Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikatlong Bahagi) Unang Seksiyon

II. Hinahamak ang Laman Kung Saan Nagkatawang-tao ang Diyos

Ang paksa ng huling pagbabahaginan ay ang ikasampung pagpapamalas ng mga anticristo—hinahamak ang katotohanan, lantarang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Ang aytem na ito ay higit pang hinati sa tatlo pang seksiyon para sa detalyadong pagbabahaginan. Ang unang seksiyon ay hinahamak ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, ang pangalawa ay hinahamak ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, at ang pangatlo ay hinahamak ang mga salita ng Diyos. Ginagamit ang tatlong seksiyong ito para himayin ang ikasampung aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Naibahagi na ang unang seksiyon, at para sa pangalawang seksiyon, hinahamak ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, ito ay hinati-hati sa apat para sa pagbabahaginan. Ano-ano ang apat na bahaging ito? (Una, paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan; pangalawa, pagsisiyasat at pagsusuri, at pati kuryosidad; pangatlo, depende sa kanilang lagay ng loob ang pagtrato nila kay Cristo; at pang-apat, pakikinig lang sa sinasabi ni Cristo, pero hindi sumusunod o nagpapasakop.) Ang unang dalawang bahagi ay napagbahaginan na noong nakaraan; sa pagkakataong ito, pagbabahaginan natin ang ikatlong bahagi.

C. Depende sa Kanilang Lagay ng Loob ang Pagtrato Nila kay Cristo

Ang ikatlong bahagi ay “depende sa kanilang lagay ng loob ang pagtrato nila kay Cristo”; titingnan natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo batay sa simpleng pariralang ito. Sa inyong impresyon, o mula sa inyong nakita at naranasan, hindi ba’t dapat mayroong ilang halimbawa tungkol sa bahaging ito? Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ko pa nakaugnayan si Cristo; nakarinig lang ako ng mga sermon Niya. Wala akong tunay na karanasan sa pagpapamalas na ito, ni hindi ko nakita ang iba na nagpapakita nito sa realidad.” Para sa mga may tunay na karanasan sa bahaging ito, mayroon ba kayong mga damdamin o pang-unawa na tumutugma rito? Wala? Kung gayon, talagang kailangan nating magkaroon ng malalimang pagbabahaginan, hindi ba? (Oo.) Sa panlabas, ang bahaging ito ay may kinalaman sa iba’t ibang saloobin at pagpapamalas kapag ang mga tao ay nakikipag-ugnayan kay Cristo. Sa katunayan, mula sa bahaging ito, hindi lamang makikita ng isang tao ang iba’t ibang pagpapamalas at saloobin ng mga tao sa laman kung saan nagkakatawang-tao ang Diyos, kundi makikilatis na rin ang mga tunay na saloobin at pagpapamalas ng mga tao sa Diyos sa kanilang pagtrato sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Ibig sabihin, mula rito, malinaw kung ano ang saloobin ng mga tao sa pagtrato sa Diyos Mismo na may pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at kung mayroon man silang may-takot-sa-Diyos na puso, tunay na pananalig, at totoong pagpapasakop. Kapag humaharap sa iba’t ibang sitwasyon, ang mga saloobin ng mga tao kay Cristo ay nagbubunyag ng kanilang mga saloobin sa Diyos na kanilang sinasampalatayaan. Sa pagtrato sa ordinaryong taong ito, kay Cristo, kung mayroon ka mang anumang kuru-kuro, tunay na pananalig, o totoong pagpapasakop ang nagpapahiwatig kung mayroon kang tunay na pananalig at totoong pagpapasakop sa Diyos na iyong sinasampalatayaan, sa Diyos Mismo. Sa pagtrato ng mga tao sa Diyos sa langit—ang kanilang mga saloobin, pananaw, at kung ano ang totoong iniisip nila—ang mga ito ay malabo, hindi ibinubunyag ang kanilang mga tunay na saloobin sa Diyos. Gayumpaman, kapag talagang nakatagpo ng mga tao ang Diyos at nakita ang nahahawakang katawan na dugo at laman kung saan nagkakatawang-tao ang Diyos, ang kanilang mga tunay na saloobin sa Diyos ay ganap na nabubunyag. Ang mga salitang sinasabi ng mga tao, ang kanilang mga iniisip, ang mga pananaw na itinatatag at pinanghahawakan nila sa kanilang puso, at maging ang kanilang mga iniisip at saloobin kay Cristo sa kanilang puso, sa katunayan, ay iba’t ibang pagpapamalas ng kung paano nila tinatrato ang Diyos. Dahil ang Diyos sa langit ay hindi nakikita at hindi nahahawakan, kung ano ang iniisip ng mga tao sa Kanya, kung paano nila Siya tinatrato, kung paano nila Siya nililimitahan, at kung sila ba ay mapagpasakop, talagang walang pamantayan ang mga tao upang masukat kung ang kanilang mga pagpapamalas ay tama o umaayon ba sa katotohanan. Pero kapag ang Diyos ay nagkatawang-tao bilang si Cristo, lahat ng ito ay nagbabago: Nagkakaroon ng pamantayan para sukatin ang lahat ng pagpapamalas at saloobin ng mga tao sa Diyos, ginagawa nitong malinaw ang mga totoong saloobin ng mga tao sa Diyos. Madalas, iniisip ng mga tao na mayroon silang malaking pananalig sa Diyos at tunay na pananampalataya, nararamdaman nilang ang Diyos ay dakila, pinakamataas, at kaibig-ibig. Pero repleksiyon ba ang mga ito ng kanilang tunay na tayog o isang lagay ng loob lamang? Mahirap tukuyin. Kapag hindi nakikita ng mga tao ang Diyos, kahit gaano man kabuti ang kanilang intensiyon sa pagtrato sa Kanya, ang kanilang pagtrato sa Kanya ay palaging nahahaluan ng kalabuan, kahungkagan, at impraktikalidad, palaging puno ng ilang walang kabuluhang imahinasyon. Kapag talagang nakita at nakipag-ugnayan ang mga tao sa Diyos, ang lawak ng kanilang pananalig sa Diyos, ang antas ng kanilang pagpapasakop sa Diyos, at kung mayroon ba silang tunay na pagmamahal sa Diyos ay ganap na nabubunyag. Samakatwid, kapag ang Diyos ay nagkatawang-tao, lalo na kapag Siya ay naging isang tao na ordinaryo hangga’t maaari, para sa lahat ng tao, ang laman na ito, ang ordinaryong taong ito, ay nagiging isang pagsubok para sa lahat at nagbubunyag din sa pananalig at tunay na tayog ng bawat tao. Maaaring nagawa mong sumunod sa Diyos noong una mong kinilala ang Kanyang pag-iral, pero nang tinanggap mo ang Diyos na nagkatawang-tao, nang makita mo ang Diyos na naging isang ordinaryong tao, ang iyong isipan ay nagiging puno ng mga kuru-kuro. Sa pagkakataong ito, ang Cristo na iyong sinasampalatayanan—ang ordinaryong taong ito—ay nagiging pinakamalaking hamon para sa iyong pananampalataya. Kaya, ngayon, pagbahaginan natin ang epekto na mayroon ang ordinaryong taong ito, ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, si Cristo, sa mga tao, at ang mga tunay na pagpapamalas na ipinapakita ng mga tao sa ordinaryong taong ito, kay Cristo, na nagbubunyag sa kanilang iba’t ibang tunay na saloobin at pananaw sa Diyos.

Ang pangunahing nilalaman ng ikatlong bahagi ay na depende sa lagay ng loob ng mga tao ang pagtrato nila kay Cristo. Ang mismong tinutukoy ng lagay ng loob na ito ay ang sentro, ang pokus ng pagbabahaginan natin ngayon. Siyempre, ang lagay ng loob na ito ay isang metonimiya lamang, isang pangkalahatang paglalarawan. Hindi ito isang lagay ng loob; sa likod nito ay nagkukubli ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, pati na rin ang lahat ng uri ng kanilang tiwaling disposisyon, maging ang kanilang satanikong kalikasang diwa. Kapag ang isang tao ay hindi nahaharap sa anumang balakid sa paggawa ng kanyang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, walang anumang nakakaapekto sa kanyang lagay ng loob, at lahat ay napakaayos, madalas silang nakapagdarasal sa harap ng Diyos, at namumuhay ng isang buhay na napakaregular, puno ng kagalakan at kapayapaan. Ang kapaligiran sa palibot nila ay napakaayos din, karamihan sa mga kapatid ay magkakasundo, madalas silang ginagabayan ng Diyos sa kanilang pagtupad ng mga tungkulin at sa pag-aaral ng mga propesyonal na kasanayan, nagbibigay ng kaliwanagan at pagtanglaw, at medyo malinaw ang mga prinsipyo ng pagsasagawa—lahat ay napakanormal at maayos. Sa panahong ito, nararamdaman ng mga tao na mayroon silang malaking pananalig sa Diyos, nararamdaman nila sa kanilang puso na malapit na malapit sila sa Diyos, madalas silang nakakaharap sa Diyos para magdasal at magtapat, nararamdaman nilang malapit ang ugnayan nila sa Diyos, at para sa kanila ay labis na kaibig-ibig ang Diyos. Ang kanilang lagay ng loob sa panahong ito ay napakaganda; madalas silang namumuhay sa kapayapaan at kagalakan, aktibong nagsasalita sa mga pagtitipon, at nagagawa nilang magdasal-magbasa ng mga salita ng Diyos at araw-araw na regular na mag-aral ng mga himno. Kapag ang lahat ay napakaayos at wala talagang hadlang, patuloy na nagpapasalamat ang mga tao sa Diyos sa kanilang puso, tahimik silang nagdarasal sa Diyos, at nagpapasya silang igugol ang kanilang sarili para sa Diyos sa buong buhay nila, ialay ang lahat ng mayroon sila, at tiisin ang mga paghihirap at magbayad ng halaga upang matupad ang kanilang mga tungkulin nang maayos. Pakiramdam nila na ang Diyos ay napakadakila, napakakaibig-ibig, at mayroon silang determinasyon at kagustuhan na ialay ang kanilang sarili sa Diyos, inilalaan ang kanilang buong buhay sa Kanya. Hindi ba’t ang kondisyong ito ay napakaaktibo at positibo? Mula rito, tila makikita natin ang katapatan ng mga tao, ang kanilang pagmamahal sa Diyos, at ang mga sakripisyo na kanilang ginagawa. Lahat ay mukhang napakaganda, mapayapa, at maayos. Mula sa lahat ng pagpapamalas na ito, tila ang mga tao ay aktibo lang ginagawa ang kanilang bahagi, nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi, nang walang anumang hindi kanais-nais. Sa gayon, sa kanilang puso, patuloy silang nagpapasalamat sa Diyos, nagpapasalamat sa Diyos sa langit, at nagpapasalamat kay Cristo sa lupa, puno ng walang hanggang pagmamahal at pagpipitagan kay Cristo. Tuwing kinakanta nila ang mga salitang “ang di-mahalagang taong ito” sa mga himno, sila ay labis na naaantig, iniisip nila, “Totoo nga na ang di-mahalagang taong ito ang nagligtas sa akin, ang nagbigay sa akin ng pagkakataong ito, na nagpapahintulot sa akin ngayon na gawin ang aking tungkulin bilang isang nilikha sa sambahayan ng Diyos!” Maging ang ilang tao ay direktang nagdarasal: “O, praktikal na Diyos, Diyos na nagkatawang-tao, Cristo: Pinapasalamatan Kita, pinupuri Kita, sapagkat ibinigay Mo sa akin ang lahat ng pagpapalang ito, biniyayaan Mo ako. Ikaw ang Diyos sa aking puso, Ikaw ang Lumikha, Ikaw ang nais kong sundan. Handa akong igugol ang aking sarili para sa Iyo sa buong buhay ko.” Ang lahat ng eksenang ito ay napakapayapa, napakaganda, at tila ganap na nagkakasundo, na para bang ang maligtas ay napakadali at walang kahirap-hirap. Pero puwede bang magtagal ang pagkakasundo at kapayapaang ito magpakailanman? Puwede ba itong manatiling hindi nagbabago? Hindi ito ganoon kasimple.

1. Ang Kanilang Pag-uugali Kapag Nahaharap Sila sa Pagpupungos

Sa proseso ng paggawa ng kanilang mga tungkulin, hindi maiiwasan na mabunyag ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon, na magreklamo sa mga sitwasyong kanilang kinahaharap, na magkaroon ng mga sariling pananaw, at ang higit pa ay ang gawin ang mga bagay nang sutil at pabigla-bigla. Sa gayong mga sitwasyon, hindi maiiwasan na harapin ng mga tao ang pagpupungos. Kapag nahaharap sa pagpupungos, ang isang tao ba na puno ng kasigasigan, na puno ng mga imahinasyon at kuru-kuro tungkol sa Diyos, ay talagang may tayog na harapin ang lahat ng ito, na tunay na maranasan ang lahat ng ito, at mapagtagumpayan ang gayong mga sitwasyon? Nagbubunga ito ng isang katanungan, at naririto ang problema. Kapag nararamdaman ng mga tao na ang lahat ay napakaganda, kapag nararamdaman nila na ang Diyos ay napakakaibig-ibig, na mahal na mahal ng Diyos ang mga tao, na ang Kanyang pagmamahal ay napakadakila at napakatotoo, at pagkatapos ay nahaharap sila sa pagpupungos, sa pagbubunyag, ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay madalas na naguguluhan at nalilito, natatakot at nangangamba. Bigla nilang nararamdaman na para silang nalugmok sa kadiliman, na hindi magawang makita ang landas sa harapan, na hindi alam kung paano haharapin ang kasalukuyang sitwasyon. Kapag humaharap sila sa Diyos, hinahanap nila ang parehong mga damdaming mayroon sila noon, nagdarasal nang may parehong lagay ng loob, mga kaisipan, pananaw, at saloobin tulad ng dati. Pero sa tingin nila ay hindi nila maramdaman ang Diyos. Kapag sa tingin nila ay hindi nila maramdaman ang Diyos, nagsisimula silang mag-isip: “Ayaw na ba sa akin ng Diyos? Itinataboy na ba ako ng Diyos? Maaari kayang dahil sa aking tiwaling disposisyon ay ayaw na sa akin ng Diyos? Ititiwalag na ba ako ng Diyos? Kung ganoon, hindi ba’t katapusan ko na? Ano pa ang silbi ng aking pag-iral ngayon? Ano pa ang silbi ng pananampalataya sa Diyos? Mabuti pa ay huwag na akong manampalataya. Kung hindi ako nanampalataya, baka may magandang trabaho na ako ngayon, isang matiwasay na pamilya, isang magandang kinabukasan! Hanggang ngayon ay walang naidulot na kahit ano sa akin ang pananampalataya sa Diyos, pero kung talagang titigil ako sa pananampalataya, hindi ba’t mangangahulugan iyon na masasayang ang lahat ng pagsisikap ko dati, na walang saysay ang lahat ng aking naging sakripisyo at paggugol?” Sa mga pagninilay na ito, bigla silang nakakaramdam ng pagkalumbay at pagkaasiwa sa kanilang buong katawan, iniisip nila, “Ang Diyos sa langit ay napakalayo, at itong Diyos sa lupa, bukod sa pakikipagbahaginan at pagbibigay ng katotohanan, ano pa ba ang maitutulong Niya sa akin? Ano pa ba ang maibibigay Niya sa akin? Parang napakawalang-halaga Niya, at sobrang walang konsiderasyon. Ano bang masama sa pagkakaroon ng kaunting tiwaling disposisyon? Kung pinangasiwaan ito sa paraan ng tao, palalampasin ng Diyos ang pagkakaroon ng mga tao ng kaunting tiwaling disposisyon; pangangasiwaan Niya ito nang may kaluwagan at hindi Niya pagtutuunan ng pansin ang maliliit na pagkakamali ng mga tao. Bakit ako pinupungusan at dinidisiplina ng Diyos nang ganito, at binabalewala pa nga Niya ako, dahil lang sa maliit na bagay na ito? Hindi malaking usapin na magbunyag ng gayong tiwaling disposisyon sa ganitong uri ng sitwasyon, pero talagang kinamumuhian ako ng Diyos. Mahal ba talaga Niya ang mga tao o hindi? Saan nabubunyag ang Kanyang pagmamahal? Paano Niya mismo minamahal ang mga tao? Ano’t anuman, sa sandaling ito, hindi ko na maramdaman ang pagmamahal ng Diyos.” Kapag hindi nila maramdaman ang pagmamahal ng Diyos, nararamdaman nila kaagad na napakalayo nila sa Diyos sa langit, at mas malayo pa sa Cristong ito sa lupa, sa ordinaryong taong ito. Kapag nararamdaman nila ang pagkalumbay sa kanilang puso, paulit-ulit silang nagdarasal, at paulit-ulit na inaalo ang kanilang sarili, “Huwag kang matakot, ilagay mo ang iyong pag-asa sa Diyos sa langit. Ang Diyos ang aking sanggalang, ang Diyos ang aking lakas, mahal pa rin ng Diyos ang mga tao.” Sa sandaling ito, nasaan ang Diyos na sinasabi nila? Sa langit, sa lahat ng bagay, ang Diyos na iyon ang tunay na nagmamahal sa mga tao, ang Diyos na tinitingala at iniibig ng mga tao, na maaaring maging kanilang kalasag, ang tutulong sa kanila sa lahat ng oras, at maaaring umalo sa kanilang puso. Siya ang sandigan ng kanilang espiritu, puso, at laman. Pero batay sa kung ano ang kayang gawin ng Diyos na ito na nasa lupa, wala na ngayong anumang sandigan sa puso ng mga tao. Nagbabago ang saloobin nila. Sa anong sitwasyon ito nagbabago? Kapag nahaharap sila sa pagpupungos at pagbubunyag, at nakakaranas sila ng mga dagok, nabubunyag ang kanilang tunay na pananalig.

Kapag naharap ang mga tao sa pagpupungos, ang kanilang diumano’y tunay na pananalig ay agad naghahanap ng sandigan sa malabong Diyos sa langit. Pagdating naman sa nakikitang Diyos sa lupa, ano ang saloobin nila? Ang unang reaksiyon ng mga tao ay ang tumanggi at bumitiw, ang hindi na umasa o manampalataya, kundi umiwas sa Kanya, magtago at lumayo sa Kanya. Ganito ang uri ng lagay ng loob na mayroon ang mga tao. Kapag naharap ang mga tao sa pagpupungos, ang katotohanang nauunawaan ng mga tao, ang kanilang diumano’y totoong pananalig, katapatan, pagmamahal, at pagpapasakop, ay nagiging napakarupok. Kapag nagbabago ang lahat ng kalagayang ito, nagbabago rin ang kanilang saloobin sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang kanilang mga dating sakripisyo—ang kanilang diumano’y katapatan, paggugol, at ang halaga na kanilang ibinayad, pati na ang kanilang diumano’y pagpapasakop—ay nabubunyag sa sandaling ito hindi bilang anumang uri ng pagkamatapat o totoong pagpapasakop, kundi kasigasigan lamang. At ano ang nakahalo sa kasigasigang ito? Ito ay nahahaluan ng mga damdamin ng tao, kabutihan ng tao, at pagkampi ng tao. Ang pagkamping ito ay maaari ding maunawaan bilang pagkamainitin ng ulo, gaya ng, “Kung susunod ako sa isang tao, dapat akong magpakita ng totoong pagsuporta sa kapatid, maging handang ialay ang aking buhay para sa kanya, igugol ang aking sarili, humarap sa panganib para sa kanya, ialay ang lahat para sa kanya,” na isang pagpapamalas ng pagkamainitin ng ulo ng tao. Ang gayong mga pagpapamalas ng tao ay nabubunyag sa sandaling ito. Bakit nabubunyag ang mga ito? Ito ay dahil, sa mga isipan at pananaw ng mga tao, tila tinanggap na nila na ang ordinaryong taong ito ay ang Diyos na nagkatawang-tao, si Cristo, ang Diyos, at Siya ay nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos—pero kung titingnan ang kanilang aktuwal na tayog, ang katotohanang kanilang nauunawaan, at ang kanilang kaalaman tungkol sa Diyos, hindi talaga nila tinanggap ang ordinaryong taong ito, ni itinuring ang ordinaryong taong ito bilang si Cristo, bilang Diyos. Kapag maayos ang lahat, kapag ang lahat ay ayon sa kanilang kagustuhan, kapag nararamdaman ng mga tao na pinagpapala, tinatanglawan, ginagabayan, at binibiyayaan sila ng Diyos, at kapag ang kanilang natatanggap mula sa Diyos ay naaayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, kaya nilang tanggapin nang subhetibo ang ordinaryong taong pinatotohanan ng Diyos bilang Diyos ng tao. Gayumpaman, kapag nagbago ang lahat ng kalagayang ito, kapag inalis ng Diyos ang lahat ng bagay na ito, at kapag ang mga tao ay walang totoong pagkaunawa at wala silang totoong tayog, nabubunyag ang lahat ng tungkol sa kanila, at ang kanilang nabubunyag ay ang kanilang mismong totoong saloobin sa Diyos. Paano lumilitaw ang totoong saloobin na ito? Saan ito nagmumula? Nagmumula ito sa tiwaling disposisyon ng mga tao at sa kanilang kawalan ng kaalaman tungkol sa Diyos. Bakit Ko sinasabi ito? Ano ang tiwaling disposisyong ito sa mga tao? (Matapos nagawang tiwali ni Satanas, sa loob ay nag-iingat na ang mga tao laban sa Diyos at bumubuo sila ng isang hadlang laban sa Kanya. Anuman ang ginagawa ng Diyos, palagi nilang iniisip, “Sasaktan ba ako ng Diyos?”) Ang ugnayan ba sa pagitan ng mga tao at ng Diyos ay simpleng usapin lamang ng pagkakaroon ng hadlang? Ganoon ba ito kasimple? Hindi lamang ito usapin ng pagkakaroon ng hadlang; ito ay problema ng dalawang magkaibang diwa. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon—may tiwaling disposisyon ba ang Diyos? (Wala.) Kung gayon, bakit mayroong salungatan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, bakit mapanlaban ang mga tao sa Diyos? Nasaan ang dahilan nito? Nasa Diyos ba o nasa mga tao? (Nasa mga tao.) Halimbawa, kung may pagtatalo ang dalawang tao at tumigil sila sa pakikipag-usap sa isa’t isa, kahit na magsalita sila, ito ay magiging paimbabaw lamang, nang may hadlang na nabuo sa kanilang puso. Paano nabubuo ang hadlang na ito? Ito ay lumilitaw dahil mayroon silang magkaibang pananaw na hindi magkatugma, at walang handang bumitiw sa kanilang pananaw, na humahadlang sa pagkakaisa. Ganito nabubuo ang mga hadlang sa pagitan ng mga tao. Pero kung ilalarawan natin ang relasyon ng mga tao at ng Diyos bilang simpleng pagkakaroon ng hadlang, hindi ba’t masyado itong mababaw, hindi natutumbok ang punto? Totoong may hadlang, pero kung gagamitin lang natin ang salitang “hadlang” para ipaliwanag ang problema ng tiwaling disposisyon ng mga tao, iyon ay masyadong magaan. Ito ay dahil matapos nagawang tiwali ni Satanas, ang mga tao ay may satanikong tiwaling disposisyon at diwa, at ang kanilang likas na kalikasan ay mapanlaban sa Diyos. Si Satanas ay mapanlaban sa Diyos. Itinuturing ba nito ang Diyos bilang Diyos? May pananalig ba ito o pagpapasakop sa Diyos? Wala itong tunay na pananalig ni tunay na pagpapasakop—ganito si Satanas. Ang mga tao ay katulad ni Satanas; taglay nila ang tiwaling disposisyon at diwa ni Satanas, at wala rin silang totoong pananalig at pagpapasakop sa Diyos. Kaya, puwede ba nating sabihin na may hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos dahil sa kawalan ng totoong pananalig at pagpapasakop? (Hindi.) Ito ay nagpapahiwatig lamang na ang mga tao ay mapanlaban sa Diyos. Kapag ang ginagawa ng Diyos ay naaayon sa mga kagustuhan, lagay ng loob, at pangangailangan ng mga tao, kapag natutugunan ang kanilang mga kagustuhan, at ang lahat ay nagiging maayos para sa kanila at ayon sa kanilang kagustuhan, nararamdaman ng mga tao na ang Diyos ay napakakaibig-ibig. Pero ang pakiramdam ba na ito ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos sa gayong mga pagkakataon ay tunay? (Hindi.) Ito ay pagsasamantala lamang ng mga tao, nag-aalay ng ilang magandang salita bilang kapalit; ito ay kilala bilang pag-aani ng mga benepisyo at pagkatapos ay pagkukunwaring mabait. Sa gayong mga sitwasyon, ang mga salitang sinasabi ba ng mga tao ay nagpapakita ng totoong kaalaman sa Diyos? Ang kaalaman bang ito sa Diyos ay tunay o peke? (Peke.) Ang kaalamang ito ay hindi naaayon sa katotohanan, ni sa diwa ng Diyos. Hindi ito isang tunay na kaalaman kundi isang imahinasyon, isang kuru-kurong nagmumula sa mga damdamin at pagkamainitin ng ulo ng tao. Kapag ang kuro-kurong ito ay nabasag, nalantad, at nabunyag, nadidismaya ang mga tao; ito ay nagpapahiwatig na lahat ng kanilang nais makamit ay kinuha na. Hindi ba’t ang dating pananaw ng mga tao na kaibig-ibig at mabuti ang Diyos sa iba’t ibang paraan ay napuna at nakondena na? Ito ay eksaktong kabaligtaran ng kanilang pinaniniwalaan noon. Kaya bang tanggapin ng mga tao ang katunayang ito? (Hindi.) Kapag walang ibinibigay ang Diyos sa iyo, tinutulutan ka lamang Niyang mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, magsalita at kumilos, gawin ang iyong tungkulin, maglingkod sa Diyos, makisama sa iba, at iba pa, nang pawang ayon sa Kanyang mga salita. Kapag talagang namumuhay ka ayon sa Kanyang mga salita, at nararamdaman mo ang masisidhing layunin ng Diyos at kaya mong tunay na magmahal at magpasakop sa Diyos, kung gayon, ang mga karumihan sa iyo ay mas kaunti, at ang pagiging kaibig-ibig at diwa ng Diyos na iyong nararamdaman ay tunay.

Kapag nahaharap ang mga tao sa pagdidisiplina at pagpupungos, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, reklamo, at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kapag lumilitaw ang mga ito, biglang nararamdaman ng mga tao na walang konsiderasyon ang Diyos, na parang hindi Siya kasingkaibig-ibig gaya ng inaakala nila: “Sinasabi ng lahat na kaibig-ibig ang Diyos, pero bakit hindi ko ito maramdaman? Kung talagang kaibig-ibig ang Diyos, dapat Niya akong pagpalain at aluin. Kapag magkakamali na ako, dapat Niya akong bigyan ng babala sa halip na hayaan akong mapahiya o magkamali; dapat Niyang gawin ang mga bagay na ito bago ako magkamali, na pinipigilan akong magkamali o tumahak sa maling landas!” Bumabagabag ang mga gayong kuru-kuro at pag-iisip sa isipan ng mga tao kapag nahaharap sila sa mga paghihirap. Sa panahong ito, hindi na gaanong bukas ang paraan ng pagsasalita at pagkilos ng mga tao. Kapag nahaharap ang mga tao sa pagpupungos, kapag nahaharap sila sa mga paghihirap, lumalala ang kanilang lagay ng loob; nagsisimula nilang maramdaman na hindi sila gaanong mahal ng Diyos o hindi na rin sila gaanong tinatrato nang may biyaya, na hindi sila masyadong pinapaboran. Iniisip nila: “Kung hindi ako mahal ng Diyos, bakit ko Siya dapat mahalin? Hindi ko rin mamahalin ang Diyos.” Dati, sa kanilang mga pakikipag-usap sa Diyos, anuman ang tinatanong ng Diyos, sumasagot sila; napakaaktibo nila. Palagi nilang gustong magbahagi ng higit pa, hindi sila kailanman nauubusan ng sasabihin, nais nilang ipahayag at iparating ang lahat ng nasa kanilang puso, hinihiling nilang maging kapalagayang-loob ng Diyos. Pero kapag nahaharap sila sa pagpupungos, nararamdaman nila na hindi na masyadong kaibig-ibig ang Diyos, na hindi sila gaanong mahal ng Diyos, at ayaw na rin nilang mahalin ang Diyos. Kapag may tinatanong ang Diyos, sumasagot lang sila nang maiksi at pabasta-basta, paisa-isang salita lang ang tugon nila. Kapag tinatanong ng Diyos, “Kumusta ang pagtupad mo sa iyong mga tungkulin nitong mga nakaraang araw?” sumasagot sila, “Ayos lang.” “Mayroon ka bang mga suliranin?” “Minsan.” “Kaya mo bang makipagtulungan nang matiwasay sa mga kapatid?” Sa kanilang isipan, iniisip nila, “Hmp, ni hindi ko nga maalagaan ang sarili ko, paano pa ako makikipagtulungan nang matiwasay sa iba?” “Mayroon ka bang kahinaan?” “Ayos lang ako.” Ayaw na nilang magsalita pa, nagpapakita ng ganap na negatibo, mareklamong saloobin. Pinanghihinaan at nasisiraan ng loob ang kanilang buong pagkatao, puno ng mga hinaing at pakiramdam ng pagkaagrabyado, ayaw magsalita nang higit pa kaysa sa kailangan. Bakit ganito? Dahil hindi maganda ang kanilang lagay ng loob ngayon, medyo nasisiraan sila ng loob sa kanilang kalagayan, at wala silang gana na makipag-usap kaninuman. Kapag tinanong sila, “Nakapagdasal ka ba kamakailan?” sumasagot sila, “Ganoon pa rin naman ang mga dasal ko.” “Ang iyong kalagayan ay hindi maganda kamakailan; hinahanap mo ba ang katotohanan kapag nahaharap sa mga suliranin?” “Nauunawaan ko ang lahat, hindi ko lang kayang maging positibo.” “Nagkaroon ka ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Nakikita mo ba kung saan nagmumula ang problema mo? Anong mga tiwaling disposisyon ang pumipigil sa iyo na lumapit sa Diyos? Anong nagsasanhi sa iyong maging napakanegatibo na hindi mo man lang gustong lumapit sa Diyos para magdasal?” “Hindi ko alam.” Anong klaseng saloobin ito? (Negatibo at nakikipaghidwaan.) Tama, walang bahid ng pagpapasakop, kundi puno sila ng mga pagrereklamo at hinaing. Sa kanilang espirituwal at mental na mundo, nakikita nila ang diyos na katulad ng larawan ng isang Buddha o Bodhisattva na inilalarawan ng mga tao. Anuman ang gawin ng mga tao o kung paano sila namumuhay, hindi kailanman nagsasalita ang mga Buddha o Bodhisattva na iyon, nagpapasakop lamang ang mga ito sa mga manipulasyon ng mga tao. Naniniwala sila na hindi sila dapat pungusan ng diyos, at lalong hindi sila dapat pinsalain; anumang mali ang kanilang gawin, dapat na aluin lang sila ng diyos, hindi pungusan, ilantad, o ibunyag, at lalong hindi sila dapat disiplinahin. Gusto nilang manampalataya sa Diyos at gawin ang kanilang tungkulin ayon sa kanilang mga sariling lagay ng loob at disposisyon, ginagawa ang gusto nila, inaakalang anuman ang gawin nila, dapat masiyahan, magalak, at tumanggap ang Diyos. Gayumpaman, ang mga bagay ay hindi nangyayari ayon sa kagustuhan nila; hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Pagkatapos ay iniisip ng mga tao, “Kung hindi siya kumikilos ayon sa aking inaakala, diyos pa rin ba siya? Karapat-dapat pa rin ba siya sa aking pamumuhunan, paggugol, at pagsasakripisyo? Kung hindi, magiging kahangalan ang pag-aalay ng aking sinserong puso, hindi ba?” Kaya, kapag dumating na ang oras para sa pagpupungos, ang unang tugon ng mga tao, mula sa pananaw ng isang nilikha, ay hindi makinig sa sinasabi ng Diyos o sa Kanyang mga hinihingi, ni sa mga problema, kalagayan, o disposisyon ng tao na inilalantad ng Diyos, ni kung paano dapat tanggapin, ituring ang mga bagay na ito, o magpasakop dito. Wala sa isip ng tao ang gayong mga bagay. Gaano man magsalita ang Diyos sa mga tao o paano man Niya sila ginagabayan, kung ang Kanyang tono o paraan ng pagsasalita ay walang pagsasaalang-alang—kung hindi isinasaalang-alang ang kanilang mga lagay ng loob, pagpapahalaga sa sarili, at kahinaan—nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao, at ayaw nilang ituring ang Diyos bilang Diyos, ni ayaw nilang maging mga nilikha. Ang pinakamalaking problema rito ay na kapag naghahatid ang Diyos ng masasayang sandali, binibigyang-daan ang lahat ng bagay na umayon sa kagustuhan ng mga tao, nagiging handa silang kumilos bilang mga nilikha, ngunit kapag nagbigay ng paghihirap ang Diyos upang disiplinahin at ibunyag ang mga tao, upang matuto sila ng aral, at hayaan silang maunawaan ang katotohanan at malaman ang Kanyang layunin—sa ganitong mga pagkakataon, tinatalikuran Siya kaagad ng mga tao at hindi na nila nais na maging mga nilikha. Kapag ayaw nang maging nilikha ng isang tao, kung gayon, mula sa pananaw na iyon at sa posisyong iyon, magagawa ba nilang magpasakop sa Diyos? Magagawa ba nilang tanggapin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? Hindi nila iyon magagawa. Kapag ang masasaya, mabubuting kalagayan, at masisiglang panahon—ang mga panahong iyon kung kailan gusto ng mga tao na maging kapalagayang-loob ng Diyos—ay naging mga panahon kung kailan gusto ng mga tao na talikuran Siya sa harap ng pagpupungos, sa mga kapaligirang inihanda ng Diyos, napakalaking pagbabago nito! Ano ba talaga ang totoo tungkol sa bagay na ito? Ano ang dapat malaman ng mga tao? Hindi ba dapat malaman ng isang tao kung anong uri ng saloobin ang dapat niyang taglayin para sa Diyos bilang isang nilikha? Anong mga prinsipyo ang kailangang masunod? Bilang isang tao—isang tiwaling tao—anong pananaw at posisyon ang dapat taglayin ng tao sa lahat ng bagay na ibinibigay ng Diyos sa tao at sa mga kapaligirang inihahanda Niya? Ano ang dapat maging saloobin ng mga tao sa pagpupungos ng Diyos sa kanila? Paano nila ito dapat tratuhin? Hindi ba’t dapat pagnilayan ng mga tao ang gayong mga bagay? (Oo.) Dapat pagnilay-nilayan at pagbulay-bulayan ng mga tao ang tungkol sa ganitong mga bagay. Kailan man at paano man tinatrato ng isang tao ang Diyos, ang pagkakakilanlan ng tao, sa katunayan, ay hindi nagbabago; ang mga tao ay mamamalaging mga nilikha. Kung ayaw mo talaga sa iyong katayuan bilang isang nilikha, nangangahulugan iyan na mapaghimagsik ka at malayong baguhin mo ang iyong disposisyon, malayong magkaroon ka ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Kung lubos mo namang tanggap ang iyong lugar bilang isang nilikha, anong uri ng saloobin ang dapat mong taglayin para sa Diyos? (Pagpapasakop nang walang kondisyon.) Kahit papaano, dapat mong taglayin ang bagay na ito: pagpapasakop nang walang kondisyon. Ang ibig sabihin niyan, sa anumang oras, ang ginagawa ng Diyos ay hindi kailanman mali, ang mga tao lang ang nagkakamali. Anumang kapaligiran ang sumulpot—lalo na sa harap ng paghihirap, at lalo na kapag ibinubunyag o inilalantad ng Diyos ang mga tao—ang unang dapat gawin ng tao ay humarap sa Diyos upang pagnilayan ang kanyang sarili, suriin ang kanyang mga salita at gawa at ang kanyang tiwaling disposisyon, sa halip na suriin, aralin, at husgahan kung tama ba o mali ang mga salita at kilos ng Diyos. Kung mananatili ka sa tama mong posisyon, dapat mo mismong malaman kung ano talaga ang dapat na ginagawa mo. Ang mga tao ay may tiwaling disposisyon at hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi ito isang malaking problema. Ngunit kapag may tiwaling disposisyon ang mga tao at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, subalit hindi pa rin nila hinahanap ang katotohanan—mayroon na sila ngayong malaking problema. Mayroon kang tiwaling disposisyon at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at maaaring husgahan mo ang Diyos nang arbitraryo, maaaring tratuhin mo Siya at makipag-ugnayan ka pa rin sa Kanya ayon sa dikta ng iyong lagay ng loob, mga kagustuhan, at emosyon. Ngunit kung hindi mo hinahanap at isinasagawa ang katotohanan, hindi magiging gayon kadali ang mga bagay-bagay. Hindi lamang na hindi mo magagawang magpasakop sa Diyos, kundi maaaring maging mali rin ang pagkaunawa mo at magreklamo ka tungkol sa Kanya, kondenahin mo Siya, salungatin Siya, at kagalitan at tanggihan pa Siya sa puso mo, na sinasabing hindi Siya matuwid, na hindi lahat ng ginagawa Niya ay talagang tama. Hindi ba’t mapanganib na maaari ka pang magdulot ng gayong mga bagay? (Oo.) Lubhang mapanganib ito. Ang hindi paghahanap sa katotohanan ay maaaring magdulot ng pagkawala ng kanilang buhay! At maaari itong mangyari anumang oras at saanmang lugar. Gaano man nag-uumapaw sa tuwa ang iyong mga emosyon, determinasyon, mga pagnanais, o adhikain sa ngayon, at gaano mo man kamahal ang Diyos sa puso mo sa sandaling ito, lahat ng ito ay pansamantala lamang. Parang kapag nagkakasal ang isang pastor at tinatanong niya ang parehong partido, “Tinatanggap mo ba siya bilang iyong asawa? Sa sakit at sa kalusugan, sa sakuna, sa kahirapan, at iba pa, handa ka bang makasama siya sa buong buhay mo?” Ang parehong partido, nang may luha sa kanilang mga mata at puso na puno ng emosyon, ay nangangakong iaalay ang kanilang buhay sa isa’t isa at inaako ang panghabambuhay na responsabilidad para sa isa’t isa. Ano ang mga taimtim na pangakong ito sa sandaling iyon? Mga panandaliang emosyon at kahilingan lamang ng mga tao ang mga ito. Pero talaga bang taglay ng parehong partido ang gayong integridad? Talaga bang taglay nila ang gayong pagkatao? Walang nakakaalam; mabubunyag ang katotohanan sa loob ng sampu, dalawampu, o tatlumpung taon. Nagdidiborsiyo ang ilang mag-asawa pagkatapos ng tatlo hanggang limang taon, ang iba ay pagkatapos ng sampung taon, at ang iba pa, pagkatapos ng tatlumpung taon, ay basta-basta na lamang naghihiwalay. Saan na napunta ang kanilang mga naunang kahilingan? Ano ang nangyari sa kanilang mga taimtim na pangako? Matagal nang itinapon ang mga ito sa malayong ibayo. Ano ang papel ng mga taimtim na pangakong ito? Wala; mga kahilingan lamang ang mga ito, mga panandaliang emosyon—hindi nagtatakda ng anuman ang mga emosyon at kahilingan. Ano ang hinihingi para tunay na magsama nang habambuhay ang mag-asawa, para magkasamang tumanda? Sa ideyal na pagsasalita, sa pinakamababa, ang bawat isa ay kailangang magkaroon ng integridad at matuwid na karakter. Sa mas kongkretong pagsasalita, sa kanilang buhay, marami silang bagay na makakaharap—malalaki at maliliit, magaganda at hindi magaganda, mga paghihirap, mga kabiguan, mga suliranin, karamihan sa mga bagay na ito ay hindi ayon sa ninanais. Hinihingi nito sa parehong partido na magkaroon ng tunay na pagpaparaya, pagpapasensiya, pagmamahal, konsiderasyon, malasakit, at iba pang medyo positibong bagay sa pagkatao para suportahan ang isa’t isa hanggang sa dulo ng daan. Kung wala ang mga katangiang ito, at umaasa lamang sila sa mga pangako at sa mga adhikain, kahilingan, at pantasya noong ikinasal sila, tiyak na hindi sila makararating sa dulo. Ganito rin pagdating sa pananampalataya sa Diyos; kung hindi hinahanap ng isang tao ang katotohanan bagkus ay umaasa lamang siya sa kaunting sigasig at kahilingan, tiyak na hindi siya makakapanindigan at siguradong hindi niya magagawang sundan ang Diyos hanggang sa wakas.