Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 361

Setyembre 4, 2020

Ang kalikasan ng tao ay ganap na naiiba sa diwa Ko, sapagkat ang tiwaling kalikasan ng tao ay lubos na nagmumula kay Satanas; ang kalikasan ng tao ay naproseso na at nagawa nang tiwali ni Satanas. Iyon ay, nabubuhay ang tao sa ilalim ng impluwensiya ng kasamaan at kapangitan nito. Ang tao ay hindi lumalaki sa isang mundo ng katotohanan o sa isang banal na kapaligiran, at lalo namang hindi nabubuhay ang tao sa liwanag. Samakatuwid, hindi posible para kaninuman na taglayin ang katotohanan sa kanilang kalikasan mula pagkapanganak, at lalong hindi maipapanganak ang sinuman nang may diwang takot at sumusunod sa Diyos. Sa kabaligtaran, nagtataglay ang mga tao ng isang kalikasang lumalaban sa Diyos, sumusuway sa Diyos, at walang pagmamahal para sa katotohanan. Ang kalikasang ito ang problemang nais Kong talakayin—ang pagkakanulo. Ang pagkakanulo ang pinagmumulan ng paglaban ng bawat tao sa Diyos. Ito ay isang problemang umiiral lamang sa tao at hindi sa Akin. May ilang magtatanong: Yamang nabubuhay ang lahat ng tao sa mundo gaya ni Cristo, bakit mayroon ang lahat ng tao ng mga kalikasang nagkakanulo sa Diyos, subali’t si Cristo ay wala? Ito ay isang problemang dapat maipaliwanag sa inyo nang malinaw.

Ang pag-iral ng sangkatauhan ay nababatay sa paulit-ulit na muling pagkakatawang-tao ng kaluluwa. Sa ibang salita, nagtatamo ang bawat tao ng isang pantaong buhay sa laman kapag muling nagkakatawang-tao ang kanilang kaluluwa. Pagkatapos maipanganak ang katawan ng isang tao, nagpapatuloy ang buhay nito hanggang maabot ng laman sa huli ang mga hangganan nito, na siyang pangwakas na sandali, kung kailan nililisan ng kaluluwa ang panlabas nito. Ang prosesong ito ay muli’t muling nauulit, kung saan dumarating at umaalis nang paulit-ulit ang kaluluwa ng isang tao, at sa gayon napapanatili ang pag-iral ng sangkatauhan. Ang buhay ng laman ay ang buhay din ng kaluluwa ng tao, at ang kaluluwa ng tao ang sumusuporta sa pag-iral ng laman ng tao. Na ang ibig sabihin, nagmumula sa kanilang kaluluwa ang buhay ng bawat tao, at hindi likas ang buhay sa laman. Samakatuwid, nanggagaling ang kalikasan ng tao sa kaluluwa, hindi sa laman. Tanging ang kaluluwa ng bawat tao ang nakakaalam kung paano nila naranasan ang mga panunukso, pagpapahirap, at katiwalian ni Satanas. Hindi malalaman ng laman ng tao ang mga bagay na ito. Kaya, di-sinasadyang nagiging padilim nang padilim, parumi nang parumi, at pasama nang pasama ang sangkatauhan, habang palaki nang palaki ang agwat sa pagitan Ko at ng tao, at padilim nang padilim ang buhay para sa sangkatauhan. Ang mga kaluluwa ng sangkatauhan ay hawak ni Satanas sa mga kamay nito, at kaya, siyempre, ang laman ng tao ay nasakop na ni Satanas. Paanong hindi kakalabanin ng laman na tulad nito at ng sangkatauhang tulad nito ang Diyos? Paano sila magiging likas na kaayon Niya? Ang dahilan kung bakit inihulog Ko sa hangin si Satanas ay sapagkat ipinagkanulo Ako nito. Paano, kung gayon, mapapalaya ang mga tao sa pagkakasangkot nila? Ito ang dahilan kung bakit ang pagkakanulo ay kalikasan ng tao. Umaasa Akong sa sandaling maunawaan ninyo ang pangangatwirang ito, magkakaroon din kayo ng paniniwala sa diwa ni Cristo. Ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos ay ang sariling katawang-tao ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay kataas-taasan; Siya ay makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Gayon din, ang Kanyang katawang-tao ay kataas-taasan din, makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Ang katawang-taong tulad nito ay may kakayahan lamang na gawin yaong matuwid at kapaki-pakinabang sa sangkatauhan, yaong banal, maluwalhati, at makapangyarihan; wala Siyang kakayahang gumawa ng anumang lumalabag sa katotohanan, lumalabag sa moralidad at katarungan, at lalong hindi Niya kayang gumawa ng anumang magkakanulo sa Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay banal, at sa gayon ang Kanyang katawang-tao ay hindi magagawang tiwali ni Satanas; ang Kanyang katawang-tao ay may naiibang diwa kaysa laman ng tao. Sapagkat ang tao, hindi ang Diyos, ang siyang ginagawang tiwali ni Satanas; hindi posibleng magagawang tiwali ni Satanas ang katawang-tao ng Diyos. Kaya, sa kabila ng katunayang ang tao at si Cristo ay nananahan sa parehong espasyo, ang tao lamang ang sinasakop, ginagamit, at binibitag ni Satanas. Sa kabaligtaran, si Cristo ay magpasawalang-hanggang hindi tinatablan ng katiwalian ni Satanas, sapagkat kailanman ay hindi makakayanan ni Satanas na umakyat sa lugar ng kataas-taasan, at hindi kailanman makakalapit sa Diyos. Ngayon, dapat ninyong lahat maunawaan na ang sangkatauhan lamang, na nagawa nang tiwali ni Satanas, ang siyang nagkakanulo sa Akin. Ang pagkakanulo ay hindi kailanman magiging isang isyung may anumang kaugnayan kay Cristo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger