Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 228

Agosto 8, 2020

Kapag lumitaw ang maliwanag na buwan, agad mababasag ang katahimikan ng gabi. Bagama’t pilas-pilas ang buwan, masaya ang tao, at nakaupo nang matiwasay sa ilalim ng liwanag ng buwan, hinahangaan ang magandang tanawin sa liwanag ng buwan. Hindi mailalarawan ng tao ang kanyang mga damdamin; para bang nais niyang alalahanin ang nakaraan, para bang nais niyang asamin ang kinabukasan, para bang nasisiyahan siya sa kasalukuyan. May ngiti sa kanyang mukha, at sa gitna ng nakasisiyang simoy ng hangin ay may tumatagos na sariwang bango; nang magsimulang umihip ang marahang simoy ng hangin, naaamoy ng tao ang mabangong halimuyak, at tila nilasing siya rito, at hindi niya magising ang kanyang sarili. Ito ang mismong oras na personal Akong naparito sa tao, at lalong naamoy ng tao ang mabangong halimuyak, at sa gayon ay nabubuhay ang lahat ng tao sa gitna ng halimuyak na ito. Payapa Ako sa tao, nabubuhay ang tao na kasundo Ko, hindi na siya pasaway sa pagtingin niya sa Akin, hindi Ko na tinatabas ang mga kakulangan ng tao, wala nang pagkabalisa sa mukha ng tao, at wala nang banta ng kamatayan sa buong sangkatauhan. Ngayon, sumusulong Ako na kasabay ng tao patungo sa panahon ng pagkastigo, sumusulong na kasabay siya sa Aking tabi. Ginagawa Ko ang Aking gawain, ibig sabihin, hinahampas Ko ng Aking tungkod ang tao at tumatama ito sa bahaging mapaghimagsik sa tao. Sa mga mata ng tao, tila may kakaibang mga kapangyarihan ang Aking tungkod: Sumasapit ito sa lahat ng Aking kaaway at hindi sila madaling pinatatawad nito; sa lahat ng kumokontra sa Akin, ginagampanan ng tungkod ang likas na tungkulin nito; ginagampanan ng lahat ng nasa Aking mga kamay ang kanilang tungkulin ayon sa Aking layunin, at hindi nila nasuway kailanman ang Aking mga naisin o nabago ang kanilang diwa. Dahil dito, raragasa ang mga tubig, guguho ang mga bundok, maglalaho ang malalaking ilog, magbabago palagi ang tao, lalamlam ang araw, magdidilim ang buwan, wala nang mga panahon na mamumuhay sa kapayapaan ang tao, mawawalan na ng katahimikan sa lupa, hindi na muling mananatiling panatag at tahimik ang kalangitan, at hindi na magtatagal. Mapapanibago ang lahat ng bagay at mababawi ang kanilang orihinal na anyo. Magkakawatak-watak ang lahat ng sambahayan sa lupa, at mahahati-hati ang lahat ng bansa sa mundo; mawawala na ang mga panahon na magbabalikan ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Dudurugin Ko ang lahat ng dating nasa lupa. Hindi Ko binibigyan ng pagkakataon ang mga tao na maglabas ng kanilang mga damdamin, sapagkat wala Akong mga damdamin, at natutuhan Kong kamuhian nang sukdulan ang mga damdamin ng mga tao. Dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako naitaboy sa isang tabi, at sa gayon ay naging “iba” Ako sa kanilang paningin; dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako nakalimutan; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya sinasamantala ang pagkakataong kunin ang kanyang “konsensya”; dahil sa mga damdamin ng tao kaya siya laging nanlulupaypay sa Aking pagkastigo; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya Ako tinatawag na hindi patas at hindi makatarungan, at sinasabing hindi Ko iniintindi ang mga damdamin ng tao sa Aking pamamahala sa mga bagay-bagay. May kamag-anak din ba Ako sa ibabaw ng lupa? Sino, katulad Ko, ang nakapagtrabaho na araw at gabi, na hindi iniisip ang pagkain o pagtulog, para sa kapakanan ng buong plano ng Aking pamamahala? Paanong maikukumpara ang tao sa Diyos? Paanong magiging kaayon ng Diyos ang tao? Paano maaaring maging kauri ng tao, na nilikha, ang Diyos, na lumilikha? Paano Ako maaaring manahan at kumilos na kasama ng tao sa lupa? Sino ang nagmamalasakit sa Aking puso? Ang mga dalangin ba ng tao? Sumang-ayon Akong minsan na sumama sa tao at lumakad na kasabay niya—at oo, hanggang sa araw na ito ay nabubuhay ang tao sa ilalim ng Aking pangangalaga at proteksyon, ngunit may araw pa kayang darating kung kailan maihihiwalay ng tao ang kanyang sarili mula sa Aking pangangalaga? Bagama’t hindi nagmalasakit ang tao sa Aking puso kailanman, sino ang patuloy na mabubuhay sa isang lupain na walang liwanag? Dahil lamang sa Aking mga pagpapala kaya nabubuhay ang tao hanggang ngayon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 28

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger