Sa Pag-unawa Lamang sa Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos (Ikalawang Bahagi)

Maraming tao ang may mga kuru-kuro tungkol sa pagkakapalayas ng mga Hudyo mula sa Judea, pero maaaring magtamo ng kaliwanagan ang mga taong naghahanap ng katotohanan mula sa pangyayaring ito. Kung may kakayahan ang isang tao na makaunawa, maipapakita ng pangyayaring ito sa kanya na hindi nangungunsinti ng paglabag ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Pero walang kakayahan ang ilang tao na makaunawa. Kung nararamdaman nilang hindi tumutugma sa kanilang mga kuru-kuro ang ginawa ng Diyos, dapat muna silang sumang-ayon na matuwid ang Diyos, at na hindi nangungunsinti ng paglabag ang Kanyang disposisyon; tiyak ito. Pagkatapos, dapat silang manalangin at hanapin ang katotohanan, at tingnan kung ano ang nagawa ng mga Hudyo para malabag ang disposisyon ng Diyos at matanggap ang Kanyang matinding galit. Sa ganitong paraan lamang lubusang malulutas ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro, mauunawaan ang disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng pangyayaring ito, at magpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Hindi madali para sa mga tao na maunawaan ang katotohanan. Kahit nagtamasa ka pa noon ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, o nakagawa ka ng gawain sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang patnubay at atas, o kung may mga bagay kang inihandog, o may tinalikuran kang isang bagay—kahit pa ang tingin sa iyo ng mga tao ay may naiambag ka, hindi mo dapat tingnan ang mga bagay na ito bilang kapital sa anumang paraan. Iyon ang unang bagay. Ang pangalawang bagay ay na hindi mo kailanman dapat tingnan ang mga bagay na ito bilang alas na magagamit mo laban sa Diyos at magagamit para idikta kung paano ka Niya tatratuhin. Ang pinakamahalagang bagay ay na kapag hindi tumutugma sa iyong mga kuru-kuro ang mga salita at saloobin ng Diyos patungkol sa iyo, o kung tila wala itong pakiramdam para sa iyo, hindi mo Siya dapat labanan o salungatin. Ito ang pangatlong bagay. Magagawa ba ninyo ang tatlong bagay na ito? Tumutukoy ang tatlong bagay na ito sa realidad. Madali ba para sa mga kalagayang ito na mangyari sa mga tao? (Oo, madali lang.) Bakit nangyayari ang mga kalagayang ito sa mga tao? Bakit kusang nagpapamalas ang mga ito sa ganitong paraan? Pinamamahalaan ng Diyos ang buong sangkatauhan, at kataas-taasang naghahari sa lahat ng bagay, pero tinitingnan ba ng Diyos ang mga bagay na ito bilang kapital? Inaangkin ba ng Diyos ang kapurihan para dito? Ipinapamalas ba ng Diyos ang Kanyang sarili sa pagsasabing, “Ginawa Ko ang lahat ng magagandang bagay na ito para sa inyo. Bakit hindi ninyo Ako pasalamatan?” (Hindi, hindi Niya ito ginagawa.) Wala sa isip ng Diyos ang mga bagay na ito. Kaya bakit inaasahan ng tao na purihin siya ng Diyos para sa bawat munting bagay na isinusuko o ginugugol niya, o sa bawat munting kontribusyon na ginagawa niya? Bakit ipinapamalas at ipinapakita ng tao ang kanyang sarili sa ganitong paraan? Simple lang ang sagot. Ito ay dahil tiwali ang disposisyon ng tao. Bakit hindi ipinapamalas o ipinapakita ng Diyos ang Kanyang sarili sa ganitong paraan? Ito ay dahil ang diwa ng Diyos ay katotohanan, at ang katotohanan ay banal. Ito ang kasagutan. Ipinapamalas at ipinapakita ng mga tao ang kanilang sarili sa ganitong paraan dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Malulutas ba ang problemang ito? Kaya bang lutasin ng tatlong bagay na kababanggit Ko lang ang problemang ito? (Oo, kaya ng mga ito.) Walang madaling isagawa sa tatlong bagay na nabanggit Ko, pero may isang solusyon. Matapos marinig ang tatlong bagay na ito, maaaring isipin ng mga tao na, “Hindi tayo pinapayagang gawin ito, at hindi tayo pinapayagang gawin iyon. Dapat ay mga walang-utak na puppet lang tayo.” Ganito ba dapat? (Hindi, hindi dapat ganito.) Kung gayon, ano dapat? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo, hindi ka hinahayaan ng Diyos na gawin ang mga bagay na ito dahil para ito sa sarili mong proteksyon. Ito ang unang bagay. Ang pamamaraan mo ng paghahangad ay hindi nakaayon sa katotohanan, at hindi ito ang tamang landas. Huwag mo nang ulitin ang mga pagkakamali ng mga taong nauna sa iyo. Kung itinuturing mong kapital at mga chip na mapapalitan mo ng pera ang mga bagay na isinusuko at ginugugol mo, at pagkatapos, kapag tila walang konsiderasyon sa iyo ang saloobin ng Diyos ay kinakalaban mo Siya, kung gayon, ang saloobin mo ay hindi nakaayon sa katotohanan, wala itong pagkatao, at hindi ito tama. Kahit may isang libong dahilan ka pa, mali pa rin ang saloobin mo; hindi ito kaayon ng katotohanan sa anumang paraan, at nauuwi lang ito sa paglaban sa Diyos. Hindi ito ang saloobing dapat mayroon ang isang tao. Ito ang pangalawang bagay. Ang pangatlong bagay ay na kung panghahawakan mo ang ganitong saloobin, hindi mo kailanman mauunawaan o matatamo ang katotohanan. Hindi lamang sa hindi mo matatamo ang katotohanan, pero idudulot mong mawalan ka; mawawalan ka ng dignidad at tungkulin na mayroon dapat ang isang nilikha. Kung iniisip mo na, “Maninindigan ako sa aking saloobin, at walang magagawa ang sinuman tungkol dito! Naniniwala akong tama ako, kaya paninindigan ko ang iniisip ko. Makatwiran ang mga ideya ko, kaya paninindigan ko ang mga ito hanggang sa huli!” ang hindi matitinag na paninindigan sa isang bagay ay hindi mo pakikinabangan sa anumang paraan. Hindi babaguhin ng Diyos ang Kanyang saloobin dahil lang sa iyong paninindigan o dahil patuloy mong pinanghahawakan ang isang bagay. Sa madaling salita, hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang saloobin dahil lang sa pinaninindigan mo ang sa iyo. Bagkus, katumbas ng iyong paghihimagsik at walang-tigil na paglaban ang magiging saloobin sa iyo ng Diyos. Ito ang pang-apat, at pinakamahalagang bagay. May anumang bagay ba kayong hindi nauunawaan tungkol sa apat na bagay na ito? Mayroon bang anuman sa mga bagay na nabanggit Ko ang mga walang kabuluhan lang na salita na hindi akma sa totoong kalagayan ng tao, at hindi nakatutulong sa praktikal na bahagi ng buhay ng tao? (Wala, kapaki-pakinabang ang lahat ng ito.) Mayroon bang anuman sa mga bagay na ito ang mga walang kabuluhang teorya lamang, sa halip na mga landas sa pagsasagawa? (Wala.) Kapaki-pakinabang ba ang apat na bagay na ito hinggil sa kung paano dapat pumasok ang mga tao sa mga katotohanang realidad sa kanilang pang-araw-araw na buhay? (Oo.) Kung malinaw ang pagkaunawa ninyo sa apat na bagay na ito, isinasagawa ninyo ang mga ito, at pinagdaraanan ang mga ito, mananatiling normal ang kaugnayan mo sa Diyos. Poprotektahan ka ng apat na bagay na ito sa panahon ng iba’t ibang tukso, o kapag nahaharap ka sa iba’t ibang uri ng mga tao, pangyayari, at bagay. Kapag nasa kalagayan kang mapaghimagsik, alalahanin mo ang mga aspetong ito ng katotohanan, ikumpara mo ang iyong sarili sa mga ito, at magsagawa nang naaayon dito. Kung, sa una, hindi mo magawang isagawa ang mga ito, dapat kang manalangin, at kasabay nito ay kilalanin mo kung bakit kumilos nang ganoon ang Diyos. Dapat mo ring pagnilay-nilayan at kilalanin kung anong mga tiwaling kalagayan at pagpapakita ang mayroon ka na nagiging dahilan kung bakit hindi mo magawang magsagawa o magpasakop. Kung magagawa mong hanapin ang katotohanan sa ganitong paraan, mananatiling normal ang iyong kalagayan, at natural kang makapapasok sa mga katotohanang realidad na ito.

Ano pa man ang isyu, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, kikilos ka batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon, o hindi kaya ay susuway at lalaban. Ito ay isandaang porsiyentong tiyak. Minsan, kung titingnan, maaaring hindi mukhang lumalaban ka sa Diyos, gumagawa ng masasamang bagay, o nagdudulot ng pagkagambala o kaguluhan, ngunit hindi iyan nangangahulugan kaagad na naaayon sa katotohanan ang mga kilos mo. Minsan, maaaring kumikilos ka batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon, at bagama’t maaaring hindi ito lumilikha ng kaguluhan o nagdudulot ng pinsala, hangga’t hindi ito naaayon sa katotohanan, ang mga kilos mo ay salungat sa kalooban ng Diyos. May iba pang pagkakataon kung kailan maaaring mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos sa iyong isip. Kahit na hindi mo kailanman binibigkas ang mga iyon, pinanghahawakan mo ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito sa loob mo, iniisip na dapat gawin ng Diyos ang ganito o ganoon, at dinidiktahan kung paano Siya dapat kumilos. Wala kang ginagawang mali sa panlabas, ngunit sa loob, ikaw ay nasa isang kalagayan ng tuloy-tuloy na paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Halimbawa, katatalakay Ko pa lang ang tungkol sa pagkakaroon ng mga kuru-kuro at mapaglimitang depinisyon tungkol sa pagmamahal ng Diyos. Kahit pa hindi naging dahilan ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo upang makagawa ka ng anumang kaguluhan o pagkagambala sa gawain ng Diyos, pinatutunayan ng kalagayan mo na palaging nililimitahan at hindi nauunawaan ng iyong puso ang Diyos. Ano ang masasabi natin tungkol dito? Na patuloy mong nilalabanan ang Diyos. Hindi ba’t katotohanan ang sinasabi Ko? (Oo, katotohanan nga.) Kung darating ang araw na may mangyayaring katulad ng pagpapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea, magiging dahilan ang mga kuru-kuro mo para hindi ka makapagsabi ng “Amen” sa mga kilos ng Diyos, o magkaroon ng pagpupuri, takot, o pagsunod bilang tugon sa mga kilos ng Diyos. Sa halip, magkakamali ka ng pagkaunawa, magrereklamo ka at bahagya pang lalaban sa Diyos sa iyong puso. Sa kaibuturan ng puso mo, sasabihin mo sa Kanya, “O Diyos, hindi Mo dapat ginawa iyon. Napakawalang konsiderasyon nito! Paano Mo nagawang tratuhin nang ganito ang Iyong mga nilikha? Paano Mo nagawang tratuhin nang ganito ang Iyong hinirang na mga tao? Hindi ko na maawit ang mga pagpupuri para sa Iyo o mapalakpakan ang Iyong mga kilos pagkatapos kong makita ang mga ginawa Mo. Naghihirap ang kalooban ko at namamanglaw ako, na para bang hindi ko masasandalan ang Diyos na sinasamba ko nang walang pasubali. Hindi ganito ang Diyos na sinasampalatayanan ko. Hindi dapat tratuhin nang ganito ng Diyos na sinasampalatayanan ko ang Kanyang mga nilikha. Hindi ganito kawalang-awa o kalupit ang Diyos na sinasampalatayanan ko. Tinatrato ng Diyos na sinasampalatayanan ko ang mga tao nang banayad at maingat, na parang mga sanggol, ipinararamdam sa kanila na labis silang pinagpala at puno ng pagmamalasakit, hindi malamig o walang pakialam gaya ngayon.” Kapag ang mga panaghoy na ito ay nanggagaling sa kaibuturan ng puso mo, hindi mo tinitingnan ang mga totoong pangyayaring nasa harapan mo bilang gawain ng Diyos. Hindi mo ito inaamin o sinasabi ang “Amen,” ni hindi mo ito pinupuri. Kaya nga, ang mga emosyon at kalagayan mo ba ay mga emosyon at kalagayan ng pagsunod sa Diyos, o pagsalungat? (Pagsalungat.) Kitang-kita naman na hindi ito tunay na pagsunod. Walang pagsunod dito, tanging sama ng loob, pagsalungat, pagsuway, at pati galit. Ganito ba dapat ang saloobin ng isang nilikha sa Lumikha sa kanya? Hindi, hindi dapat ganito. May taliwasan sa iyong puso; iniisip mong, “Kung ang Diyos ang gumawa nito, bakit hindi sang-ayon ang puso ko? Bakit hindi ito tinatanggap ng karamihan ng tao? Bakit ang Kanyang mga kilos ay walang konsiderasyon sa tao, at bakit puno ito ng dugo at patayan?” Sa sandaling iyon, magkataliwas at magkasalungat ang Diyos na nasa puso mo at ang Lumikha na aktuwal na umiiral sa totoong buhay, hindi ba? (Oo, gayon nga.) Kaya sa aling Diyos ka dapat manampalataya? Sa sandaling ito, dapat mo bang piliing manampalataya sa Diyos ng mga kuru-kuro sa kaibuturan ng iyong puso, o sa Diyos na gumagawa ng mga totoong kilos sa mismong harapan mo? (Sa Diyos na gumagawa ng mga totoong kilos sa mismong harapan namin.) Kung pag-uusapan ang mga pansarili nilang kagustuhan, handang-handa ang mga tao na manampalataya sa Diyos na gumaganap ng mga totoong kilos sa mismong harapan nila, ngunit dahil sa mga kuru-kuro, makasariling hangarin, at emosyon ng mga tao, pinipili nilang pagtakpan ang Diyos na nasa puso nila, at pilitin ang kanilang sarili na tanggapin ang Diyos na gumaganap ng mga totoong kilos sa mismong harapan nila. Gayunpaman, sa kaibuturan ng puso nila, hindi pa rin nila magawang tanggapin ang lahat ng katunayan ng kung ano ang ginagawa ng Lumikha; patuloy nilang ikinukubli ang kanilang sarili at namumuhay sa sarili nilang munting mundo, walang pagod na nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa Diyos ng kanilang imahinasyon, samantalang palaging tila malabo ang totoong Diyos. May mga tao pa ngang nag-iisip na, “Sana ang tunay na Diyos ay hindi umiiral. Ang Diyos ko ay ang Diyos na iniisip ko sa aking puso, na puno ng pagmamahal at ipinadarama sa mga tao ang Kanyang pagmamalasakit. Siya ang totoong Diyos. Ang praktikal na Diyos ay hindi ang Diyos na inakala ko, dahil nadidismaya ako sa mga bagay na ginagawa Niya at wala akong nadaramang anumang malasakit mula sa Kanya. Partikular, hindi ko mapalampas kung paanong napakaraming tao ang kinokondena at pinapalayas ng Kanyang paghatol at pagkastigo.” Anong uri ng tao ang nagsasabi nito? Ito ang sinasabi ng mga walang pananampalataya, at ng mga hindi tumatanggap sa katotohanan. Ito ang iba’t ibang kalagayan na nangyayari sa mga tao kapag hindi nila nauunawaan ang mga gawain ng Diyos, at kapag may taliwasan sa pagitan ng kung ano ang inaakala nila at kung ano ang aktuwal na ginagawa ng Diyos. Kaya, paano nangyayari ang mga kalagayang ito? Sa isang banda, may mga tiwaling disposisyon ang mga tao; at sa kabilang banda, kapag may nangyayari at hindi tumutugma ang mga katunayan sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, sinisira ang kanilang ilusyon, dinudurog ang kanilang pangarap, at ipinararamdam sa kanila na hindi maaaring matugunan ang kanilang layon at pagnanais na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang ipinapasya nilang gawin sa huli? Tumakbo palayo, magkompromiso, o magmatigas ng loob. Iniiwasan pa nga ng ilang tao na pumili, at sinasabing, “Tatanggapin ko ang magkabilang panig. Ang Diyos na nasa puso ko sa simula ay Diyos at pagmamahal. At ang Diyos na gumagawa ng mga dakilang gawa at nagpapamalas ng Kanyang awtoridad sa mismong harapan ko ay Diyos din. Tatanggapin ko pareho, at wala akong isusuko kahit isa man sa kanila.” Madalas na namumuhay ang mga tao sa ganitong uri ng kalagayan, na iniiwasan nilang mamili. Madalas na napapaisip ang mga tao tungkol sa Diyos. Paroo’t parito sila, ginugugol ang kanilang sarili, naghahandog, at gumagawa para sa malabong Diyos na ito. Magbabayad sila ng anumang halaga upang magampanan ang kanilang mga tungkulin, kahit ibuwis pa nila ang sarili nilang buhay at isakripisyo ang lahat ng mayroon sila. Kahit gaano pa kumilos ang mga tao, o kahit ano pang mga kalagayan ang lumilitaw sa kanila, mabuti ba o masama ang mga kilos ng mga tao sa paningin ng totoong Lumikha kapag may ganitong Diyos sa kanilang isip? Pagsunod ba ito o paglaban? Malinaw na hindi mabubuting gawa ang mga ito at hindi karapat-dapat na gunitain. Inihahayag din nito na hindi tunay na sumunod ang mga tao o inialay ang kanilang sarili; bagkus, puno sila ng paglaban, paghihimagsik, at pagsalungat. Dahil nga sa ang mga tao ay may ganitong mga kalagayan, at madalas na namumuhay sa ganitong mga kalagayan, na kapag nagigising ang mga tao mula sa kanilang panaginip at namumuhay sa totoong mundo, napagtatanto nilang hindi nagagawang matugunan ng mga kilos ng Diyos sa totoong buhay ang kanilang mga pangangailangang sikolohikal at espirituwal. Bagkus, ang Kanyang mga kilos ay nagiging sanhi upang masaktan ang mga tao sa iba’t ibang paraan, ipinaparamdam sa kanila na wala Siyang malasakit sa iba’t ibang paraan, at walang konsiderasyon sa tao sa iba’t ibang paraan. May ilang tao pa nga na nagdududa, na sinasabing, “Ang Diyos ba ay pagmamahal? Mahal pa ba Niya ang mga tao? Sinasabi nito na nagmamalasakit ang Diyos para sa tao at minamahal ito gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang sarili. Saan mo nakikita iyon? Bakit hindi ko ito nakita kailanman?” Problema ito! Madalas na namumuhay ang mga tao sa ganitong mga kalagayan, na nagsasanhi upang lalong tumindi ang taliwasan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at lalong lumaki ang agwat sa pagitan nila. Kapag nakikita ng mga tao ang Diyos na may ginagawang umaakma sa kanilang mga kuru-kuro, naiisip nila, “May napakatinding ginawa ang aking Diyos. Siya ang Diyos na talagang gusto kong sampalatayanan. Siya lamang ang Diyos ko. Handa akong maging nilikha Niya. Siya lamang ang aking Manlilikha.” Gayunpaman, kapag lumilitaw ang mga paghihirap, pagiging pasibo, o kahinaan sa araw-araw nilang pamumuhay, at ang Diyos na iniisip nila ay hindi sila natutulungan o hindi natutugunan ang kanilang mga pangangailangan sa lahat ng oras, humihina o naglalaho pa nga ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Ano ang nagsasanhi sa lahat ng kalagayang ito na mayroon ang mga tao, at sa lahat ng paraan kung paano sila kumikilos at kung paano nila ipinapakita ang kanilang sarili? Ito ay dahil hindi talaga nauunawaan ng mga tao ang Lumikha. Hindi mo Siya nauunawaan; iyon lang ang dahilan. Ito ang ugat ng lahat ng taliwasan, agwat, at maling pagkaunawa sa pagitan ng tao at ng Diyos. Kung gayon, paano nilulutas ng mga tao ang problemang ito? Una, dapat nilang lutasin ang kanilang mga kuru-kuro. Pangalawa, dapat maranasan, pagdaanan, hanapin, at pagnilayan ng mga tao ang bawat bagay na ginagawa ng Diyos sa kanila, at makarating sa punto kung saan magagawa nilang ganap na magpasakop sa bawat pagsasaayos na inilalatag ng Diyos para sa kanila, at sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay na pinangangasiwaan ng Diyos para sa kanila. Ano ang layon ng pagpapasakop? Upang makilala at maunawaan ang lahat ng katotohanang ito.

Nalalaliman ba kayo sa paksang katatapos lang natin pagbahaginan? Kaya ba ninyong maunawaan ito? Naiintindihan ba ninyo ito? (Oo, naiintindihan namin.) Dapat magawa ninyong maunawaan ito sa teorya, pero nangangahulugan bang kapag nauunawaan ninyo ito sa teorya ay nauunawaan at tinatanggap na rin ninyo ang katotohanan? (Hindi ganoon iyon.) Kaya ano ang maituturing na pagkunawa at pagtanggap sa katotohanan? Dapat ay madalas ninyong suriin ang inyong sarili sa pang-araw-araw ninyong buhay, pero ano ang dapat ninyong suriin? (Suriin kung mayroon ba kami ng mga kalagayan, o kung ipinapakita ba namin ang aming sarili sa mga paraan na gaya ng sinasabi ng Diyos, at kung anong mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ang mayroon ang mga tao tungkol sa Diyos.) Tumpak. Dapat mong suriin ang mga bagay na ito; suriin kung anong katiwalian ang ipinapakita mo, at kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang mayroon ka. Sinasabi ng ilang tao na hindi nila magawang suriin ang kanilang sarili. Madaling nalulunasan iyon sa pamamagitan ng pagtingin muna sa iba. Sinasalamin ng ibang tao ang iyong sarili. Kapag nakikita mong nagpapakita ang mga tao ng mga partikular na disposisyon o kalagayan, baligtarin mo ito, suriin mo ang iyong sarili, at ikumpara ang iyong sarili; tingnan kung mayroon kang ganito ring mga kuru-kuro at imahinasyon, at kung nasa ganoon ka ring kalagayan. Kung nasa ganoon ka ring kalagayan, ano kung gayon ang dapat mong gawin tungkol dito? Dapat mo bang ilantad ang iyong sarili at masusing suriin ang mga bagay na ito, o panghawakan ang mga ito at hintaying “mamukadkad at magbunga” ang mga ito? (Dapat naming ilantad ang aming sarili at masusing suriin ang mga ito.) Dapat ninyong ilatag ang mga bagay na ito at masusing suriin ang mga ito nang sa gayon ay makinabang ang lahat, upang sa pamamagitan nito, tumpak na makikilala ng lahat ang mga tiwaling kalagayan, mauunawaan ang katotohanan, makahahanap ng daan palabas, at sama-samang malulutas ang mga ganitong uri ng mga problema. Ano ang saysay ng masusing pagsusuri sa mga kuru-kuro at sa mga pasibo at negatibong kalagayan? (Upang makahanap ang mga tao ng daan palabas sa kanilang mga kuru-kuro at pasibong kalagayan.) At ano naman ang saysay ng paghahanap ng daan palabas? Para matamo ang katotohanan. Kaya nga itinatama ang iyong mga kuru-kuro ay para makilala mo na mali ang mga ito, at na hindi ito mga bagay na dapat mong taglayin. Dapat mong bitiwan ang mga ito, hindi kumapit sa mga ito. Pagkatapos, aktibo mong hanapin kung ano ang tama, kung ano talaga ang mga positibong bagay, at kung ano talaga ang katotohanan. Kapag tinatanggap mo ang mga positibong bagay at ang katotohanan, at tinatrato ang mga ito bilang mga prinsipyo ng pagsasagawa, pag-iisip, at mga perspektiba na dapat mong taglayin, kung gayon, may pagbabago, at matatamo mo ang katotohanan. Kaya, paano dapat tingnan ng mga tao ang pagkakapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea batay sa mga katotohanang ito? Anong karaniwang kuru-kuro ang mayroon ang mga tao tungkol sa pangyayaring ito? (Na hindi dapat pinalayas ng Diyos ang mga Hudyo mula sa Judea, at na pinrotektahan dapat Niya ang mga Hudyo. Na kahit gaano pa sila lumaban sa Kanya, at sa kabila ng katunayang ipinako nila Siya sa krus, pinawalang-sala dapat Niya sila habambuhay, at na ito lamang ang pagmamahal ng Diyos.) Ito ang mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba’t kalokohan ang mga ito? Kung kumilos ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, mananatili kayang matuwid ang Kanyang disposisyon? Bagamat masama ang loob ng mga tao tungkol sa pagkakapalayas sa kanila, sobra na ang naging paglaban at pagkondena nila sa Diyos; wala nang ipinagkaiba ang kanilang mga kilos sa kilos ni Satanas, kaya paanong hindi magagalit ang Diyos tungkol dito? Hindi matanggap ng ilang tao ang katotohanan, at iniisip na, “Paano nagawang tratuhin ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan? Hindi kayang tanggapin ng mga tao ang ganitong uri ng pagmamahal, sobrang wala itong konsiderasyon sa kanila! Parang hindi ito pagmamahal. Walang pagmamahal ang Diyos kung ganito Niya tinatrato ang mga Hudyo.” Itinatatwa nito ang pagmamahal ng Diyos, at kuru-kuro ito ng tao. Ano ba ang kuru-kuro ng tao? (Nililimitahan ng tao ang kanyang depinisyon ng pagmamahal ng Diyos.) Oo, kapag nililimitahan ng mga tao ang kanilang depinisyon ng isang bagay, isa itong kuru-kuro, at hindi ito alinsunod sa katotohanan, ni hindi ito isang katotohanan. Anong depinisyon ang nilimitahan ng mga tao? Nilimitahan nila ang kanilang depinisyon ng kung paano gumagawa ang Diyos; iniisip nilang dapat gumawa ang Diyos sa mga partikular na paraan para masabing gawain ito ng Diyos, at na ito ang mga paraan kung paano Siya dapat gumawa. Limitado ang depinisyon ng mga tao ng kung paano gumagawa ang Diyos, at ang limitadong depinisyong ito ay ang kanilang kuru-kuro. Kaya, anong uri ng depinisyon ang mayroon ang mga tao tungkol sa paraan ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay? Anong mayroon sa kanilang depinisyon na nagiging dahilan para madismaya sila sa ikinilos ng Diyos sa sitwasyong ito, at para magkaroon sila ng maling pagkaunawa at kalabanin nila Siya? (Iniisip ng mga tao na pinagkalooban dapat ng Diyos ng masaganang biyaya at mga pagpapala ang mga Hudyo, pero sa halip, kumilos Siya nang labas sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito, at labas sa kanilang mga inaasahan; pinalayas Niya ang mga Hudyo at itinulot na magpalaboy-laboy sila sa mundo. Hindi ito nauunawaan ng mga tao, at nagbunga ito ng mga matibay na kuru-kuro.) Maraming tao ang may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa mga ikinilos ng Diyos sa mga Hudyo. Sa madaling salita, hindi komportable ang mga tao sa mga ikinilos ng Diyos at iniisip nilang hindi Siya dapat kumilos nang ganoon. Kuru-kuro ba ito? (Oo.) Kung gayon, kapag iniisip ng mga tao na hindi “dapat” ginawa ng Diyos ang ginawa Niya, hindi ba iyon paglilimita sa kanilang depinisyon ng mga ikinilos ng Diyos? Paano mo naman nalaman na hindi dapat kumilos nang ganito ang Diyos? Ano ang batayan mo sa pagsasabing hindi dapat kumilos ang Diyos nang ganito? Kung iniisip mong hindi Niya ito dapat ginawa, pero ginawa Niya, ibig bang sabihin ay hindi Diyos ang Diyos? Ibig bang sabihin ay mali ang ginawa ng Diyos, at hindi iyon nakaayon sa katotohanan? Hindi ba’t nagiging hangal ang tao sa bagay na ito? Ang tao ay sobrang hangal at mangmang, mapagmataas at mapagmagaling; napakadaling bagay para sa kanya na bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at limitahan ang kanyang depinisyon ng Diyos. Napakapanganib kung hindi kayang tanggapin ng mga taong kagaya nito ang katotohanan, at malamang talagang matiwalag sila.

Maraming tao ang may mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa pagkakapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea, at hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, pero isa itong problema na napakadaling ayusin. Sasabihin Ko sa inyo ang isang simpleng paraan para gawin ito. Makinig kayo, at tingnan kung masosolusyunan nito ang mga paghihirap ninyong ito. Ang pinakasimpleng paraan, unang-una na ay ang malaman ng mga tao na sila ay mga nilikha, at na ganap na likas at may katwiran na sundin ng mga nilikha ang Lumikha sa kanila. Kung palaging may mga kuru-kuro ang mga nilikha patungkol sa kanilang Lumikha at hindi nila magawang magpasakop sa Kanya, kung gayon ay magiging napakalaking pagsuway niyon. Dapat maunawaan ng mga tao na may isang pangunahing prinsipyo sa pagtrato sa mga nilikha ang Lumikha, na siya ring pinakamataas na prinsipyo. Kung paano tratuhin ng Lumikha ang mga nilikha ay lubos na nababatay sa Kanyang plano ng pamamahala at sa Kanyang mga hinihingi sa gawain; hindi Niya kailangang sumangguni kaninuman, ni hindi Niya kailangang pasang-ayunin sa Kanya ang sinuman. Anuman ang dapat Niyang gawin at paano man Niya dapat tratuhin ang mga tao, ginagawa Niya, at, anuman ang Kanyang ginagawa o paano man Niya tinatrato ang mga tao, lahat ng ito ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sa mga prinsipyo ng paggawa ng Lumikha. Bilang isang nilikha, ang tanging dapat gawin ay magpasakop sa Lumikha; hindi dapat gumawa ang isang tao ng sarili niyang pagpili. Ito ang katwirang dapat mayroon ang mga nilikha, at kung wala nito ang isang tao, hindi siya nararapat tawaging isang tao. Dapat maunawaan ng mga tao na ang Lumikha ay laging magiging Panginoon ng paglikha; nasa Kanya ang kapangyarihan at mga katangian upang pangasiwaan at pamahalaan ang sinumang nilikha ayon sa gusto Niya, at hindi kailangang magkaroon ng dahilan para gawin iyon. Ito ang Kanyang awtoridad. Wala ni isa man sa mga nilalang ng paglikha ang may karapatan o karapat-dapat humatol kung tama ba o mali ang ginagawa ng Lumikha, o kung paano Siya dapat kumilos. Walang nilalang ang may karapatang mamili kung tatanggapin ba niya ang paghahari at mga pagsasaayos ng Lumikha; at walang nilalang ang may karapatang masunod sa kung paano pinaghaharian at isinasaayos ng Lumikha ang kanyang kapalaran. Ito ang pinakamataas na katotohanan. Anuman ang nagawa na ng Lumikha sa Kanyang mga nilikha, at paano man Niya nagawa na iyon, isa lamang ang dapat gawin ng mga taong Kanyang nilikha: hanapin, magpasakop, alamin, at tanggapin ang lahat ng inilagay ng Lumikha. Ang magiging resulta sa huli ay na maisasakatuparan na ng Lumikha ang Kanyang plano ng pamamahala at matatapos na ang Kanyang gawain, na naging sanhi upang sumulong ang Kanyang plano ng pamamahala nang walang anumang mga sagabal; samantala, dahil natanggap na ng mga nilikha ang pamamahala at mga pagsasaayos ng Lumikha, at nagpasakop na sa Kanyang pamamahala at mga pagsasaayos, matatamo na nila ang katotohanan, mauunawaan na ang kalooban ng Lumikha, at malalaman na ang Kanyang disposisyon. May isa pang prinsipyo na kailangan Kong sabihin sa inyo: Anuman ang ginagawa ng Lumikha, paano man Siya nagpapamalas, at malaki man o maliit ang Kanyang ginagawa, Siya pa rin ang Lumikha; samantalang ang buong sangkatauhan, na Kanyang nilikha, anuman ang kanilang nagawa, at gaano man sila katalentado o katalino, ay nananatiling mga nilikha. Tungkol naman sa mga taong nilikha, gaano man karaming biyaya at gaano man karaming pagpapala ang natanggap nila mula sa Lumikha, o gaano man kalaking awa, mapagmahal na kabaitan, o kabutihan, hindi sila dapat maniwala na naiiba sila sa madla, o mag-isip na maaari silang makapantay sa Diyos at na mataas na ang kanilang katungkulan sa lahat ng nilalang. Ilang kaloob man ang naigawad sa iyo ng Diyos, o gaano kalaking biyaya ang naibigay Niya sa iyo, o gaano kabait ka man Niya natrato, o nabigyan ka man Niya ng ilang espesyal na talento, wala sa mga ito ang mga yaman mo. Ikaw ay isang nilikha, at sa gayon ay magiging isa kang nilikha magpakailanman. Huwag na huwag mong iisipin na, “Isa akong munting sinta sa mga kamay ng Diyos. Hinding-hindi ako isasantabi ng Diyos, ang saloobin ng Diyos sa akin ay lagi nang magiging isang pagmamahal, pagmamalasakit at magigiliw na paghaplos, na may kasamang mga bulong ng aliw at pagpapalakas ng loob.” Bagkus, sa mga mata ng Lumikha, katulad ka ng lahat ng iba pang nilikha; maaari kang gamitin ng Diyos kung gusto Niya, at mapangangasiwaan ka rin Niya kung gusto Niya, at maaari Niyang isaayos kung gusto Niya na gampanan mo ang anumang papel sa lahat ng uri ng tao, kaganapan, at bagay. Ito ang kaalamang dapat magkaroon ang mga tao, at ang magandang pag-unawang dapat nilang taglayin. Kung mauunawaan at matatanggap ng tao ang mga salitang ito, magiging mas normal ang kaugnayan nila sa Diyos, at magtatatag sila ng napaka-makatwirang kaugnayan sa Kanya; kung mauunawaan at matatanggap ng tao ang mga salitang ito, ibabagay nila nang wasto ang kanilang katayuan, lalagay sa kanilang lugar doon, at paninindigan ang kanilang tungkulin.

Ano ang naiisip ninyo matapos mapakinggan ang mga salitang ito? Magkakaroon pa rin ba kayo ng maling pagkaunawa sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao na, “Dahil nga tinatrato ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan, nang sabihin ng Diyos na ang mga tao ay parang mga langgam, at mas mababa pa kaysa sa mga uod sa paningin Niya, mukhang hindi lang ito batay sa teorya, kundi realidad! Hindi ganoon kamahal ng Diyos ang tao, at hindi ganoon kalapit ang Diyos sa tao gaya ng inaakala ng mga tao.” Nanlalamig ang puso ng mga tao, na para bang binuhusan ng tubig ang isang apoy, at nababawasan ang kanilang kasiglahan. Masasabi ba ninyong mas mabuti pang manlamig ang puso nila, o palagi silang magkaroon ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos? (Mas mabuti pang manlamig ang kanilang puso.) Sa pamamagitan lamang ng sandaling panlalamig saka nila mauunawaan ang disposisyon ng Diyos. Ang pag-unawa na dapat taglayin ng mga nilikha ay ang gamitin ang katotohanan bilang kanilang prinsipyo para sa lahat ng bagay; dapat nilang gamitin ang katotohanan bilang kanilang batayan para sa kung paano nila tingnan ang lahat ng bagay, at dapat nilang gamitin ang katotohanan bilang kanilang prinsipyo at pundasyon para sa lahat ng kanilang ginagawa. Ito ang tamang paraan na dapat gawin. Pero sa kabaligtaran, palaging nararamdaman ng mga tao sa kanilang puso na ang kaugnayan nila sa Diyos ay katulad ng kaugnayan nila sa ibang tao, at na magkapantay lang dapat ang kanilang pakikitungo sa isa’t isa. Maganda bang sitwasyon ito? (Hindi.) Bakit naman hindi? Inilalagay ng mga tao ang kanilang sarili sa maling posisyon; hindi nila tinatrato ang Diyos bilang Diyos. Dahil ito sa masyado nang marami ang maling pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos, pero hindi babaguhin ng Diyos ang Kanyang saloobin bunga ng mga maling pagkaunawa o alalahanin ng mga tao. Bagkus, hindi lamang sa hindi Niya babaguhin ang Kanyang saloobin, kundi patuloy Siyang gagawa sa mga tao nang ayon sa mga prinsipyo, gaya nang dati, at isasaayos at kataas-taasang paghaharian ang buhay ng buong sangkatauhan. Gayunpaman, ang tao ay madaling makabuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at lumaban at magrebelde sa Kanya, kaya dapat magdusa nang husto ang tao. Gusto ng mga taong magsipsip sa Diyos at patatagin ang kanilang kaugnayan sa Kanya, at nagsasalita sila tungkol sa kanilang mga damdamin, kapital, mga talento, mga kakayahan, kung gaano karami ang kanilang naibigay, ang mga nagawa nila sa nakaraan, at iba’t iba pang uri ng dahilan. Matatamo ba ng mga tao ang katotohanan kapag palagi silang namumuhay sa ganitong mga kalagayan? Hindi, hindi nila ito matatamo. Kung wala kang pusong masunurin sa Diyos, palaging may mga maling pananaw, hindi magawang lumugar sa posisyon ng isang nilikha, may hindi-mapigil na mga ambisyon, at palaging naghahangad ng mas mataas na posisyon, sa huli ay magiging dahilan ito para hindi mo magawang harapin nang maayos ang iyong tungkulin, o maunawaan nang tama ang mga hinihingi at saloobin sa iyo ng Diyos. Kahit na palagi kang pinipino at palagi kang nagdurusa, hindi mo magawang bitiwan ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, at iniisip mo pa nga na ikaw ang pinakamamahal ng Diyos at pinakakinagigiliwan Niya nang husto. Bunga nito, kapag may totoong nangyayari sa iyo, at nakikita mo na hindi kumikilos ang Diyos sa ganoong paraan, at na nangangarap ka lang nang gising, nakararanas ka ng hadlang at pakiramdam mo ay binabatikos ka; masama ang loob mo at pakiramdam mo ay para bang tinrato ka nang masama. Nasasaktan din ang damdamin mo. Sulit ba ang pagdurusang ito? (Hindi.) Ang mga tao ang may kagagawan ng kanilang sariling pagdurusa dahil sa kanilang pangangarap nang gising, mga kuru-kuro, at imahinasyon. Ito ang pinakamalaking problema para sa kanila, at kailangan nilang baguhin ang sarili nila! Paano ba nila ito dapat gawin? Sa pamamagitan ng pagkilala na matuwid ang Diyos sa lahat ng tao, at na ang lahat ng gawaing ginagampanan ng Diyos ay para iligtas ang sangkatauhan—wala Siyang ibang agenda. Ang dapat gawin ng mga tao ay lumugar sa posisyon ng isang nilikha, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan, sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha, tanggapin at magpasakop sa lahat ng ginagawa ng Lumikha, hanapin ang katotohanan at ang kalooban ng Diyos sa mga bagay na ito, at kilalanin ang asal ng Diyos. Kung palaging ginagamit ng mga tao ang sarili nilang mga kuru-kuro para sukatin at bigyang-kahulugan ang mga kilos ng Diyos, palaging humihingi ng mga hindi makatwirang bagay sa Diyos, at iginigiit na gawin ng Diyos ang mga bagay nang ayon sa kanilang paraan, kung gayon ay naghihimagsik sila laban sa Diyos, at hindi lamang sa hindi nila magagawang unawain ang katotohanan, kundi sa huli, wala nang iba pang magagawa kundi ang kasuklaman at itiwalag sila ng Diyos. Kung gusto ng mga tao na pagpalain sila ng Diyos, ang kailangan lamang nilang gawin ay hanapin, magpasakop, kilalanin, at tanggapin ang lahat ng bagay na ginagawa ng Lumikha. Ito lang ang paraan para maunawaan ng mga tao ang katotohanan, makilala ang Diyos, makamit ang tunay na pagsunod sa Diyos, at maligtas.

Mayo 18, 2018

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger