Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 181

Oktubre 23, 2020

Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi kumakatawan sa karanasan ng Kanyang katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay kumakatawan sa kanyang karanasan. Pinag-uusapan ng lahat ang kanilang personal na karanasan. Maipapahayag ng Diyos nang tuwiran ang katotohanan, samantalang maipapahayag lamang ng tao ang karanasang tumutugma sa kanyang pagdanas sa katotohanan. Ang gawain ng Diyos ay walang mga panuntunan at hindi sakop ng panahon o mga limitasyon ng heograpiya. Maipapahayag Niya kung ano Siya kahit kailan, kahit saan. Gumagawa Siya ayon sa gusto Niya. Ang gawain ng tao ay may mga kundisyon at konteksto; kung wala ang mga ito, hindi siya makakagawa at hindi niya maipapahayag ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos o ang kanyang karanasan sa katotohanan. Para masabi kung ang isang bagay ay sariling gawain ng Diyos o gawain ng tao, kailangan mo lamang ikumpara ang mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Kung walang gawaing ginawa ang Diyos Mismo at mayroon lamang gawain ng tao, malalaman mo lamang na ang mga turo ng tao ay mataas, higit sa kakayahan ng iba pa; ang tono ng kanilang pagsasalita, kanilang mga prinsipyo sa pamamahala sa mga bagay-bagay, at kanilang bihasa at matatag na paraan sa paggawa ay hindi kayang abutin ng iba. Hinahangaan ninyong lahat ang mga taong ito na malaki ang kakayahan at mataas ang kaalaman, ngunit hindi ninyo nakikita mula sa gawain at mga salita ng Diyos kung gaano kataas ang Kanyang pagkatao. Sa halip, Siya ay pangkaraniwan, at kapag gumagawa, Siya ay normal at tunay subalit hindi rin masukat ng mga mortal, kaya nga nakadarama ang mga tao ng pagpipitagan para sa Kanya. Marahil ay partikular na maunlad ang karanasan ng isang tao sa kanyang gawain, o partikular na maunlad ang kanyang imahinasyon at pangangatwiran, at ang kanyang pagkatao ay partikular na mabuti; ang gayong mga katangian ay maaari lamang magkamit ng paghanga ng mga tao, ngunit hindi mapupukaw ang kanilang pangingimi at takot. Hinahangaan ng lahat ng tao yaong mga kayang gumawa nang mahusay, na may partikular na malalim na karanasan, at maaaring magsagawa ng katotohanan, ngunit hindi kaya ng gayong mga tao kailanman na pumukaw ng pangingimi, kundi paghanga lamang at inggit. Ngunit ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay hindi humahanga sa Diyos; sa halip, pakiramdam nila ay hindi maaabot at maaarok ng tao ang Kanyang gawain, at ito ay bago at kamangha-mangha. Kapag nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, ang una nilang kaalaman tungkol sa Kanya ay na Siya ay di-maarok, matalino, at kamangha-mangha, at hindi nila namamalayan na nagpipitagan sila sa Kanya at nadarama nila ang hiwaga ng gawaing Kanyang ginagawa, na hindi maunawaan ng isip ng tao. Nais lamang ng mga tao na matugunan ang Kanyang mga kinakailangan, mabigyang-kasiyahan ang Kanyang mga hangarin; ayaw nilang malampasan Siya, dahil ang gawaing Kanyang ginagawa ay hindi abot ng isip at imahinasyon ng tao at hindi magagawa ng tao para sa Kanya. Kahit ang tao mismo ay hindi alam ang sarili niyang mga kakulangan, subalit nagbukas na ang Diyos ng isang bagong landas at naparito upang dalhin ang tao sa mas bago at mas magandang mundo, at sa gayon ay nakagawa ang sangkatauhan ng panibagong pagsulong at nagkaroon na ng bagong simula. Ang nadarama ng tao para sa Diyos ay hindi paghanga, o ang ibig Kong sabihin, hindi lamang paghanga. Ang kanilang pinakamalalim na karanasan ay pangingimi at pagmamahal; ang pakiramdam nila ay na ang Diyos ay talagang kamangha-mangha. Gumagawa Siya ng gawaing hindi kayang gawin ng tao at nagsasabi ng mga bagay na hindi kayang sabihin ng tao. Ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay laging mayroong di-maipaliwanag na damdamin. Ang mga taong may sapat na lalim ng karanasan ay nauunawaan ang pagmamahal ng Diyos; nadarama nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, na ang Kanyang gawain ay napakatalino, lubhang kamangha-mangha, at sa gayon ay nabubuo sa kanila ang walang-hanggang kapangyarihan. Hindi iyon takot o paminsan-minsang pagmamahal at paggalang, kundi isang malalim na pakiramdam ng habag at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Gayunman, ang mga taong nakaranas na ng Kanyang pagkastigo at paghatol ay nararamdaman ang Kanyang pagiging maharlika at na wala Siyang pinalalagpas na pagkakasala. Kahit ang mga taong nakaranas na ng marami sa Kanyang gawain ay hindi Siya maarok; alam ng lahat ng tunay na nagpipitagan sa Kanya na ang Kanyang gawain ay hindi nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao kundi palaging sumasalungat sa kanilang mga kuru-kuro. Hindi Niya kailangang hangaan Siya nang lubusan ng mga tao o magpakita ng pagpapasakop sa Kanya; sa halip, dapat silang magkaroon ng tunay na pagpipitagan at tunay na pagpapasakop. Sa karamihan ng Kanyang gawain, sinumang may tunay na karanasan ay nakadarama ng pagpipitagan sa Kanya, na mas mataas kaysa paghanga. Nakita na ng mga tao ang Kanyang disposisyon dahil sa Kanyang gawain ng pagkastigo at paghatol, at sa gayon ay buong-puso silang nagpipitagan sa Kanya. Ang Diyos ay nararapat pagpitaganan at sundin, dahil ang Kanyang katauhan at Kanyang disposisyon ay hindi kapareho ng sa isang nilalang at mas mataas sa mga nilalang. Ang Diyos ay umiiral nang mag-isa at walang katapusan, at hindi Siya isang nilalang, at ang Diyos lamang ang karapat-dapat na pagpitaganan at sundin; hindi karapat-dapat ang tao para dito. Kaya, lahat ng nakaranas na ng Kanyang gawain at tunay na nakakilala sa Kanya ay nakakaramdam ng pagpipitagan sa Kanya. Gayunman, yaong mga ayaw bumitaw sa kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya—yaong mga talagang hindi Siya itinuturing na Diyos—ay walang pagpipitagan sa Kanya, at bagama’t sumusunod sila sa Kanya, hindi sila nalupig; sila ay likas na masuwaying mga tao. Ang nais Niyang makamtan sa pamamagitan ng paggawa ng gayon ay para lahat ng nilalang ay magkaroon ng pusong nagpipitagan sa Lumikha, sumasamba sa Kanya, at nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan nang walang pasubali. Ito ang huling resultang nais makamit ng lahat ng Kanyang gawain. Kung lahat ng taong nakaranas na ng gayong gawain ay hindi nagpipitagan sa Diyos, kahit kaunti, at kung ang kanilang dating pagsuway ay hindi man lamang nagbabago, siguradong aalisin sila. Kung ang saloobin ng isang tao sa Diyos ay para lamang hangaan Siya o magpakita ng paggalang sa Kanya mula sa malayo, at hindi para mahalin Siya kahit katiting, ito ang resultang naabot ng isang taong walang pusong nagmamahal sa Diyos, at wala sa taong iyon ang mga kalagayan para magawang perpekto. Kung hindi natamo ng napakaraming gawain ang tunay na pagmamahal ng isang tao, hindi pa nakamit ng taong iyon ang Diyos at hindi niya tunay na hinahanap ang katotohanan. Ang isang taong hindi mahal ang Diyos ay hindi mahal ang katotohanan at sa gayon ay hindi makakamit ang Diyos, lalong hindi niya matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang gayong mga tao, paano man nila nararanasan ang gawain ng Banal na Espiritu, at paano man nila nararanasan ang paghatol, ay hindi magawang magpitagan sa Diyos. Ito ay mga taong hindi mababago ang likas na pagkatao at napakasama ng mga disposisyon. Lahat ng hindi nagpipitagan sa Diyos ay aalisin, upang maging mga pakay ng kaparusahan, at maparusahan tulad ng mga gumagawa ng kasamaan, upang magdusa nang higit pa kaysa sa mga nakagawa ng masasamang bagay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger