VI Ang Pagkakaugnay ng Gawain ng Kapanahunan ng Biyaya at ng Kapanahunan ng Kaharian

1. Pagkatapos ng gawain ni Jehova, naging tao si Jesus upang gawin ang Kanyang gawain sa mga tao. Ang Kanyang gawain ay hindi isinagawa nang nakahiwalay, kundi nakabatay sa gawain ni Jehova. Iyon ay gawain para sa isang bagong kapanahunan na ginawa ng Diyos nang matapos Niya ang Kapanahunan ng Kautusan. Gayundin, nang matapos ang gawain ni Jesus, nagpatuloy ang Diyos sa Kanyang gawain para sa susunod na kapanahunan, dahil ang buong pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong. Kapag lumipas ang lumang kapanahunan, papalitan ito ng isang bagong kapanahunan, at kapag natapos na ang lumang gawain, magkakaroon ng bagong gawain para ipagpatuloy ang pamamahala ng Diyos. Ang pagkakatawang-taong ito ay ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, na sinusundan ang gawain ni Jesus. Siyempre pa, ang pagkakatawang-taong ito ay hindi nangyayaring mag-isa; ito ang pangatlong yugto ng gawain pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya. … Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

2. Hindi kinumpleto ng Diyos sa una Niyang pagkakatawang-tao ang gawain ng pagkakatawang-tao; tinapos lamang Niya ang unang hakbang ng gawain na kinailangang gawin ng Diyos sa katawang-tao. Kaya, upang matapos ang gawain ng pagkakatawang-tao, minsan pang nagbalik sa katawang-tao ang Diyos, na isinasabuhay ang lahat ng normalidad at realidad ng katawang-tao, ibig sabihin, ipinapakita ang Salita ng Diyos sa isang lubos na normal at ordinaryong katawang-tao, sa gayon ay tinatapos ang gawaing iniwan Niyang hindi tapos sa katawang-tao. … Ang katawang-tao ni Jesus ang ipinako sa krus, ang Kanyang katawang-tao ang Kanyang isinuko bilang handog dahil sa kasalanan; tinalo Niya si Satanas sa pamamagitan ng isang katawang-taong may normal na pagkatao at ganap na iniligtas ang tao mula sa krus. At bilang isang ganap na katawang-tao isinasagawa ng Diyos sa Kanyang pangalawang pagkakatawang-tao ang gawain ng panlulupig at tinatalo si Satanas. Ang isang katawang-tao lamang na ganap na normal at totoo ang makapagsasagawa ng gawain ng panlulupig sa kabuuan nito at makapagbibigay ng malakas na patotoo. Ibig sabihin, ang paglupig sa tao ay nagiging epektibo sa pamamagitan ng realidad at normalidad ng Diyos sa katawang-tao, hindi sa pamamagitan ng higit-sa-karaniwang mga himala at paghahayag. Ang ministeryo ng Diyos na nagkatawang-taong ito ay upang magsalita, at sa gayon ay malupig at magawang perpekto ang tao; sa madaling salita, ang gawain ng Espiritu na naging totoo sa katawang-tao, ang tungkulin ng katawang-tao, ay magsalita at sa gayon ay malupig, mabunyag, magawang perpekto, at maalis nang tuluyan ang tao. Kaya nga, sa gawain ng panlulupig maisasakatuparan nang buung-buo ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang paunang gawain ng pagtubos ay simula lamang ng gawain ng pagkakatawang-tao; kukumpletuhin ng katawang-taong nagsasagawa ng gawain ng panlulupig ang buong gawain ng pagkakatawang-tao.

Hinango mula sa “Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

3. Naisulong na ng gawain ngayon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, nakasulong na ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon na ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit Ko ba sinasabi nang paulit-ulit na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kautusan? Dahil ang gawain ng panahong ito ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at isang pag-unlad doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay, na bawat kawing sa kadena ay nakarugtong na mabuti sa kasunod. Bakit Ko ba sinasabi rin na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa ginawa ni Jesus? Ipagpalagay nang ang yugtong ito ay hindi batay sa gawaing ginawa ni Jesus, kakailanganing maganap ang isa pang pagpapapako sa krus sa yugtong ito, at ang gawain ng pagtubos ng naunang yugto ay kakailanganing uliting muli. Magiging walang saysay ito. Kaya nga hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas na nang mas mataas kaysa rati. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nakabatay sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at nakasalig sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ng Diyos ay itinatatag nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong simula. Ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain lamang ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ang gawain ng yugtong ito ay ginagawa sa pundasyon ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Kung hindi magkaugnay ang dalawang yugtong ito ng gawain, bakit hindi inulit ang pagpapako sa krus sa yugtong ito? Bakit hindi Ko pasan ang mga kasalanan ng tao, kundi sa halip ay pumarito Ako upang hatulan at kastiguhin nang tuwiran ang tao? Kung ang Aking gawaing hatulan at kastiguhin ang tao at ang Aking pagparito ngayon hindi sa pamamagitan ng paglilihi ng Banal na Espiritu ay hindi sumunod sa pagpapapako sa krus, hindi sana Ako naging marapat na hatulan at kastiguhin ang tao. Dahil ito mismo sa kaisa Ako ni Jesus kaya Ako pumarito upang tuwirang kastiguhin at hatulan ang tao. Ang gawain sa yugtong ito ay lubos na batay sa gawain sa naunang yugto. Iyan ang dahilan kaya ganitong klaseng gawain lamang ang maaaring maghatid sa tao, sa paisa-isang hakbang, tungo sa kaligtasan. Kami ni Jesus ay nagmumula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming katawang-tao, iisa ang Aming Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng Aming ginagawa at ang gawaing Aming ginagawa ay hindi magkapareho, magkatulad Kami sa diwa; ang Aming katawang-tao ay magkaiba ang anyo, ngunit dahil ito sa pagbabago sa kapanahunan at sa magkakaibang mga kinakailangan ng Aming gawain; hindi magkapareho ang Aming ministeryo, kaya magkaiba rin ang gawaing hatid Namin at ang disposisyong inihahayag Namin sa tao. Kaya nga ang nakikita at nauunawaan ng tao sa araw na ito ay hindi katulad noong araw, na dahil sa pagbabago sa kapanahunan.

Hinango mula sa “Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

4. Ang unang pagkakataon na pumarito Ako sa mga tao ay noong Kapanahunan ng Pagtubos. Mangyari pa, napunta Ako sa isang pamilyang Judio; sa gayon, ang unang nakakita sa pagparito ng Diyos sa lupa ay ang mga Judio. Kaya Ko ginawa nang personal ang gawaing ito ay dahil nais Kong gamitin ang Aking katawang-tao bilang handog dahil sa kasalanan sa Aking gawain ng pagtubos. Sa gayon, ang unang nakakita sa Akin ay ang mga Judio sa Kapanahunan ng Biyaya. Iyon ang unang pagkakataon na gumawa Ako na nasa katawang-tao. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ang gawain Ko ay manlupig at magperpekto, kaya muli Kong ginawa ang gawaing mag-akay na nasa katawang-tao. Ito ang ikalawang pagkakataon Kong magtrabaho na nasa katawang-tao. … Magkatulad Sila dahil pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao na nagsasagawa ng gawain ng Diyos Ama, at magkaiba dahil ginagawa ng isa ang gawain ng pagtubos samantalang ang isa naman ay ang gawain ng panlulupig. Parehong kumakatawan sa Diyos Ama, ngunit ang isa ay ang Manunubos, na puno ng kagandahang-loob at awa, at ang isa naman ay ang Diyos ng katuwiran, na puno ng poot at paghatol. Ang isa ay ang Kataas-taasang Pinuno na naglunsad ng gawain ng pagtubos, samantalang ang isa naman ay ang matuwid na Diyos na nagsasakatuparan ng gawain ng panlulupig. Ang isa ay ang Simula, at ang isa naman ay ang Wakas. Ang isa ay walang-kasalanang katawan, samantalang ang isa naman ay katawan na tumatapos sa pagtubos, nagpapatuloy ng gawain, at hindi nagkakasala kailanman. Pareho Silang iisang Espiritu, ngunit nananahan Sila sa magkaibang katawang-tao at isinilang sa magkaibang lugar, at magkahiwalay Sila nang ilang libong taon. Gayunman, lahat ng Kanilang gawain ay nagpupuno sa isa’t isa, hindi kailanman nagkakasalungat, at maaaring banggitin nang sabay.

Hinango mula sa “Ano ang Pagkaunawa Mo sa Diyos?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

5. Ang buong pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto, at sa bawat yugto, ang mga angkop na kinakailangan ay itinatalaga sa tao. At saka, habang lumilipas at sumusulong ang mga kapanahunan, ang mga kinakailangan ng Diyos sa buong sangkatauhan ay nagiging lalong mas mataas. … Sa nakalipas, kinailangan sa tao na sumunod sa batas at mga kautusan, at hinihingi na siya ay maging matiisin at mapagpakumbaba. Ngayon, ang tao ay kinakailangan na sundin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos at magtaglay ng labis na pag-ibig sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay hinihingi sa kanya na mahalin pa rin ang Diyos sa gitna ng paghihirap. Ang tatlong yugtong ito ay mga kinakailangan ng Diyos sa tao, isa-isang hakbang, sa kabuuan ng Kanyang pamamahala. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay mas lumalalim kaysa sa huli, at sa bawat yugto ang mga kinakailangan sa tao ay mas tumindi kaysa sa huli, at sa paraang ito, ang buong pamamahala ng Diyos ay unti-unting nabubuo. Talagang dahil sa ang mga kinakailangan sa tao ay lalo pang mas mataas kung kaya ang disposisyon ng tao ay mas lalong lumalapit sa mga pamantayang kinakailangan ng Diyos, at saka pa lamang magsisimula na unti-unting makaaalis ang buong sangkatauhan sa impluwensya ni Satanas hanggang, kapag ganap nang natapos ang gawain ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay nailigtas na mula sa impluwensya ni Satanas.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

6. Mula sa gawain ni Jehova hanggang sa gawain ni Jesus, at mula sa gawain ni Jesus hanggang sa gawain sa kasalukuyang yugto, ang tatlong yugtong ito ay sumasaklaw sa kabuuang lawak ng pamamahala ng Diyos, at lahat ng ito ay gawain ng isang Espiritu. Mula nang likhain ang mundo, lagi nang pinamamahalaan ng Diyos ang sangkatauhan. Siya ang Simula at ang Wakas, Siya ang Una at ang Huli, at Siya ang Siyang nagpapasimula ng kapanahunan at Siyang naghahatid sa kapanahunan sa katapusan nito. Ang tatlong yugto ng gawain, sa magkakaibang kapanahunan at lugar, ay tiyak na gawain ng isang Espiritu. Ang lahat ng naghihiwalay sa tatlong yugtong ito ay sumasalungat sa Diyos. Ngayon, dapat mong maunawaan na ang lahat ng gawain mula sa unang yugto hanggang sa ngayon ay ang gawain ng isang Diyos, ang gawain ng isang Espiritu. Ito ay hindi mapag-aalinlanganan.

Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sinundan: V. Ang Gawain ng Pagtubos ba ng Panginoong Jesus ay Tunay na Gawain ng Pagtatapos ng Kapanahunan?

Sumunod: VII. Ang Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw, ay Nagbubukas ng Balumbon at Nagsasagawa ng Kanyang mga Paghatol

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

Kabanata 3

Ngayon ay hindi na Kapanahunan ng Biyaya, ni kapanahunan ng awa, kundi Kapanahunan ng Kaharian kung saan ang mga tao ng Diyos ay...

Tungkol sa Biblia (4)

Maraming tao ang naniniwala na ang pag-unawa at kakayahang magpakahulugan sa Biblia ay tulad ng pagkasumpong sa tunay na daan—ngunit sa...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito