7. Paano dapat unawain ng isang tao na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. Ito rin nang pasimula’y sumasa Dios” (Juan 1:1–2).

“At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin … na puspos ng biyaya at katotohanan” (Juan 1:14).

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6).

“Ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay” (Juan 6:63).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang katotohanan ay nagmumula sa mundo ng tao, ngunit ang katotohanang nasa tao ay ipinamamana ni Cristo. Ito ay nagmumula kay Cristo, ibig sabihin, mula sa Diyos Mismo, at hindi ito isang bagay na kaya ng tao.

Hinango mula sa “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Diyos Mismo ay buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Yaong mga walang kakayahang makamit ang katotohanan ay hindi kailanman makakamit ang buhay. Kung wala ang patnubay, pag-alalay, at paglaan ng katotohanan, ang tanging makakamit mo lamang ay mga titik, mga doktrina, at, higit sa lahat, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, kung gayon hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, kung gayon tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, at sa gayon bukod sa mga guni-guni at mga pagkaintindi, magiging walang iba ang kabuuan ng katawan mo kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Alamin mong hindi itinuturing na buhay ang mga salita ng mga aklat, hindi maaaring ipagdiwang na katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga salitang sinasabi ng Diyos sa kasalukuyan ang mga tuntunin ng mga nakalipas na panahon. Tanging ang mga inihahayag lamang ng Diyos kapag pumarito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ay ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa.

Hinango mula sa “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang ihatid ang isang bagong kapanahunan, upang baguhin ang paraan ng Kanyang gawain, at upang gawin ang gawain para sa buong kapanahunan. Ito ang panuntunan ng paggawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay nagkatawang-tao upang magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, binibigyang-kakayahan ang tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at ang Kanyang karunungan at pagiging nakamamangha. Ang ganoong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit sa salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang kailangang pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng salita, ang lahat ng gawain na nais isagawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng salita, nahahayag ang tao, naaalis at sinusubukan. Nakita ng tao ang salita, narinig ang salita, at nabuksan ang kamalayan patungkol sa pag-iral ng salita. Ang bunga nito, naniniwala ang tao sa pag-iral ng Diyos, naniniwala ang tao sa pagiging makapangyarihan sa lahat at sa karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos para sa tao at Kanyang pagnanais na iligtas ang tao. Bagaman ang salitang “salita” ay payak at karaniwan, ang salita mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang buong sansinukob; binabago ng Kanyang salita ang puso ng tao, ang mga pagkaunawa at ang lumang disposisyon ng tao, at ang lumang anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganoong paraan, at Siya ang tanging nagsasalita at nagliligtas sa tao. Pagkatapos noon, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng salita, inaakay at tinutustusan ng salita. Ang buong sangkatauhan ay namumuhay sa mundo ng salita, namumuhay sa gitna ng mga sumpa at mga pagpapala ng salita ng Diyos, at mas marami pang tao ang namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kapakanan ng kaligtasan ng tao, pagtupad sa kalooban ng Diyos, at pagbabago sa orihinal na anyo ng mundo ng unang paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng salita, pinamumunuan ang mga tao sa buong sansinukob sa pamamagitan ng salita, nilulupig at inililigtas sila sa pamamagitan ng salita. Sa huli, gagamitin Niya ang salita upang dalhin ang buong lumang mundo sa katapusan. Doon lamang ganap na matatapos ang plano ng pamamahala.

Hinango mula sa “Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Salita ay nagkatawang-tao at ang Espiritu ng katotohanan ay nagkatotoo sa katawang-tao—na lahat ng katotohanan, ng daan, at ng buhay, ay naparito na sa katawang-tao, at ang Espiritu ng Diyos ay talagang dumating na sa lupa at ang Espiritu ay naparito na sa katawang-tao. Bagama’t, sa tingin, mukhang naiiba ito mula sa paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa gawaing ito nagagawa mong makita nang malinaw na ang Espiritu ay naisakatuparan na sa katawang-tao, at, bukod pa rito, ang Salita ay nagkatawang-tao na at ang Salita ay nagpakita na sa katawang-tao. Nagagawa mong maunawaan ang tunay na kahulugan ng mga salitang: “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.” Bukod pa rito, kailangan mong maunawaan na ang Salita sa ngayon ay ang Diyos, at masdan na ang Salita ay naging tao. Ito ang pinakamagandang patotoong maibabahagi mo. Pinatutunayan nito na taglay mo ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos na naging tao—hindi mo lamang nagagawang makilala Siya, kundi nababatid mo rin na ang landas na iyong tinatahak sa ngayon ay ang landas ng buhay, at ang landas ng katotohanan. Tinupad lamang ng yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus ang diwa ng “ang Verbo ay sumasa Dios”: Ang katotohanan ng Diyos ay sumasa Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay nasa katawang-tao at hindi maihihiwalay mula sa katawang-taong iyon. Ibig sabihin, ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay sumasa Espiritu ng Diyos, na mas malaking katunayan na si Jesus na nagkatawang-tao ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang yugtong ito ng gawain mismo ang tumutupad sa kahulugan sa loob ng “ang Salita ay naging tao,” nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa “ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios,” at tinutulutan ka na matibay na paniwalaan ang mga salitang “Nang pasimula siya ang Verbo.” Na ibig sabihin, sa panahon ng paglikha ay may taglay na mga salita ang Diyos, ang Kanyang mga salita ay sumasa Kanya at hindi maihihiwalay sa Kanya, at sa huling kapanahunan, lalo pa Niyang nililinaw ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang mga salita, at tinutulutan ang tao na makita ang lahat ng Kanyang paraan—na marinig ang lahat ng Kanyang salita. Gayon ang gawain ng huling kapanahunan. Kailangan mong maunawaan ang mga bagay na ito nang lubus-lubusan. Hindi ito tungkol sa pagkilala sa katawang-tao, kundi kung ano ang pagkaunawa mo sa katawang-tao at sa Salita. Ito ang patotoo na kailangan mong ibahagi, yaong kailangang malaman ng lahat.

Hinango mula sa “Pagsasagawa (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napakakaraniwang katawan. Bukod dito, hindi lamang ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napakapangkaraniwang katawang-tao. Wala kang makikitang anumang nag-aangat sa Kanya mula sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa dating narinig. Itong hamak na katawang-taong ito ang kumakatawan sa lahat ng mga salita ng katotohanan mula sa Diyos, nangangasiwa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at nagpapahayag ng kabuuan ng disposisyon ng Diyos upang maintindihan ng tao. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng mga lihim na ito—mga lihim na wala pang sinumang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pintuan mo patungo sa kaharian, at gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Nagtataglay ng maraming mga hiwagang di-maarok ang gayong karaniwang katawang-tao. Maaaring di-malirip sa iyo ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layunin ng lahat ng gawain Niya ay sapat na upang hayaan kang makitang hindi Siya, gaya ng inaakala ng mga tao, isang simpleng katawang-tao. Sapagkat kinakatawan Niya ang kalooban ng Diyos at ang pangangalagang ipinakita ng Diyos para sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagaman hindi mo naririnig ang mga salita Niya na tila yumayanig sa mga kalangitan at lupa, o nakikita ang mga mata Niya na tulad ng mga lumalagablab na apoy, at kahit na hindi mo nararamdaman ang disiplina ng Kanyang pamalong bakal, gayunman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na mapagpoot ang Diyos, at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng habag para sa sangkatauhan; makikita mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at bukod dito, matatanto ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao sa lupa, at bigyang-kakayahan ang tao na mabatid, sundin, igalang, at mahalin ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. …

… Dahil sa katawang-taong ito ang katotohanang nalaman ninyo ngayon. Dahil nabubuhay ang Diyos sa katawang-tao kaya kayo may pagkakataong mabuhay. Nakamit ang lahat ng magandang kapalarang ito dahil sa karaniwang taong ito. Hindi lamang ito, ngunit sa huli, sasamba ang bawat bansa sa karaniwang taong ito, gayundin magbibigay pasasalamat at susunod sa hamak na taong ito, dahil ang katotohanan, buhay, at daang dala Niya ang nagligtas sa buong sangkatauhan, nagpaluwag sa hidwaan sa pagitan ng tao at Diyos, nagpaikli sa agwat sa pagitan nila, at nagbukas ng ugnayan sa pagitan ng mga saloobin ng Diyos at tao. Siya rin ang nakakuha ng higit pang kaluwalhatian para sa Diyos. Hindi ba karapat-dapat sa tiwala at pagsamba mo ang karaniwang taong gaya nito? Hindi ba karapat-dapat na tawaging Cristo ang ganitong karaniwang katawang-tao? Maaari bang ang ganitong karaniwang tao ay hindi maging pagpapahayag ng Diyos sa mga tao? Hindi ba karapat-dapat ang ganitong tao, na nagligtas sa sangkatauhan mula sa sakuna, sa pagmamahal at pagnanais ninyong kumapit sa kanya? Kung tinatanggihan ninyo ang mga katotohanang ipinahahayag mula sa Kanyang bibig at kinamumuhian ang Kanyang pag-iral kasama ninyo, ano ang mangyayari sa inyo sa huli?

Hinango mula sa “Alam Mo Ba? Nakagawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa mga Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Wala tayong kaalam-alam, pinangungunahan tayo ng hamak na taong ito tungo sa sunud-sunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Sumasailalim tayo sa hindi-mabilang na mga pagsubok, nagpapasan ng hindi-mabilang na mga pagkastigo, at sinusubok ng kamatayan. Natututuhan natin ang matuwid at maringal na disposisyon ng Diyos, natatamasa, rin, ang Kanyang pag-ibig at awa, pinahahalagahan ang dakilang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, nasasaksihan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at napagmamasdan ang Kanyang sabik na pagnanais na iligtas ang tao. Sa mga salita ng karaniwang taong ito, nalalaman natin ang disposisyon at diwa ng Diyos, naiintindihan ang kalooban ng Diyos, nalalaman ang kalikasan at diwa ng tao, at nakikita ang daan ng kaligtasan at pagka-perpekto. Ang Kanyang mga salita ay nagsasanhi ng ating “kamatayan,” at muli nagsasanhi ng ating “kapanganakang muli”; ang Kanyang mga salita ay nagdudulot ng kaginhawahan, gayunpaman ay iniiwan din tayong naliligalig ng pagkakasala at ng pakiramdam na may-pagkakautang; ang Kanyang mga salita ay nagdadala sa atin ng kagalakan at kapayapaan, subali’t ito’y nagbibigay din ng walang-katapusang pasakit. Minsan tayo ay parang mga tupang kakatayin sa Kanyang mga kamay; minsan tayo ay Kanyang kinagigiliwan, at tinatamasa ang Kanyang malambing na pagsinta; minsan tayo ay parang Kanyang kaaway, at nagiging abo dahil sa Kanyang galit sa Kanyang mga mata. Tayo ang sangkatauhan na Kanyang iniligtas, tayo ang mga uod sa Kanyang paningin, at tayo ang mga ligaw na tupa na Kanyang pilit na hinahanap araw at gabi. Siya ay maawain sa atin, tayo ay Kanyang kinamumuhian, tayo ay Kanyang iniaangat, tayo ay Kanyang inaaliw at pinapayuhan, tayo ay Kanyang ginagabayan, tayo ay Kanyang nililiwanagan, tayo ay Kanyang kinakastigo at dinidisiplina, at tayo rin ay Kanyang isinusumpa. Siya ay laging nag-aalala para sa atin sa gabi at araw, at tayo ay Kanyang kinakalinga at pinangangalagaan sa gabi at araw, hindi kailanman lumilisan sa ating tabi, kundi ibinubuhos ang lahat ng Kanyang pangangalaga sa atin at nagbabayad ng anumang halaga para sa atin. Sa loob ng mga pagbigkas nitong maliit at karaniwang katawang-tao, natamasa na natin ang kabuuan ng Diyos, at namasdan ang hantungan na naipagkaloob na sa atin ng Diyos. Nguni’t sa kabila nito, nananatili ang kayabangan sa ating mga puso, at ayaw pa rin nating loobing masigasig na tanggapin ang taong ito bilang ating Diyos. Kahit na nabigyan na Niya tayo ng napakaraming manna, napakarami upang ating tamasahin, wala sa mga ito ang nakakaagaw sa lugar ng Diyos sa ating mga puso. Ating pinararangalan ang natatanging pagkakakilanlan at katayuan ng taong ito nang may matinding pag-aatubili. Hangga’t Siya ay hindi nagsasalita upang hingin sa atin na Siya ay ating kilalanin bilang Diyos, hindi tayo kailanman magkukusa na Siya ay kilalanin bilang ang Diyos na malapit nang dumating at gayunman ay gumagawa na nang matagal sa ating kalagitnaan.

Ipinagpapatuloy ng Diyos ang Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at pananaw upang pagsabihan tayo kung ano ang nararapat gawin habang kasabay na binibigyang-tinig ang Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, ipinakikita sa atin ang paraan kung paano tayo dapat lumakad, at binibigyang-kakayahan tayo na maintindihan ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, sinisimulan nating ituon ang ating pansin sa himig at paraan ng Kanyang pananalita, at wala tayong kamalay-malay na nagsisimulang magkainteres sa kaloob-loobang damdamin ng pangkaraniwang taong ito. Siya ay gumagawa nang maingat na pagsisikap para sa atin, nagtitiis ng puyat at gutom para sa atin, umiiyak para sa atin, naghihinagpis para sa atin, dumadaing sa sakit para sa atin, nakakaranas ng pagpapahiya para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan, at ang Kanyang puso ay dumudugo at lumuluha dahil sa ating pagiging manhid at pagkamapanghimagsik. Ang may ganitong pagkatao at pag-uugali ay hindi karaniwang tao, ni hindi ito maaaring taglayin o makamit ng sinumang nilalang na ginawang tiwali. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi angkin ng karaniwang tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi taglay ng sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o may gayong kalinaw at ganap na pagtarok sa ating kalikasan at diwa, o nakakahatol sa pagkamapaghimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o nakakapagsalita sa atin at gumagawa sa ating kalagitnaan nang ganito sa ngalan ng Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang pinagkakalooban ng awtoridad, karunungan at karangalan ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay bumubukal, sa kabuuan ng mga ito, mula sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagpakita sa atin ng daan at makakapagdala sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagbunyag ng mga hiwaga na hindi pa naipaalam ng Diyos mula sa paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagligtas sa atin mula sa gapos ni Satanas at ng ating sariling tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos. Inihahayag Niya ang tinig ng puso ng Diyos, ang mga pangaral ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Siya ay nagsimula na ng isang bagong kapanahunan, isang bagong panahon, at naghatid ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, at Siya ay nagdala na sa atin ng pag-asa, tinatapos ang ating pamumuhay sa kalabuan at hinahayaan ang ating buong pagkatao na lubos na mamasdan, nang buong kalinawan, ang daan ng kaligtasan. Kanyang nalupig na ang ating buong pagkatao, at nakamit ang ating mga puso. Mula sa sandaling iyon, ang ating mga isipan ay nagkamalay na, at ang ating mga espiritu ay tila napanumbalik: Ang karaniwan at hamak na taong ito, na namumuhay kasama natin at matagal na nating tinanggihan—hindi ba’t Siya ang Panginoong Jesus, na laging nasa ating mga isipan, gising man o nananaginip, at ating inaasam sa gabi at araw? Ito ay Siya! Ito ay talagang Siya! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Tayo ay nabigyang-kakayahan na Niyang mabuhay muli at makita ang liwanag, at napatigil na ang ating mga puso sa paglihis. Tayo ay nagbalik na sa tahanan ng Diyos, tayo ay nagbalik na sa harap ng Kanyang trono, tayo ay kaharap Niya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang landas sa hinaharap.

Hinango mula sa “Minamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Aking mga salita ay ang di-nagbabagong katotohanan magpakailanman. Ako ang panustos ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan. Ang kahalagahan at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi pinagpapasyahan kung ang mga ito man ay kinikilala at tinatanggap ng sangkatauhan, nguni’t sa pamamagitan ng diwa ng mga salita mismo. Kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang maaaring makatanggap ng Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong nito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatuwid, kapag nahaharap sa maraming tao na nagrerebelde, tumatanggi, o lubos na nilalait ang Aking mga salita, ang Aking paninindigan ay ito lamang: Hayaang Aking maging saksi ang panahon at mga katunayan at ipakita na ang Aking mga salita ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang ipakita ng mga ito na lahat ng Aking nasabi ay tama, at iyon ang dapat ipagkaloob sa tao, at, higit pa rito, ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tanggapin nang lubos ang Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahahanap ng layunin sa Aking mga salita at ang mga hindi kayang tanggapin ang kaligtasan dahil sa Aking mga salita, ay ang mga taong nahusgahan ng Aking mga salita at, bukod dito, nawalan ng Aking pagliligtas, at hindi kailanman nalilihis ang Aking pamalo sa kanila.

Hinango mula sa “Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Hindi kailanman magkakamit ng buhay yaong mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan, ni hindi makakamit ang walang hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno yaong mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung sinusubukan mo lamang na hawakan ang nakaraan, sinusubukan lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka nila maaakay para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Napagyayaman lamang ng mga banal na kasulatang binabasa mo ang dila mo at hindi ng mga salita ng karunungang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi sa mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo ng pagmumuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba pinagtatanto ka nito sa mga hiwagang sumasaloob? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi kailanman makakamit ang buhay.

Hinango mula sa “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo yaong mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinabi ni Cristo, at mga ligaw sa guni-guni yaong mga hindi tinatanggap ang daan ng buhay na dinala ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na magpakailanmang kamumuhian ng Diyos yaong mga taong hindi tinatanggap si Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pasukan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makalalampas sa Kanya. Walang sinuman ang maaaring gawing perpekto ng Diyos kundi sa pamamagitan ni Cristo lamang. Naniniwala ka sa Diyos, at sa gayon dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at sundin ang Kanyang daan. Hindi mo maaaring isipin lamang ang magkamit ng mga pagpapala habang wala kang kakayahang tumanggap ng katotohanan at walang kakayahang tumanggap ng paglalaan ng buhay. Darating si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan ng buhay lahat yaong mga tunay na naniniwala sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at ang pagpasok sa bago ang Kanyang gawain, at ito ang landas na dapat tahakin ng yaong lahat ng mga papasok sa bagong kapanahunan. Kung wala kang kakayahang kilalanin Siya, at sa halip pinarurusahan, nilalapastangan, o inuusig din Siya, kung gayon nakatadhana kang masunog nang walang-hanggan at hindi kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa. Kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo tatanggapin ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang ganting matatanggap ng yaong mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo na kapag nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tatanggihan mo nang may paghamak si Cristo ng mga huling araw, wala nang sinuman ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan alang-alang sa iyo. Higit pa rito, simula sa araw na ito at sa mga susunod pa hindi ka magkakaroon ng isa pang pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukin mo pang tubusin ang sarili mo, hindi mo muling mapagmamasdan ang mukha ng Diyos. Sapagkat hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang mahinang nilalang ang tinatanggihan mo nang may paghamak, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang magagawa mo, kundi isang karumal-dumal na krimen. Kaya naman pinapayuhan Ko ang lahat na huwag ilabas ang mga pangil ninyo sa harap ng katotohanan, o gumawa ng bulagsak na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala kundi ang katotohanan ang makapagpapahintulot na muli kang isilang at mapagmasdang muli ang mukha ng Diyos.

Hinango mula sa “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sinundan: 6. Bakit sinasabi na ginagawang ganap ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao

Sumunod: 8. Paano winawakasan ng Diyos ang madilim na kapanahunan na sakop ni Satanas sa mga huling araw

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

1. Ano ang paghatol?

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat gumawa nito;...

2. Ano ang realidad ng katotohanan, at ano ang kaalaman at doktrina sa Biblia

Ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay katotohanan at buhay. Ang katotohanan para sa tao ay isang bagay na hindi maaaring wala sila sa kanilang mga buhay, na hindi kailanman maaaring sila’y wala; maaari mong sabihin na ito ang pinakadakilang bagay. Bagama’t hindi mo ito nakikita o nahihipo, ang kahalagahan nito sa iyo ay hindi maaaring balewalain; ito ang tanging bagay na makapagbibigay ng kapahingahan sa iyong puso.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito