Ikatlong Ekskorsus: Kung Paano Nakinig Sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Ikalawang Bahagi) Unang Seksiyon
Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa ikasampung aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, “Kinamumuhian nila ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos.” Anong mga detalye ang partikular nating pinagbahaginan? (Pangunahing nakipagbahaginan ang Diyos sa kung paano harapin ang salita ng Diyos.) May kaugnayan ba ito sa ikasampung aytem? (Oo. Dahil, sa aytem na “Kinamumuhian nila ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos,” ang isa sa mga pag-uugali ng mga anticristo ay nakikinig lang sila sa kung anong sinasabi ni Cristo, pero hindi sila sumusunod o nagpapasakop dito. Hindi nila sinusunod ang mga salita ng Diyos, at hindi rin nila isinasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Sa huling pagtitipon, nakipagbahaginan ang Diyos sa kung paano harapin ang salita ng Diyos, paano sumunod sa salita ng Diyos, at paano isakatuparan at ipatupad ang salita ng Diyos.) Nauunawaan ang lahat ng ito, tama ba? Sa nauna nating pagtitipon, isinalaysay Ko ang dalawang kuwento: Ang isa ay ang kuwento ni Noe, at ang isa ay ang kuwento ni Abraham. Dalawang klasikong kuwento ang mga ito mula sa Bibliya. Maraming tao ang nakakaalam at nakakaunawa sa mga kuwentong ito, ngunit matapos maunawaan ang mga ito, iilang tao lamang ang nakakaalam kung paano haharapin ang mga salita at hinihingi ng Diyos. Ano ang pangunahing layunin ng ating pagbabahaginan tungkol sa dalawang kuwentong ito? Ito ay upang ipaalam sa mga tao, bilang tao at bilang nilikha, kung paano nila dapat harapin ang mga salita at hinihingi ng Diyos—at alamin ang posisyong dapat kunin ng isang nilikha, at ang saloobing dapat nilang taglayin, kapag naharap sa mga hinihingi ng Diyos, at kapag nakikinig sa mga salita ng Diyos. Ang mga ito ay mga pangunahing bagay. Ito ang katotohanang nilalayon na malaman at maunawaan ng mga tao nang magbahaginan tayo tungkol sa dalawang kuwentong ito noong huling pagkakataon. Kaya, matapos tayong magbahaginan tungkol sa dalawang kuwentong ito, malinaw na ba sa inyo kung paano magpasakop kay Cristo at sumunod sa Kanyang mga salita, kung ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao, at kung ano ang dapat nilang maging pananaw at posisyon, kay Cristo, at sa mga salitang sinambit ni Cristo, gayundin kung paano dapat unawain ng mga tao ang mga salita at hinihingi ng Diyos, at kung anong mga katotohanan ang dapat maunawaan sa loob nito? (Ang una ay ang pagiging sinsero kay Cristo, ang pangalawa ay ang matutunan kung paano respetuhin si Cristo, at ang pangatlo ay ang pagsunod sa Kanyang mga salita, pakikinig sa mga salita ng Diyos nang ating buong puso.) Naaalala ninyo ang mga panuntunan. Kung hindi Ko nabanggit ang mga panuntunang ito, magagawa kaya ninyong makuha ang diwa ng mga ito mula sa dalawang kuwentong isinalaysay Ko? (Ang tanging bagay na puwede nating maging kongklusyon ay na dapat nating sundin ang anumang sinasabi ng Diyos.) Lahat ng diwa na nagagawa ninyong maunawaan ay simple, dogmatiko, at teoretikal na mga paraan ng pagkilos; wala pa rin kayong kakayahang unawain o alamin ang mga katotohanan sa loob nito na dapat hanapin at unawain ng mga tao. Kaya magbahaginan tayo, nang detalyado, tungkol sa mga kuwento nina Noe at Abraham.
I. Ang Saloobin ni Noe sa mga Salita ng Diyos
Pag-usapan muna natin ang kuwento ni Noe. Noong huling pagtitipon, pangkalahatan nating sinaklaw ang mga dahilan at kinalabasan ng kuwento ni Noe. Bakit hindi tayo naging mas partikular? Dahil karamihan sa mga tao ay alam na ang mga dahilan, kinalabasan, at partikular na mga detalye ng kuwentong ito. Kung may anumang mga detalyeng hindi pa gaanong malinaw sa inyo, maaari ninyong matagpuan ang mga iyon sa Bibliya. Ang pinagbabahaginan natin ay hindi ang mga partikular na detalye ng kuwentong ito, kundi kung paano tinrato ni Noe, ang bida sa kuwento, ang mga salita ng Diyos, kung anong mga aspekto ng katotohanan ang dapat maunawaan ng mga tao mula rito, at kung ano ang naging saloobin ng Diyos, ano ang inisip Niya, at ano ang pagsusuri Niya kay Noe matapos Niyang makita ang bawat kilos na ginawa ni Noe. Ang mga detalyeng ito ang dapat nating pagbahaginan. Ang saloobin ng Diyos kay Noe at ang pagsusuri Niya sa ginawa ni Noe ay sapat na para sabihin sa atin kung ano talaga ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, sa mga sumusunod sa Kanya, sa mga inililigtas Niya. May katotohanan bang mahahanap dito? Kung saan may katotohanang mahahanap, nararapat iyong himayin, pagnilayan, at pagbahaginan nang detalyado. Hindi natin pag-uusapan ang partikular na mga detalye ng kuwento ni Noe. Ang pagbabahaginan natin ngayon ay ang katotohanang hahanapin sa iba’t ibang saloobin ni Noe sa Diyos, gayundin ang mga hinihingi at mga layunin ng Diyos na dapat maunawaan ng mga tao mula sa pagsusuri ng Diyos kay Noe.
Si Noe ay isang ordinaryong miyembro ng sangkatauhan na sumamba at sumunod sa Diyos. Nang dumating sa kanya ang mga salita ng Diyos, ang kanyang saloobin ay hindi ang kumilos nang mabagal, mag-antala, o magmadali. Sa halip, nakinig siya sa mga salita ng Diyos nang may matinding kaseryosohan, nakinig siya sa bawat pagbigkas ng Diyos nang may labis na malasakit at pansin, na masigasig na nakikinig at sinisikap na tandaan ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos, na hindi nangangahas na mawala sa pokus kahit kaunti. Sa kanyang saloobin sa Diyos, at sa mga salita ng Diyos, ay naroon ang isang may-takot-sa-Diyos na puso, na nagpakita na may puwang ang Diyos sa kanyang puso, at na mapagpasakop siya sa Diyos. Nakinig siya nang mabuti sa sinabi ng Diyos, sa nilalaman ng mga salita ng Diyos, sa hiningi ng Diyos na gawin niya. Nakinig siyang mabuti—nang hindi nanunuri, kundi tumatanggap. Walang pagtanggi, pagkainis, o pagkainip sa kanyang puso; sa halip, tinandaan niya nang mahinahon, maingat, at mabuti, sa kanyang puso, ang bawat salita at bagay na tumutukoy sa mga hinihingi ng Diyos. Matapos ibigay sa kanya ng Diyos ang bawat tagubilin, itinala ni Noe, nang detalyado at sa sarili niyang kaparaanan, ang lahat ng nasabi at naipagkatiwala sa kanya ng Diyos. Pagkatapos ay isinantabi niya ang kanyang sariling mga gawain, humiwalay sa pang-araw-araw na mga gawain at plano ng kanyang katandaan, at nagsimulang maghanda para sa lahat ng naipagkatiwala sa kanya ng Diyos na gawin, at lahat ng panustos na kinailangan para sa arka na ipinagawa sa kanya ng Diyos. Hindi siya nangahas na kaligtaan ang alinman sa mga salita ng Diyos, o alinman sa hiningi ng Diyos, o anumang detalye ng hiningi sa kanya sa mga salita ng Diyos. Sa sarili niyang kaparaanan, itinala niya ang mga pangunahing punto at detalye ng lahat ng hiningi at ipinagkatiwala ng Diyos sa kanya, pagkatapos ay pinagmuni-munihan at pinagnilay-nilayan niya ang mga iyon, nang paulit-ulit. Sumunod, naghanap si Noe ng lahat ng materyales na ipinahanda sa kanya ng Diyos. Natural, pagkatapos ng bawat tagubiling ibinigay sa kanya ng Diyos, gumawa siya, sa sarili niyang paraan, ng detalyadong mga plano at pagsasaayos para sa lahat ng ipinagkatiwala at tinagubilin sa kanya ng Diyos na gawin—at pagkatapos, sa paisa-isang hakbang, isinakatuparan at isinagawa niya ang kanyang mga plano at pagsasaayos, at bawat detalye at indibidwal na hakbang ng hiningi ng Diyos. Sa buong proseso, lahat ng ginawa ni Noe, malaki man o maliit, kapansin-pansin man o hindi sa mga mata ng tao, ay siyang ipinagawa sa kanya ng Diyos, at ang sinabi at hiningi ng Diyos. Mula sa lahat ng nakita kay Noe matapos niyang tanggapin ang atas ng Diyos, maliwanag na ang kanyang saloobin sa mga salita ng Diyos ay hindi ang makinig, at wala nang iba—lalo nang hindi iyon gayon ang nangyari na matapos marinig ang mga salitang ito, pumili si Noe ng isang panahon kung kailan maganda ang pakiramdam niya, kung kailan tama ang sitwasyon, o kung kailan maganda ang tiyempo para isakatuparan ito. Sa halip, isinantabi niya ang kanyang sariling mga trabaho, humiwalay sa kanyang pang-araw-araw na mga gawain sa buhay, at ginawa ang arka na iniutos ng Diyos na pinakamalaking prayoridad sa kanyang buhay at pag-iral mula noon at ipinatupad niya ito nang naaayon. Ang kanyang saloobin sa atas ng Diyos at sa mga salita ng Diyos ay hindi walang pakialam, walang interes, o pabago-bago, lalong hindi ito isang pagtanggi; sa halip, pinakinggan niya nang mabuti ang mga salita ng Diyos, at taos-pusong tinandaan at pinagnilayan ang mga iyon. Ang kanyang saloobin sa mga salita ng Diyos ay isang pagtanggap at pagpapasakop. Para sa Diyos, ito lamang ang saloobing dapat taglayin ng isang nilikha sa Kanyang mga salita na ninanais Niya. Walang pagtanggi, walang pagpapabasta-basta, walang naninikis sa saloobing ito, ni wala itong halong hangarin ng tao; ito ay buong-buo at ganap na saloobing dapat taglayin ng isang nilikhang tao.
Matapos tanggapin ang atas ng Diyos, sinimulang planuhin ni Noe kung paano bubuuin ang arkang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Hinanap niya ang iba’t ibang materyales, at ang mga tao at kasangkapang kailangan sa pagbubuo ng arka. Natural na kinapalooban ito ng maraming bagay; hindi ito naging madali at simple na tulad ng ipinahiwatig sa teksto. Sa kapanahunang iyon na wala pang industriya, isang kapanahunan na lahat ay ginawa nang manu-mano, sa pamamagitan ng pisikal na trabaho, hindi mahirap isipin kung gaano kahirap bumuo ng gayong arka, ng gayong higante, na kumpletuhin ang gampanin ng pagbubuo ng arka gaya ng ipinagkatiwala ng Diyos. Siyempre pa, kung paano nagplano, naghanda, nagdisenyo, at naghanap ng iba’t ibang bagay si Noe gaya ng mga materyales at kasangkapan ay hindi mga simpleng usapin, at maaaring hindi pa nakakita si Noe ng gayon kalaking arka. Matapos tanggapin ang atas na ito, kung uunawaing mabuti ang mga salita ng Diyos, at batay sa lahat ng sinabi ng Diyos, nalaman ni Noe na hindi ito simpleng bagay, hindi ito madaling gawin. Hindi simple o madaling gampanin ito—ano ang mga implikasyon nito? Sa isang banda, nangahulugan ito na, matapos tanggapin ang atas na ito, magkakaroon ng mabigat na pasanin si Noe sa kanyang mga balikat. Bukod pa riyan, batay sa kung paano personal na tinawag ng Diyos si Noe at personal siyang tinagubilinan kung paano bubuuin ang arka, hindi ito ordinaryong bagay, hindi ito maliit na bagay. Batay sa mga detalye ng lahat ng sinabi ng Diyos, hindi ito isang bagay na matitiis ng sinumang ordinaryong tao. Ang katunayan na tinawag ng Diyos si Noe at inatasan siyang bumuo ng arka ay nagpapakita sa kahalagahan ni Noe sa puso ng Diyos. Pagdating sa usaping ito, siyempre, nagawang maunawaan ni Noe ang ilan sa mga layunin ng Diyos—at dahil nagawa niya iyon, natanto ni Noe ang uri ng buhay na kanyang kakaharapin sa darating na mga taon, at batid niya ang ilan sa mga paghihirap na daranasin niya. Bagama’t natanto at naunawaan ni Noe ang malaking hirap sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at kung gaano katindi ang mga pagsubok na kakaharapin niya, hindi niya binalak na tumanggi, kundi sa halip ay labis siyang nagpasalamat sa Diyos na si Jehova. Bakit nagpasalamat si Noe? Dahil hindi niya inasahan na ipagkakatiwala sa kanya ng Diyos ang isang bagay na napakahalaga, at personal na sinabi at ipinaliwanag sa kanya ang lahat ng detalye. Ang mas mahalaga pa, sinabi rin ng Diyos kay Noe ang buong kuwento, mula simula hanggang wakas, kung bakit kailangang buuin ang arka. May kinalaman ito sa sariling plano ng pamamahala ng Diyos, ito ay sariling gawain ng Diyos, pero sinabi sa kanya ng Diyos ang tungkol sa bagay na ito, kaya nadama ni Noe ang kahalagahan nito. Sa kabuuan, batay sa iba’t ibang palatandaang ito, batay sa tono ng pananalita ng Diyos, at sa iba’t ibang aspekto ng ipinabatid ng Diyos kay Noe, nadama ni Noe ang kahalagahan ng gampanin ng pagbubuo ng arka na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, napahalagahan niya ito sa kanyang puso, at hindi siya nangahas na balewalain ito, ni hindi siya nangahas na kalimutan ang anumang detalye. Samakatwid, nang matapos na ang Diyos sa pagbibigay ng Kanyang mga tagubilin, binuo ni Noe ang kanyang plano, at nagtrabaho na siya at ginawa niya ang lahat ng pagsasaayos para sa pagbubuo ng arka, naghanap ng mga gagawa, naghanda ng lahat ng uri ng materyales, at, alinsunod sa mga salita ng Diyos, unti-unti siyang nagtipon ng iba’t ibang uri ng mga buhay na nilalang sa arka.
Ang buong proseso ng pagbubuo ng arka ay puno ng hirap. Sa sandaling ito, isantabi natin kung paano nalagpasan ni Noe ang hampas ng hangin, init ng araw, at lakas ng ulan, ang nakakapasong init at matinding ginaw, at ang pagpapalit-palit ng apat na panahon, taun-taon. Pag-usapan muna natin kung gaano kalaking trabaho ang magbuo ng arka, at ang kanyang paghahanda ng iba’t ibang materyales, at ang napakaraming hirap na nakaharap niya habang binubuo ang arka. Ano ang kabilang sa mga hirap na ito? Salungat sa mga pagkaunawa ng mga tao, hindi palaging nagiging maayos ang ilang pisikal na gawain sa unang pagkakataon, at kinailangan Niyang pagdaanan ang maraming kabiguan. Kapag nakatapos ng isang bagay, kung mukhang mali ito, binabaklas niya ito, at pagkatapos itong baklasin, kinailangan niyang maghanda ng mga materyales, at magsimula muli mula sa umpisa. Hindi ito katulad ng sa modernong panahon, kung saan ginagawa ng lahat ng tao ang lahat ng bagay gamit ang kagamitang elektroniko, at kapag naihanda na ito ay isinasagawa na ang trabaho ayon sa isang nakatakdang programa. Kapag isinasagawa ang gayong gawain ngayon, ginagamitan na ito ng makina, at kapag pinaandar mo na ang makina, magagawa na nito ang gawain. Pero namuhay si Noe sa panahon ng primitibong lipunan, at lahat ng gawain ay gawang-kamay at kailangan mong gawin ang lahat ng gawain gamit ang dalawa mong kamay, gamit ang mga mata at isip mo, at ang sarili mong kasigasigan at lakas. Siyempre pa, higit sa lahat, kinailangan ng mga tao na umasa sa Diyos; kinailangan nilang hanapin ang Diyos sa lahat ng dako at sa lahat ng oras. Sa proseso ng pagharap sa lahat ng klase ng suliranin, at sa mga araw at gabi sa pagbubuo ng arka, kinailangang harapin ni Noe hindi lamang ang iba’t ibang sitwasyong nangyari habang kinukumpleto ang napakalaking trabahong ito, kundi pati na ang iba’t ibang sitwasyon sa kanyang paligid, gayundin ang pagtawanan, siraan, at laitin ng iba. Bagama’t hindi natin personal na naranasan ang mga tagpong iyon nang mangyari ang mga iyon, hindi ba’t posibleng isipin ang ilan sa iba’t ibang suliranin na nakaharap at naranasan at ang iba’t ibang hamong kinaharap ni Noe? Habang binubuo ang arka, ang unang nakaharap ni Noe ay ang kawalan ng pag-unawa ng kanyang pamilya, ang kanilang pangungulit, mga reklamo, at maging ang kanilang pang-aalipusta. Pumapangalawa rito ang sinisiraan, nilalait, at hinuhusgahan siya ng mga nakapaligid sa kanya—sa kanyang mga kamag-anak, sa kanyang mga kaibigan, at sa lahat ng klase ng ibang tao. Ngunit iisa lamang ang naging saloobin ni Noe, ang sumunod sa mga salita ng Diyos, at ipatupad ang mga iyon hanggang sa kahuli-hulihan, at hinding-hindi magbabago ang damdamin dito. Ano ang napagpasyahan ni Noe? “Hangga’t buhay ako, hangga’t nakakagalaw pa ako, hindi ko tatalikuran ang atas ng Diyos.” Ito ang nagganyak sa kanya nang isagawa niya ang malaking trabaho na buuin ang arka, gayundin ang kanyang saloobin nang ilahad sa kanya ang mga utos ng Diyos, at matapos marinig ang mga salita ng Diyos. Nahaharap sa lahat ng uri ng problema, mahihirap na sitwasyon, at mga hamon, hindi umurong si Noe. Nang madalas na nabigo at nasira ang ilan sa kanyang mas mahihirap na gawaing pang-inhinyero, kahit nahihirapan ang kalooban ni Noe at nababalisa siya sa kanyang puso, nang maisip niya ang mga salita ng Diyos, nang maalala niya ang bawat salitang iniutos sa kanya ng Diyos, at ang pagtataas sa kanya ng Diyos, madalas siyang nakararamdam ng labis na pagganyak: “Hindi ako puwedeng sumuko, hindi ko maaaring iwaksi ang iniutos at ipinagkatiwala ng Diyos na gawin ko; atas ito ng Diyos, at dahil tinanggap ko ito, dahil narinig ko ang mga salitang sinambit ng Diyos at ang tinig ng Diyos, at dahil tinanggap ko ito mula sa Diyos, dapat akong ganap na magpasakop, na siyang dapat gawin ng isang tao.” Kaya, anumang uri ng mga hirap ang nakaharap niya, anumang uri ng pangungutya o paninira ang naranasan niya, gaano man kapagod ang kanyang katawan, gaano man kapagal, hindi niya tinalikuran ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at patuloy niyang isinaisip ang bawat isang salita na sinabi at iniutos ng Diyos. Paano man nagbago ang kanyang mga kapaligiran, gaano man kalaking hirap ang kanyang nakaharap, nagtiwala siya na walang anuman dito ang magpapatuloy magpakailanman, na ang mga salita lamang ng Diyos ang hinding-hindi lilipas, at iyon lamang iniutos ng Diyos na gawin ang siguradong maisasakatuparan. May tunay na pananalig si Noe sa Diyos, at pagpapasakop na nararapat niyang taglayin, at patuloy niyang binuo ang arka na hiningi ng Diyos na buuin niya. Araw-araw, taun-taon, tumanda si Noe, ngunit hindi nabawasan ang kanyang pananalig, at hindi nagbago ang kanyang saloobin at determinasyon na kumpletuhin ang atas ng Diyos. Bagama’t may mga pagkakataon na pagod at pagal na ang kanyang katawan, at nagkasakit siya, at sa kanyang puso ay mahina siya, hindi nabawasan ang kanyang determinasyon at tiyaga na tapusin ang atas ng Diyos at magpasakop sa mga salita ng Diyos. Sa mga taon na binuo ni Noe ang arka, nagsasagawa si Noe ng pakikinig at pagpapasakop sa mga salitang sinabi ng Diyos, at isinagawa rin niya ang isang mahalagang katotohanan ng isang nilikha at ang pangangailangan ng isang ordinaryong tao na makumpleto ang atas ng Diyos. Sa lahat ng makikita, ang buong proseso ay talagang iisang bagay lamang: pagbubuo ng arka, pagsasagawa ng sinabi ng Diyos sa kanya na gawin nang maayos at nang kumpleto. Ngunit ano ang kinailangan para magawa nang maayos ang bagay na ito, at matagumpay itong makumpleto? Hindi nito kinailangan ang kasigasigan ng mga tao, o ang kanilang mga kasabihan, lalo ang ilang sumpang sinabi nang dahil sa panandaliang emosyon, ni ang tinatawag na paghanga ng mga tao sa Lumikha. Hindi nito kinailangan ang mga bagay na ito. Sa harap ng pagbubuo ni Noe sa arka, ang tinatawag na paghanga ng mga tao, ang kanilang mga sumpa, ang kanilang kasigasigan, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa espirituwal nilang mundo, walang silbi ang lahat ng ito; sa harap ng tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop ni Noe, tila napakadukha, kaawa-awa ng mga tao, at tila labis na hungkag, maputla, walang buhay at mahina ang ilang doktrinang nauunawaan nila—bukod pa sa nakakahiya, kasuklam-suklam at imoral.
Inabot ng 120 taon ang pagbubuo ni Noe sa arka. Ang 120 taon ay hindi 120 araw, o 10 taon, o 20 taon, kundi mas mahaba ng maraming dekada kaysa sa karaniwang haba ng buhay ng mga tao ngayon. Dahil sa haba ng panahon, at sa hirap ng pagkumpleto nito, at ang bigat ng sangkot na pag-iinhinyero, kung walang tunay na pananalig si Noe, kung ang kanyang pananalig ay nasa isip lamang, nakatutok sa mga pag-asa, kasigasigan, o isang uri ng malabo at mahirap na unawaing paniniwala, nakumpleto kaya ang arka? Kung ang kanyang pagpapasakop sa Diyos ay isang pangako na sa salita lamang, kung isa lamang itong tala na isinulat, tulad ng ginagawa ninyo ngayon, nabuo kaya ang arka? (Hindi.) Kung ang kanyang pagpapasakop na tanggapin ang atas ng Diyos ay wala nang iba kundi kalooban at determinasyon lamang, isang kahilingan, nabuo kaya ang arka? Kung ang pagpapasakop ni Noe sa Diyos ay paggawa lamang ng mga pormalidad ng pagtalikod, paggugol, at pagbabayad-halaga, o paggawa lang ng dagdag pang trabaho, pagbabayad ng mas malaking halaga, at pagiging tapat sa Diyos sa teorya, o sa usapin ng mga kasabihan, nabuo kaya ang arka? (Hindi.) Napakahirap siguro nito! Kung ang saloobin ni Noe sa pagtanggap sa atas ng Diyos ay isang uri ng transaksiyon, kung tinanggap lang ito ni Noe para mapagpala at magantimpalaan siya, nabuo kaya ang arka? Talagang hindi! Maaaring magtagal ang kasigasigan ng isang tao sa loob ng 10 o 20 taon, o 50 o 60, ngunit kapag malapit na silang mamatay, nakikita na wala silang napala, mawawalan sila ng pananalig sa Diyos. Ang kasigasigang ito na nanaig sa loob ng 20, 50, o 80 taon ay hindi naging pagpapasakop o tunay na pananalig. Kalunos-lunos ito. Samantala, ang tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop na natagpuan kay Noe ay siya mismong wala sa mga tao ngayon, at mismong mga bagay na hindi nakikita ng mga tao ngayon, at na hinahamak, kinukutya, o minamaliit pa nga. Ang pagsasalaysay sa kuwento ng pagbubuo ng arka ni Noe ay palaging nagdudulot ng pagbaha ng pagtatalo. Mapag-uusapan ito ng lahat, may masasabi ang lahat. Ngunit walang sinumang nag-iisip, o nagsisikap na unawain, kung ano ang natagpuan kay Noe, anong landas ng pagsasagawa ang taglay niya, anong uri ng saloobing gusto ng Diyos at pananaw sa mga utos ng Diyos ang kanyang taglay, anong karakter ang mayroon siya pagdating sa pakikinig at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang mga tao sa ngayon ay hindi marapat na magsalaysay ng kuwento ni Noe, dahil kapag isinasalaysay ng sinuman ang kuwentong ito, tinatrato nila si Noe bilang isang alamat at wala nang iba, bilang isa pa ngang ordinaryong matandang lalaki na may puting balbas. Sa isip nila ay pinagdududahan nila kung talaga bang nagkaroon ng gayong tao, kung anong klaseng tao talaga siya, at hindi nila sinisikap na pahalagahan kung paano naipakita ni Noe ang mga pagpapamalas na iyon matapos niyang tanggapin ang atas ng Diyos. Ngayon, kapag muli nating pinag-uusapan ang kuwento tungkol sa pagbuo ng arka ni Noe, sa palagay ba ninyo ay malaki o maliit na pangyayari ito? Isa lamang ba itong ordinaryong kuwento tungkol sa isang matandang lalaking bumuo ng isang arka noong araw? (Hindi.) Sa lahat ng tao, si Noe ang taong may takot sa Diyos, nagpapasakop sa Diyos, at kinukumpleto ang atas ng Diyos na karapat-dapat siyang tularan; sinang-ayunan siya ng Diyos, at dapat siyang maging isang huwaran para sa mga sumusunod sa Diyos ngayon. At ano ang pinakamahalaga tungkol sa kanya? Iisa lamang ang saloobin niya sa mga salita ng Diyos: ang makinig at tumanggap, tumanggap at magpasakop, at magpasakop hanggang kamatayan. Ang saloobing ito, na pinakamahalaga sa lahat, ang siyang dahilan kaya nakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Pagdating sa mga salita ng Diyos, hindi siya pabasta-basta, hindi niya iniraos lang ang mga bagay-bagay, at hindi niya sinuri, inanalisa, nilabanan, o tinanggihan ang mga ito sa kanyang isipan at pagkatapos ay kinalimutan na; sa halip, nakinig siya nang taimtim, tinanggap ang mga ito, nang paunti-unti, nang buong puso, at pagkatapos ay pinagnilayan kung paano isasagawa ang mga ito, paano gagawin ang mga ito ayon sa orihinal na layon, nang hindi binabaluktot ang mga ito. At habang pinagninilayan niya ang mga salita ng Diyos, lihim niyang sinabi sa kanyang sarili, “Ito ang mga salita ng Diyos, ito ay mga tagubilin ng Diyos, atas ng Diyos, may tungkulin ako, kailangan kong magpasakop, hindi ko maaaring laktawan ang anumang mga detalye, hindi ako maaaring sumalungat sa mga hinihiling ng Diyos, ni maaari kong laktawan ang alinman sa mga detalye ng sinabi Niya, o kung hindi ay hindi ako angkop na tawaging tao, hindi ako magiging karapat-dapat sa atas ng Diyos, at hindi magiging karapat-dapat sa Kanyang pagdakila. Sa buhay na ito, kung mabibigo akong kumpletuhin ang lahat ng sinabi at ipinagkatiwala sa akin ng Diyos, kung gayon ay magkakaroon ako ng mga pagsisisi. Higit pa riyan, magiging hindi ako karapat-dapat sa atas ng Diyos at sa Kanyang pagdakila sa akin, at mawawalan ako ng mukha para bumalik sa harapan ng Lumikha.” Lahat ng naisip at napagbulayan ni Noe sa kanyang puso, bawat pananaw at saloobin niya, ang lahat ng ito ang tumukoy na nagawa niyang isagawa ang mga salita ng Diyos sa huli, at gawing realidad ang mga salita ng Diyos, isakatuparan ang mga salita ng Diyos, upang matupad at maisakatuparan ang mga iyon sa pamamagitan ng pagsisikap niya at maging isang realidad sa pamamagitan niya, at upang hindi mauwi sa wala ang atas ng Diyos. Makikita sa lahat ng inisip, sa lahat ng ideyang umusbong sa kanyang puso, at sa kanyang saloobin sa Diyos, na si Noe ay karapat-dapat sa atas ng Diyos, siya ay isang taong pinagkatiwalaan ng Diyos, at isang taong pinaboran ng Diyos. Minamasdan ng Diyos ang bawat salita at gawa ng mga tao, pinagmamasdan Niya ang kanilang mga iniisip at ideya. Sa paningin ng Diyos, ang makapag-isip si Noe na tulad nito, hindi Siya nagkamali ng pinili; kinayang pasanin ni Noe ang atas ng Diyos at ang tiwala ng Diyos, at nagawa niyang kumpletuhin ang atas ng Diyos: Siya lamang ang pinili sa buong sangkatauhan.
Sa mga mata ng Diyos, si Noe ang kaisa-isang pinili Niyang magsakatuparan ng gayon kabigat na trabaho ng pagbubuo ng arka. Ano ang natagpuan kay Noe? Dalawang bagay: tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop. Sa puso ng Diyos, ito ang mga pamantayang hinihingi Niya sa mga tao. Simple, hindi ba? (Oo.) Taglay ng “kaisa-isang pinili” ang dalawang bagay na ito, mga bagay na napakasimple—subalit maliban kay Noe, hindi matatagpuan ang mga ito sa ibang tao. Sabi ng ilang tao, “Paano nangyari iyon? Tinalikuran namin ang mga pamilya at propesyon namin, tinalikuran namin ang trabaho, mga kinabukasan, at pag-aaral, inabandona namin ang mga pag-aari at mga anak namin. Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pananalig namin, kung gaano namin kamahal ang Diyos! Paano kami naging mas mababa kaysa kay Noe? Kung hihingin sa amin ng Diyos na bumuo ng arka—napakaunlad na ng makabagong industriya, hindi ba’t may mapagkukunan kami ng kahoy at maraming kagamitan? Kaya naming magtrabaho sa ilalim ng init ng araw kung gagamit kami ng mga makinarya; kaya rin naming magtrabaho mula bukang-liwayway hanggang takipsilim. Bakit masyadong pinalalaki ang usapin ng pagkumpleto sa isang maliit na trabahong katulad nito? Inabot si Noe ng 100 taon, pero gagawin namin iyon nang mas mabilis para hindi mabalisa ang Diyos—aabutin lamang kami ng 10 taon. Sinabi Mo na si Noe ang kaisa-isang pinili, pero ngayon, maraming perpektong kandidato; ang mga taong katulad namin na tumalikod na sa kanilang mga pamilya at propesyon, na may tunay na pananalig sa Diyos, na tunay na ginugugol ang kanilang sarili—lahat sila ay mga perpektong kandidato. Paano Mo nasabi na si Noe ang tanging pinili? Napakaliit ng tingin Mo sa amin, ano?” May problema ba sa mga salitang ito? (Mayroon.) Sinasabi ng ilang tao, “Noong panahon ni Noe, napakaatrasado pa ng agham at teknolohiya, wala siyang kuryente, walang mga makabagong makina, ni wala man lamang ng pinakasimpleng mga electric drill at chainsaw, o maging mga pako. Paano niya nagawang mabuo ang arka? Mayroon na tayo ng lahat ng bagay na ito ngayon. Hindi ba magiging napakadali para sa atin na kumpletuhin ang atas na ito? Kung nagsalita sa atin ang Diyos mula sa langit at sinabi sa atin na bumuo ng arka, kalimutan mo na ang paggawa lamang ng iisa—madali nating mabubuo ang 10 ganoon. Balewala iyan, napakadaling gawin. O Diyos, iutos Mo sa amin ang anumang nais Mo. Anuman ang kailangan Mo, sabihin Mo sa amin. Ni hindi magiging mahirap para sa napakarami sa amin na magbuo ng isang arka! Makakaya naming buuin ang 10, 20, kahit 100. Kahit gaano karami ang gusto Mo.” Gayon ba kasimple ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Sa sandaling sabihin Ko na si Noe ang kaisa-isang pinili, gustong makipagtalo ng ilang tao sa Akin, hindi sila kumbinsido: “Maganda ang iniisip Mo tungkol sa mga sinauna dahil wala sila rito. Ang mga tao sa ngayon ay nasa harap Mo, ngunit hindi Mo nakikita kung ano ang napakabuti tungkol sa kanila. Bulag Ka sa lahat ng mabubuting bagay na nagawa ng mga tao sa ngayon, sa lahat ng kanilang mabuting gawa. Isang maliit na bagay lamang ang ginawa ni Noe; hindi ba dahil walang industriya noon, at mahirap ang lahat ng pisikal na trabaho, kaya iniisip Mo na ang ginawa niya ay nararapat gunitain, kaya iniisip Mo na siya ay isang halimbawa, isang huwaran, at bulag Ka sa pagdurusa ng mga tao sa kasalukuyan at sa halagang ibinabayad namin para sa Iyo, at sa aming pananalig ngayon?” Ganito ba ang sitwasyon? (Hindi.) Anumang kapanahunan o panahon, anumang uri ng mga kalagayan ng paligid na pinamumuhayan ng mga tao, balewala ang materyal na mga bagay na ito at ang pangkalahatang sitwasyon, hindi mahalaga ang mga ito. Ano ang mahalaga? Ang pinakamahalaga ay hindi ang kapanahunan kung kailan ka nabubuhay, o kung naging bihasa ka na sa anumang uri ng teknolohiya, ni kung ilan sa mga salita ng Diyos ang nabasa o narinig mo. Ang pinakamahalaga ay kung mayroon ba o walang tunay na pananalig ang mga tao, kung mayroon ba o wala silang tunay na pagpapasakop. Ang dalawang bagay na ito ang pinakamahalaga, at hindi maaaring mawala ang alinman dito. Kung napunta kayo sa panahon ni Noe, sino sa inyo ang makakakumpleto ng atas na ito? Lakas-loob Kong sinasabi na kahit sama-sama kayong gumawa, hindi ninyo ito maisasakatuparan. Hindi ninyo kakayaning gawin kahit ang kalahati nito. Bago pa maihanda ang lahat ng kagamitan, marami na sa inyo ang tatakbo, magrereklamo tungkol sa Diyos, at magdududa sa Kanya. Magagawa ng iilan sa inyo na magpursige nang sobrang nahihirapan, na magpursige dahil sa inyong determinasyon, kasigasigan, at kaisipan. Ngunit gaano katagal kayo makakapagpursige? Anong uri ng motibasyon ang kailangan ninyo para magpatuloy? Ilang taon kayo tatagal nang walang tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop? Depende ito sa karakter. Ang mga may mas mabuting karakter at kaunting konsensiya ay maaaring tumagal nang walo o 10 taon, 20 o 30, siguro ay kahit 50 pa. Ngunit pagkaraan ng 50 taon, iisipin nila sa kanilang sarili, “Kailan paparito ang Diyos? Kailan darating ang baha? Kailan lilitaw ang palatandaang bigay ng Diyos? Ginugol ko na ang buong buhay ko sa paggawa ng isang bagay. Paano kung hindi dumating ang baha? Buong buhay na akong nagdusa nang husto, nagtiyaga na ako nang 50 taon—sapat na iyon, hindi iyon maaalala o kokondenahin ng Diyos kung susuko ako ngayon. Kaya, mabubuhay ako nang ayon sa gusto ko. Hindi nagsasalita o tumutugon ang Diyos. Ginugugol ko ang buong araw sa pagtingin sa bughaw na langit at puting mga ulap at wala akong nakikita. Nasaan ang Diyos? Siya na minsan ay dumagundong at nagsalita—ang Diyos ba iyon? Guni-guni ba iyon? Kailan ito magwawakas? Walang pakialam ang Diyos. Paano man ako humingi ng tulong, ang tanging naririnig ko ay katahimikan, at hindi Niya ako binibigyang-liwanag o ginagabayan kapag nagdarasal ako. Kalimutan mo na!” Mayroon pa ba silang tunay na pananalig? Sa paglipas ng panahon, malamang na lalo pa silang mapuno ng pagdududa. Pag-iisipan nila na magbago na, hahanap sila ng lulusutan, isasantabi nila ang atas ng Diyos, at pababayaan ang kanilang panandaliang kasigasigan at panandaliang mga panunumpa; gugustuhin nilang kontrolin ang sarili nilang kapalaran at mabubuhay ayon sa nais nila, kalilimutan nila ang atas ng Diyos. At, balang araw, kapag personal na pumarito ang Diyos para himukin silang magpatuloy, nang magtanong Siya tungkol sa pag-usad ng pagbubuo sa arka, sasabihin nila, “Ah! Umiiral talaga ang Diyos! Mayroon pala talagang Diyos. Kailangan kong patuloy na magtrabaho!” Kung hindi nagsalita ang Diyos, kung hindi Niya sila minadali, hindi nila makikita na madalian ang bagay na ito; iisipin nila na makapaghihintay ito. Ang gayong pagkabalimbing, ang saloobing ito ng nag-aatubiling makaraos lang—ito ba ang saloobin na dapat ipakita ng mga taong may tunay na pananalig? (Hindi.) Maling magkaroon ng gayong saloobin, nangangahulugan ito na wala silang tunay na pananalig, lalong wala silang tunay na pagpapasakop. Nang personal na nagsalita sa iyo ang Diyos, ang panandalian mong kasigasigan ay magpapahiwatig ng pananalig mo sa Diyos, ngunit nang isinantabi ka ng Diyos, at hindi ka hinimok, o pinangasiwaan, o tinanong, mawawala na ang iyong pananalig. Lilipas ang panahon, at kapag hindi nagsalita o nagpakita sa iyo ang Diyos, at hindi nagsagawa ng anumang pagsusuri sa iyong gawain, lubos na maglalaho ang iyong pananalig; gugustuhin mong isabuhay ang sarili mong buhay, at gawin ang sarili mong usapin, at malilimutan mo na ang atas ng Diyos; ang iyong kasigasigan, mga panunumpa, at determinasyon noong panahong iyon ay nababalewala. Palagay ba ninyo ay mangangahas ang Diyos na ipagkatiwala ang isang napakabigat na trabaho sa isang taong katulad nito? (Hindi.) Bakit hindi? (Hindi sila mapagkakatiwalaan.) Tama iyan. Dalawang salita: hindi mapagkakatiwalaan. Wala kang tunay na pananalig. Hindi ka mapagkakatiwalaan. Kaya nga, hindi ka karapat-dapat na pagkatiwalaan ng Diyos ng anuman. Sabi ng ilang tao, “Bakit ako hindi karapat-dapat? Isasagawa ko ang anumang atas na ipagkatiwala sa akin ng Diyos—malay natin, baka sakaling maisakatuparan ko ito.” Magagawa mong gawin ang mga bagay-bagay sa pang-araw-araw mong buhay nang walang pag-iingat, at hindi mahalaga kung hindi tulad ng inaasahan ang mga resulta nito. Ngunit ang mga bagay na ipinagkatiwala ng Diyos, na nais ng Diyos na maisakatuparan—kailan ba naging simple ang mga iyon? Kung ipinagkatiwala ang mga iyon sa isang taong hangal o madaya, sa taong walang interes sa lahat ng kanyang ginagawa, sa isang tao na malamang na kumilos nang may mahinang pananalig matapos tanggapin ang isang atas, sa lahat ng dako at sa anumang oras, hindi ba maaantala niyan ang isang mabigat na trabaho? Kung hinilingan kayong pumili, kung ipagkakatiwala ninyo ang isang mahalagang trabaho sa isang tao, sa anong uri ng tao mo ito ipagkakatiwala? Anong uri ng tao ang pipiliin mo? (Isang taong mapagkakatiwalaan.) Kahit paano, ang taong ito ay kailangang maaasahan, may karakter, at anumang oras, o gaano man kalalaking hirap ang kanyang maranasan, ibibigay niya ang kanyang buong puso at lakas sa pagkumpleto ng ipinagkatiwala mo sa kanya, at mag-uulat siya sa iyo. Kung ganyan ang uri ng taong pipiliin ng mga taong pagkatiwalaan ng gampanin, paano pa ang Diyos! Kaya, para sa mahalagang kaganapang ito, ang pagwasak sa mundo sa pamamagitan ng baha, isang kaganapang nangailangan ng pagbubuo ng isang arka, at isang taong karapat-dapat na manatiling buhay, sino ang pipiliin ng Diyos? Una, sa teorya, pipiliin Niya ang isang taong nararapat manatiling buhay, na akmang mabuhay sa susunod na panahon. Sa totoo lang, bago ang lahat ng iba pa, ang taong ito ay kailangang magawang sumunod sa mga salita ng Diyos, kailangan ay may tunay na pananalig sila sa Diyos, at tinatrato ang anumang sinabi ng Diyos bilang mga salita ng Diyos—anuman ang kasangkutan nito, umayon man ito sa sarili nilang mga kuru-kuro, umayon man sa kanilang panlasa, umayon man sa sarili nilang kalooban o hindi. Anuman ang ipagawa sa kanila ng Diyos, hindi nila dapat itatwa ang pagkakakilanlan ng Diyos magpakailanman, kailangan nilang ituring palagi ang kanilang sarili bilang isang nilikha, at laging ituring ang pagsunod sa mga salita ng Diyos bilang isang tungkuling obligasyon nila; ito ang uri ng taong pinagkakatiwalaan ng Diyos ng partikular na trabahong ito. Sa puso ng Diyos, si Noe ay gayong klase ng tao. Hindi lamang siya isang taong karapat-dapat na manatiling buhay sa bagong panahon, kundi isa rin siyang taong maaaring magpasan ng mabigat na responsabilidad, na kayang magpasakop sa mga salita ng Diyos, nang walang kompromiso, hanggang sa kahuli-hulihan, at gagamitin ang kanyang buhay para kumpletuhin ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Ito ang natagpuan Niya kay Noe. Mula sa sandaling tinanggap ni Noe ang atas ng Diyos, hanggang sa sandaling nakumpleto niya ang bawat isang trabahong ipinagkatiwala sa kanya—sa buong panahong ito, talagang mahalaga ang papel na ginampanan ng pananalig at saloobin ng pagpapasakop ni Noe sa Diyos; kung wala ang dalawang bagay na ito, hindi sana natapos ang gawain, at hindi sana naisakatuparan ang atas na ito.
Kung sa pagtanggap ng atas ng Diyos ay mayroong sariling mga ideya, plano, at kuru-kuro si Noe, paano kaya mababago ang buong trabaho? Una, nang maharap sa bawat detalyeng ipinarating sa kanya ng Diyos—ang mga detalye at uri ng materyales, ang pamamaraan at sistema ng pagbubuo ng buong arka, at ang sukat at laki ng buong arka—nang marinig ni Noe ang lahat ng ito, naisip kaya niya, “Ilang taon kaya bubuuin ang isang bagay na ganito kalaki? Gaano kalaking pagsisikap at hirap kaya ang kakailanganin para makita ang lahat ng materyales na ito? Mapapagod ako! Siguradong iiksi ang buhay ko sa ganitong kapaguran, hindi ba? Tingnan ninyo kung gaano na ako katanda, subalit ayaw akong pagpahingahin ng Diyos, at hinihingi sa aking gawin ang isang bagay na napakahirap gawin—makakaya ko kaya ito? Gagawin ko ito, ngunit may mga lihim akong plano: gagawin ko na lang ang sinasabi ng Diyos. Sinabi ng Diyos na humanap ako ng isang uri ng pine na hindi tinatagusan ng tubig. Nakarinig ako ng isang lugar kung saan may makukuha akong ilan, ngunit medyo malayo at lubhang mapanganib doon. Kakailanganin ng malaking pagsisikap para mahanap at makuha iyon, kaya paano kaya kung maghanap na lamang ako ng ibang klase noon sa malapit bilang kapalit, na halos katulad noon? Hindi iyon gaanong peligroso at hindi gaanong mahirap gawin—okey na rin iyon, hindi ba?” Nagkaroon ba ng gayong mga plano si Noe? Kung nagkaroon siya, tunay na pagpapasakop ba ito? (Hindi.) Halimbawa: Sinabi ng Diyos na dapat ay 100 metro ang taas ng arka. Nang marinig ito, naisip siguro niya, “Napakataas ng isandaang metro, walang makakasakay roon. Hindi ba’t magiging napakamapanganib na umakyat at magtrabaho rito? Kaya gagawin kong medyo mababa ang arka, gawin natin itong 50 metro. Hindi iyan gaanong mapanganib at mas madaling makakasakay ang mga tao. Ayos lang iyon, hindi ba?” Naisip kaya ni Noe ang mga iyon? (Hindi.) Kung naisip niya iyon, sa palagay ba ninyo ay mali ang taong napili ng Diyos? (Oo.) Ang tunay na pananalig at pagpapasakop ni Noe sa Diyos ay nagtulot sa kanya na isantabi ang sarili niyang kagustuhan; kahit naisip niya ang mga iyon, hinding-hindi siya kikilos ayon sa mga iyon. Sa puntong ito, alam ng Diyos na mapagkakatiwalaan si Noe. Una, hindi gagawa si Noe ng anumang mga pagbabago sa mga detalyeng itinakda ng Diyos, ni hindi niya idaragdag ang anuman sa sarili niyang mga ideya, lalo nang hindi niya babaguhin ang anuman sa mga detalyeng itinakda ng Diyos para sa sarili niyang personal na kapakinabangan; sa halip isasagawa niya ang lahat ng detalye ng iniutos ng Diyos, at gaano man kahirap makuha ang mga materyales para magbuo ng arka, gaano man kahirap o nakakapagod ang gawain, gagawin niya ang lahat ng makakaya niya, at gagamitin niya ang lahat ng lakas niya para makumpleto ito nang maayos. Hindi ba’t ito ang dahilan kaya siya mapagkakatiwalaan? At ito ba ay totoong pagpapamalas ng tunay niyang pagpapasakop sa Diyos? (Oo.) Ganap ba ang pagpapasakop na ito? (Oo.) At wala itong bahid ng anuman, wala itong bahid ng kanyang sariling mga ingklinasyon, hindi ito nahaluan ng mga personal na plano, lalong hindi ito nadumihan ng mga personal na kuru-kuro o interes; sa halip, ito ay dalisay, simple, at ganap na pagpapasakop. At madali bang makamtan ito? (Hindi.) Maaaring hindi sumang-ayon ang ilang tao: “Ano ang napakahirap tungkol diyan? Hindi ba’t kailangan lang dito na hindi siya mag-iisip, na maging parang robot, na ginagawa ang anumang sabihin ng Diyos—hindi ba madali iyon?” Pagdating ng oras na kailangan nang kumilos, lumilitaw ang mga suliranin; palaging nagbabago-bago ang isipan ng mga tao, lagi silang may sariling mga ingklinasyon, kaya nga malamang na magduda sila kung kaya bang maisagawa ang mga salita ng Diyos; madali para sa kanila na tanggapin ang mga salita ng Diyos kapag naririnig nila ang mga ito, ngunit kapag dumating na ang oras para kumilos, nahihirapan na sila; sa sandaling magsimula ang hirap, malamang na maging negatibo sila, at hindi madali para sa kanila ang magpasakop. Kung gayon, halata naman na ang karakter ni Noe at ang kanyang tunay na pananalig at pagpapasakop, ay tunay na nararapat tularan. Malinaw na ba sa inyo kung paano tumugon at nagpasakop si Noe nang naharap siya sa mga salita, utos, at hinihingi ng Diyos? Ang pagpapasakop na ito ay walang bahid ng personal na mga ideya. Inobliga ni Noe ang kanyang sarili na magkaroon ng ganap na pagpapasakop, pagsunod, at pagpapatupad ng mga salita ng Diyos, nang hindi nalilihis ng landas, o nanlalansi, o sinusubukang maging mautak, nang hindi nagkakaroon ng mataas na opinyon tungkol sa kanyang sarili at nag-iisip na maaari siyang magmungkahi sa Diyos, na maaari niyang idagdag ang sarili niyang mga ideya sa mga utos ng Diyos, at nang hindi nag-aambag ng sarili niyang mabubuting hangarin. Hindi ba’t ito ang dapat isagawa kapag sinusubukang magkamit ng ganap na pagpapasakop?
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.