Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 572

Oktubre 29, 2020

Lahat ng bagay na dumarating sa bawa’t araw, malaki man o maliit, na kayang yumanig sa iyong pagpapasya, sakupin ang iyong puso, o paghigpitan ang iyong kakayahang gawin ang iyong tungkulin at ang iyong pasulong na pag-unlad ay nangangailangan ng masigasig na pakikitungo; dapat silang siyasating mabuti at hanapin ang kanilang katotohanan. Lahat ng bagay na ito ay nangyayari sa loob ng dako ng karanasan. Bumibitiw sa kanilang mga tungkulin ang ilang tao kapag sumasapit sa kanila ang negatibong kaisipan, at sa bawa’t dagok ay wala silang kakayahang tumayong muli. Lahat ng taong ito ay mga hangal na hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi nila ito makakamtan kahit pa buong buhay silang manampalataya. Paano makasusunod hanggang katapusan ang mga hangal na ito? Kung sampung beses nangyari sa iyo ang isang bagay, nguni’t wala kang nakamtan mula rito, isa kang mababang uri at walang silbing tao. Ang matatalinong tao at yaong may totoong kakayahan na nakakaunawa sa espirituwal na mga bagay ay mga naghahanap ng katotohanan; kung may mangyari man sa kanila nang sampung beses, marahil sa walo sa mga kasong iyon, magagawa nilang magkamit ng kaunting inspirasyon, matuto ng kaunting aral, magtamo ng kaunting kaliwanagan, at makagawa ng kaunting pagsulong. Kapag ang mga bagay ay sampung beses na nangyayari sa isang hangal—isa na hindi naiintindihan ang espirituwal na mga bagay—ni isang beses ay hindi makikinabang ang buhay niya, ni isang beses ay hindi siya babaguhin nito, at ni isang beses ay hindi nito sasanhiin na maunawaan niya ang kanyang kalikasang taglay, at iyon na ang katapusan para sa kanya. Sa tuwing may nangyayari sa kanila, natutumba sila, at sa tuwing natutumba sila, kailangan nila ang iba upang alalayan sila at himukin; kung walang pag-alalay at paghimok, hindi sila makatatayo. Kung sa tuwing may nangyayari, nanganganib silang matumba, at kung, sa bawa’t pangyayari, nanganganib silang mapasama, hindi ba ito katapusan na para sa kanila? May iba pa bang katwiran upang maligtas ang mga ganoong tao na walang silbi? Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay pagliligtas sa mga nagmamahal sa katotohanan, pagliligtas sa bahagi nila na may kalooban at kapasyahan, at sa bahagi nila na naghahangad sa katotohanan at katuwiran sa kanilang puso. Ang kapasyahan ng isang tao ay ang bahagi nila sa kanilang puso na naghahangad sa katuwiran, kabutihan, at katotohanan, at nagtataglay ng konsiyensya. Inililigtas ng Diyos ang bahaging ito ng mga tao, at sa pamamagitan nito, binabago Niya ang kanilang tiwaling disposisyon, upang maunawaan at makamit nila ang katotohanan, upang malinis ang kanilang katiwalian, at mabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kung wala sa loob mo ang mga bagay na ito, hindi ka maliligtas. Kung sa loob mo ay walang pagmamahal sa katotohanan o pagnanais para sa pagkamakatuwiran at liwanag; kung sa tuwing makakatagpo ka ng kasamaan ay wala kang kalooban na itakwil ang masasamang bagay ni kapasyahang dumanas ng paghihirap; kung, bukod dito, manhid ang iyong konsiyensya; kung ang iyong kakayahang tumanggap sa katotohanan ay namanhid din, at ikaw ay di-nakaayon sa katotohanan at sa mga pangyayaring dumarating; at kung sa lahat ng bagay ay hindi ka nakakaintindi, at hindi mo kayang pangasiwaan o lutasin ang mga bagay-bagay nang mag-isa, kung gayon ay walang paraan upang maligtas ka. Ang ganitong tao ay walang anumang mairerekomenda sa kanila, walang anumang sulit na pagsikapan. Ang kanilang konsiyensya ay manhid, ang kanilang isip ay maputik, at hindi nila minamahal ang katotohanan ni hinahangad ang katuwiran sa kaibuturan ng kanilang puso, at gaano man kaliwanag o kalinaw ang paghahayag ng Diyos ng katotohanan, hindi sila tumutugon, na para bang sila ay patay na. Hindi ba tapos na ang mga bagay-bagay para sa kanila? Ang isang taong may natitira pang hininga ay maaari pang mailigtas sa pamamagitan ng artipisyal na paghinga, nguni’t, kung siya ay pumanaw na at lumisan na ang kanyang kaluluwa, walang magagawa ang artipisyal na paghinga. Kung, sa tuwing may kinakaharap kang problema, umuurong ka rito at sinusubukang iwasan ito, nangangahulugan ito na hindi ka pa nagpapatotoo; kung gayon, kailanman ay hindi ka maliligtas, at ganap na ang katapusan mo. Kapag nagkakaroon ka ng problema, kailangan mong kumalma at harapin ito nang tama, at kailangan mong magpasiya. Dapat mong matutuhang gamitin ang katotohanan para lutasin ang problema. Sa normal na mga panahon, ano ang silbi ng pag-unawa sa ilang katotohanan? Hindi iyon para busugin ka, at hindi lamang para mayroon kang masabi, ni hindi para lutasin ang mga problema ng iba. Ang mas mahalaga, ang silbi niyon ay para lutasin ang sarili mong mga problema, sarili mong mga paghihirap—pagkatapos mong lutasin ang sarili mong mga paghihirap, saka mo lamang malulutas ang mga paghihirap ng iba. Bakit sinasabing si Pedro ay isang bunga? Sapagka’t may mahahalagang bagay na nasa kanya, mga bagay na sulit gawing perpekto; desidido siyang hanapin ang katotohanan at matatag ang kalooban; siya ay may katinuan, nakahandang dumanas ng paghihirap, at minahal ang katotohanan sa kanyang puso, at hindi niya binitawan ang mga pangyayari. Magagandang katangian ang lahat ng ito. Kung wala ka ng magagandang katangian na ito, isa itong malaking problema. Ikaw ay walang kakayahang makaranas at walang karanasan, at hindi mo kayang lutasin ang mga paghihirap ng iba. Ito ay dahil hindi mo alam kung papaano pumasok. Ikaw ay nalilito tuwing mayroong nangyayari sa iyo; ikaw ay nababalisa, umiiyak, nagiging negatibo, tumatakas, at, anuman ang gawin mo, wala kang kakayahang mapangasiwahan sila nang tama.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger