Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi) Ikaapat na Seksiyon
Paano naipapamalas ang mga buktot na bahagi ng mga Pariseo? Una, simulan natin ang talakayan sa kung paano tinrato ng mga Pariseo ang nagkatawang-taong Diyos, at baka mas maunawaan ninyo ito nang kaunti pa. Tungkol naman sa nagkatawang-taong Diyos, dapat muna nating pag-usapan kung sa anong uri ng pamilya at pinanggalingan isinilang ang nagkatawang-taong Diyos dalawang libong taon na ang nakalilipas. Una sa lahat, hindi man lang ipinanganak sa isang mayamang pamilya ang Panginoong Jesus—hindi masyadong kilala ang Kanyang angkan. Ang ama-amahan Niya, na si Jose, ay isang karpintero, at ang Kanyang ina, na si Maria, ay isang ordinaryong mananampalataya. Ang pagkakakilanlan at ang katayuan sa lipunan ng Kanyang mga magulang ay kumakatawan sa pinanggalingang pamilya kung saan ipinanganak ang Panginoong Jesus, at malinaw na ipinanganak Siya sa isang pangkaraniwang pamilya. Ano ang ibig sabihin ng “pangkaraniwan”? Tumutukoy ito sa ordinaryong masa, sa isang pangkaraniwang sambahayan na nasa mababang antas ng lipunan, na walang kinalaman sa mararangyang pamilya, na walang anumang kaugnayan sa prominenteng katayuan, at lalong hindi aristokratiko. Dahil ipinanganak Siya sa isang ordinaryong pamilya, na may mga ordinaryong magulang, na walang tanyag na katayuan sa lipunan o kilalang pinanggalingan ng pamilya, malinaw na ang pinanggalingan at ang pamilya kung saan ipinanganak ang Panginoong Jesus ay karaniwan lamang. Itinala ba sa Bibliya na nakatanggap ng anumang espesyal na edukasyon ang Panginoong Jesus? Nag-aral ba Siya sa isang seminaryo? Sinanay ba Siya ng isang mataas na pari? Nakabasa ba Siya ng maraming aklat kagaya ni Pablo? May malapit ba siyang ugnayan o pakikitungo sa matataas sa lipunan o sa matataas na pari ng Hudaismo? Wala, wala Siyang ugnayan. Kung titingnan ang katayuan sa lipunan ng pamilyang sinilangan ng Panginoong Jesus, malinaw na hindi Niya makakasalamuha ang matataas na antas ng mga eskriba at Pariseong Hudyo; limitado Siya sa pamumuhay kasama ng mga ordinaryong Hudyo. Paminsan-minsan, pumupunta Siya sa sinagoga, at ang mga taong nakakaharap Niya ay pangkaraniwang lahat. Ano ang ipinakikita nito? Habang lumalaki ang Panginoong Jesus, bago Niya pormal na sinimulan ang Kanyang gawain, hindi pa rin nagbago ang kinalakhan Niyang pinanggalingan. Kahit tumuntong na Siya sa edad na labindalawa, hindi nagsimulang sumagana ang pamilya Niya at hindi Siya yumaman, lalo pa ang magkaroon ng pagkakataong makasalamuha ang mga taong nasa matataas na antas ng lipunan o nasa relihiyosong mundo, at hindi rin Siya nagkaroon ng pagkakataong makatanggap ng mas mataas na edukasyon noong lumalaki Siya. Anong mensahe ang ibinibigay nito sa mga sumunod na henerasyon? Ang ordinaryo at normal na taong ito, na Siyang nagkatawang-taong Diyos, ay walang pagkakataon ni mga kondisyon para makatanggap ng mas mataas na edukasyon. Katulad Siya ng mga ordinaryong tao, namuhay Siya sa isang pangkaraniwang kapaligiran ng lipunan, sa isang ordinaryong pamilya, at walang espesyal sa Kanya. Dahil mismo rito, matapos mabalitaan ang mga sermon at kilos ng Panginoong Jesus, ang mga eskriba at Pariseong iyon ay naglakas-loob na tumayo at lantaran Siyang husgahan, lapastanganin, at kondenahin. Ano ang batayan nila sa kanilang pagkondena? Walang duda, batay ito sa mga kautusan at patakaran ng Lumang Tipan. Una, pinangunahan ng Panginoong Jesus ang Kanyang mga disipulo na huwag sundin ang Sabbath—gumawa pa rin Siya noong Sabbath. Bukod pa rito, hindi Niya sinunod ang mga kautusan at patakaran at hindi Siya pumunta sa templo, at nang makaharap Niya ang mga makasalanan, tinanong Siya ng ilang tao kung paano harapin ang mga ito, pero hindi Niya hinarap ang mga ito ayon sa kautusan, sa halip nagpakita Siya sa kanila ng awa. Wala sa mga aspektong ito ng mga pagkilos ng Panginoong Jesus ang naaayon sa mga relihiyosong kuru-kuro ng mga Pariseo. Dahil hindi nila minamahal ang katotohanan at sa gayon ay kinamumuhian nila ang Panginoong Jesus, ginamit nilang dahilan ang paglabag ng Panginoong Jesus sa kautusan para masigasig nila Siyang kondenahin, at nagpasya sila na kailangan Siyang patayin. Kung isinilang ang Panginoong Jesus sa isang prominente at kilalang pamilya, kung mataas ang pinag-aralan Niya, at kung malapit ang ugnayan Niya sa mga eskriba at Pariseong ito, hindi sana nangyari sa Kanya nang panahong iyon ang gaya nang nangyari sa kalaunan—maaaring nagbago ang mga iyon. Dahil mismo sa pagiging ordinaryo Niya, sa pagiging normal Niya, at sa kalagayan ng Kanyang kapanganakan kung kaya’t kinondena Siya ng mga Pariseo. Ano ba ang batayan nila sa pagkondena sa Panginoong Jesus? Iyon ay ang mga patakaran at kautusan na pinanghawakan nila, na pinaniwalaan nilang hindi magbabago magpasawalang-hanggan. Pinanghawakan ng mga Pariseo ang mga teolohikal na teorya na naarok nila bilang kaalaman at bilang kasangkapan para timbangin at kondenahin ang mga tao, ginamit pa nga nila ito sa Panginoong Jesus. Ganito kinondena ang Panginoong Jesus. Ang paraan ng pagtimbang o pagtrato nila sa isang tao ay hindi kailanman nakabatay sa diwa ng tao, ni sa kung ang ipinangaral ba ng isang tao ay ang katotohanan, at lalong hindi sa pinagmulan ng mga salitang sinabi ng taong iyon—ang paraan ng pagtimbang o pagkondena ng mga Pariseo sa isang tao ay nakabatay lamang sa mga regulasyon, salita, at doktrinang naarok nila sa Lumang Tipan ng Bibliya. Kahit alam ng mga Pariseo sa puso nila na ang sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus ay hindi isang kasalanan o paglabag sa kautusan, kinondena pa rin nila ang Panginoong Jesus, dahil ang mga katotohanang ipinahayag Niya at ang mga tanda at kababalaghang ginawa Niya ay nag-udyok sa mga tao na sumunod sa Kanya at purihin Siya. Namuhi nang namuhi sa Kanya ang mga Pariseo, at gusto pa nga Siyang alisin sa eksena. Hindi nila kinilala na ang Panginoong Jesus ay ang Mesiyas na darating, ni kinilala nila na taglay ng mga salita Niya ang katotohanan, at lalo nilang hindi kinilala na alinsunod sa katotohanan ang gawain Niya. Hinusgahan nila ang Panginoong Jesus bilang nagsasalita ng mga mapangahas na salita at nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, na prinsipe ng mga demonyo. Dahil isinisisi nila ang mga kasalanang ito sa Panginoong Jesus, ito ay nagpapakita kung gaano sila namumuhi sa Kanya. Kaya, masigasig silang gumawa para itatwa na isinugo ng Diyos ang Panginoong Jesus, at na Siya ang Anak ng Diyos, at na Siya ang Mesiyas. Ang ibig nilang sabihin ay, “Gagawin ba ng diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Kung nagkatawang-tao ang diyos, ipinanganak sana siya sa isang pamilyang may makapangyarihang katayuan. At kakailanganin niyang tanggapin ang pagtuturo ng mga eskriba at Pariseo. Kailangan niyang sistematikong pag-aralan ang mga Kasulatan, magkaroon ng pagkaarok sa kaalaman sa kasulatan, at masangkapan ng lahat ng kaalaman sa Kasulatan bago niya makuha ang pangalang ‘nagkatawang-taong diyos.’” Pero hindi nasangkapan ang Panginoong Jesus ng ganitong kaalaman, kaya kinondena nila ang Panginoong Jesus, nagsasabing, “Unang-una, hindi ka kalipikado, kaya hindi puwedeng ikaw ang diyos; ikalawa, kung wala ka ng kaalamang ito sa kasulatan, hindi mo magagawa ang gawain ng diyos, lalo na ang maging diyos ka; ikatlo, hindi ka dapat gumawa sa labas ng templo—hindi ka ngayon gumagawa sa loob ng templo, kundi kasama mo palagi ang mga makasalanan, kaya ang gawaing ginagawa mo ay lagpas na sa saklaw ng Kasulatan, kaya lalong hindi posibleng ikaw ang diyos.” Saan galing ang batayan nila ng pagkondena? Mula sa Kasulatan, mula sa isip ng tao, at mula sa teolohikal na edukasyong natanggap nila. Dahil punong-puno ng mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ang mga Pariseo, naniwala silang tama ang kaalamang ito, na ito ang katotohanan, na makatwiran itong batayan, at hindi kailanman masasalungat ng Diyos ang mga ito. Hinanap ba nila ang katotohanan? Hindi. Ano ang hinanap nila? Ang isang kahima-himalang diyos na nagpakita sa anyo ng isang espirituwal na katawan. Kaya, tinukoy nila ang mga hangganan ng gawain ng Diyos, itinatwa ang Kanyang gawain, at hinusgahan kung tama ba o mali ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ng tao. At ano ang naging pangwakas na resulta nito? Hindi lamang nila kinondena ang gawain ng Diyos, ipinako pa nila sa krus ang nagkatawang-taong Diyos. Ito ang nangyari sa paggamit nila ng kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman para timbangin ang Diyos, at ito ang kung ano ang buktot sa kanila.
Kung huhusgahan batay sa pagpapahalaga ng mga Pariseo sa kaalaman at pag-aaral, nasaan ba ang kabuktutan nila? Paano ito naipapamalas? Paano natin masusuri at mahihimay ang buktot na kalikasan ng mga gayong tao? Kilala ang paggalang ng mga Pariseo sa kaalaman at pag-aaral, at hindi na kailangang idetalye pa ito. Kaya, ano ba mismo ang buktot na kalikasang nabubunyag dito? Paano natin mahihimay at makikilatis ang buktot na kalikasan ng mga gayong tao? Magsalita nga ang sinuman sa inyo. (Ginagamit nila ang teoretikal na kaalaman para salungatin ang diwa ng Diyos; isa ito sa mga pagpapamalas nila ng kabuktutan.) Ang pagsalungat ay isang pagkilos, kung gayon, bakit sila sumasalungat? Ang pagsalungat ay may kaunting malupit na disposisyon, pero hindi ninyo pa rin natatalakay ang kabuktutan. Bakit sila sumalungat? Dahil ba ito sa gusto o ayaw nila sa Kanya? Ayaw nila sa ganitong klaseng Diyos, dahil naniniwala silang, “Ang diyos ay dapat nasa langit, nasa ikatlong langit, hinahangaan ng lahat, hindi maaabot ng mga tao, hindi maaarok ng mga ito, ang siya na dapat tingalain ng buong sangkatauhan, ng lahat ng nilikha, at maging ng lahat ng may buhay sa sansinukob—ganoon ang diyos! Ngayon pumarito na ang diyos, pero isinilang ka sa tahanan ng isang karpintero, mga ordinaryong tao lamang ang mga magulang mo, at isinilang ka pa nga sa sabsaban. Ang kondisyon ng kapanganakan mo ay hindi lang ordinaryo, mas mababa pa ito sa ordinaryo at mas mababa pa sa pangkaraniwan—paano ito matatanggap ng mga tao? Kung paparito talaga ang diyos, hindi siya puwedeng pumarito nang ganito!” Hindi ba’t ganito nililimitahan ng mga tao ang Diyos? Nililimitahan ng lahat ng tao ang Diyos sa ganitong paraan. Sa katunayan, sa kaibuturan nila ay malabo rin nilang nadaramang hindi isang ordinaryong tao ang Panginoong Jesus, na tama ang sinabi ng Panginoong Jesus, at na iyong mga kasalanang inakusa ng mga tao sa Kanya ay hindi talaga tumugma sa mga katunayan. Kayang pagalingin ng Panginoong Jesus ang mga may sakit at palayasin ang mga demonyo, at hindi sila makakita ng anumang kamalian ni makahanap ng anumang magagamit nila mula sa mga salita at sermong sinabi at binigkas Niya, pero hindi pa rin nila ito matanggap, at nagduda pa rin sila sa puso nila: “Ganito ba talaga ang diyos? Napakadakila ng diyos na nasa langit, kaya kung naging tao siya at bumaba sa lupa, dapat ay mas dakila pa siya, hinahangaan ng lahat ng tao, nakikisalamuha sa mararangal na pamilya, mahusay magsalita, at hindi nagpapakita ng kahit isang pantaong kamalian o kahinaan. Bukod pa rito, dapat muna niyang gamitin ang kaalaman niya, ang pinag-aralan niya, at ang mga kasanayan niya para supilin ang mga kaparian sa templo. Dapat niya munang kunin ang loob ng mga taong ito; iyon ang magiging layunin ng diyos.” Tungkol naman sa ginawa ng Panginoong Jesus, hindi nila ito pinaniwalaan, ni ginusto nilang tanggapin o kilalanin ang katunayang ito. Hindi malaking isyu ang pag-ayaw nilang kilalanin ang katunayang ito; sa kaibuturan nila, mayroon pa silang taglay na mas nakamamatay: Kung ang gayong tao ay diyos, ibig sabihin lahat ng opisyal sa relihiyon ay puwedeng maging diyos, lahat sila ay mas katulad pa ng diyos kaysa sa Diyos Mismo, at mas kalipikado ang lahat na maging cristo kaysa sa Panginoong Jesus. Hindi ba’t nakakagulo ito? (Oo.) Habang kinokondena nila ang Panginoong Jesus, sinasalungat at hinahamak din nila ang bawat aspekto ng kondisyon na may kinalaman sa katawang-tao na pinili ng Diyos para sa Kanyang pagkakatawang-tao sa pagkakataong ito. Hindi pa natin natatalakay kung nasaan ba ang kabuktutan ng mga Pariseo—ituloy natin ang ating pagbabahaginan.
Nagiging tao ang Diyos bilang isang ordinaryong tao, na ibig sabihin ay nagpapakumbaba ang Diyos mula sa isang matayog na imahe, pagkakakilanlan, at posisyon sa ibabaw ng lahat ng bagay para maging isang lubos na ordinaryong tao. Kapag Siya ay nagiging isang ordinaryong tao, hindi Niya pinipiling ipanganak sa isang kilala at mayamang pamilya; ang kondisyon ng kapanganakan Niya ay napakapangkaraniwan, hamak pa nga. Kung titingnan natin ang usaping ito mula sa perspektiba ng isang ordinaryong tao, ng isang taong may konsensiya, pagkamakatwiran, at pagkatao, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay karapat-dapat sa paggalang at pagmamahal ng mga tao. Paano ito dapat tratuhin ng mga tao? (Nang may paggalang.) Dapat purihin ng isang ordinaryo at normal na taong sumusunod sa Diyos ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos dahil sa katunayan na nagpapakumbaba ang Diyos mula sa isang matayog na katayuan patungo sa isang napakakaraniwang tao—ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos ay sobrang kaibig-ibig! Ito ay isang bagay na hindi makakamit ng sinumang tiwaling tao ni ng mga diyablo at Satanas. Positibo o negatibong bagay ba ito? (Positibong bagay.) Ano ang eksaktong inilalarawan ng positibong bagay na ito, ng pangyayaring ito, at ng katunayang ito? Ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos, ang pagiging kaibig-ibig at kamahal-mahal ng Diyos. Ang isa pang katunayan ay na minamahal ng Diyos ang mga tao; tunay ang pagmamahal ng Diyos, hindi ito huwad. Ang pagmamahal ng Diyos ay hindi isang hungkag na pananalita, hindi isang islogan, ni isang ilusyon, kundi ito ay tunay at totoo. Ang Diyos Mismo ay nagiging tao at nagtitiis ng mga maling pagkaunawa ng mga tao, pati na rin ng panunuya, paninirang-puri, at panlalapastangan nila. Siya ay nagpapakumbaba at nagiging isang ordinaryong tao, hindi mukhang matayog, walang espesyal na talento at siguradong walang malalim na kaalaman o pinag-aralan—para sa anong layunin? Ito ay para lapitan ang mga taong Kanyang hinirang at nilalayong iligtas nang may ganitong pagkakakilanlan at anyo ng isang tao na pinakamadaling malalapitan nila. Hindi ba’t ang lahat ng ito na ginawa ng Diyos ay bumubuo sa halagang ibinayad Niya? (Oo.) May iba pa bang makakagawa nito? Walang sinumang makakagawa nito. Halimbawa, ang ilang babaeng gustong-gusto ang kagandahan ay palaging naglalagay ng makeup at hindi lumalabas kung wala nito. Kung sasabihin mo sa gayong babae na lumabas nang walang makeup o tumayo sa entablado nang hindi nagme-makeup, magagawa niya ba ito? Hindi niya kaya. Hindi pa nga siya nahamak sa ganitong kaso; ang lumabas lang nang walang makeup ay imposible na sa kanya, hindi niya nga kayang isuko ang kahit katiting na banidad na iyon, iyong kahit katiting na pakinabang ng laman. Kung gayon paano naman ang Diyos? Kapag nagpapakumbaba ang Diyos para ipanganak sa pinakamababa sa lipunan bilang isang napakaordinaryong tao, ano ang isinusuko Niya? Isinusuko Niya ang Kanyang dignidad. Bakit nagagawa ng Diyos na isuko ang dignidad Niya? (Para mahalin at iligtas ang mga tao.) Ito ay para mahalin at iligtas ang mga tao, na nagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Kung gayon, paano nasasangkot dito ang pagkawala ng dignidad? Paano dapat tingnan ang usaping ito? Sinasabi ng ilang tao, “Anong dignidad ang nawawala sa Diyos? Hindi ba’t taglay Mo pa rin ang pagkakakilanlan ng Diyos kahit na naging tao Ka? Hindi ba’t may mga tao pa ring sumusunod sa Iyo at nakikinig sa pangangaral Mo? Hindi ba’t ginagawa mo pa rin ang mismong gawain ng Diyos—anong dignidad ang nawala sa Iyo?” Itong “pagkawala ng dignidad” ay kinasasangkutan ng ilang aspekto. Sa isang banda, ang motibasyon ng Diyos sa paggawa ng lahat ng ito ay alang-alang sa mga tao, pero mauunawaan ba ito ng mga tao? Maski ang mga taong sumusunod sa Kanya ay hindi ito kayang maunawaan. Ano ang nilalaman ng kawalang ito ng pagkaunawa? May maling pagkakaunawa, maling pagpapakahulugan, at kakaibang tingin o mga nanghahamak na tingin mula sa ilang tao. Ang Diyos ay nasa espirituwal na mundo, nasa gitna ng lahat ng bagay, at ang buong sangkatauhan ay nasa paanan ng Diyos, pero ngayong naging tao ang Diyos, katumbas ito ng pamumuhay Niya sa parehong kapaligiran kasama ng mga tao bilang kapantay nila. Kailangan Niyang harapin ang panunuya, paninirang-puri, maling pagkaunawa, at panlalait ng sangkatauhan, pati na rin ang mga kuru-kuro, poot, at panghuhusga nila—ito ang mga kailangan Niyang harapin. Habang kinakaharap Niya ang mga ito, sa tingin ba ninyo ay may dignidad Siya? Ayon sa pagkakakilanlan ng Diyos, hindi Niya dapat pagdusahan ang mga ito, hindi dapat tratuhin ng mga tao ang Diyos nang ganito, at hindi Niya dapat tiisin ang mga ito; ito ay hindi mga bagay na dapat tiisin ng Diyos, pero kapag nagiging tao ang Diyos kailangan Niyang tanggapin ang mga ito, kailangan Niyang tiisin ang lahat ng ito, at wala Siyang hindi pagdurusahan. Ang tiwaling sangkatauhan ay kayang magsabi ng maraming magandang pakinggang bagay sa Diyos na nasa langit, pero wala silang pagsasaalang-alang sa nagkatawang-taong Diyos. Iniisip nila, “Ang diyos ay naging tao? Napakaordinaryo at normal mo, walang kahit anong espesyal; para bang wala kang magagawang kahit ano para sa akin!” Ang lakas ng loob nilang magsabi ng kahit ano! Pagdating sa mapapakinabangan nila mismo o sa kanilang reputasyon, naglalakas-loob silang magsabi ng kahit anong panghuhusga o pagkondena. Kaya, kapag nagiging tao ang Diyos, kahit na mayroon Siya nitong katayuan at tinatamasa ang pagkakakilanlang ito kapag nakikisalamuha Siya sa mga tao at namumuhay kasama ng tiwaling sangkatauhan, kasabay nito ay talagang kailangan Niyang tiisin ang lahat ng uri ng panghahamak na hatid sa Kanya ng Kanyang pagkakakilanlan. Ganap Siyang nawawalan ng dignidad—ito ang unang bagay na kailangang tiisin ng Diyos, ang pagharap sa lahat ng kalituhan, maling pagkaunawa, pagdududa, pagsubok, pagrerebelde, panghuhusga, pandaraya, atbp., na ikinikilos sa Kanya ng tiwaling sangkatauhan. Kailangan Niyang pagtiisan ang lahat ng ito—iyon ang pagkawala ng dignidad Niya. Ano pa? Sa diwa ay walang pagkakaiba ang pagkakatawang tao at ang Espiritu—tama ba ito? (Oo.) Walang pagkakaiba sa diwa, pero may isang aspekto: Hindi kailanman mapapalitan ng katawang-tao ang Espiritu. Ibig sabihin, ang katawang-tao ay nalilimitahan sa marami Niyang kakayahan. Halimbawa, kayang maglakbay ng Espiritu sa espasyo, hindi ito naaapektuhan ng oras, ng klima, o ng iba’t ibang kapaligiran, at ito ay nasa lahat ng dako, samantalang ang katawang-tao ay nasa ilalim ng mga limitasyong ito. Anong kawalan ang nangyari sa dignidad ng Diyos? Ano ang mahirap sa usaping ito? Ang Diyos Mismo ay may ganitong abilidad, pero dahil nalilimitahan Siya ng katawang-tao, sa panahon ng Kanyang gawain, kailangan Niyang panatilihin ang gawain ng katawang-tao nang tapat, tahimik at masunurin hanggang sa matapos ang gawain. Sa panahong gumagawa ang Diyos sa katawang-tao, ang kayang makita ng mga tao sa Diyos, at ang kaya nilang maarok sa Kanya sa mga kuru-kuro nila, ay ang katawang-taong ito na kayang makita ng mga mata nila. Kaya, sa mga imahinasyon at kuru-kuro nila, hindi ba’t nasa ilalim ng ilang limitasyon ang kadakilaan, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, karunungan, at maging awtoridad ng Diyos? (Oo.) Sa malaking antas, ang mga bagay na iyon ay nasa ilalim ng ilang limitasyon. Ano ang nagdudulot ng mga limitasyong ito? (Ang pagiging katawang-tao.) Ang mga limitasyong ito ay dulot ng pagiging katawang-tao Niya. Masasabing ang pagiging katawang-tao ay nagdudulot ng isang uri ng abala sa Diyos Mismo. Siyempre, ang salitang “abala” ay medyo hindi saktong gamitin dito, pero angkop namang sabihin ito sa ganitong paraan—sa ganitong paraan lang ito puwedeng sabihin. Ang abala bang ito ay may epekto sa pagkaunawa ng mga tao sa Diyos at sa tunay na pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha ng mga tao sa Diyos para mahalin ang Diyos at magpasakop sa Kanya? (Mayroon.) Mayroon talaga itong epekto. Basta’t nakita ng isang tao ang katawang-tao ng Diyos, basta’t may mga pakikitungo sila sa katawang-tao ng Diyos, basta’t narinig nila na nagsalita ang katawang-tao ng Diyos, posible na sa buhay nila, ang wangis ng Diyos, ang karunungan ng Diyos, ang diwa ng Diyos at ang disposisyon ng Diyos ay mananatili magpakailanman sa kung ano ang nakikilala, nakikita, at nauunawaan nila sa katawang-taong ito. Hindi ito patas sa Diyos. Hindi ba’t ganito ang kaso? (Oo, ganito nga.) Hindi ito patas sa Diyos. Kung gayon, bakit ito ginagawa pa rin ng Diyos? Dahil sa pamamagitan lamang ng pagiging tao ng Diyos makakamit ang pinakamagagandang resulta ng pagdadalisay at pagliligtas ng Diyos sa mga tao—pinipili ng Diyos ang landas na ito. Nagiging tao ang Diyos at namumuhay Siya nang harapan kasama ng mga tao, hinahayaan ang mga taong marinig ang mga salita Niya, makita ang bawat galaw Niya, at makita ang disposisyon Niya, maging ang personalidad Niya, at ang mga kasiyahan at kalungkutan Niya. Kahit na ang disposisyong ito at ang mga kasiyahan at kalungkutang ito ay makabubuo ng mga kuru-kuro kapag nasaksihan ito ng mga tao, na nakakaapekto sa pagkaunawa ng mga tao sa diwa ng Diyos, at nakalilimita sa pagkaunawa ng mga tao, mas gugustuhin ng Diyos na mali Siyang maunawaan ng mga tao at pipiliin pa rin Niya ang pamamaraang ito para makamit ang pinakamagagandang resulta sa pagliligtas sa mga tao. Samakatwid, mula sa pananaw ng pagkaunawa ng mga tao sa orihinal na mukha ng Diyos, at sa tunay na pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos, isinakripisyo Niya ang Kanyang dignidad. Hindi ba’t puwedeng sabihin ito? Iyon ay mula sa pananaw na ito. Pagbulayan ninyo itong mabuti: Sa iba’t ibang aspekto na ibinayad at ginawa ng Diyos, ayon sa pagkaunawa ng mga tao, mayroon bang kahit na anong katumbas ng mga teorya at islogan ng mga Pariseo at anticristo? Wala. Halimbawa, noong sinabi ng mga Pariseo na, “Kagalang-galang ang diyos,” paano nila nauunawaan ang pagiging kagalang-galang na ito? Para sa kanila, paano dapat maisakatuparan ang pagiging kagalang-galang na ito ng Diyos? Iyon nga lang, matayog Siya. Hindi ba’t doktrina na “kagalang-galang ang diyos, sobrang kagalang-galang ang diyos”? (Oo.) Ano ang pinaniniwalaan nilang ang pagiging kagalang-galang ng Diyos? Ito ay iyong kapag pumunta ang Diyos sa mundo, magkakaroon Siya ng prominenteng posisyon, pinakamahusay na kaalaman at talento, pinakamahusay na abilidad, napakahusay na pananalita, at primera klase at napakagandang anyo. Ano ang pagiging kagalang-galang na pinaniniwalaan nila? Iyon ay kung ano ang nakikita ng mga tao. Hindi ba’t ang ganitong uri ng pagiging kagalang-galang ay isang bagay na ginagawa ni Satanas? (Oo.) Hindi iyon ginagawa ng Diyos! Tingnan ninyo kung anong uri ng mga tao ang pinili ng Diyos para sa mga hinirang na taong ito ng Diyos, at tingnan ninyo kung anong uri ng mga tao ang mga namumukod-tanging piling tao sa mundo ni Satanas. Sa pagkukumpara sa mga iyon sa ganitong paraan, malalaman mo kung anong klaseng tao ang inililigtas ng Diyos at kung anong klaseng tao ang hindi maliligtas. Ang mga labis na mapagmataas, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, may kaloob at may talento ang pinakamalamang na hindi tatanggap sa katotohanan. Ang pananalita nila ay puno ng kaalaman, sobrang mahusay magsalita, at nakakapag-udyok sa mga taong sambahin at hangaan sila, pero ang nakapagpapabagsak na kahinaan nila ay ang hindi pagtanggap sa katotohanan, at tutol sila sa katotohanan at kinamumuhian nila ito, na nagdedeterminang tatahakin nila ang landas ng pagkalipol. Pero, wala sa mga hinirang na tao ng Diyos ang may kahit anong mga espesyal na kaloob o talento, pero kaya nilang tanggapin ang katotohanan, magpasakop sa Diyos, at talikuran ang kanilang katanyagan, kapakinabangan, at katayuan para sumunod sa Diyos, at handa silang gawin ang kanilang tungkulin. Ito ang mga klase ng taong inililigtas ng Diyos. Sino ang sinasamba ng mga walang pananampalataya? Sinasamba nilang lahat ang mga intelektuwal na matataas ang antas at ang mga taong may prominenteng katayuan ang pamilya. Pagdating naman sa mga kaloob, espesyalidad, at katayuan ng pamilya, wala tayong kahit ano sa mga ito—pare-pareho tayo. Ano ang tingin ninyo rito? Hindi ginagawa ng Diyos ang mga gayong bagay—ganoon ba iyon kasimple? Bakit hindi ito ang isinaayos ng Diyos? Ang layunin ng Diyos ay narito. Pawang napakadali para sa Diyos na isaayos kung sa anong pamilya isisilang ang isang tao, at kung anong kaalaman ang matututuhan nito. Kaya bang kumilos ng Diyos sa ganitong paraan? (Oo.) Talagang kaya Niya! Kung gayon bakit hindi isaayos ng Diyos na ipanganak tayo sa mayayaman at prominenteng pamilya? Ito ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, ito ang pagbubunyag ng diwa ng Diyos, at ang mga nakakaunawa lamang sa katotohanan ang makakakilatis sa bagay na ito. Pagkatapos maging tao ng Diyos, gaano man katindi ang mga kuru-kuro ng mga tao, gaano man katindi ang mga hirap na nakakaharap ng Diyos sa Kanyang gawain, gaano man kalaking mga hadlang ang kinakaharap Niya, gaano man katindi ang panunuya at paninirang-puri na natatanggap Niya, at gaano man sa Kanyang dignidad ang mawala pagkatapos Niyang maging tao sa ganitong paraan, nag-aalala ba Siya? Wala Siyang pakialam. Kung gayon, ano ang inaalala Niya? Kung mauunawaan ninyo ang puntong ito, ibig sabihin ay talagang alam ninyo na ang Diyos ay kaibig-ibig. Ano ang inaalala ng Diyos? Ano ang masinsinang layunin ng Diyos sa pagbabayad ng ganitong halaga at pagsasagawa ng gayon katinding pagsisikap? Para saan Niya ito mismo ginawa? (Para ang grupong ito na hinirang ng Diyos ay mas mabuting maunawaan ang Diyos, magkaroon ng mas maayos na ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang katawang-tao, at pagkatapos ay magkaroon ng totoong pagkaunawa sa Diyos.) Magkaroon ng pagkaunawa sa Diyos—kung gayon, kapaki-pakinabang pa rin ba ito sa Diyos? Nagbayad ba ng malaking halaga ang Diyos para sa nag-iisang layong ito? Oo o hindi? Masinsinan bang gumawa ang Diyos sa loob ng 6,000 taon para lang maunawaan ng mga tao ang Diyos? Sabihin ninyo sa Akin, pagkatapos likhain ng Diyos ang mga tao, pagkatapos lumayo ng sangkatauhan sa Diyos at sumunod kay Satanas, at nagsimulang gugulin ng bawat tao ang buhay niya gaya ng isang buhay na demonyo—sino ba ang pinakamasaya? (Si Satanas.) Sino ang biktima? (Ang mga tao.) Sino naman ang pinakamalungkot? (Ang Diyos.) Kayo ba ang pinakamalungkot? (Hindi.) Sa realidad, walang nakakakilatis sa mga ito. Walang nakakaalam mismo sa mga bagay na ito: Tinatanggap nila kung maging anuman sila. Kapag sinabi mo sa kanilang isagawa ang katotohanan, hindi nila iniisip na makakabuti ito. Patuloy silang namumuhay ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at noon pa man ay palagi na silang naghihimagsik laban sa Diyos. Sa katunayan, ang pinakamalungkot at ang pinakasugatan ang puso ay ang Diyos. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan; sa tingin ba ninyo ay inaalala ng Diyos ang agarang lagay ng pag-iral ng tao, o kung maayos ba o hindi ang buhay nila? (Nagmamalasakit Siya.) Ang Diyos ang pinakanag-aalala, at siguro hindi ito nararamdaman ng mga taong sangkot, at sa katunayan ay hindi nila ito mismo nauunawaan. Sa pamumuhay sa mundong ito, ganito na ang sangkatauhan isang daang taon na ang nakalilipas, at ngayon ganoon pa rin ito, dumarami bawat henerasyon, at namumuhay nang ganito sa bawat henerasyon, ang ilang tao ay maayos, ang ilan ay mahirap—maalon ang buhay. Sa bawat henerasyon ay dumarating ang mga tao, nagsusuot ng iba’t ibang pananamit, kumakain ng parehong pagkain, pero ang estruktura at sistema ng lipunan ay nagbabago nang paunti-unti; hindi namamalayan ng mga tao na nakarating na sila sa kasalukuyan—namamalayan ba nila? Hindi nila namamalayan. Kung gayon, sino ang may pinakamalaking kamalayan? (Ang Diyos.) Ang Diyos ang pinakanag-aalala sa usaping ito. Ang isa sa mga bagay na hindi kinakalimutan ng Diyos ay kung paano nabubuhay ang mga taong nilikha Niya, kung ano ang kasalukuyang kalagayan ng buhay ng mga tao, kung maayos ba silang nabubuhay, kung ano ang kinakain at isinusuot ng mga tao, kung ano ang magiging kinabukasan nila, at kung ano ang iniisip ng mga tao sa puso nila araw-araw. Kung ang tanging iniisip ng mga tao araw-araw ay kasamaan, tungkol lang sa kung paano magbago at sumalungat sa mga batas ng kalikasan, kung paano lumaban sa Langit, kung paano sumunod sa masamang kalakaran ng mundo, tinitingnan ba ito ng Diyos at natutuwa rito? (Hindi, hindi Siya natutuwa.) Kung gayon, hindi natutuwa ang Diyos at ganoon na lang ba iyon? Wala ba Siyang gagawin doon? (Oo, mayroon Siyang gagawin.) Kailangan Niyang humanap ng paraan para mabuhay nang maayos ang mga taong ito, para ipaunawa sa kanila ang mga prinsipyo ng pag-asal ng sarili, para ipaalam sa kanilang sambahin ang Diyos, at magpasakop sa lahat ng batas ng kalikasan, sa pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, para magawang mamuhay ng mga tao nang may wangis ng tao, at gumaan ang pakiramdam ng Diyos. Kahit na iwan pa ng Diyos ang mga taong ito, makakapamuhay pa rin sila nang normal sa gayong kapaligiran, nang walang kahit anong pinagdurusahan mula kay Satanas—ito ang layunin ng Diyos. Kapag nakikita ni Satanas na kaya ng mga tao na magpasakop sa Diyos at magsabuhay ng wangis ng tao, ganap itong napapahiya at nabibigo, kaya lubusan nitong inaabandona ang mga taong ito at hindi na sila kailanman muling papansinin pa. Sino ba ang pinagtutuunan ni Satanas? Pinagtutuunan lamang nito ang mga nananampalataya sa Diyos pero hindi naghahangad ng katotohanan, ang mga hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos at hindi nananalangin sa Diyos, ang mga hindi buong pusong ginagawa ang kanilang tungkulin, at ang mga gusto palaging makahanap ng mapapangasawa, magsimula ng pamilya, at magtayo ng propesyon. Gustong akitin ni Satanas ang mga taong ito, para iligaw ang mga ito hanggang sa lumayo sila sa Diyos, hindi gawin ang kanilang tungkulin, at ipagkanulo ang Diyos, hanggang sa sila ay itiwalag Niya—kapag nagkagayon ay labis na matutuwa si Satanas. Habang mas lalo mong hindi hinahangad ang katotohanan, mas sumasaya ito, habang mas hinahangad mo ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, at mas pabaya ka sa paggawa ng iyong tungkulin, mas sumasaya si Satanas. Kung lalayuan at ipagkakanulo mo ang Diyos, mas lalo pang sumasaya si Satanas—hindi ba’t ganito ang mentalidad ni Satanas? Hindi ba’t ganito ang mentalidad ng mga anticristo? Ang mga kauri ni Satanas ay pawang may ganitong mentalidad. Gusto nilang akitin ang sinumang nakikita nilang hindi taimtim na nananampalataya sa Diyos, ang sinumang nagbibigay-pansin sa pagkatuto ng kaalaman at paghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, at ang sinumang hindi nag-aasikaso sa nauukol niyang gampanin kapag gumagawa siya ng kanyang tungkulin. Kapag nakakatagpo sila ng ganitong tao, kapareho nila ito ng lengguwahe, marami silang naibabahagi kapag magkakasama sila, at malaya nilang nasasabi ang nasa mga isip nila, nang walang pag-aalinlangan. Ano ang nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ang mga taong ito na hindi hinahangad ang katotohanan? Nababalisa Siya! Samakatwid, ano ang nagdulot sa Diyos na magbayad ng lahat ng halagang ito? Ito ay dahil sa Kanyang pagmamalasakit, pagkalinga, at pag-aalala para sa sangkatauhan. Dinadala ng Diyos sa Kanyang puso ang mga pagmamalasakit, pagkalinga, at pag-aalalang ito sa mga tao, at dahil taglay ng Diyos ang gayong saloobin sa tao, pagkatapos nito ay nabubuo nang paisa-isang hakbang ang gawain Niya. Kung ang tingin ng mga tao sa Diyos ay mapagpakumbaba at tago man o hindi, talagang minamahal man ang mga tao o hindi, tapat man o hindi, o dakila man o hindi, naniniwala ang Diyos na sulit ang lahat ng halagang ito at puwedeng magantimpalaan. Ano ang ibig sabihin ng gantimpalang ito? Ibig sabihin nito ay na ang mga bagay na inaalala Niya sa Kanyang puso ay hindi na muling mangyayari, at ang mga taong pinagmamalasakitan Niya sa Kanyang puso ay makapamumuhay na ayon sa Kanyang mga layunin, ayon sa Kanyang daan at direksiyong itinuro at iginabay Niya sa mga tao, at ang mga taong ito ay hindi na magagawang tiwali ni Satanas—hindi na sila mamumuhay sa pagdurusa, at maglalaho na ang mga pag-aalala ng Diyos at gagaan na ang pakiramdam ng Diyos. Kaya, pagdating sa lahat ng ginawa ng Diyos—anuman ang pangunahing motibasyon Niya, gaano man kalaki o kaliit ang plano Niya—hindi ba’t positibong bagay ang lahat ng ito? (Oo, positibong bagay nga.) Ang mga ito ay positibong bagay lahat. Kapansin-pansin man o hindi sa mga tao ang paraan ng paggawa ng Diyos, kabanggit-banggit man ito o hindi, paano man husgahan ng mga tao ang paraan ng paggawa ng Diyos para hatulan at iligtas ang mga tao, kung huhusgahan mula sa lahat ng bagay na ginawa ng Diyos at sa halagang ibinayad Niya, hindi ba’t karapat-dapat ang Diyos sa papuri? (Oo, karapat-dapat Siya.) Kung gayon, dakila ba o maliit ang Diyos? (Siya ay dakila.) Napakadakila! Walang sinuman sa sangkatauhan ang makakapagbayad ng ganoong halaga. Sinasabi ng ilang tao na “Ang pagmamahal ng isang ina ang pinakadakila sa sangkatauhan.” Ang pagmamahal ba ng isang ina ay kasingdakila nito? Sa pangkalahatan, pagkatapos mamuhay ng mga anak nang sila lang, hindi na sila pinagkakaabalahan ng mga nanay nila hangga’t nakakaraos sila. Sa katunayan, hindi puwedeng pagkaabalahan ng mga ina ang mga anak nila kahit gustuhin man nila. Kung gayon paano tinatrato ng Diyos ang sangkatauhang ito? Ilang libong taon na ba Niyang tinitiis ito? Tiniis na ito ng Diyos sa loob ng anim na libong taon at hindi pa Siya sumusuko hanggang ngayon. Dahil lang sa katiting na pag-aalala at pagmamalasakit, nagbayad ang Diyos ng gayon kalaking halaga. Ano ba ang tingin ng mga Pariseo at mga anticristo sa gayon kalaking halaga? Kinondena nila ito, hinusgahan nila ito, nilapastangan pa nga nila ito. Mula sa pananaw na ito, hindi ba’t buktot ang kalikasan ng mga anticristong iyon? (Oo, ganoon sila.) Gumawa na ang Diyos ng mga napakakapuri-puring bagay, at ang diwa ng Diyos at ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay labis na karapat-dapat sa papuri ng mga tao. Bukod sa hindi nila pinupuri ang Diyos, gumamit pa sila ng iba’t ibang pagdadahilan at teorya para kondenahin at husgahan Siya, at tinanggihan pa nga nilang kilalaning Siya ang Cristo. Hindi ba’t kamuhi-muhi ang mga taong ito? (Oo, kamuhi-muhi sila.) Hindi ba’t buktot sila? Kung huhusgahan ang buktot na pag-uugali nila, hindi ba’t sinasamba nila ang kaalaman at pag-aaral? Hindi ba’t sinasamba nila ang kapangyarihan at katayuan? (Oo, sinasamba nila.) Kapag mas positibo ang isang bagay, at kapag mas karapat-dapat ito sa papuri, pag-alala, at pamamahagi ng mga tao, mas lalo itong kokondenahin ng mga anticristo. Ito ay isang pagbubunyag sa buktot na kalikasan ng mga anticristo. Kailangang sabihin na ang antas ng kabuktutan ng mga anticristo ay lagpas pa sa maraming tao na may mga tiwaling disposisyon.