Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 199

Agosto 23, 2020

Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang tinugtog ni David ang lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang kanyang puso ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nawala kay Job ang kanyang kawan na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Kapag naririnig niya ang tinig Ko, si Jehova, at nakikita ang luwalhati Ko, si Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananampalataya. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananampalataya. Nang nakita ni Juan ang maluwalhating larawan ng Anak ng tao, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nakita niya ang pangitain ng mga huling araw, lalo nang lahat ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Ang dahilan kung bakit ang sinasabing karamihan ng mga bansang Gentil ay nakatamo ng Aking paghahayag, at nakaalam na nakabalik na Ako sa katawang-tao upang gawin ang Aking gawain sa gitna ng tao, ay dahil din sa kanilang pananampalataya. Lahat niyaong hinahampas ng Aking malupit na mga salita nguni’t nabibigyang-aliw ng mga iyon at inililigtas—hindi ba nila nagawa ang gayon dahil sa kanilang pananampalataya? Ang mga tao ay nakatanggap ng napakarami dahil sa kanilang pananampalataya, at hindi ito palaging pagpapala. Maaaring hindi nila matanggap ang uri ng kaligayahan at kagalakan na nadama ni David, o mapagkalooban ng tubig ni Jehova kagaya ni Moises. Halimbawa, pinagpala ni Jehova si Job dahil sa kanyang pananampalataya, nguni’t nagdusa rin siya ng sakuna. Kung ikaw man ay pinagpapala o nagdurusa ng sakuna, kapwa itong mga pinagpalang pangyayari. Kung walang pananampalataya, hindi mo matatanggap ang gawaing panlulupig na ito, lalong hindi mamamasdan ang mga gawa ni Jehova na ipinakikita sa harap mo ngayon. Hindi mo magagawang makakita, at lalong hindi mo magagawang tumanggap. Ang mga hagupit na ito, ang mga kalamidad na ito, at ang lahat ng paghatol—kung hindi sumapit sa iyo ang mga ito, magagawa mo bang makita ang mga gawa ni Jehova ngayon? Ngayon, ang pananampalataya ang nagtutulot sa iyo na malupig, at ang pagiging nalupig ang nagtutulot sa iyo na manalig sa bawa’t gawa ni Jehova. Dahil lamang sa pananampalataya kaya ka nakatatanggap ng gayong pagkastigo at paghatol. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ito, ikaw ay nilulupig at pineperpekto. Kung wala ang uri ng pagkastigo at paghatol na tinatanggap mo ngayon, ang iyong pananampalataya ay mawawalan ng kabuluhan, sapagka’t hindi mo makikilala ang Diyos; kahit gaano ka naniniwala sa Kanya, ang iyong pananampalataya ay mananatiling isang hungkag na pagpapahayag na hindi nakasalig sa realidad. Matapos mo lang tanggapin ang gawaing ito ng panlulupig, gawain na gumagawa sa iyo na lubos na masunurin, na ang iyong pananampalataya ay nagiging totoo, at maaasahan, at ang iyong puso ay bumabaling sa Diyos. Kahit na ikaw ay nagdurusa ng matinding paghatol at pagsumpa dahil sa salitang ito, “pananampalataya,” ikaw magkagayunman ay may totoong pananampalataya at ikaw ay tumatanggap ng pinakatunay, pinakatotoo, at pinakamahalagang bagay. Ito ay dahil sa pagpapatuloy lamang ng paghatol na nakikita mo ang huling hantungan ng mga nilalang ng Diyos; sa paghatol na ito mo nakikita na ang Lumikha ay dapat ibigin; sa ganitong uri ng gawaing panlulupig mo namamasdan ang bisig ng Diyos; sa panlulupig na ito ka dumarating sa lubos na pagkaunawa sa buhay ng tao; sa panlulupig na ito mo natatamo ang tamang landas ng buhay ng tao at dumarating sa pagkaunawa sa totoong kahulugan ng “tao”; sa panlulupig na ito mo lang nakikita ang matuwid na disposisyon ng Makapangyarihan sa lahat at ang Kanyang maganda at maluwalhating mukha; sa gawaing panlulupig na ito mo natututunan ang tungkol sa pinagmulan ng tao at nauunawaan ang “walang-kamatayang kasaysayan” ng buong sangkatauhan; sa ganitong panlulupig ka dumarating sa pagkaintindi sa mga ninuno ng sangkatauhan at sa pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan; sa panlulupig na ito ka nakatatanggap ng kaligayahan at kaginhawahan gayundin ng walang-katapusang pagkastigo, pagdidisiplina, at mga pangaral ng Lumikha sa sangkatauhang Kanyang nilikha; sa gawaing panlulupig na ito ka nakatatanggap ng mga pagpapala, gayundin ng mga sakuna na dapat tanggapin ng tao…. Hindi ba ang lahat ng ito ay dahil sa iyong mumunting pananampalataya? Matapos matamo ang mga bagay na ito, hindi ba lumago ang iyong pananampalataya? Hindi ka ba nakatamo ng napakalaking halaga? Hindi mo lamang narinig ang salita ng Diyos at nakita ang karunungan ng Diyos, kundi personal mo ring naranasan ang bawa’t hakbang ng Kanyang gawain. Siguro sasabihin mo na kung wala kang pananampalataya, hindi ka magdurusa ng ganitong uri ng pagkastigo o ganitong uri ng paghatol. Nguni’t dapat mong malaman na kung walang pananampalataya, hindi ka lang hindi makatatanggap ng ganitong uri ng pagkastigo o ganitong uri ng pagkalinga mula sa Makapangyarihan sa lahat, kundi magpakailanmang maiwawala mo ang pagkakataong makatagpo ang Lumikha. Hinding-hindi mo malalaman ang pinagmulan ng sangkatauhan at hindi mauunawaan kailanman ang kabuluhan ng buhay ng tao. Kahit na ang iyong katawan ay mamatay at ang iyong kaluluwa ay yumao, hindi mo pa rin mauunawaan ang lahat ng gawa ng Lumikha, lalong hindi mo malalaman na gumawa ng gayong kadakilang gawain sa mundo ang Lumikha matapos Niyang likhain ang sangkatauhan. Bilang kasapi nitong sangkatauhan na Kanyang ginawa, ikaw ba ay pumapayag na walang-muwang na mahulog sa kadiliman nang ganito at magdusa ng walang-hanggang kaparusahan? Kung ihihiwalay mo ang iyong sarili sa pagkastigo at paghatol ngayon, ano ang iyong kakatagpuin? Sa tingin mo ba na minsang maihiwalay mula sa kasalukuyang paghatol, makatatakas ka sa mahirap na buhay na ito? Hindi ba totoo na kung lilisanin mo ang “lugar na ito,” ang iyong haharapin ay masakit na pagpapahirap o malulupit na pinsalang ipinataw ng diyablo? Maaari ka bang maharap sa di-makayanang mga araw at mga gabi? Sa tingin mo ba dahil lang tinatakasan mo ang paghatol na ito ngayon, magpakailanman mong maiiwasan ang pagpapahirap sa hinaharap? Ano kaya ang darating sa iyo? Ito kaya ang Shangri-La na iyong inaasahan? Sa tingin mo ba ay matatakasan mo ang walang-hanggang pagkastigo sa hinaharap sa pamamagitan lang ng pagtakas sa realidad gaya ng iyong ginagawa ngayon? Pagkatapos ng ngayon, makahahanap ka pa kaya muli ng ganitong uri ng pagkakataon at ganitong uri ng pagpapala? Matatagpuan mo ba ang mga ito kapag dinatnan ka ng sakuna? Matatagpuan mo ba ang mga ito kapag ang buong sangkatauhan ay pumasok na sa kapahingahan? Ang kasalukuyang masaya mong buhay at ang iyong magkaayong munting pamilya—makakahalili ba sila sa iyong walang-hanggang hantungan sa hinaharap? Kung ikaw ay may totoong pananampalataya, at kung marami kang natatamo dahil sa iyong pananampalataya, lahat ng iyan ay ang dapat mo—na isang nilalang—na matamo at gayundin ay ang dapat mong taglay noon pa man. Wala nang mas kapaki-pakinabang sa iyong pananampalataya at buhay kaysa gayong panlulupig.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger