Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikapitong Bahagi) Ikalawang Seksiyon

Kapag binabasa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, ganap na salungat ang kanilang pokus at mga layunin sa mga taong naghahangad sa katotohanan. Ang mga naghahangad sa katotohanan, kahit ano pa ang paraan ng pagsasalita ng Diyos, ay interesado lamang sa pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, sa mga katotohanang prinsipyo, at sa kung ano ang dapat itaguyod at sundin ng mga tao. Sa kabaligtaran, isinasantabi at binabalewala ng mga anticristo ang mga bagay na ito, tutol pa nga sila sa mga parirala na may kinalaman sa mga bagay na ito, at lihim nilang kinokontra ang mga parirala at terminong may kinalaman sa mga ito. Matapos makamit ang ilang “resulta,” patuloy nilang mas malalim at mas masusing sinisiyasat ang paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos, ang mga detalye ng Kanyang intonasyon, ang mga salita na Kanyang ginagamit, ni hindi nila pinalalagpas ang mga detalye ng Kanyang gramatika at ang karaniwang pagkakaayos ng Kanyang mga salita, gamit ang paraan na katulad ng dati. Para mapalapit sa kanilang mithiin, lihim na nagdedesisyon ang mga anticristo sa kanilang puso na siyasatin pa nang mas masusi at mas matindi at malalim ang mga salita ng Diyos, sinisiyasat ang mga layon at adhikain sa likod ng pananalita ng Diyos, at sinisiyasat din ang paraan ng pagpapahayag ng Diyos—ang Tagapagsalitang humaharap sa sangkatauhan at sa buong sansinukob. Walang kapagurang sinisiyasat ng mga anticristo ang bawat aspekto ng pagsasalita ng Diyos, tinatangkang gayahin ang pananalita ng Diyos at magmukha silang nagtataglay ng diwa ng Diyos, nagtataglay ng kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya, at nagtataglay ng disposisyon ng Diyos. Tila nangyayari nang napakanatural at maayos ang lahat ng ito; nagtatrabaho at kumikilos sila para sa kanilang mga mithiin na parang ito ay isang natural na bagay at—bilang isa ring natural na bagay at nang hindi namamalayan—ginagawa nilang diyos ang kanilang sarili, isang pigura ng paghanga at pagsunod para sa ibang tao. Sinisiyasat nila kung paano inaantig ng mga salita ng Diyos ang puso ng mga tao at inilalantad ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kung paano inilalantad ng mga salita ng Diyos ang iba’t ibang kalagayan ng mga tao, at higit pa kung paano nagkaka-epekto ang mga salita ng Diyos sa mga tao. Ano ang layon nila sa pagsisiyasat sa lahat ng ito? Ito ay para pasukin ang puso ng mga tao, maarok ang kanilang mga aktuwal na sitwasyon, at, para ilihis at kontrolin sila, habang lubos na inuunawa ang kanilang mga iniisip. Kapag inilalantad ng mga salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at tinatamaan ang kanilang mga kahinaan, iniisip ng mga anticristo, “Napakadakila at kamangha-mangha ng mga salitang ito, ng paraang ito! Gusto ko ring magsalita nang ganito, gusto kong gamitin ang ganitong paraan ng pagsasalita at tratuhin ang mga tao sa paraang ito.” Sa maraming taon ng kanilang pagbabasa at pagiging pamilyar sa mga salita ng Diyos, lalong itinuturing ng mga anticristo ang kanilang hinihiling at pagnanais na maging diyos bilang ang kanilang tanging mithiin sa pananampalataya sa Diyos. Kaya, paano man talakayin ng mga salita ng Diyos ang tungkol sa paghingi sa mga tao na hangarin ang katotohanan at gawin ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo, pati na ang lahat ng iba pang realidad ng mga positibong bagay, hindi ito tinatanggap ng mga anticristo at binabalewala nila ito. Determinado nilang hinahangad ang kanilang sariling adhikain, ginagawa ang gusto nila ayon sa kanilang sariling mga motibasyon sa pagkilos, na parang walang iba pang tao ang mahalaga. Walang kahit isang pangungusap ng mga salita ng Diyos na nagpapaantig sa kanilang puso o nagpapabago sa kanilang pananaw sa buhay at sa kanilang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, higit pa rito ay wala kahit isang pangungusap, anumang sermon, o anumang pagbigkas mula sa Diyos ang nagdudulot na magkaroon sila ng pusong nagsisisi. Anuman ang inilalantad ng mga salita ng Diyos, anumang mga tiwaling disposisyon ng tao ang inilalantad ng mga ito, sinisiyasat lamang ng mga anticristo ang paraan ng pagsasalita ng Diyos, ang Kanyang tono, ang mga epekto na layong makamit ng mga salita ng Diyos sa mga tao, at iba pa—lahat ng bagay na walang kinalaman sa katotohanan. Kaya, habang lalo pang nakakaharap ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, lalong tumitindi ang kanilang panloob na pagnanais na maging diyos. Gaano katindi ang pagnanais na ito? Umaabot ito sa punto na binibigkas pa nila ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga panaginip, madalas na kinakausap ang kanilang sarili at nagsasanay na ipangaral ang mga salita ng Diyos gamit ang Kanyang paraan ng pagsasalita at tono. Sa kaibuturan ng kanilang puso, palagi nilang inuulit ang paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos, na parang sinasapian sila. Gayon ang mga anticristo. Kahit gaano pa kapartikular, kataimtim, o katapat ang mga salita ng Diyos, kahit gaano pa kalaki ang tulong o inspirasyon na ibinibigay nito sa mga tao, nananatiling walang pakialam ang mga anticristo at binabalewala nila ang lahat ng ito. Hindi nila pinapahalagahan ang mga salitang ito ng Diyos. Nasaan ang kanilang puso? Nakatutok sila sa kung paano gayahin ang mga salita ng Diyos sa paraang iidolohin sila ng mga tao. Habang mas matindi ang kanilang pagnanais, mas lalo nilang inaasam na marinig ang tinig ng Diyos at magawang unawain ang layon, nais, at mga iniisip sa likod ng bawat pangungusap na sinabi ng Diyos—maging ang Kanyang pinakatatagong iniisip. Kapag mas matindi ang mga pagnanais at hangarin ng mga anticristo, lalo nilang gustong gayahin ang paraan ng pagsasalita ng Diyos at lalo nilang hinahangad na mabilis na baguhin ang kanilang sarili na maging lalo pang katulad ng diyos sa loob ng maikling panahon, nagtataglay ng paraan ng pagsasalita at tono ng diyos. Bukod dito, ginagamit pa nga ng ilan ang estilo at asal ng diyos sa kanilang mga kilos. Nasa gayong kondisyon ang mga anticristo, namumuhay araw-araw sa ilalim ng mga ideya, layunin, at motibong ito. Ano ang ginagawa nila? Pinipilit nila ang kanilang sarili araw-araw na tahakin ang landas ng pagiging diyos, pagiging cristo. Naniniwala silang marangal ang landas na ito, na isa itong maliwanag na daan. Kaya, sa mga pagtitipon o mga pagkikita man, paano man ibahagi ng iba ang kanilang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at ang kanilang mga damdamin tungkol sa pagdanas sa mga salita ng Diyos, walang makakaantig sa kanila o makapagpapabago ng kanilang mga mithiin at hinihiling. Lumalakad sila sa landas patungo sa pagiging cristo, sa pagiging diyos, na parang sinasapian sila, na parang kinokontrol sila ng isang di-nakikitang entidad, na parang may suot silang di-nakikitang mga posas. Anong uri ng mentalidad ito? Hindi ba’t ubod ng sama ito? (Oo.)

Habang binabasa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, itinuturing nila ang bawat aspekto nito bilang sarili nilang pag-aari, itinuturing ang mga ito bilang mga kalakal na makapagbibigay sa kanila ng mas higit na pakinabang at ng mas maraming pera. Kapag nabebenta ang mga kalakal na ito, kapag ipinagyayabang nila ang mga bagay na ito, nakakamit nila ang mga pakinabang na nais nila. Habang lalo nila itong ginagawa, lalong nasisiyahan ang kalooban nila; habang lalo nila itong ginagawa, lalong lumalaki at tumitindi ang pagnanais nilang maging diyos. Anong klaseng saloobin, anong klaseng sitwasyon ito? Bakit napakatindi ng pagnanais ng mga anticristo na maging diyos? May nagturo ba sa kanila nito? Sino ang nag-udyok o nagtagubilin sa kanila? Hinihingi ba ito ng mga salita ng Diyos? (Hindi.) Ito ang landas na pinili ng mga anticristo mismo. Bagama’t wala silang tulong mula sa labas, ganadong-ganado sila—bakit nga ba? Tinutukoy ito ng kanilang kalikasang diwa. Walang pagod, walang pag-aalinlangan, at walang pagsisising tinatahak ng mga anticristo ang landas na ito nang walang tulong mula sa labas; kahit paano mo man sila kondenahin, wala itong silbi; paano mo man sila himayin, hindi nila ito tinatanggap o nauunawaan; para silang sinasapian. Tinutukoy ng kanilang kalikasan ang mga bagay na ito. Sa panlabas, tila hindi mapanlaban o mapanirang-puri ang pagtrato ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. Mas nagsisikap sila—kaysa sa karaniwang tao. Kung hindi mo alam kung ano ang iniisip nila sa loob-loob nila o ang landas na kanilang sinusunod, kung gayon, batay sa mga panlabas na anyo, ang kanilang pagtrato sa mga salita ng Diyos ay tila puno ng pananabik—kahit papaano ay puwedeng gamitin ang salitang ito para ilarawan ito. Pero puwede bang makita ang diwa ng isang tao sa kanyang panlabas na anyo lamang? (Hindi.) Kaya, saan ito makikita? Kahit na mukhang sabik sila sa mga salita ng Diyos, madalas na binabasa at pinakikinggan ang mga ito, at kinakabisado pa nga ang mga ito, at kahit na hindi sila dapat maikategorya bilang mga anticristo batay sa mga panlabas na kilos na ito, pagdating sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos sa mga totoong sitwasyon, ginagawa ba nila ito? (Hindi.) Pagkatapos basahin at kabisaduhin ang mga salita ng Diyos, kapag nahaharap sila sa mga totoong sitwasyon, maaaring banggitin nila minsan ang isang sipi o bigkasin ang ilang pangungusap ng mga salita ng Diyos, nang tumpak pa nga kung minsan. Pero pagkatapos nilang sumipi ng mga salita ng Diyos, pagmasdan ninyo kung ano ang kanilang ginagawa, anong landas ang kanilang tinatahak, at ano ang mga nagiging desisyon nila sa harap ng mga sitwasyon. Kung may kinalaman ito sa kanilang katayuan o isang bagay na maaaring makasira sa kanilang reputasyon o imahe, siguradong hindi sila kikilos ayon sa mga salita ng Diyos. Pinoprotektahan nila ang kanilang sariling imahe at katayuan. Kung may ginawa silang mali, siguradong hindi nila ito aaminin. Sa halip, maghahanap sila ng lahat ng uri ng paraan para pagtakpan ito o iwasan ang isyu, hindi ito binabanggit at ipinapasa pa nga ang sisi sa iba para sa kanilang naging pagkakamali kaysa aminin ang kanilang sariling kasalanan. Pinagsisikapan nila ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at ang pagpoprotekta sa kanilang katayuan, pero pagdating sa pagsasantabi sa kanilang mga sariling interes at pagtitiis ng pisikal na hirap para isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, pagmasdan ninyo kung paano sila nagpapasya. Kung kikilos sila ayon sa mga prinsipyo, para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kahit sino pa ang masaktan o sumama ang loob, gagawin ba nila ito? Hinding-hindi. Ang protektahan palagi ang kanilang sarili ang una nilang pipiliin. Kahit na alam nila kung sino ang may kasalanan o sino ang gumawa ng kasamaan, hindi nila ito ilalantad. Maaaring lihim pa nga silang magalak sa kanilang puso. Kung may isang tao na maglalantad sa masasamang tao, ipagtatanggol pa nila ang mga ito at gagawan ng mga dahilan. Malinaw na ang mga anticristo ay mga taong nagagalak sa kapahamakan ng iba. Anuman ang sitwasyon na kanilang kinakaharap, pagmasdan ninyo kung ano ang kanilang pinipili at kung anong landas ang kanilang tinatahak. Kung pipiliin nilang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ibig sabihin ay nagbunga na ang kanilang pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos. Kung hindi, paano man nila kainin at inumin ang mga salita ng Diyos o gaano man nila ito kabisaduhin, wala itong silbi—hindi pa rin nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Bukod pa rito, kilala ba ng mga anticristo ang kanilang sarili? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Pero kinikilala naman ng mga anticristo ang kanilang kayabangan at pagmamatuwid, sinasabing mga diyablo at mga Satanas sila.” Sinasabi lang nila ang mga ito, pero ano ang aktuwal nilang ginagawa kapag nahaharap sa isang totoong sitwasyon? Kung may isang tao na gumagawa kasama ang isang anticristo at nagsabi ng isang tamang bagay, isang bagay na ayon sa mga katotohanang prinsipyo na sumasalungat sa maling sinabi ng anticristo, at kung tumanggi ang taong iyon na sumunod sa sinasabi ng anticristo, mararamdaman ng anticristo na napinsala ang kanyang imahe at katayuan. Ano ang pipiliin niya kung gayon? Pipiliin ba niyang isantabi ang kanyang sarili para makinig sa ibang tao at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Hinding-hindi. Kaya, may silbi ba ang mga tamang salita na sinasabi niya? Sinasalamin ba nito ang kanyang realidad, ang kanyang tunay na tayog, ang kanyang mga desisyon, o ang landas na kanyang tinatahak? Hindi, hindi bunga ng kanyang karanasan ang mga salitang iyon; natutunan lamang nila ang mga salitang ito. Mga doktrina, mapanlinlang na salita lamang ang lumalabas sa kanilang bibig. Sa sandaling masangkot ang kanilang katayuan o pansariling interes, ang unang pinipili ng mga anticristo ay ang ingatan at protektahan palagi ang kanilang sarili, ang papurulin at ilihis ang iba, at iwasan ang anumang pananagutan o pag-amin ng anumang pagsalangsang. Kung isasaalang-alang ang mga diwang ito ng mga anticristo, hinahangad ba nila ang katotohanan? Binabasa ba nila ang mga salita ng Diyos para maunawaan ang katotohanan at maabot ang punto kung saan maisasagawa nila ang katotohanan? Hindi. Batay sa mga layunin at mithiin ng mga anticristo sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman makakamit ang pagkaunawa sa mga ito. Dahil hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan na dapat maarok, kundi bilang isang kasangkapan para makamit ang mga mithiin nila. Bagaman hindi tuwirang sinasabi ng mga anticristo, “Gusto kong maging diyos, gusto kong maging cristo,” malinaw ang kanilang mithiin na maging cristo mula sa diwa ng kanilang mga kilos at diwa ng kanilang pagtrato sa mga salita ng Diyos. Paano ito mamamasdan? Ginagamit nila ang mga salita ng Diyos at ang nakikita nilang ibinubunyag ng Diyos, tulad ng Kanyang mga pag-aari at pagiging Diyos at iba pa, para ilihis ang mga tao, para ilihis ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan, ang mga mangmang, ang mga may mababang tayog, ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, mga hindi mananampalataya, at maging ang ilang masamang tao. Pinapaniwala nila ang mga taong ito na taglay nila ang katotohanan, na mga tamang tao sila, at na karapat-dapat silang hangaan at asahan. Nilalayon ng mga anticristo na asahan sila at maghanap sa kanila ang mga taong ito, at kapag nangyayari ito, nasisiyahan ang kalooban nila.

Hindi kailanman inaamin ng mga anticristo na natatangi ang Diyos; hindi nila kailanman inaamin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ni hindi rin nila kailanman inaamin na ang Diyos lamang ang makakapagpahayag ng katotohanan. Batay sa kanilang saloobin sa mga salita ng Diyos, sa kanilang pagsisikap sa mga salita ng Diyos, at sa kanilang pagnanais na maging diyos, na maging cristo, naniniwala ang mga anticristo na madali para sa isang tao na maging diyos, na isang bagay ito na maaaring makamit ng mga tao. Sinasabi nila, “Tinatawag na cristo ang diyos na nagkatawang-tao dahil lamang nakakapagsalita siya ng kaunting salita ng diyos, hindi ba? Hindi ba’t tagapagsalita lamang siya ng mga salita ng diyos? Hindi ba’t tungkol lamang ito sa pagkakaroon ng maraming tao na sumusunod sa kanya? Kaya, kung may gayon ding katayuan at reputasyon sa mga tao ang isang tao, kung iniidolo at tinitingala rin sila ng gayon kadaming tao, hindi ba’t puwede rin nilang tamasahin ang pagtrato bilang cristo, ang pagtrato bilang diyos? Para matamasa ang pagtrato bilang cristo, para matamasa ang pagtrato bilang mayroong pagkakakilanlan at diwa ng diyos, hindi ba’t ginagawa nitong diyos ang isang tao? Ano ang napakahirap doon?” Kaya, likas ang pagnanais ng mga anticristo na maging diyos; pareho silang may ambisyon at diwa ni Satanas. Dahil nga mga anticristo sila at nagtataglay ng diwa ng mga anticristo kaya ipinapakita nila ang mga reaksyong ito sa mga salita ng Diyos. Para sa mga anticristo, ang nagpapasaya sa kanila ay na ang Diyos ay nagkatawang-tao; puwedeng marinig ng mga tao ang Kanyang mga salita, at kasabay nito, puwede Siyang makita ng mga tao. Isa Siyang ordinaryong tao na puwedeng mahawakan at makita, at dahil nga nakapagsasalita nang napakarami ang ordinaryo, di-mahalaga, at di-kapansin-pansing taong ito at natatawag na Diyos, kaya nakikita ng mga anticristo na dumating na sa wakas ang kanilang pagkakataon na maging diyos. Kung hindi nagsalita ang ordinaryong taong ito, iisipin ng mga anticristo na napakaliit ng kanilang pag-asa na maging diyos o cristo. Pero dahil nga nagsalita ng mga salita ng Diyos at gumawa ng gawain ng Diyos ang ordinaryong taong ito, kumakatawan sa Diyos upang iligtas ang mga tao, nakikita ito ng mga anticristo bilang kanilang pagkakataon, bilang isang pagkakataon na dapat samantalahin, na nagbibigay sa kanila ng higit pang palatandaan para gayahin ang pagsasalita ng Diyos, ang Kanyang tono at paraan ng pagsasalita, at maging ang Kanyang disposisyon, unti-unting ginagawang mas katulad sila ng diyos, mas katulad ni cristo. Kaya, sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, nararamdaman nila na lalo silang nagiging katulad ng diyos, na lalo nilang nagiging kahawig ang diyos. Labis silang naiinggit sa isang Diyos na nirerespeto, sinusundan, at inaasahan sa lahat ng bagay, isang Diyos na hinahanap at tinitingala ng mga tao sa lahat ng bagay. Kinaiinggitan nila ang pagkakakilanlan at personal na halaga ni Cristo. Ano ang iniisip ng mga anticristo sa kanilang puso? Hindi ba’t madilim at buktot ang kaibuturan ng kanilang puso? Hindi ba’t kamuhi-muhi, marumi, at kahiya-hiya ang kaibuturan ng kanilang puso? (Oo.) Talagang kasuklam-suklam sila!

Sinasabi ng ilang tao, “Nakinig kami sa Iyong pagsasalita tungkol sa mga anticristo, pero bakit hindi pa kami nakakakita ng gayong tao? Kuwento-kuwento lang ba ang sinasabi Mo? Tinatalakay Mo ba ang mga bagay na malayo sa katotohanan?” Sa palagay ba ninyo ay may mga gayong tao? (Oo.) Ilan na ang inyong nakilala? Isa ba kayo sa kanila? (Ipinapakita rin namin ang mga kalagayang ito at ibinubunyag ang mga gayong aspekto. Hindi kasinglala ng sa mga anticristo ang mga ito, pero pareho ang kalikasang diwa.) Sa palagay ninyo, mapanganib ba ang pagkakaroon ng mga ganitong kalagayan? (Oo.) Kung alam ninyo na mapanganib ito, kailangan ninyong magbago. Madali bang magbago? Sa totoo lang, maaaring maging madali at mahirap ito. Kung tatanggapin mo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan na dapat sundin, gaya lamang ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi,’” kung gayon ay talagang makakapagsisi kayo. Halimbawa, sinasabi ng Diyos na ipatupad mo ang isang bagay, sinasabi Niya, “Pagkatapos mong kumain, dilaan mo ang mangkok hanggang sa magmukha itong nahugasan. Ito ay para makatipid sa pagkain at maging malinis.” Simple ba ang mga tagubiling ito? Madali bang ipatupad ang mga ito? (Oo.) Kung gumawa ang Diyos ng ganitong kahilingan, ng ilang pangungusap lamang na ito, nang hindi tinatalakay ang mga suliranin ng mga tao o ang kanilang mga kalagayan, o tinatalakay ang mga tiwaling disposisyon, at hindi pinag-iiba ang iba’t ibang sitwasyon, paano mo ipatutupad at isasagawa ang isang bagay na ito? Para sa iyo, mga salita ng Diyos ang mga pangungusap na ito, ang mga ito ang katotohanan, at isang bagay ito na dapat mong sundin. Ang dapat mong gawin ay sumunod sa hinihingi ng Diyos araw-araw, sa tuwing pagkatapos kumain—kung gayon ay sinusunod mo ang daan ng Diyos, itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, bilang dapat mong sundin. Nagiging isang tao kang nagsasagawa ng mga salita ng Diyos, at sa pinakasimpleng bagay na ito, naiwaksi mo na ang disposisyon ng isang anticristo. O kaya naman, pagkatapos mong marinig ang mga salitang ito, maaaring sumang-ayon ka at matandaan mo ang mga ito, pero pagkatapos mong kumain, kapag nakakita ka ng ilang butil ng bigas sa mangkok, iniisip mo, “Abala ako sa ibang bagay!” at iiwan na lamang ang mangkok nang ganoon. At sa susunod na pagkain, ganoon ulit ang gagawin mo. Tinatandaan mo ang mga tagubiling ito mula sa Diyos, pero walang eksaktong araw kung kailan mo talaga isasagawa ang mga ito. Sa paglipas ng panahon, nakalimutan mo ang mga salitang ito. Kaya bukod sa hindi mo naisagawa ang mga ito, binalewala mo rin ang mga salita ng Diyos. Nagiging anong klaseng tao ka dahil dito? Kung hindi mo ipapatupad ang mga salitang ito, isa ka bang taong makakasunod sa daan ng Diyos kapag narinig mo ang Kanyang mga salita? Isa ka bang taong naghahangad sa katotohanan? Malinaw na hindi. Kung hindi naghahangad sa katotohanan ang isang tao, puwede ba siyang ituring na isang anticristo? Katumbas na ba ng pagiging isang anticristo ang hindi pagsasagawa ng katotohanan? (Hindi.) Itinuturing ng ganitong klaseng tao ang mga salita ng Diyos na parang hangin na dumaan lamang sa kanilang mga tainga, bilang isang bagay na hindi mahalaga, hindi niya isinasagawa ang mga ito, at hindi ito masyadong pinag-iisipan—basta na lamang niyang nakakalimutan ang mga ito. Hindi ito isang anticristo. May isa pang uri ng tao na, pagkatapos marinig ang mga tagubiling ito mula sa Diyos, iniisip niya: “Dilaan ang mangkok pagkatapos kumain? Nakakahiya! Hindi ako pulubi, at saka, hindi naman parang wala nang pagkain. Hindi ko talaga gagawin iyon! Bahala na ang mga handang dilaan ang kanilang mga mangkok.” Kapag may nagsabi, “Ito ang hinihingi ng Diyos,” iniisip nila, “Kahit hinihingi ito ng diyos, hindi ito katanggap-tanggap. Hindi dapat humingi ng mga gayong bagay ang diyos. Hindi ang katotohanan ang mga salitang ito! Nagsasabi rin ang diyos ng mga bagay na hindi kapansin-pansin, walang lohika, at hindi masyadong dakila. Hindi lahat ng kahilingan ng diyos sa mga tao ay talagang ang katotohanan. Para sa akin, parang hindi naman ang katotohanan ang partikular na kahilingang ito. Sinabi ng panginoong Jesus, ‘Sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.’ Katotohanan ang mga ganitong salita! Pagiging malinis ba ang pagdila sa mangkok? Sapat na ang hugasan na lang ito nang diretso. Bakit kailangang padilaan sa amin ang mga mangkok? Hindi tumutugma ang kahilingang ito sa aking mga kuru-kuro o imahinasyon; hindi ito katanggap-tanggap saanman. Papadilaan sa akin ang mangkok—hindi mangyayari iyan! Ganyan ba ang kahulugan ng kalinisan? Hinuhugasan ko ang mangkok ko gamit ang tubig, gamit ang pang-disempekta—iyan ang kalinisan para sa akin!” Pagkatapos marinig ang mga salitang ito, may sariling mga isipin at panloob na pagtutol ang ganitong uri ng tao; nanunuya pa nga sila at naninirang-puri. Dahil galing sa Diyos ang mga salitang ito, hindi sila naglalakas-loob na husgahan ang mga ito nang lantaran, pero hindi ibig sabihin nito na wala silang mga opinyon o mga kuru-kuro tungkol dito. Saan napapamalas ang kanilang mga opinyon at kuru-kuro? Hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang mga salitang ito; mayroon silang sariling mga kaisipan tungkol dito, at kaya nilang husgahan ito at bumuo ng mga kuru-kuro tungkol dito. Kaya, kapag natapos na silang kumain at nakita nilang may ilang tao na dinidilaan ang kanilang mangkok, hindi nila ito ginagawa, nagkikimkim pa nga sila ng pagkamuhi sa kanilang puso para sa mga nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ang kanilang panlabas na anyo ay kadalasang nagbubunyag ng panunuya at panghahamak, at maging ng saloobin ng pagnanais na itama ang pag-uugali ng iba. Hindi lamang sila hindi kumikilos ayon sa sinasabi ng Diyos, kundi kumikilos pa sila nang taliwas dito, kumikilos nang salungat sa sinasabi ng Diyos. Ginagamit nila ang kanilang mga kilos upang itatwa ang mga kahilingan ng Diyos, para labanan ang sinabi ng Diyos, at nagsusumikap din silang makakuha ng mas maraming pansin sa pamamagitan ng kanilang mga kilos, kinukumbinsi ang mas maraming tao na hindi tama ang sinasabi ng Diyos, at na ang paraan lamang nila ang tama, inaakay ang mas maraming tao na labanan at kondenahin ang mga salita ng Diyos. Sadyang hindi sila kumikilos ayon sa tagubilin ng Diyos; tuwing pagkatapos kumain, hindi lamang nila hinuhugasan ng tubig ang kanilang mangkok kundi hinuhugasan pa ito nang paulit-ulit gamit ang pang-disempekta at sabon, at pagkatapos ay iniisterelisa pa ito sa disinfection cabinet. Habang ginagawa nila ito, hindi rin sinasadya na nakakapagsabi sila ng ilang pahayag, sinasabi sa lahat, “Sa totoo lang, hindi nakakapatay ng mga mikrobyo ang pagdila, at maging ang paghuhugas gamit ang tubig. Tanging sa paggamit ng pang-disempekta, kasama ang mataas na temperatura, ito puwedeng ma-esterelisa. Iyon ang pagiging malinis.” Bukod sa tinatanggihan nila ang sinasabi ng Diyos o hindi sila nagsasagawa ayon sa tagubilin ng Diyos, ginagamit din nila ang kanilang sariling mga salita at gawa para labanan, kondenahin, at husgahan ang hinihingi ng Diyos. Ang mas matindi pa, ginagamit nila ang ilang opinyon na sa tingin nila ay tama para himukin at ilihis ang mas maraming tao na sumama sa kanila sa pagkondena, paglaban, at paghusga sa mga hinihingi ng Diyos. Anong papel ang ginagampanan nila rito? Hindi ito upang akayin ang mas maraming tao na makinig sa mga salita ng Diyos at magpasakop nang walang kondisyon sa Diyos, ni upang lutasin ang mga kuru-kuro ng mga tao kapag lumitaw ang mga ito, ni upang lutasin ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga tao at ng Diyos o ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao kapag lumitaw ang mga gayong kontradiksyon. Sa halip, hinihikayat at nililihis nila ang mas maraming tao para husgahan ang Diyos, hinihikayat ang mga ito na sumali sa pagsusuri at pagsisiyasat sa katumpakan ng mga salita ng Diyos. Sa panlabas, para silang tagapagtanggol ng hustisya, tila tama ang ginagawa nila. Pero nararapat ba ang tamang asal na ito sa isang taong sumusunod sa Diyos? Ito ba ang pagpapahalaga ng tao sa hustisya? (Hindi.) Kung ganoon, ano ba mismo ang diwa ng ganitong uri ng tao sa likod ng kanilang pag-uugali? (May diwa sila ng mga anticristo, ng mga diyablo.) Bukod sa nabibigo ang mga indibidwal na ito na ituring ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, ang mas kahiya-hiya ay kaya nilang magbalatkayo bilang mga espirituwal na tao, madalas na ginagamit ang mga salita ng Diyos para tagubilinan ang iba, sa gayon ay pinapaganda ang kanilang sarili at nakakakuha ng paghanga. Sila mismo ay hindi isinasagawa ang mga salita ng Diyos, ni itinuturing ang mga ito bilang ang katotohanan na dapat danasin at ipatupad. Pero, madalas nilang sinasabi sa iba nang mahigpit at seryoso: “Sinabi ng diyos, pagkatapos kumain, dilaan ang iyong mangkok para malinis ito; mabuting gawi ito at matipid sa pagkain.” Sa bawat salita at pangungusap, itinatanghal nila na ito ay “Sinabi ng diyos,” “Ito ay salita ng diyos,” o “Ito ang katotohanan,” pero sila mismo ay hindi tinatanggap o isinasagawa ito. Bukod dito, gumagawa sila ng iba’t ibang paghusga at nakalilinlang na interpretasyon ng mga salita ng Diyos. Ito ang ginagawa ng mga anticristo.

Yamang kakatapos lang nating suriin ang mga pagpapamalas ng tatlong uri ng mga tao, alin ang pinakamalubha? (Ang panghuling uri.) Hindi isinasagawa ng ganitong uri ng tao ang mga salita ng Diyos at punung-puno ito ng iba’t ibang pagtutol at panghuhusga laban sa mga salita ng Diyos. Bukod dito, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para linlangin ang iba at makamit ang kanila mismong mga mithiin. Mga anticristo ang mga gayong tao. Anuman ang aspekto ng mga salita ng Diyos, kahit na naaayon sa kanilang mga kuru-kuro ang mga salitang ito, hindi nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan; lalo na sa mga salita ng Diyos na ganap na sumasalungat sa mga kuru-kuro, tradisyonal na kultura, at pilosopiya ng tao—mas mababa pa ang pagpapahalaga ng mga anticristo sa mga salitang ito. Bakit nila ipinangangaral ang mga salita ng Diyos kung hindi nila itinuturing na mahalaga ang mga ito? Gusto nilang gamitin ang mga salita ng Diyos para tuparin ang kanilang mga layon. Ang panghuling uri ang pinakamapanganib sa tatlong uri ng tao. Paano naman ang unang uri? (Nakikinig sila sa mga salita ng Diyos at isinasagawa ang mga ito.) Sa tingin ba ninyo ay walang isip ang mga nakikinig sa mga salita ng Diyos at ang mga nagsasagawa ng mga ito? Sa panlabas, tila kahangalan ba ang sumunod nang mahigpit sa anumang sabihin at ipagawa ng Diyos sa mga tao? (Hindi.) Ang mga nagsasagawa ng mga salita ng Diyos ang pinakamatatalino. Ang pangalawang uri ng tao ay nakatuon sa pagkilos; hindi niya isinasagawa ang katotohanan kundi kumikilos lamang ayon sa sarili niyang kalooban at gumagampan ng ilang trabaho. Hindi niya binibigyang pansin ang kahulugan o mga hinihingi at pamantayan ng mga salita ng Diyos. Hindi niya nauunawaan ang mga layunin ng Diyos o ang Kanyang panloob na tinig, at nakatuon lamang siya sa paggawa. Iniisip niya “Alam ko na ninanais Mo ang ikabubuti namin. Tama ang lahat ng sinasabi Mo. Dapat kaming magpasakop sa sinasabi Mo at isagawa ang mga ito; tumuon Ka lang sa pagsasalita, at makikinig kaming lahat.” Ngunit sa realidad, hindi niya sineseryoso ang sinasabi ng Diyos o ang mga detalyadong hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kumikilos lang siya nang hindi nag-iisip. Ang pagkilos nang hindi nag-iisip ay nagdudulot minsan ng pagkilos nang walang habas at walang ingat, ng mga pagkagambala at kaguluhan; puwede itong humantong sa paglaban sa Diyos. Nagdudulot minsan ng malalaking problema ang matinding paglaban sa Diyos, at maaari naman itong magdulot ng pagkawasak. Ito ang pinakamalubhang kahihinatnan ng mga hindi naghahangad sa katotohanan, at puwedeng umabot sa puntong ito ang ilang tao. Ang ikatlong uri ng tao, ang mga anticristo, ay matitibay na tagasunod ni Satanas. Hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan, anuman ang mangyari. Kahit tama ang sinasabi mo, hindi sila makikinig, lalo na kapag mayroon silang sariling mga kuru-kuro. Matitinding kaaway sila ng Diyos, matitinding kaaway ng katotohanan. Sa panlabas, ang pinakamapanlinlang at tuso ay tila ang mga taong ito. Kinikilatis at sinisiyasat nila ang lahat ng bagay, pinagmumuni-munihan at sinisikap na maunawaan ang lahat ng bagay. Gayumpaman, pagkatapos ng napakaraming pagsisiyasat, nauuwi sila sa pagsusuri sa Diyos mismo, nagkakaroon ng mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa Kanya. Anuman ang gawin ng Diyos, kung hindi ito pumasa sa kanilang sariling paghatol, kinokondena nila ito nang walang alinlangan; tumatanggi silang isagawa ito, natatakot na baka mapinsala sila nito. Sa kabilang banda, ang mga tila hangal sa panlabas, na parang walang talino, ay ginagawa ang mismong sinabi ng Diyos. Mukha silang napakasimple at tapat, hayagang ibinabahagi kahit ang mga bagay na hindi na dapat pang ibahagi, inuulat kahit ang mga bagay na hindi na dapat pang iulat, minsan ay nagpapakita pa ng medyo inosenteng pag-uugali. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinapakita nito na bukas ang puso ng mga gayong tao sa Diyos, hindi sarado o walang hadlang sa Kanya. Sa pagtalakay ng simpleng halimbawang ito, ang layon ay tulungan kayong maunawaan kung ano talaga ang isang anticristo at kung ano talaga ang saloobin nito sa mga salita ng Diyos. Ito ay para matulungan kayong makilatis kung anong uri ng mga tao ang mga anticristo at kung anong uri ang hindi nagsasagawa sa katotohanan pero hindi naman anticristo. Ito ay para magkaroon ng ganitong uri ng pagkilatis. Kaswal Ko lang na binanggit ang halimbawang ito para mas madali ninyong maunawaan ang paksa ng ating pagbabahaginan ngayon. Hindi Ko naman sinasabi na talagang kailangang dilaan ninyo ang inyong mangkok pagkatapos kumain. Hindi Ko rin tinukoy na katumbas ng kalinisan o hindi pagsasayang ng pagkain ang pagdila sa mangkok. Hindi ninyo kailangang gawin ito; hindi kayo dapat magkamali ng pagkaunawa.

Ngayon, napagbahaginan ang isang karagdagang aytem tungkol sa kung paano kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos: Tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal. Pagdating sa mga kalakal, kasama rito ang pagbebenta, pangangalakal, kita, at pera. Ang pagtrato ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos bilang isang kalakal ay isang bagay na hindi dapat kailanman gawin, lubos itong makasalanan. Bakit? Nang magsimula pa lang tayo sa pagtitipon, ibinahagi ng bawat isa ang kanilang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan sa kanilang sariling lengguwahe, nagbubuod gamit ang pinakamadadaling termino. Sa kabuuan, ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Para sa sangkatauhan, napakahalaga ng katotohanan. Puwedeng maging buhay ng tao ang katotohanan, kaya nitong iligtas ang mga tao at ibalik sila mula sa kamatayan, at bigyang-kakayahan ang tao na maging isang karapat-dapat na nilikha. Ang halaga ng katotohanan sa sangkatauhan ay hindi kayang masukat sa mga salita, materyal na bagay, o pera. Nararapat itong pahalagahan at ingatan, at nararapat na maging gabay, direksyon, at mithiin para sa mga kilos, asal, buhay, at buong pag-iral ng isang tao. Dapat makamit ng mga tao ang landas ng pagsasagawa mula sa katotohanan, pati na rin ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, bukod sa iba pa. Para sa mga tao, ang katotohanan ay katumbas ng buhay mismo. Walang materyal na bagay o kayamanan ang maihahambing sa katotohanan. Sa materyal na mundong ito, o sa buong sansinukob, walang anumang bagay na karapat-dapat na ikumpara sa katotohanan, ni wala ring anumang bagay na maaaring itumbas dito. Mula rito, malinaw na para sa sangkatauhan na nangangailangan ng kaligtasan, ang katotohanan ay isang napakahalagang yaman, at wala itong katumbas na halaga. Gayumpaman, nakakapagtaka, na may mga indibidwal na itinuturing ang isang bagay na walang katumbas na halaga bilang isang kalakal na ibinebenta at ipinagpapalit para sa kita. Puwede bang ituring na mga diyablo, mga Satanas ang mga gayong indibidwal? Oo naman! Sa espirituwal na mundo, mga demonyo at si Satanas ang mga gayong indibidwal; sa mga tao, mga anticristo sila.

Kakatapos lang natin pagbahaginan ang ilan sa mga pagpapamalas kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang mga kalakal na ipinagbibili para sa mga personal na pakinabang. Siyempre, sinasabi ito sa isang partikular na kahulugan at hindi ganap na tumutugma sa literal na kahulugan—hindi agad na makikita na itinuturing nila ang mga salita ng Diyos bilang mga kalakal na ipinagbibili. Gayumpaman, sa katunayan, batay sa kanilang pag-uugali, pamamaraan, at maging sa kanilang diwa, kanila nang itinuturing o tiyak na itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang mga kalakal, bilang isang materyal na bagay na aariin. Kapag nasa kanilang pag-aari na, itinuturing nila ang mga salita ng Diyos bilang isang aytem sa kanilang maliit na tindahan, ibinebenta ito sa tamang pagkakataon sa sinumang nangangailangan nito at nakikinabang mula rito. Anong mga pakinabang ang nakakamit ng mga anticristo mula rito? Kasama rito ang kanilang reputasyon, ang mataas na pagtingin at pag-iidolo ng iba, mga tingin ng paghanga sa kanila, at ang proteksyon na ibinibigay ng iba, tulad ng proteksyon sa kanilang katayuan at imahe. Kahit kapag tinanggal at itiniwalag sila, may mga taong magsasalita para sa kanila at magtatanggol sa kanila. Ito ang mga pakinabang na nakukuha ng mga anticristo mula sa mga salita ng Diyos. Ang mga pakinabang na ito ang mismong ninanais at hinahangad ng mga anticristo, ang matagal na nilang pinagplanuhan sa kanilang puso. Ito ang diwa ng mga anticristo. Inuudyukan at pinangungunahan ng kanilang kalikasan ang kanilang mga kilos at pag-uugali, at mula sa mga pagpapamalas na ito, makikita ang kalikasang diwa ng mga anticristo.