Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao (Ikalawang Bahagi)

Paano mo mauunawaan ang kalikasan ng tao? Ang pinakamahalaga ay makilala ito mula sa perspektibo ng pananaw ng tao sa mundo, pananaw sa buhay, at mga pinahahalagahan. Yaong mga kampon ng diyablo ay nabubuhay na lahat para sa kanilang mga sarili. Ang pananaw nila sa buhay at mga salawikain ay kalimitang nagmumula sa mga kasabihan ni Satanas, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain,” at iba pang gayong mga maling pahayag. Lahat ng salitang ito na sinambit ng yaong mga diyablong hari, mga dakila, at mga pilosopo ay ang naging mismong buhay ng tao. Lalo na, karamihan sa mga salita ni Confucius, na ipinangangalandakan ng mga Tsino bilang isang “pantas,” ay naging buhay na ng tao. Mayroon ding mga bantog na kasabihan ng Budismo at Taoismo, at ang madalas sipiin na mga klasikong kasabihan ng iba’t ibang tanyag na tao. Lahat ng ito ay mga pagbubuod ng mga pilosopiya ni Satanas at kalikasan ni Satanas. Ang mga ito rin ang pinakamahusay na paglalarawan at paliwanag tungkol sa kalikasan ni Satanas. Ang mga lason na ito na naipasok sa puso ng tao ay nagmumulang lahat kay Satanas, at ni katiting sa mga ito ay walang nagmumula sa Diyos. Ang mga malademonyong salita na iyon ay diretsahan ding kumokontra sa salita ng Diyos. Napakalinaw na ang mga realidad ng lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos, at lahat ng negatibong bagay na lumalason sa tao ay nagmumula kay Satanas. Samakatuwid, makikilatis mo ang kalikasan ng isang tao at kung kanino siya kabilang sa pamamagitan ng pagtingin sa pananaw niya sa buhay at mga pinahahalagahan. Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay at kalikasan na ng tao. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at ito ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa pamumuhay na katulad din nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyunal na kultura ng bawat bayan para turuan, linlangin, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli, winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. Ang ilang tao ay naglingkod bilang mga opisyal ng gobyerno sa lipunan sa loob ng deka-dekada. Isipin na kunwari ay itinatanong mo sa kanila ang tanong na ito: “Naging napakahusay mo sa kapasidad na ito, anong mga bantog na kasabihan ang batayan mo sa buhay?” Maaaring sabihin nila, “Ang nag-iisang bagay na nauunawaan ko ay ito: ‘Hindi gagalawin ng mga opisyal ang mga sipsip sa kanila, at ang mga hindi nambobola ay walang mapapala.’” Ito ang satanikong pilosopiya na pinagbabatayan ng kanilang karera. Hindi ba kumakatawan ang mga salitang ito sa likas na pagkatao ng gayong mga tao? Naging kalikasan na niya ang walang-pakundangang paggamit ng anumang paraan para makakuha ng katungkulan, at ang pagiging opisyal at tagumpay sa karera ang kanyang mga layon. Marami pa ring satanikong lason sa buhay, pag-uugali at asal ng mga tao. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila sa pamumuhay, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay kay Satanas. Lahat ng opisyal na iyon, na may kapangyarihan, at yaong mga nagtatagumpay ay may sarili nilang mga landas at lihim sa tagumpay. Hindi ba lubos na kumakatawan ang mga lihim na iyon sa kanilang likas na pagkatao? Napakalaki ng mga nagawa nila sa mundo, at walang sinumang nakakakita nang malinaw sa mga pakana at intrigang nasa likod ng mga iyon. Nagpapakita ito na lubhang masama at makamandag ang kanilang likas na pagkatao. Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at masasabi na ang kalikasan ng tao ay tiwali, masama, lumalaban, at salungat sa Diyos, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. Ito ay naging ganap na kalikasan at diwa ni Satanas. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos. Madaling makikilala ng tao ang kanyang sarili kung masusuri ang kanyang kalikasan sa ganitong paraan.

Kapag may tunay na pagkaunawa ang mga tao sa disposisyon ng Diyos, kapag nakikita nila na totoo ang disposisyon ng Diyos, na ito ay talagang banal, at talagang matuwid, at kapag napupuri nila nang taos-puso ang kabanalan at pagiging matuwid ng Diyos, talagang makikilala nila ang Diyos, at makakamit na nila ang katotohanan. Kapag nakilala ng mga tao ang Diyos, saka lamang sila mamumuhay sa liwanag. Ang tuwirang epekto ng tunay na pagkakilala sa Diyos ay ang magawang tunay na mahalin at sundin ang Diyos. Sa mga taong tunay na nakakikilala sa Diyos, nakakaunawa sa katotohanan, at nakakamit ang katotohanan, may tunay na pagbabago sa kanilang pananaw sa mundo at pagtingin sa buhay, na susundan ng tunay na pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Kapag ang mga tao ay may mga tamang mithiin sa buhay, nagagawang hangarin ang katotohanan, at umaasal ayon sa katotohanan, kapag ganap silang nagpapasakop sa Diyos at nabubuhay ayon sa Kanyang mga salita, kapag panatag at natatanglawan ang pakiramdam nila hanggang sa kaibuturan ng kanilang puso, kapag walang kadiliman sa kanilang puso, at kapag nakakapamuhay sila nang lubos na malaya at hindi napipigilan sa presensya ng Diyos, saka lamang sila makapamumuhay ng tunay na buhay ng tao, at saka lamang sila magiging mga taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Bukod pa rito, ang lahat ng katotohanang naunawaan at nakamit mo ay mula sa mga salita ng Diyos at mula sa Diyos Mismo. Kapag nakamit mo ang pagsang-ayon ng Kataas-taasang Diyos—ang Panginoon ng paglikha, at sinabi Niyang isa kang kuwalipikadong nilalang na isinasabuhay ang isang wangis ng tao, saka lamang magiging pinakamakabuluhan ang iyong buhay. Ang masang-ayunan ng Diyos ay nangangahulugang natamo mo ang katotohanan, at na isa kang taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Sa mundo ngayon na pinaghaharian ni Satanas, at sa hindi bababa sa libu-libong taon ng kasaysayan, sino sa kalipunan ng buong sangkatauhan ang nagkamit ng tunay na buhay ng tao? Walang sinuman. Sapagkat labis na ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at namumuhay sila ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at lahat ng ginagawa nila ay antagonistiko sa Diyos, at ang kanilang bawat pagbigkas at teorya ay nagmumula sa pagtitiwali ni Satanas, at sa tahasang pagkasuklam sa mga salita ng Diyos, sila mismo ang uri ng mga tao na sumasalungat sa Diyos. Kung hindi nila tatanggapin ang pagliligtas ng Diyos, malulugmok sila sa kapahamakan at pagkawasak, na walang anumang positibong masasabi. Hinahangad nila ang katanyagan at pakinabang, sinisikap na maging isang dakila o kilalang tao, at umaasang “maipapasa ang kanilang mga pangalan sa mga susunod pang henerasyon,” at maging “sikat sa buong kasaysayan.” Walang katuturan ito, at lubos na walang basehan. Ang bawat dakila o tanyag na tao, sa katunayan, ay kauri ni Satanas, at matagal nang nailugmok sa ikalabing walong antas ng impiyerno para sa kaparusahan, hinding-hindi na muling isisilang. Kapag sinasamba ng tiwaling sangkatauhan ang mga taong ito, at tinatanggap ang kanilang mga mala-diyablong salita at kanilang mga maling paniniwala, nagiging biktima ng diyablong si Satanas ang tiwaling sangkatauhan. Dapat sambahin ng mga nilikha ang Lumikha. Inorden ito ng Langit at kinilala ng lupa, sapagkat ang Diyos lamang ang katotohanan. Kinokontrol ng Diyos ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at pinaghaharian Niya ang lahat. Ang hindi pagsampalataya sa Diyos at hindi pagpapasakop sa Diyos ay hindi pagkakamit ng katotohanan. Kung namumuhay ka nang naaayon sa mga salita ng Diyos, sa kaibuturan ng iyong puso, makararamdam ka ng kaliwanagan at kaginhawahan, at magtatamasa ka rin ng walang-katulad na tamis. Kapag nangyari iyon, nagawa mo nang makamit ang buhay. Kahit gaano pa kadakila ang mga naabot ng mga siyentipiko sa buong mundo, sa sandaling malapit na silang mamatay, mararamdaman nila na wala silang anumang pinanghahawakan at wala silang anumang nakamit. Kahit pa sina Einstein at Newton, itong mga dakilang intelektuwal, ay nakaramdam ng kahungkagan. Ito ay dahil wala silang katotohanan, at dahil wala silang tunay na pagkaunawa sa Diyos. Bagamat naniwala sila sa Diyos, naniwala lamang sila sa Kanyang pag-iral, pero hindi nila hinangad ang katotohanan. Nais lamang nilang umasa sa agham at pananaliksik para matuklasan at mapatunayan na mayroong Diyos. Bilang resulta, nagsagawa ang bawat isa sa kanila ng panghabambuhay na pananaliksik nang wala man lang anumang nakakamit, at bagamat naniwala sila sa Diyos sa buong buhay nila, hindi nila kailanman nakamit ang katotohanan. Siyentipikong kaalaman lamang ang kanilang hinangad, pero hindi nila hinangad na makilala ang Diyos. Hindi nila nakamit ang katotohanan, ni hindi nila natamo ang tunay na buhay. Ang landas na tinatahak ninyo ngayong araw ay hindi ang landas na tinahak nila. Ang hinahanap mo ay ang makilala ang Diyos, kung paano magpasakop sa Kanya, kung paano Siya sambahin, at kung paano isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Ganap na naiiba ang lahat ng ito sa kung ano ang hinangad nila. Bagama’t sila ay mga taong naniwala sa Diyos, hindi nila nakamit ang katotohanan. Ngayon, nasabi na sa inyo ng Diyos na nagkatawang-tao ang bawat aspeto ng katotohanan at ipinagkaloob na Niya sa inyo ang daan ng katotohanan at ng buhay. Magiging isang kahangalan para sa inyo na hindi hangarin ang katotohanan.

Ngayon, hindi sapat ang inyong pagkaunawa sa katotohanan. Nakakapagsalita lamang kayo ng walang kabuluhang teorya. Nakakaramdam pa rin kayo ng kakulangan sa sarili at kawalang-kasiguruhan sa anumang gawaing inaako ninyo. Ipinapakita nito na masyadong naging mababaw ang inyong pagpasok sa buhay, at na hindi pa ninyo nakakamit ang katotohanan. Kapag tunay kang nakakaunawa sa katotohanan at nakakapasok sa realidad ng salita ng Diyos, magkakaroon ka ng enerhiya, isang hindi nauubos na enerhiya na pupuno sa katawan mo. Sa oras na iyon, magiging mas masigla ang loob mo, at magiging mas maliwanag ang landas habang mas tinatahak mo ito. Sa mga panahong ito, karamihan sa mga tao na naniniwala sa Diyos ay hindi pa nakatahak sa tamang landas at hindi pa nauunawaan ang katotohanan, kaya nararamdaman pa rin nilang hungkag ang kalooban, na ang mabuhay ay pagdurusa, at na wala silang enerhiya upang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ganito ang mga nananalig sa Diyos bago sila magkaroon ng pananaw sa kanilang puso. Hindi pa nakakamtan ng mga tao ang katotohanan at hindi pa nakikilala ang Diyos, kaya hindi pa sila nakadarama ng malaking kagalakan. Kayo, lalo na, ay nagdanas na lahat ng pag-uusig at paghihirap sa pag-uwi. Kapag nagdurusa kayo, naiisip din ninyong mamatay na at ayaw na ninyong mabuhay. Mga kahinaan ito ng laman. Iniisip pa ng ilang tao, “Ang pananampalataya sa Diyos ay dapat maging kasiya-siya. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ipinagkaloob ng Banal na Espiritu ang kapayapaan at kagalakan sa mga tao. Ngayon, napakakaunti na ng kapayapaan at kagalakan, at hindi na umiiral ang kasiyahang gaya noong sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang pananalig sa Diyos sa kasalukuyan ay lubhang nakayayamot.” Ang alam mo lang ay na mas mabuti pa kaysa sa anupaman ang kasiyahan ng laman. Hindi mo alam kung ano ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon. Kailangang tulutan ng Diyos na magdusa ang iyong katawan para magbago ang iyong disposisyon. Kahit nagdurusa ang inyong katawan, nasa inyo ang salita at pagpapala ng Diyos. Hindi ka maaaring mamatay kahit gusto mo. Papayag ka bang hindi makilala ang Diyos at hindi matamo ang katotohanan? Ngayon, kadalasan, hindi pa lang talaga nakakamtan ng mga tao ang katotohanan, at hindi nila taglay ang buhay. Sila ay nasa gitna ng paghahanap sa kaligtasan, kaya kailangang magdusa sila nang kaunti sa prosesong ito. Sa kasalukuyan, bawat tao sa mundo ay sumasailalim sa mga pagsubok, maging ang Diyos ay nagdurusa, kaya naaangkop ba na hindi ka magdusa? Kung walang pagpipino sa pamamagitan ng malalaking sakuna, hindi magkakaroon ng tunay na pananampalataya, at hindi matatamo ang katotohanan at buhay. Ang hindi pagkakaroon ng mga pagsubok at pagpipino ay hindi maaari. Tingnan na lang ninyo si Pedro—sa huli ay sumailalim siya sa pitong taong pagsubok (matapos niyang maging limampu’t tatlong taong gulang). Nakaranas siya ng daan-daang pagsubok sa loob ng pitong taong iyon. Kinailangan niyang dumaan sa isa sa mga pagsubok na ito kada ilang araw, at pagkatapos lamang dumaan sa lahat ng uri ng pagsubok niya natamo ang buhay at nakaranas ng pagbabago sa kanyang disposisyon. Kapag tunay mong natamo ang katotohanan at nakilala ang Diyos, mararamdaman mong dapat kang mamuhay para sa Diyos. Kung hindi ka mamumuhay para sa Diyos, magsisisi ka; mamumuhay ka sa mapait na panghihinayang at matinding pagsisisi sa mga natitirang araw ng buhay mo. Hindi ka pa maaaring mamatay. Itikom mo ang iyong mga kamao at matatag kang magpatuloy na mabuhay. Dapat kang mamuhay para sa Diyos. Kapag ang mga tao ay may katotohanan sa kanilang loob, nagkakaroon sila ng ganitong paninindigan at hindi na kailanman nagnanais na mamatay. Kapag pinagbabantaan ka ng kamatayan, sasabihin mo, “O Diyos, hindi ko gustong mamatay. Hindi pa rin Kita kilala. Hindi ko pa nasusuklian ang Iyong pag-ibig. Hindi ako pwedeng mamatay hangga’t hindi pa Kita nakikilala nang mabuti.” Nasa ganitong punto na ba kayo ngayon? Wala pa, hindi ba? Ang ilang tao ay nahaharap sa pasakit ng pamilya, ang ilan ay nahaharap sa pasakit ng pag-aasawa, at ang ilan ay nagdurusa sa pang-uusig, ni wala man lang matitirhan. Saan man sila magpunta, tahanan iyon ng iba, at nakararamdam sila ng kirot sa puso nila. Hindi ba’t ang pasakit na nararanasan ninyo ngayon ay ang pasakit na naranasan ng Diyos? Nagdurusa kayo kasama ng Diyos, at sinasamahan ng Diyos ang mga tao sa pagdurusa. Kayong lahat ay may parte sa kapighatian, kaharian, at pagtitiis ni Cristo ngayon, at magkakamit kayo ng kaluwalhatian sa huli! Makabuluhan ang paghihirap na ito. Hindi ba’t ganoon naman ito? Hindi maaaring wala ka ng kaloobang ito. Kailangan mong maunawaan ang kabuluhan ng pagdurusa ngayon at kung bakit labis kang nagdurusa. Kailangan mong hanapin ang katotohanan at maunawaan ang kalooban ng Diyos, at pagkatapos ay magkakaroon ka ng kaloobang magdusa. Kung hindi mo nauunawaan ang kalooban ng Diyos, at iniisip mo lang ang tungkol sa pagdurusa, kung gayon ay habang mas iniisip mo ito, mas nagiging hindi ito komportable at mas lalo kang nalulumbay, na para bang magwawakas na ang landas ng iyong buhay. Magsisimula kang magdusa sa pagpapahirap ng kamatayan. Kung ibubuhos mo ang puso at lahat ng pagsisikap mo sa katotohanan, at mauunawaan mo ang katotohanan, sisigla ang puso mo, at makararanas ka ng kasiyahan. Makakahanap ka ng kapayapaan at kagalakan sa loob ng puso mo, at kapag sumapit ang karamdaman o naaninag na ang kamatayan, sasabihin mo na, “Hindi ko pa nakamit ang katotohanan, kaya hindi ako maaaring mamatay. Kailangan kong gumugol nang mabuti para sa Diyos, magpatotoo nang mabuti sa Diyos, at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Hindi mahalaga kung paano ako mamamatay sa huli, dahil makapamumuhay ako ng kasiya-siyang buhay. Kahit anong mangyari, hindi pa ako pwedeng mamatay. Kailangan kong magpatuloy at mabuhay.” Kailangang malinaw sa iyo ang bagay na ito, at kailangan mong maunawaan ang katotohanan sa mga bagay na ito. Kapag nasa mga tao ang katotohanan, mayroon silang lakas. Kapag nasa kanila ang katotohanan, nagtataglay sila ng hindi nauubos na enerhiya na pumupuno sa kanilang katawan. Kapag nasa kanila ang katotohanan, mayroon silang determinasyon. Kung wala ang katotohanan, ang mga tao ay kasinglambot ng mga bulok na gulay; kapag taglay nila ang katotohanan, nagiging kasingtigas sila ng bakal. Gaano man kapait ang mga bagay-bagay, hindi sila makararamdam ng kapaitan. Ano sa palagay ninyo ang halaga ng inyong kaunting paghihirap? Nagdurusa pa rin ang Diyos na nagkatawang-tao! Kayo ay mga taong ginawang tiwali ni Satanas at na may kalikasang naghihimagsik laban sa Diyos. Nang hindi namamalayan, nakagawa kayo ng maraming bagay na nagrebelde laban sa Diyos at tumutol sa Kanya, at karapat-dapat kayong hatulan at kastiguhin. Kung paanong dapat pagalingin ang mga taong may sakit, tama bang matakot silang magdusa? Mayroon kayong mga tiwaling disposisyon, kaya sa tingin ba ninyo ay mababago ninyo ang inyong disposisyon at makakamit ang buhay nang walang anumang pasakit? Ang inyong tiwaling disposisyon ang nagsasanhi ng inyong paghihirap. Ito ay nararapat at kailangang tiisin. Hindi ito walang kamalian o ipinataw ng Diyos. Ang pagdurusang tinitiis ninyo sa kasalukuyan ay higit pa sa pagpapakaabala at pagsusumikap sa inyong tungkulin. Minsan, nakikita ninyo na hindi man lang nagbago ang inyong tiwaling disposisyon, at kaya sumailalim kayo sa ilang pagpipino. Minsan, hindi ninyo nauunawaan ang salita ng Diyos o na masakit basahin ang mga salita, kaya’t medyo nagdurusa kayo sa pagpipino ng salita ng Diyos. O, marahil, hindi ninyo ginagawa nang maayos ang inyong aktuwal na gawain at patuloy kayong nagkakamali sa inyong tungkulin, nakokonsiyensiya kayo at namumuhi sa sarili dahil sa hindi ninyo nagagawa ang inyong trabaho, at nagdudulot ito sa inyo ng kaunting pagdurusa. Marahil ay nakikita ninyong umuusad ang iba at nararamdaman ninyong napakabagal ng sarili ninyong pag-usad, na masyado kayong matagal sa pag-unawa sa salita ng Diyos, na napakaliit ng liwanag, at nagdudulot sa inyo ng kaunting pagdurusa ang mga bagay na ito. Minsan, natatakot kayo sa inyong masamang kapaligiran dahil sa mga pang-aaresto at pang-uusig ng malaking pulang dragon, kaya palagi kayong natatakot, hindi mapakali, at namumuhay sa pangamba, at nagdudulot ito sa inyo ng kaunting pagdurusa. Bukod sa paghihirap na ito, ano pa ang paghihirap na naranasan ninyo? Hindi kayo gumagawa ng mabigat na pisikal na trabaho, wala kayong mga nakatataas o mga amo na nambubugbog at nagagalit sa inyo, at walang tumatrato sa inyo bilang mga alipin. Hindi kayo nagdurusa ng gayong mga paghihirap. Sa katunayan, ang mga paghihirap na ito na tinitiis ninyo ay hindi talaga paghihirap. Pag-isipan ninyo ito. Hindi ba’t ganoon ang lagay? Dapat ninyong maunawaan kung ano ang kahalagahan ng pagtalikod sa inyong pamilya upang gumugol para sa Diyos, at kung bakit ninyo ginagawa ito. Kung ginagawa ninyo ito upang hangarin ang katotohanan at buhay, at kasabay niyon ay upang tuparin ang inyong tungkulin at suklian ang pagmamahal ng Diyos, ganap itong makatarungan. Isa itong positibong bagay, ito ay inorden ng Langit at kinilala ng lupa, at hinding-hindi ninyo ito pagsisisihan. Ano man ang mangyari sa inyong pamilya, maaari ninyo itong bitiwan. Kung malinaw mong nauunawaan ang kahalagahang ito, hindi ka magsisisi, at hindi ka magiging negatibo. Kung hindi mo totoong ginugugol ang iyong sarili para sa Diyos, at gumagawa ka lamang para magtamo ng mga pagpapala, wala itong kabuluhan. Sa sandaling naunawaan mo ang bagay na ito, nalutas na ang problema, at hindi mo na kailangang mag-alala tungkol sa pamilya mo. Ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Sa ngayon, nakaranas kayong lahat ng ilang pagsubok. Ang ilang tao ay nagkamit ng ilang katotohanan, subalit ang ilang tao ay naunawaan lamang ang ilang doktrina pero hindi sila nagkamit ng anumang katotohanan. Ang ilan ay may mahusay na kakayahan at kaya mayroon silang malalim na pang-unawa, at ang ilan na may mahinang kakayahan ay medyo mababaw ang pang-unawa. Malalim o mababaw man ang pang-unawa mo, hangga’t nauunawaan mo ang ilang katotohanan at nagagawa mong manindigan sa iyong patotoo kapag nagdurusa ka sa isang pagsubok, kung gayon, mayroong kabuluhan at halaga ang pagdurusa mo. Kung hindi mo kayang tanggapin ang mga bagay-bagay mula sa Diyos, at palagi mong hinaharap ang mga bagay-bagay nang may mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, gaano ka man magdusa, hinding-hindi ka magkakaroon ng tunay na patotoo sa karanasan. Walang halaga ang pagdurusa mo, dahil hindi mo nakamit ang katotohanan.

Dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay, at dapat mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Halimbawa, paano mo hinahanap ang katotohanan sa mga bagay katulad ng pagkain, damit, at mga personal na usapin sa buhay? May mga katotohanan bang hahanapin sa mga bagay na ito? Sinasabi ng ilang tao na, “Nananalig ka man sa Diyos o hindi, ang kaligayahan ay ang makakain at makapagdamit nang maayos. Kung wala iyon, lahat ay miserable.” Naaayon ba iyon sa katotohanan? Maraming tao ang namumuhay nang masagana, may masarap na pagkain at magandang pananamit, na sakim sa kasiyahan ng laman. Hindi sila madaling tumatanggap sa katotohanan o isinasagawa ito, lalong hindi binibitiwan ang lahat para igugol ang kanilang sarili para sa Diyos. Ang gayong uri ng tao ay hindi magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos, at sa huli, masasadlak silang lahat sa mga sakuna, umiiyak at nagngangalit ang kanilang mga ngipin. Maaari bang magkaroon ng anumang kaligayahan ang gayong uri ng tao? Maraming tao ang ipinanganak sa mga pamilya ng mga manggagawa o magsasaka at nagdusa nang husto mula pagkabata. Kung nauunawaan nila ang katotohanan, malamang na tatanggapin nila ito at isasagawa, at magagawa nilang magsakripisyo at gumugol ng kanilang sarili para sa Diyos, nang walang takot sa pagdurusa. Nagagawa nilang ganap na ilaan ang kanilang sarili sa atas ng Diyos, at ang ilan ay umaabot pa nga sa puntong ibinibigay nila ang kanilang buhay para sa Diyos. Ang gayong tao ay pinahahalagahan sa sambahayan ng Diyos. Maraming tao ang nakatuon sa kasiyahan ng laman. Sasabihin ba ninyo na ang pagkakaroon ng masarap na pagkain at magandang pananamit ay talagang mahalaga? Hinding-hindi. Kung tunay na nagawa ng isang tao na makilala ang Diyos at makamit ang katotohanan, sa lahat ng bagay na gagawin ng taong iyon, magpapatotoo siya sa Diyos at bibigyang-lugod ang Diyos. Kahit gaano pa hindi makakain o makapanamit nang maayos ang ganoong tao, may halaga pa rin sa kanyang buhay, at maaari niyang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi ba’t ito ang pinakamakabuluhang bagay? Ang pagkain nang maayos o pagsusuot ng magagandang damit ay hindi garantiya na pagpapalain ka. Masusumpa ka pa rin kung susuwayin mo ang Diyos o tatahakin mo ang maling landas, samantalang ang taong nagsusuot ng nanlilimahid na damit at hindi nakakakain nang maayos ngunit nakamit naman ang katotohanan ay pagpapalain ng Diyos nang ganoon din naman. Samakatuwid, may katotohanan sa paghanap ng kung paano mo dapat tingnan ang mga bagay ukol sa pagkain at pananamit, at lalong may katotohanan sa paghanap ng kung paano mo dapat itrato ang paggampan sa iyong tungkulin. Lubhang mahalaga kung paano mo itinuturing ang mga atas ng Diyos, at isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang kumpletuhin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensya at dapat kang parusahan. Ito ay inorden ng Langit at kinilala ng lupa na dapat kumpletuhin ng mga tao ang anumang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung hindi mo sineseryoso ang mga atas ng Diyos, nagtataksil ka sa Kanya sa pinakamalalang paraan. Sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Judas, at dapat na sumpain. Dapat matamo ng mga tao ang lubos na pagkaunawa sa kung paano tatratuhin ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila at, kahit papaano, dapat maunawaan nilang ang mga tagubiling ipinagkakatiwala Niya sa sangkatauhan ay mga pagpupuri at natatanging pabor mula sa Diyos, at na ang mga ito ay mga pinakamaluwalhating bagay. Ang iba pang mga bagay ay maaari nang talikdan. Kahit na kailangang isakripisyo ng isang tao ang kanyang sariling buhay, dapat pa rin niyang tuparin ang tagubilin ng Diyos. Nakikita ba ninyo, hindi ba’t mayroong katotohanan na dapat hanapin dito? Ang pagtatamo ng pagbabago sa iyong disposisyon ay nakatali sa paghahanap sa katotohanan! Kung nauunawaan mo ang katotohanan kung bakit nabubuhay ang mga tao, at kung paano dapat tingnan ang buhay, hindi ba magbabago ang iyong pananaw sa buhay? Mayroong higit pang katotohanan na hahanapin dito. Anong katotohanan ang mahahanap sa pagmamahal sa Diyos? Bakit dapat Siyang mahalin ng mga tao? Ano ang kahalagahan ng pagmamahal sa Kanya? Kung may malinaw na pagkaunawa ang isang tao sa katotohanan ng pagmamahal sa Diyos, magagawa niyang mahalin ang Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso at magkaroon ng kaunting pagmamahal sa Diyos, mayroon siyang tunay na buhay at kabilang sa mga lubos na pinagpala. Ang mga naghahanap sa katotohanan sa lahat ng bagay ang siyang mga pinakamabilis umusad sa buhay, at nagagawa nilang makamit ang pagbabago ng disposisyon. Ang mga taong iyon mismo na naghahanap ng katotohanan sa lahat ng bagay ang siyang iniibig ng Diyos. Kung nakasalalay ang isang tao sa mga kuru-kuro at doktrina o sumusunod sa mga alituntunin sa lahat ng bagay, hindi siya aasenso. Hindi niya kailanman matatamo ang katotohanan, at sa malao’t madali, aalisin siya. Pinakakinasusuklaman ng Diyos ang ganitong uri ng tao.

Tagsibol, 1999

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.