Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalimang Bahagi) Ikatlong Seksiyon

B. Itinatatwa ng mga Anticristo ang mga Salita ng Diyos Kapag Hindi Umaayon ang mga Ito sa Kanilang mga Kuru-kuro

Ang ikalawang pagpapamalas ay na itinatatwa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos kapag hindi umaayon ang mga ito sa kanilang mga kuru-kuro. Sa gawain ng Diyos, mula noong simula hanggang sa ngayon, marami nang salita ang binigkas ng Diyos. Malawak ang saklaw ng mga salitang ito, at masagana ang nilalaman ng mga ito, kabilang na ang mga aspekto na may kaugnayan sa mga layunin at pananaw ng mga tao, pati na rin sa kanilang paglilingkod sa Diyos. Siyempre, mas marami pa ang may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang mas malaking bahagi ay may kaugnayan sa mga layunin ng Diyos at sa mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Sa mga salitang ito, gumamit ang Diyos ng iba’t ibang pamamaraan ng pananalita. Sa iba’t ibang pamamaraan ng pananalitang ito, sa simula ay medyo malapit sa mga tao ang ilang tono ng pananalita, na sinusundan ng paghatol at paglalantad sa sangkatauhan, pati na rin ng paglupig sa sangkatauhan, at pagkatapos ay unti-unting pagsasabi sa mga tao ng iba’t ibang aspekto ng katotohanan. Maraming aspekto ang nilalaman ng mga salitang ito, pero gaano man ito kalawak, ang lahat ng ito ang kailangan ng tiwaling sangkatauhan. Bukod sa isang maliit na bahagi ng pinakaespesyal na nilalaman, ang karamihan sa mga salitang ito ay sinasalita ayon sa mga pattern ng wika ng tao, sa isang tono, gamit ang pagpili ng mga salita, at gamit ang lohika ng wika na matatanggap ng lahat ng tao. Sa madaling salita, pawang pangkaraniwan at napakadaling maunawaan ang mga estilo at pamamaraan ng mga anyo ng wika at pananalita na ito. Hangga’t may mga normal na kaisipan ang isang tao, at may normal na isip at katwiran, mauunawaan niya ang mga salitang ito ng Diyos. Ito ang implikasyon nito: Hangga’t normal ang mga kaisipan ng isang tao, pagkatapos niyang basahin ang mga salitang ito, mahahanap niya ang landas ng pagsasagawa, makikilala niya ang kanyang sarili, mauunawaan niya ang mga layunin ng Diyos, at mahahanap niya ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Hangga’t may puso ang isang tao at nagtataglay siya ng mga normal na kaisipan, makakatulong sa mga tao ang mga salitang ito ng Diyos at magagabayan sila ng mga ito sa iba’t ibang paghihirap sa buhay, at mabibigyang-kakayahan ng mga ito ang mga tao na maunawaan ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon. Ganito ang karamihan sa nilalaman ng mga salita ng Diyos, ngunit may bahagi na sinasalita mula sa perspektiba ng pagka-Diyos, mula sa perspektiba ng Espiritu. Napakaespesyal ng bahaging ito ng nilalaman. Sa mga mata ng buong sangkatauhan, napakalalim at mahirap maunawaan ang bahaging ito ng Kanyang mga salita. Para bang isa itong misteryo, at isa ring propesiya. Sa bawat pangungusap, bawat talata, at bawat kabanata ng pananalita, napakahirap para sa mga tao na makilatis ang kahulugan ng Diyos, mahirap hanapin ang konteksto ng mga salita ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, pati na rin ang mga katotohanang prinsipyo na hinahanap ng mga tao. Kaya, anong bahagi ng Kanyang mga salita ang mga ito? Ito ay “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob” at ang mga appendix nito. Napakahirap para sa mga tao na maunawaan ang bahaging ito ng Kanyang mga salita. Ipagpaliban muna natin ang usapin ng kung bakit sinasalita ng Diyos ang bahaging ito na mahirap para sa mga tao na maunawaan, at sa halip ay pag-usapan natin kung aling bahagi ng paksa ang ating pagbabahaginan—“Itinatatwa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos kapag hindi umaayon ang mga ito sa kanilang mga kuru-kuro”—ang may kaugnayan sa bahaging nabanggit Ko. Tungkol sa karamihan ng mga pangkaraniwan, madaling maunawaan, at mga komplikado ngunit simpleng ipinahayag na salitang sinasabi ng Diyos, pati na rin ang mga babala at paalala ng Diyos sa tao, mga panghihimok at mga salita upang pagaanin ang loob ng tao, mga salita ng paglalantad at paghatol sa tao, at mga salita ng pagtustos at paggabay sa tao, para sa mga hindi talaga naghahangad sa katotohanan, iyong mga ginawang diyos ang salitang “Diyos” at mas gugustuhin pang maniwala sa isang malabong diyos, iniisip nila na tila hindi mga salita ng Diyos ang mga salitang ito. Tingin nila ay masyadong pangkaraniwan ang mga ito, masyadong tuwiran—simpleng usapan lamang. Iniisip nila na masyadong mahaba ang bawat kabanata. Ayaw nilang basahin ang mga salitang ito. Iniisip nila na kulang sa lalim at misteryo ang mga salita, at samakatwid ay hindi karapat-dapat na basahin. Kaya, sa kanilang pananaw, ang mga salitang ito ay hindi mga salita ng Diyos. Sinasabi nila ito dahil hindi akma sa kanilang panlasa ang nilalaman, paraan, at estilo ng mga salitang ito. Kung gayon, ano ang kanilang panlasa? Gusto nilang magbasa ng malalalim na teksto, mga salita na kahit paano pa basahin ng mga tao ay hindi pa rin nila maintindihan, tulad ng isang hindi maintindihang aklat mula sa langit; gusto nilang basahin ang mga ito. Hinahamak ng mga anticristo ang uri ng mga salitang itinustos ng Diyos na sinasalita sa isang paraan, tono, at estilo na akma sa mga panlasa ng tao. Puno sila ng mga kuru-kuro, panghahamak, at pangungutya sa mga salitang ito. Kaya, hindi nagbabasa, tumitingin, o nakikinig ang mga taong ito sa mga pangkaraniwan at madaling maunawaang salita na ito na nakakapagbigay ng buhay sa mga tao. Sa kanilang mga puso, mapanlaban, nasusuklam, at hindi sila tumatanggap sa mga salitang ito. Bakit nila nagagawang tumanggi, masuklam, at maging mapanlaban sa mga salitang ito? Isang dahilan ang tiyak: Naniniwala sila na sinasalita mula sa perspektiba ng Diyos sa katawang-tao ang mga salitang ito, kaya itinuturing nila ang mga salitang ito bilang mga salita ng tao. Ano ang konsepto ng mga salita ng tao? Sa pananaw ng mga anticristo, ang mga salita lamang ng Diyos, ang mga kasulatan ng langit lamang ang karapat-dapat nilang basahin. Ang mga malalim, di-maarok, at misteryosong salita lamang ang karapat-dapat nilang basahin. Hindi karapat-dapat na basahin nila ang mga pangkaraniwan at madaling maunawaang mga tekstong pantao na ito, hindi ito nakakaakit sa mata nilang “mapang-unawa,” at hinahamak nila ang mga ito. Hinding-hindi nila binabasa ang mga salitang ito, lalong hindi nila tinatanggap ang katotohanang nakapaloob sa mga ito.

Tumingin ka sa paligid at tingnan kung sino ang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos; kung sino ang tumatayo at umaalis kapag may nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos; kung sino, kapag naririnig ang mga salita ng Diyos na binabasa o ang katotohanan na pinagbabahaginan ang humihikab, nag-iinat, hindi mapakali, naiinip, at naghahanap ng mga dahilan para umalis o nang-aantala, na binabago ang paksa—nasa panganib ang gayong mga tao. Maaari kang magsalita tungkol sa teolohiya, anumang mga maling paniniwala, o anumang mga pananaw ng tao, at pagtitiyagaan nilang pakinggan ito. Pero sa sandaling magsimula kang mangaral, magdasal-magbasa, o magbahagi tungkol sa mga salita ng Diyos, o magpuri sa mga salita ng Diyos, agad silang nagbabago, na nagbubunyag ng isang di-normal na pag-uugali, ng isang malademonyong pag-uugali. Kapag naririnig nilang binabasa ang mga salita ng Diyos, nababalisa at naiinis sila, at sa sandaling marinig nila ang isang tao na nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, nagiging palaban sila, at tumatayo at umaalis sila. Ano ang kalikasan nito? Anong disposisyon ito? Ganito ang mga anticristo. Maaaring sabihin ng ilan, “Paano Mo sila natatawag na mga anticristo? Maaaring mga bagong mananampalataya sila na hindi pa nagkakaroon ng interes sa mga salita ng Diyos o natitikman ang tamis ng mga salita ng Diyos. Hindi Mo ba pinapahintulutan ang posibilidad na maaaring maliit pa ang tayog ng mga bagong mananampalataya?” Kung mga bagong mananampalataya sila na maliit pa ang tayog at hindi interesado sa mga salita ng Diyos, bakit hindi sila nasusuklam kapag nagsasalita ka tungkol sa ibang mga bagay? Kung tatalakayin mo ang tungkol sa malalaking sakuna, ang hinaharap ng sangkatauhan, mga misteryo, o ang Aklat ng Pahayag, tingnan mo kung kaya nilang mapakali. Nag-iiba ang kanilang pag-uugali kung gayon. Mula sa perspektiba ng kalikasang diwa ng mga anticristo, mapanlaban sila sa katotohanan. Paano nabubunyag itong kalikasang diwa ng pagkamapanlaban sa katotohanan? Ito ay na kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagkasuklam, antok, at nagbubunyag sila ng iba’t ibang pagpapahayag ng panghahamak, pagkainip, at pag-ayaw na makinig. Nabubunyag ang kanilang malademonyong pag-uugali sa ganitong paraan. Sa panlabas, tila ginagawa nila ang kanilang tungkulin at kinikilala nila ang kanilang sarili bilang mga tagasunod ng Diyos. Kaya bakit sila nagiging magulo kapag pinagbabahaginan ang katotohanan, kapag pinagbabahaginan ang mga salita ng Diyos? Bakit hindi sila mapakali? Para bang may dalang espada ang mga salita ng Diyos. Tumagos ba sa kanila ang mga salita ng Diyos? Kinondena ba sila ng mga salita ng Diyos? Hindi. Para sa pagtustos ng mga tao ang karamihan sa mga salitang ito, at kapag naririnig nila ang mga ito, nagigising ang mga tao, nakakahanap ng paraan para mabuhay, at nagagawa nilang mabuhay muli nang may wangis ng tao. Kaya bakit may di-normal na reaksiyon ang ilang tao kapag naririnig nila ang mga salitang ito? Ito ang diyablong nagbubunyag ng tunay nitong pag-uugali. Hindi sila nakakaramdam ng pagkasuklam kapag nagsasalita ka tungkol sa teolohiya, mga maling pananampalataya, mga maling paniniwala, o sa Aklat ng Pahayag. Kahit na magsalita ka tungkol sa pagiging taos-puso, pagiging mapagpalugod ng mga tao, o magkuwento ka tungkol sa kabayanihan, hindi sila nakakaramdam ng pagkasuklam. Pero sa sandaling marinig nilang binabasa ang mga salita ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagkasuklam, tumatayo sila, at gusto nang umalis. Kung hihimukin mo silang makinig nang maayos, magiging palaban sila at pandidilatan ka nila nang may galit. Bakit hindi kayang tanggapin ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos? Hindi sila mapakali kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos—bakit ganito? Pinapatunayan nito na hindi normal ang espiritu sa loob nila, isa itong espiritu na tutol sa katotohanan at salungat sa Diyos. Sa sandaling marinig nila ang mga salita ng Diyos, nagiging balisa sila sa loob, at kumikilos ang demonyo sa loob nila, na nagdudulot para hindi sila mapakali. Ito ang diwa ng isang anticristo. Kaya, mula sa labas, kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Pero ano ba ang talagang tinutukoy nitong “hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro”? Malinaw nitong ipinapahiwatig na kinokondena nila ang mga salitang ito, hindi nila kinikilala na galing sa Diyos ang mga ito at hindi nila kinikilala na ang mga ito ang katotohanan o ang daan ng buhay na nagliligtas sa mga tao. Isang palusot lang ang hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, isang mababaw-na-antas na kaganapan. Ano ang ibig sabihin ng hindi pag-ayon sa kanilang mga kuru-kuro? Wala bang mga kuru-kuro ang bawat tao tungkol sa lahat ng salitang ito na sinabi ng Diyos? Matatanggap ba ng lahat ng tao ang mga ito bilang mga salita ng Diyos, bilang ang katotohanan? Hindi—humigit-kumulang, sa ilang antas, may ilang kaisipan, kuru-kuro, o pananaw ang bawat tao na sumasalungat o kumokontra sa mga salita ng Diyos. Gayumpaman, may normal na pagkamakatwiran ang karamihan ng tao, at ang pagkamakatwiran na ito ay makakatulong sa kanila na malampasan ang saloobin na lumalabas kapag nahaharap sila sa mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Sinasabi sa kanila ng kanilang pagkamakatwiran, “Kahit na hindi ito umaayon sa aking mga kuru-kuro, mga salita pa rin ng Diyos ang mga ito; kahit na hindi ito umaayon sa aking mga kuru-kuro, kahit nag-aatubili akong makinig, kahit pakiramdam ko ay mali ito, at kahit pakiramdam ko ay salungat ito sa aking mga kaisipan, ang mga salitang ito pa rin ang katotohanan. Dahan-dahan kong tatanggapin ang mga ito, at balang araw kapag nakikilala ko na ang lahat ng ito, bibitawan ko na ang aking mga kuru-kuro.” Sinasabi sa kanila ng kanilang pagkamakatwiran na unang isantabi ang kanilang sariling mga kuru-kuro; ang kanilang mga kuru-kuro ay hindi ang katotohanan at hindi maaaring pumalit ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Sinasabi sa kanila ng kanilang pagkamakatwiran na tanggapin ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng pagpapasakop at pagkamatapat, sa halip na kontrahin ang mga salita ng Diyos gamit ang kanilang sariling mga kuru-kuro at pananaw. Kaya, kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos, nagagawa nilang tanggapin ang mga salita na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro at tahimik silang umuupo para makinig. Para sa mga hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, naghahanap din sila ng mga solusyon, nagsusumikap na isantabi ang kanilang sariling mga kuru-kuro at maging kaayon ng Diyos. Ito ang normal na pag-uugali ng karamihan ng makatwirang tao. Gayumpaman, hindi kapareho ng sa mga ordinaryong tao ang “hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro” na binanggit ng mga anticristo. Sa kaso ng mga anticristo, may mga malubhang isyu ito; isang bagay ito na ganap na taliwas sa mga kilos, salita, diwa, at disposisyon ng Diyos, isang bagay na nabibilang sa isang satanikong disposisyong diwa. Sa kanilang kaso, pagkondena, paglapastangan, at pangungutya ito sa mga salita ng Diyos. Naniniwala sila na ang pangkaraniwan at madaling maunawaang wikang ito ng tao na sinalita ng Diyos ay hindi ang katotohanan at hindi nito makakamit ang bunga ng pagliligtas sa mga tao. Ito ang eksaktong kahulugan ng sinasabi ng mga anticristo na “hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro.” Kaya ano ang diwa nito? Ang totoo, ito ang pagkondena, pagtanggi, at paglapastangan sa Diyos.

Naniniwala ang mga anticristo na kapag ang Diyos ay tumitindig mula sa perspektiba ng pagkatao, mula sa perspektiba ng ibang partido, gamit ang mga pattern, istruktura, at diksiyon ng wika ng tao para kausapin ang mga tao, ang mga salitang ito ay hindi sapat na malalim, hindi kalipikadong matatawag na mga salita ng Diyos, kaya mas gusto nilang mamatay kaysa tanggapin ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Sinasabi Mong hindi nila tinatanggap, pero kumakain at umiinom din sila ng mga salita ng Diyos, minsan ay may mga espirituwal na debosyon sila, at minsan, kapag nakikipagbahaginan sila sa amin, sinisipi pa nga nila ang mga salita ng Diyos. Paano Mo ipapaliwanag iyon?” Ibang usapin na iyan; iyan lang ang nakikita sa panlabas, pero sa diwa, ganito tukuyin ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos: “Ang mga salitang sinabi ng nagkatawang-taong anak ng tao ay hindi katumbas ng katotohanan, lalong hindi ito katumbas ng mga salita ng diyos, kaya hindi ko kailangang tanggapin, kainin, inumin ang mga ito o magpasakop sa mga ito.” Gayumpaman, tungkol sa bahagi na ipinahayag ng laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos mula sa perspektiba ng Espiritu, mula sa perspektiba ng pagka-Diyos—Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob—ito ay nakikita ng mga anticristo ngunit hindi nila ito maaabot. Ito ay bahagi ng mga salita ng Diyos na labis nilang kinahuhumalingan. Ano ang ibig sabihin ng pagkahumaling na ito? Ang ibig sabihin nito ay naglalaway ang mga anticristo sa mga salitang ito, iniisip nila, “Dahil sa mismong bahaging ito ng iyong pananalita, ikaw, na isang walang-kuwentang tao, isang hindi kahanga-hangang tao, isang taong walang halaga sa paningin namin, ay naging diyos. Labis itong hindi nararapat, hindi makatarungan!” Gayumpaman, may isang aspekto na itinuturing nila na “dapat ipagdiwang.” Dahil mismo sa pagpapahayag ng bahaging ito ng mga salita ng Diyos kaya natutugunan ang kanilang pagnanais at ambisyon na hangaan at pagpitagan ang Diyos sa langit. Nagbubukas ito ng isang bagong pananaw para sa kanila, at sinasabi nila, “Kahanga-hanga, ang diyos ay talagang diyos! Ang diyos na ito ang siyang mula sa ikatlong langit, ang pinakadakila sa lahat. Karapat-dapat talaga siyang maging diyos; ang pagsasabi ng gayong mga salita ay hindi simpleng bagay. Wala ni isang pangungusap ang mauunawaan ng mga tao, napakalalim ng mga salitang ito, mas malalim pa kaysa sa mga propesiya ng mga propeta!” Tuwing binabasa ng mga anticristo ang mga salitang ito, napupuno ang kanilang puso ng inggit at selos, napupuno ng paghanga para sa Diyos sa langit. Tuwing binabasa nila ang mga salitang ito, nararamdaman nilang sila ang pinakanagmamahal sa Diyos; tuwing binabasa nila ang mga salitang ito, nararamdaman nilang sila ang pinakamalapit sa Diyos. Labis na natutugunan ng mga salitang ito ang kanilang pagkamausisa tungkol sa Diyos. Bagama’t sa bahaging ito ng mga salita ng Diyos, hindi talaga nila nauunawaan kung ano ang mga layunin ng Diyos, ang konteksto ng bawat binigkas na pangungusap ng Diyos, kung ano ang panghuling epekto na layong matamo, o ang kahulugang ipinapahayag sa likod ng mga salita, umaasa pa rin sila sa bahaging ito ng Kanyang mga salita nang may masidhing pananabik. Bakit? Dahil mahirap unawain ang bahaging ito, wala itong pagkatao na makikita sa nagkatawang-taong Diyos, hindi ito sinabi mula sa perspektiba ng pagkatao o mula sa ibang partido. Sa bahaging ito, nakikita nila ang kadakilaan ng Diyos, ang Kanyang pagiging hindi maarok, at Siya ay nakikita rin nila bilang isang bagay na kanilang nakikita ngunit hindi nila maabot. Habang mas nagiging ganito ang kanilang pananaw, mas lalo nilang pinaniniwalaan na ang Diyos sa langit ay umiiral, at na ang Diyos sa lupa ay napakawalang-halaga, na Siya ay mahirap paniwalaan, at hindi karapat-dapat na paniwalaan. Hindi kalabisang sabihin na tinanggap ng ilang tao ang gawain ng Diyos sa mga huling araw dahil sa bahaging ito ng Kanyang mga salita. Pumunta ang ilan sa gawain ng Diyos sa mga huling araw lalo na dahil sa mga salitang ito, at narito ang ilan at naghihintay lang sa katuparan ng bahaging ito ng Kanyang mga salita. Bukod dito, sa pamamagitan ng mga salitang ito, kinumpirma ng ilan ang pag-iral ng Diyos sa langit at kaya mas lalo nilang kinamumuhian ang kababaang-loob at kawalang-halaga ng Diyos sa lupa. Habang lalo nilang binabasa ang bahaging ito ng Kanyang mga salita, lalo din nilang nararamdaman na ang Diyos sa lupa, ang nagkatawang-taong Diyos, ay nagsasalita nang napakababaw. Sinasabi nila, “Ang iyong mga salita ay napakadaling maunawaan. Bakit hindi ka magsabi ng isang bagay na hindi namin mauunawaan? Bakit hindi ka magsalita tungkol sa ilang misteryo? Bakit hindi ka magsalita sa wika ng ikatlong langit? Bakit hindi ka magsalita gamit ang banal na wika? Palawakin mo ang aming pananaw at buksan mo ang aming isipan. Kung magsasalita at kikilos ka nang ganoon, hindi ba’t mas lalaki ang aming pananalig? Hindi ba’t titigil kami sa paglaban sa iyo? Kung magsasalita ka at papangunahan mo kami sa ganoong paraan, hindi ba’t mas tataas ang katayuan mo? Paano ka namin kasusuklaman kung magkagayon?” Hindi ba’t medyo hindi makatwiran ito? Ito ay ganap na hindi makatwiran! Mayroon bang normal na pagkatao ang mga taong hindi makatwiran, mayroon ba silang pag-iisip ng normal na pagkatao? (Wala.) Kaya, mayroon bang normal na pagkamakatwiran ang mga ganitong uri ng mga anticristo, ang grupong ito ng mga taong ganito ang reaksiyon sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Minsan, kapag nakikita Kong nag-uusap ang mga tao, sumasali Ako para makipag-usap sa kanila. Pero nagugulat Ako dahil nag-uusap sila tungkol sa mga napakatayog na paksa kaya hindi Ako makapasok o makasali sa usapan. Sinasabi nila, “Maliwanag na hindi ka akma rito. Hindi mo kayang magsalita sa wika ng ikatlong langit. Nagsasalita kami sa wika ng ikatlong langit, na hindi kayang maunawaan ng mga ordinaryong tao. Ano naman kung ikaw ang diyos? Hindi mo pa rin ito maunawaan, kaya hindi namin kailangang isali ka.” Sabihin mo sa Akin, ano ang dapat Kong gawin sa mga gayong sitwasyon? Dapat matutunan ng mga tao na maging makatwiran. Kapag nakikita Ko silang nagsasalita ng gayong katayog at kamakapangyarihang wika ng ikatlong langit, at hindi Ko maabot ang antas na iyon, dapat umalis na lang Ako kaysa ipahiya Ko ang sarili Ko. Lantarang ipinapangaral ng ilang anticristo ang ganitong mga maling pananampalataya, maling paniniwala, at walang-kabuluhan at impraktikal na mga salita na malinaw na nagmumula kay Satanas, mula sa arkanghel. Ang mga salitang sinasabi nila ay tila sopistikado at matayog kung pakikinggan, hindi maaabot ng karamihan sa normal na tao. Ano ang ibig sabihin ng hindi maaabot? Ibig sabihin, sa sandaling marinig mo ito, makikilala mo na maladiyablong usapan ito, at na dapat mong tanggihan ang mga ito.

Ano ang diwa ng pagtatatwa ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro nila? Nakita mo na ba ito nang malinaw? Ni hindi talaga nila binabasa ang mga salitang ito ng Diyos. Sa simula, dahil sa pagkamausisa, pinapasadahan nila ang mga salita ng Diyos nang paimbabaw. Pagkatapos ng isang mabilisang pagtingin, iniisip nila, “Karamihan sa mga salitang ito ay hindi karapat-dapat na basahin, walang praktikal, mahalaga, o makabuluhan sa mga ito, walang bagay na karapat-dapat sa malalim na pagsasaliksik.” Habang nagbabasa sila, nasusumpungan nila ang bahagi na, Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob. Pakiramdam nila, ang bahaging ito ay may pagkabanal ang wika, may taas at lalim, karapat-dapat sa pagsisiyasat at pagsasaliksik ng tao—akma ito sa kanilang panlasa. Ano ang inaasahan nila ngayon? “Sino ang makapagpapaliwanag ng bahaging ito? Ano ba mismo ang layunin ng diyos? Ano ang ibig sabihin ng bawat sipi ng mga salita ng diyos, at paano ito maisasakatuparan?” Ito ang pinakagustong malaman ng mga anticristo, pero hindi nila ito maunawaan nang sila lang. Sa tingin ba ninyo ay dapat silang sabihan? (Hindi na kailangan.) Bakit hindi? Karapat-dapat bang marinig ng mga diyablo ang mga salita ng Diyos? Karapat-dapat bang malaman nila ang mga misteryo ng Diyos? (Hindi.) Ang mga misteryo ng Diyos ay ibinubunyag sa mga nananampalataya, sumusunod, at nagpapasakop sa Kanya, at itinatago mula sa mga diyablo at mga Satanas; hindi karapat-dapat ang mga ito. Samakatwid, kung isang araw ay magpasya ang Diyos na ibunyag ang mga misteryo at ang diwa ng bahaging ito ng Kanyang mga salita, pati na rin ang mga ugat at konteksto ng mga salitang ito, ibubunyag lang ito sa hinirang na mga tao ng Diyos, para malaman nila, pero hindi kailanman sa mga Satanas o mga diyablo. Kung kayo ay mga naghahangad sa katotohanan at mapalad na makakapanatili hanggang sa wakas, magkakaroon kayo ng pagkakataong maunawaan ang nilalaman ng bahaging ito ng Kanyang mga salita. Maraming misteryo sa mga salita ng Diyos at gayundin sa Kanyang gawain. Halimbawa, ang kasalukuyang pagkakatawang-tao ng Diyos; bagama’t—humigit-kumulang, at sa iba’t ibang antas—may ilang hindi gaanong malinaw na propesiya tungkol dito sa Bibliya at sa mga nakaraang hula, ang lahat ng propesiyang ito ay medyo lihim. Ang kasalukuyang pagkakatawang-tao ng Diyos, sa buong sangkatauhan at sa buong anim na libong taong plano ng pamamahala, ay ang pinakamalaking misteryo at ang pinakalihim na usapin. Hindi alam ng mga tao, hindi alam ng mga anghel, hindi alam ng lahat ng nilikha ng Diyos; kahit si Satanas, ang pinakamahusay, ay hindi alam ang tungkol dito. Bakit hindi nito alam? Kung gusto ng Diyos na sabihin ito rito, hindi ba’t magiging napakadali na malaman nito? Kaya bakit hindi nito alam? Isang bagay ang tiyak: Ayaw ng Diyos na malaman nito. Kahit na maraming palatandaan, maraming propesiya, at maraming katunayan na tumutukoy sa kaganapang ito, na nagpapahiwatig at nagpapahayag na mangyayari ito, hangga’t ayaw ng Diyos na malaman nito, hindi ito kailanman malalaman ni Satanas. Ito ay isang katunayan. Sasabihin ito ng Diyos nang direkta kay Satanas kapag gusto Niyang malaman nito. Kung hindi sasabihin ng Diyos kay Satanas at hindi Niya ito binabanggit, kahit na lumitaw ang mga katunayang ito at ang mga bagay na batay sa propesiya, maaari itong bulagin ng Diyos, at hindi nito malalaman ito. Mahusay ba ang kakayahan ni Satanas? Kung titingnan sa ganitong paraan, hindi. Pagdating sa gayong makabuluhang gawa tulad ng pagkakatawang-tao ng Diyos, sa mundo man ng tao, sa materyal na mundo, o sa espirituwal na mundo, hindi ba’t magkakaroon ng ilang palatandaan nito? Kung sama-samang titingnan ang lahat ng palatandaang ito, magiging madaling makita ang gawang ito na layong isakatuparan ng Diyos. Kaya bakit hindi ito alam ni Satanas? Bakit, pagkatapos ng napakaraming taon ng paggawa ng Diyos sa bayan ng malaking pulang dragon, hindi nito nauunawaan ang kahalagahan ng gawa na isinakatuparan ng Diyos? Kapag napagtanto na ito nito, natapos na ang gawang ito, hindi na ito mapapakialaman ni Satanas, at naitakda na ang mga resulta at bunga ng gawang ito. Sa oras na iyon, hindi ba’t masyado nang huli para kay Satanas na matuklasan ang katotohanan? Hindi ba’t natutupad nito ang kasabihang “Palaging magiging isang talunang kaaway si Satanas sa mga kamay ng Diyos”? Ganoon mismo. Nagkakamali ang mga anticristo sa paniniwala na hangga’t hindi umaayon ang mga salita ng Diyos sa mga kuru-kuro o panlasa ng tao, maitatatwa nila ang mga ito at pagkatapos ay hindi na magiging Diyos ang Diyos. Iniisip nila na hindi makakagawa ng anumang makabuluhan ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ni hindi ito maaaring maging isang katunayan. Hindi ba’t isa itong malaking pagkakamali? Nagkamali sila ng kalkulasyon at nahulog sila sa sarili nilang patibong. Bakit sila nahulog sa sarili nilang patibong? Ang paraan ng pagsasalita at paggawa ng Diyos para iligtas ang mga tao ay sa pamamagitan mismo ng paggamit sa mga hindi kapansin-pansing salita na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao o na mukhang dakila. Ang mismong nakatagong nilalaman ng mga mapagpakumbabang salitang ito ang naglalaman ng mga layunin ng Diyos, ng katotohanan, ng daan, at ng buhay. Sapat na ang mga salitang ito para iligtas ang tiwaling sangkatauhang ito at maisakatuparan ang plano ng pamamahala ng Diyos. Samantala, ang mga kumokondena sa mga ordinaryong salitang ito ay ititiwalag, kokondenahin, at sa huli ay paparusahan. Nagkakamali sila sa pag-iisip na, “Hindi ko tatanggapin ang mga salita mong ito, hindi ko pinahahalagahan ang mga ito! Hindi umaayon ang mga salita mo sa mga kuru-kuro ko, hindi umaayon ang mga ito sa aking mga kuru-kuro, pananaw, o paraan ng pag-iisip, kaya matatanggihan ko ang mga ito, malalabanan at kokondenahin ko ang mga ito, at pagkatapos ay wala kang anumang maisasakatuparan!” Mali sila. Ang hindi pagtanggap ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos ay ang kanilang pagkahulog sa sarili nilang patibong; hindi kailanman nilayon ng Diyos na tumanggap sila, at bakit ganoon? Dahil nabibilang sila kay Satanas, sa mga diyablo. Hindi kailanman plinano ng Diyos na iligtas sila o baguhin sila; iyon ang katunayan. Kaya, ano ang nananaig na katunayan? Ang mga anticristo, sa pamamagitan ng pagtatatwa, pagkondena, at pagtanggi sa mga salita ng Diyos, ay kinokondena at itinataboy ng Diyos. Ano ang dapat ninyong maunawaan mula rito? Ang mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay hindi dahilan para hindi mo tanggapin ang mga ito. Ang mga bahagi ng mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro mo ay hindi nangangahulugang hindi ang katotohanan ang mga ito, at hindi iyon dahilan para itanggi mo ang mga ito. Sa kabaligtaran, kung mas hindi umaayon ang mga salita ng Diyos sa mga kuru-kuro mo, mas dapat mong isantabi ang mga kuru-kuro mo para hanapin ang katotohanan. Habang lalong hindi umaayon ang mga salita ng Diyos sa mga kuru-kuro mo, mas lalong kinakatawan ng mga ito kung ano ang wala sa iyo, kung ano ang kulang sa iyo, kung ano ang kailangan mong punan, at lalo na kung ano ang kailangan mong hanapin para baguhin at pasukin. Ito ang dapat ninyong maunawaan.