng kaunting kaalaman, pakiramdam nila ay mas matayog at mas marangal sila kaysa sa iba, kaya hindi na nila magawang ituring ang kanilang sarili bilang mga ordinaryong tao. Para sa mga normal na tao na namumuhay sa lipunang ito, ang pakikipagsiksikan sa mga bus ay idinidikta ng kanilang kapaligiran sa totoong buhay at isa itong normal na bagay. Gayumpaman, sa sandaling ituring ng mga intelektuwal na ito ang kanilang sarili bilang napakataas at marangal, hindi na nila magagawang kumilos tulad ng mga normal na tao, at iisipin nila na ang mga ginagawa ng mga normal na tao ay nakasisira sa kanilang pagkakakilanlan, kaya pakiramdam ko ay hindi sila normal.) Hindi sila normal. Ang ipinapahiwatig na kahulugan sa pagpapahayag nila sa kanilang sarili bilang mga nakatataas na intelektuwal ay hindi normal. Ibig sabihin, baluktot ang kanilang pagkatao. Pakiramdam nila ay mas matayog at mas may halaga sila kaysa sa iba. Ano ang kanilang batayan para dito? Ito ay dahil nakatanggap sila ng maraming edukasyon, at busog na busog sila sa kaalaman, at kahit sino ang makasalamuha nila, hindi sila nauubusan ng sasabihin, at kaya nilang magturo ng mga bagay-bagay sa mga tao. Ano ang turing nila sa kaalaman? Itinuturing nila ito bilang isang pamantayan sa pag-asal at pagkilos ng isang tao, pati na rin sa moralidad ng isang tao. Naniniwala sila na ngayong mayroon na silang kaalaman, ang kanilang integridad, karakter, at pagkakakilanlan ay marangal, itinatangi, at may halaga, na ipinapahiwatig na ang mga nakatataas na intelektuwal ay mga santo. Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? (Oo.) Ito ang ibig sabihin ng pagiging mataas ang antas para sa kanila, kaya kapag kailangan nilang sumiksik sa isang bus, hindi nila ito gagawin. Bakit hindi? Ano ang kumokontrol sa kanila? Sa anong mga limitasyon at paghihigpit sila napapasailalim? Pakiramdam nila ay makakasira sa kanilang pagkakakilanlan at imahe ang pakikipagsiksikan sa bus. Naniniwala sila na ang kanilang pagkakakilanlan at imahe ay ipinagkaloob sa kanila ng kaalaman, kaya’t ipinoproklama nila ang kanilang sarili bilang mga nakatataas na intelektuwal. Batay sa pagsusuring ito, hindi ba’t nakaririmarim ang kanilang sinabi? Oo, talagang nakaririmarim. Gayumpaman, palibot-libot silang nagmamayabang sa pamamagitan ng pagsasabing “kaming mga nakatataas na intelektuwal.” Sa katunayan, iniisip ng iba na sila ay mga intelektuwal lang, na may naghihikahos at metikulusong pag-uugali na minaliit pa nga ng mga tao, pero inaakala pa rin nila na sila ay talagang marangal. Hindi ba’t may problema rito? Naniniwala sila na napakamarangal nila at na matayog ang kanilang pagkakakilanlan, maging hanggang sa puntong gusto nilang bigyan ng titulo ang kanilang sarili bilang mga santo. Ang pananaw bang ito ay isang paghadlang sa kanila kahit papaano? Ano ang kanilang posisyon tungkol sa kaalaman? Ito ay na, kapag ang mga tao ay may kaalaman, mas mataas ang kanilang integridad, sila ay nagiging respetado at marangal, at dapat silang igalang. Kaya, kinamumuhian at kinokondena nila ang ilang normal na kilos na ginagawa ng mga ordinaryong tao. Halimbawa, kapag bumabahing ang mga intelektuwal, tinitingnan nila ang mga tao sa paligid nila at mabilis na humihingi ng paumanhin, samantalang kapag bumabahing ang mga ordinaryong tao, wala silang pakialam. Sa katunayan, ang pagdighay at pagbahing ay mga normal na bagay sa buhay, ngunit sa mga mata ng mga intelektuwal na ito, ang mga ito ay mga pag-uugaling kagaspangan at pagiging walang pakundangan, kaya kinamumuhian nila at tinatrato nila ang mga ito nang may paghamak, sinasabing, “Tingnan mo nga ang mga walang modo na ordinaryong tao na ito, kung paano sila bumahing, umupo, at tumayo ay napakabastos, at kapag dumarating ang mga bus, nakikipagsiksikan sila, at wala silang alam tungkol sa magalang na pagbibigay-daan!” Pagdating sa kaalaman, ang kanilang posisyon ay: Ang kaalaman ay isang simbolo ng pagkakakilanlan, at maaaring baguhin ng kaalaman ang tadhana ng mga tao, pati na ang kanilang pagkakakilanlan at halaga.
Ano ang pangalawang punto? (Na ang mga nakatataas na intelektuwal ay hindi puwedeng makipagsiksikan sa iba para makasakay ng bus.) Hindi sila puwedeng makipagsiksikan sa iba para makasakay ng bus. Ang sumiksik sa bus ay isa lang maliit na bagay na naranasan nila sa kanilang buhay. Ano ang inilalarawan ng bagay na ito? Ibig sabihin, naniwala sila na dapat ay pino ang pananalita at kilos ng mga taong may partikular na kaalaman, at dapat na naaakma sa pagkakakilanlan ng mga ito. Halimbawa, dapat dahan-dahan maglakad ang mga gayong tao, at kapag nakikipag-ugnayan sa iba, dapat nilang ipadama sa iba na mabait sila, madaling lapitan, at karapat-dapat igalang, at dapat na pino ang kanilang pananalita at kilos. Hindi sila puwedeng maging katulad ng mga ordinaryong tao, dapat nilang ipakita sa mga tao ang kaibahan nila sa mga ordinaryong tao—sa ganitong paraan lang nila maipangangalandakan na ang kanilang pagkakakilanlan ay natatangi at hindi katulad sa iba. Sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ang mga propesor na ito na ang mga bagay tulad ng pakikipagsiksikan sa mga bus ay ginagawa ng mga taong nasa mababang antas ng lipunan at ng mga hindi nakatanggap ng mataas na antas ng edukasyon, at saka, ginagawa ito ng mga taong walang mataas na kaalaman o pagkakakilanlan na tulad ng sa isang nakatataas na intelektuwal. Kung gayon, ano ang mga bagay na ginagawa ng mga nakatataas na intelektuwal na ito? Tumatayo sa pulpito nang nangangaral ng mga doktrina, nagbabahagi ng kaalaman, at lumulutas sa mga pag-aalinlangan ng mga tao—ito ang mga tungkulin nila, na kumakatawan sa kanilang pagkakakilanlan, imahe, at propesyon. Maaari lang nilang gawin ang mga bagay na ito. Ang mga pang-araw-araw na atupagin at karaniwang gawain ng mga ordinaryong tao ay dapat walang kaugnayan sa kanila, sila na isang uri ng mga tao na hiwalay sa mga “bulgar at mababa ang antas” na mga ito. Ano ang tawag nila sa mga pang-araw-araw na atupagin at karaniwang gawain ng mga ordinaryong tao, at maging sa mga kilos tulad ng pakikipagsiksikan sa mga bus? (Bulgar.) Tama, bulgar at walang modo. Ito ang depinisyon mula sa kaibuturan ng kanilang puso para sa mga karaniwan at ordinaryong tao na mas mababa sa kanila.
Pag-usapan natin ang ikatlong punto—“Tayong mga nakatataas na intelektuwal ay maaaring maghintay sa susunod na bus”—anong klaseng diwa ito? Hindi ba’t ito ang diwa ng pagpapaubaya ni Kong Rong sa mas malalaking peras, gaya ng isinalaysay sa tradisyonal na kultura? Ang impluwensiya ng tradisyonal na kultura sa mga intelektuwal ay napakalalim. Bukod sa tinatanggap nila ang tradisyonal na kultura, tinatanggap din nila sa kanilang puso ang maraming ideya at pananaw na mula sa tradisyonal na kultura at itinuturing na mga positibong bagay ang mga ito, kahit hanggang sa puntong itinuturing nila ang ilang sikat na kasabihan bilang mga salawikain, at sa paggawa nito, sila ay nasasadlak sa maling landas ng buhay. Ang tradisyonal na kultura ay kinakatawan ng doktrinang Confucianista. Ang doktrinang Confucianista ay mayroong kabuuang hanay ng mga ideolohikang teorya, pangunahin nitong isinusulong ang tradisyonal na kulturang moral, at ito ay iginagalang ng mga naghaharing uri ng mga dinastiya sa buong kasaysayan, na nagbigay-galang kina Confucius at Mencius bilang mga santo. Isinusulong ng doktrinang Confucianista na ang isang tao ay dapat magtaguyod sa mga prinsipyo ng kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan, matuto muna na maging kalmado, mahinahon at mapagpasensiya sa tuwing nangyayari ang mga bagay-bagay, maging kalmado at pag-usapan ang mga bagay-bagay, huwag makipag-away o makipag-agawan sa mga bagay-bagay, at matutong maging magalang na nagpapaunlak, at magkamit ng respeto mula sa lahat—ito ay kagandahang-asal. Inilalagay ng mga intelektuwal na ito ang kanilang sarili sa mas mataas na posisyon kaysa sa mga karaniwang tao, at sa mga mata nila, ang lahat ng tao ay mga pakay ng kanilang pagtitiis at pagpaparaya. Ang mga “mga epekto” ng kaalaman ay napakaganda! Ang mga taong ito ay lubos na nahahawig sa mga huwad na maginoo, hindi ba? Ang mga taong nakakakuha ng napakaraming kaalaman ay nagiging mga huwad na ginoo. Kung ilalarawan sa isang parirala ang grupong ito ng mga pinong-kumilos na iskolar, ito ay tatawaging pinong kagandahan ng pagiging iskolar. Ano ang mga prinsipyo ng pakikitungo ng mga pinong iskolar na ito sa isa’t isa? Ano ang kanilang pamamaraan sa mga makamundong pakikitungo? Halimbawa, tinutukoy ng mga karaniwang tao ang mga lalaking may apelyido na Li bilang “Lao Li” o “Xiao Li.”[a] Sa ganitong paraan din ba sila tatawagin ng mga intelektuwal? (Hindi.) Paano sila tatawagin ng mga intelektuwal? (Ginoong Li.) Kung nakakita sila ng babae, tatawagin nila itong si Binibining ganito at ganoon, at lalo silang magiging magalang at matikas, katulad ng mga maginoo. Nagpapakadalubhasa sila sa pag-aaral at paggaya sa pinong tikas na ipinapakita ng mga maginoo. Sa anong tono at paraan sila nakikipag-usap at nakikipagtalakayan? Ang mga ekspresyon sa kanilang mukha ay napakabanayad, at nagsasalita sila nang magalang at may pagtitimpi. Ipinapahayag lang nila ang kanilang sariling mga pananaw at kahit na alam nila na mali ang mga pananaw ng iba, wala silang anumang sinasabi. Walang nananakit ng damdamin ng sinuman, at ang mga salita nila ay napakabanayad, na para bang binalot sa bulak para hindi makasakit o makairita kaninuman, na nakakapagdulot sa isang tao na makaramdam ng pagkasuklam, pagkabalisa, o pagkagalit sa pakikinig pa lang sa mga ito. Ang totoo ay walang malinaw na pananaw ang sinuman, at walang nagpapaunlak kaninuman. Ang mga ganitong uri ng tao ay napakahusay magpanggap. Kapag nahaharap sa kahit na pinakamaliit na bagay, magpapanggap sila at pagtatakpan ang kanilang sarili, at wala sa kanila ang magbibigay ng malinaw na paliwanag. Sa harap ng mga ordinaryong tao, anong klaseng tindig ang nais nilang ipakita, at anong uri ng imahe ang nais nilang ipalabas? Ibig sabihin, para ipakita sa ordinaryong tao na sila ay mga disenteng maginoo. Ang mga maginoo ay mas angat kaysa sa iba at iginagalang sila ng mga tao. Iniisip ng mga tao na mayroon silang mas malalim na kabatiran kaysa sa mga karaniwang tao, at na mayroon silang mas mainam na pagkaunawa sa mga bagay-bagay kumpara sa mga karaniwang tao, kaya, kumokonsulta sa kanila ang lahat sa tuwing may isyu ang mga ito. Ito mismo ang kalalabasan na nais ng mga intelektuwal na ito, lahat sila ay umaasam na igalang sila bilang mga santo.
Kung titingnan mula sa tatlong puntong hinimay-himay natin, kapag natanggap ng mga propesor na ito ang titulo na “nakatataas na intelektuwal,” ang pag-iisip ba nila ay mas malaya o mas limitado? (Limitado.) Tiyak na limitado ito. Saan sila limitado? (Sa kaalaman.) Ang kaalaman ay isang bagay sa loob ng kanilang propesyon. Sa katunayan, hindi talaga sila nililimitahan ng kaalaman. Ano ang naglilimita sa kanila? Ito ay ang kanilang saloobin tungkol sa kaalaman, at ang mga impluwensiya ng kaalaman sa kanilang pag-iisip, pati na ang mga pananaw na ikinintal nito—ito ang problema. Kaya, habang mas mataas ang antas ng kaalamang nakukuha nila, mas lalo nilang nararamdaman na hindi katulad ng iba ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan, at mas lalo nilang naramdaman na marangal at dakila sila, at kasabay nito, mas lalong nagiging limitado ang kanilang pag-iisip. Kung titingnan ito sa ganitong pananaw, nagkamit ba ng kalayaan ang mga taong nakakuha ng mas maraming kaalaman, o nawalan ng kalayaan? (Nawalan ng kalayaan.) Sa katunayan, nawalan sila ng kalayaan. Ang kaalaman ay may impluwensiya sa pag-iisip ng mga tao at sa kanilang katayuan sa lipunan, at ang impluwensiya nito sa mga tao ay hindi positibo. Hindi kailanman totoo na kapag mas marami kang nakukuhang kaalaman, mas mauunawaan mong mabuti ang mga prinsipyo, direksiyon, at layon na dapat mayroon ka tungkol sa iyong pag-asal. Sa kabaligtaran, kapag mas hinahabol mo ang kaalaman, at mas malalim ang kaalamang nakukuha mo, mas lalo kang malilihis mula sa mga kaisipan at pananaw na dapat mayroon ang mga tao na may normal na pagkatao. Katulad lang ito ng grupo ng mga intelektuwal na nakatanggap ng maraming kaalaman at edukasyon, ngunit hindi man lang nakakaintindi ng isang simpleng usapin ng sentido komun. Anong sentido komun iyon? Kapag maraming tao, kailangan mong makipagsiksikan para makasakay sa bus. Kung hindi ka makikipagsiksikan, hinding-hindi ka makakasakay ng bus—hindi nila alam ang pinakasimpleng panuntunang ito. Sabihin mo sa Akin, naging matalino ba sila o naging hangal? (Naging hangal sila.) Sa katunayan, sila ay isang grupo ng mga hangal. Hindi nakatanggap ng napakataas na kaalaman o edukasyon ang mga ordinaryong tao, at wala silang ganitong katayuan, pero naiintindihan nila ang puntong ito at sinasabing, “Kapag sumasakay ng bus at maraming tao ang nandoon, kailangan mong makipagsiksikan, at kailangan mong ibuhos ang iyong lakas, dahil kung magpapabagal-bagal ka nang kahit kaunti, at mabagal nang isang hakbang ang pagtugon ng iyong utak, maaari kang mapunta sa likuran ng maraming tao at kailangan mong hintayin ang susunod na bus.” Ito ay isang simpleng usapin ng sentido komun sa buhay, na pamilyar sa mga ordinaryong tao, pero hindi ito naiintindihan ng mga intelektuwal na ito, kaya naghintay sila ng bus nang paulit-ulit. Ano ang pumipigil sa kanila? Sila ay mahigpit na nakagapos sa pahayag na “tayo ay mga nakatataas na intelektuwal.” Ganoon iyon. Ni hindi nila alam kung paano harapin o pangasiwaan ang ganito kasimpleng problema sa tunay na buhay. Sila ay isang grupo ng mga hangal! Ano ang idinulot ng kaalaman sa kanila? Ang idinulot nito sa kanila ay na inihiwalay sila nito sa ibang tao, hindi nila alam kung paano mamuhay, at hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang mga bagay na nangyayari sa tunay na buhay. Gumamit sila ng isang matayog na teorya para tugunan ang isa sa mga pinakakaraniwang problema na nararanasan ng mga ordinaryong tao sa tunay na buhay, at hindi nila alam kung ano ang magiging kahihinatnan matapos nila itong pangasiwaan sa ganitong paraan—marahil ay hindi pa rin nila ito nauunawaan hanggang ngayon. Marahil ay mapag-iisipan lang nila nang mabuti ang usaping ito kapag matanda na sila. Sa panahong iyon, hindi na sila magkakaroon ng anumang lawrel, at magsasawa na sila sa pagtatamasa ng marangal na reputasyon ng isang nakatataas na intelektuwal sa buong buhay nila. Isang araw, maaaring maaalala nila ang hindi kaaya-ayang paggawi nila noon sa pakikipag-unahan sa bus, at bigla nilang mapagtatanto na hindi na sila gaanong marangal o nakatataas, at bigla nilang mapagtatanto, “Mapapakain ba ako nitong delikadesa ng isang iskolar? Hindi ba’t kailangan ko pa ring kumain nang tatlong beses sa isang araw tulad ng mga ordinaryong tao? Hindi naman ako naiiba sa kanila. Sa katandaan ko, hindi ba’t naglalakad din ako nang nakayukod? At hindi ba’t nanginginig din ako sa takot at nangangamba sa tuwing nahaharap ako sa panganib? At kapag nahaharap sa kamatayan ng isang minamahal sa buhay o sa isang masayang pangyayari, hindi ba’t malungkot o masaya rin ako gaya ng nararapat? Hindi ba’t namumuhay lang ako katulad ng mga ordinaryong tao? Hindi ako naiiba sa kanila!” Sa oras na iyon, masyado nang huli para sa kanila ang kaalamang ito. Ito ang iba’t ibang uri ng kapangitan na ipinapakita ng mga tao na tumatanggap ng ilang di-umano’y positibong kasabihan at pananaw samantalang hindi naman nila nauunawaan ang katotohanan. Kapag hindi alam ng mga tao kung wasto o mali ang mga pananaw na ito, madalas nilang itinuturing ang mga pananaw at kasabihang ito bilang mga katotohanang dapat sundin at gamitin, at kapag ginamit nga nila ito, karaniwan silang nakakaranas ng iba’t ibang uri ng kahihinatnan, at lahat ng uri ng mga nakakaasiwa ay nangyayari. Ano ang mga kahihinatnan nito sa mga tao? Habang patuloy na naghahangad ang mga tao ng kalayaan, patuloy rin silang napapadpad sa sunod-sunod na panganib, at sunod-sunod na pagkakagapos. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? Kaya, kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan—ang pinanghahawakan mo man ay isang pananaw, isang tradisyonal na kultura, o isang uri ng panuntunan, sistema, o teorya, at kung ang mga bagay na ito ay medyo luma na sa lipunan, o medyo bago at nasa uso—hindi kailanman mapapalitan ng mga bagay na ito ang katotohanan, dahil hindi ang mga ito ang katotohanan. Gaano ka man kagaling sa pagsunod o paggamit sa mga ito, sa huli ay ililihis ka lang ng mga ito sa katotohanan, sa halip na makamit mo ang katotohanan. Habang mas lalo mong sinusunod ang mga bagay na ito, mas lalo ka lang malalayo mula sa katotohanan at mas lalo ka lang malilihis mula sa daan ng Diyos at sa daan ng katotohanan. Sa kabilang banda, kung magagawa mong aktibong bumitiw sa mga di-umano’y positibong bagay, teorya, at huwad na mga katotohanang ito, kung gayon, mabilis kang makakapasok sa katotohanan. Sa ganitong paraan, hindi gagamitin ng mga tao ang mga di-umano’y tradisyonal na kultura at mga huwad na katotohanang ito bilang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa kanilang pang-araw-araw na buhay, kapalit ng katotohanan at mga salita ng Diyos, at unti-unting maiibsan at malulutas ang nakakaasiwang sitwasyon na ito.
Iniisip ng ilang tao na natamo na nila ang katotohanan sa pamamagitan ng pagwaksi sa tradisyonal na kultura ng isang pamilya at isang bansa, at sa pagtanggap ng isang banyagang tradisyonal na kultura mula sa ibang bansa; iniisip ng ilang tao na natamo na nila ang katotohanan sa pamamagitan ng pagwaksi sa isang lumang, tradisyonal na kultura at mga lumang ideya at pananaw, at sa pagtanggap sa mga medyo mas maunlad at mas modernong ideya. Kung titingnan ito ngayon, tama ba o mali ang mga taong ito? (Mali.) Mali silang lahat. Inaakala ng mga tao na sa pamamagitan lang ng pagwawaksi sa mga lumang bagay, makakamtan na nila ang kalayaan. Ano ang ipinapahiwatig ng pagkakamit ng kalayaan? Nangangahulugan ito na natamo na ng isang tao ang katotohanan at ang tunay na paraan ng pamumuhay na dapat taglayin ng isang tao. Inaakala ng mga tao na natatamo sa ganitong paraan ang tunay na daan. Totoo ba talaga ito? Tama ba ito? Hindi. Anumang moderno at maunlad na kultura ang tinatanggap ng sangkatauhan, sa huli, ito ay tradisyonal na kultura pa rin, at hindi nagbabago ang diwa nito. Ang tradisyonal na kultura ay mananatiling tradisyonal na kultura hanggang kailanman. Hindi mahalaga kung makayanan man nito ang pagsubok ng panahon o ang pagsubok ng mga katunayan, o kung ito man ay iginagalang ng sangkatauhan, sa huli ito ay tradisyonal na kultura pa rin. Bakit ang mga tradisyonal na kulturang ito ay hindi ang katotohanan? Ang lahat ng ito ay dahil ang mga bagay na ito ay mga ideya na lumitaw pagkatapos gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang mga ito ay hindi nagmumula sa Diyos. Ang mga ito ay nadungisan ng ilang imahinasyon at kuru-kuro ng mga tao, at higit pa rito, ang mga ito ang mga kinahinatnan ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Sinasamantala ni Satanas ang mga ideya, pananaw, at lahat ng uri ng kasabihan at argumento ng tiwaling sangkatauhan para igapos at gawing tiwali ang pag-iisip ng mga tao. Kung gagamitin ni Satanas ang ilang bagay na halatang kakatwa, kalokohan, at mali para ilihis ang mga tao, magkakaroon ng pagkilatis ang mga tao; matutukoy nila ang kaibahan sa pagitan ng tama at mali, at gagamitin nila ang pagkilatis na ito para itatwa at kondenahin ang mga bagay na iyon. Kaya, ang ganitong pagtuturo ay napapatunayang mali. Gayumpaman, kapag si Satanas, para makondisyon, maimpluwensiyahan at maitanim sa isipan ng mga tao, ay gumagamit ng ilang ideya at teorya na umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at na sa tingin nito ay mapatutunayang tama kapag binigkas nang malakas, madaling malihis ang sangkatauhan, at madali ring tinatanggap at ipinalalaganap ng mga tao ang mga kasabihang ito, at kaya nananatili ang mga kasabihang ito sa sunod-sunod na henerasyon, hanggang sa kasalukuyan. Halimbawa, tingnan ang ilang kuwento tungkol sa mga bayani ng Tsina, tulad ng mga makabayang kuwento tungkol kay Yue Fei, sa mga heneral ng pamilya Yang, at kay Wen Tianxiang. Paanong naipasa ang mga ideyang ito hanggang sa kasalukuyan? Kung titingnan natin ito mula sa aspekto ng mga tao, sa bawat panahon ay may isang uri ng tao o isang uri ng pinuno na patuloy na gumagamit sa mga halimbawang ito at gumagamit sa mga ideya at espiritu ng mga katauhang ito para turuan ang sunod-sunod na henerasyon ng mga tao, para masunurin at maamong tanggapin ng sunod-sunod na henerasyon ng mga tao ang kanilang pamumuno, at sa gayon ay madali nilang mapamahalaan ang sunod-sunod na henerasyon ng mga tao, at gawing mas matatag ang kanilang pamumuno. Sa pamamagitan ng pagtatalakay tungkol sa hangal na debosyon kay Yue Fei at sa mga heneral ng pamilya Yang, pati na rin sa makabayang espiritu nina Wen Tianxiang at Qu Yuan, tinuturuan nila ang kanilang mga nasasakupan at ipinaaalam sa kanila ang isang panuntunan, na ang isang tao ay dapat umasal nang may katapatan—ito ang dapat taglayin ng isang tao na may marangal na moralidad. Hanggang saan na katapatan? Hanggang sa saklaw na “Kapag iniuutos ng emperador sa mga opisyal niya na sila ay mamatay, wala silang magagawa kundi ang mamatay,” at “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari”—ito ay isa pang kasabihan na iginagalang nila. Iginagalang din nila ang mga nagmamahal sa kanilang bansa. Ang pagmamahal sa sariling bansa ay nangangahulugang pagmamahal sa ano, o kanino? Pagmamahal sa lupa? Pagmamahal sa mga tao rito? At ano ang isang bansa? (Ang mga namumuno.) Ang mga namumuno ang mga kinatawan ng bansa. Kung sasabihin mo na, “Sa totoo lang, ang pagmamahal ko sa aking bansa ay pagmamahal sa aking bayan at sa aking mga magulang. Hindi ko kayo mahal, kayong mga namumuno!” pagkatapos ay magagalit sila. Kung sasabihin mo na, “Ang pagmamahal ko sa aking bansa ay pagmamahal para sa mga namumuno, mula sa kaibuturan ng aking puso,” tatanggapin nila ito at sasang-ayunan ang gayong pagmamahal; kung ipapaunawa mo sa kanila at lilinawin na hindi sila ang minamahal mo, kung gayon ay hindi sila sasang-ayon. Sino ang kinakatawan ng mga namumuno sa paglipas ng panahon? (Si Satanas.) Sila ay kumakatawan kay Satanas, sila ay mga kasapi ng grupo ni Satanas, at sila ay mga diyablo. Hindi nila maaaring turuan ang mga tao na sambahin ang Diyos, na sambahin ang Lumikha. Hindi nila maaaring gawin ito. Sa halip, sinasabi nila sa mga tao na ang namumuno ay ang anak ng langit. Ano ang ibig sabihin ng “anak ng langit”? Nangangahulugan ito na pinagkakalooban ng Langit ng kapangyarihan ang isang tao, at ang taong ito ay tinatawag na “anak ng langit” at may kapangyarihang maghari sa lahat ng tao sa ilalim ng langit. Ito ba ay isang ideya na itinatanim sa mga tao ng mga namumuno? (Oo.) Kapag ang isang tao ay naging anak ng Langit, ito ay itinakda ng langit, at ang kalooban ng Langit ay nasa kanya, kaya dapat tanggapin ng mga tao ang pamumuno ng taong iyon nang walang kondisyon, anumang uri ng pamumuno ito. Ang itinatanim nila sa mga tao ay ang ideyang ito, na nagbubunsod sa iyo na tanggapin ang taong iyon bilang anak ng langit batay sa iyong pagkilala sa pag-iral ng Langit. Ano ang layon ng paghihikayat sa iyo na tanggapin ang taong iyon bilang anak ng langit? Hindi ito para kilalanin mo na mayroong Langit, o na mayroong Diyos, o na mayroong Lumikha, kundi para magawa mong tanggapin ang mismong katunayan na ang taong ito ang anak ng langit, at dahil sa siya ang anak ng langit, na dulot ng kalooban ng Langit, dapat tanggapin ng mga tao ang kanyang pamumuno—ito ang mga uri ng ideyang itinatanim ng mga namumuno. Sa likod ng lahat ng ideyang ito na nabuo mula sa simula ng sangkatauhan hanggang sa kasalukuyan—kung ang mga hinihimay-himay natin ay mga parirala o idyomang naglalaman ng mga alusyon o mga katutubong salawikain at karaniwang kasabihan na ganap na walang alusyon—ay naroroon ang mga gapos at panlilihis ni Satanas sa sangkatauhan, pati na ang nakalilinlang na depinisyon ng tiwaling sangkatauhan tungkol sa mga ideyang ito mismo. Ano ang impluwensiya nitong nakalilinlang na depinisyon sa sangkatauhan sa mga huling panahon? Ito ba ay mabuti, positibo o negatibo? (Negatibo.) Ito ay likas na negatibo. Halimbawa, ang mga kasabihang “Pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo,” at “Itago ang liwanag at mag-ipon ng lakas sa dilim,” at “Pagtitiis sa kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin,” at “hinding-hindi susuko,” pati na ang “Magkunwaring gumagawa ng isang bagay habang iba ang ginagawa”—ano ang impluwensiya ng mga kasabihang ito sa sangkatauhan sa mga susunod na panahon? Ibig sabihin, kapag tinanggap ng mga tao ang mga ideyang ito mula sa tradisyonal na kultura, ang bawat sunod-sunod na henerasyon ng mga tao ay palayo nang palayo sa Diyos, at sa paglikha at pagliligtas ng Diyos sa mga tao, at sa Kanyang plano ng pamamahala. Kapag tinanggap ng mga tao ang mga maling pananaw na ito mula sa tradisyonal na kultura, lalo nilang nararamdaman na dapat nasa kanilang sariling mga kamay ang tadhana ng tao, at na dapat likhain ng kanilang sariling mga kamay ang kaligayahan, at na ang mga oportunidad ay nakalaan para sa mga taong handa, na nagiging sanhi na lalong itatwa ng sangkatauhan ang Diyos, itatwa ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung ihahambing mo kung ano ang gustong pag-usapan ng mga tao sa makabagong panahon at kung ano ang gustong pag-usapan ng mga tao sa nakalipas na dalawang libong taon, ang kahulugan ng kaisipan sa likod ng mga bagay na ito ay talagang pareho. Ang kaibahan lang ay mas partikular na napag-uusapan ng mga tao sa panahon ngayon ang mga bagay na iyon at mas hayagan na silang magsalita tungkol dito. Bukod sa itinatatwa nila ang pag-iral at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, lubha rin nilang nilalabanan at kinokondena ang Diyos.
Halimbawa, sinabi ng mga tao sa sinaunang panahon na “Kapag may kaguluhan sa isang bansa, may responsabilidad ang bawat isa na gawin ang kanilang parte,” isang kasabihang ipinasa hanggang sa kasalukuyan. Pinahahalagahan ng mga tao ang kasabihang ito, lalo na ng mga makabayan, na itinuturing ito na kanilang kasabihan sa buhay. Ngayong nakarating kayo sa ibang bansa, kung sasabihin ng ibang tao na may isang insidenteng nangyari sa Tsina, may kinalaman ba ito sa inyo? (Wala.) Bakit ninyo sinasabing wala itong kinalaman sa inyo? May ilan na nagsasabing, “Kinamumuhian ko ang bansang iyon. Ang mga Komunista ang nasa kapangyarihan ngayon, ang masamang partidong politikal na iyon. Ang Partido Komunista ay ang diyablong si Satanas, ito ay isang totalitaryong rehimen, at wala itong kinalaman sa akin. Inuusig kami nito at hinahadlangan kami sa pananampalataya sa Diyos. Kinamumuhian ko ito.” Ipagpalagay na isang araw, ang bansang iyon ay malapit nang mawasak—maaaring wala kang anumang nararamdaman sa puso mo, ngunit kapag nabalitaan mo na ang lalawigan na dati mong pinagmulan ay sinalakay at sinakop ng mga dayuhang grupo, mararamdaman mo na parang naging isa kang refugee, isang palaboy na walang bahay na mauuwian, at malulungkot ka at mararamdaman mong hindi ka na makakabalik sa iyong pinanggalingan tulad ng mga dahong nalagas. Ang pagbabalik sa pinanggalingan tulad ng mga dahong nalagas—ito ay isa pang tradisyonal na ideya. At ipagpalagay na, isang araw pagkatapos niyon, bigla mong nabalitaan na ang iyong bayan—ang lupain kung saan ka isinilang at pinalaki—ay sinalakay at sinakop ng mga dayuhang grupo, ang daang tinatahak mo papuntang paaralan araw-araw ay sinakop ng mga dayuhang grupo, at ang bahay mo at ang lupa ng iyong pamilya ay inangkin ng mga dayuhang grupo. Ang dati mong pag-aari ay wala na—ang maliit na piraso ng lupang iyon na malalim na nakaukit sa iyong isipan, ang piraso ng lupang pinakamalapit sa loob mo ay wala na, at ang lahat ng iyong kamag-anak doon ay wala na. Sa oras na iyon, maiisip mo na, “Paano ako magkakaroon ng tahanan kung wala akong bansa? Ngayon, naging isang refugee na talaga ako, wala na talaga akong tirahan, isa na akong palaboy. Mukhang ang kasabihang ‘Kapag may kaguluhan sa isang bansa, may responsabilidad ang bawat isa na gawin ang kanilang parte’ ay tama!” Kapag dumating ang oras na iyon, magbabago ka. Kaya bakit hindi mo naiisip ngayon na tama ang kasabihang ito? May pinagmumulan at batayan ito, dahil ang bansang iyon ay inuusig ka at nagdudulot sa iyo ng labis na dalamhati, at hindi ka tinatanggap nito, at kinamumuhian mo ito. Ang totoo, hindi naman talaga ang lupang iyon ang kinamumuhian mo. Ang kinamumuhian mo ay ang satanikong rehimen na umuusig sa iyo. Hindi mo ito kinikilala bilang iyong bansa, kaya sa mga oras na ito, sa tuwing sinasabi ng iba na, “Kapag may kaguluhan sa isang bansa, may responsabilidad ang bawat isa na gawin ang kanilang parte,” sinasabi mo, “Wala itong kinalaman sa akin.” Pero kapag isang araw, ang lupain kung saan ka isinilang at pinalaki ay hindi na sa iyo, at wala ka nang bayan, mararamdaman mo na isa kang palaboy at isang taong walang nasyonalidad, at na talagang nawalan ka na ng bansa. Sa oras na iyon, makakaramdam ka ng kirot sa iyong puso. Para saan ang kirot na ito? Maaaring hindi mo pa ito masyadong nararamdaman sa ngayon, pero darating ang araw na mararamdaman mo ito nang lubusan. Sa anong mga sitwasyon mo ito mararamdaman nang lubusan? Hindi nakakatakot kung mawawasak ang iyong bansa at magiging miyembro ka ng isang nalupig na bansa. Ano ang nakakatakot? Kapag ikaw ay naging isang miyembro ng isang nalupig na bansa at ikaw ay inaapi, nilalait, dinidiskrimina, niyuyurakan, at walang lugar na matitirhan nang mapayapa, sa oras na iyon ay maiisip mo na, “Ang pagkakaroon ng isang bansa ay napakahalaga. Kung walang bansa, walang tunay na tahanan ang mga tao. Ang mga tao ay mayroong tahanan batay sa pagkakaroon ng bansa, kaya tama ang kasabihang—‘Kapag may kaguluhan sa isang bansa, may responsabilidad ang bawat isa na gawin ang kanilang parte.’” Sa pariralang “may responsabilidad ang bawat isa na gawin ang kanilang parte,” para saan ba ang “responsabilidad” na ito? Para sa kapayapaan ng iyong sariling tahanan, para maprotektahan mo ang iyong tahanan. Kapag iniisip mo ang tungkol dito, kapag dinidiskrimina ka ng mga dayuhang grupo o nasa isang banyagang lupa, kapag kailangan mo ng isang lugar na kabibilangan, at kapag kailangan mo ng isang bansa na susuporta sa iyong dignidad, dangal, pagkakakilanlan, at katayuan, ano ang mararamdaman mo? Maiisip mo na, “Kung ang isang tao na nasa isang banyagang bansa ay may malakas na suporta sa likod niya, tiyak na iyon ay sa dakilang inang bayan!” Kung gayon, mag-iiba ba ang estado ng iyong isipan kumpara sa ngayon? (Oo.) Ngayon, ikaw ay nasa isang bugso lang ng galit, kaya sinasabi mo na anuman ang mangyari sa iyong bansa ay wala kang pakialam. Kung masasabi mo pa rin ang mga ganitong bagay kapag dumating ang panahong iyon, anong uri ng tayog ang dapat mong taglayin? May isang katunayan sa mundong ito na maaaring alam ng lahat, na kung wala kang suporta ng isang malakas na inang bayan, tiyak na ikaw ay didiskriminahin at aapihin sa mga banyagang bansa. Kapag dumating ang oras na talagang maranasan mo iyon, ano ang unang-una mong hihilingin sa lahat? Sasabihin ng ilan na: “Maganda sana kung naging Hudyo o Hapon na lang ako. Walang mangangahas na apihin ako. Lubos akong igagalang ng mga tao sa kahit anong bansang pupuntahan ko. Bakit ba ipinanganak ako sa Tsina? Walang kakayahan ang bansa at inaapi ang mga Intsik kahit saan sila magpunta.” Ano ang una ninyong iisipin kapag nangyari ang ganitong bagay? (May pananalig kami sa Diyos at nagpapasakop kami sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos.) Tama iyan. Ngunit gaano ba karaming katotohanan ang dapat maunawaan ng isang tao, anong karanasan ang kailangang napagdaanan niya, at gaano kalalim ang pagkaunawang batay sa karanasan ang dapat niyang taglayin para magawang sabihin ang gayong bagay at gawin itong sarili niyang tayog? Kapag nangyari ang ganitong bagay, anong uri ng mga ideya, pagkaunawa at tunay na karanasan ang dapat mayroon ka upang hindi maging mahina? At upang hindi makaramdam ng sama ng loob kahit pa may dumura sa iyo at tawagin kang miyembro ng isang nalupig na bansa? Anong uri ng tayog ang dapat mayroon ka upang hindi makaramdam ng sama ng loob at hindi dumanas ng mga pagpipigil na ito? May ganito ba kayong tayog ngayon? (Wala.) Wala pa kayo nito ngayon, pero baka magkaroon kayo nito balang araw? Anong mga katotohanan ang dapat isangkap sa inyo? Anong mga katotohanan ang dapat ninyong maunawaan? Sa panahon ngayon, sa sandaling marinig ng ilang tao na ang kanilang mga kapamilya sa mainland ng Tsina ay naaresto dahil sa pananampalataya sa Diyos, ang nauunawaan nila sa kanilang puso—na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos—ay nagiging doktrina sa kanila, at napipigilan sila ng katunayan na naaresto ang kanilang mga kapamilya, at nawawalan sila ng gana na gawin ang kanilang mga tungkulin. Kapag nabalitaan nila na namatay ang isang kamag-anak, baka mahimatay sila agad-agad. Ano ang mararamdaman ninyo kung ang lupaing iyon ay nawasak at lahat ng tao roon ay namatay? Gaano kahalaga ang mga tradisyonal na bagay sa kaibuturan ng puso ninyo—tulad ng bansa, tahanan, bayan, at inang bayan—pati na rin ang ilang tradisyonal na ideya at kultura na kaugnay ng mga salitang ito? Sa buhay mo, pinangingibabawan pa rin ba ng mga ito ang lahat ng iyong kilos, at lahat ng iyong kaisipan at pag-uugali? Kung okupado pa rin ang puso mo ng lahat ng tradisyonal na bagay na ito na may kaugnayan sa iyo, tulad ng bansa, lahi, nasyon, pamilya, bayan, lupain, at iba pa—ibig sabihin, ang mga bagay na ito ay mayroon pa ring partikular na bakas ng tradisyonal na kultura sa iyong puso—at ang mga sermon na pinakikinggan mo at ang mga katotohanang nauunawaan mo ay pawang mga doktrina sa iyo. Kung napakaraming sermon na ang napakinggan mo, ngunit hindi mo pa rin mabitiwan ang kahit na ang pinakapangunahing mga bagay na kailangang bitiwan at layuan ng mga tao, at hindi mo magawang tratuhin nang tama ang mga ito, ano mismong mga problema ang nilulutas ng mga katotohanang iyon na nauunawaan mo?
Talababa:
a. Ang “Lao” at “Xiao” ay mga unlaping idinaragdag bago ang mga apelyido sa wikang Tsino bilang isang katawagan na nagpapahayag ng pagiging malapit o pagiging kaswal ng isang nagsasalita at ng isang nakikinig.