Unang Ekskorsus: Kung Ano ang Katotohanan (Ikalawang Seksiyon)
II. Isang Paghihimay sa Ideya ng “Ang Pagtulog sa mga Sanga at Pagdila sa Apdo”
Pag-usapan natin ang isa pang kasabihan, “pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo.” Sino ang makapagpapaliwanag kung ano ang ibig sabihin nito? (Sa kasabihang “pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo,” ang mga sanga ay tumutukoy sa panggatong, at ang apdo ay tumutukoy sa gallbladder. Tungkol ito sa kung paanong natulog si Goujian, hari ng Kaharian ng Yue, sa isang tumpok ng panggatong at dinilaan ang isang gallbladder araw-araw, at kung paano niya ginustong maghiganti, bumangon mula sa mga abo ng kanyang pagkagapi, at panumbalikin ang kanyang kaharian.) Naipaliwanag mo na ang pinagmulan ng kasabihang ito, kung saang kuwento nagmula ang kasabihang ito. Kadalasan kapag nagpapaliwanag ng isang kasabihan, bukod sa pagpapaliwanag ng pinagmulan, kailangan mong ipaliwanag ang pinalawak na kahulugan ng kasabihan—kung para saang metapora ito kapag ginagamit ito ng mga tao sa modernong panahon. Ipaliwanag mo ito ulit. (Isa itong metapora para sa isang taong ibinubuhos ang kanyang lakas sa gawain, at nakikipaglaban at nagsusumikap para maisakatuparan ang kanyang mga layon at naisin.) Kung gayon, paano dapat ipaliwanag ang “mga sanga” at “gallbladder” sa kontekstong ito? Hindi mo ipinaliwanag ang dalawang aspektong ito ng kahulugan. Sa pagtingin sa mga salita, ang “mga sanga” ay tumutukoy sa isang uri ng panggatong na may mga tinik; humiga siya sa panggatong na may mga tinik para matulog, pagkatapos ay madalas na ipinaaalala sa sarili niya ang kanyang mga sitwasyon at kahihiyan, at madalas na ipinaaalala sa kanyang sarili ang misyon na kanyang pinasan. Bukod dito, isinabit niya ang isang gallbladder sa kisame at dinilaan ito araw-araw. Ano ang nalalasahan ng mga tao kapag dinidilaan nila ang gallbladder? (Pait.) Napakapait nito! Ginamit niya ang pakiramdam na ito para paalalahanan ang kanyang sarili na huwag kalimutan ang kanyang pagkamuhi, na huwag kalimutan ang kanyang misyon, at na huwag kalimutan ang kanyang naisin. Ano ang naisin niya? Ang dakilang gawain ng pagpapanumbalik ng kanyang kaharian. Para saang metapora karaniwan ang pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo? Karaniwang metapora ito para sa isang tao na nasa mga kapus-palad na sitwasyon, pero hindi nakakalimot sa kanyang misyon at mga naisin, at na may kakayahang magbayad ng halaga para sa kanyang mga naisin, mithiin, at misyon. Kahit papaano ito ang ibig sabihin nito. Sa mata ng mga sekular na tao, positibo o negatibo ba ang kasabihang “natutulog sa mga sanga at dumidila sa apdo”? (Positibo ito.) Bakit nakikita ito bilang isang positibong kasabihan? Maaari nitong hikayatin ang mga tao sa gitna ng paghihirap na huwag kalimutan ang kanilang pagkamuhi, na huwag kalimutan ang kanilang kahihiyan, at udyukan silang magtrabaho nang husto at magsikap na maging mas malakas. Medyo nakakapagbigay-inspirasyon ang kasabihang ito. Sa mata ng mga sekular na tao, walang duda na ito ay isang positibong kasabihan. Kung kumikilos ang mga tao nang naaayon sa kasabihang ito, walang duda na ang ginagawa nila, ang motibasyon nila sa paggawa ng mga bagay-bagay, ang paraan nila ng paggawa ng mga bagay-bagay, at ang mga prinsipyong sinusunod nila ay tama at positibo. Sa pagsasabi nito, walang pundamental na mali sa kasabihang ito, kaya ano ang gusto nating himayin sa pagbanggit sa kasabihang ito? Ano ang gusto nating sabihin? (Gusto nating himayin ang mga paraan kung saan tumataliwas ang kasabihang ito sa katotohanan.) Tama iyon, gusto nating makilatis kung katotohanan ba ito o hindi. Dahil ang kasabihang ito ay sobrang “tama,” mahalaga para sa atin na himayin at kumpirmahin kung sa aling mga eksaktong paraan ito “tama.” Pagkatapos, magkakaroon tayo ng tamang depinisyon nito, at matitingnan natin kung ito ba talaga ang katotohanan o hindi. Ito ang panghuling resulta na gusto nating makamit. Ang kasabihang “pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo” ay isang batas ng pananatiling buhay na kinakapitan ng mga tao na may mga espesyal na sitwasyon. Tiyakin muna natin—katotohanan ba ang kasabihang ito? (Hindi.) Huwag tayong magsimula sa pagsasabi kung katotohanan ba ito o hindi. Mula sa literal na kahulugan nito na nakikita ng mga tao, walang negatibong kahulugan ang kasabihang ito. Kaya, anong positibong kahulugan ang mayroon ito? Maaari nitong hikayatin ang mga tao, bigyan sila ng determinasyon, himukin silang patuloy na lumaban, huwag umatras, huwag panghinaan ng loob, at huwag maging mga duwag. May isang aspekto kung saan may positibo itong gamit. Gayumpaman, sa mga anong sitwasyon kinakailangan ng mga tao na itaguyod ang mga prinsipyo ng asal at pagkilos na nakapaloob sa kasabihang ito? May koneksiyon ba sa pagitan ng mga prinsipyong itinataguyod sa kasabihang ito at ng pananampalataya sa Diyos? May koneksiyon ba sa pagsasagawa ng katotohanan? May koneksiyon ba sa paggawa ng tungkulin ng isang tao? May koneksiyon ba sa pagsunod sa daan ng Diyos? (Wala.) Napakabilis mong nakagawa ng konklusyon? Paano ninyo nalalaman na walang koneksiyon? (Hindi iyon sinasabi ng mga salita ng Diyos.) Masyadong simplistiko at iresponsableng bagay ito na sabihin. Kapag hindi mo nauunawaan at sinasabi mo, “Basta, wala ito sa mga salita ng Diyos at hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng kasabihang ito, kaya hindi ko ito pakikinggan. Maaari nitong sabihin anuman ang gustuhin nito, pero hindi ko ito paniniwalaan,” iresponsableng bagay ito na sabihin. Dapat harapin mo ito nang seryoso. Sa sandaling hinarap mo ito nang seryoso, lubusang inunawa ito at nagkaroon ng tunay na pagkilatis dito, hindi mo kailanman ituturing na katotohanan ang kasabihang ito. Sa ngayon, hindi Ko ipinatatanggi sa iyo ang kawastuhan ng kasabihang ito; sa halip, ipinauunawa Ko sa iyo na hindi katotohanan ang kasabihang ito, at ipinakikita sa iyo kung anong mga katotohanan ang dapat mong maunawaan at kung paano mo dapat itaguyod ang katotohanan sa mga parehong sitwasyon. Nauunawaan mo ba? Kaya, sabihin ninyo sa Akin kung ano ang inyong pang-unawa. (Ang pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo ay tungkol sa kung paano dapat magsagawa ang mga tao sa mga oras ng kasawian, pero hindi umiiral sa sambahayan ng Diyos ang katagang “kasawian.” Kapag inilalantad ng Diyos ang mga tao o isinasailalim sila sa mga pagsubok, bahagi ang lahat ng ito ng proseso ng Diyos sa pagpeperpekto sa kanila—hindi ito kasawian. Sinasabi ng kasabihang ito sa mga tao na dapat nilang alalahanin ang paghihirap na dinanas nila sa panahong ito, at muling bumawi sa hinaharap. Walang bisa ang pagpapahayag na ito sa sambahayan ng Diyos. Magbibigay ako ng halimbawa na medyo hindi angkop. Matapos mapalitan, ginamit ng ilang lider ang pariralang “pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo” para udyukan ang sarili nila, sinasabing, “Matututo ako kay Goujian, hari ng Kaharian ng Yue, at matutulog sa mga sanga at didila sa apdo. Darating ang panahon na maipagpapatuloy ko ang aking dating posisyon at muling magiging lider. Makikita ninyo! Ngayon ay pinupuna ninyo ako, sinasabing hindi ako mahusay sa bagay na ito at hindi mahusay sa bagay na iyon. Isang araw babawiin ko kung ano ang nawala sa akin at ipakikita ko sa inyo kung sino talaga ako. Tiyak na darating ang isang araw na mabubura ang kahihiyang dinanas ko ngayon!”) Napakagandang halimbawa nito. Naliwanagan ba kayo nito? Kailanman ba ay nagkaroon kayo ng mga panahong gusto ninyong matulog sa mga sanga at dumila sa apdo? Kailanman ba ay naiisip ninyong makabawi? (Oo. May mga ganito akong kaisipan kapag sinasalungat ng mga tao ang aking mga pananaw. Halimbawa, kapag tinatalakay ko ang ilang bagay sa mga kapatid at kinukuwestiyon nila ang mga pananaw na inilatag ko, sa puso ko ay nakakaramdam ako ng panlalaban, at iniisip ko, “Isang araw, kailangan kong gumawa ng mahusay na trabaho at ipakita sa inyo.” Pagkatapos, humahayo ako at nagsisikap na matutunan ang larangang iyon ng gawain, pero maling mentalidad ito.) Hindi ito isang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan, paghahanap sa katotohanan, o pagsasagawa ng katotohanan, kundi ng pagmamatigas at ng kagustuhang patunayan ang isang bagay sa iba—isa itong saloobin ng hindi pagtanggap sa pagkatalo. Ang ganitong uri ng saloobin ay itinuturing na positibo sa sangkatauhan. Ang hindi kailanman pagtanggap sa pagkatalo ay isang uri ng magandang pag-uugali, at nangangahulugan ito na may pagkamasigasig ang isang tao, kaya bakit sinasabing hindi ito pagsasagawa ng katotohanan? Ito ay dahil ang kanyang saloobin kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, at ang mga prinsipyo at motibasyon sa likod ng kanyang ginagawa, ay hindi batay sa katotohanan; sa halip, batay ang mga ito sa kasabihan sa tradisyonal na kultura na, “pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo.” Bagaman masasabi ng isang tao na ang taong ito ay may malakas na presensiya, at ang pag-iisip at saloobin nito sa pagnanais na manalo at hindi pagtanggap sa pagkatalo ay umaani ng paggalang sa mga tao sa sekular na mundo, sa harap ng katotohanan ano ang ganitong pag-iisip at pag-uugali? Sobrang liit at lubhang kakila-kilabot ang mga ito; kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito. Sino pa ang may ibabahagi? (Kapag gumagawa ako ng isang tungkulin, dahil hindi ako pamilyar sa larangan ng gawaing iyon, sa palagay ko ay hindi ako sineseryoso ng mga tao. Kaya, sa puso ko ay palihim kong pinasisigla ang aking sarili, “Kailangan kong pag-aralan nang mabuti ang larangang ito ng gawain at ipakita sa inyo na talagang may kakayahan ako.” Minsan, kapag tinutukoy ng mga tao ang mga pagkukulang sa aking tungkulin, nagsisikap akong magbago; tinitiis ko ang paghihirap at nagbabayad ako ng halaga para matutunan ang gawain, at gaano man kalaki ang paghihirap na aking dinaranas, tinatanggap ko ito, pero hindi ko hinahangad kung paano gawin nang maayos ang aking tungkulin; sa halip, gusto kong magkaroon ng isang araw kung kailan magagawa kong tingalain ako ng iba at makakamit ko ang paggalang ng iba. Mayroon din akong isang uri ng kalagayan ng pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo.) Mula sa ibinahagi ninyong lahat, may napansin Akong problema. Nanampalataya na kayo sa Diyos sa loob ng hindi kakaunting bilang ng mga taon, tinalikuran ang inyong mga pamilya at mga propesyon, at nagdusa ng hindi kakaunting paghihirap, pero napakakaunti lang ng inyong napala. May kakayahan din kayong tiisin ang paghihirap at gugulin ang inyong sarili sa inyong mga tungkulin, at may kakayahang magbayad ng halaga, pero bakit hindi kayo kailanman umuusad sa katotohanan? Paanong napakakaunti at napakababaw ng mga katotohanang inyong nauunawaan? Ang dahilan ay na hindi ninyo binibigyang-diin ang katotohanan. Gusto ninyo palaging matulog sa mga sanga at dilaan ang apdo, at punong-puno ang inyong puso ng pagnanasang patunayan ang inyong sarili. Ang pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo ay isang “malaking pigsa”—sa tingin ninyo ba ay magandang bagay ito? Ano ang panghuling resulta ng pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo? Kapag gustong patunayan ng isang tao na may kakayahan at may kahusayan siya, na hindi siya mababa sa iba, at na hindi siya matatalo ninuman, matutulog siya sa mga sanga at didilaan ang apdo. Sa madaling salita, “titiisin niya ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.” Kaya sa mga anong paraan naipamamalas ang pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo? Ang unang paraan na naipamamalas ito ay sa hindi pagtanggap sa pagkatalo. Ang pangalawa ay sa pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin. Maaaring hindi ka gumamit ng anumang salita para makipagdebate sa iba, salungatin sila, o ipagtanggol ang iyong sarili, pero lihim kang nagsusumikap. Anong klaseng pagsusumikap? Maaaring ito ay ang halagang binabayaran ninyo: pagpupuyat, paggising nang maaga kinabukasan, o pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pag-aaral tungkol sa larangan mo ng gawain habang nagsasaya ang iba, higit pang nagsisikap. Pagdurusa ba ang paghihirap na ito? Tinatawag itong pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo. Ano ang pangatlong paraan ng pagpapamalas nito? Naipamamalas ito sa mga tao na may isang uri ng dakilang ambisyon sa kalooban nila, at hindi nagrereklamo tungkol sa kanilang mga problema dahil sa dakilang ambisyong ito. Gusto nilang itaguyod ang mga layon na kanilang itinakda at gustong makamit, at gusto nilang mapanatili ang kaloobang ito na lumaban. Ano ang kaloobang ito na lumaban? Halimbawa, kung gusto mong maging isang lider o maisakatuparan ang ilang gawain, dapat palagi mong panatilihin ang ganitong kalagayan ng isipan sa iyong kalooban; hindi mo dapat kailanman kalimutan ang iyong determinasyon, ang iyong misyon, ang iyong mga mithiin at adhikain. Paano mo ito ilalarawan sa isang pangungusap? (Huwag kalimutan ang iyong orihinal na motibasyon para sa paggawa ng isang bagay.) Ang hindi pagkalimot sa iyong orihinal na motibasyon para sa paggawa ng isang bagay ay tama, pero hindi sapat na malakas. (Panghawakan ang isang dakilang ambisyon sa iyong puso.) Mas mabuti iyon. May kaunti ng pakiramdam na iyon dito. Paano mo masasabi ang mga salitang ito sa mas tama at maigsing paraan? (Ang kaloobang lumaban at mga mithiin.) Paano mo ito sasabihin nang buo? Maraming labanan at maraming pagkatalo, pero lalong tumatapang habang mas tumatagal kang lumalaban. Ito ay isang kaloobang “hinding-hindi susuko” sa laban. Katulad ito sa kung paano sinasabi ng ilang tao, “Nasiraan ka na ng loob pagkatapos mapalitan? Maraming beses na akong pinalitan pero hindi ako kailanman nasiraan ng loob. Sa tuwing nabibigo ako sa isang bagay, bumabalik lang ako sa laban. Kailangang magkaroon tayo ng kaloobang lumaban!” Sa perspektiba nila, ang kaloobang lumaban ay isang positibong bagay. Hindi nila iniisip na masamang bagay ito kapag ang mga tao ay may mga mithiin, adhikain, at isang kaloobang lumaban. Paano nila tinatrato ang mga ambisyon at pagnanais na dulot ng tiwaling disposisyon ng pagmamataas? Tinatrato nila ito bilang isang bagay na positibo. Kaya iniisip nila na ang magawang magtiis ng paghihirap ng pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo para maisakatuparan ang layon na kanilang ipinaglalaban at ang layon na sa tingin nila ay tama ay ang tamang bagay na gawin, na mabuti ang pagtingin dito ng mga tao, at na dapat na ito ang maging katotohanan. Ito ang tatlong pagpapamalas ng pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo. Maipaliliwanag ba ng tatlong pagpapamalas na ito ang kahulugang nakapaloob sa pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo? (Oo, kaya ng mga ito.) Kung gayon ay magbabahagi Ako nang detalyado tungkol sa tatlong pagpapamalas na ito.
A. Hindi Pagtanggap sa Pagkatalo
Magsimula tayo sa pag-uusap tungkol sa unang pagpapamalas ng pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo: hindi pagtanggap sa pagkatalo. Ano ang hindi pagtanggap sa pagkatalo? Anong mga pagpapamalas ang karaniwang mayroon ang mga tao na nagpapatunay na mayroon silang mentalidad ng hindi pagtanggap sa pagkatalo? Anong uri ng disposisyon ang hindi pagtanggap sa pagkatalo? (Pagmamataas at pagiging mapagmatigas.) Naglalaman ito ng dalawang halatang disposisyon ng pagmamataas at pagiging mapagmatigas. Ano pa? (Kagustuhang manalo.) Disposisyon ba ito? Pagpapamalas ito. Pinag-uusapan natin ngayon ang mga disposisyon. (Ang pagiging tutol sa katotohanan.) Ang pagiging tutol sa katotohanan ay tiyak na nangangahulugang hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Halimbawa, kung sinasabi ng isang lider o manggagawa na ang iyong ginagawa ay lumalabag sa mga prinsipyo at umaantala sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at gusto nilang palitan ka, iniisip mo, “Hay naku! Sa tingin ko ay hindi mali ang ginagawa ko. Kung gusto mo akong palitan, sige. Kung hindi mo ako hahayaang gawin ito, hindi ko ito gagawin. Magpapasakop ako!” Sa pagpapasakop na ito ay may saloobin ng pagtanggi na tanggapin ang pagkatalo. Isa itong disposisyon. Bukod sa pagmamataas, pagiging mapagmatigas, at pagiging tutol sa katotohanan, ano pa ang nilalaman ng disposisyong ito? Mayroon bang disposisyon ng kagustuhang kalabanin ang Diyos? (Oo.) Kung gayon, anong disposisyon ito? Pagiging marahas ito. Ni hindi ninyo man lang nakikilala ang isang disposisyong ganito karahas. Bakit sinasabi Kong marahas ito? (Dahil gusto nilang kalabanin ang Diyos.) Ang pagtatangkang kalabanin ang katotohanan ay tinatawag na marahas—napakarahas nito! Kung hindi sila marahas, hindi nila susubukang kalabanin ang katotohanan, at hindi susubukang kalabanin ang Diyos o makipagkompetensiya sa Kanya. Isa itong marahas na disposisyon. Sa loob ng hindi pagtanggap sa pagkatalo ay may pagmamataas, pagiging mapagmatigas, pagiging tutol sa katotohanan, at pagiging marahas. Ang mga ito ang mga halatang disposisyon na konektado rito. Paano naipamamalas ang hindi pagtanggap sa pagkatalo? Anong mga mentalidad ang nasasaklaw nito? Paano mag-isip ang mga taong hindi tumatanggap sa pagkatalo? Ano ang saloobin nila? Ano ang sinasabi nila, ano ang iniisip nila, at ano ang ibinubunyag nila kapag nakakatagpo sila ng mga bagay tulad ng mapalitan? Ang pinakakaraniwang pagpapamalas ay kapag gumagawa sila ng isang tungkulin at nakikita ng Itaas na sila ay hindi angkop sa paggawa ng tungkuling ito at pinapalitan sila, iniisip nila sa kanilang puso, “Hindi mo ako katapat. Hindi ako makikipagtalo sa iyo. May talento ako. Sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang, at ako ay isang indibidwal na may talento saan man ako magpunta! Anuman ang mga pagsasaayos na ginawa ng Itaas para sa akin ay titiisin ko at makikinig ako sa kanila sa ngayon.” Lumalapit din sila sa Diyos at nananalangin, “O Diyos, hinihiling ko sa Iyo na pigilan Mo akong magreklamo. Hinihiling ko sa Iyo na kontrolin ang aking dila at huwag akong hayaang husgahan Ka o lapastanganin Ka, at gawin Mo akong kayang magpasakop.” Pero pagkatapos ay nag-iisip muli sila, “Hindi ko kayang magpasakop. Ito ang pinakamahirap na bahagi. Hindi ko kayang tanggapin ang katunayang ito. Ano ang dapat kong gawin? Ang mga ito ay pagsasaayos ng Itaas; wala akong magagawa. Napakatalentado ko, pero bakit hindi ko kailanman magamit ang mga talento ko sa sambahayan ng Diyos? Mukhang hindi pa sapat ang nabasa kong mga salita ng Diyos. Dapat pa akong magbasa ng mas marami pang salita ng Diyos mula ngayon!” Hindi sila nagpaparaya at hindi nila iniisip na mas mababa sila kaysa sa iba, basta lang na nanampalataya na sila sa Diyos nang mas kaunting panahon at na mapupunan nila ito. Kaya, nagsisikap sila sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at sa pakikinig sa mga sermon. Natututo sila ng isang bagong himno at nagbabasa ng isang kabanata ng mga salita ng Diyos araw-araw, at nagsasanay sa pangangaral. Unti-unti, nagiging mas pamilyar sila sa mga salita ng Diyos, nakakapangaral sila ng maraming espirituwal na doktrina, at nakakapagsalita para magbahagi sa mga pagtitipon. Mayroon bang anumang motibasyon dito para hindi tumanggap sa pagkatalo? (Oo.) Anong klaseng motibasyon ito? (Isang buktot na motibasyon.) Nakakaabala ito! Bakit sa sandaling hinimay natin ito, tinukoy ninyo agad ito bilang isang buktot na motibasyon? Hindi ba’t mabubuting bagay ang mga ito? Normal ang kanilang espirituwal na buhay; hindi sila nakikibahagi sa mga sekular na bagay; hindi sila nakikipagtsismisan; nagagawa nilang bumigkas ng maraming kabanata ng mga salita ng Diyos at umawit ng maraming himno mula sa memorya. Mga “elite” sila! Kaya bakit sinasabi ninyong buktot na motibasyon ito? (Ang layunin nila ay patunayang may kakayahan sila at hindi mababa kaysa sa iba.) Tinatawag itong hindi pagtanggap sa pagkatalo. Sa hindi pagtanggap sa pagkatalo, tunay bang nauunawaan nila ang sarili nila at kinikilala ang kanilang mga problema? (Hindi.) Kinikilala ba nila ang kanilang katiwalian at ang kanilang mapagmataas na disposisyon? (Hindi.) Kung gayon ano ang pinatutunayan nila sa hindi pagtanggap sa pagkatalo? Gusto nilang patunayan na may kakayahan sila at superyor sila; gusto nilang patunayan na mas mahusay sila kaysa sa iba, at sa huli ay patunayan na isang pagkakamali ang pagpapalit sa kanila. Nakatuon ang motibasyon nila sa direksiyong ito. Hindi ba’t ito ay hindi pagtanggap sa pagkatalo? (Oo.) Ang saloobing ito ng hindi pagtanggap sa pagkatalo ay nagbunga ng mga pagkilos nila ng pagtitiis sa paghihirap, pagbabayad ng halaga, pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin. Sa panlabas, tila nagsusumikap sila, nakakapagtiis ng paghihirap at nakakapagbayad ng halaga, at sa wakas ay nakamit ang kanilang mga layon, pero bakit hindi nalulugod ang Diyos? Bakit Niya sila kinokondena? Dahil sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao at sinusuri ang bawat tao ayon sa katotohanan. Paano sinusuri ng Diyos ang pag-uugali, mga intensiyon, mga pagpapamalas, at mga disposisyon ng bawat tao? Sinusuri ang lahat ng bagay na ito ayon sa katotohanan. Kung gayon, paano sinusuri ng Diyos ang bagay na ito at binibigyang-kahulugan ito? Gaano mang paghihirap ang iyong dinanas at gaano man kalaki ang halaga na iyong binayaran, kapag talagang kinakailangan ay hindi ka nagsusumikap sa katotohanan; ang iyong intensiyon ay hindi ang magpasakop sa o tumanggap ng katotohanan; sa halip, ginagamit mo ang iyong pamamaraan ng pagtitiis ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga para patunayang mali ang paraan ng pagklasipika at pangangasiwa sa iyo ng Diyos at ng sambahayan ng Diyos. Ano ang ipinahihiwatig nito? Gusto mong patunayan na ikaw ay isang tao na hindi kailanman nagkakamali at na walang tiwaling disposisyon. Gusto mong patunayan na ang paraan ng pangangasiwa sa iyo ng sambahayan ng Diyos ay hindi naaayon sa katotohanan, at na ang katotohanan at mga salita ng Diyos ay mali kung minsan. Halimbawa, nagkaroon ng pagkalingat at ng problema pagdating sa iyo, at ang iyong kaso ay nagpapatunay na ang mga salita ng Diyos ay hindi ang katotohanan at hindi mo kailangang magpasakop. Hindi ba’t ito ang resulta? (Oo.) Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang ganitong uri ng resulta o kinokondena ito? (Kinokondena Niya ito.) Kinokondena ito ng Diyos.
Naaayon ba sa katotohanan itong saloobin ng mga tao ng hindi pagtanggap sa pagkatalo? (Hindi.) Kung sasabihin natin na ang saloobing ito ay hindi naaayon sa katotohanan, at na milya-milya ang layo nito sa katotohanan, tama ba ang pahayag na iyon? Hindi, dahil ang saloobing iyon ay hindi talaga konektado sa katotohanan. Sa mundo at sa lahat ng sangkatauhan, pinupuri o kinokondena ba ang saloobing ito ng hindi pagtanggap sa pagkatalo? (Pinupuri ito.) Sa mga anong kapaligiran ito pinupuri? (Sa lugar ng trabaho at sa mga paaralan.) Halimbawa, kung nakakuha ang isang estudyante ng animnapung porsiyento sa isang pagsusulit, sasabihin niya, “Hindi ko tatanggapin ang pagkatalo. Sa susunod ay makakukuha ako ng siyamnapung porsiyento!” At kapag nakakuha siya ng siyamnapung porsiyento, gusto niyang makakuha ng isang daang porsyento sa susunod. Sa kalaunan ay nakamit niya ito, at inisip ng mga magulang niya na ambisyoso at may magandang kinabukasan ang batang ito. Ang isa pang kapaligiran—at ang pinakakaraniwan—ay sa mga paligsahan. May ilang koponan na natatalo sa isang paligsahan at may marka ng kahihiyan na nakapinta sa kanilang mukha, pero hindi sila tumatanggap sa pagkatalo. Dahil sa ganitong mentalidad at saloobing hindi tumatanggap sa pagkatalo, nagsisikap sila at nagsasanay nang mas mabuti, at sa sumunod na paligsahan ay tinalo nila ang kabilang koponan at pinagmukhang hindi magaling ang mga ito. Sa lipunang ito at sa sangkatauhan, ang hindi pagtanggap sa pagkatalo ay isang uri ng mentalidad. Ano ang mentalidad? (Ito ay isang paraan ng pag-iisip na sumusuporta sa mga tao sa sikolohikal na paraan.) Tama iyon. Ito ay isang puwersang motibasyonal na sumusuporta sa mga tao na palaging matapang na sumusulong, hindi nagpapatalo, hindi nasisiraan ng loob, hindi umaatras, at nakakamit ang kanilang mga adhikain at layon. Tinatawag ito na hindi pagtanggap sa pagkatalo. Ito ay isang uri ng mentalidad ng hindi pagtanggap sa pagkatalo. Iniisip ng mga tao na kung wala sila ng mentalidad na ito, ng “espiritu” na ito, walang kahulugan ang kanilang buhay. Ano itong sinasandigan nila sa buhay? Sumasandig ang buhay nila sa isang uri ng mentalidad. Saan nagmumula ang mentalidad na ito? Nagmumula ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, gayundin sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi ito praktikal, at hindi ito kayang kamtin ng mga tao. Simula nang nilikha ng Diyos ang sangkatauhan hanggang ngayon, gaano karaming taon man ang lumipas, mayroong napakaraming positibong bagay, katulad ng kaayusan na alinsunod sa kung paano nabubuhay ang mga nabubuhay na nilalang, ang kaayusan na alinsunod sa kung paano nabubuhay ang sangkatauhan, at ang kaayusan na alinsunod sa kung paano gumagana ang langit at lupa, at lahat ng bagay at ang sansinukob, at iba pa. Ayon sa kanilang mga kaisipan at antas ng edukasyon, dapat makahanap ang mga tao ng isang kaayusan para sundin sa gitna ng lahat ng ito, para sundin bilang isang prinsipyo at bilang isang puwersang motibasyonal para sa kung paano sila kumikilos at umaasal, o bilang isang pundasyon para dito. Gayumpaman, hindi ginagamit ng mga tao ang kanilang pagsisikap sa tamang direksiyon—sa anong direksiyon nila ginagamit ang kanilang lakas? Ginagamit nila ang kanilang lakas sa maling direksiyon, ibig sabihin, nilalabag nila ang kaayusan na alinsunod sa kung paano nabubuo ang mga bagay, at nilalabag nila ang kaayusan na alinsunod sa kung paano umiikot ang lahat ng bagay—palagi nilang gustong sirain ang mga likas na kaayusan na ito na itinalaga ng Diyos, at gamitin ang mga pamamaraan at pinagkukunan ng tao para lumikha ng kaligayahan. Hindi nila alam kung paano nakakamit ang kaligayahan, kung anong misteryo ang nasa loob nito, o kung ano ang pinagmulan nito; hindi nila hinahanap ang pinagmulang ito. Sa halip, sinusubukan nilang gumamit ng diskarte ng tao para lumikha ng kaligayahan, at palagi ring gustong lumikha ng mga himala. Sinusubukan nilang gumamit ng diskarte ng tao para baguhin ang normal na kaayusan ng lahat ng bagay na ito, at pagkatapos ay makamit ang kaligayahan at mga layong gusto nila. Ang lahat ng ito ay abnormal. Ano ang panghuling resulta ng mga taong sumasandig sa kanilang sarili para ipaglaban ang gayong mga bagay, gaano man sila lumaban? Ang mundong ito na ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan para pamahalaan ay nasira na ngayon. Sino ang pinakamalaking biktima, ngayong nasira na ito? (Tao.) Ang sangkatauhan ang pinakamalaking biktima. Inabuso ng mga tao ang mundo hanggang sa antas na ito, pero sinasabi pa rin nilang hinding-hindi sila susuko. Hindi ba’t may mali sa pag-iisip nila? Ano ang panghuling kahihinatnan ng hinding-hindi pagsuko? Isang mapaminsalang sakuna. Hindi lang ito pagkatalo sa isa o dalawang paligsahan o pagkakaroon ng marka ng kahihiyan na nakapinta sa kanilang mukha. Sinira nila ang kanilang mga pagkakataon at pinutol ang kanilang mga ruta sa pagtakas—sinira nila ang sarili nila! Ito ang resulta ng hindi pagtanggap sa pagkatalo.
Ang hinihimay natin sa ngayon ay isang tipikal na pagpapamalas ng marahas na disposisyon at mapagmataas na disposisyon ni Satanas, na hinding-hindi susuko. Ang hinding-hindi pagsuko ay isang mentalidad. Pinupuna natin ito, inilalantad natin ito, at kinokondena natin ito, subalit kung kinokondena mo ito sa gitna ng sangkatauhan, tatanggapin ba ito ng mga tao? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil pinupuri ng lahat ng tao ang pariralang ito.) Itinataguyod nila ang mentalidad na ito. Kung ang isang tao ay walang katiting na mentalidad ng hindi pagtanggap sa pagkatalo at hinding-hindi pagsuko, sasabihin ng iba na mahina siya. Kung hindi natin itinataguyod ang mga bagay na ito, mahihina ba tayo? (Hindi, hindi tayo mahihina.) Sinasabi ng mga tao na, “Paanong hindi ka mahina? Hindi ka namumuhay nang may anumang katatagan ng loob. Anong silbi para sa iyo ang mabuhay?” Tunay ba ang pahayag na ito? Himayin muna natin ito: Anong uri ng saloobin ang hindi pagtanggap sa pagkatalo? Dapat bang taglayin ng mga taong may normal na katwiran ang saloobing ito? Sa katunayan, kung may normal na katwiran ang mga tao, hindi sila dapat magkaroon ng ganitong pag-iisip. Mali ang magkaroon ng ganitong pag-iisip. Dapat harapin ng isang tao ang realidad para maging isang tao na nagtataglay ng katwiran. Sa gayon, ang hindi pagtanggap sa pagkatalo ay malinaw na walang katwiran; ibig sabihin nito na may mali sa pag-iisip nila, at malinaw na mali ang saloobing ito. Para sa mga mananampalataya ng Diyos, sa wastong pagsasalita, hindi sila dapat magkaroon ng ganitong pag-iisip dahil ang mapagmataas na disposisyon ay likas sa hindi pagtanggap sa pagkatalo. Madali ba para sa mga tao na tanggapin ang katotohanan kapag mayroon silang mapagmataas na disposisyon? (Hindi.) Isa itong problema. Kung ginagamit mo ang isang mapagmataas na disposisyon bilang pundasyon sa paghahangad ng katotohanan, ano ang hinahangad mo? Ang hinahangad mo ay tiyak na hindi ang katotohanan, dahil ang paghahangad na ito ay likas na hindi positibo, at ang makakamit mo ay tiyak na hindi ang katotohanan; tiyak na isang uri ito ng “mentalidad” na mula sa imahinasyon ng mga tao. Kung tinatrato ng mga tao ang mentalidad na tulad nito bilang katotohanan, naligaw na sila ng landas. Kaya, kung itatama natin ang pag-iisip ng hindi pagtanggap sa pagkatalo, ano ang sasabihin natin? Sasabihin natin na dapat harapin ng mga tao ang mga tunay na problema at gawin ang mga bagay nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, na hindi sila dapat magkaroon ng saloobin ng hindi pagtanggap sa pagkatalo. Kung hindi sila tumatanggap sa pagkatalo, kanino sila hindi nagpapatalo? (Sa Diyos.) Hindi sila nagpapatalo sa katotohanan. Sa mas partikular, hindi sila nagpapatalo sa mga tunay na katunayan ng usapin, hindi sila umaamin na may ginawa silang mali at na nabunyag sila, at hindi sila umaamin na mayroon silang mapagmataas na disposisyon. Totoo ang mga bagay na ito. Kaya paano mo mapasisinungalingan ang mga taong ito? Ang pinakamahusay na paraan para salungatin sila ay sa pamamagitan ng paggamit ng isang bagay na pinakakahiya-hiya para sa kanila. Anong bagay sa mundo ngayon ang pinakakahiya-hiya para sa sangkatauhan? Siyensiya. Ano ang ipinagkaloob ng siyensiya sa mga tao? (Sakuna.) Ang siyensiya, ang bagay na pinakapupuri at pinaka-ipinagmamalaki ng sangkatauhan, ay nagdala ng di-pa-kailanman-nangyayaring sakuna sa kanila. Ngayong mayroon na kayo ng pahiwatig na ito, paano ninyo dapat pasinungalingan ang mga taong ito para maipahiya ninyo sila? Ano ang masasabi ninyo, dapat bang ipahiya ang mga kauri ni Satanas? (Oo.) Kung hindi mo sila ipapahiya, palagi nilang hahamakin ang katotohanan, didiskriminahin iyong mga nananampalataya sa Diyos, at iisiping iyong mga nananampalataya sa Diyos ay nananampalataya lang dahil mahihina sila. Paano ninyo sila dapat pasinungalingan? (Sa pagsasabing: “Isa ka lang ordinaryong tao. Ano ang mayroon ka na nagdudulot sa iyong hindi kailanganing tumanggap sa pagkatalo? Ano ang dahilan kung bakit ayos lang para sa iyo na hindi magpatalo? Kahit na ang ilang tao ay mga siyentista, ano naman? Gaano man kaprogresibo ang siyentipikong teknolohiya na binuo nila, ano naman? Kaya bang lutasin ng mga siyentista ang lahat ng sakuna na idinulot ng siyensiya sa sangkatauhan ngayon?”) Ito ang tamang paraan para pasinungalingan sila. Pag-isipan mo ito, mabuting paraan ba ito para pasinungalingan sila? Sinasabi mo, “Nabuhay na hanggang sa kasalukuyang panahon ang sangkatauhan, subalit hindi man lang kilala ng mga tao kung sino ang mga ninuno nila, kaya’t paanong hindi sila nagpapatalo? Ni hindi mo alam kung saan ka nanggaling, kaya’t ano ang maipagyayabang mo? Ni hindi mo kinikilala ang Diyos na lumikha sa iyo, kaya’t paanong hindi ka tumatanggap sa pagkatalo? Nilikha ng Diyos ang mga tao, at isa itong napakadakilang bagay, subalit hindi mo ito kinikilala o tinatanggap; sa halip, iginigiit mong paniwalaan at kilalanin na nag-ebolb ang mga tao mula sa mga hayop. Gaano ka kahamak? Napakamakapangyarihan at napakarangal ng Diyos; sinasabi Niyang Siya ang iyong Lumikha, subalit hindi mo kinikilala na ikaw ay Kanyang nilikha. Gaano ka kababa?” Ano ang isasagot nila? “Nag-ebolb ang mga tao mula sa mga unggoy, subalit matataas na antas na hayop pa rin kami.” “Hindi pa rin ba kayo mga hayop at halimaw, kung gayon? Hindi namin tinatanggap na mga hayop kami. Mga tao kami, mga tao kami na nilikha ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang mga tao at kinikilala Niya na ikaw ay isang tao, subalit hindi mo gusto na maging isang tao. Iginigiit mong itanggi ang katunayan na nilikha ng Diyos ang mga tao. Iginigiit mo ang pagiging isang hayop. Ano ang silbi para sa iyo ng mabuhay? Karapat-dapat ka bang mabuhay?” May lakas ba sa mga salitang ito? (Oo.) Ganito natin pinasisinungalingan ang mga taong ito. Kinikilala man nila ito o hindi, o tinatanggap man nila ito o hindi, mga katunayan ang mga ito. Magsasalita Ako tungkol sa isa pang punto. Hindi kailanman tumatanggap sa pagkatalo ang mga tao, iniisip nilang napakahusay nila, na mayroon silang progresibong teknolohiya at lahat ng uri ng karunungan, subalit paano nila tinatrato ang kalikasan? Palagi silang nakikipaglaban dito at palaging gustong lupigin ito. Hindi talaga nila nauunawaan kung paano sundin ang kaayusan ng kalikasan. Ano sa huli ang ginawa ng pamamahala ng sangkatauhan sa kalikasan? Hindi ba’t pinamamahalaan ang lahat ng ito ng mga taong marurunong at nakauunawa sa siyensiya? Hindi ka ba tumatangging tumanggap sa pagkatalo? Hindi ka ba isang taong may kakayahan? Wala ka bang pangangailangan para sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Libu-libong taon nang magkasamang umiiral ang sangkatauhan at kalikasan, subalit pambihirang hindi pa rin alam ng sangkatauhan kung paano pamahalaan ang kalikasan. Labis na pinauunlad, labis na kinokonsumo, at malubhang dinudumihan ng sangkatauhan ang kalikasan hanggang sa puntong ngayon ay unti-unting nagkakaroon ng di-kasapatan sa suplay ng mga likas na pinagkukunang yaman. Dagdag pa rito, ni ang tubig na iniinom ng mga tao, o ang pagkaing kinakain nila, o ang hanging nilalanghap nila ay hindi ligtas sa lason. Nang unang nilikha ng Diyos ang kalikasan, ang lahat ng bagay na nabubuhay, pagkain, hangin, at tubig ay walang lason, subalit pagkatapos Niyang ibigay ang kalikasan sa sangkatauhan para pamahalaan, ang lahat ng bagay na ito ay nalason. Ang mga tao mismo ang dapat na “nagtatamasa” ng mga bagay na ito. Kaya paanong hindi tumatanggap sa pagkatalo ang mga tao? Nilikha ng Diyos ang gayong kagandang mundo para sa sangkatauhan at hinayaan silang pamahalaan ito, subalit paano nila ito pinamahalaan? Alam ba nila kung paano ito pamahalaan? Inabuso ito ng sangkatauhan sa puntong ganap na itong nasira—hindi naligtas ang mga karagatan, mga kabundukan, lupa, hangin, maging ang ozone layer sa kalangitan; lahat ng ito ay nawasak. Sino sa huli ang magpapasan ng mga kakila-kilabot na kahihinatnan ng lahat ng ito? (Mga tao.) Ito ay ang sangkatauhan mismo. Wala nang ihahangal pa ang mga tao, subalit inaakala nilang dakila sila at hindi tumatanggap sa pagkatalo! Bakit hindi sila nagpapatalo? Kung pahihintulutan ang sangkatauhan na patuloy na pamahalaan ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, maibabalik ba ang kalikasan sa kung paano ito dati? Hindi ito mangyayari kailanman. Kung sasandig ang sangkatauhan sa mentalidad ng hindi pagtanggap sa pagkatalo, ang mundo at ang kalikasan ay magiging lalo lang mas masama, malala, at marumi sa ilalim ng kanilang pamamahala. Ano ang magiging panghuling kahihinatnan nito? Mamamatay ang sangkatauhan sa kapaligirang ito na sinira nila. Kung gayon, sino sa huli ang makapagbabago ng lahat ng ito? Kaya ng Diyos. Kung may kakayahan ang mga tao na gawin ito, maaaring tumulong ang isa sa kanila at sumubok na baguhin ang kasalukuyang kalagayan ng mundo, subalit may sinuman bang maglalakas-loob na akuin ang responsabilidad na ito? (Wala.) Kung gayon bakit hindi tumatanggap sa pagkatalo ang mga tao? Ni hindi maprotektahan ng mga tao ang tubig na iniinom nila. Hindi sinira ng mga leon o tigre ang kalikasan, lalong hindi ng mga ibon, isda, o mga insekto; sa halip, ang mga tao mismo ang sumira at nagwasak nito. Dapat anihin ng mga tao sa huli ang kanilang itinanim. May anumang paraan ba para baguhin ang mga bagay-bagay ngayon. Hindi ito mababago. Masasabi nang may katiyakan na kung hindi ginawa ng Diyos ang mga bagay na ito, ang kapaligiran na pinamumuhayan ng mga tao ay lalala lang nang lalala, at lulubha nang lulubha; hindi ito bubuti. Ang Diyos lang ang makapagbabago ng lahat ng ito. Ayos lang ba kung hindi tumanggap sa pagkatalo ang mga tao? Kaya mo bang baguhin ang kapaligirang ito? Pinagkalooban ka ng magandang kapaligiran, subalit ang magagawa mo lang ay sirain ito; hindi mo ito pinoprotektahan. Ano ang food chain ng buong mundo? Nauunawaan ba ito ng sangkatauhan? Hindi, hindi nila nauunawaan. Halimbawa, marahas na hayop ang mga lobo. Kung papatayin ng sangkatauhan ang lahat ng lobo, iisipin nilang nalupig na nila ang kalikasan. Sa ganitong uri ng determinasyon, ganitong uri ng sigla, at ganitong mentalidad ng pagtanggap sa hamon, sinisimulan ng sangkatauhan ang malawakang pangangaso ng mga lobo. Kapag napatay na nila ang karamihan ng lobo sa isang lugar ng damuhan, inaakala ng sangkatauhan na nalupig na nila ang kalikasan at nalupig na ang mga uri na mga lobo. Kasabay nito, nagsasabit sila ng balat ng lobo sa kanilang mga tahanan, nagsusuot ng mga damit na gawa sa balat ng lobo, nagsusuot ng mga sombrero na gawa sa balat ng lobo, at naglalagay ng balat ng mga batang lobo sa talim ng kanilang mga punyal. Kumukuha sila ng mga larawan at sinasabi sa buong mundo na, “Nilupig namin ang mga uring ito na banta sa sangkatauhan—ang mga lobo!” Hindi ba’t medyo napaaga ang pagkasiya nila sa sarili nila? Sa mas kakaunting lobo, mula sa labas ay tila walang banta sa buhay ng mga tao at ng ilang iba pang bagay na nabubuhay, subalit ano ang magiging kahihinatnan nito? Dapat magbayad nang mahal ang sangkatauhan para dito. Ano ang halaga na dapat nilang bayaran? Kapag napatay ang malalaking bilang ng mga lobo, kumakaunti ang bilang ng mga lobo. Agad pagkatapos nito, ang lahat ng uri ng mga kuneho, daga, at iba pang hayop sa mga damuhan na kinakain ng mga lobo ay nagsisimulang dumami nang sobra. Kapag labis-labis ang bilang ng mga hayop na ito, ano ang unang kahihinatnan? (Mawawala ang damo.) Pakaunti nang pakaunti ang damo. Kapag mas kakaunti ang damo, mas pakaunti nang pakaunti ang takip na lupa para sa mga pananim. Kapag labis-labis ang bilang ng mga hayop na ito, kailangan nilang kumain ng maraming damo, at ang bilis ng pagtubo ng damo ay hindi proporsiyonal sa bilang ng mga herbiboro. Kapag hindi proporsiyonal ang mga bagay na ito, ano ang nangyayari? (Desertipikasyon.) Oo, desertipikasyon. Kapag ang kalupaan ay walang takip na lupa para sa mga pananim, nagsisimula itong maging buhangin at unti-unting nagiging mabuhanging lugar. Karamihan ng halaman ay hindi nag-uugat o tumutubo sa buhangin, kaya mabilis na lumalawak at lumalaganap ang mabubuhanging lugar, at sa huli ay nagiging disyerto ang lahat ng damuhan. Pagkatapos nito, magsisimulang sakupin ng disyerto ang mga lugar na pinaninirahan ng mga tao, at ano ang magiging unang pakiramdam ng mga tao? Marahil kapag nakita ng mga tao na lumaki ang saklaw ng disyerto hindi sila matatakot, subalit pagdating ng araw na humagupit ang isang sandstorm, anong pinsala ang idudulot nito sa sangkatauhan? Sa simula, liliparin paikot ang mga alikabok. Pagkatapos, pagdating ng mahanging panahon, ni hindi na maibubukas ng mga tao ang mga mata nila dahil sa dami ng buhangin na tinatangay ng hangin. Mababalutan ang katawan nila ng buhangin, at mapupuno ang bibig nila nito. Sa mga sukdulang kaso, maaaring lamunin ng buhangin ang mga bahay, alagang hayop, o mga tao na malapit sa disyerto. Mapipigilan ba ng mga tao ang buhangin? (Hindi.) Hindi nila ito mapipigilan, kaya dapat silang lumikas, umaatras palayo nang palayo paloob ng kalupaan. Sa huli, liliit nang liliit ang mga damuhan, at lalaki nang lalaki ang mga disyerto, at pakaunti nang pakaunti ang mga lugar kung saan makapamumuhay ang mga tao. Kaya, magiging mas mabuti o mas malala ba ang kapaligirang pinamumuhayan ng mga tao? (Mas malala.) Paano nangyari ang resultang ito na kailangan nilang pasanin? Ano ang nagbunsod nito? (Ang pagpatay sa mga lobo.) Nagsimula ito nang pinatay nila ang mga lobo. Isang maliit na di-kapansin-pansing bagay na tulad nito. Kung hindi nauunawaan ng mga tao kung paano sundin ang kaayusang ito, at hindi nauunawaan kung paano protektahan ang kaayusang ito, anong mga kahihinatnan ang magiging resulta sa huli? Malilipol ng mga buhangin ang lahat ng tao. Hindi ba’t isa itong mapaminsalang sakuna? Ang pagpatay sa mga lobo ay isang uri ng pag-uugali, subalit anong disposisyon ang nasa puso nito? Ano ang diwa ng disposisyong ito? Ano ang motibasyon nila sa paggawa nito? Anong mga paraan ng pag-iisip mayroon ang mga tao na nagdudulot ng ganitong uri ng pag-uugali? (Ang kagustuhang supilin ang kalikasan.) Tama iyon, gusto nilang supilin ito. Iniisip ng mga tao na ang mga lobo ang natural na kaaway ng sangkatauhan. Ang mga lobo ay banta sa sangkatauhan at palaging kumakain ng mga tao. Hindi mabuting bagay ang mga lobo. Ganito sinisiraan ng sangkatauhan ang mga lobo, pagkatapos ay sinusubukang supilin ang mga ito at lipulin ang mga ito para wala nang ni isa ang matira sa mga ito. Pagkatapos, makapamumuhay ang mga tao nang komportable at maalwan at hindi na talagang malalagay sa panganib. Ito ay batay sa motibasyong ito na nagsisimulang pumatay ng mga lobo ang mga tao. Ano ang nagdidikta rito? Dinidiktahan ito ng isang mentalidad ng hindi pagtanggap sa pagkatalo. Hindi alam ng sangkatauhan kung paano wastong pamahalaan o gawing pamantayan ang mga lobo, at sa halip ay gusto nilang palaging patayin ang mga ito at lipulin ang mga ito. Gusto nilang baligtarin ang kaayusang ito at gawin itong iba. Ano ang resulta? Nilalamon ng buhangin ang mga tao. Hindi ba’t ito ang nagiging resulta? (Oo.) Ito ang nagiging resulta. Mula sa buong sangkatauhan at sa buong mundo na nilikha ng Diyos, sa isang maliit na sulok ng planeta—na sa mga mata ng Diyos marahil ay hindi mas malaki kaysa sa isang mani—nangyari ang maliit na insidenteng ito, subalit hindi man lang ito makita nang malinaw ng mga tao. Nakikipagkompetensiya pa rin sila sa kalikasan, nakikipagkompetensiya sa Diyos, at hindi tumatanggap sa pagkatalo! Ano ang kahihinatnang idinudulot ng hindi pagtanggap sa pagkatalo? (Pagkawasak.) Idinudulot nila ang sarili nilang pagkawasak! Naroroon na mismo ngayon ang katunayang ito. Pagkatapos mangyari ng kahihinatnang ito, paano ito dapat ayusin ng sangkatauhan? (Hindi nila ito kaya.) Hindi nila ito kayang ayusin. May ilang panlipunang organisasyon at mga tao na may mabubuting puso ang nagsasagawa ng mga gawain para sa pampublikong interes at nananawagan sa mga tao na magpanatili ng isang balanseng ekosistema. Ang motibasyon at katwiran nila sa paggawa nito ay tama, at ang pinananawagan nila ay tama rin. May sinuman bang tumutugon? (Wala.) Hindi rin kumikilos ang pamahalaan—walang pumapansin sa isyung ito. Alam ng mga tao ang ugat ng isyu, subalit pagkatapos nilang tingnan ito nang bahagya bilang mga manonood, iyon na iyon. Pumapatay pa rin sila ng mga lobo tulad nang dati. Sinasabi ng isang tao, “Kung patuloy mo silang papatayin nang ganito, isang araw ay malilibing ka sa buhangin,” subalit sumasagot sila, “Malilibing ako kung gayon. Hindi naman sa ako lang ang malilibing. Ano ang dapat kong katakutan?” Anong disposisyon ito? Isa nang pagiging manhid at kawalan ng pag-iisip; wala silang pagkatao. Sino ang hindi takot mamatay? Kaya paano sila nakapagsasabi ng gayong pabalang na bagay? Hindi sila naniniwalang mangyayari ang ganitong bagay. Iniisip nilang, “Malaki ang daigdig. Maliban sa mga disyerto may mga kabundukan at kagubatan. Mabilis bang masisira ang lahat ng ito? Napakarami pang oras! Pumatay lang kami ng kaunting lobo at naging disyerto ang ilang lugar, at ganito ka na katakot? Kung dapat patayin ang mga ito, dapat nating patayin ang mga ito.” Hindi ba’t kahangalan ito? Pumatay sila ng ilang lobo, at pagkatapos lang ng dalawampu o tatlumpung taong panahon, ang isang kahabaan ng luntiang damuhan ay ganap na nabago. Kung ang mga tao ay magsasaboy ng kaunting buto ng damo sa lupaing ito o magtatanim ng mga halaman na angkop sa pagtubo sa disyerto—kung magagawa nilang baguhin ang kapaligirang ito, magiging pagbawi ito ng sangkatauhan sa kanilang pagkakamali at hindi ito magiging masyadong huli, subalit ganoon ba iyon kasimple sa realidad? Ang kaayusang itinatag ng Diyos ang pinakamainam at pinaka-angkop. Kailangang sundin ng mga tao ang kaayusang ito para mapanatili ang pag-iral ng kalupaan, at para patuloy na makapamuhay rito ang mga hayop, mga halaman, at ang sangkatauhang ito, na partikular na maayos na nagkakasundo ang bawat nilalang, at magkasabay na umiiral sa paraang kapwa mapagpigil at simbiyotiko. Kung mawasak ang isang bahagi nito, maaaring hindi ka makakita ng anumang kahihinatnan sa loob ng sampung taon, subalit pagkatapos ng dalawampung taon kung kailan tunay na mararamdaman mo ang mga kahihinatnan, walang sino man ang makakapagpawalang-bisa nito. Ano ang ipinahihiwatig nito? Na kung hindi gagawa ng malalaking pagbabago ang Diyos, mula sa puntong iyon ang kapaligiran kung saan namumuhay ang mga tao ay lalala lang nang lalala; hindi ito uunlad sa tamang direksiyon. Iyon ang magiging kahihinatnan. Ano ang pinagmulan ng kahihinatnang ito? Ang pinagmulan ay ang mentalidad ng hindi pagtanggap sa pagkatalo na pinupuri ng sangkatauhan, na unang pagpapamalas ng pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo. Sa nakikita ng mga tao, ang pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo ay isang “dakila” at “sagradong” kasabihan, subalit ang unang epekto ng ideya na ibinubunga nito sa sangkatauhan ay ang magdala ng gayong kalaking mga negatibong kahihinatnan sa kanila. Iniisip ng mga tao na, “Hindi ba’t may kaayusan sa natural na mundo? Parang wala lang naman ito sa paningin ko. Hindi ba’t sinasabi ng mga tao na ito ay banal at hindi dapat wasakin? Puwes, sisirain ko ito, at tingnan na lang natin kung ano ang mangyayari!” Ang negatibong kahihinatnan na “tinatamasa” ng sangkatauhan ngayon ay ang huling bagay na gusto nilang makita. Ganito nangyayari ang kahihinatnan ng “tingnan kung ano ang mangyayari”; inilatag ito sa harap ng sangkatauhan para makita nila. Nakita na ng lahat ang mga eksena ng mga “huling panahon.” Hindi ba’t nakuha nila ang nararapat sa kanila? Idinulot nila ito sa sarili nila.
Ang unang pagpapamalas ng pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo ay ang hindi pagtanggap sa pagkatalo. Ano ang mga kahihinatnan na dapat pasanin ng mga tao? Isang mapaminsalang sakuna; inaani nila ang mga negatibong kahihinatnan ng kanilang mga pagkilos—sa karaniwang pananalita nakukuha nila ang hinihingi nila, at nakukuha ang nararapat sa kanila! Ngayon ay alam mo na kung talagang tama ang pariralang ito, at kung ito ang katotohanan, tama? Ang pariralang ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Hindi ito ang katotohanan. Ipagpalagay na sinabing muli ng mga walang pananampalataya, “Mga tao tayo, kaya dapat ay mayroon tayong kaunting lakas. Dapat mayroon tayong katatagan ng loob!” Pinag-isipan mo ito at sinabing, “Sobrang totoo niyan. Bilang mga mananampalataya, palagi nating pinag-uusapan ang tungkol sa pagpapasakop. Hindi ba’t masyadong kulang iyon sa awtonomiya? Hindi ba’t masyadong mahina iyon? Wala tayong katatagan ng loob.” Ganito ka ba mag-isip? Kung tinatanggap mo ang mga bagay na sinabi Ko ngayon, hindi ka kailanman mag-iisip sa ganitong paraan. Sa halip, sasabihin mong, “Wala nang pag-asa ang sangkatauhan. Hindi na kataka-takang kinasusuklaman sila ng Diyos. Lumampas na ang sangkatauhan sa punto na makakausap sila nang may katwiran.” Hindi mo tatanggapin ang ganoong uri ng ideya. Kahit na wala kang naaangkop na kontra-tugon, o hindi naaangkop na makipagdebate ka sa mga taong ito, sa iyong puso alam mong ang kanilang mga pananaw ay tiyak na hindi ang katotohanan. Gaano man kapositibo ang tingin ng mga tao sa ganitong uri ng ideya, at gaano man karaming tao ang nagsusulong nito at nagsasalita tungkol dito, hindi ka maiimpluwensiyahan nito. Sa kabaligtaran, tatalikuran at hahamakin mo ito. Natapos Ko na ang pagbabahagi tungkol sa unang pagpapamalas ng pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo. Nagsimula Ako sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan, paano Ako nalihis ng paksa? Ito ang iniisip Ko: Kung ang nakukuha mo mula sa pagbabahagi Ko ay limitado sa isang depinisyon o konsepto, hindi mo kailanman mauunawaan kung ano ang mga tama at mga hindi tamang bahagi ng ideyang ito. Maguguluhan ka lang—minsan iisipin mo na tama ang ganitong uri ng ideya; minsan iisipin mo na mali ang ganitong uri ng ideya, subalit hindi ka magiging malinaw kung ano ang mali rito o kung ano ang tama rito. Dagdag pa rito, madalas kang magsasagawa nang naaayon sa “prinsipyong” ito, at palaging magiging magulo ang iyong isipan. Kung hindi ka makakikita nang malinaw, hindi mo magagawang pakawalan ang ganitong uri ng ideya. Kung hindi mo magagawang pakawalan ito, kaya mo bang lubos na isagawa ang katotohanan? Kaya mo bang lubos na sambahin at sundin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan? Hindi, hindi nang lubos. Magagawa mo lang na medyo o paminsan-minsang isipin na ang mga salita ng Diyos ay tama o na ang mga salita ng Diyos ay palaging tama, at itinataguyod mo ito sa usaping doktrina. Subalit kung apektado at nababagabag ka pa rin nitong tinatawag na kaalaman, at ng mga salitang ito na tila tunay subalit talagang huwad, ang mga salita ng Diyos ay palaging magiging medyo tama sa iyo, sa halip na maging ang ganap na katotohanan.