Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi) Unang Seksiyon
Karagdagang Babasahin: Mga Kaloob
Bago Ako pumunta sa pangunahing paksa ng pagbabahaginang ito, hayaan ninyo Akong magkuwento. Anong klase ng kuwento ang dapat Kong isalaysay? Kung wala itong epekto sa mga tao, o kung hindi ito nagbibigay ng aral o kapakinabangan sa mga nananampalataya sa Diyos pagdating sa buhay pagpasok at pagkilala sa Diyos, walang dahilan para ikuwento ito. Kung magkukuwento Ako, dapat makapagbibigay-aral kahit papaano ang kuwentong iyon—kailangan may halaga at kahulugan ito. Kaya pakinggan ninyo ang kuwentong ito ngayon at tingnan ninyo kung makakapagbigay-aral at makakatulong ba ito sa inyo. May mga kuwentong totoo, habang ang iba ay mga kathang-isip na batay sa mga tunay na pangyayari; hindi totoo ang mga ito, pero madalas nakikita ang mga ito sa totoong buhay, kaya hindi nalalayo sa realidad ang mga ito. Kathang-isip man ang mga ito, o nangyari talaga, malaki ang kaugnayan ng mga ito sa buhay ng mga tao. Kaya bakit Ko ibabahagi sa inyo ang mga ganitong kuwento? (Para maunawaan namin ang katotohanan.) Tama: Para maunawaan ninyo ang katotohanan mula sa mga ito—ilang katotohanang mahirap para sa mga tao na malaman sa tunay na buhay. Gamitin natin ang pagkukuwento para ilapit sa realidad ang kaalaman ng mga tao tungkol sa katotohanan at sa Diyos at para mas madali nilang maunawaan ang katotohanan at ang Diyos.
Kapag nakikisalamuha Ako sa mga tao sa loob ng mahabang panahon, hindi maiiwasan ang mga kakaiba at nakakatuwang insidente. Nangyari ito sa tagsibol ng taong ito. Dahil lumipas na ang taglamig at papalapit na ang tagsibol, nagiging katamtaman na ang klima, at nagsimula nang umusbong ang lahat ng klase ng halaman, lumalago ang mga ito araw-araw sa ilalim ng sikat ng araw at ng ulan. Ilan sa mga halamang ito ay ligaw, at ilan sa mga ito ay sinadyang patubuin; may nakalaan para kainin ng hayop, may ilang nakalaan para kainin ng mga tao, at mayroon ding para kainin ng mga hayop at tao. Ito ay isang eksena ng tagsibol: isang luntian at masiglang tanawin. At dito nagsisimula ang kuwento. Isang araw, nagulat Ako nang makatanggap Ako ng isang espesyal na regalo. Anong klaseng regalo? Isang supot ng gulay na ligaw. Sabi ng taong nagbigay nito sa Akin, “Ito ay pitaka ng pastol—maaari itong kainin at mabuti ito para sa kalusugan Mo. Maaari Mo itong ihalo sa binating itlog.” Tama naman iyon. Pagkatapos, ikinumpara Ko ito sa pitaka ng pastol na binili Ko dati, at pagkatapos Kong gawin ito, agad Kong nakitang may problema. Mahuhulaan ba ninyo kung ano? May nakita Akong “misteryo.” Anong misteryo? Iba ang hitsura ng pitaka ng pastol na galing sa ibang bansa kumpara sa pitaka ng pastol na galing sa Tsina. May mali ba rito? (Oo, mayroon.) Kung magkaparehong halaman iyon, dapat magkamukha ang mga iyon, kaya ano ang unang bagay na papasok sa isip mo pagkatapos mong matuklasan na iba ang hitsura nito? Pitaka ba talaga ito ng pastol, o hindi? Hindi Ako makasiguro. Hindi ba’t kailangan Kong tanungin ang taong iyon kung ano ang nangyayari? Kaya kalaunan, pinuntahan Ko siya at tinanong, “Sigurado ka bang pitaka ito ng pastol?” Pinag-isipan niya ito at sumagot, “Ah, hindi ako sigurado kung pitaka ito ng pastol o hindi.” Kung hindi siya sigurado, bakit niya ito ibinigay sa Akin? Bakit siya nangahas na ibigay ito sa Akin? Mabuti na lang at hindi Ko ito basta kinain. Pagkalipas ng dalawang araw, naging sigurado Akong hindi talaga ito pitaka ng pastol. Ano ang sinabi ng taong iyon? Sabi niya, “Paano Mo nalamang hindi iyon pitaka ng pastol? Hindi ako sigurado, pero hayaan Mo na: Huwag Mo nang kainin iyon.” Maaari pa bang kainin ang ganoong bagay? (Hindi na.) Hindi na ito maaaring kainin. Kung sasabihin Kong, “Hindi ka sigurado, pero magbabakasakali Ako at kakainin Ko ito, dahil napakabait mo,” tama ba iyon? (Hindi.) Ano ang kalikasan ng pagkilos nang ganoon? Magiging kahangalan ba iyon? (Ganoon na nga.) Oo, kahangalan ito. Sa kabutihang palad, hindi Ko ito kinain, at hindi Ko na rin pinatagal pa ang isyu, kaya natapos na ang usapan.
Paglipas ng panahon, nagsimulang tumubo ang lahat ng klase ng mga ligaw na halaman sa mga taniman: may matataas at mabababa, namumulaklak at hindi namumulaklak, at mga halaman na may lahat ng uri ng kulay at anyo. Dumami ang mga ito, mas kumakapal at mas nagkakahugis. Isang araw, nakatanggap Ako ng isa na namang supot ng regalo, pero hindi na ito supot ng pitaka ng pastol. Sa halip, naglalaman ito ng Tsinong damong maria, galing sa parehong tao. Napakabait niya na nagpadala siya ng isa pang supot, at kalakip nito ay mga tagubilin, “Subukan Mo ito. Ito ay Tsinong damong maria: Nagagamot nito ang sipon, at maaari Mo rin itong ihalo sa binating itlog.” Tiningnan Ko ito: Hindi ba’t taunang damong maria ito? Matatagpuan sa maraming parte ng Tsina ang Tsinong damong maria, at may espesyal na bango ang mga dahon niyon, pero hindi iyon ang ipinadala ng lalaki—paano iyon papasang Tsinong damong maria? Medyo magkamukha ang mga dahon, pero pareho ba, o hindi? Tinanong Ko ang lalaking nagbigay nito sa Akin, pero sinabi niyang hindi niya alam—sa pagsasabi nito, ganap niyang ibinaling sa iba ang sisi. Tinanong pa niya, “Bakit hindi Mo pa ito kinakain? Kahit na hindi ako sigurado kung ano ito, dapat kumain Ka kahit kaunti. Kumain ako ng kaunti, at malasa talaga ito.” Hindi siya sigurado, pero hinihimok niya Akong kainin ito. Ano sa tingin ninyo ang dapat Kong ginawa? Dapat ba pinilit Ko ang sarili Kong kainin ito? (Hindi.) Tiyak na hindi dapat ito kainin, dahil hindi man lang alam ng taong nagpadala nito kung ano ito. Kung sumugal Ako at kinain iyon para sumubok ng bago, maaaring walang mangyari, dahil ang sabi ng taong kumain nito ay ayos naman ito. Pero paano naman ang pagkilos gaya ng pag-iisip na ayos ito at pagkain nito nang walang kamalay-malay? Hindi ba’t pikit-matang paggawa iyon ng mga bagay? Anong klase ng tao ang pikit-matang gumagawa ng mga ganoong bagay? Isang taong magaspang at walang ingat lang ang gagawa nito—isang taong iniisip na, “Hindi na mahalaga kung may mangyari o wala; ayos lang iyon.” Sa tingin ninyo ba dapat Kong gawin ito? (Hindi.) Bakit hindi? Maraming bagay na maaaring kainin; bakit kailangan mangahas na kumain ng di-kilalang halaman? Sa panahon ng taggutom, kapag talagang wala nang natitirang pagkain, maaari kang humukay ng iba’t ibang klase ng ligaw na gulay para subukang kainin, at maaari kang makipagsapalaran. Sa mga ganitong sitwasyon, maaari kang kumain ng di-kilalang halaman. Pero ngayon ba ay isa ito sa mga ganoong sitwasyon? (Hindi.) Napakaraming bagay ang maaari mong kainin, kaya bakit ka maghuhukay para sa mga ligaw na gulay? Kinakailangan bang makipagsapalaran para lang sa isang kakarampot na benepisyo na hindi nakikita, hindi nahahawakan, at pawang imahinasyon lang? (Hindi.) Kaya nagpasya Akong hindi ito kainin. Hindi Ko ito kinain, sa kabutihang palad, at hindi Ko na rin ito sinuri pa nang lubusan, at natapos na rin ang usaping iyon.
Pagkalipas ng ilang panahon, binigyan Ako ng lalaking iyon ng isa pang regalo; pangatlong beses na ito. Ang regalo sa pagkakataong ito ay napakaespesyal: Hindi ito tumubo galing sa lupa, ni ibinunga ng puno. Ano ito? Dalawang itlog ng ibon, maayos na nakabalot sa isang papel na supot kung saan nakasulat ang mga salitang “Mga Itlog ng Ibon Para sa Diyos.” Nakakatawa, hindi ba? Nang buksan ko ang papel na supot, nakita kong kinulayan nang maganda ang mga balat ng dalawang itlog. Hindi pa Ako nakakita ng katulad ng mga ito noon, kaya hindi Ko masabi kung anong uri ng ibon ang nangitlog ng mga ito; naisip Kong humanap ng impormasyon sa internet, pero wala Akong makitang anumang sagot, dahil maraming itlog ang may parehong disenyo at kulay, kaya walang paraan para matukoy ito batay sa sukat at kulay. May sinuman ba sa inyo na nag-iisip na kapaki-pakinabang na tanungin Ko ang lalaking iyon kung anong uri ng mga itlog ng ibon ang mga ito? (Wala.) Bakit wala? (Hindi niya rin ito alam.) Tama ang hula ninyo; hindi niya rin ito alam. Kaya hindi Ko siya tinanong. Kung tinanong Ko siya, masasaktan Ko lang ang damdamin niya, at iisipin niya, “Mabuti ang intensiyon ko at nagmamalasakit ako, pero pinagdududahan Mo pa rin ako. Bakit kinailangan Mo pang hanapin ang mga ito sa internet? Dahil ibinibigay ko ang mga ito sa Iyo para kainin, kainin Mo na lang!” Sa tingin ninyo, dapat bang kinain Ko ang mga itlog, o hindi? (Dapat hindi.) Kung ibinigay niya ang mga ito sa inyo, kakainin ba ninyo ang mga ito? (Hindi.) Ganoon din Ako. Ang mga itlog na ito ay para pisain at magparami ng mga ibon. Hindi ba’t kalupitan ang pagkain sa mga ito? (Ganyan nga.) Hindi Ko iyon kayang gawin, kaya ang usapin tungkol sa mga itlog ng ibon ay natapos, pero patuloy pa ring nangyari ang mga ganitong bagay.
Isang araw, may nakita Akong ilang taunang damong maria—na kamukha ng Tsinong damong maria—na pinatutuyo sa rehas sa isang lugar, kaya tinanong Ko ang isang kapatid na babae kung para saan ito. “Hindi ba’t ito ay parehong uri ng Tsinong damong maria na ibinigay sa Iyo dati noong lalaki?” ang sagot niya. “Nakakaalis ng halumigmig at sipon ang Tsinong damong maria. Hindi ba’t sensitibo Ka sa lamig? Sinabi noong lalaki na, sa sandaling matuyo ito, itatabi niya ito para magamit Mo sa paglublob ng paa sa mainit na tubig, para matanggal ang sipon.” Ano sa tingin ninyong lahat ang naging reaksiyon Ko, nang marinig Ko iyan? Dalawang salita. (Hindi makapagsalita.) Tama iyan, hindi Ako makapagsalita. Sa mga pagkakataong gaya nito, hindi ba’t dapat pinagnilayan Ko kung gaano nagmamalasakit ang taong ito, at kung paanong nag-abala talaga siya? Bakit Ako hindi makapagsalita? Ito ay dahil ang taong ito ay ilang beses nang naging hindi mapang-unawa noon sa mga usaping ito at pagkatapos ay nagbago ng pamamaraan, na tila nagsasabi, “Nagbigay ako ng mga gulay at itlog sa Iyo, pero hindi Mo kinain ang mga iyon, kaya nagpatuyo ako ng ilang Tsinong damong maria para sa mainit na tubig na paglulubluban Mo ng paa, para hindi masayang ang mga ginawa ko.” Sa palabas na ito, talagang hindi Ako makapagsalita. Kalaunan, sinasabi Ko sa isa pang tao na marami nang botika ngayon ang nag-iimbak ng mga Tsinong damong maria. Maaari ka nang bumili gaano man karami ang gusto mo: May iba’t ibang pagkakabalot ito, ginagawa na ito ng iba’t ibang bansa, at malinis ang pagproseso sa mga ito. Ito ay talagang mas mainam kumpara sa ipinadala ng lalaking iyon sa Akin, kaya hindi ba’t sayang lang na pitasin ito sa tabi ng daan at pagkatapos ay ilagay sa mga rehas para matuyo sa araw? Kung pinatuyo niya ito at ibinigay sa Akin, sa tingin mo ba gusto Ko ito? (Hindi Mo ito gusto.) Hindi Ko ito gusto. Nang maglaon, wala nang anumang damong maria sa mga rehas, dahil nakarating na sa kanya ang sinabi Ko, at tumigil na siyang magpadala. Kalaunan, noong mas marami nang mga ligaw na gulay sa taniman, hindi na siguro itinuring na bihira ang mga ito, kaya wala nang nagpadala sa Akin ng mga ligaw na gulay. At hula Ko na malamang napisa na ang mga itlog ng ibon sa kasalukuyan at hindi na maaaring kolektahin ang mga ito, kaya hanggang ngayon, hindi na Ako nakatanggap ng mga itlog ng ibon o mga ligaw na gulay. At iyan ang kuwento Ko.
Sa kabuuan, may apat na insidente sa kuwento, na lahat tungkol sa mga bagay na ipinapadala sa Akin: Ang dalawa ay tungkol sa pagpapadala ng mga di-kilalang ligaw na gulay, ang isa ay tungkol sa pagpapadala ng mga di-kilalang itlog ng ibon, at ang isa pa ay tungkol sa mga pinatuyong “tradisyonal na gamot ng mga Tsino.” Maaaring medyo nakakatawang pag-usapan ang mga bagay na ito, pero pagdating sa mismong mga insidente, ano ang mga impresyon ninyo, kung mayroon man, nang marinig ninyo ang mga ito? Mayroon bang anumang bagay na dapat ninyong maunawaan o makuha mula sa mga ito, mga aral na dapat ninyong matutunan? Ano ang iniisip ninyong lahat noong nakikinig kayo? Nakatuon ba sa isang partikular na tao ang mga bagay na inilahad Ko? Tiyak na hindi. Pero kung gayon, kung hindi nakadirekta ang mga ito sa sinumang partikular na tao, bakit Ako nagsasalita tungkol sa mga ito? May kabuluhan ba ito? O walang saysay na usapin lang ba ito? (Hindi.) Dahil hindi ninyo ito itinuturing na walang saysay na usapin, alam ba ninyo kung bakit Ako nagsasalita tungkol dito? Bakit ginawa ng lalaking ito ang mga ganitong bagay? Ano ang kalikasan ng kanyang pag-uugali? Ano ang kanyang motibo? Ano ang mga problema rito? Kailangan bang ilagay ang mga ito sa konteksto? Mauunawaan ninyo ang katotohanan kung nakikita ninyo nang malinaw ang mga tao at ang kalikasan ng mga mismong insidente sa konteksto. Sa tingin ninyo, ang lalaking gumawa ng mga bagay na ito ay may mabubuti bang intensiyon o masasamang intensiyon? (Mabubuting intensiyon.) Una sa lahat, isang bagay ang tiyak: Mabuti ang intensiyon niya. Ano ang mali sa mabubuti niyang intensiyon? Ang paggawa ba ng mga bagay-bagay nang may mabubuting intensiyon ay nangangahulugang nagmamalasakit ka? (Hindi palagi.) Kung ang mabubuting intensiyon ang motibo ng isang tao sa paggawa ng isang bagay, tiyak bang walang karumihan ng tiwaling disposisyon? Hindi. Kung gayon, tinatanong Ko kayong lahat, kung magalang at masunurin ka sa mga magulang mo, bakit hindi mo sila padadalhan ng mga ganitong bagay para kainin? O kung gusto mo at pinagmamalasakitan mo ang mga amo at lider mo, bakit hindi mo sila bibigyan ng mga bagay na gaya nito para kainin? Bakit hindi ka mangangahas na gawin ito? Ito ay dahil takot kang may mangyaring masama. Takot kang mapinsala mo ang mga magulang mo, mga lider mo, at mga amo mo, kung gayon, hindi ka ba takot na mapinsala ang Diyos? Ano ang mga layunin mo? Ano ang kalakip ng kabaitan mo? Sinusubukan mo bang linlangin ang Diyos? Sinusubukan mo bang paglaruan Siya? Mangangahas ka bang gawan ng mga ganitong bagay ang Diyos bilang isang espirituwal na nilikha? Magkakaroon ka ba ng may-takot-sa-Diyos na puso kung nakita mo na ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay normal na pagkatao, at sa halip na katakutan mo Siya, mangangahas kang gumawa ng mga ganyang bagay? Kung wala kang may-takot-sa-Diyos na puso, tunay ka bang nagmamalasakit kung gagawa ka ng mga ganitong bagay? Hindi iyan pagmamalasakit: Iyan ay panlilinlang at paglalaro sa Diyos, at sukdulang kapangahasan mo iyan! Kung talagang responsable kang indibidwal, bakit hindi ikaw mismo ang unang kumain at tumikim ng isang bagay, para siguruhing walang mali bago ito dalhin sa Diyos? Kung dadalhin mo ito nang direkta sa Diyos nang hindi mo ito mismo nakakain at natitikman, hindi ba’t pinaglalaruan mo ang Diyos? Hindi mo ba nadaramang nasasalungat mo ang disposisyon ng Diyos sa paggawa nito? Ito ba ay isang bagay na malilimutan ng Diyos? Kahit na malimutan mo ito, hindi ito malilimutan ng Diyos. Kapag may ginagawa kang ganitong bagay, ano ang tumatakbo sa isip mo? Hindi mo ito tinikman, at wala kang siyentipikong ebidensiya, pero nangahas kang ibigay ito sa Diyos. Responsable bang pag-uugali ito? Kung mapipinsala mo ang Diyos, ano ang responsabilidad na papasanin mo? Kahit na hindi ka harapin ng batas, parurusahan ka ng Diyos magpakailanman. Ni hindi mo maiisip na mabuting ibigay ang basurang ito sa mga lider at opisyal na walang pananampalataya, at iisipin mong wala itong dignidad, kaya anong uri ng mga layunin ang mayroon ka para ibigay ito sa Diyos? Ganoon ba kababa ang halaga Ko? Kung bibigyan mo ang amo mo ng isang supot ng ligaw na gulay, ano ang iisipin niya? “Iyan lang ba ang halaga ko? Binibigyan ako ng mga tao ng pera at mga bagay na may tatak, pero bibigyan mo ako ng isang dakot na damong ligaw?” Magagawa mo ba ito? Tiyak na hindi. Pero kung gagawin mo nga ito, ano ang ikababahala mo? Ang unang bagay na kailangan mong pag-isipan ay, “Ano ba ang gusto ng amo ko? Kailangan ba niya ang bagay na ito? Kung hindi niya ito kailangan, at ibibigay ko pa rin ito sa kanya, pahihirapan ba niya ako? Aapihin niya ba ako at pahihirapan sa trabaho? Kung maging seryoso ang mga bagay, tatanggalin ba niya ako sa pamamagitan ng paghahanap ng dahilan at paghuli sa akin?” Naiisip mo ba ang alinman dito? (Oo.) Kung gusto mong pasiyahin ang amo mo, ano ang unang bagay na dapat mong ibigay sa kanya? (Isang bagay na gusto niya.) Hindi sapat ang pagbibigay lang ng bagay na gusto niya. Kung kailangan niya ng baso ngayon, halimbawa, puwede ka bang gumastos ng 10 o 20 RMB para bilhan siya ng isa at ibigay sa kanya? (Hindi.) Kailangang bigyan mo siya ng isang bagay na ginto, isang bagay na pilak, isang bagay na presentable. Bakit mo siya bibigyan ng isang bagay na mag-aalangan kang bilhin para sa sarili mo? (Para magbigay-lugod sa kanya.) Ano ang layunin ng pagbibigay-lugod sa kanya? Una sa lahat, sa pinakamababa, maaari ka niyang tulungan, at sa kapangyarihang taglay niya, maaari ka niyang ipagtanggol at gawing matatag at ligtas ang trabaho at suweldo mo. Kahit papaano man lang, hindi ka niya pahihirapan. Kaya, hindi mo siya kailanman bibigyan ng isang bungkos ng di-kilalang ligaw na gulay. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Ni hindi mo kayang gawin iyan sa amo mo, kaya bakit ginawa iyan sa Akin ng lalaking nagbigay sa Akin ng damong ligaw? Naisip ba niya ang mga kahihinatnan? Tiyak na hindi niya naisip. At bakit hindi? May ilang magsasabi, “Dahil hindi Mo kami pahihirapan.” Ganoon ba iyon kasimple? Dahil hindi Ko siya pahihirapan, ganoon ba? Paanong nangahas siya na magbigay sa Akin ng mga bagay tulad nito? (Inisip niyang mabuti ang mga layunin niya.) Tama iyan—pinagtakpan niya ang lahat ng kapangitan at kasamaan niya gamit ang mabubuting layunin, ibig sabihin, “Mabubuti ang layunin ko para sa Iyo, pero hindi ang iba! Tingnan Mo ang lahat ng ligaw na gulay na ito. Sino ba ang humukay sa mga ito para sa Iyo? Hindi ba’t ako?” Anong uri ng saloobin ito? Anong uri ng pag-iisip ito? Naaayon ba ang mabubuting layuning ito sa pagkatao? Kung ni hindi naaayon ang mga ito sa pagkatao, maaari ba itong umayon sa katotohanan? (Hindi maaari.) Wala nang ilalayo pa ang mga ito sa katotohanan! Ano ang mabubuting layuning ito? Talaga bang mabubuting layunin ang mga ito? (Hindi.) Kung gayon anong uri ng saloobin ang kalakip ng mga ito? Anong uri ng mga karumihan at diwa ang nilalaman ng mga ito? Kahit kayong mga kabataan na kakaunti pa lang ang nakita sa mundo ay nakakaunawa na hindi ka puwedeng basta magbigay ng mga regalo sa amo mo sa kung paanong paraan lang; kailangan mong isipin ang mga kahihinatnan. Kung ang isang lalaking marami nang pinagdaanan at nasa mga apatnapu o limampung taong gulang na ang magbibigay sa Akin ng mga ganitong bagay, sa pananaw ninyo, ano ang kalikasan nito? Karapat-dapat bang talakayin natin ito rito? (Oo.) Kaya kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ano ang kalikasan nito? Binigyan Ako ng lalaking iyon ng ilang ligaw na gulay, hiniling na kainin Ko ang mga iyon kahit siya mismo ay hindi alam kung ano ba ang mga iyon. Nang sabihin Kong hindi kamukha ng mga iyon ang ganoong uri ng ligaw na gulay, agad niyang sinabi sa Akin na huwag kainin ang mga iyon—at hindi riyan nagtatapos. Nagpadala siya sa Akin ng isa pang uri ng mga ligaw na gulay para kainin. Hindi Ko kinain ang mga iyon, at sinabi niya, “Kumain Ka ng kaunti, masarap ang mga iyon. Nasubukan ko na iyon.” Anong klaseng saloobin iyan? (Pagiging walang galang at iresponsable.) Tama iyan. Nadarama ba ninyong lahat ang saloobing ito? (Nadarama namin.) Mabuti ba ang layunin nito? Walang anumang mabuting layunin dito! Kumuha siya ng kung ano lang nang libre at pagkatapos ay inilagay niya ito sa isang plastik na supot at ibinigay sa Akin, hinihiling na kainin Ko. Kahit na pipitas ka ng ilang ligaw na gulay para pakainin ang mga tupa at kuneho, kailangan mo pa ring pag-isipan, “Maaari bang malason ang mga hayop kung kakainin nila ito?” Hindi ba’t iyan ay isang bagay na dapat mong isaalang-alang? Kung hindi ka handang makipagsapalaran kapag nagpapakain ng mga hayop, paanong kukuha ka na lang ng anumang bungkos ng ligaw na gulay at ibibigay mo sa Akin para kainin? Anong uri ng disposisyon iyan? Ano ang kalikasan ng problema? Nauunawaan ba ninyo? Kung ganito Ako tratuhin ng ganitong tao, sa tingin ninyo, paano niya tatratuhin ang mga nakabababa sa kanya o ang isang taong itinuturing niyang karaniwang tao lang? Ito ay kaswal na paglalaro lamang. Anong disposisyon iyon? Iyon ay masama at malupit. Maituturing ba siyang mabuting tao? (Hindi, hindi maaari.) Siya ay hindi maituturing na mabuting tao. Ang hindi pagseseryoso sa mga katawan at buhay ng mga tao, ang pagsasapalaran sa mga iyon at hindi pagkadama ng anuman pagkatapos, at ang kawalan ng anumang pagkakonsensiya, kundi kaya pang gawin ang bagay na iyon nang paulit-ulit: ito ay talagang kakaiba.
Sa simula ng kuwento, nagbanggit Ako ng ilang salitang maaaring hindi ninyo gaanong binigyan ng atensiyon. Sinabi Ko na ilan sa mga ligaw na gulay na iyon ay para sa pagkain ng tao, ang ilan ay para sa pagkain ng mga hayop, at ang ilan ay para sa pagkain ng kapwa tao at hayop. Ito ay isang “kilalang kasabihan,” at may pinagmulan ito. Alam ba ninyo kung saan ito nanggaling? Ito ay pahiwatig sa isang kuwento. Galing ito sa lalaking nagbigay ng ilang regalong ito sa kuwentong iyon. Ang lalaking ito ang namamahala sa pagtatanim, at mayroon siyang tatlong uri ng tanim na mais. Ano ang tatlong uri? Ang uri na kinakain ng mga tao, ang uri na kinakain ng mga hayop, at ang uri na parehong kinakain ng mga tao at hayop: ang tatlong iyon. Ang tatlong uring ito ng mais ay talagang kawili-wili. Narinig na ba ninyo ang mga ito dati? Hindi pa, at ito rin ang unang pagkakataong narinig Ko ito—dahil pambihira ang mga ito. Sa huli, dahil ang mga taong nagtanim sa mga ito ay napakairesponsable, napaghalo-halo ang tatlong uri ng mais: ang mga mais na para sa pagkain ng mga hayop ay pinakain sa mga tao, habang ang mga mais na para sa pagkain ng tao ay pinakain sa mga hayop. Pagkatapos kainin ang mga ito, nagreklamo ang lahat na hindi maganda ang lasa ng mais, na hindi ito lasang butil, at medyo lasang damo ito. Ano ang ginawa ng mga taong nagtanim ng mais? Dahil iresponsable sila sa pagganap ng kanilang tungkulin, napaghalo nila ang mga mais na para sa pagkain ng tao at mais na para sa pagkain ng mga hayop, hanggang sa wala nang makapagbukod sa dalawa, at kinailangan nilang bumili ng mas marami pang buto at itanim uli ang mga ito. Sa tingin ninyong lahat, paano nila ginawa ang trabaho nila? Wala bang prinsipyo ang mga ganitong uri ng tao sa mga kilos nila? (Wala.) Sa kanilang mga kilos, hinahanap ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Sa ganitong uri ng saloobin sa paraan nila ng pagkilos, na walang respeto at iresponsable tungo sa lahat ng tao, ano ang iniisip ng mga ganitong tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos? Ano ang kanilang pamamaraan sa katotohanan? Sa puso nila, gaano kabigat ang katotohanan? Gaano kahalaga ang pagkakakilanlan ng Diyos? Alam ba nila? (Hindi nila alam.) Hindi ba’t dapat alam nila ang mga ganitong mahahalagang usapin? Kung gayon bakit hindi nila alam? Ito ay may kinalaman sa kanilang disposisyon. Ano ang disposisyong iyon? (Iyon ay kabuktutan.) Iyon ay kabuktutan, at iyon ay pagiging salungat sa katotohanan. Wala silang malay tungkol sa kalikasan ng ginagawa nila, at hindi nila kailanman sinubukang magnilay o maghanap, at hindi rin nila sinisiyasat ang mga sarili nila pagkatapos nilang gumawa ng mga bagay-bagay. Sa halip, ginagawa lang nila kung ano ang nais nila, iniisip nila na, hangga’t mayroon silang mabubuti at tamang layunin, hindi nila kailangan ang sinuman para pamahalaan o punahin sila; iniisip nila na natupad nila ang mga responsabilidad at obligasyon nila. Ganoon nga ba? May ilang taong nagsasabi, “Nauunawaan namin ang kuwentong ibinahagi Mo sa amin, pero hindi pa rin namin maunawaan ang parteng pinakainaalala namin, at iyon ay: Ano ang saloobin Mo sa pangyayari ng ganitong uri ng bagay? Ano ang saloobin Mo sa taong gumagawa ng mga ganitong bagay? Iyon ba ay galit, pagtaboy, at pagkamuhi? O gusto Mo ba ang ganitong uri ng tao?” (Iyon ay pagkasuklam.) Hindi ba’t dapat kasuklaman ang ganitong uri ng bagay? (Dapat nga.) Ano ang iisipin ninyo kung mangyari ang ganitong uri ng bagay sa inyo? Sabihin na nating may isang mabait na taong nagbigay sa iyo ng ilang di-kilalang bagay nang paulit-ulit, talagang sinisikap niyang hikayatin ka, “Kainin mo ang mga ito, mabuti ang mga ito sa kalusugan mo; kainin mo ang mga ito, mananatiling mabuti ang kondisyon mo; kainin mo ang mga ito, mas gaganda at mas sisigla ka. Walang masama kung makikinig ka sa akin!” Ano ang iisipin mo kung napatunayan na walang halaga ang mga bagay na iyon? (Kung ako iyan, malamang hindi na ako mag-aabala pa sa ganitong uri ng tao; maiinis ako sa kanya at wala akong masasabi—mga ganyang uri ng damdamin.) Dapat masuklam at masulasok ang isang tao sa mga ganitong tao. Ano pa? Dapat bang magalit, malungkot, o masaktan ang isang tao? (Wala nang saysay iyon.) Wala nang saysay iyon, hindi ba? Hindi ba’t may mga taong nagsasabing, “Malamang ginawa ito ng taong ito dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan”? Karamihan sa mga tao ay hindi nakakaunawa sa katotohanan, pero ilan sa kanila ang may kakayahang gumawa ng mga ganoong bagay? Hindi ba’t magkakaiba ang mga tao? (Magkakaiba nga.) Magkakaiba ang mga tao. Ito ay gaya na lang ng kapag nakikipagtransaksiyon ang mga tao sa isa’t isa: Kapag may palitan ng mga materyal na bagay, may mga taong naghahanap ng pagiging patas at makatwiran. Kahit pa hinahayaan ng mga taong ito ang kabilang panig na samantalahin sila nang kaunti, hindi ito mahalaga sa kanila—sa ganitong paraan, tumatagal ang kanilang relasyon; nagtataglay sila ng pagkatao at nadarama nilang hindi malaking hirap para sa kanila na malugi nang kaunti. Ang iba naman ay walang pagkatao at palagi nilang gustong samantalahin ang iba: Ang mga pakikipagtransaksiyon nila sa iba ay purong para manamantala at makinabang sa kapinsalaan ng iba. Kung may makukuha silang ilang benepisyo mula sa iyo, pasasayahin ka nila at pananatilihin nila ang relasyon nila sa iyo, pero kung wala, papaalisin ka nila. Wala silang ipapakitang anumang sinseridad sa iyo; ang mga ganitong tao ay walang pagkatao.
Ano ang tingin ninyo sa uri ng tao na nagbibigay ng mga regalo gaya ng nasa kuwentong ibinahagi ngayon? Bakit nagreregalo ng mga bagay ang mga ganitong tao? Nagkataon lang ba ito? Kung isang beses lang nangyari ito sa loob ng maraming taon, maaaring nagkataon lang ito, pero maaari pa rin ba itong ituring na nagkataon lang kung nangyari ang parehong bagay nang apat na beses sa loob ng isang kapanahunan? (Hindi maaari.) Ang asal niyang ito ay hindi aksidente, ni hindi rin matatawag ang ganyang disposisyon na panandaliang pagbubunyag at pagpapahayag ng katiwalian. Kung gayon ano ang kalikasan ng asal niyang ito? Gaya ng una nating sinabi, ang asal niya ay hindi magalang, iresponsable, walang ingat, padalos-dalos, at pabigla-bigla, at mula sa di-sibilisadong disposisyon. Kaya bakit niya ito ginawa? Bakit wala siyang ibang binigyan ng mga bagay na iyon, maliban sa Akin? Naging kalipikado Akong tumanggap ng mga regalong ito dahil sa naiiba Kong pagkakakilanlan at katayuan. Hindi ba’t halata roon ang layunin ng lalaking nagbigay ng mga regalo at ang kalikasan ng ginawa niya? Ano ang kanyang layunin? (Ang makakuha siya ng pabor.) Tama. Ano ang pinakaakmang salitang naglalarawan sa pagkuha niya ng pabor? Ito ay mababang uri ng panlilinlang: ang pagkuha ng pabor at oportunismo. Ito ay tusong paraan para makakuha siya sa iyo ng pabor, ineengganyo ka niya sa libingang hinukay niya nang hindi mo namamalayan, at pinapagaan niya ang loob mo sa kanya, samantalang sa totoo lang ay hindi siya tapat ni katiting—nais niyang maabot ang sarili niyang mga layunin nang walang binabayarang halaga. Ginawa niya ito nang walang detalyadong konsiderasyon ng mga kahihinatnan at binigyan ka lang niya ng isang bagay na libre niyang nakuha, ipinaparamdam niya sa iyong nagmamalasakit siya, at dinadala ka niya sa kalagayan ng kaligayahan. Ano ba talaga ang ibig sabihin nito? Ibig nitong sabihin na, kahit wala siyang ginastos ni isang kusing, naiparamdam niya sa iyo na lubos kang nakinabang dahil sa kanya, na halatang hangal ang tingin niya sa iyo. Hindi ba’t iyan ang ibig sabihin nito? Iniisip niya, “Wala akong ginagastos ni isang kusing, at hindi ako nag-aabala; wala akong sinseridad para sa Iyo. Magbibigay lang ako sa Iyo ng isang bagay na magpapaalala sa Iyo tungkol sa akin, para maisip Mong mabait, mapagmalasakit, at tapat ako, at may pagmamahal ako para sa Iyo sa puso ko.” Mababang uri ng panlilinlang ang maling pagpapaniwala sa iyo na ganoon siya, at ito rin ay oportunismo. Ang paggamit ng di-umano’y kabaitan para sa malaking benepisyo at malaking pakinabang nang walang ibinabayad na halaga o walang anumang sinseridad ay isang mababang uri ng panlilinlang. Gagawin ba ito ng sinuman sa inyo? Lahat ng tao ay gumagawa nito—hindi lang ninyo ginawa ang parehong bagay na ginawa niya, pero gagawin ninyo ito kung may pagkakataon kayo. Iyan ang unang bagay na napagpalagay Ko pagdating sa ganitong mga uri ng tao, na napakagaling nila sa mabababang uri ng panlilinlang. Hindi ang Diyos ang pinapanampalatayaan nila; ang sinusunod nila ay ang taong iniisip nilang mapapakinabangan nila, pagpapalain sila, at karapat-dapat sundan. Ang isang insidenteng ito ay ganap na inilantad ang pananalig ng ganitong uri ng tao at ang katotohanan kung ano talaga sila. Ang pagkakaunawa ng mga ganitong tao sa pag-ibig, katapatan, at pagpapasakop sa Diyos ay napakasimple, at nais nilang gamitin ang pamamaraan ng mababang uri ng panlilinlang para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos at tumanggap ng mga pagpapala. Sinsero ba sila sa Diyos? Sila ba ay may-takot-sa-Diyos sa anumang paraan? (Wala.) Kung gayon lalo nang imposible ang iba pang mga bagay. Iyan ang unang bagay na napagpalagay Ko. Sa pananaw ninyo, tama ba Ako? (Tama Ka.) Hindi ba patas ang pagbansag Ko sa kanya? Pinapalaki Ko lang ba ang bagay na ito? Talagang hindi. Kung pagbabatayan natin ang diwa niya, mas seryoso ito kaysa riyan. Sa pinakamababa, nililinlang at nilalaro niya ang Diyos.
Ang pangalawang bagay na naging kongklusyon Ko ay kung ano ang nakikita sa mga ganitong tao. Ang puso ng tao ay nakakakilabot! Sabihin ninyo sa Akin, ano ang katatakutang ito? Bakit Ko sinasabing nakakakilabot ang puso ng tao? (Ang taong ito ay nanunuyo sa Diyos para matugunan ang layunin at pagnanais niyang magkamit ng mga pagpapala, at pagkatapos ay hindi siya responsable at hindi niya isinasaalang-alang kung ano ang mangyayari sa katawan ng Diyos pagkatapos kainin ng Diyos ang mga bagay na ito o kung ano ba ang mga kahihinatnan. Palagi niyang isasaalang-alang ang mga kahihinatnan ng anumang ipinapakain niya sa sarili niyang pamilya, pero kapag nagbibigay siya ng isang bagay sa Diyos, hindi niya man lang iniisip ang mga kahihinatnan. Ganap niyang ginagawa ito para makamit ang mga gusto niyang makamit sa pamamagitan ng panunuyo sa Diyos sa patas man o masamang paraan; makikita na siya ay talagang makasarili at nakakasuklam, na wala siyang puwang sa puso niya para sa Diyos, at na hindi niya tinatratong Diyos ang Diyos.) Ang implikasyon, hindi ba’t ibig sabihin niyan na hindi niya Ako tinatrato bilang tao? Masasabi bang ganoon iyon? (Oo.) Kakila-kilabot ang mga layunin! (Oo, hindi niya malilinlang ang Diyos, kahit pa tratuhin niya ang Diyos na parang sarili niyang kamag-anak.) Talagang kakila-kilabot iyan. Kung kaibigan mo ang isang tao, tatratuhin ka ba niya nang ganyan? Hindi niya gagawin iyan. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang mabuting kainin, at kung may masasamang epekto ang pagkain ng isang bagay, mahigpit ka niyang pipigilan na kainin ito; iyan ay isang bagay na kahit ang mga kaibigan ay kayang gawin. Pero kaya ba iyan gawin ng taong ito? Hindi. Dahil ginawa niya sa Akin ang ganitong bagay, tiyak na gagawin niya rin ito sa inyo. Ano pang ibang mga bagay tungkol sa kanya ang nakakatakot? (Malalim ang pagkatuso niya. Tinatago niya ito sa panlabas na kabutihan ng puso, pero sa loob, siya ay nagpapakana, sinusubukan niyang makuha ang pinakamalaking benepisyo na maaaring makuha mula sa pinakamurang bagay, at nakakakilabot ito.) Mabuting makita ito sa ganoong paraan. Ang tinukoy ninyo kanina ay ang makasarili niyang panig, habang ito ay tumutukoy sa kanyang pagpapakana. Kung pagbabatayan lang ang sinabi ninyong lahat, saan nanggagaling ang mga bagay na ito na nasa kaibuturan ng isang tao, ang mga bagay na ito na nabubunyag mula sa pagkatao niya, ang mga bagay na kaya o hindi niya kayang mahipo, at ang mga bagay na kayang makita o hindi kayang makita o mabigyang-kahulugan ng iba? Naituro ba ng kanyang mga magulang ang mga ito? Naituro ba ang mga ito sa eskuwela? O nilinang ba ng lipunan ang mga ito? Paano nabuo ang mga ito? Isang bagay ang tiyak: Likas ang mga ito. Bakit Ko sinasabi iyan? Saan nauugnay ang mga likas na bagay? Nauugnay ang mga ito sa kalikasang diwa ng isang tao. Kaya, para mag-isip siya nang ganito, pinag-isipan ba ito nang matagal, o biglaan lang ba ito? Siya ba ay napukaw ng isang bagay na nakita niyang ginawa ng ibang tao, o kinailangan ba niyang gawin ito dahil sa ilang pangyayari? O inutusan Ko ba siyang gawin iyon? Wala sa mga ito. Kahit mukhang ordinaryo sa panlabas ang maliliit na bagay na ito, hindi pangkaraniwan ang nakatagong kalikasan ng bawat isa sa mga bagay na ito. Napagtanto ba ng taong gumawa ng mga ito ang mga kahihinatnan ng paggawa ng mga ito? Hindi. Bakit hindi? Sabihin nating bumili ka ng isang murang bagay sa isang tindahan sa daan para ibigay sa amo mo. Bago mo ito ibigay, hindi ba’t kailangang suriin mo ang mga bagay-bagay at tanungin mo ang sarili mo, “Matatagpuan ba ng amo ko ang gamit na ito sa tindahan sa daan? Puwede ba siyang mag-online at hanapin kung magkano ito? May tao bang makapagbubunyag sa kanya kung magkano ito? Ano ang iisipin niya tungkol sa akin sa sandaling makita niya ito?” Hindi ba’t kailangan mong suriin ang mga bagay na ito? Susuriin mo muna ito at bibilhin mo pagkatapos. Kung, pagkatapos mong suriin ito, nadama mong ang pagreregalo ng bagay na ito ay magdadala ng mga hindi kanais-nais na kahihinatnan, ibibigay mo pa rin ba ito? Tiyak na hindi na. Kung naisip mo na hindi mahal ibigay ang bagay na ito sa amo mo, at mapapasaya nito ang amo mo, tiyak na ibibigay mo ito. Pero hindi sinuri ng lalaki sa kuwento ang alinman sa mga bagay na ito, kung gayon ano ang iniisip niya? Ang tanging iniisip niya ay ito lang ang paraan para makamit ang kanyang mga layunin. Ngayon sa pagsusuri nito, lumilitaw ang kalikasan ng usaping ito. Ano ang makikita sa kalikasan ng usaping ito? Ang pangalawang resultang nakikita sa mga tao sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa kanila ay na kakila-kilabot ang mga puso nila. May makukuha bang kongklusyon tungkol sa tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga ganitong tao, intensiyonal man ito o hindi sinasadya? Ano ang mga sanhi ng pagiging kakila-kilabot ng puso ng tao? Ito ba ay dahil masyado itong hindi sensitibo? Ang isang hindi sensitibong tao ay walang pang-unawa. Akma bang ilarawan siya bilang hindi sensitibo? (Hindi.) Kung gayon, ito ba ay dahil sa kamangmangan? (Hindi.) Kung gayon, sa anong sanhi ito maiuugnay sa huli? Dapat itong iugnay sa masasamang disposisyon ng mga tao. Kailangan Kong sabihin sa inyo kung saan naroroon ang nakakatakot tungkol sa mga tao: Ito ay nasa katunayang nananahan ang mga demonyo sa puso ng mga tao. Ano ang nadarama ninyong lahat tungkol diyan? Bakit Ko sinasabing nananahan ang mga demonyo sa puso ng mga tao? Ano ang inyong pagkaunawa? Hindi ba ninyo iniisip na kakila-kilabot ang pahayag na ito? Hindi ba kayo natatakot kapag naririnig ninyo ito? Hindi ninyo naisip noon na nananahan ang mga demonyo sa mga puso ninyo; naisip lang ninyo na mayroon kayong tiwaling disposisyon pero hindi ninyo alam na nananahan ang mga demonyo sa inyo. Ngayon alam na ninyo. Hindi ba’t seryosong problema ito? Iniisip ba ninyong tama ang sinabi Ko? (Oo.) Hindi ba’t natutunton nito ang ugat ng problema? (Ganyan nga.) Pag-isipan ninyo kung bakit Ko sinabi na nananahan ang mga demonyo sa puso ng mga tao. Pag-isipan ninyo ito: Lilinlangin ba ng isang taong may konsensiya at katwiran ang Diyos sa ganitong paraan? Pagpapasakop ba ito sa Diyos? Ito ay paglaban sa Diyos nang mulat ang mga mata at sadyang hindi pagtrato sa Kanya bilang Diyos. Ngayong pumarito na ang Diyos sa lupa para iligtas ang sangkatauhan, ano ang relasyon ng Diyos at tao? Ito ba ay bilang isang nakatataas at isang nakabababa? Pagkakaibigan? Pagiging magkamag-anak? Anong uri ng relasyon talaga ito? Paano mo tatratuhin at haharapin ang relasyong ito? Anong uri ng pag-iisip ang dapat taglay mo kapag nakikitungo at nakikisama ka sa Diyos? Ano ang dapat mong panatilihin sa puso mo para makasundo ang Diyos? (Takot.) Ang takot ay parang hindi makatotohanan para sa lahat ng tao. (Pangamba.) Hindi makakamit ang pangamba. Kung tatratuhin mo Ako bilang ordinaryong tao—bilang kakilala lang, hindi nauunawaan ang isa’t isa nang mabuti at hindi pa sapat para maging magkaibigan—kung gayon paano magiging payapa at may pagkakaibigan ang relasyon natin? Dapat alam ng taong nakadarama ng konsensiya kung paano gawin nang naaangkop ang mga bagay na ito. (Dapat may respeto.) Ito ang pinakamababang hinihinging dapat mayroon ka. Ipagpalagay na may dalawang taong nagkita: Hindi pa sila pamilyar sa isa’t isa at hindi nila alam ang pangalan ng isa’t isa. Kung nakita ng isa sa kanila na taos-puso iyong isa pa at nais niya itong paglaruan, hindi ba’t ito ay pang-aapi? Kung wala ni katiting na respeto, may anumang pagkatao bang natitira? Para magkasundo ang mga tao, anuman ang mga pagtatalo o alitang maaaring lumitaw, dapat kahit papaano ay respetuhin nila ang isa’t isa. Ang respeto ang pinakamababang sentido komun ng kung ano ang ibig sabihin ng pagiging tao, at may kaunting respeto sa pagitan ng lahat ng tao. Kung gayon, umiiral ba ang respetong ito kapag nakikipag-ugnayan sa Diyos ang mga tao? Kung hindi ka man lang makaabot sa puntong ito, sa isip mo, ano ba talaga ang relasyon sa pagitan mo at ng Diyos? Walang anumang relasyon, kung gayon—kahit na bilang tagalabas. Samakatwid, kinaya ng taong nagbigay ng mga regalo na tratuhin ang Diyos nang ganito: Hindi lamang niya hindi nirespeto ang Diyos, ginusto pa Niyang linlangin ang Diyos. Sa puso niya, hindi niya naramdamang dapat respetuhin ang Diyos o dapat bigyan ng maingat at metikulosong konsiderasyon ang kalusugan ng Diyos at ang mga kahihinatnan ng pagkain ng Diyos sa mga regalong ito—hindi kasama ang mga ito sa mga konsiderasyon niya. Sapat na para sa kanya na gumamit na lang ng mga panlilinlang para lokohin ang Diyos na paboran siya; ang pinakamainam na bagay para sa kanya ay ang magawang linlangin ang Diyos. Iyan ang puso niya. Hindi ba’t kahindik-hindik na magtaglay ng ganyang puso ang tao? Kakila-kilabot ito!