Ikalawang Ekskorsus: Kung Paano Nakinig Sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Unang Bahagi) Unang Seksiyon

I. Binuo ni Noe ang Arka

Ngayon ay magsisimula Ako sa pagsasalaysay sa inyo ng ilang kuwento. Makinig sa paksang babanggitin Ko, at tingnan kung mayroon itong anumang koneksiyon sa mga temang tinalakay natin dati. Hindi malalim ang mga kuwentong ito, dapat siguro ay maunawaan ninyo ang lahat ng ito. Naikuwento na natin ang mga ito dati, mga lumang kuwento na ang mga ito. Una sa lahat ay ang kuwento ni Noe. Noong panahon ni Noe, sukdulan ang katiwalian ng sangkatauhan: Sumamba ang mga tao sa mga idolo, lumaban sa Diyos, at gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Nakita ng mga mata ng Diyos ang paggawa nila ng masama, nakarating sa pandinig ng Diyos ang mga salitang kanilang sinambit, at nagpasya ang Diyos na pupuksain Niya ang lahing ito ng tao sa isang baha, na wawasakin Niya ang mundong ito. Kaya lilipulin ba ang lahat ng tao, wala ni isang matitira? Hindi. Pinalad ang isang tao, pinaboran siya ng Diyos, at hindi siya ang magiging puntirya ng pagwawasak ng Diyos: Ang taong ito ay si Noe. Si Noe ang matitira matapos wasakin ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha. Matapos magpasya na wawakasan Niya ang kapanahunang ito at lilipulin ang liping ito ng tao, may ginawa ang Diyos. Ano iyon? Isang araw, nanawagan ang Diyos kay Noe mula sa langit. Sinabi Niya, “Noe, nakarating sa Aking pandinig ang kasamaan ng liping ito ng tao, at nagpasya Akong wasakin ang mundong ito sa pamamagitan ng baha. Gagawa ka ng isang arka mula sa kahoy na gofer. Ibibigay Ko sa iyo ang sukat ng arka, at kailangan mong tipunin ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang para ilagay sa loob ng arka. Kapag natapos na ang arka at natipon na sa loob ang magkapares na lalaki at babae ng bawat nabubuhay na nilikha ng Diyos, darating ang araw ng Diyos. Sa panahong iyon, bibigyan kita ng isang hudyat.” Matapos sambitin ang mga salitang ito, umalis na ang Diyos. At matapos marinig ang mga salita ng Diyos, sinimulang isagawa ni Noe ang bawat isang gawaing sinabi ng Diyos, nang walang kinaliligtaan. Ano ang kanyang ginawa? Naghanap siya ng kahoy na gofer na binanggit ng Diyos, at ng iba’t ibang materyales na kailangan sa pagbuo ng arka. Naghanda rin siya para sa pagtitipon at pagtutustos ng bawat uri ng nabubuhay na nilalang. Nakaukit sa kanyang puso ang dalawang mabibigat na gawaing ito. Mula nang ipagkatiwala ng Diyos ang pagbuo ng arka kay Noe, kailanman ay hindi inisip ni Noe sa kanyang sarili, “Kailan wawasakin ng Diyos ang mundo? Kailan Niya ibibigay sa akin ang hudyat na gagawin Niya iyon?” Sa halip na pagnilayan ang mga bagay na iyon, isinapuso ni Noe ang bawat bagay na sinabi sa kanya ng Diyos, at pagkatapos ay isinagawa niya ang bawat isa. Matapos tanggapin ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nagsimula na si Noe na isagawa at ipatupad ang pagbuo ng arka na sinabi ng Diyos bilang ang pinakamahalagang bagay sa kanyang buhay, nang walang kahit katiting na tanda ng pagpapabaya. Nagdaan ang mga araw, lumipas ang mga taon, araw-araw, taun-taon. Hindi pinangasiwaan ng Diyos si Noe, hindi siya pinagmadali, ngunit sa buong panahong ito, nagtiyaga si Noe sa mahalagang gawaing ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Bawat salita at pariralang binigkas ng Diyos ay nakakintal sa puso ni Noe na parang mga salitang nakaukit sa tapyas na bato. Hindi alintana ang mga pagbabago sa mundo sa labas, ang pangungutya ng mga tao sa paligid niya, ang kaakibat na hirap, o ang mga paghihirap na dinanas niya, nagtiyaga siya, sa lahat ng ito, sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nang hindi kailanman pinanghihinaan ng loob o nag-iisip na sumuko. Ang mga salita ng Diyos ay nakakintal sa puso ni Noe, at isinakatuparan ni Noe ang mga ito sa kanyang pang-araw-araw na buhay. Inihanda ni Noe ang bawat mga materyales na kailangan sa pagbubuo ng arka, at ang anyo at mga detalye para sa arka na iniutos ng Diyos ay unti-unting nagkahugis sa bawat maingat na pukpok ng martilyo at pait ni Noe. Sa lahat ng paghangin at pag-ulan, at paano man siya kinutya o siniraan ng mga tao, nagpatuloy ang buhay ni Noe sa ganitong paraan, taun-taon. Lihim na minasdan ng Diyos ang bawat kilos ni Noe, nang hindi kailanman bumibigkas ng isa pang salita sa kanya, at naantig ni Noe ang Kanyang puso. Gayunman, hindi ito nalaman ni nadama ni Noe; mula simula hanggang wakas, binuo lamang niya ang arka, at tinipon ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang, nang hindi natitinag ang katapatan sa mga salita ng Diyos. Sa puso ni Noe, ang mga salita ng Diyos ang mga pinakamataas na tagubilin na dapat niyang sundin at isagawa, at ang mga ito ang layon at direksiyon na hinangad niya sa buong buhay niya. Kaya, anuman ang sinabi sa kanya ng Diyos, anuman ang ipinagawa sa kanya ng Diyos, ang iniutos sa kanyang gawin, ganap na tinanggap ito ni Noe, at isinapuso niya ito; itinuring niya ito bilang ang pinakamahalagang bagay sa kanyang buhay, at mahusay itong pinangasiwaan. Hindi lamang niya ito hindi kinalimutan, hindi lamang niya ito isinapuso, kundi isinakatuparan niya ito sa kanyang pang-araw-araw na buhay, tinatanggap at isinasakatuparan ang atas ng Diyos gamit ang kanyang buhay. At sa ganitong paraan, sa paisa-isang tabla, nabuo ang arka. Bawat galaw ni Noe, bawat araw niya, ay inilaan sa mga salita at utos ng Diyos. Maaaring hindi mukhang nagsagawa si Noe ng isang kagila-gilalas, napakadakilang gawain, ngunit sa mga mata ng Diyos, ang bawat kilos ni Noe, maging ang lahat ng bagay na sinubukan niyang makamit sa bawat hakbang niya, bawat kayod na isinagawa ng kanyang kamay—lahat ng iyon ay mahalaga, at nararapat tandaan, at nararapat tularan ng sangkatauhang ito. Sumunod si Noe sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Hindi siya natinag sa kanyang paniniwala na ang bawat salitang binigkas ng Diyos ay totoo; wala siyang pagdududa rito. At bilang resulta, natapos ang arka, at ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang ay nabuhay roon. Bago winasak ng Diyos ang mundo, binigyan Niya ng isang hudyat si Noe, na nagsabi kay Noe na nalalapit na ang baha, at na dapat siyang sumakay kaagad sa arka. Ginawa ni Noe ang mismong sinabi ng Diyos. Pagkasakay ni Noe sa arka, nang bumuhos ang malakas na ulan mula sa kalangitan, nakita ni Noe na nagkatotoo na ang mga salita ng Diyos, na natupad na ang Kanyang mga salita: sumapit na ang matinding galit ng Diyos sa mundo, at hindi mababago ng sinuman ang lahat ng ito.

Ilang taon ang binilang bago natapos ni Noe ang arka? (120 taon.) Ano ang kinakatawan ng 120 taon para sa mga tao sa kasalukuyan? Mas mahaba iyon kaysa sa haba ng buhay ng isang normal na tao. Mas mahaba pa marahil kaysa sa haba ng buhay ng dalawang tao. Subalit sa 120 taon na ito, ginawa ni Noe ang isang bagay, at ginawa niya ang bagay ring iyon araw-araw. Sa panahong iyon na wala pang mga industriya, sa kapanahunang iyon bago nagkaroon ng pagpaparating ng impormasyon, sa kapanahunang iyon kung saan lahat ay umasa sa dalawang kamay at pisikal na pagtatrabaho ng mga tao, ginawa ni Noe ang iisang bagay araw-araw. Sa loob ng 120 taon, hindi siya sumuko o tumigil. Isang daan at dalawampung taon: paano ito mabubuo sa ating isipan? May iba pa kaya sa sangkatauhan na mananatiling tapat sa paggawa ng isang bagay sa loob ng 120 taon? (Wala.) Hindi nakakagulat na walang sinumang maaaring manatiling tapat sa paggawa ng isang bagay sa loob ng 120 taon. Subalit may isang taong nagtiyaga, sa loob ng 120 taon, nang walang pagbabago, sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nang hindi kailanman nagrereklamo o sumusuko, hindi nagpapaapekto sa anumang nangyayari sa labas, at sa huli ay natapos ito ayon mismo sa sinabi ng Diyos. Anong uri ng bagay ito? Sa lipi ng tao, ito ay bihira, hindi karaniwan—kakaiba pa nga. Sa mahabang kasaysayan ng tao, sa lahat ng sumunod sa Diyos sa sangkatauhan, lubos itong walang katulad. Pagdating sa lawak at hirap ng kinailangang pag-iinhinyero, antas ng kinailangang lakas ng katawan at puwersa, at tagal ng paggawa nito, hindi ito madaling gawin, kaya nga, nang gawin ni Noe ang bagay na ito, naging natatangi ito sa sangkatauhan, at isa siyang uliran at huwaran sa lahat ng sumusunod sa Diyos. Iilang mensahe lang ang narinig ni Noe, at noong panahong iyon ay hindi nagpahayag ng maraming salita ang Diyos, kung kaya walang dudang maraming katotohanan ang hindi naunawaan ni Noe. Hindi niya naiintindihan ang makabagong siyensya o makabagong kaalaman. Isa siyang napakaordinaryong tao, isang hindi kapansin-pansing miyembro ng lipi ng tao. Subalit sa isang aspekto, hindi siya katulad ng sinupaman: Marunong siyang sumunod sa mga salita ng Diyos, marunong siyang tumalima at sumunod sa mga salita ng Diyos, alam niya kung ano ang wastong posisyon ng tao, at nagawa niyang tunay na maniwala at magpasakop sa mga salita ng Diyos—wala nang iba. Ang mga simpleng prinsipyong ito ay sapat na para tulutan si Noe na isakatuparan ang lahat ng ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at nagtiyaga siya rito hindi lamang sa loob ng ilang buwan, ni ilang taon, ni ilang dekada, kundi sa loob ng mahigit isang siglo. Hindi ba kagila-gilalas ang numerong ito? Sino ang ibang makagagawa nito maliban kay Noe? (Walang iba.) At bakit wala? Sinasabi ng ilang tao na ito ay dahil sa hindi pagkaunawa sa katotohanan—ngunit hindi iyan alinsunod sa katunayan. Ilang katotohanan ang naunawaan ni Noe? Bakit nakaya ni Noe ang lahat ng ito? Nabasa na ng mga mananampalataya ngayon ang marami sa mga salita ng Diyos, nauunawaan nila ang ilang katotohanan—kaya bakit hindi nila ito makayang gawin? Sinasabi ng iba na ito ay dahil sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao—ngunit wala bang tiwaling disposisyon si Noe? Bakit nagawa ito ni Noe, pero hindi ng mga tao ngayon? (Dahil ang mga tao sa kasalukuyan ay hindi naniniwala sa mga salita ng Diyos, hindi nila itinuturing ni sinusunod ang mga iyon bilang katotohanan.) At bakit hindi nila maituring na katotohanan ang mga salita ng Diyos? Bakit hindi nila kayang sumunod sa mga salita ng Diyos? (Wala silang isang may-takot-sa-Diyos na puso.) Kaya kapag walang pagkaunawa ang mga tao sa katotohanan, at hindi pa nila naririnig ang maraming katotohanan, paano lumilitaw sa kanila ang isang may-takot-sa-Diyos na puso? (Dapat magkaroon sila ng pagkatao at konsensiya.) Tama iyan. Sa pagkatao ng mga tao, kailangan ay mayroon ng dalawang pinakamahahalagang bagay sa lahat: Ang una ay konsensiya, at ang pangalawa ay ang katwiran ng normal na pagkatao. Ang pagkakaroon ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao ang pinakamababang pamantayan sa pagiging isang tao; ito ang pinakamababa at pinakapangunahing pamantayan sa pagsukat sa isang tao. Ngunit wala nito ang mga tao sa kasalukuyan, kaya nga gaano man karaming katotohanan ang naririnig at nauunawaan nila, hindi nila maarok ang pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kaya ano ang esensiyal na pagkakaiba ng mga tao sa kasalukuyan kay Noe? (Wala silang pagkatao.) At ano ang diwa ng kawalan ng pagkatao na ito? (Mga hayop at demonyo sila.) Hindi magandang pakinggan ang “mga hayop at demonyo,” pero naaayon ito sa mga katunayan; ang isang mas magalang na paraan ng pagsasabi niyon ay na wala silang pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao at katwiran ay hindi mga tao, masahol pa nga sila sa mga hayop. Kaya nakumpleto ni Noe ang atas ng Diyos ay dahil nang marinig ni Noe ang mga salita ng Diyos, nagawa niyang mahigpit na isapuso ang mga ito; para sa kanya, ang atas ng Diyos ay isang panghabambuhay na gawain, matibay ang kanyang pananalig, hindi nagbago ang kanyang kahandaan sa loob ng isang daang taon. Iyon ay dahil mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, isa siyang tunay na tao, at siya ay may ganap na katwiran na ipinagkatiwala ng Diyos ang pagbubuo ng arka sa kanya. Ang mga taong may pagkatao at katwiran na katulad ni Noe ay bihirang-bihira, napakahirap makatagpo ng gayong tao.

Isang bagay lamang talaga ang nagawa ni Noe. Napakasimple nito: Matapos marinig ang mga salita ng Diyos, isinagawa niya ang mga ito, at ginawa niya ang mga ito nang walang pagkokompromiso. Hindi siya kailanman nagkaroon ng mga pagdududa, ni hindi siya kailanman sumuko. Patuloy niyang ginawa ang anumang ipagawa ng Diyos, isinagawa at ipinatupad niya ito sa paraang sinabi sa kanya ng Diyos nang walang pakikipagkompromiso, nang hindi iniisip ang dahilan, o ang kanyang sariling kapakinabangan o kawalan. Naalala niya ang mga salita ng Diyos: “Wawasakin ng Diyos ang mundo. Kailangan mong bumuo kaagad ng isang arka, at kapag natapos na ito at dumating ang tubig-baha, sasakay kayong lahat sa arka, at ang lahat ng mga hindi sasakay sa arka ay mamamatay.” Hindi niya alam kung kailan mangyayari ang sinabi ng Diyos, pero alam niyang matutupad ang sinabi ng Diyos, na lahat ng salita ng Diyos ay totoo, wala ni isang salita ang huwad, at na sa kung kailan mangyayari ang mga ito, kung anong oras matutupad ang mga ito, nakasalalay iyon sa Diyos; alam niya na ang tanging tungkulin niya sa oras na iyon ay isapuso ang lahat ng sinabi ng Diyos, at pagkatapos ay huwag mag-aksaya ng oras sa pagsasagawa nito. Iyon ang nasa isipan ni Noe. Ito ang naisip niya, at ito ang kanyang ginawa, ang mga ito ang mga katunayan. Kaya, ano ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ninyo at ni Noe? (Kapag naririnig namin ang salita ng Diyos, hindi namin ito isinasagawa.) Pag-uugali ito, ano ang pangunahing pagkakaiba? (Kulang kami sa pagkatao.) Ito ay dahil taglay ni Noe ang dalawang pinakabatayang bagay na dapat taglayin ng tao—ang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Hindi ninyo taglay ang mga bagay na ito. Patas bang sabihin na si Noe ay matatawag na isang tao, at hindi kayo karapat-dapat na matawag na gayon? (Oo.) Bakit Ko sinasabi ito? Naroon ang mga katotohanan: Patungkol sa ginawa ni Noe, kalimutan ninyo ang kalahati, ni hindi ninyo kayang gawin kahit ang isang maliit na bahagi niyon. Nagawang magpatuloy ni Noe sa loob ng 120 taon. Hanggang ilang taon kayo makapagpapatuloy? 100? 50? 10? Lima? Dalawa? Kalahating taon? Sino sa inyo ang makapagpapatuloy sa loob ng kalahating taon? Ang paglabas at paghahanap ng kahoy na binanggit ng Diyos, pagpuputol nito, pagtatalop ng balat ng kahoy, pagpapatuyo ng kahoy, pagkatapos ay pagpuputol ng mga ito sa iba’t ibang hugis at sukat—patuloy ba ninyong magagawa iyan sa loob ng kalahating taon? Karamihan sa inyo ay umiiling—ni hindi ninyo kayang gawin iyon sa loob ng kalahating taon. Mga tatlong buwan kaya? Sinasabi ng ilang tao, “Palagay ko mahirap din ang tatlong buwan. Maliit ako at maselan. May mga lamok at iba pang mga insekto sa gubat, may mga langgam at pulgas din. Hindi ko matitiis kung makagat ako ng lahat ng iyon. Bukod pa riyan, ang pagpuputol ng kahoy araw-araw, ang paggawa niyong marumi at nakakapagod na gawain, nasa labas habang mainit ang araw at malakas ang hangin, wala pang dalawang araw ay sunog na ang balat ko. Hindi ganyan ang uri ng trabahong gusto kong gawin—mayroon bang mas madali na maaaring ipagawa sa akin?” Mapipili mo ba ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi mo ito magagawa sa loob ng tatlong buwan, mayroon ka bang tunay na pagpapasakop? Mayroon ka bang realidad ng pagsunod? (Wala.) Hindi ka tatagal nang tatlong buwan. Kaya, mayroon bang sinuman na makatatagal nang kalahating buwan? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako marunong kumilala ng kahoy na gofer o magputol ng mga puno. Ni hindi ko alam kung saan babagsak ang puno kapag pinutol ko ito—paano kung sa akin bumagsak ito? Maliban pa riyan, matapos putulin ang mga puno, isa o dalawang punong kahoy lamang ang kaya kong buhatin. Kapag higit pa roon, mababali na ang likod ko at mga balikat, hindi ba?” Ni hindi mo kayang gawin iyon sa loob ng kalahating buwan. Kaya, ano ang magagawa ninyo? Ano ang maisasagawa ninyo kapag hinilingan kayong sumunod sa mga salita ng Diyos, na magpasakop sa mga salita ng Diyos, isakatuparan ang Kanyang mga salita? Maliban sa paggamit ng mga computer at pag-uutos, ano pa ang kaya ninyong gawin? Kung panahon ito ni Noe, kayo kaya ang tatawagin ng Diyos? Siguradong hindi! Hindi kayo ang tatawagin ng Diyos; hindi kayo ang papaboran ng Diyos. Bakit? Dahil hindi ka isang taong nakapagpapasakop matapos na marinig ang mga salita ng Diyos. At kung ganyang uri ka ng tao, nararapat ka bang mabuhay? Kapag dumating ang baha, nararapat ka bang makaligtas? (Hindi.) Kung hindi, wawasakin ka. Anong uri ka ng tao, kung hindi mo maisakatuparan ang mga salita ng Diyos sa loob ng kahit kalahating buwan man lang? Talaga bang naniniwala ka sa Diyos? Kung hindi mo kayang isagawa ang mga salita ng Diyos matapos marinig ang mga ito, kung hindi ka makatagal nang kalahating buwan, hindi mo man lamang matagalan ang dalawang linggo ng paghihirap, ano ang epekto sa iyo ng kaunting katotohanang nauunawaan mo? Kung ni wala itong epekto para umayos ka, para sa iyo, puro ilang salita lamang ang katotohanan, at talagang walang silbi ito. Anong uri ka ng tao kung nauunawaan mo ang lahat ng katotohanang iyon, subalit kapag hinilingan kang isakatuparan ang mga salita ng Diyos at dumanas ng hirap sa loob ng 15 araw ay hindi mo ito matagalan? Sa mga mata ng Diyos, isa ka bang kalipikadong nilikha? (Hindi.) Kung isasaalang-alang ang pagdurusa at 120 taon ng pagtitiyaga ni Noe, higit pa sa maiksing distansya ang pagkakaiba ninyo—hindi maikukumpara. Ang dahilan kaya tinawag ng Diyos si Noe at ipinagkatiwala sa kanya ang lahat ng gusto Niyang ipagawa ay dahil, sa paningin ng Diyos, nagawa ni Noe na sumunod sa Kanyang mga salita, isa siyang taong maaaring pagkatiwalaan ng isang dakilang gawain, siya ay mapagkakatiwalaan, at siya ay isang taong maisasakatuparan ang gustong ipagawa ng Diyos; sa mga mata ng Diyos, ito ang isang tunay na tao. At kayo? Hindi ninyo maisasakatuparan ang anuman sa mga bagay na ito. Hindi mahirap isipin kung ano kayong lahat sa mga mata ng Diyos. Mga tao ba kayo? Akma ba kayong tawaging mga tao? Ang sagot ay malinaw: Hindi! Pinaikli Ko ang panahon hangga’t maaari, sa 15 araw, dalawang linggo lamang, at walang sinuman sa inyo ang nagsabi na kaya ninyong gawin ito. Ano ang ipinapakita nito? Na ang inyong pananalig, katapatan at pagpapasakop ay balewalang lahat. Ang pinaniniwalaan ninyong pananalig, katapatan at pagpapasakop ay walang kuwenta sa Akin! Ipinagyayabang ninyo na napakagaling ninyo, ngunit sa Aking pananaw ay napakalaki ng kulang sa inyo!

Ang isa sa mga bagay sa kuwento ni Noe na lubhang hindi kapani-paniwala, lubhang kahanga-hanga, lubhang karapat-dapat tularan, ay ang kanyang 120 taon ng pagtitiyaga, kanyang 120 taong pagpapasakop at katapatan. Kita ninyo, nagkamali ba ang Diyos sa pinili Niyang tao? (Hindi.) Ang Diyos ay ang Diyos na pinagmamasdan ang kaloob-looban ng tao. Sa gitna ng malawak na dagat ng mga tao, pinili Niya si Noe, tinawag Niya si Noe, at hindi nagkamali ang Diyos sa Kanyang pinili: Namuhay si Noe ayon sa Kanyang mga inaasahan, matagumpay niyang nakumpleto ang naipagkatiwala sa kanya ng Diyos. Ito ay patotoo. Ito ang gusto ng Diyos, ito ay patotoo! Ngunit sa inyo, mayroon bang pahiwatig o mungkahi tungkol dito? Wala. Malinaw, walang gayong patotoo sa inyo. Ang nalantad sa inyo, ang nakikita ng Diyos, ay ang tanda ng kahihiyan; wala ni isang bagay roon na kapag binanggit ay maaaring magpaluha sa mga tao. Tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ni Noe, lalo na ang matatag niyang paniniwala sa mga salita ng Diyos na walang pagdududa at pagbabago sa loob ng isang siglo, at pagtitiyaga niyang magawa ang arka na hindi nag-alinlangan sa loob ng isang siglo, at tungkol sa pananalig na ito at paghahangad niya, walang sinuman sa modernong panahon ang maihahambing kay Noe, walang makakapantay sa kanya. Gayumpaman, walang may pakialam sa katapatan at pagpapasakop ni Noe, walang naniniwala na may anuman dito na karapat-dapat pahalagahan at tularan ng mga tao. Sa halip, ano ang mas mahalaga sa mga tao ngayon? Ang pag-uulit ng mga islogan at pagsasabi ng mga doktrina. Tila nauunawaan nila ang maraming katotohanan, at na natamo na nila ang katotohanan—pero kumpara kay Noe, hindi pa nila natatamo ang isang daan, isang libong bahagi ng nagawa niya. Napakalaki ng kakulangan nila. Napakalaki ng pagkakaiba. Mula sa paggawa ni Noe ng arka, natuklasan ba ninyo kung anong uri ng mga tao ang minamahal ng Diyos? Anong uri ng kalidad, puso, at integridad ang makikita sa mga minamahal ng Diyos? Taglay ba ninyo ang lahat ng bagay na ito na ginawa ni Noe? Kung pakiramdam mo na mayroon kang pananalig at karakter ni Noe, kung gayon medyo maiintindihan kung magtatakda ka ng mga kondisyon sa Diyos, at subukang makipagkasundo sa Kanya. Kung pakiramdam mo ay wala talaga ang mga ito sa iyo, sasabihin Ko sa iyo ang katotohanan: Huwag mo nang bolahin ang sarili mo—wala kang kuwenta. Sa mga mata ng Diyos, mas masahol ka pa kaysa sa isang uod. At mayroon ka pa ring lakas ng loob na magtakda ng mga kondisyon at makipagkasundo sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Kung masahol pa ako sa uod, maglingkod na lang kaya ako bilang isang aso sa sambahayan ng Diyos?” Hindi, hindi ka angkop para dito. Bakit? Ni hindi mo mabantayang mabuti ang pinto ng sambahayan ng Diyos, kaya sa mga mata Ko, ni hindi ka pa nga kapantay ng isang asong-bantay. Masakit ba ang mga salitang ito para sa inyo? Hindi ba kaaya-aya na marinig ito? Hindi nito intensyon na saktan ang inyong pagpapahalaga sa sarili; ito ay isang pahayag na batay sa katunayan, isang pahayag na batay sa ebidensiya, at hindi ito mali ni katiting. Ganito kayo mismo kumilos, ang mismong nakikita sa inyo; ganito mismo ninyo tinatrato ang Diyos, at ganito rin ninyo tinatrato ang lahat ng ipinagkakatiwala sa inyo ng Diyos. Pawang totoo at galing sa puso ang lahat ng sinabi Ko. Dito na natin tatapusin ang pagtatalakay sa kuwento ni Noe.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.