Unang Ekskorsus: Kung Ano ang Katotohanan (Ikaapat na Seksiyon)

Sa pagitan ng paghihirap at kahihiyan, alin ang positibo? May pagkakaiba ba sa pagitan ng dalawa? (Oo, mayroon.) Ang paghihirap ay positibo. Kung kusang-loob mong tatanggapin ang paghatol, pagkastigo, pagpupungos, at kusang-loob na pagdurusahan itong paghihirap na ito, ang interpretasyon mo ng paghihirap ay magiging, “Dapat kong pagdusahan ang paghihirap na ito. Anuman ang ginagawa ng Diyos, kahit na hindi ko ito nauunawaan at mahirap ito para sa puso ko na tanggapin, at negatibo at mahina ako, lahat ng ginagawa Niya ay tama. Mayroon akong tiwaling disposisyon at hindi ako dapat mangatwiran sa Diyos. Gaano man kahirap ito para sa puso ko na tanggapin, idinulot ito ng mga sariling pagkakamali ko. Hindi mali ang Diyos; tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Karapat-dapat akong magdusa ng paghihirap. Sino ang nagdulot sa aking magkaroon ng tiwaling disposisyon? Sino ang nagdulot sa aking lumaban sa Diyos? Sino ang nagdulot sa aking gumawa ng kasamaan? Hindi ang Diyos ang nagkaloob sa akin ng mga bagay na iyon; inuudyukan ang mga iyon ng sarili kong kalikasan. Dapat kong pagdusahan ang paghihirap na ito.” Kung gayon ay positibong bagay ba para sa mga tao na pagdusahan ang paghihirap na ito? (Oo.) Kung nauunawaan ito ng mga tao sa isang positibong paraan at nauunawaan ito mula sa Diyos, positibo ang paghihirap na ito. Gayumpaman, ipagpalagay na sinasabi nilang, “Kaya kong magpasakop, subalit kahit nagpapasakop ako, kailangan ko pa ring malinaw na ipaliwanag ang pangangatwiran ko, at dapat kong malinaw na ibahagi kung ano ang iniisip ko at kung ano ang ginagawa ko. Hindi ako maaaring basta na lang magpapasakop sa gayong duwag at magulong paraan. Kung hindi, mamamatay ako sa pagkikimkim ng mga bagay-bagay sa loob.” Palagi nilang gustong ipaliwanag ang mga bagay-bagay nang malinaw at tahasan, ipaliwanag ang mga detalye ng mga bagay-bagay nang malinaw, magsalita tungkol sa kanilang pangangatwiran, magsalita tungkol sa kung ano ang iniisip nila, magsalita tungkol sa kung paano sila nagbabayad ng halaga, at magsalita tungkol sa kung gaano sila ka-tama. Ayaw nilang maging tao na nagpapasakop sa Diyos—para maiwasang bigyang-katwiran ang sarili nila, ipagtanggol ang sarili nila, o magsalita tungkol sa sarili nilang pangangatwiran. Ayaw nilang kumilos nang ganoon. Sa kasong iyon, ano ang trato nila sa pagpapasakop? Tinatrato nila ito bilang pagtitiis ng kawalang-dignidad. Ano ang iniisip nila sa loob? “Kailangan kong tiisin ang lahat ng kawalang-dignidad na ito para sang-ayunan ako ng Diyos at masabing nagpasakop na ako.” Talaga bang umiiral ang kahihiyang ito? Kung hindi talaga ito umiiral, bakit ipinaliliwanag pa rin nila ang mga bagay-bagay nang malinaw at tahasan para iwaksi itong “kahihiyan”? Hindi ito tunay na pagpapasakop. Kahit na ang layunin sa paggawa mo ng mga bagay-bagay ay tama, gusto ng Diyos na pamatnugutan ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan. Hindi mo kailangang ipagtanggol ang iyong sarili; hindi mo kailangang mangatwiran. Mas mahusay bang ginawa ni Job ang mga bagay-bagay kaysa sa iyo o hindi? (Mas mahusay niyang ginawa ang mga bagay-bagay.) Nang sinubok si Job, kung nangatwiran siya at ipinagtanggol niya ang kanyang sarili, makikinig kaya ang Diyos? Hindi, hindi Siya makikinig. Ito ay isang katunayan. Alam ba ni Job na hindi nakikinig ang Diyos sa mga pagtatanggol ng mga tao? Hindi alam ni Job, subalit hindi niya ipinagtanggol ang sarili niya. Ito ang tayog na mayroon siya; tunay siyang nagpasakop. Anong masamang bagay ang ginawa ni Job na dapat siyang tratuhin ng Diyos nang ganoon? Wala siyang ginawang anumang masama. Sinabi ng Diyos na may takot sa Kanya si Job at umiwas ito sa kasamaan, at na isang perpektong tao ito. Sa pagsasalita sa konteksto ng “kahihiyan,” hindi dapat pinagdusa ng Diyos si Job ng mga kawalang-dignidad na iyon, at hindi Niya dapat ito ibinigay kay Satanas at hinayaan si Satanas na tuksuhin ito at alisan ito ng lahat ng ari-arian nito. Kung titingnan ito pagdating sa lohika ng mga tao na hindi nagpapasakop, nagdusa si Job ng paghihirap at nagdusa siya ng malaking kawalang-dignidad, at nang natanggap niya ang mga pagsubok na iyon nagtitiis siya ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin para magkamit ng mas malalaking pagpapala mula sa Diyos pagkatapos ng pangyayari. Tama ba ito sa katunayan? (Hindi.) Ganito ba nag-isip at nagsagawa si Job? (Hindi.) Paano siya nagsagawa? Paano niya hinarap ang mga pagsubok na ito? Hindi niya kinailangang magtiis, ni hindi niya inisip na nagdurusa siya ng kawalang-dignidad. Ano ang inisip niya? (Ang Diyos ang nagbigay at Siya ang nag-alis.) Tama iyon. Nagmula sa Diyos ang mga tao. Pinagkalooban ka ng Diyos ng buhay at pinagkalooban ka Niya ng hininga. Ganap kang nagmula sa Diyos, kaya hindi ba’t ang lahat ng bagay na natamo mo ay mga bagay na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo? Ano ang maipagyayabang mo? Ang lahat ay ipinagkaloob ng Diyos, kaya kung gusto ng Diyos na bawiin ito, ano ang pangangatwiranan mo? Kapag nagkakaloob Siya ng isang bagay sa iyo, masaya ka, kapag hindi siya nagkakaloob ng isang bagay sa iyo, hindi ka masaya, nagrereklamo ka tungkol sa Diyos, nanghihingi nito mula sa Diyos, at nakikipaglaban ka sa Diyos. Kung magkakaloob man ang Diyos ng isang bagay sa iyo ay nasasa-Diyos; walang anumang bagay na mapangangatwiranan ang mga tao. Ganito ba kumilos si Job? (Oo.) Ganito kumilos si Job. May pakiramdam ba ng kawalang-katarungan sa puso niya? (Wala.) Wala, wala niyon. Kung titingnan ito sa panlabas, may sapat na dahilan si Job para magpahayag laban sa kawalang-katarungan, gumawa ng mga rasyonalisasyon, ipagtanggol ang sarili niya, lumaban sa Diyos, at ipaliwanag ang lahat sa Diyos nang malinaw at tahasan. Siya ang pinakakarapat-dapat na gumawa ng mga bagay na ito, subalit ginawa niya ba ito? Hindi, hindi niya ginawa. Wala siyang sinabing anuman, gumawa lang siya ng ilang bagay: Nang magkagayo’y bumangon siya, inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba. Anong uri ng tao ang nakita ng mga tao sa kanya dahil sa serye ng mga pagkilos na ito? Isang tao na may takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at isang perpektong tao. Ano ang depinisyon ng isang perpektong tao? Isang tao na hindi nanghuhusga sa kung ano ang ginagawa ng Diyos, na sa halip ay pumupuri at nagpapasakop dito, at gaano man kalaking paghihirap ang pinagdurusahan niya ay hindi nagsasabi ng, “Nagdusa ako ng kawalang-katarungan. Ito ay kawalang-dignidad.” Gaano man kalaki ang paghihirap na pinagdurusahan niya, hindi siya kailanman nagpapakita ng ganitong uri ng salita, o nagsasabi ng ganitong uri ng salita. Ano ang tawag dito? Tinatawag ito ng mga walang pananampalataya na “pagtalikod sa sarili.” Nasaan ang lohika rito? Ganito ba ito? (Hindi.) Ang “pagtalikod sa sarili” ay isang sakit sa isipan at isang kalokohan. Gaano man kalaking usapin ang nakatagpo ni Job, o gaano man kasakit, hindi siya kailanman nangatwiran sa Diyos o lumaban sa Kanya; nagpasakop lang siya. Ano ang una niyang dahilan sa pagpapasakop? Pagkatakot sa Diyos. Ang abilidad niya na magpasakop sa Diyos ay nagmula sa pagkaunawa niya sa Diyos. Nanampalataya siyang nagmumula sa Diyos ang lahat, at na tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos.

May ilang lider at superbisor ng grupo na napapalitan na walang tigil na umiiyak, nagwawala sa galit, at nagiging emosyonal. Iniisip nilang nagdusa sila ng kawalang-katarungan, nagrereklamo na ang Diyos ay hindi matuwid, at iniisip na dapat ay makaramdam ng pagsisisi ang mga kapatid dahil sa paglalantad at pag-uulat sa kanila, sinasabing, “Kayong mga tao ay walang konsensiya. Napakabuti ko sa inyo, at ganito ninyo ako sinusuklian! Hindi matuwid ang Diyos. Nagdusa ako ng gayong kalaking kawalang-katarungan, subalit hindi ako pinrotektahan ng Diyos; tinanggal na lang nila ako nang malupit. Mababa ang tingin ninyong lahat sa akin, at mababa rin ang tingin sa akin ng Diyos!” Iniisip nilang masyadong hindi naging makatarungan ang pagtrato sa kanila at nagwawala sila sa galit. Sabihin mo sa Akin, makapagpapasakop ba ang ganitong tao? Sa nakikita Ko, hindi ito madali. Kaya, hindi ba’t katapusan ito para sa kanila? Para saan ka nagwawala sa galit? Kung matatanggap mo ito, kung gayon ay tanggapin mo ito. Kung hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan, at hindi mo kayang magpasakop sa katotohanan, kung gayon ay lumayas ka sa sambahayan ng Diyos! Huwag kang manampalataya sa Diyos—walang pumipilit sa iyo. Anong kawalang-katarungan ang nangyari sa iyo? Para saan ka nagwawala sa galit? Ito ay sambahayan ng Diyos. Kung kaya mo, magwala ka sa galit sa lipunan, at hanapin ang mga Satanas at ang mga haring diyablo para pagbuntunan mo ng galit. Huwag kang magwala sa galit sa sambahayan ng Diyos. Anong malaking bagay kung tinanggal ka bilang lider ng grupo? Makapamumuhay ka pa rin kung hindi ka isang lider ng grupo, hindi ba? Hindi ka mananampalataya sa Diyos kung hindi ka lider ng grupo? Nagdusa si Job ng napakalaking paghihirap subalit ano ang sinabi niya? Hindi siya nagsabi ng isang salita ng pagrereklamo, at pinuri pa nga ang Diyos, sinasabing, “Purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Pinuri ba niya ang pangalan ni Jehovah dahil nakatanggap siya ng masaganang gantimpala at mga kapakinabangan? Hindi. Ganoon lang ang pagkaunawa niya, at ganoon siya nagsagawa. Hindi ba’t may kinalaman din ito sa karakter ng isang tao? (Oo.) May ilang tao na may mababang integridad, at kapag bahagya silang nagawan ng pagkakamali, iniisip nilang masyadong hindi makatarungan ang naging pagtrato sa kanila, at na ang lahat ng tao ay dapat makonsensiya tungkol dito at humingi ng tawad sa kanila. Masyadong mapanggulo ang mga taong ito! Paano mo ipaliliwanag ang salitang “kawalang-dignidad”? Ang pagdurusa ng kawalang-dignidad ay isang karaniwang pangyayari para sa mga walang pananampalataya, subalit sa sambahayan ng Diyos may ibang paraan ng pagsasabi nito: Ang pagdurusa ng paghihirap at kawalang-dignidad para makamit ang katotohanan ay paghihirap na dapat pagdusahan ng mga tao. Sila man ay pinungusan o pinalitan, hindi ito iniisip ng mga taong nakauunawa sa katotohanan bilang isang kawalang-dignidad. Iniisip nilang karapat-dapat silang magdusa ng paghihirap, at na hindi makapagpapasakop dito ang mga tao dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon, subalit hindi iyon kawalang-dignidad. Sino ang tunay na nagdurusa ng kawalang-dignidad? Ang Diyos ang nagdurusa ng kawalang-dignidad. Inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, subalit hindi nakauunawa ang mga tao. Tingnan mo, pagkatapos ilabas ng Diyos ang mga Israelita sa Ehipto, sumamba sila sa mga diyos-diyosan. Nang wala silang makain, nagreklamo sila tungkol sa Diyos, at kinailangan ng Diyos na magpadala ng manna at iba pang pagkain sa kanila. Pagkalipas nang may dalawang magagandang araw, hindi nila pinansin ang Diyos, subalit nang naharap sila sa mga paghihirap, muli nila Siyang hinanap. Hindi mo ba sasabihing nagdusa Siya ng malaking kawalang-dignidad? Hindi ba’t nagdurusa ng malaking kawalang-dignidad ang nagkatawang-taong Diyos kapag tinatanggihan Siya ng bawat henerasyon? Ang mga tao ay walang halaga, at mga walang kakayahan. Nagtatamasa sila ng napakaraming biyayang ipinagkaloob ng Diyos, at nagtatamasa ng napakaraming katotohanang itinustos ng Diyos, subalit pakiramdam nila napaka-walang katarungan nito kapag nagdurusa sila ng kaunting nararapat na paghihirap. Anong kawalang-katarungan ang pinagdurusahan ng mga tao? May ilang tao na karaniwang medyo matatag, pero kapag nagdurusa sila ng kaunting paghihirap—kapag pinupungusan sila ng mga kapatid, o may isang tao na nagsasabi ng isang bagay na hindi maganda sa kanila, o walang sumusuporta sa kanila o nambobola sa kanila—pakiramdam nila ay naagrabyado sila, pakiramdam nila ay nagdusa sila ng malaking paghihirap, at nagawan ng pagkakamali, at nagrereklamong, “Mababa ang tingin ninyong lahat sa akin, at walang pumapansin sa akin. Itinadhana akong tratuhin nang masama!” Para saan ka nagwawala sa galit? Anong silbi ng pagsasabi ng mga bagay na iyon? May alinman ba sa mga salitang iyon ang naaayon sa katotohanan? (Wala.) Kung gayon, ano ang katumbas nito—kahihiyan ba ito? Wala kang kakayahang makita nang malinaw ang paghihirap na nararapat mong pagdusahan, at hindi mo tinatanggap ito. Nakinig ka na sa napakaraming sermon, subalit hindi mo nauunawaan kung paano dapat isagawa ng mga tao ang katotohanan, at kung paano sila dapat magpasakop. Hindi mo alam ang alinman dito, at iniisip mo pa ring nagdusa ka ng isang uri ng kawalang-dignidad. Hindi ba’t nawawala ka sa katwiran? Para sa mga taong tumatanggap sa pagliligtas ng Diyos, umiiral ba ang kawalang-dignidad na ito? (Hindi.) Kahit na minsan ay tiyak na hindi makatarungan kang itinatrato ng mga kapatid, paano mo dapat danasin ito? Halimbawa, may limampung dolyar na nakakalat kung saan, at pagkatapos mong madaanan ito, nawala ito, at naghihinala ang lahat na kinuha mo ito. Ano ang gagawin mo? Makararamdam ka ng pagkaagrabyado at pagkadismaya sa loob: “Kahit na mahirap ako, may moralidad pa rin ako. May pagpapahalaga pa rin ako sa aking dignidad. Hindi ako kailanman kumuha ng anumang bagay na pag-aari ng iba. Ganap na malinis ang aking mga kamay. Palaging mababa ang tingin ninyo sa akin, at ako ang unang tao na pinaghihinalaan ninyo kapag may nangyayaring ganito. Hindi nilinaw ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa akin. Mukhang hindi rin Niya ako gusto!” Nagwawala ka sa galit. Maituturing ba itong kahihiyan? (Hindi.) Kaya, ano ang dapat mong gawin sa sitwasyong ito? Kung kinuha mo ito, aminin mo ito, at mangako ka na hindi ka na muling kukuha ng anuman. Kung hindi mo naman ito kinuha, sabihin mong, “Hindi ko kinuha iyon. Pinagmamasdan ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Sinuman ang kumuha ng pera ay alam ito, at alam din ito ng Diyos. Wala na akong sasabihin pang iba.” Hindi mo kailangang sabihin na, “Mababa ang tingin ninyo sa akin. Gusto ninyong lahat akong pagdiskitahan.” Anong silbing sabihin ang mga bagay na iyon? Mabuting bagay ba na sabihin ang maraming uri ng bagay na iyon? (Hindi.) Bakit hindi? Kung magsasabi ka ng maraming uri ng bagay na iyon, pinatutunayan nito ang isang katunayan: wala sa puso mo ang Diyos; hindi ka nananampalataya sa Diyos, at wala kang tunay na pananalig sa Diyos. Kapag sinasabi mo ang katotohanan ng usapin, alam ng Diyos. Pinagmamasdan Niya ang kaibuturan ng puso ng mga tao, at sinisiyasat Niya ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga tao. Bahala na ang ibang tao kung paano nila ito gustong tingnan. Nananampalataya ka na alam ng Diyos ang lahat ng bagay na ito, at hindi ka na kailangang magsalita nang marami. Kailangan mo bang makaramdam ng pagkaagrabyado? Hindi, hindi mo kailangan. Ano ang kahihinatnan ng usaping ito? Pakiramdam mo ay nagdusa ka ng kawalang-katarungan nang siniraan at hinusgahan ka dahil sa pananampalataya mo sa Diyos, subalit kaya mo bang pag-usapan ang tungkol dito nang malinaw? Sa pagtutok sa pagtatanggol sa iyong sarili laban sa kanila, inaantala mo ang wastong isyu. Walang saysay ito, hindi ba? Ano ang silbi ng pangangatwiran sa kanila? Hindi ito pagsasagawa ng katotohanan.

Nagdurusa ang mga tao ng labis na paghihirap sa proseso ng pagdanas ng pagliligtas ng Diyos. Kawalang-dignidad ba ang paghihirap na pinagdurusahan ng mga tao? (Hindi.) Tiyak na hindi ito ganoon. Bakit Ko sinasabi iyon? (Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, dapat pagdusahan ng mga tao ang paghihirap na ito.) May mga tiwaling disposisyon ang mga tao—bahagi ito nito. Bukod pa rito, anumang aspekto ng katotohanan ang hindi mo nauunawaan, at anumang bahagi sa loob mo ang negatibo pa rin, maaari mong banggitin ito at maaari kang magbahagi tungkol dito. Hindi mo kailangang kimkimin ito sa loob mo. Ano ang layon ng pagbabahaginan? (Para lutasin ang mga problema.) Para hanapin ang katotohanan, magawang maunawaan ang katotohanan, at malutas ang mga problema na nasa loob. Hindi mo kailangang kimkimin ang mga ito sa loob mo. Hindi mo kailangang magdusa ng kawalang-dignidad. Hindi mo kailangang magtiis, nagsasabing, “Hindi ko nauunawaan, subalit inuudyukan pa rin akong magpasakop. Kailangan kong maunawaan bago ako magpasakop.” Kung hindi mo nauunawaan, maaari kang makipagbahaginan. Ang paghahanap sa katotohanan ang tamang landas. Hindi ito mali. Kapag ang ilang bagay ay pinagbahaginan at ipinaliwanag nang malinaw, malalaman ng mga tao kung ano ang dapat gawin. Dapat kang magkaroon ng saloobin ng paghahanap sa katotohanan, at lumutas ng mga problema sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at nagsasagawa ka lang ng pagpapasakop, sa huli hindi mo pa rin magagawang lutasin ang iyong mga problema. Samakatwid, kahit na hinihingi sa iyo na magpasakop, hindi hinihingi sa iyo na magpasakop sa paraang magulo ang isip at walang prinsipyo. Gayumpaman, may pinakapangunahing prinsipyo na napapaloob sa pagpapasakop, na kapag hindi mo nauunawaan, dapat ka munang magpasakop, magkaroon ng mapagpasakop na puso, at ng mapagpasakop na saloobin. Ito ang pagkamakatwiran na dapat mayroon ang mga tao. Pagkatapos maisakatuparan ito, dahan-dahang maghanap. Sa paraang ito, maiiwasan mong masalungat ang disposisyon ng Diyos, at mapoprotektahan at makaaabot ka hanggang sa dulo ng daan. Lahat ba ng salitang ginagamit ng Diyos para ilantad, kondenahin, at maging hatulan at isumpa ang mga tao ay para ipahiya ang mga tao? (Hindi.) Kailangan ba ng mga tao ng matinding pasensya para pagtiisan ang lahat ng ito? (Hindi.) Hindi, hindi nila kailangan. Sa kabaligtaran, kailangan ng mga tao ng matinding pananalig para tanggapin ang lahat ng ito. Sa pamamagitan lang ng pagtanggap dito na maaari mong tunay na maunawaan kung ano eksakto ang tiwaling kalikasan ni Satanas, kung ano eksakto ang tiwaling diwa ng mga tao, kung ano eksakto ang pinagmumulan ng antagonismo ng mga tao sa Diyos, at kung bakit hindi magkaayon ang mga tao sa Diyos. Dapat mong hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos bago mo magawang malutas ang mga problemang ito. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, at gaano man kalinaw isinasaad ng mga salita ng Diyos ang mga bagay-bagay, hindi mo ito tinatanggap, hindi mo kailanman malulutas ang mga problemang iyon. Kahit pa nauunawaan mo na “hindi tayo ipinahihiya ng mga salita ng Diyos; inilalantad lang tayo ng mga ito, at para ito sa ating sariling kapakanan,” kinikilala mo lang ito sa diwa ng doktrina; hindi mo kailanman mauunawaan ang tunay na kahulugan ng lahat ng sinasabi ng Diyos, o kung ano ang epektong nilalayon nitong makamit. Hindi mo rin kailanman mauunawaan kung ano, eksakto, ang katotohanang sinasabi ng Diyos. Pagkatapos magbahaginan sa ganitong paraan, hindi ba nito nagagawa, kahit papaano, na bigyan ang mga tao ng maagap at positibong saloobin sa pagtanggap na mapungusan, sa pagtanggap na mapalitan, at pagtanggap sa gawain, mga pagsasaayos, at kataas-taasang kapangyarihan na isinasagawa ng Diyos na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao? (Oo.) Sa pinakamababa, iisipin ng mga tao na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, na hindi nila ito dapat unawain sa negatibong paraan, at na ang saloobin na dapat muna nilang taglayin ay ang aktibong pagtanggap, pagpapasakop, at pagkatapos ay pakikipagtulungan dito. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa mga tao ay hindi nangangailangan ng matinding pasensya sa bahagi nila. Ibig sabihin, hindi mo kailangang tiisin ang lahat ng ito. Ano ang kailangan mong gawin? Ang kailangan mo ay tanggapin, hanapin, at magpasakop. Ang terminong “pagtitiis ng kahihiyan” na ginagamit ng mga walang pananampalataya ay malinaw na mapang-abuso sa mga tao. Walang ginagawa ang Diyos na hinihingi sa iyong magtiis ng kahihiyan. Maaari kang magsagawa ng pasensya, pagmamahal, pagpapakumbaba, pati na rin ng pagpapasakop, pagtanggap, pagkamatapat, pagiging bukas, at paghahanap; ang mga bagay na ito ay medyo positibo. Kaya, ano ang lohika sa likod ng sinasabi ng mga walang pananampalataya? Ito ay satanikong pilosopiya, at mga satanikong kasinungalingan. Sa kabuuan, ang pagtitiis ng kahihiyan ay hindi isang prinsipyong dapat sundin niyong mga nananampalataya sa Diyos. Hindi ito ang katotohanan; ito ay isang satanikong bagay. Ang pagtitiis ng kahihiyan ay hindi ang hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao, dahil walang kahihiyan ang umiiral dito. Ang lahat ng pagkilos ng Diyos sa mga tao ay pagmamahal, kaligtasan, pangangalaga sa kanila, at pagprotekta sa kanila. Ang mga bagay na sinasabi ng Diyos, at ang gawaing ginagawa Niya sa mga tao ay pawang positibo at pawang katotohanan. Wala ni isa sa mga ito ang katulad nang kay Satanas, at wala sa mga pamamaraan at diskarte ni Satanas. Sa pamamagitan lang ng pagtanggap sa mga salita ng Diyos madadalisay at maliligtas ang mga tao.

Sa anong mga paraan naipamamalas sa mga tao ang gawa ng “pagtitiis ng kahihiyan” na sinasabi ni Satanas? Naipamamalas ito sa mga tao sa anyo ng pananakit, pang-aabuso, pamiminsala, at pagyurak. Sa kabuuan, nagdadala ito ng kalamidad sa iyo. Nagdusa ka man ng paghihirap o nagdusa ng kawalang-dignidad, sa madaling salita, ang nakakamit ng mga tao sa huli mula sa mga bagay kung saan sila ipinasasailalim ni Satanas ay tiyak na hindi ang katotohanan. Ano ang nakakamit ng mga tao? Sakit. Ang epekto ni Satanas sa mga tao ay hindi mabilang na anyo ng kahihiyan at panlilibak, gayundin ang pang-aabuso at katiwalian. Kaya ano ang naisasakatuparan nito sa mga tao at naipadarama nito sa kanila? Inuudyukan nito ang mga tao na tiisin ang mga karaingan at gumawa ng mga pakikibagay para protektahan ang sarili nila, at binabaluktot pa nito ang pag-iisip nila. Natututo ang mga tao na gumamit ng lahat ng uri ng mga taktika at pamamaraan para mapangasiwaan at maharap ang lahat ng ito, at natututong manlangis ng mga tao, magpanggap, at magsinungaling. Kapag nagbubunyag at nagpapamalas ang mga tao ng lahat ng bagay na ito, ang puso ba nila ay kusang-loob, masaya, at payapa, o galit at nasasaktan? (Galit at nasasaktan.) Nadaragdagan ba o nababawasan ang galit sa puso ng mga tao kapag nagtitiis sila ng kahihiyan sa mundong ito? (Nadaragdagan.) Kung gayon, tinitingnan ba ng mga tao ang sangkatauhan sa isang lalong mapanlaban na paraan, o sa isang lalong mapagmahal na paraan? (Mapanlaban.) Tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan sa isang lalong mapanlaban na paraan at kinamumuhian ang lahat ng taong nakikita nila. Kapag bata pa lang ang mga tao at kapapasok pa lang sa lipunan, nakikita nila ang lahat bilang kahanga-hanga, at partikular na madaling nagtitiwala sa mga tao. Kapag umabot na sila sa edad na trenta, hindi na sila masyadong nagtitiwala sa iba. Pagtuntong nila sa edad na kuwarenta, wala silang tiwala sa karamihan ng tao, at kapag nasa edad singkuwenta na sila, puno ng pagkamuhi ang puso nila at may tendensiya silang balikan at saktan ang iba. Bago sila mapuno ng pagkamuhi, ano ang tinitiis ng mga tao? Ito ay pawang kawalang-dignidad at pasakit. Kapag wala kang kakayahan at kapangyarihan na mayroon ang iba, kapag sinasabi ng iba na ganito o ganyan ka, dapat mabilis kang tumango bilang pagsang-ayon, at kapag isinumpa ka nila, dapat kang makinig. Wala kang magagawa, subalit ano ang iniisip mo sa loob-loob? “Balang araw kapag nagkaroon ako ng kapangyarihan, papatayin kita gamit ang sarili kong mga kamay at lilipulin ko ang tatlong henerasyon ng iyong lahi!” Ang pagkamuhi sa iyong puso ay tumitindi nang tumitindi. Ito ang kahihinatnang idinudulot ng pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin sa tiwaling sangkatauhan. Iniisip ng mga tao na ang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin, na pinupuri at itinataguyod ng lipunan, ay isang positibong bagay, at na ito ay isang uri ng mentalidad at paraan ng pag-iisip na nagbibigay-kakayahan sa mga tao na magtrabaho nang husto at magsikap na maging mas malakas. Kaya, bakit sa huli ay nagdudulot ito ng galit at pagkamuhi sa mga tao? (Dahil hindi ito ang katotohanan.) Tama iyon. Idinudulot nito ang negatibong kahihinatnang ito dahil hindi ito ang katotohanan. Ano ang nagiging sanhi ng mga henerasyon ng sama ng loob at mga ganting-pagpatay sa lipunan at sa mga gang? (Pagkatapos magdusa ng kawalang-dignidad ng mga tao, tumitindi ang pagkamuhi sa kanilang puso at pumapatay sila bilang ganti.) Tama iyon, ganyan nagsisimula ang pagpatay bilang ganti. Bawat henerasyon, brutal na nagpapatayan ang mga tao hanggang sa malipol ng sakuna ang sangkatauhan. Ito ang kinahihinatnan. Namuhay ang sangkatauhan ayon sa mga pilosopiya at lohika ni Satanas at unti-unting lumago hanggang sa kasalukuyang panahon sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ang relasyon sa pagitan ng mga tao ay lalong nagiging baluktot, lalong lumalayo, lalong nawawalan ng tiwala, at lalong nanlalamig. Anong punto na ang narating nito ngayon? Umabot na ito sa punto na ang puso ng dalawang taong walang kinalaman sa isa’t isa ay puno ng pagkamuhi at pagkamapanlaban sa isa’t isa. Dati, ang magkakapit-bahay ay madalas na nakakapag-usap at madalas na nakikipag-ugnayan sa isa’t isa, subalit ngayon, maaaring lima o anim na araw nang patay ang isang tao at hindi ito malalaman ng kapit-bahay niya; walang sinuman ang titingin sa kanya. Paanong umabot ang mga bagay-bagay sa puntong ito? Umabot ito sa puntong ito dahil sa pagkamuhing ito sa isa’t isa. Ayaw mong maging mapanlaban sa iyo ang iba, gayong sa parehong pagkakataon, mapanlaban ka rin sa iba—isa itong marahas na siklo. Ito ay isang negatibong kahihinatnan at sakunang idinulot ng mga kautusan ni Satanas sa sangkatauhan. Ang mga pananaw at impresyon ng mga tao sa puso nila sa iba ay lalong nagiging hindi kanais-nais, kaya’t nagiging mas mahusay sila sa pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin, at ang galit at pagkamuhi sa puso nila ay tumitindi, hanggang sa huli ay sasabihin nilang, “Mas mabuti pa kung patay na silang lahat at wala ni isa ang nabubuhay!” Hindi ba’t ang puso ng lahat ay puno ng ganitong uri ng pagkamuhi? Ninanais nilang mawasak ang mundong ito sa lalong madaling panahon: “Sagad sa buto ang kasamaan ng lahat ng tao. Nararapat silang malipol!” Sinasabi mong sagad sa buto ang kasamaan ng ibang tao, subalit paano naman ang sarili mo? Maaari kayang tunay ka nang nagbago? Na nakamit mo na ang kaligtasan? Kasabay ng pagkamuhi sa iba dahil sa pagiging sagad sa buto ng kasamaan nila, dapat maging mas mabuti ka kaysa sa kanila. Kung kasing-sama ka ng mga tao sa mundo, wala kang katwiran. Kapag nakikita ng isang taong may katwiran na sagad sa buto ang kasamaan ng sangkatauhan, dapat niyang hangarin ang katotohanan at isabuhay ang wangis ng tao para palugurin ang Diyos—ito ang nararapat. Sa ganitong paraan, kapag nilipol ng Diyos ang buktot na sangkatauhang ito, maliligtas siya.

Namumuhi ka ba sa buktot na sangkatauhang ito? (Oo.) Karamihan ng tao na nananampalataya sa Diyos ay may kaunting pagkatao at katwiran; mas mabait ang puso nila, nananabik sila para sa liwanag, at nananabik sila na maghari ang Diyos at ang katotohanan. Ayaw nila ng mga buktot na bagay, at ayaw ng mga bagay na hindi patas. Puno sila dapat ng pag-asa, pagmamahal, at pagpaparaya sa sangkatauhan, kaya’t paano nila magagawang kamuhian ang sangkatauhan? Sinasabi ng ilang tao, “Naaalala ko noong nasa eskuwela ako, pinagdiskitahan ako ng guro subalit hindi ako nangahas na magsalita tungkol dito; kinailangan ko lang tiisin ito. Kaya nagpasya akong mag-aral nang mabuti at pumasok sa unibersidad sa hinaharap. Ipakikita ko sa inyong lahat kung sino ako, at pagkatapos ay ako ang magdidiskita sa inyo!” Sinasabi ng ilang tao, “Naaalala ko nang nagtatrabaho ako, palagi akong pinagdidiskitahan ng mga bigating tao sa kumpanya, at naisip ko, ‘Maghintay lang kayo hanggang sa araw na mahihigitan ko kayo ng aking mga tagumpay. Pagkatapos ay gagawin kong miserable ang buhay ninyo!’” May iba na nagsasabing, “Naaalala ko nang nagnenegosyo ako, palagi akong ginagantso ng manedyer sa pagtitinda, at naisip ko, ‘Pagdating ng araw na magkakamal ako ng malaking yaman, gagantihan kita!’” Walang kanino mang buhay ang madali, at ang lahat ay may mga panahong pinagdiskitahan sila—may mga tao silang kinamumuhian sa loob-loob at gusto nilang maghiganti sa mga ito. Ganito na ang nangyari sa mundo; puno ito ng pagkamuhi at puno ng pagkamapanlaban. Ang pagkamapanlaban ng mga tao sa isa’t isa ay labis-labis, at hindi nila kayang magkasundo at hindi sila magkaayos. Malapit nang magwakas ang mundong ito, naabot na nito ang dulo nito. Ang lahat ng tao ay may mga kuwentong nakadudurog ng puso sa loob nila noong pinagdiskitahan sila ng isang tao, sa isang lugar, o noong pinagdiskitahan sila, minaliit, niloko, o sinaktan ng iba sa isang kumpanya, organisasyon, o grupo ng mga tao. Nangyayari ang mga bagay na ito kahit saan. Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na ang sangkatauhan ay wala nang mga taong katulad ni Noe sa kanila. Hindi ba’t iyon ang kaso? (Oo.) Ang puso ng lahat ng tao ay puno ng kabuktutan, at puno ng pagkamapanlaban sa katotohanan, sa mga positibong bagay, at sa katarungan. Hindi na maililigtas pa ang mga tao. Walang tao, walang katuruan, at walang teorya na makapagliligtas sa sangkatauhan—ito ang katunayan ng usapin. Umaasa pa rin ang ilang tao: “Kailan magkakaroon ng digmaang pandaigdig? Pagkatapos ng digmaan, ang lahat ng karapat-dapat mamatay ay mamamatay, at ang mga taong maiiwan ay makapagsisimulang muli. Magsisimula ang isang bagong kapanahunan, at itatatag ang isang bagong bansa.” Posible ba ito? Hindi, hindi ito posible. May ilang tao na umaasa sa lahat ng uri ng magkakaibang relihiyon, subalit nawawalan na ngayon ng kabuluhan ang bawat relihiyon at papawala na ang mga ito. Ang bawat relihiyon ay bulok hanggang sa kaibuturan at may masamang reputasyon. Ano ang ibig sabihin Ko sa mga salitang ito? Ang mga ito ay para maipaunawa sa mga tao ang isang katunayan: Kung hindi gumamit ang Diyos ng mga salita at ng katotohanan para iligtas ang sangkatauhan, ang pagkamuhi at ang marahas na disposisyon sa kaibuturan ng mga tao ay lalala lamang nang lalala, at lalong magiging laganap. Sa huli, ang tanging posibilidad para sa sangkatauhan ay ang mauwi sila sa pagwasak sa sarili mula sa brutal na pagpatay ng mga tao sa isa’t isa. Sa kasalukuyang panahon, gustong iwasan ng maraming tao ang buktot na sangkatauhang ito at mamuhay nang mag-isa sa pusod ng mga kabundukan at kagubatan, o sa isang lugar na walang bahid ng buhay ng tao. Ano ang resulta nito? Hindi na magpapakarami ang sangkatauhan at wala nang magiging susunod na henerasyon. Maglalaho na ang sangkatauhan pagkatapos ng kasalukuyang henerasyon—wala nang magiging mga inapo. Ang paglaban ng sangkatauhan sa Diyos ay masyadong malala, na pumukaw sa galit Niya sa simula pa lang. Hindi magtatagal ay matatapos sila. Bakit napakaraming tao ang hindi nagpapakasal? Dahil takot silang maloko, hindi sila naniniwalang may mabubuti pang tao, at puno sila ng pagkamapanlaban sa kasal. Sino ang dapat sisihin dito? Isisi ito sa mga tao na masyadong naging tiwali, isisi ito kay Satanas at sa mga demonyo, at isisi ito sa mga tao na kusang-loob na tumatanggap sa katiwalian. Namumuhi ka sa iba, subalit mas mabuti ka ba talaga kaysa sa kanila? Wala sa iyo ang katotohanan, at walang silbi ang mamuhi sa iba. Kung wala sa mga tao ang katotohanan at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, sa huli ay aabot sila sa puntong wala na silang mapatutunguhan at mahuhulog sa sakuna at mawawasak. Ito ang katapusang makatatagpo nila. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, walang tao sa tiwaling sangkatauhan ang makauunawa sa katotohanan.