Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Ikalawang Bahagi

Lumakad sa Daan ng Diyos: Matakot sa Diyos at Umiwas sa Kasamaan

May isang kasabihan na dapat ninyong itala. Naniniwala Ako na napakahalaga ng kasabihang ito, dahil para sa Akin, naiisip ito nang napakaraming beses bawat araw. Bakit ganoon? Dahil tuwing nakakaharap Ko ang isang tao, tuwing naririnig Ko ang kuwento ng isang tao, at tuwing naririnig Ko ang karanasan o patotoo ng isang tao tungkol sa paniniwala sa Diyos, lagi Kong ginagamit ang kasabihang ito para matukoy sa Aking puso kung ang indibiduwal na ito ang uri ng taong nais ng Diyos at ang uri ng taong gusto ng Diyos. Kaya, sa gayon: ano ang kasabihang ito? Ngayon ay napasabik Ko kayong lahat nang husto. Kapag inihayag Ko ang kasabihan, marahil ay madidismaya kayo, dahil ang ilan ay sinasabi lamang ito nang hindi taos-puso sa loob ng maraming taon ngunit hindi ito ginagawa. Gayunman, ni minsan ay hindi Ko man lamang ito sinabi nang hindi taos-puso. Nananahan sa puso Ko ang kasabihang ito. Kaya, ano ang kasabihang ito? Ito iyon: “Lumakad sa daan ng Diyos: Matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.” Hindi ba napakasimpleng parirala nito? Magkagayunman, sa kabila ng kasimplihan nito, madarama ng mga taong tunay na may malalim na pagkaunawa sa mga salitang ito na may malaking kahalagahan ang mga ito, na napakahalaga ng kasabihang ito para sa pagsasagawa ng isang tao, na naaayon ito sa wika ng buhay na naglalaman ng realidad ng katotohanan, na ito ay panghabambuhay na layunin para sa mga nagsisikap na palugurin ang Diyos, at na ito ay panghabambuhay na daan na dapat sundan ng sinumang may konsiderasyon sa mga layunin ng Diyos. Kaya, ano sa palagay ninyo: Hindi ba katotohanan ang kasabihang ito? Makabuluhan ba ito o hindi? Gayundin, marahil ay pinag-iisipan ng ilan sa inyo ang kasabihang ito, at sinusubukang unawain ito, at marahil ay nagdududa pa ang ilan sa inyo tungkol dito: Napakahalaga ba ng kasabihang ito? Kailangan bang bigyang-diin ito nang husto? Maaaring mayroon ding ilan sa inyo na hindi gaanong gusto ang kasabihang ito, dahil iniisip ninyo na ang pagtahak sa daan ng Diyos at pagpapaikli nito sa isang kasabihang ito ay labis na pagpapasimple. Ang pagkuha sa lahat ng sinabi ng Diyos at pagpapaikli nito sa isang kasabihan—hindi ba nito pinaliliit nang husto ang kahalagahan ng Diyos? Ganoon ba iyon? Maaaring hindi lubos na nauunawaan ng karamihan sa inyo ang malalim na kahulugan ng mga salitang ito. Bagama’t itinala na ninyong lahat ito, wala kayong balak na ilagak ang kasabihang ito sa inyong puso; naitala lamang ninyo ito sa inyong mga kuwaderno upang muling basahin at pagnilayan sa bakanteng oras ninyo. Ni hindi mag-aabala ang ilan sa inyo na isaulo ang kasabihang ito, lalo nang hindi ninyo susubuking gamitin ito sa mabuting paraan. Kung gayon, bakit nais Kong banggitin ang kasabihang ito? Anuman ang inyong pananaw at anuman ang isipin ninyo, kinailangan Kong banggitin ang kasabihang ito, sapagkat may malaking kaugnayan ito sa kung paano ipinapasya ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao. Anuman ang inyong kasalukuyang pagkaunawa sa kasabihang ito o paano man ninyo ito tinatrato, sasabihin Ko pa rin ito sa inyo: Kung maisasagawa ng mga tao ang mga salita ng kasabihang ito at mararanasan ang mga ito, at makakamit ang pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, mapapanatag sila na sila ay maliligtas at tiyak na maganda ang kanilang kahihinatnan. Gayunman, kung hindi mo matugunan ang pamantayang inilatag ng kasabihang ito, masasabi na walang nakakaalam sa kahihinatnan mo. Sa gayon, nagsasalita Ako sa inyo tungkol sa kasabihang ito para maging handa ang inyong isipan, at para malaman ninyo kung anong klaseng pamantayan ang ginagamit ng Diyos para sukatin kayo. Tulad ng kasasabi Ko lamang sa inyo, ang kasabihang ito ay may malaking kaugnayan sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, pati na sa kung paano Niya ipinapasya ang mga kahihinatnan ng mga tao. Sa anong paraan ito nagkaroon ng kaugnayan? Talagang gugustuhin ninyong malaman ito, kaya pag-uusapan natin ito ngayon.

Gumagamit ang Diyos ng Iba-ibang Pagsubok Upang Suriin Kung ang mga Tao ay May Takot sa Diyos at Umiiwas sa Kasamaan

Sa bawat kapanahunan, habang gumagawa sa mga tao, ipinagkakaloob ng Diyos ang ilang salita sa kanila at sinasabi sa kanila ang ilang katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay nagsisilbing daan na dapat sundan ng mga tao, ang daan na dapat nilang lakaran, ang daan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan, at ang daan na dapat isagawa at sundan ng mga tao sa kanilang buhay at sa buong paglalakbay nila sa buhay. Ito ang mga dahilan kaya ipinapahayag ng Diyos ang mga pagbigkas na ito sa sangkatauhan. Ang mga salitang ito na nagmumula sa Diyos ay dapat sundin ng mga tao, at ang pagsunod sa mga ito ay pagtanggap ng buhay. Kung hindi susundin ng isang tao ang mga ito, hindi isasagawa ang mga ito, at hindi isasabuhay ang mga salita ng Diyos, hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. Bukod pa riyan, kung hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, hindi sila natatakot sa Diyos at hindi nila iniiwasan ang kasamaan, ni hindi rin nila mapapalugod ang Diyos. Ang mga taong hindi kayang palugurin ang Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang papuri, at walang kahihinatnan ang gayong mga tao. Kaya, kung gayon, sa takbo ng Kanyang gawain, paano ipinapasya ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao? Anong mga pamamaraan ang ginagamit ng Diyos upang ipasya ang kahihinatnan ng isang tao? Marahil ay hindi pa rin masyadong malinaw ito sa inyo sa ngayon, ngunit kapag sinabi Ko sa inyo ang proseso, medyo magiging malinaw ito, dahil marami sa inyo mismo ang nakaranas na nito.

Sa kabuuan ng gawain ng Diyos, mula pa sa simula, nagtakda na ng mga pagsubok ang Diyos para sa bawat tao—o maaari ninyong sabihing, bawat taong sumusunod sa Kanya—at iba-iba ang bigat ng mga pagsubok na ito. May mga taong nakaranas ng pagsubok na maitakwil ng kanilang pamilya, may mga nakaranas ng pagsubok na masasamang kapaligiran, may mga nakaranas ng pagsubok na maaresto at mapahirapan, may mga nakaranas ng pagsubok na maharap sa mga pagpipilian, at may mga naharap sa mga pagsubok na pera at katayuan. Sa pangkalahatan, bawat isa sa inyo ay naharap na sa lahat ng uri ng mga pagsubok. Bakit ganito kung gumawa ang Diyos? Bakit Niya tinatrato ang lahat sa ganitong paraan? Anong klaseng resulta ang hinahanap Niya? Narito ang puntong nais Kong iparating sa inyo: Nais makita ng Diyos kung ang taong ito ang uri na may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan. Ang ibig sabihin nito ay na kapag binibigyan ka ng Diyos ng isang pagsubok, at inihaharap ka sa ilang sitwasyon, layon Niyang suriin kung isa kang taong may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan o hindi. Kung nahaharap ang isang tao sa tungkuling ingatan ang isang handog, at humantong ang tungkuling ito sa paggalaw sa handog sa Diyos, sasabihin mo ba na ito ay isang bagay na naisaayos ng Diyos? Walang duda! Lahat ng bagay na kinakaharap mo ay isang bagay na naisaayos ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa bagay na ito, lihim kang oobserbahan ng Diyos, minamatyagan kung anong mga pagpili ang ginagawa mo, paano ka nagsasagawa, at ano ang mga naiisip mo. Ang pinakamahalaga sa Diyos ay ang huling resulta, dahil ito ang resultang tutulong sa Kanya na masukat kung namuhay ka ayon sa Kanyang pamantayan o hindi sa partikular na pagsubok na ito. Gayunman, tuwing nahaharap ang mga tao sa isang problema, madalas ay hindi nila iniisip kung bakit sila nahaharap sa mga ito, anong pamantayan ang inaasahan ng Diyos na matugunan nila, ano ang nais Niyang makita sa kanila o ano ang nais Niyang matamo mula sa kanila. Kapag naharap sa problemang ito, iniisip lamang ng mga tao ito: “Ito ang bagay na kinakaharap ko; kailangan kong mag-ingat, hindi magpabaya! Anuman ang mangyari, ito ay handog sa Diyos, at hindi ko ito maaaring galawin.” Nasasaisip ang mga simpleng bagay na ito, naniniwala ang mga tao na natupad na nila ang kanilang mga responsibilidad. Malulugod ba ang Diyos sa resulta ng pagsubok na ito o hindi? Sumige kayo at pag-usapan ninyo ito. (Kung may takot sa Diyos ang mga tao sa kanilang puso, kapag naharap sila sa isang tungkulin na nagtutulot sa kanila na magalaw ang handog sa Diyos, isasaalang-alang nila kung gaano kadaling magkasala sa disposisyon ng Diyos, at sisiguraduhin nilang mag-ingat sa kanilang pagkilos.) Ang tugon mo ay nasa tamang landas, ngunit hindi iyon nagtatapos doon. Ang paglalakad sa daan ng Diyos ay hindi tungkol sa pagsunod sa mabababaw na panuntunan; sa halip, nangangahulugan ito na kapag nahaharap ka sa isang problema, ituring mo muna ito una sa lahat bilang isang sitwasyon na naisaayos ng Diyos, isang responsibilidad na naipagkaloob Niya sa iyo, o isang gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag nahaharap sa problemang ito, dapat mo ngang ituring ito bilang isang pagsubok ng Diyos sa iyo. Kapag nahaharap ka sa problemang ito, kailangan ay mayroon kang pamantayan sa puso mo, kailangan mong isipin na ang bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Kailangan mong pag-isipan kung paano mo haharapin ito sa isang paraan na matutupad mo ang iyong responsibilidad habang nananatili kang tapat sa Diyos, gayundin kung paano ito gawin nang hindi Siya ginagalit o hindi ka nagkakasala sa Kanyang disposisyon. Kanina lamang ay pinag-usapan natin ang pag-iingat sa mga handog. Kasali rito ang mga handog, at binabanggit din dito ang iyong tungkulin at iyong responsibilidad. Nakatali ka sa responsibilidad na ito. Gayunman, kapag naharap ka sa problemang ito, mayroon bang anumang tukso? Mayroon! Saan nanggagaling ang tuksong ito? Galing ang tuksong ito kay Satanas, at nagmumula rin ito sa masasama at tiwaling mga disposisyon ng mga tao. Dahil may tukso, kasali sa isyung ito ang paninindigan sa patotoo na dapat panindigan ng mga tao, na responsibilidad at tungkulin mo rin. Sabi ng ilang tao, “Napakaliit na bagay nito; kailangan ba talagang palakihin ito?” Oo, kailangan! Dahil para makalakad sa daan ng Diyos, hindi natin maaaring hayaan ang anumang nangyayari sa atin o sa paligid natin, kahit ang maliliit na bagay; iniisip man natin na dapat itong bigyang-pansin o hindi, basta’t may anumang bagay tayong nakakaharap, hindi natin ito dapat hayaan. Lahat ng bagay na nangyayari ay dapat ituring na mga pagsubok na bigay sa atin ng Diyos. Ano sa palagay mo ang ganitong paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay? Kung mayroon kang ganitong klaseng saloobin, nagpapatibay ito sa isang katunayan: Sa iyong kalooban, may takot ka sa Diyos at handa kang umiwas sa kasamaan. Kung may hangarin kang palugurin ang Diyos, hindi malayong matugunan ng isinasagawa mo ang pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

Madalas ay may mga taong naniniwala na ang mga bagay na hindi gaanong pinapansin ng mga tao at hindi karaniwang binabanggit ay maliliit na bagay lamang na walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag naharap sa ganito lamang na isyu, hindi ito gaanong pinag-iisipan ng mga taong ito, at hinahayaan lamang nila ito. Gayunman, sa katunayan, ang bagay na ito ay isang aral na dapat mong pag-aralan—isang aral kung paano magkaroon ng takot sa Diyos at paano umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, ang dapat mong higit na alalahanin ay ang pag-alam kung ano ang ginagawa ng Diyos kapag dumarating ang bagay na ito sa iyong harapan. Nasa tabi mo ang Diyos, inoobserbahan ang bawat salita at kilos mo, at minamatyagan ang lahat ng ginagawa mo at ang mga pagbabagong nagaganap sa iyong isipan—ito ay gawain ng Diyos. Nagtatanong ang ilang tao, “Kung totoo iyan, bakit hindi ko iyon naramdaman?” Hindi mo iyon naramdaman dahil hindi ka sumunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang pangunahin mong daan; kaya hindi mo maramdaman ang banayad na gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, na nagpapamalas mismo ayon sa iba-ibang saloobin at kilos ng mga tao. Isa kang hangal! Ano ang malaking bagay? Ano ang maliit na bagay? Ang mga bagay na nauugnay sa paglakad sa daan ng Diyos ay hindi nahahati sa pagitan ng malalaki o maliliit na bagay, lahat ng ito ay malalaking bagay—matatanggap ba ninyo iyon? (Matatanggap namin iyon.) Pagdating sa pang-araw-araw na mga bagay, may ilan na itinuturing ng mga tao na napakalaki at makabuluhan, at ang iba pa na itinuturing nilang maliliit na bagay. Madalas ituring ng mga tao ang malalaking bagay na ito na napakahalaga, at itinuturing nila ang mga ito na nagmula sa Diyos. Gayunman, habang lumalabas ang malalaking bagay na ito, dahil sa kamusmusan ng isip ng tao at dahil sa kanilang mahinang kakayahan, madalas ay hindi natutupad ng mga tao ang kalooban ng Diyos, hindi sila makatanggap ng anumang mga paghahayag, at hindi sila makakuha ng anumang aktuwal na kaalaman na may halaga. Pagdating sa maliliit na bagay, hindi talaga napapansin ng mga tao ang mga ito at hinahayaan lamang na unti-unting mawala. Sa gayon, nawala sa mga tao ang maraming pagkakataong masuri sa harap ng Diyos at masubok Niya. Kung lagi mong kinaliligtaan ang mga tao, pangyayari, at bagay, at mga sitwasyong naisaayos ng Diyos para sa iyo, ano ang ibig sabihin niyan? Ang ibig sabihin niyan ay na bawat araw, at kahit bawat sandali, palagi mong tinatalikuran ang pagpeperpekto ng Diyos sa iyo, pati na ang Kanyang pamumuno. Tuwing nagsasaayos ang Diyos ng isang sitwasyon para sa iyo, lihim Siyang nakamasid, nakatingin sa iyong puso, inoobserbahan Niya ang iyong mga iniisip at pagwawari, minamasdan kung paano ka mag-isip, at hinihintay na makita kung paano ka kikilos. Kung isa kang pabayang tao—isang taong hindi kailanman naging seryoso tungkol sa daan ng Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa katotohanan—hindi ka magiging maingat o hindi mo papansinin ang nais ng Diyos na tapusin o ang mga kinakailangang inasahan Niyang tugunan mo kapag nagsaayos Siya ng isang sitwasyon para sa iyo. Hindi mo rin malalaman kung paano nauugnay ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na nakakatagpo mo sa katotohanan o sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos mong harapin ang paulit-ulit na mga sitwasyon at pagsubok na tulad nito, nang walang nakikita ang Diyos na anumang resulta sa iyo, paano Siya magpapatuloy? Pagkatapos ng paulit-ulit na pagharap sa mga pagsubok, hindi mo dinakila ang Diyos sa puso mo, ni hindi mo nakita kung ano ang mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa iyo: mga pagsubok at pagsusuri mula sa Diyos. Sa halip, sunud-sunod mo nang tinanggihan ang mga pagkakataong ibinigay ng Diyos sa iyo, at hinayaang makalampas ang mga ito nang paulit-ulit. Hindi ba sukdulang pagsuway ang ipinapakitang ito ng mga tao? (Oo.) Masasaktan ba ang Diyos dahil dito? (Oo.) Mali, hindi masasaktan ang Diyos! Minsan pa kayong nagulat na marinig Akong sabihin ang gayong bagay. Iniisip siguro ninyo: “Hindi ba sinabi kanina na palaging nasasaktan ang Diyos? Kung gayon ba ay hindi nasasaktan ang Diyos? Kung gayon, kailan nasasaktan ang Diyos?” Sa madaling salita, hindi masasaktan ang Diyos sa sitwasyong ito. Kaya, ano, kung gayon, ang saloobin ng Diyos sa uri ng pag-uugaling nakabalangkas sa itaas? Kapag tinatanggihan ng mga tao ang mga pagsubok at pagsusuring ipinadadala sa kanila ng Diyos, at kapag iniiwasan nila ang mga ito, iisa lamang ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao. Anong saloobin ito? Tinatanggihan ng Diyos ang ganitong klaseng tao, sa kaibuturan ng Kanyang puso. May dalawang antas ng kahulugan para sa salitang “tanggihan.” Paano Ko dapat ipaliwanag ito mula sa Aking pananaw? Sa Aking kaibuturan, ang salitang “tanggihan” ay nangangahulugan ding kasuklaman at kamuhian. Ano naman ang isa pang antas ng kahulugan nito? Iyan ang bahaging nagpapahiwatig ng pagsuko sa isang bagay. Alam ninyong lahat ang kahulugan ng “pagsuko,” hindi ba? Sa madaling sabi, ang “tanggihan” ay isang salitang kumakatawan sa huling reaksyon at saloobin ng Diyos sa mga taong kumikilos sa ganitong paraan; iyon ay sukdulang pagkamuhi sa kanila, at pagkayamot, at, sa gayon, nagreresulta ito sa desisyon na pabayaan sila. Ito ang panghuling desisyon ng Diyos sa isang taong hindi kailanman lumakad sa daan ng Diyos at hindi kailanman nagkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Makikita ba ninyong lahat ngayon ang kahalagahan ng kasabihang binanggit Ko kanina?

Nauunawaan na ba ninyo ngayon ang pamamaraang ginagamit ng Diyos sa pagpapasya sa mga kahihinatnan ng mga tao? (Nagsasaayos Siya ng iba’t ibang sitwasyon araw-araw.) “Nagsasaayos Siya ng iba’t ibang sitwasyon”—ito ang mga bagay na nadarama at nahahawakan ng mga tao. Kaya, ano ang motibo ng Diyos sa paggawa nito? Ang Kanyang layunin ay bigyan ang bawat isang tao ng iba-ibang pamamaraan ng mga pagsubok sa iba’t ibang panahon at iba’t ibang lugar. Anong mga aspeto ng isang tao ang sinusuri sa panahon ng isang pagsubok? Tinutukoy ng isang pagsubok kung ikaw ay isang uri ng tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi sa bawat isyung iyong kinakaharap, naririnig, nakikita, at personal mong nararanasan. Lahat ay haharap sa ganitong klaseng pagsubok, dahil makatarungan ang Diyos sa lahat ng tao. Sinasabi ng ilan sa inyo, “Nanampalataya na ako sa Diyos sa loob ng maraming taon, kaya bakit hindi pa ako naharap sa anumang mga pagsubok?” Pakiramdam mo ay hindi ka pa naharap sa anuman dahil kapag nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para sa iyo, hindi mo sineseryoso ang mga ito at ayaw mong lumakad sa daan ng Diyos. Sa gayon, talagang hindi mo man lamang nadarama ang mga pagsubok ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Naharap na ako sa ilang pagsubok, ngunit hindi ko alam kung paano magsagawa nang wasto. Kahit noong magsagawa ako, hindi ko pa rin alam kung nanindigan ba ako sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos.” Ang mga tao sa ganitong uri ng kalagayan ay tiyak na hindi lamang kakaunti. Sa gayon, ano ang pamantayang ginagamit ng Diyos sa pagsukat sa mga tao? Katulad ng sinabi Ko kanina: Iyon ay kung may takot ka man sa Diyos o wala at umiiwas ka sa kasamaan o hindi sa lahat ng bagay na ginagawa, iniisip, at ipinapakita mo. Ganito magpasya kung isa kang taong may takot sa Diyos o wala at umiiwas ka sa kasamaan o hindi. Simple ba ang konseptong ito, o hindi? Madali itong sabihin, ngunit madali ba itong isagawa? (Hindi iyon gayon kadali.) Bakit hindi iyon gayon kadali? (Dahil hindi kilala ng mga tao ang Diyos, at hindi nila alam kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, kaya kapag nahaharap sila sa mga bagay-bagay, hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang kanilang mga problema. Kailangan silang magdaan sa iba-ibang pagsubok, pagpipino, pagkastigo, at paghatol bago nila taglayin ang realidad na magkaroon ng takot sa Diyos.) Maaari ninyong sabihin iyan nang ganyan, ngunit para sa inyo, tila napakadaling magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan ngayon. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil nakinig kayo sa maraming sermon at marami kayong natanggap na pagdidilig mula sa realidad ng katotohanan; ito ang nagtulot sa inyo na teoretikal at matalinong unawain kung paano magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Tungkol sa kung paano talaga isagawa ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, malaking tulong ang lahat ng kaalamang ito at ipinadama nito sa inyo na parang madaling makamtan ang gayong bagay. Kung gayon, bakit hindi ito talaga nakakamtan ng mga tao kailanman? Ito ay dahil ang kalikasan at diwa ng mga tao ay walang takot sa Diyos, at gusto nito ang kasamaan. Ito ang tunay na dahilan.

Ang Hindi Matakot sa Diyos at Umiwas sa Kasamaan ay Paglaban sa Diyos

Magsisimula Ako sa pagtatanong sa inyo kung saan nagmula ang kasabihang, “matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.” (Ang Aklat ni Job.) Yamang nabanggit natin si Job, talakayin natin siya. Noong panahon ni Job, gumawa ba ang Diyos para iligtas at lupigin ang sangkatauhan? Hindi! Ganoon ba? Gayundin, pagdating kay Job, gaano karami ang kanyang kaalaman noon tungkol sa Diyos? (Kaunti lamang.) Mas marami ba ang alam ni Job sa Diyos kaysa sa inyo ngayon o mas kaunti? Bakit hindi kayo naglalakas-loob na sumagot? Napakadaling sagutin ng tanong na ito. Mas kaunti! Tiyak iyan! Kaharap ninyo ang Diyos sa mga panahong ito, at kaharap ninyo ang mga salita ng Diyos; mas marami kayong alam tungkol sa Diyos kaysa kay Job. Bakit Ko sinasabi ito? Bakit Ko sinasabi ang mga bagay na ito? Gusto Kong ipaliwanag ang isang katunayan sa inyo, ngunit bago Ko gawin iyan, nais Ko munang tanungin kayo: Kakaunti ang alam ni Job tungkol sa Diyos, subalit nagawa pa rin niyang magkaroon ng takot sa Kanya at iwasan ang kasamaan; bakit nabibigo ang mga tao na gawin ito sa mga panahong ito? (Malalim ang kanilang katiwalian.) “Malalim ang katiwalian”—ito ang mababaw na pangyayari na nagsasanhi ng problema, ngunit hindi Ko titingnan iyon sa gayong paraan kailanman. Madalas ay kinukuha ninyo ang madalas gamiting mga doktrina at kataga, tulad ng “malalim na katiwalian,” “paghihimagsik laban sa Diyos,” “pagtataksil sa Diyos,” “pagsuway,” “pag-ayaw sa katotohanan,” at kung anu-ano pa, at ginagamit ninyo ang mga kilalang pariralang ito upang ipaliwanag ang diwa ng bawat isang isyu. Mali ang paraang ito ng pagsasagawa. Ang paggamit ng iisang sagot para ipaliwanag ang mga bagay tungkol sa iba’t ibang kalikasan ay tiyak na pupukaw sa lapastangang mga hinala tungkol sa katotohanan at sa Diyos; ayaw Kong marinig ang ganitong klaseng sagot. Pag-isipan ninyong mabuti ito! Walang isa man sa inyo ang nakapag-isip tungkol sa bagay na ito, ngunit nakikita Ko ito bawat araw, at bawat araw ay nadarama Ko ito. Sa gayon, habang kumikilos kayo, nakamasid Ako. Kapag may ginagawa kayo, hindi ninyo madama ang diwa nito, ngunit kapag nakamasid Ako, nakikita ko ang diwa nito, at nadarama Ko rin ang diwa nito. Kaya, ano ang diwang ito, kung gayon? Bakit walang takot sa Diyos ang mga tao sa panahong ito at hindi sila umiiwas sa kasamaan? Ang inyong mga sagot ay malayong maipaliwanag ang diwa ng problemang ito, ni hindi ito kayang lutasin ng mga ito. Ito ay dahil may isang pinagmulan ito na hindi ninyo alam. Ano ang pinagmulang ito? Alam Kong gusto ninyong marinig ang tungkol dito, kaya sasabihin Ko sa inyo ang pinagmulan ng problemang ito.

Mula nang magsimulang gumawa ang Diyos, paano Niya itinuring ang mga tao? Sinagip sila ng Diyos; nakita na Niya ang mga tao bilang mga miyembro ng Kanyang pamilya, bilang mga pakay ng Kanyang gawain, bilang mga taong nais Niyang lupigin at iligtas, at bilang mga taong nais Niyang gawing perpekto. Ito ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan sa simula ng Kanyang gawain. Ngunit ano ang saloobin ng sangkatauhan sa Diyos noon? Hindi pamilyar ang Diyos sa mga tao, at itinuring nila ang Diyos bilang isang estranghero. Masasabi na ang kanilang saloobin sa Diyos ay hindi umani ng mga tamang resulta, at wala silang malinaw na pagkaunawa kung paano nila dapat tratuhin ang Diyos. Sa gayon, itinuring nila Siya ayon sa gusto nila, at ginawa nila ang anumang gusto nila. May mga opinyon ba sila tungkol sa Diyos? Noong una, wala; ang tinatawag na mga opinyon ay binuo lamang ng ilang kuru-kuro at sapantaha tungkol sa Kanya. Tinanggap nila kung ano ang umayon sa kanilang mga kuru-kuro, at kapag may isang bagay na hindi umayon sa kanilang mga kuru-kuro, pakunwari nila itong sinunod, ngunit lubhang nagtalo ang kanilang kalooban at kinontra nila ito. Ganito ang relasyon sa pagitan ng Diyos at ng mga tao sa simula: Itinuring sila ng Diyos bilang mga miyembro ng pamilya, subalit itinuring Siya ng tao bilang isang estranghero. Gayunman, pagkaraan ng ilang panahon ng gawain ng Diyos, naunawaan ng mga tao kung ano ang sinisikap Niyang makamit, at nalaman nila na Siya ang tunay na Diyos; nalaman din nila kung ano ang maaari nilang matamo mula sa Diyos. Paano itinuring ng mga tao ang Diyos sa panahong ito? Ang tingin nila sa Kanya ay isang mahihingan ng tulong, at inasam nilang mapagkalooban ng Kanyang biyaya, mga pagpapala, at mga pangako. Sa panahong ito, paano itinuring ng Diyos ang mga tao? Itinuring Niya sila bilang mga layon ng Kanyang paglupig. Nais ng Diyos na gumamit ng mga salita upang hatulan sila, suriin sila, at isailalim sila sa mga pagsubok. Gayunman, para sa mga tao noon, ang Diyos ay isang bagay na maaari nilang gamitin upang makamtan ang sarili nilang mga layunin. Nakita ng mga tao na ang katotohanang inilabas ng Diyos ay maaari silang lupigin at iligtas, na nagkaroon sila ng isang pagkakataong matamo ang mga bagay na nais nila mula sa Kanya, at matamo rin ang mga hantungang nais nila. Dahil dito, nabuo ang katiting na katapatan sa kanilang puso, at naging handa silang sundan ang Diyos na ito. Lumipas ang ilang panahon, at dahil nagtamo sila ng kaunting mababaw at doktrinal na kaalaman tungkol sa Diyos, masasabi pa na nagsisimula nang maging “pamilyar” ang mga tao sa Diyos at sa mga salitang Kanyang sinabi, Kanyang pangangaral, sa mga katotohanang Kanyang inilabas, at Kanyang gawain. Sa gayon ay nagkamali sila sa pagkaintindi na kilala na nila ang Diyos, at na nagsimula na silang lumakad sa landas ng pagiging kaayon ng Diyos. Sa ngayon, nakarinig na ang mga tao ng napakaraming sermon tungkol sa katotohanan at nakaranas na ng malaking bahagi ng gawain ng Diyos. Magkagayunman, dahil sa panghihimasok at paghadlang sanhi ng iba’t ibang kadahilanan at mga sitwasyon, hindi maaaring magtagumpay ang karamihan sa mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nila mapapalugod ang Diyos. Lalong naging matamlay at lalong nawalan ng tiwala ang mga tao. Nag-iibayo ang pakiramdam nila na walang nakakaalam sa sarili nilang mga kahihinatnan. Hindi sila nangangahas na mag-isip ng anumang magara na mga ideya, at wala silang hangad na umunlad; nag-aatubili lamang silang sumusunod, sumusulong, sa paisa-isang hakbang. Patungkol sa kasalukuyang kalagayan ng mga tao, ano ang saloobin ng Diyos sa kanila? Nais lamang Niyang ipagkaloob ang mga katotohanang ito sa kanila at pagtibayin ang mga ito sa Kanyang daan, at pagkatapos ay magpaplano Siya ng iba-ibang sitwasyon upang subukan sila sa iba’t ibang paraan. Ang Kanyang layunin ay gamitin ang mga salitang ito, ang mga katotohanang ito, at ang Kanyang gawain, at magdulot ng isang kahihinatnan kung saan may kakayahan ang mga tao na magkaroon ng takot sa Kanya at umiwas sa kasamaan. Karamihan sa mga taong nakita Ko ay itinuturing lamang ang mga salita ng Diyos bilang mga doktrina, mga titik lamang na nakasulat sa papel, mga regulasyong susundin. Sa kanilang mga kilos at pananalita, o habang nahaharap sa mga pagsubok, hindi nila itinuturing ang daan ng Diyos bilang daan na dapat sundan. Lalong totoo ito kapag nahaharap ang mga tao sa malalaking pagsubok; wala pa Akong nakitang tao na nagsasagawa sa direksyon ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Sa gayon, ang saloobin ng Diyos sa mga tao ay puno ng matinding pagkamuhi at pag-ayaw! Sa kabila ng Kanyang paulit-ulit na pagbibigay sa kanila ng mga pagsubok, kahit daan-daang beses pa, wala pa rin silang anumang malinaw na saloobin upang maipamalas ang kanilang determinasyon: “Gusto kong magkaroon ng takot sa Diyos at iwasan ang kasamaan!” Dahil hindi taglay ng mga tao ang pasyang ito at hindi nila ito ipinapakita, ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa kanila ay hindi katulad noong araw, kung kailan ipinaabot Niya sa kanila ang Kanyang awa, pagpaparaya, pagtitimpi, at pagpapasensya. Sa halip, bigung-bigo Siya sa sangkatauhan. Sino ang nagsanhi ng kabiguang ito? Kanino nakasalalay ang saloobin ng Diyos sa mga tao? Nakasalalay ito sa bawat taong sumusunod sa Kanya. Sa maraming taon ng Kanyang gawain, maraming hinihingi ang Diyos sa mga tao at nagsaayos Siya ng maraming sitwasyon para sa kanila. Gayunman, paano man sila nagsagawa, at anuman ang saloobin nila sa Diyos, nabigo ang mga tao na magsagawa nang may malinaw na pagsunod sa layuning magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa gayon, ibubuod Ko ito sa isang parirala, at gagamitin Ko ang pariralang ito para ipaliwanag ang lahat ng kasasabi pa lamang natin kung bakit hindi makalakad ang mga tao sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ano ang pariralang ito? Ito iyon: Itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang mga layon ng Kanyang pagliligtas at mga layon ng Kanyang gawain; itinuturing ng mga tao ang Diyos bilang kanilang kaaway at kanilang kakontra. Malinaw na ba sa iyo ngayon ang bagay na ito? Napakalinaw ng saloobin ng sangkatauhan, ng saloobin ng Diyos, at ng relasyon sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Gaano mang pangaral ang napakinggan ninyo, yaong mga bagay na pinaghugutan ninyo ng sarili ninyong mga konklusyon, tulad ng pagiging tapat sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, paghahanap ng daan para maging kaayon ng Diyos, pagkagustong gugulin ang buong buhay para sa Diyos, at pagnanais na mabuhay para sa Diyos—para sa Akin, ang mga bagay na iyon ay hindi mga halimbawa ng sadyang paglakad sa daan ng Diyos, ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kundi sa halip, mga daluyan lamang ang mga ito tungo sa inyong pagtatamo ng ilang layunin. Para matamo ang mga iyon, nag-aatubili kayong sumunod sa ilang regulasyon, at ang mga regulasyong ito mismo ang naglalayo sa mga tao mula sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at minsan pang inilalagay niyan ang Diyos bilang kakontra ng sangkatauhan.

Medyo mabigat ang paksa ngayon, ngunit ano’t anuman, umaasa pa rin Ako na kapag dumaan kayo sa mga karanasang darating, at sa mga panahong darating, magawa ninyo ang kasasabi Ko pa lamang sa inyo. Huwag ninyong ituring ang Diyos na walang halaga—na para bang umiiral Siya kapag may silbi Siya sa inyo, ngunit hindi Siya umiiral kapag wala Siyang silbi sa inyo. Kapag nagkaroon ka ng gayong ideya nang wala kang kamalay-malay, napagalit mo na ang Diyos. Marahil ay may mga taong nagsasabing, “Hindi ko itinuturing ang Diyos na walang halaga. Lagi akong nagdarasal sa Kanya at lagi kong sinusubukang bigyang-kasiyahan Siya, at lahat ng ginagawa ko ay nasa loob ng saklaw, pamantayan, at mga prinsipyong kinakailangan ng Diyos. Talagang hindi ako nagsasagawa ayon sa sarili kong mga ideya.” Oo, tama ang paraang ito ng iyong pagsasagawa! Magkagayunman, ano ang iniisip mo kapag nahaharap ka sa isang problema? Paano ka nagsasagawa kapag nahaharap ka sa isang isyu? Nadarama ng ilang tao na umiiral ang Diyos kapag nagdarasal sila sa Kanya at nagsusumamo sa Kanya, ngunit tuwing nahaharap sila sa isang problema, bumubuo sila ng sarili nilang mga ideya at nais nilang sundin ang mga ito. Ang ibig sabihin niyan ay itinuturing nila ang Diyos na walang halaga, at dahil sa gayong sitwasyon, hindi umiiral ang Diyos sa kanilang isipan. Naniniwala ang mga tao na dapat umiral ang Diyos kapag kailangan nila Siya, ngunit hindi kapag hindi nila Siya kailangan. Iniisip ng mga tao na ang pagsasagawa batay sa sarili nilang mga ideya ay sapat na. Naniniwala sila na magagawa nila ang anumang gusto nila; hindi talaga sila naniniwala na kailangan nilang hanapin ang daan ng Diyos. Para sa mga taong kasalukuyang nasa ganitong uri ng sitwasyon at hindi sila makaalpas, hindi ba nila inilalagay ang sarili nila sa panganib? Sabi ng ilang tao, “Inilalagay ko man ang sarili ko sa panganib o hindi, sumampalataya na ako sa loob ng maraming taon, at naniniwala ako na hindi ako pababayaan ng Diyos, dahil hindi Niya ako matitiis.” Sabi ng iba, “Naniwala na ako sa Panginoon noon pa mang nasa sinapupunan ako ng aking ina. Apatnapu o limampung taon na ang nakalipas, kaya sa tagal ng panahon, lubha akong karapat-dapat na iligtas ng Diyos at lubha akong karapat-dapat na patuloy na mabuhay. Sa nakalipas na apat o limang dekada, tinalikuran ko na ang aking pamilya at aking trabaho at naisuko ko na ang lahat ng mayroon ako—tulad ng pera, katayuan, kasiyahan, at oras para sa aking pamilya. Hindi ako kumain ng maraming masasarap na pagkain, hindi ako nagpakasaya sa maraming libangan, hindi ko nabisita ang maraming interesanteng lugar, at naranasan ko pa ngang maghirap na hindi kayang tiisin ng mga ordinaryong tao. Kung hindi ako maililigtas ng Diyos sa kabila ng lahat ng ito, hindi makatarungan ang pagtrato sa akin, at hindi ako maniniwala sa ganitong uri ng Diyos.” Marami bang taong ganito ang pananaw? (Marami.) Kung gayon, ipauunawa Ko sa inyo ngayon ang isang katunayan: Lahat ng taong gayon ang pananaw ay binabaril ang kanilang sariling paa. Ito ay dahil tinatakpan nila ang kanilang mga mata sa sarili nilang mga imahinasyon. Ang mga imahinasyong ito mismo, pati na ang sarili nilang mga konklusyon, ang pumapalit sa pamantayang pinatutugunan ng Diyos sa mga tao at pumipigil sa kanila na tanggapin ang tunay na mga layunin ng Diyos. Dahil dito, hindi nila madama ang Kanyang tunay na pag-iral, at nawawalan din sila ng pagkakataong magawang perpekto ng Diyos, na tinatalikuran ang anumang bahagi o kabahagi nila sa pangako ng Diyos.

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger