Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaapat na Bahagi) Unang Seksiyon
II. Kinamumuhian ang Laman Kung Saan Nagkatawang-tao ang Diyos
Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalawang maliit na paksa ng ikasampung pagpapamalas ng mga anticristo na—kinamumuhian ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Saan ba tayo natapos sa ating pagbabahaginan? (Depende sa kanilang pakiramdam ang pagtrato ng mga anticristo kay Cristo.) Umabot na tayo sa aytem ng “depende sa kanilang pakiramdam ang pagtrato nila kay Cristo.” Unahin nating balikan kung anong mga aspekto ang pinagbahaginan. Ilang sitwasyon ang nahimay patungkol sa “depende sa kanilang lagay ng loob”? (Mayroong limang sitwasyon: ang kanilang pag-uugali kapag naharap sila sa pagpupungos, ang kanilang pag-uugali kay Cristo noong Siya ay tinutugis, kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, kapag sila ay itinataas ng ranggo o tinatanggal, at kapag nahaharap sa iba’t ibang kapaligiran.) Iyon na halos ang lahat. Kapag kayo ay nakikinig sa nilalaman ng mga aspektong ito, naririnig lamang ba ninyo ang mga pangyayari sa loob nito, o ikinukumpara ba ninyo ang mga ito sa inyong sarili, nakakamit at nauunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng mga pangyayaring ito? Anong perspektiba ang ginagamit ninyo sa pakikinig? (Kapag inilalantad at hinihimay ng Diyos ang mga kalagayan at pagpapamalas na ito, naikukumpara ko ang mga ito sa aking sarili. Minsan, ang aking pag-uugali ay maaaring hindi ganap na kapareho ng mga pagpapamalas ng mga anticristo, ngunit ang naibunyag na disposisyon at kalikasang diwa ay pareho.) Ang mga kalagayan, pagpapamalas, at diwa na inilalantad ay umiiral sa iba’t ibang antas sa lahat ng tao. Sa simula na nananalig ang mga tao sa Diyos, mahirap para sa kanila na mapansin ang mga pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyong ito sa kanilang sarili, ngunit habang ang kanilang karanasan sa pananalig sa Diyos ay unti-unting lumalalim, hindi nila namamalayan na nagkakaroon sila ng kaalaman sa ilang disposisyon at pag-uugali. Samakatwid, hindi mahalaga kung ang mga partikular na pagpapamalas na may kaugnayan sa nilalaman ng ating tinatalakay ay may kasalukuyang kaugnayan sa iyo o kung ikaw ay may gayon nang mga pag-uugali noon, hindi ibig sabihin na ang mga isyung ito ay walang kaugnayan sa iyo; hindi ibig sabihin na hindi mo gagawin ang gayong mga bagay sa hinaharap, ni hindi ibig sabihin na wala kang gayong mga disposisyon at pag-uugali. Mahigit isang taon na nating pinagbabahaginan at inilalantad ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Dahil mahigit isang taon na ang pagtatalakay sa isang paksa at hindi pa rin ito natatapos, sa palagay ninyo, partikular at detalyado ba ang nilalaman ng ating pagbabahaginan? (Ito ay detalyado.) Ito ay lubos na partikular at detalyado! Kahit umabot na sa ganitong antas ang pagbabahaginan, maraming tao pa rin ang nagpapakita ng kanilang mga orihinal na pag-uugali, na hindi nagbabago kahit kaunti. Ibig sabihin, ang mga salitang sinabi at ang mga kalagayan, disposisyon, at diwang inilalantad ay hindi nakakatulong sa kanila kahit kaunti. Sa panahong ito, mayroon pa ring ilan na patuloy na kumikilos nang walang pakundangan at walang moralidad, kumikilos nang arbitraryo at diktatoryal, at kumikilos nang walang pakialam at nang padalos-dalos. Gaya pa rin sila ng dati, o mas lalong nagiging walang pakundangan matapos magkaroon ng katayuan, ibinubunyag ang kanilang sarili nang mas lubusan. Dagdag pa rito, palaging may ilang tao na pinapalitan at pinapaalis—ano ang nangyayari dito? (Ito ay dahil ang mga taong ito ay hindi kailanman tinanggap ang katotohanan; nakarinig sila ng napakaraming sermon ngunit hindi nila isinapuso ang mga ito.) Ang isa sa mga dahilan ay iyong hindi kailanman tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan; tutol sila sa katotohanan at hindi nila minamahal ang mga positibong bagay. Ang isa pang dahilan ay likas nilang taglay ang diwa ng mga anticristo, na hindi kayang tanggapin ang katotohanan o mga positibong bagay. Kaya, kahit na nagbahagi at naglantad Ako ng tungkol sa iba’t ibang diwa at pagpapamalas ng mga anticristo nang napakapartikular, ang mga anticristo at masamang taong ito ay kumikilos pa rin nang walang pakundangan at walang takot, na ginagawa ang anumang nais nila. Hindi ba’t ito ay tinutukoy ng kanilang diwa? Talagang imposibleng baguhin ng mga taong ito ang kanilang kalikasan; hindi sila naaapektuhan ng mga sermon gaano man karami ang marinig nila, at hindi rin sila nagsisisi. Batay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ang kanilang saloobin sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, at ang paraan ng kanilang paggawa sa mga ito, hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at ang kanilang disposisyon ay hindi nagbago kahit kaunti; ang mga salitang ito ay parang pangangaral sa mga bingi—ganap na walang epekto. Ang mga salitang ito ay hindi nakakaapekto sa mga anticristo, ngunit nagkaroon ba ang mga ito ng partikular na epekto sa inyo dahilan para magpigil kayo? Naging dahilan ba ang mga ito para limitahan ninyo ang ilang pag-uugali at itaas ang pamantayan ng inyong konsensiya at moralidad? (Medyo.) Kung walang naging ganitong epekto ang mga ito sa isang tao, sila ba ay tao pa rin? Hindi na; sila ay mga diyablo. Siyempre, pagkatapos marinig ang mga salitang ito, karamihan sa mga tao ay nagkaroon na ng kaunting pagkilatis sa iba’t ibang disposisyong diwa ng mga anticristo, at nagkaroon na ng pagkamuhi sa mga disposisyon ng mga anticristo mula sa kanilang kaibuturan, habang nagkakamit din ng kaunting pagkaunawa at kaalaman sa kanilang sariling mga tiwaling disposisyong diwa. Ito ay isang magandang tanda, isang mabuting bagay. Ngunit mayroon bang mga tao na lalong nagiging negatibo habang mas nakikinig sila? Pagkarinig nila sa mga salitang ito, iniisip nila, “Wala na. Sa tuwing inilalantad ang mga pagpapamalas, kalagayan, at disposisyon ng mga anticristo, ganap na tumutugma ang mga ito sa akin. Walang pagkakataon na hindi nauugnay ang mga ito sa akin. Kailan ko kaya ganap na maihihiwalay ang sarili ko mula sa disposisyon ng mga anticristo? Kailan ko kaya maipapakita ang ilang pagpapamalas ng mga tao ng Diyos, ng mga minamahal na anak ng Diyos?” Habang mas nakikinig sila, lalo silang nagiging negatibo, lalo nilang nararamdaman na wala silang landas na susundan. Normal ba ang reaksiyong ito? (Hindi.) Nakakaramdam ba kayo ng pagkanegatibo? (Hindi.) Sa tuwing naririnig ninyo Akong inilalantad ang mga pagpapamalas at kaganapan ng mga anticristo, ito ba ay nagdudulot ng kirot o pagkaasiwa? Nahihiya ba kayo? (May kirot ito, nahihiya kami.) Anuman ang inyong nararamdaman, ang katunayan na hindi ito nagdudulot ng pagiging negatibo ay mabuti; kayo ay nakapanindigan. Gayumpaman, hindi sapat ang hindi pagiging negatibo; hindi nito naaabot ang layon, hindi ito ang panghuling mithiin. Kailangan ninyong maabot ang pagkilala sa inyong sarili sa pamamagitan ng mga salitang ito. Hindi ito tungkol sa pag-unawa sa isang aspekto ng pag-uugali kundi tungkol sa pagkilala sa inyong sariling disposisyon at diwa. Ang pagkaunawang ito ay dapat magbigay-kakayahan sa inyo na mahanap ang daan ng pagsasagawa sa buhay at sa proseso ng paggawa ng inyong tungkulin, na nalalaman kung anong mga kilos ang naaayon sa pag-uugali ng mga anticristo, kung anong mga kilos ang nagbubunyag ng disposisyon ng isang anticristo, at kung anong mga kilos ang may prinsipyo. Kung makakamit mo ito, hindi naging walang saysay ang pakikinig mo sa mga salitang ito; nagkaroon ng epekto ang mga ito sa iyo. Kasunod nito ay ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikaapat na pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang nagkatawang-taong Diyos—pakikinig lang sa sinasabi ni Cristo, pero hindi sumusunod o nagpapasakop.
D. Pakikinig Lang sa Sinasabi ni Cristo, Pero Hindi Sumusunod o Nagpapasakop
Ang mga anticristo ay nakikinig lang sa sinasabi ni Cristo, pero hindi sumusunod o nagpapasakop; kung gayon, paano sila nakikinig? Ang pariralang ito ay pangunahing nagbubuod ng kanilang saloobin sa pakikinig: Walang pagsunod, walang tunay na pagpapasakop; hindi sila tumatanggap mula sa puso, kundi nakikinig lamang gamit ang kanilang mga tainga, hindi nakikinig o umiintindi gamit ang kanilang puso. Kung titingnan ito nang literal, ang pag-uugali at disposisyon ng mga anticristo sa aspektong ito ay maaaring ibuod sa mga pangunahing elementong ito. Mula sa perspektiba ng disposisyong diwa ng mga anticristo, ang mga gayong tao ay hindi sumusunod ni sumusuko sa anumang nagmumula sa Diyos o anumang itinuturing na mabuti at positibo ng Diyos o ng mga tao, at anumang naaayon sa mga likas na batas; sa halip ay minamaliit nila ang mga gayong bagay, at may sarili silang mga perspektiba at pananaw. Ang mga perspektiba ba nila ay naaayon sa mga tuntunin at batas ng mga positibong bagay? Hindi. Ang mga perspektiba nila ay nahahati sa dalawang aspekto: Ang isa ay ang mga batas ni Satanas, at ang isa pa ay naaayon sa mga interes at kalikasang diwa ni Satanas. Samakatwid, patungkol sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, ang mga perspektiba at saloobin ng mga anticristo ay pangunahing nahahati sa dalawang bagay: Ang isa ay ang lohika at mga batas ni Satanas, at ang isa pa ay ang disposisyong diwa ni Satanas. Si Cristo ang tagapagsalita ng Diyos habang gumagawa Siya ng isang yugto ng gawain sa lupa, Siya ang pagpapahayag at pagkakatawang-tao ng Diyos habang gumagawa Siya ng isang yugto ng gawain sa lupa. Para sa gayong papel, ang mga anticristo, bukod sa pagiging mausisa, mahilig magsiyasat, at pagtrato kay Cristo gaya ng sa isang tao na may katayuan na dapat bolahin, ay walang tunay na pananalig at pagsunod sa kanilang puso, lalo pa ang tunay na pagmamahal at pagpapasakop. Patungkol kay Cristo, isang pigura na tila walang halaga sa mga mata ng tiwaling sangkatauhan, ang Kanyang anyo ay ordinaryo at normal; ang Kanyang pananalita, pag-uugali, at tindig, gayundin ang lahat ng aspekto ng Kanyang pagkatao, ay ordinaryo at normal din. Higit pa rito, ang anyo, gawi, paraan ng Kanyang gawain ay lumilitaw na lubhang ordinaryo, normal, at praktikal sa mata ng lahat. Ang mga ito ay hindi kahima-himala, hindi hungkag, hindi malabo, at hindi hiwalay sa totoong buhay. Sa madaling salita, sa panlabas, si Cristo ay hindi mukhang mataas. Ang Kanyang pananalita, mga kilos, at tindig ay hindi malalim o abstrakto. Kung oobserbahan gamit ang mga mata ng tao, walang mga hiwaga ang makikita, ni kahit na ano ang maaarok; Siya ay napakapraktikal, napakanormal. Bago natin talakayin ang diwa at kalikasan ng lahat ng gawaing isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao, isaalang-alang natin ang lahat ng nakikitang panlabas na bagay tungkol sa papel ng Diyos na nagkatawang-tao: ang Kanyang pananalita, pag-uugali, tindig, pang-araw-araw na gawain, personalidad, mga interes, antas ng edukasyon, ang mga isyung Kanyang pinahahalagahan at tinatalakay, ang Kanyang paraan ng pakikitungo at pakikisalamuha sa mga tao, gayundin ang mga bagay na sinasabi Niyang alam Niya, at iba pa. Sa pananaw ng tao, ang lahat ng ito ay hindi kahima-himala, mataas, o hungkag, kundi lalong praktikal. Ang lahat ng aspektong ito ay isang pagsubok para sa lahat ng taong sumusunod kay Cristo; ngunit para sa mga tunay na nananalig sa Diyos, na may konsensiya at katwiran, kapag naunawaan na nila ang ilang katotohanan, ibinubuod nila ang lahat ng normal at praktikal na pagpapamalas ni Cristo sa panlabas sa kategorya ng Diyos na nagkatawang-tao upang makaunawa, makaarok, at makapagpasakop. Gayumpaman, ang mga anticristo lamang ang hindi gumagawa nito; hindi nila ito magawa. Sa kaibuturan ng kanilang puso, ang gayong isang labis na ordinaryong pigura na tulad ni Cristo ay tila may kakulangan para sa kanila. Ano mismo ang kulang? Sa kaibuturan nila, madalas na nararamdaman ng mga anticristo na ang gayong ordinaryong tao ay tila hindi diyos. Madalas din nilang iginigiit na ang gayong ordinaryong tao ay dapat na magsalita, kumilos, at umasal sa isang paraan na, para sa kanila, ay akma sa tunay na diyos, sa cristo na nasa imahinasyon nila. Samakatwid, kung titingnan ang kaibuturan ng puso ng mga anticristo, ayaw nilang tanggapin ang gayong ordinaryong tao bilang kanilang panginoon, bilang kanilang diyos. Kapag mas normal, praktikal, at ordinaryo ang isang aspekto ni Cristo, ito ay mas lalong hinahamak, inaalipusta, at pinakikitunguhan pa nga nang may pagkamapanlaban ng mga anticristo. Sa gayon, patungkol sa anumang aspekto ng pag-uugali ni Cristo, kasama ang Kanyang mga salita, sa kaibuturan ng mga anticristo ay hindi nila matanggap ang mga ito, at lumalaban pa nga sila sa mga ito.
Ano ang kabilang sa mga sinasabi ni Cristo? Minsan, tungkol ito sa paggawa ng mga pagsasaayos sa gawain, minsan ay pagpuna sa mga pagkukulang ng isang tao, minsan ay paglalantad sa tiwaling diwa ng isang uri ng tao, minsan ay pagsusuri sa diwa at sa lahat ng detalye ng isang isyu upang himayin ang mga problemang nasasangkot, minsan ay paghatol sa kung ano ang tama at mali sa isang usapin, minsan ay pagtukoy sa kahihinatnan ng isang uri ng tao, minsan ay pagtataas ng ranggo ng ilang tao, minsan ay pagtatanggal ng ilang tao, minsan ay pagpupungos sa ilang tao, at minsan ay pag-alo at pagpayo sa ilang tao. Siyempre, bukod sa mga katotohanang nauugnay sa buhay disposisyon ng mga tao na binabanggit ni Cristo sa Kanyang gawain, madalas din Niyang tinatalakay ang lahat ng uri ng bagay, pati na ang ilang paksang nauugnay sa kaalaman ng tao at sa iba’t ibang larangan ng propesyon. Si Cristo ay isang normal at praktikal na tao; hindi Siya namumuhay nang hiwalay sa iba. Mayroon Siyang mga kaisipan at pananaw sa lahat ng bagay na may kinalaman sa pag-iral at buhay ng tao, at hinaharap Niya ang mga bagay na ito ayon sa mga prinsipyo. Kung ang mga prinsipyong ito ay nauugnay sa mga paksa ng kaligtasan ng mga tao, sa buhay pagpasok ng mga tao, sa pagsamba sa Diyos, masasabi bang ang mga ito ay pawang ang katotohanan? (Oo.) Ang mga salita tungkol sa kaalaman ng tao, pilosopiya, at ilang propesyonal na usapin na sinasabi ni Cristo ay hindi direktang matatawag na katotohanan, ngunit naiiba ang pananaw, saloobin, at prinsipyo ng mga ito mula sa nalalaman ng mga tao sa mga paksang ito. Halimbawa, ang mga tao ay maaaring magkaroon ng isang magalang na saloobin para sa isang bahagi ng kaalaman, namumuhay sila ayon dito, samantalang si Cristo ay kayang himayin at kilatisin ang lahat ng uri ng kaalaman at tratuhin ang mga ito nang tama. Halimbawa, ang inyong kahusayan sa isang partikular na propesyon at ang inyong kadalubhasaan sa kaugnay na kaalaman. Ano ang makakamit ninyo kung gagamitin ninyo ang kaalamang ito? Paano ninyo ginagamit ang kaalamang ito sa proseso ng paggawa ng inyong tungkulin? Mayroon bang nasasangkot na mga katotohanang prinsipyo? Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ibig sabihin ay walang mga prinsipyo, at umaasa ka lamang sa kaalaman sa paggawa mo ng iyong tungkulin. Bagama’t maaaring hindi Ako eksperto sa propesyon na iyon o wala Akong malalim na pagkaunawa sa kaalamang iyon, ang pagkaarok lamang sa pangkalahatang ideya at pagkaalam sa ilang pundamental na kaalaman, alam Ko kung paano gamitin ang kaalamang ito sa isang paraan at nang may mga prinsipyo na nagbibigay-kakayahan dito na maglingkod nang epektibo sa gawain ng Diyos. Ito ang pagkakaiba. Dahil hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, hindi nila kailanman matatanto ang puntong ito at hindi nila kailanman mauunawaan kung ano ang tunay na diwa ni Cristo. Taglay ni Cristo ang diwa ng Diyos—saan eksaktong ipinapakita at ipinapamalas ang pahayag na ito, paano ito dapat tratuhin ng mga tao, at ano ang mga benepisyo at pakinabang na natatanggap ng mga tao mula rito? Hindi kailanman makikita ng mga anticristo ang aspektong ito. Bakit ganoon? Mayroong isang napakahalagang dahilan: Paano man tingnan ng mga anticristo ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, nakikita lamang nila ang isang tao. Nagsusukat sila mula sa perspektiba ng tao, gamit ang kaalaman, karanasan, katalinuhan, pagpapakana, at panlalansi ng tao upang tumingin, ngunit paano man sila tumingin, hindi sila makakita ng anumang espesyal sa taong ito, ni hindi nila matukoy na Siya ay may diwa ng Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, makikita ba nila ito gamit ang kanilang mga mata lamang? (Hindi.) Paano kung gumamit sila ng mikroskopyo o ng X-ray? Mas lalong hindi nila makikita ito. May ilang taong nagtatanong: “Kung hindi ito makikita gamit ang mga mata o ang mikroskopyo, maaari ba itong makita ng mga may ugnayan sa espirituwal na mundo?” (Hindi.) Ang mga may ugnayan sa espirituwal na mundo ay maaaring makita ang loob ng mundong iyon at ang mga espiritu, kaya bakit hindi nila makilatis ang Diyos na nagkatawang-tao? Sa tingin ninyo, kaya bang makita ni Satanas ang Diyos sa espirituwal na mundo? (Oo.) Tulad ng Diyos, umiiral si Satanas sa espirituwal na mundo, ngunit kinikilala ba nito ang Diyos bilang Diyos? (Hindi.) Sumusunod o nananalig ba ito sa Diyos? (Hindi.) Kayang makita ni Satanas ang Diyos araw-araw, ngunit hindi ito nananalig ni sumusunod sa Kanya. Kaya, kahit na kayang makita ng mga may ugnayan sa espirituwal na mundo ang Espiritu ng Diyos, kikilalanin ba nila ang Espiritu na ito bilang Diyos? (Hindi.) Nalutas ba ng paliwanag na ito ang ugat ng isyu? (Oo.) Ano ang ugat dito? (Hindi nila kinikilala ang Diyos at hindi nila kinatatakutan ang Diyos.) Sa kaibuturan, hindi kinikilala ng mga anticristo ang Diyos. Ang kanilang mga ninuno, ang kanilang mga ugat, ay hindi kinilala ang Diyos. Kahit na nasa harapan na nila ang Diyos, hindi nila kinikilala o sinasamba ang Diyos. Kung gayon, paano nila sasambahin ang Diyos na nagkatawang-tao, na mukhang napakaordinaryo at walang halaga? Talagang hindi nila magagawa ito. Samakatwid, anuman ang pamamaraan na ginagamit ng mga anticristo upang makakita, walang silbi ito. Mula noong simulan ng Diyos ang Kanyang gawain hanggang sa ngayon, nagsalita na ang Diyos ng napakaraming salita at gumawa na ng napakadakilang gawain. Hindi ba’t ito ang pinakamalaking tanda at hiwaga sa mundo ng tao? Kung magagawa itong kilalanin ng mga anticristo, nanalig na sana sila noon pa; hindi na sana sila naghintay hanggang ngayon. May ilang tao bang nag-iisip, “Hindi pa sapat ang nakikita ng mga anticristo sa mga aktuwal na gawa ng Diyos, kaya hindi pa sila kumbinsido; kung magpapakita ang Diyos ng ilang tanda at hiwaga, kung ipapakita Niya sa kanila kung ano talaga ang espirituwal na mundo, at kung makikita nila ang tunay na persona ng Diyos at na ang lahat ng Kanyang mga salita ay natupad, kung magkagayon ay kikilalanin at susundan nila ang Diyos”? Ganoon ba iyon? Sa espirituwal na mundo, maraming taon nang nakikipagtalo ang mga anticristo sa Diyos nang hindi nakukumbinsi, kaya bigla na lang ba silang magpapasakop sa loob lamang ng ilang taon? Imposible iyon; ang kanilang kalikasang diwa ay hindi nababago. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay gumawa ng napakaraming gawain at nagsalita ng napakaraming salita, ngunit wala ni isa sa mga ito ang makalulupig sa kanila, ni hindi nila makilala ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Ito ang kanilang likas na kalikasan. Ano ang ipinapahiwatig ng kalikasang ito? Nangangahulugan ito na ang mga tulad ng mga anticristo ay makikipagdigma sa Diyos, sa katotohanan, at sa mga positibong bagay magpakailanman, makikipaglaban hanggang sa huling sandali, hindi titigil hanggang sa kamatayan. Hindi ba’t sila ang nararapat na maging pakay ng pagkawasak? Ano ang ibig sabihin ng “hindi titigil hanggang sa kamatayan”? Ibig sabihin, mas gugustuhin nilang mamatay kaysa kilalanin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, mas gugustuhin nilang mamatay kaysa magpasakop sa Diyos. Ito ay karapat-dapat sa kamatayan.
Ang mga anticristo, pagdating kay Cristo, sa ordinaryong taong ito, ay hindi lamang sinisiyasat ang panlabas ni Cristo kundi pati na rin ang loob Niya. Kaya, kapag nagsasalita at kumikilos si Cristo, nagpapakita ang mga anticristo ng iba’t ibang pag-uugali. Ilantad natin ang kanilang kalikasang diwa sa pamamagitan ng iba’t ibang pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo bilang tugon sa mga salita at kilos ni Cristo. Halimbawa, kapag nagbabahagi si Cristo sa mga tao tungkol sa gawain at sa mga katotohanang prinsipyo, binabanggit Niya ang ilang partikular na pagsasagawa. Kasama rito kung paano dapat partikular na isagawa at ipatupad ng mga tao ang isang gawain habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin. Sa pangkalahatan, walang gawain na tungkol sa pagtatalakay sa teorya, pagsigaw ng mga islogan, pagpukaw sa lahat, at pagkatapos ay pagpapanata sa lahat, at doon na iyon nagtatapos; ang bawat gawain na nauugnay sa tungkulin ay komplikado at may kasamang ilang partikular na detalye. Halimbawa: Paano pumili ng tamang tao; paano harapin at tratuhin ang iba’t ibang kalagayan ng iba’t ibang tao; paano harapin ang iba’t ibang problema na lumilitaw sa proseso ng paggawa sa tungkulin nang ayon sa mga prinsipyo; paano kamtin ang matiwasay na pakikipagtulungan sa pagitan ng mga tao nang hindi kumikilos nang walang pakundangan at diktatoryal, o nagiging padalos-dalos at walang pakialam; at iba pa, na sumasaklaw sa iba’t ibang paksa. Kapag kailangang magpatupad ng mga tao ng partikular na gawain na pinagbahaginan ni Cristo at kapag namamahala sila sa mga partikular na proyekto, maaari silang maharap sa mga suliranin. Madali ang pagsigaw ng mga islogan at pangangaral ng mga doktrina, ngunit ang aktuwal na pagpapatupad ay hindi ganoon kasimple. Sa pinakamababa, kailangan ng mga tao na magsikap, magbayad ng halaga, at maglaan ng oras upang aktuwal na maisagawa ang mga gawain. Kasama rito, sa isang aspekto, ang paghahanap ng mga angkop na indibidwal, at, sa iba pang aspekto, ang pag-aaral tungkol sa nasasangkot na propesyon, pagsasaliksik sa karaniwang kaalaman at mga teorya na nauugnay sa iba’t ibang propesyonal na aspekto, at ang mga partikular na diskarte at pamamaraan ng operasyon. Bukod dito, maaari silang maharap sa ilang mahirap na isyu. Sa pangkalahatan, ang mga normal na tao ay nakakaramdam ng kaunting panghihina ng loob kapag naririnig ang tungkol sa mga suliraning ito, nakadarama sila ng presyur, ngunit ang mga tapat at mapagpasakop sa Diyos, kapag nahaharap sa mga suliranin at nakadarama ng presyur, ay tahimik na nananalangin sa kanilang puso, humihiling ng paggabay sa Diyos, upang madagdagan ang kanilang pananalig, para sa kaliwanagan at tulong, at humihiling din ng proteksiyon mula sa paggawa ng mga pagkakamali, para matupad nila ang kanilang katapatan at makapagsikap sila nang husto upang magkaroon ng malinis na konsensiya. Gayumpaman, ang mga tulad ng mga anticristo ay hindi ganito. Kapag naririnig nila ang tungkol sa mga partikular na mga pagsasaayos sa gawain mula kay Cristo na kailangan nilang ipatupad at na may ilang suliranin dito, nagsisimula silang makaramdam ng paglaban sa loob nila, at ayaw na nilang magpatuloy. Ano ang anyo ng pag-ayaw na ito? Sinasabi nila: “Bakit hindi kailanman nangyayari sa akin ang magagandang bagay? Bakit palagi akong binibigyan ng mga problema at mga hinihingi? Ako ba ay itinuturing na walang ginagawa o isang aliping dapat utus-utusan? Hindi ako madaling manipulahin! Sinasabi mo ito nang napakadali, bakit hindi mo mismo ito subukang gawin!” Ito ba ay pagpapasakop? Ito ba ay isang saloobin ng pagtanggap? Ano ang kanilang ginagawa? (Lumalaban, sumasalungat.) Paano lumilitaw ang paglaban at pagsalungat na ito? Halimbawa, kung sasabihan silang, “Bumili ka ng ilang kilo ng karne at magluto ng adobo para sa lahat,” tututulan ba nila ito? (Hindi.) Ngunit kung sasabihin sa kanila, “Ngayon, bungkalin mo ang lupang iyon, at habang nagbubungkal ka, kailangan mong tapusin ang pag-aalis ng mga bato bago ka kumain,” aayaw na sila. Kapag may kasama nang pisikal na hirap, suliranin, o presyur, lumilitaw ang kanilang pagkayamot, at ayaw na nilang magpatuloy; nagsisimula silang lumaban at magreklamo: “Bakit hindi nangyayari sa akin ang magagandang bagay? Kapag oras na para sa mga madaling gawain, bakit hindi ako napapansin? Bakit ako ang pinipili para sa mahirap, nakakapagod, o maruming gawain? Ito ba ay dahil tila wala akong muwang at madaling manipulahin?” Dito nagsisimula ang panloob na paglaban. Bakit masyado silang mapanlaban? Ano ang “marumi at nakakapagod na gawain”? Ano ang “mga suliranin”? Hindi ba’t lahat ng ito ay bahagi ng kanilang tungkulin? Ang sinumang itinalaga ay dapat itong gawin; ano pa ba ang dapat pagpilian? Ito ba ay tungkol sa sadyang pagpapahirap sa kanila? (Hindi.) Ngunit naniniwala sila na ito ay sadyang pagpapahirap sa kanila, paglalagay ng presyur sa kanila, kaya hindi nila tinatanggap ang tungkuling ito mula sa Diyos at ayaw nilang tanggapin ito. Ano ang nangyayari dito? Ito ba ay na kapag nahaharap sila sa mga suliranin, kailangang magtiis ng pisikal na hirap, at hindi na makapamuhay nang komportable, ay nagiging mapanlaban na sila? Ito ba ay pagpapasakop nang walang kondisyon, nang walang reklamo? Umaayaw na sila sa pinakamaliit na suliranin. Anumang bagay na ayaw nilang gawin, anumang gawain na sa tingin nila ay mahirap, hindi kanais-nais, nakakababa, o minamaliit ng iba, ay labis nilang nilalabanan, tinututulan, at tinatanggihan, hindi sila nagpapakita ng kahit kaunting pagpapasakop. Ang unang reaksiyon ng mga anticristo kapag nahaharap sa mga salita, mga utos ni Cristo, o sa mga prinsipyong Kanyang ibinabahagi—sa sandaling magdulot ito ng suliranin sa kanila o kinakailangan nilang magdusa o magbayad ng halaga—ay paglaban at pagtanggi, nakadarama sila ng pagkasuklam sa kanilang puso. Gayumpaman, pagdating sa mga bagay na nais nilang gawin o na may pakinabang sa kanila, iba ang kanilang saloobin. Ang mga anticristo ay nagnanais na mamuhay nang komportable at na mamukod-tangi, ngunit sila ba ay masaya at nagagalak na tumatanggap kapag nahaharap sila sa pagdurusa ng laman, sa pangangailangang magbayad ng halaga, o kahit sa panganib na mapasama ang loob ng iba? Kaya ba nilang makamit ang ganap na pagpapasakop sa oras na iyon? Hinding-hindi; ang kanilang saloobin ay ganap na pagsuway at pagtutol. Kapag ang mga tulad ng mga anticristo ay nahaharap sa mga bagay na ayaw nilang gawin, sa mga bagay na hindi tugma sa kanilang mga kagustuhan, panlasa, o sariling interes, ang kanilang saloobin sa mga salita ni Cristo ay nagiging ganap na pagtanggi at paglaban, nang walang bahid ng pagpapasakop.
May ilang tao na, habang nakikinig sa pagsasalita ni Cristo, ay nagsisimulang mag-isip: “Bakit sinasabi ito ni Cristo? Paano Niya nagagawang tingnan ang bagay na ito nang may ganitong pananaw? Paano Niya nagagawang magkaroon ng gayong opinyon, paano Niya ito nagagawang bigyang kahulugan sa ganitong paraan? Ito ba ay katotohanan din? Ang mga ito ba ay mga salita rin ng Diyos? Sa palagay ko ay hindi. Ang paraan ng pagsasalita ng Diyos sa Bibliya ay iba ang pagkakatala, may partikular itong uri ng pagkamakatwiran, nang hindi na tinatalakay ang mga detalye at maliliit na bagay. Bakit ganito magsalita si Cristo? Palagi itong tungkol sa mga detalye at paghihimay sa mga detalye; kaya ba talagang magsalita ng Diyos nang ganito?” Wala silang mga kuru-kuro tuwing binabasa nila ang mga salita ng Diyos, at ang iniisip nila ay, “Ito ay ang mga salita ng Diyos; dapat akong umasa sa mga ito upang makamtan ko ang buhay, kaligtasan, at mga pagpapala.” Gayumpaman, kapag aktuwal na silang nakikipag-ugnayan kay Cristo, bumubuo sila ng mga opinyon tungkol sa Kanyang mga pananaw, komento, at saloobin sa ilang bagay, pati na rin ang Kanyang mga paraan ng pangangasiwa sa ilang tao, at ang mga opinyon na ito, na maituturing na mga kuru-kuro ng tao. Kapag ang mga anticristo ay nagkakaroon ng mga kuru-kuro sa kanilang puso, magdadasal ba sila sa Diyos upang pungusan ang kanilang mga kuru-kuro? Hinding-hindi. Patuloy nilang sinusukat ang mga salita ni Cristo ayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro nang walang bahid ng pusong nagpapasakop. Kaya, kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol kay Cristo, nagsisimula silang makaramdam ng paglaban sa loob at unti-unti silang nagiging antagonistiko kay Cristo. Kapag lumitaw ang gayong antagonismo, balak pa rin bang magpasakop ng mga anticristo? Balak pa rin ba nilang tumanggap? Sa kanilang puso, nagsisimula silang lumaban, iniisip nila, “Hmph, ngayon ay may panghahawakan na ako laban sa iyo. Hindi ba’t ikaw diumano ang diyos? Hindi ba’t ang lahat ng iyong salita ay ang katotohanan? Lumalabas na ikaw rin ay nangangatwiran nang lohikal kapag ikaw ay gumagawa ng mga bagay, at ikaw ay humahatol sa mga bagay batay sa nakikita ng iyong mga mata. Ang iyong mga kilos ay hindi umaayon sa diwa ng diyos!” Nagsisimula silang makaramdam ng pagsuway sa loob nila. Kapag lumilitaw ang pagsuway na ito, ito ay nalalantad sa labas. Maaari nilang sabihin, “Tila tama ang iyong mga sinabi, ngunit kailangan kong tingnan ang mga salita ng diyos upang makita kung ano ang sinasabi niya tungkol doon. Kailangan kong manalangin sa diyos upang makita kung paano niya ako ginagabayan. Kailangan kong maghintay at maghanap, upang makita kung paano ako ginagabayan at binibigyang-liwanag ng diyos. Tungkol sa iyong sinabi, hindi na ito sakop ng aking pagsasaalang-alang, at hindi ito maaaring maging batayan ng aking mga kilos.” Anong pagpapamalas ito? (Pagtatatwa kay Cristo.) Itinatatwa nila si Cristo, ngunit bakit binabasa pa rin nila ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao? (O Diyos, sa palagay ko ay kinikilala lamang nila ang malabong Diyos sa langit at tahasang itinatatwa si Cristo na nasa lupa.) Ang mga anticristo ay palaging namumuhay sa loob ng mga hungkag na salita at doktrina, dinadakila ang isang mataas, hindi nakikitang Diyos. Kaya, lubos nilang iginagalang at pinahahalagahan ang mga nakasulat na salita na mga nakatalang kasabihan ni Cristo, ngunit itinuturing nila si Cristo, na kasing-ordinaryo ng kahit sino, na walang katayuan sa kanilang puso. Hindi ba’t may kontradiksyon dito? Kapag nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol kay Cristo, sinasabi nila, “Kailangan kong manalangin at maghanap upang makita kung ano ang sinasabi ng mga salita ng diyos.” Kinikilala lamang ang mga salita ng Diyos ngunit hindi si Cristo, sino sila? (Mga anticristo.) Gaano man kahalaga o kalalim ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa mga salita ni Cristo, kapag ang mga salitang iyon ay naimprenta na, nawawala ang kanilang mga kuru-kuro. Kapag ang mga salita ay naging teksto, sinasamba nila ang mga ito bilang Diyos. Hindi ba’t ito ang parehong pagkakamali na ginawa ng mga Pariseo at ng mga nasa relihiyosong grupo? Ang pagkabigong maunawaan ang katotohanan ay nagpapadali sa paglitaw ng mga pagpapamalas at kuru-kurong ito. Pagkatapos magkaroon ng mga kuru-kuro ang mga anticristo, ang kanilang puso ay hindi makapagpasakop; walang pagpapasakop, kundi paglaban lamang.
Sa anong mga sitwasyon nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga ordinaryong tao, o, anong uri ng mga tao ang madaling magkaroon ng mga kuru-kuro? Ang isang uri ay iyong mga hindi nakakaunawa sa mga salita ng Diyos, at ang isa pa ay iyong mga walang espirituwal na pang-unawa at hindi tumatanggap sa katotohanan; madali silang magkaroon ng mga kuru-kuro. Kapag nagkaroon ng mga kuru-kuro, sa puso nila ay nagsisimula silang lumaban. Halimbawa, maaari Kong sabihin sa mga tao na gawin ang isang bagay sa isang partikular na paraan batay sa kalagayan, kapaligiran, at mga pangangailangan ng tao sa oras na iyon. Kalaunan, paglipas ng panahon at sa pagbabago ng mga sitwasyon, maaaring magbago rin ang gawi at pamamaraan ng pangangasiwa sa bagay na iyon. Gayumpaman, ang pagbabagong ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga anticristo na magkaroon ng mga kuru-kuro: “Sinabi mo ito noon, idineklara mo ito bilang katotohanan at sinabihan ang mga taong isagawa ito nang ganito. Sa wakas ay naintindihan namin at nagawa namin itong isagawa at sundin, iniisip namin na may pag-asa kaming mapagpala, at ngayon sinasabi mo na gawin namin ito sa ibang paraan—ano ang ibig sabihin nito? Hindi ba’t pinahihirapan mo kami? Hindi ba’t tinatrato mo kami nang mas mababa sa tao? Ano ba talaga ang tamang paraan ng paggawa nito?” Ang anumang pagbabago sa pamamaraan, diskarte, o pahayag ay maaaring ikagalit ng ilang tao—ang mga indibidwal na ito ay iyong mga hindi talaga nakakaunawa sa katotohanan at hindi ito maarok. Sinusukat nila ang lahat ng ginagawa ng Diyos gamit ang mga lumang pananaw, lumang teorya, ilang moral na pamantayan ng tao, pamantayan ng konsensiya, at maging ang ilang lohikal na pag-iisip at kaalaman ng tao. Kapag ang lahat ng ito ay sumasalungat sa sinabi ni Cristo o kapag may mga pagkakaibang lumilitaw sa gitna, hindi nila alam kung paano ito pangangasiwaan. Kapag hindi sigurado kung paano magpapatuloy, ang mga normal na tao ay dapat na kayang kumalma at tumanggap muna, pagkatapos ay unti-unting hangarin na makaunawa. Gayumpaman, ang mga anticristo ay hindi ganito. Lumalaban muna sila at pagkatapos ay nagdarasal sila sa malabong Diyos, na parang isinasagawa nila ang katotohanan at labis na minamahal ang Diyos. Ano ang layon ng kanilang panalangin? Ito ay upang makahanap ng sapat na ebidensiya upang itatwa ang mga salita ni Cristo, upang kondenahin at punahin ang sinabi ni Cristo, upang makamit ang kapayapaan ng isip. Ganito nila nilulutas ang kanilang mga kuru-kuro. Malulutas ba nito ang kanilang mga kuru-kuro? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi nila hinahanap ang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos kundi sinusubukan nilang itatwa ang Diyos.) Mismo, hindi nila nilulutas ang kanilang mga kuru-kuro nang may saloobin ng pagtanggap sa katotohanan o sa paraan na tumatanggap sa katotohanan. Ang kanilang mga kuru-kuro ay hindi naisasantabi; nananatili ang mga ito sa kanilang puso. Samakatwid, ang gayong pamamaraan ay hindi kailanman makalulutas ng kanilang mga kuru-kuro, hindi kailanman magpapahintulot sa kanila na bitiwan ang kanilang mga kuru-kuro. Sa halip, sa paglipas ng panahon ang mga kuru-kurong ito ay naiipon; habang lumilipas ang panahon at nadaragdagan ang bilang ng taon ng kanilang pananalig sa Diyos, gayundin ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Dahil dito, ang kanilang saloobin kay Cristo, sa ordinaryong taong ito, ay hindi maiwasang lalong bumibigat dahil sa mga kuru-kuro. Kasabay nito, ang hadlang sa kanilang puso para kay Cristo at ang kanilang hinanakit sa Kanya ay tumitindi rin. Kung dala nila ang mga hadlang at kuru-kurong ito habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, dumadalo sa mga pagtitipon, at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ano ang maaari nilang makamit sa huli? Maliban sa pagtindi ng kanilang mga pagnanais na mapagpala araw-araw, wala silang nakakamit.
Mayroon ba kayong anumang kuru-kuro tungkol kay Cristo? Ang mga hinihingi ng mga tao sa Diyos ang humuhubog sa kanilang mga kuru-kuro tungkol kay Cristo. Saan nagmumula ang mga hinihinging ito? Lumilitaw ang mga ito mula sa mga ambisyon, pagnanais, kuru-kuro, at imahinasyon ng mga tao. Kaya, anong uri ng mga kuru-kuro ang nabubuo ng mga tao? Naniniwala sila na dapat sabihin ni Cristo ang ganito o ganyan, na dapat Siyang magsalita at kumilos sa mga partikular na paraan. Halimbawa, kapag ang isang tao ay nakararamdam ng pagkanegatibo at kahinaan, maaari niyang isipin, “Hindi ba’t ang Diyos ay pagmamahal? Ang Diyos ay tulad ng isang mapagmahal na ina, tulad ng isang mahabaging ama; dapat pagaanin ng Diyos ang loob ng mga tao. Kalimutan na ang Diyos na nasa langit; Siya ay hindi maabot. Ngayong ang Diyos ay pumarito na sa lupa, mayroon nang ganitong madaling akses ang mga tao. Dahil ako ay nakararamdam ng pagkanegatibo, kailangan kong lumapit sa Diyos at ibulalas ang nasa aking puso.” At habang ibinubulalas ang nasa kanilang puso, sila ay lumuluha, sinasabi ang tungkol sa kanilang mga suliranin, kahinaan, at hayagang tinatalakay ang kanilang tiwaling disposisyon. Ano ba talaga ang hinahanap ng mga tao sa kanilang puso? Gusto nilang mapagaan ang loob nila, gusto nilang makarinig ng mga kaaya-ayang salita, gusto nilang magsalita ang Diyos ng mga salitang magpapagaan sa kanilang kalungkutan, magpapasaya sa kanila, magpapagaan ng loob nila, at magpapahinto sa kanilang pakiramdam ng pagkanegatibo. Hindi ba’t ganoon iyon? Lalo na para sa isang partikular na uri ng tao, nagkikimkim sila ng ganitong imahinasyon: “Para sa mga tao, ang kahinaan at pagkanegatibo ay sadyang ganoon lang, ngunit para sa Diyos, maaaring guminhawa nang husto ang pakiramdam ng isang tao sa pamamagitan lamang ng isang pangungusap, lahat ng problema at pighati sa kanilang puso ay agad na mawawala. Ang kahinaan at pagkanegatibo ay maglalaho na parang usok, at maaari silang maging malakas sa harap ng anuman, hindi na magiging mahina o malulugmok sa pagkanegatibo, maninindigan sila sa kanilang patotoo. Kung gayon, hayaang magsalita si Cristo!” Sabihin ninyo sa Akin, ano ang dapat Kong sabihin kapag nahaharap sa gayong sitwasyon? Sa isang banda, kailangan Kong alamin kung bakit nakakaramdam ng pagkanegatibo ang taong ito at kung anong tungkulin ang ginagawa niya; sa kabilang banda, dapat Kong ibahagi ang mga prinsipyo na dapat itaguyod ng isang tao sa proseso ng paggawa sa kanyang tungkulin. Hindi ba’t ito ay malinaw na pagpapaliwanag? Para sa ilan na hangal at matigas ang ulo at hindi tumatanggap sa katotohanan, kinakailangang magsabi ng ilang salita na pangdisiplina upang mapukaw sila, upang hikayatin sila. Kasabay nito, kinakailangan ding ilantad ang kalikasang diwa ng ganitong uri ng tao, upang maunawaan nila ang tungkol sa pagiging laging negatibo at bakit sila ay laging negatibo. Kung sasabihin Kong ang mga taong laging negatibo ay mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan, hindi nagmamahal sa katotohanan, gagaan ba ang kanilang kalooban pagkatapos na marinig ito? (Hindi.) Ipagpalagay nating sinabi Ko ito: “Ang pagiging palaging negatibo ay normal. Ito ay pagpapamalas na parang sa bata; ito ay parang isang bata na nagdadala ng mga pasanin ng isang taong nasa hustong gulang na, nagiging laging negatibo dahil sa bigat. Ikaw ay may maliit na tayog, bata, at wala pang gaanong karanasan, kaya kailangan mong matuto nang paunti-unti. Bukod dito, ang iyong mga magulang ay may responsabilidad din; hindi ka nila tinuruan nang maayos, kaya hindi mo ito kasalanan.” Maaari nilang itanong, “Kaya ano itong tiwaling disposisyon ko?” “Ito ay hindi isang tiwaling disposisyon; ito ay dahil lamang sa ikaw ay masyadong bata at nagmula sa isang pamilya na may magandang kapaligiran; ikaw ay pinalaki sa layaw. Pagkalipas ng ilang taon, habang ikaw ay lumalaki, magiging mas maayos ito.” Gagaan ba ang loob nila pagkatapos na marinig ito? Kung yayakapin Ko pa sila nang mahigpit at nagpadala Ako ng ilang positibong enerhiya, hindi ba’t makakaramdam sila ng kasiyahan sa kanilang kalooban? Sa ganitong paraan, mararamdaman nila na naranasan nila ang pagmamahal at init ng Diyos. Ngunit sa pangkaraniwan ay hindi ganito kumilos si Cristo. Maaaring gawin Niya ito para sa mas matatandang bata bilang isang uri ng pagpapagaan ng loob, ngunit para sa bawat taong nasa hustong gulang na, hindi Siya kikilos nang ganito; iyon ay matatawag na panloloko sa isang hangal. Sa halip, magsasalita Siya nang deretsahan, papakitaan ka Niya ng landas, lilinawin kung ano talaga ang nangyayari, at hahayaan kang malayang pumili. Kung anong uri ka ng tao ang nagtatakda sa landas na iyong tatahakin. Kung titingnan ang diwa ng lahat ng ginagawa ni Cristo, hindi Niya nililinlang o nilalaro ang mga tao, ngunit hindi nila ito matanggap. Hindi nila hinaharap ang mga katunayan, ngunit ito ang mismong diwa ni Cristo; maaari lamang Siyang kumilos nang ganito. Kung hindi ito matanggap ng mga tao, hindi ba’t lumilikha ito ng salungatan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos? Kung hindi nila makamit ang kanilang mithiin at kung hindi rin nila tinatanggap ang katotohanan, hindi ba’t lumilikha ito ng hadlang? (Oo.) Ito ay bumabara sa puso ng mga tao. Orihinal na inisip ng mga tao na ang Diyos ay napakamapagmahal, banayad na parang isang ina o lola. Ngunit ngayon, dahil nakikita nilang hindi ganoon ang mga bagay-bagay at dahil hindi sila nakakaramdam ng kahit kaunting init, sila ay nadidismaya. Maaari bang matupad ang kanilang imahinasyon na “isang pangungusap lamang mula kay Cristo ay maaari na akong maalis sa pagkanegatibo”? “Hangga’t dumarating si Cristo upang lutasin ang aking mga problema, ginagarantiya kong makakaramdam ako agad ng init sa loob, at hindi na ako magiging negatibong muli kailanman; ang lahat ay magiging malinaw, at isang landas ang magbubukas.” Makatotohanan ba ang imahinasyong ito? Maaari bang makamit ang mithiing ito? (Hindi.) Samakatwid, sa usaping ito, kung palaging umaasa ang mga tao sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, hindi ito gagana; kailangan nilang hanapin ang katotohanan upang malutas ang isyu.