Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3) (Ikalawang Bahagi)

Sa pasimula, ang paggabay sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan ay kagaya ng paggabay sa buhay ng isang bata. Ang pinakaunang sangkatauhan ay bagong silang kay Jehova, na siyang mga Israelita. Hindi nila naunawaan kung paano igalang ang Diyos o mabuhay sa lupa. Iyon ay upang sabihin, nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, iyon ay, nilikha Niya si Adan at Eva, ngunit hindi Niya sila binigyan ng mga kaisipan upang maunawaan kung paano igalang si Jehova o kung paano sundin ang mga batas ni Jehova sa lupa. Kung wala ang tuwirang paggabay ni Jehova, walang sinuman ang makaaalam nito nang tuwiran, sapagkat sa pasimula hindi tinaglay ng tao ang gayong mga kaisipan. Alam lamang ng mga tao na si Jehova ay Diyos, at hindi nagkaroon ng ideya kung paano Siya igalang, kung ano ang gagawin upang Siya ay igalang, sa kung anong kaisipan Siya igagalang, at kung ano ang ihahandog sa paggalang sa Kanya. Alam lamang ng mga tao kung paano tamasahin yaong maaaring tamasahin sa gitna ng lahat ng mga bagay na nilikha ni Jehova. Walang kamalayan ang tao sa kung anong uri ng buhay sa lupa ang naaangkop sa isang nilalang ng Diyos. Kung walang mga tagubilin, walang sinuman na gagabay sa kanila nang personal, ang gayong sangkatauhan ay hindi kailanman maaaring humantong sa isang tamang buhay, at mabibihag lamang nang palihim ni Satanas. Nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, iyon ay upang sabihin na nilikha Niya ang mga ninuno ng sangkatauhan: Si Eva at Adan. Ngunit hindi Niya ipinagkaloob sa kanila ang karagdagang talino at karunungan. Bagama’t sila ay naninirahan na sa lupa, halos wala silang anumang nauunawaan. At kaya, ang gawain ni Jehova sa paglikha sa sangkatauhan ay nangalahati lamang. Hindi ito tapos sa anumang paraan. Hinubog lamang Niya ang isang modelo ng tao mula sa putik at binigyan Niya ito ng hininga, ngunit hindi ipinagkaloob sa tao ang sapat na kahandaan upang igalang Siya. Sa pasimula, ang tao ay walang balak na igalang Siya, o matakot sa Kanya. Ang alam lamang ng tao ay ang makinig sa Kanyang mga salita ngunit mangmang sa pangunahing kaalaman para sa buhay sa lupa at sa mga normal na patakaran sa buhay. At kaya, bagama’t nilikha ni Jehova ang lalaki at babae at tinapos ang pitong araw ng proyekto, hindi Niya natapos likhain ang tao sa anumang paraan, sapagkat ang tao ay isa lamang ipa, at walang realidad ng pagiging tao. Ang alam lamang ng tao ay si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, ngunit walang kamalayan ang tao kung paano sumunod sa mga salita at mga batas ni Jehova. At kaya, pagkatapos ng paglikha sa sangkatauhan, ang gawain ni Jehova ay matagal pa bago magtapos. Kinailangan pa Niyang lubusang gabayan ang sangkatauhan na lumapit sa harap Niya, upang magawa nilang mamuhay nang magkakasama sa lupa at igalang Siya, at upang magawa nila, sa tulong ng Kanyang paggabay, na makapasok sa tamang landas ng isang normal na buhay ng tao sa lupa. Sa gayon lamang ganap na nabuo ang gawain na pangunahing isinagawa sa ilalim ng pangalan ni Jehova; iyon ay, sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova sa paglikha sa mundo. At kaya, yamang nilikha Niya ang sangkatauhan, kinailangan Niyang gabayan ang buhay ng sangkatauhan sa lupa sa loob ng ilang libong taon, upang magawang sumunod ng sangkatauhan sa Kanyang mga kautusan at mga batas, at makibahagi sa lahat ng gawain ng isang normal na buhay ng tao sa lupa. Sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova. Sinimulan Niya ang gawaing ito matapos Niyang likhain ang sangkatauhan, at ang kanyang gawain ay nagpatuloy hanggang sa panahon ni Jacob, nang ang labindalawang anak na lalaki ni Jacob ay naging labindalawang lipi ng Israel. Mula sa panahong iyon pasulong, ang bawat isa sa Israel ay naging mga tao na pinangunahan Niya nang opisyal sa lupa, at ang Israel ang naging partikular na lugar sa lupa kung saan Niya ginawa ang Kanyang gawain. Ginawa ni Jehova ang mga taong ito na unang grupo ng mga tao kung kanino Niya ginawa ang kanyang opisyal na gawain sa lupa, at ginawang panimulang punto ang kabuuang bayan ng Israel para sa Kanyang gawain. Ginamit Niya sila bilang panimula ng lalong higit na dakilang gawain, upang malaman ng lahat ng mga taong isinilang mula sa Kanya sa lupa kung paano Siya igalang at mabuhay sa lupa. At kaya, ang mga gawa ng mga Israelita ay naging isang halimbawa para sundan ng mga Gentil, at kung ano ang sinabi sa kalipunan ng mga tao sa Israel ay naging mga salita na diringgin ng mga Gentil. Sapagkat sila ang unang nakatanggap sa mga batas at mga utos ni Jehova, at sila rin ang unang nakaalam kung paano igalang ang mga daan ni Jehova. Sila ang mga ninunong tao na nakaalam sa mga daan ni Jehova, at mga kinatawan ng sangkatauhan na pinili ni Jehova. Nang ang Kapanahunan ng Biyaya ay dumating, hindi na ginabayan ni Jehova ang tao sa ganitong paraan. Ang tao ay nagkasala at iniwan ang sarili niya sa kasalanan, at Kaya sinimulan Niyang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Sa ganitong paraan, sinisi Niya ang tao hanggang sa ang tao ay ganap nang maligtas mula sa kasalanan. Sa mga huling araw, ang tao ay lumubog na sa gayon katinding kasamaan na ang gawain sa yugtong ito ay maipatutupad lamang sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo. Sa ganitong paraan lamang maisasakatuparan ang gawain. Ito ang naging gawain sa ilang mga kapanahunan. Sa madaling salita, ginagamit ng Diyos ang Kanyang pangalan, ang Kanyang gawain, at ang iba’t ibang imahe ng Diyos upang hatiin at ilipat ang mga kapanahunan. Kinakatawan ng pangalan ng Diyos at ng Kanyang gawain ang Kanyang kapanahunan at kinakatawan ang Kanyang gawain sa bawat kapanahunan. Kung sakaling palaging pareho ang gawain ng Diyos sa bawat kapanahunan, at Siya ay palaging tinatawag sa parehong pangalan, paano Siya makikilala ng tao? Ang Diyos ay nararapat na tawaging Jehova, at maliban sa Diyos na tinatawag na Jehova, ang isang tinatawag sa anumang ibang pangalan ay hindi Diyos. Kung hindi, ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at ang Diyos ay hindi maaaring tawagin sa ibang mga pangalan maliban sa Jesus; maliban kay Jesus, hindi Diyos si Jehova, at ang Makapangyarihang Diyos ay hindi rin Diyos. Naniniwala ang tao na ang Diyos ay tunay na makapangyarihan, ngunit ang Diyos ay isang Diyos na kapiling ang tao, nararapat Siyang tawaging Jesus, dahil ang Diyos ay kapiling ang tao. Ang gawin ito ay pagsunod sa doktrina at pagkulong sa Diyos sa isang saklaw. Kaya, ang gawain na isinasagawa ng Diyos sa bawat kapanahunan, ang pangalan kung saan Siya ay tinatawag, at ang anyong Kanyang kinukuha—ang gawain na Kanyang ginagawa sa bawat yugto hanggang ngayon—ang mga ito ay hindi sumusunod sa iisang alituntunin, at hindi sumasailalim sa anumang paghihigpit. Siya ay si Jehova, ngunit Siya rin ay si Jesus, gayundin ang Mesiyas, at ang Makapangyarihang Diyos. Ang Kanyang gawain ay maaaring sumailalim sa unti-unting pagbabago, nang may mga katumbas na pagbabago sa Kanyang pangalan. Walang iisang pangalan ang maaaring kumatawan nang ganap sa Kanya, ngunit ang lahat ng pangalan kung saan Siya ay tinatawag ay maaaring kumatawan sa Kanya, at ang gawain na Kanyang isinasagawa sa bawat kapanahunan ay kumakatawan sa Kanyang disposisyon. Ipagpalagay na, kapag dumating ang mga huling araw, ang Diyos na iyong pinagmamasdan ay si Jesus pa rin, Siya ay nakasakay pa sa isang puting ulap, at Siya pa rin ay nagtataglay ng anyo ni Jesus, at ang mga salitang Kanyang binibitawan ay ang mga salita pa rin ni Jesus: “Ibigin ninyo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili, ikaw ay mag-ayuno at manalangin, ibigin mo ang iyong mga kaaway katulad ng iyong pagmamahal sa iyong sariling buhay, magtiis ka sa iyong kapwa, at maging mapagpaumanhin at mapagpakumbaba. Kailangan ninyong gawin ang lahat ng mga bagay na ito bago kayo magiging mga alagad Ko. At sa paggawa ng lahat ng mga bagay na ito, maaari kayong pumasok sa Aking kaharian.” Hindi ba’t ito ay nabibilang sa gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba’t ang Kanyang sinasabi ay ang daan ng Kapanahunan ng Biyaya? Ano ang inyong mararamdaman kapag maririnig ninyo ang mga salitang ito? Hindi ninyo ba mararamdaman na ito ay gawain pa rin ni Jesus? Ito ba’y hindi pag-uulit sa Kanyang gawain? Makakahanap ba ng kasiyahan ang tao dito? Maaari ninyong maramdaman na ang gawain ng Diyos ay maaaring manatili lamang na katulad nang sa ngayon at hindi na higit na uunlad pa. Mayroon lang Siyang napakadakilang kapangyarihan, at wala nang bagong gawain na isasagawa, at narating na Niya ang hangganan ng Kanyang kapangyarihan. Dalawang libong taon na ang nakalipas bago ngayon ay ang Kapanahunan ng Biyaya, at matapos ang dalawang libong taon, ipinapangaral pa rin Niya ang daan ng Kapanahunan ng Biyaya, at pinagsisisi pa rin ang mga tao. Ang mga tao ay magsasabi, “Dakila lamang ang Iyong kapangyarihan, O Diyos. Naniwala ako na Ikaw ay matalino, at gayunman ang alam Mo lamang ay pagtitiis at inaalala lamang ang pagpapasensya, ang alam Mo lang ay ang magmahal sa Iyong kaaway at wala nang iba.” Sa isip ng tao, mananatili ang Diyos magpakailanman na katulad nang sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang tao ay patuloy na maniniwalang ang Diyos ay mahabagin at mapagmahal. Sa tingin ba ninyo ang gawain ng Diyos ay mananatiling laging naglalakad sa parehas na lumang lupain? Kaya, sa yugtong ito ng Kanyang gawain, hindi Siya dapat ipako sa krus, at ang lahat ng inyong nakikita at nahahawakan ay hindi magiging katulad ng alinman sa inyong mga naisip o narinig. Sa kasalukuyan, ang Diyos ay hindi nakikisalamuha sa mga Fariseo, pinananatili ang mundo sa kamangmangan, at kayo lamang mga tagasunod ang nakakikilala sa Kanya, sapagkat hindi na Siya muling ipapako sa krus. Sa Kapanahunan ng Biyaya, hayagang nangaral si Jesus sa buong bayan para sa kapakanan ng Kanyang ebanghelyong gawain. Nakisalamuha Siya sa mga Fariseo para sa kapakanan ng pagkakapako sa krus; kung hindi Siya nakisalamuha sa mga Fariseo at yaong mga nasa kapangyarihan ay hindi kailanman nakaalam ukol sa Kanya, paano nangyari na Siya ay hinatulan, at sa gayon ay ipinagkanulo at ipinako sa krus? At kaya, nakisalamuha Siya sa mga Fariseo para sa kapakanan ng pagkakapako sa krus. Sa kasalukuyan, ginagawa Niya ang Kanyang gawain nang palihim para maiwasan ang tukso. Ang gawain, kabuluhan, at pagtatakda ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay magkaiba sa lahat, kaya paanong ganap na magkakapareho ang gawain na Kanyang ginawa?

Ang pangalang Jesus ba—“Diyos kasama natin”—ay maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos? Maaari ba nitong malinaw na maipaliwanag ang Diyos? Kung ang tao ay nagsasabi na ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at hindi maaaring magkaroon ng iba pang pangalan dahil hindi maaaring baguhin ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ang mga salitang iyon ay talagang kalapastanganan sa Diyos! Naniniwala ka bang ang pangalang Jesus, Diyos kasama natin, ay maaaring kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan? Maaaring tawagin sa iba’t ibang pangalan ang Diyos, ngunit sa mga pangalang ito, walang kahit isa ang makakayang lumagom sa lahat ng mayroon ang Diyos, walang kahit isa na maaaring lubos na kumatawan sa Diyos. At kaya, maraming pangalan ang Diyos, ngunit ang mga pangalang ito ay hindi maaaring ganap na maihayag ang disposisyon ng Diyos, dahil ang disposisyon ng Diyos ay napakasagana at lumalampas sa karunungan ng tao. Ang wika ng tao ay walang kakayahan na ganap na mabuod ang Diyos. Ang tao ay mayroong limitadong talasalitaan kung saan ay maibubuod ang lahat ng kanyang nalalaman ukol sa disposisyon ng Diyos: dakila, kagalang-galang, mahiwaga, hindi maarok, pinakamataas, banal, matuwid, marunong, at marami pang iba. Masyadong maraming mga salita! Ang gayong kalimitadong talasalitaan ay walang kakayahan na mailarawan kung gaano kaliit ang nasaksihan ng tao ukol sa disposisyon ng Diyos. Kinalaunan, maraming mga tao ang nagdagdag ng mga salita upang mas mahusay na mailarawan ang sigasig sa kanilang mga puso: Ang Diyos ay napakadakila! Ang Diyos ay napakabanal! Ang Diyos ay totoong kaibig-ibig! Sa kasalukuyan, ang mga kasabihang kagaya ng mga ito ay nakaabot sa kanilang sukdulan, ngunit ang tao ay wala pa ring kakayahan na malinaw na maipahayag ang sarili niya. At kaya, para sa tao, ang Diyos ay mayroong maraming mga pangalan, ngunit wala Siyang isang pangalan, at iyon ay sapagkat ang pagiging Diyos ay masyadong masagana, at ang wika ng tao ay masyadong hindi sapat. Ang isang tukoy na salita o pangalan ay walang kakayahan upang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan, kaya maaari ba Siyang gumamit ng iisang permanenteng pangalan? Ang Diyos ay napakadakila at napakabanal, kaya bakit hindi mo Siya hinahayaang magpalit ng Kanyang pangalan sa bawat bagong kapanahunan? Sa bawat kapanahunan na personal na isinasagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, gumagamit Siya ng isang pangalan na naaangkop sa kapanahunan upang lagumin ang gawain na Kanyang isinasagawa. Ginagamit Niya ang tukoy na pangalang ito, ang isang nagtataglay ng pansamantalang kahalagahan, upang kumatawan sa Kanyang disposisyon sa kapanahunang iyon. Ito ang paggamit ng Diyos ng wika ng tao upang ipahayag ang Kanyang sariling disposisyon. Gayunpaman, maraming tao na nagkaroon ng mga karanasang espirituwal at personal na nakita ang Diyos ang nakakaramdam pa rin na ang partikular na pangalan na ito ay walang kakayanang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan—sa kasamaang palad, hindi ito maiiwasan—kaya hindi na tinatawag ng tao ang Diyos sa anumang pangalan, ngunit basta lamang tinatawag Siya na “Diyos.” Ang puso ng tao ay parang puno ng pag-ibig, ngunit mukhang naliligid din ito ng mga pagkakasalungatan, dahil hindi alam ng tao kung paanong ipaliwanag ang Diyos. Kung ano ang Diyos ay napakasagana, talagang walang paraan ng paglalarawan dito. Walang nag-iisang pangalan na kayang ibuod ang disposisyon ng Diyos, at walang nag-iisang pangalan na kayang maglarawan ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos. Kung may magtatanong sa Akin, “Ano ba talaga ang pangalang ginagamit Mo?” Sasabihin Ko sa kanila, “ang Diyos ay Diyos!” Hindi ba iyan ang pinakamainam na pangalan para sa Diyos? Hindi ba iyan ang pinakamainam na paglagom sa disposisyon ng Diyos? Kaya bakit kayo gumugugol ng napakatinding pagsisikap sa paghahanap sa pangalan ng Diyos? Bakit nag-iisip nang napakatindi, hindi kumakain at natutulog, para lamang sa isang pangalan? Darating ang araw na ang Diyos ay hindi na tatawaging Jehova, Jesus, o ang Tagapagligtas—Siya ay tatawagin lamang na Manlilikha. Sa oras na iyon, ang lahat ng mga pangalan na Kanyang ginamit sa lupa ay magtatapos, dahil ang Kanyang gawain sa lupa ay matatapos na rin, pagtapos nito, hindi na Siya magkakaroon ng pangalan. Kapag ang lahat ng tao ay sumailalim sa dominyon ng Manlilikha, bakit Siya tatawagin sa labis na naaangkop ngunit hindi ganap na pangalan? Hinahanap mo pa rin ba ang pangalan ng Diyos ngayon? Tinatangka mo pa rin bang sabihin na ang Diyos ay tinatawag lang na Jehova? Tinatangka mo pa rin bang sabihin na ang Diyos ay tinatawag lang na Jesus? Makakaya mo bang matiis ang kasalanan ng kalapastanganan sa Diyos? Nararapat mong malaman na ang Diyos sa simula ay walang pangalan. Gumamit lang Siya ng isa o dalawa, o maraming pangalan dahil mayroon Siyang gawaing kailangang isagawa at kailangang pamahalaan ang sangkatauhan. Kahit anuman ang tawag sa Kanya, hindi ba’t ito ay Kanyang pinili nang malaya? Kailangan ka ba Niya, isang nilalang, upang pagpasyahan ito? Ang pangalan kung saan tinatawag ang Diyos ay ayon sa kung ano ang nauunawaan ng tao at ang wika ng tao, ngunit ang pangalang ito ay ’di kayang lagumin ng tao. Maaari mo lang sabihin na mayroong Diyos sa langit, at Siya ay tinatawag na Diyos, at Siya ang Diyos Mismo na makapangyarihan, labis na matalino, labis na mataas, labis na kamangha-mangha, labis na mahiwaga, labis na makapangyarihan, at wala ka nang masasabi pang iba; iyon lang ang inyong nalalaman. Sa paraang ito, maaari bang kumatawan ang pangalan ni Jesus sa Diyos Mismo? Kapag dumating na ang mga huling araw, kahit na ang Diyos pa rin ang nagsasagawa ng Kanyang gawain, kailangang magbago ang Kanyang pangalan, dahil ito ay panibagong panahon na.

Dahil ang Diyos ang pinakadakila sa buong sansinukob at sa kaharian sa kaitaasan, kaya lubos ba Niyang maipaliliwanag ang Kanyang Sarili gamit ang imahe ng isang katawang-tao? Ang Diyos ay nagkatawang-tao para gawin ang isang yugto ng Kanyang gawain. Walang kabuluhan sa imahe ng katawang-tao, at wala itong kaugnayan sa paglipas ng mga kapanahunan, at walang anumang kinalaman sa disposisyon ng Diyos. Bakit hindi pinahintulutan ni Jesus na manatili ang Kanyang imahe? Bakit hindi Niya hinayaan ang tao na iguhit ang Kanyang imahe para ito ay maipasa sa susunod na mga salinlahi? Bakit hindi Niya pinahintulutan ang mga tao na kilalanin na ang Kanyang larawan ay ang larawan ng Diyos? Bagama’t ang imahe ng tao ay nilikha sa larawan ng Diyos, paanong kinakatawan ng anyo ng tao ang marangal na larawan ng Diyos? Nang ang Diyos ay nagkatawang-tao, basta na lamang Siya bumaba mula sa langit sa isang partikular na katawang-tao. Ang Kanyang Espiritu ay bumaba sa isang katawang-tao, sa pamamagitan nito Niya ginagawa ang gawain ng Espiritu. Ang Espiritu ay ipinahahayag sa katawang-tao, at ginagawa ng Espiritu ang Kanyang gawain sa katawang-tao. Lubos na kinakatawan ng gawaing ginawa sa katawang-tao ang Espiritu, at ang katawang-tao ay para sa kapakanan ng gawain, ngunit hindi niyon magagawang ipalit sa larawan ng katawang-tao para sa tunay na larawan ng Diyos Mismo; hindi ito ang layunin at kabuluhan ng Diyos na nagkatawang-tao. Siya ay nagiging katawang-tao para lamang magkaroon ang Espiritu ng isang lugar na matitirhan na angkop sa Kanyang paggawa, upang mas mabuti Niyang matamo ang Kanyang gawain sa katawang-tao, upang makita ng mga tao ang Kanyang mga gawa, maunawaan ang Kanyang disposisyon, mapakinggan ang Kanyang mga salita, at malaman ang himala ng Kanyang gawain. Kinakatawan ng Kanyang pangalan ang Kanyang disposisyon, kinakatawan ng Kanyang gawain ang Kanyang pagkakakilanlan, ngunit hindi Niya kailanman sinabi na kinakatawan ng Kanyang anyo sa katawang-tao ang Kanyang larawan; yaon ay isa lamang paniwala ng tao. At kaya, ang pinakamahalagang mga punto ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay Kanyang pangalan, ang Kanyang gawain, ang Kanyang disposisyon, at ang Kanyang kasarian. Ginagamit Niya ang mga ito upang kumatawan sa Kanyang pamamahala sa kapanahunang ito. Ang Kanyang anyo sa katawang-tao ay walang kinalaman sa Kanyang pamamahala, at para sa kapakanan lamang ng Kanyang gawain sa panahong yaon. Ngunit imposible para sa Diyos na nagkatawang-tao na hindi magkaroon ng partikular na anyo, at kaya pinipili Niya ang angkop na sambahayan upang pagpasyahan ang Kanyang anyo. Kung ang anyo ng Diyos ay mayroong kinatawang kabuluhan, kung gayon ang lahat ng mga iyon na nagtataglay ng kaparehong mga katangiang pangmukha sa Kanya ay kumakatawan din sa Diyos. Hindi ba iyon isang napakalaking pagkakamali? Ang larawan ni Jesus ay iginuhit ng tao upang ang tao ay maaaring sumamba sa Kanya. Sa panahong iyon, walang natatanging mga tagubilin na inilaan ang Banal na Espiritu, at kaya ipinasa ng tao ang naguni-guning larawang iyon hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan, alinsunod sa layunin ng Diyos, hindi ito dapat ginawa ng tao. Tanging ang sigasig ng tao ang naging sanhi na manatili ang larawan ni Jesus hanggang sa kasalukuyan. Ang Diyos ay Espiritu, at hindi kailanman makakaya ng tao na mabuo nang eksakto kung ano ang Kanyang larawan. Ang Kanyang larawan ay maaari lamang katawanin ng Kanyang disposisyon. Hindi mo magagawang buuin ang anyo ng Kanyang ilong, ng Kanyang bibig, ng Kanyang mga mata, at ng Kanyang buhok. Nang dumating ang paghahayag kay Juan, nakita niya ang larawan ng Anak ng tao: Mula sa Kanyang bibig ay isang matalas na espada na mayroong magkabilang talim, ang Kanyang mga mata ay kagaya ng ningas ng apoy, ang Kanyang ulo at buhok ay puting kagaya ng lana, ang Kanyang mga paa ay parang pinakintab na tanso, at mayroong isang ginintuang laso sa palibot ng Kanyang dibdib. Bagama’t ang Kanyang mga salita ay napakatingkad, ang larawan ng Diyos na Kanyang inilarawan ay hindi ang larawan ng isang nilalang. Ang kanyang nakita ay isang pangitain lamang, at hindi ang larawan ng isang tao mula sa materyal na mundo. Si Juan ay nakakita ng isang pangitain, ngunit hindi niya nasaksihan ang tunay na anyo ng Diyos. Ang larawan ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang larawan ng isang paglikha, at may kakayahan ito na kumatawan sa disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito. Nang nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, Kanyang sinabi na Kanyang ginawa ito sa Kanyang larawan at nilikha ang lalaki at babae. Sa panahong iyon, Kanyang sinabi na Kanyang ginawa ang lalaki at babae sa larawan ng Diyos. Bagama’t ang larawan ng tao ay nakakahawig ng larawan ng Diyos, hindi nangangahulugan na ang anyo ng tao ay ang larawan ng Diyos. Hindi mo maaaring gamitin ang wika ng tao upang ganap na gawing ehemplo ang larawan ng Diyos, sapagkat ang Diyos ay napakarangal, napakadakila, napakahiwaga at hindi maaarok!

Nang dumating si Jesus upang isagawa ang Kanyang gawain, ito ay sa ilalim ng gabay ng Banal na Espiritu; ginawa Niya ang kagustuhan ng Banal na Espiritu, at ito ay hindi ayon sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan o ayon sa gawain ni Jehova. Bagama’t ang gawain na isinagawa ni Jesus ay hindi para sa pagsunod sa mga batas ni Jehova o sa mga kautusan Niya, ang Kanilang pinagmulan ay iisa at pareho lang. Ang gawain na isinagawa ni Jesus ay kumatawan sa pangalan ni Jesus, at kumatawan ito sa Kapanahunan ng Biyaya; para sa gawain na isinagawa ni Jehova, ito ay kumatawan kay Jehova, at kumatawan sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang Kanilang gawain ay gawain ng isang Espiritu sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ang gawain na isinagawa ni Jesus ay maaari lang kumatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang gawain na isinagawa ni Jehova ay maaari lang kumatawan sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan. Ginabayan lang ni Jehova ang mga tao sa Israel at Ehipto, at lahat ng mga bansa sa labas ng Israel. Ang gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya sa Bagong Tipan ay gawain ng Diyos sa ilalim ng pangalan ni Jesus habang Kanyang ginagabayan ang panahon. Kung sinasabi mo na ang gawain ni Jesus ay batay sa gawain ni Jehova, na hindi Siya nagsagawa ng anumang bagong gawain, at ang lahat ng Kanyang ginawa ay ayon lang sa mga salita ni Jehova, ayon sa gawain ni Jehova at mga hula ni Isaias, kung gayon si Jesus ay hindi ang Diyos na naging tao. Kung isinagawa Niya ang Kanyang gawain sa paraang ito, isa Siya sanang apostol o isang manggagawa ng Kapanahunan ng Kautusan. Kung katulad ito ng iyong sinasabi, hindi sana nagbukas ng isang kapanahunan si Jesus, ni hindi Siya sana nakapagsagawa ng kahit anong ibang gawain. Sa parehong paraan, ang Banal na Espiritu ay kailangan paunang isagawa ang Kanyang gawain sa pamamagitan ni Jehova, at maliban sa pamamagitan ni Jehova ang Banal na Espiritu ay hindi sana nagsagawa ng anumang bagong gawain. Mali para sa tao na unawain ang gawain ni Jesus sa ganitong paraan. Kung naniniwala ang tao na ang gawaing isinagawa ni Jesus ay ayon sa mga salita ni Jehova at mga hula ni Isaias, kung gayon, si Jesus ba ang Diyos na nagkatawang-tao, o isa ba Siya sa mga propeta? Ayon sa pananaw na ito, wala ang Kapanahunan ng Biyaya, at hindi si Jesus ang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil ang gawain na Kanyang isinagawa ay hindi maaaring kumatawan sa Kapanahunan ng Biyaya at maaaring kumatawan lang sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan. Nagkaroon lamang ng bagong kapanahunan noong pumarito si Jesus upang gumawa ng bagong gawain, upang maglunsad ng isang bagong kapanahunan, upang isulong ang gawain na isinagawa noon sa Israel, at upang isagawa ang Kanyang gawain hindi ayon sa gawaing isinagawa ni Jehova sa Israel, o sa luma Niyang mga tuntunin, o sa pagsunod sa anumang mga tuntunin, kundi upang isagawa ang bagong gawain na dapat Niyang gawin. Ang Diyos Mismo ay pumaparito upang buksan ang isang bagong kapanahunan, at pumaparito ang Diyos Mismo upang wakasan ang kapanahunan. Walang kakayahan ang tao na isagawa ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan. Kung hindi dinala ni Jesus sa pagtatapos ang gawain ni Jehova pagkatapos Niyang dumating, ito ay magpapatunay na Siya ay tao lamang, at walang kakayanang kumatawan sa Diyos. Tiyak na dahil pumarito si Jesus at winakasan ang gawain ni Jehova, ipinagpatuloy ang gawain ni Jehova at, bukod pa riyan, isinagawa ang Kanyang sariling gawain, na isang bagong gawain, ito ay nagpapatunay na isa itong bagong kapanahunan, at na si Jesus ay Diyos Mismo. Sila ay nagsagawa ng dalawang magkaibang yugto ng gawain. Ang isang yugto ay isinagawa sa templo, at ang isa ay isinagawa sa labas ng templo. Ang isang yugto ay upang pangunahan ang buhay ng tao ayon sa kautusan, at ang isa ay upang maghandog ng alay para sa mga kasalanan. Ang dalawang yugto ng gawain na ito ay hindi maipagkakaila na magkaiba; ito ang humahati sa bagong kapanahunan mula sa luma, at walang mali sa pagsasabi na ang mga ito ay dalawang magkaibang panahon! Ang lokasyon ng Kanilang mga gawain ay magkaiba, ang nilalaman ng Kanilang gawain ay magkaiba, at ang layunin ng Kanilang gawain ay magkaiba. Sa gayon, maaaring hatiin ang mga ito sa dalawang kapanahunan: ang Bago at Lumang Tipan, na ibig sabihin, ang bago at ang lumang mga kapanahunan. Nang si Jesus ay dumating hindi Siya nagpunta sa templo, na nagpapatunay na ang kapanahunan ni Jehova ay nagwakas. Hindi Siya pumasok sa templo sapagkat ang gawain ni Jehova sa templo ay tapos na, at hindi na kailangang gawing muli, at kaya para gawin itong muli ay uulitin ito. Sa pag-alis lamang sa templo, sa pagsisimula ng isang bagong gawain at sa pagbubukas ng isang landas sa labas ng templo, nagawa Niyang dalhin ang gawain ng Diyos sa kasukdulan nito. Kung hindi Siya lumabas ng templo upang gawin ang Kanyang gawain, ang gawain ng Diyos ay hindi makauusad nang lampas sa templo, at walang magiging anumang mga pagbabago kailanman. At kaya, nang dumating si Jesus Siya ay hindi pumasok sa templo, at hindi Niya ginawa ang Kanyang gawain sa templo. Ginawa Niya ang Kanyang gawain sa labas ng templo, at nagpatuloy sa Kanyang gawain nang may kalayaan kasama ng mga disipulo. Ang pag-alis ng Diyos mula sa templo para gawin ang Kanyang gawain ay nangangahulugan na ang Diyos ay mayroong isang bagong plano. Ang Kanyang gawain ay isasagawa sa labas ng templo, at ito ay magiging bagong gawain na hindi limitado sa paraan ng pagsasagawa. Ang pagdating ni Jesus ay nagdala sa gawain ni Jehova sa kapanahunan ng Lumang Tipan sa isang wakas. Kahit na Sila ay tinatawag sa dalawang magkaibang pangalan, ang parehong yugto ng gawain ay isinagawa ng iisang Espiritu, at ang gawain na isinagawa ay tuluy-tuloy. Dahil magkaiba ang pangalan, at ang nilalaman ng gawain ay magkaiba, ang kapanahunan ay magkaiba rin. Nang dumating si Jehova, iyon ang kapanahunan ni Jehova, at nang dumating si Jesus, iyon ang kapanahunan ni Jesus. At kaya, sa bawat pagkakataon na dumarating ang Diyos, Siya ay tinatawag sa iisang pangalan, kinakatawan Niya ang isang kapanahunan, at Siya ay nagbubukas ng bagong daan; at sa bawat bagong daan, Siya ay gumagamit ng bagong pangalan, na nagpapakita na ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman luma, at ang Kanyang gawain ay patuloy na umuunlad pasulong. Ang kasaysayan ay patuloy na sumusulong, at ang gawain ng Diyos ay patuloy na sumusulong. Upang marating ang katapusan ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala, nararapat itong patuloy na umunlad pasulong. Kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat araw, kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat taon; kailangan Niyang magbukas ng mga bagong daan, mga bagong kapanahunan, magsimula ng bago at higit na malaking mga gawain, at magdala ng mga bagong pangalan at gawain. Ang Espiritu ng Diyos ay palaging gumagawa ng bagong gawain, at hindi kailanman kumakapit sa mga dating pamamaraan at mga patakaran. Ang Kanyang gawain ay hindi rin kailanman tumitigil, at nangyayari sa lahat ng panahon. Kung sinasabi mo na ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi nagbabago, kung gayon bakit pinahintulutan ni Jehova ang mga pari na paglingkuran Siya sa templo, ngunit hindi pinasok ni Jesus ang templo—bagama’t nang Siya ay dumating, sinabi din ng mga tao na Siya ang mataas na pari, at na Siya ay mula sa bahay ni David at ang mataas na pari din, at ang dakilang Hari? At bakit hindi Siya nag-alay ng mga sakripisyo? Papasok man sa templo o hindi—hindi ba ito ang kabuuang gawain ng Diyos Mismo? Kung, katulad ng ipinapalagay ng tao, si Jesus ay muling darating at, tinatawag pa ring Jesus sa mga huling araw, at darating pa rin na nakasakay sa puting ulap, bumababa sa mga tao sa anyo ni Jesus: hindi ba ito isang pag-uulit ng Kanyang gawain? Mananatili ba ang Banal na Espiritu sa luma? Ang lahat ng pinaniniwalaan ng tao ay mga pagkaintindi, at ang lahat ng nauunawaan ng tao ay ayon sa literal nilang kahulugan, at ayon rin sa kanyang likhang-isip; ang mga ito ay wala sa mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi umaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi gagawa ang Diyos sa ganoong paraan; hindi hunghang at hangal ang Diyos, at ang Kanyang gawain ay hindi payak katulad ng iyong iniisip. Ayon sa lahat ng haka-haka ng tao, darating si Jesus sa isang ulap at bababa sa kalagitnaan ninyo. Mapagmamasdan ninyo Siya na, sakay ng puting ulap, magsasabi sa inyo na Siya si Jesus. Mapagmamasdan ninyo ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay, at inyong malalaman na Siya si Jesus. At kayo ay muli Niyang ililigtas, at Siya ang inyong magiging makapangyarihang Diyos. Kayo ay Kanyang ililigtas, at bibigyan ng bagong pangalan, at ang bawat isa sa inyo ay bibigyan Niya ng isang puting bato, pagkatapos nito, kayo ay pahihintulutan na makapasok sa kaharian ng langit at matanggap sa paraiso. Hindi ba’t ang mga paniniwalang ito ay mga pagkaintindi ng tao? Gumagawa ba ang Diyos ayon sa mga pagkaintindi ng tao o Siya’y gumagawa nang salungat sa mga pagkaintindi ng tao? Hindi ba’t ang lahat ng mga pagkaintindi ng tao ay nagmumula kay Satanas? Hindi ba’t ginawang masama ni Satanas ang lahat ng tao? Kung gumawa ang Diyos ayon sa mga pagkaintindi ng tao, hindi ba’t Siya ay magiging si Satanas? Hindi ba’t magiging kapareho lang Niya ang mga nilalang Niya? Dahil ang mga nilalang Niya ngayon ay nagawang napakasama na ni Satanas, na ang tao ay naging mismong larawan ni Satanas, kung gumawa ang Diyos ayon sa mga bagay ni Satanas, hindi ba’t magiging kakampi Siya kay Satanas? Paano mauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos? Kaya, hindi gagawa kailanman ang Diyos ayon sa mga pagkaintindi ng tao, at hindi Siya kailanman gagawa sa mga paraan na iyong ipinapalagay. Mayroong mga nagsasabi na sinabi ng Diyos Mismo na Siya ay darating na nasa ulap. Totoo na sinabi ng Diyos Mismo, ngunit hindi mo ba alam na walang tao ang makaaarok sa mga hiwaga ng Diyos? Hindi mo ba alam na walang tao ang makakapagpaliwanag sa mga salita ng Diyos? Ikaw ba ay nakatitiyak nang walang bahid ng pagdududa na napaliwanagan at naliwanagan ka ng Banal na Espiritu? Pinakita ba sa iyo ng Banal na Espiritu sa gayong tuwirang paraan? Mga turo ba ng Banal na Espiritu ang mga ito, o mga pagkaintindi mo ang mga ito? Sabi nila, “Sinabi ito ng Diyos Mismo.” Ngunit hindi natin maaaring gamitin ang ating mga sariling pagkaintindi at pag-iisip upang sukatin ang mga salita ng Diyos. Para sa mga salita ni Isaias, kaya mo bang ipaliwanag nang may buong katiyakan ang kanyang mga salita? Pinangangahasan mo bang ipaliwanag ang kanyang mga salita? Dahil hindi ka nagkalakas-loob na ipaliwanag ang mga salita ni Isaias, bakit ka nangangahas na ipaliwanag ang mga salita ni Jesus? Sino ang mas itinataas, si Jesus o si Isaias? Dahil ang sagot ay si Jesus, bakit mo ipinaliliwanag ang mga salita ni Jesus? Sasabihin ba ng Diyos sa iyo ang Kanyang gawain nang pauna? Walang nilalang ang maaaring makaalam, kahit na ang mga sugo ng langit, ni ang Anak ng tao, kaya paano mo malalaman? Malaki ang kakulangan ng tao. Ang mahalaga sa inyo ngayon ay ang malaman ang tatlong yugto ng gawain. Mula sa gawain ni Jehova hanggang sa gawain ni Jesus, at mula sa gawain ni Jesus hanggang sa kasalukuyang yugto, ang tatlong yugtong ito ay sumasaklaw sa kabuuang lawak ng pamamahala ng Diyos, at ang lahat ay gawain ng isang Espiritu. Mula sa paglikha Niya sa mundo, pinamamahalaan na ng Diyos ang sangkatauhan. Siya ang Simula at ang Wakas, Siya ang Una at ang Huli, at Siya ang Siyang magpapasimula ng kapanahunan at Siyang maghahatid sa kapanahunan sa katapusan nito. Ang tatlong yugto ng gawain, sa magkakaibang kapanahunan at lugar, ay tiyak na isinagawa ng isang Espiritu. Ang lahat ng mga naghihiwalay sa tatlong yugtong ito ay sumasalungat sa Diyos. Ngayon, nararapat mong maunawaan na ang lahat ng gawain mula sa unang yugto hanggang sa ngayon ay ang gawain ng nag-iisang Diyos, gawain ng isang Espiritu, at ito ay hindi maipagkakaila.

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger