X. Paano Mahihiwatigan ang mga Huwad na Pastol, Anticristo, at mga Huwad na Cristo

1. Ang gawain ng isang karapat-dapat na manggagawa ay maaaring dalhin ang mga tao sa tamang daan at pagkalooban sila ng mas malaking pagpasok sa katotohanan. Ang kanyang gawain ay maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos. Dagdag pa rito, ang gawaing kanyang ginagawa ay maaaring mag-iba-iba sa bawat indibiduwal at hindi nakatali sa mga tuntunin, na nagtutulot sa mga tao na magkaroon ng laya at kalayaan, at binibigyan sila ng kakayahan na unti-unting lumago sa buhay at magkaroon ng mas malalim na pagpasok sa katotohanan. Ang gawain ng isang manggagawang hindi karapat-dapat ay malayung-malayo. Ang kanyang gawain ay kalokohan. Maaari lamang niyang dalhin ang mga tao sa mga tuntunin, at ang hinihingi niya sa mga tao ay hindi nag-iiba-iba sa bawat indibiduwal; hindi siya gumagawa ayon sa aktuwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong uri ng gawain, napakaraming tuntunin at napakaraming doktrina, at hindi nito madadala ang mga tao sa realidad, ni sa normal na pagsasagawa ng paglago sa buhay. Maaari lamang nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na sumunod sa ilang tuntunin na walang halaga. Ang gayong uri ng paggabay ay maaari lamang iligaw ng landas ang mga tao. Inaakay ka niya na maging katulad niya; madadala ka niya tungo sa kung ano ang mayroon siya at ano siya. Upang matalos ng mga alagad kung karapat-dapat ang mga pinuno, ang mahalaga ay tumingin sa landas na kanilang tinatahak at sa mga resulta ng kanilang gawain, at tingnan kung ang mga alagad ay tumatanggap ng mga prinsipyo alinsunod sa katotohanan, at kung tumatanggap sila ng mga paraan ng pagsasagawa na angkop sa kanilang pagbabago. Dapat mong makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng naiibang gawain ng iba’t ibang uri ng mga tao; hindi ka dapat maging hangal na alagad. May epekto ito sa pagpasok ng mga tao. Kung hindi mo magawang kilalanin kung aling pamunuan ng tao ang may landas at alin ang wala, madali kang malilinlang. Lahat ng ito ay may tuwirang epekto sa iyong sariling buhay.

Hinango mula sa “Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

2. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila pupurihin. Sa ngayon, lahat niyaong sumusunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga salita ng Diyos ngayon ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi pupurihin ng Diyos. Ang paglilingkod na hiwalay sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga palagay, at imposible itong maging alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong palagay, wala silang magagawang anuman na akma sa kalooban ng Diyos, at bagama’t naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa kalagitnaan ng kanilang mga guni-guni at mga palagay, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundin ang gawain ng Banal na Espiritu ang kalooban ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na kaayon ng Kanyang sariling puso; ayaw Niya sa paglilingkod na mula sa mga palagay at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundin ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabubuhay sa gitna ng mga palagay. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakaantala at nakakagambala, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundin ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundin ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at mga walang kakayahan na maging kaayon ng Diyos.

Hinango mula sa “Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

3. Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga taong sumusunod sa kanila sa loob ng mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensyahan ng ilan sa kanilang katauhan. Nakatuon sila sa mga kaloob, kakayahan, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay-pansin sa higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalim at di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang malalalim na doktrinang ito ay hindi matatamo). Hindi sila nagtutuon sa mga pagbabago sa disposisyon ng mga tao, kundi sa halip ay sa pagsasanay sa mga tao na mangaral at gumawa, na nakakaragdag sa kaalaman ng mga tao at sa kanilang saganang mga relihiyosong doktrina. Hindi sila nagtutuon sa kung gaano nagbago ang disposisyon ng mga tao ni kung gaano nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Hindi sila nagmamalasakit sa diwa ng mga tao, at lalo nang hindi nila sinusubukang alamin ang normal at abnormal na mga kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga kuru-kuro ng mga tao, ni hindi nila ibinubunyag ang kanilang mga kuru-kuro, lalong hindi nila tinatabasan ang mga tao sa kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga sumusunod sa kanila ay naglilingkod gamit ang kanilang mga kaloob, at ang tanging inilalabas nila ay mga relihiyosong kuru-kuro at mga teoryang teolohikal, na hindi makatotohanan at ganap na hindi nagbibigay-buhay sa mga tao. Sa katunayan, ang diwa ng kanilang gawain ay pangangalaga sa talento, pangangalaga sa isang tao na walang kahit ano tungo sa pagtatapos sa seminaryo na taglay ang maraming talento na paglaon ay humahayo upang gumawa at mamuno.

Hinango mula sa “Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

4. Maraming tao sa Aking likuran ang nag-iimbot sa pagpapala ng katayuan, nagpapakasasa sila sa pagkain, mahilig silang matulog at masusing pinangangalagaan ang laman, palaging natatakot na wala nang pag-asa para sa laman. Hindi nila ginagampanan ang kanilang nararapat na tungkulin sa iglesia, bagkus ay sinasamantala ang iglesia, o kaya ay pinagsasabihan ang kanilang mga kapatiran gamit ang Aking mga salita, pinaghaharian ang iba mula sa mga posisyon ng awtoridad. Palaging sinasabi ng mga taong ito na ginagawa nila ang kalooban ng Diyos at palaging sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba ito katawa-tawa? Kung ikaw ay may tamang mga intensyon, nguni’t hindi kayang maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos, ikaw ay nagpapakahangal; nguni’t kung ang iyong mga intensyon ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay naglilingkod sa Diyos, ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at nararapat kang parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa mga ganoong tao! Sa bahay ng Diyos, nagsasamantala sila, palaging nag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi nilang hinahanap kung ano ang mabuti para sa kanila, at hindi nila iniintindi ang kalooban ng Diyos. Hindi nila tinatanggap ang pagsusuri ng Espiritu ng Diyos sa anumang ginagawa nila. Palagi nilang minamaniobra at nililinlang ang kanilang mga kapatiran, at dalawa ang kanilang mukha, tulad ng isang soro sa ubasan, palaging nagnanakaw ng mga ubas at tinatapak-tapakan ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay angkop na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Hindi ka nagdadala ng pasanin para sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay angkop na tumanggap ng tagubilin ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang mangahas ang Diyos na ipagkatiwala sa iyo ang mas malaking gawain? Hindi ba ito magdudulot ng mga pagkaantala sa gawain?

Hinango mula sa “Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

5. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong pagkatao, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong naiisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan Niya; gumagawa ka nang ganap na naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Maaari ba itong matawag na paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang disposisyon mo sa buhay ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, mas lalong magiging matigas ang ulo mo dahil sa iyong paglilingkod sa Diyos, na magpapalalim ng iyong tiwaling disposisyon, at dahil dito, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin ukol sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong pagkatao, at ang mga karanasang nakuha mo mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya ng tao sa pamumuhay sa mundo. Ang mga taong ganito ay maaaring mapabilang sa mga Fariseo at mga relihiyosong namumuno. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na Cristo at anticristo ang mga ito na manlilinlang sa mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang binanggit noon na mga huwad na Cristo at anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang pagkatao at kumikilos ayon sa sarili nilang kagustuhan, nanganganib silang mapalayas anumang oras. Ang mga gumagamit ng mga karanasan nila sa paglilingkod sa Diyos sa loob ng maraming taon upang makuha ang puso ng ibang tao, mapangaralan at makontrol sila, at manatiling nakatataas—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nangungumpisal ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tumalikod sa mga benepisyo ng posisyon—ang mga taong ito ay malalagas sa harap ng Diyos. Sila ang mga uri ng tao na katulad ni Pablo, umaasa sa pagiging una nila sa panunungkulan at ipinagmamagaling ang kanilang mga kuwalipikasyon. Hindi dadalhin ng Diyos ang mga taong tulad nito sa pagkaperpekto. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay humahadlang sa gawain ng Diyos.

Hinango mula sa “Kailangang Ipatigil ang Pagsamba sa Relihiyon” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

6. Nagagawa mong magsabi ng kaalaman na kasingdami ng buhangin sa dalampasigan, subalit wala sa mga ito ang nagtataglay ng anumang tunay na landas. Hindi mo ba niloloko ang mga tao sa pamamagitan ng paggawa nito? Hindi ka ba gumagawa ng isang walang kabuluhang palabas na walang anumang sumusuportang diwa? Ang lahat ng ganitong pag-uugali ay nakapipinsala sa mga tao! Kapag mas mataas ang teorya at mas walang katotohanan, mas walang kakayahan ito na dalhin ang mga tao sa realidad. Kapag mas mataas ang teorya, mas ginagawa ka nitong masuwayin at salungat sa Diyos. Huwag mong ituring ang pinakamatatayog na teorya bilang mahalagang kayamanan. Sila ay mapaminsala at walang silbi! Marahil may ilang tao na kayang makapagsabi ng pinakamatatayog na mga teorya—ngunit ang mga ito ay hindi naglalaman ng realidad, sapagkat ang mga taong ito ay hindi personal na nakaranas sa kanila, at dahil dito, wala silang landas para sa pagsasagawa. Ang mga ganitong tao ay walang kakayahang dalhin ang iba sa tamang daan, at ililigaw lamang sila. Hindi ba ito nakapipinsala sa mga tao? Kahit man lamang ikaw, dapat mong makayanang lutasin ang kasalukuyang suliranin ng mga tao at hayaan silang makapasok; ito lamang ang maituturing na dedikasyon, at saka ka lamang magiging angkop para manilbihan sa Diyos. Huwag palaging mangusap ng mararangya at mabulaklak na mga salita, at huwag gumamit ng isang pangkat ng mga hindi angkop na kasanayan upang pilitin ang iba na sundin ka. Ang pagsasagawa nito ay walang epekto at makadaragdag lamang sa kanilang pagkalito. Ang pagpapatuloy nito ay bubuo lamang ng maraming doktrina na magiging sanhi lamang upang kasuklaman ka ng mga tao. Ganito ang pagkukulang ng tao, at ito ay tunay na kahiya-hiya.

Hinango mula sa “Magtuon ng Higit na Pansin sa Realidad” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

7. Masdan mo lang ang mga pinuno ng bawat denominasyon—lahat sila’y mapagmataas at mapagmalinis, at binibigyang-kahulugan nila ang Biblia nang wala sa konteksto at ayon sa kanilang sariling imahinasyon. Lahat sila’y umaasa sa mga kaloob at pag-aaral sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila’y walang kakayahang mangaral ng anuman, susunod ba sa kanila ang mga taong iyon? Sila, kung sa bagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman, at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam kung paano makaakit ng iba at paano gumamit ng ilang pagkukunwari. Ginagamit nila ang mga ito para dalhin ang mga tao sa harapan nila at linlangin sila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, nguni’t sa realidad sinusunod nila ang kanilang mga pinuno. Kung nakakatagpo sila ng sinumang nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila’y nagsasabing, “Kailangang konsultahin namin ang aming pinuno tungkol sa aming pananampalataya.” Ang kanilang pananampalataya ay dapat dumaan sa isang tao; hindi ba problema iyan? Nagiging ano na kung gayon ang mga pinunong iyan? Hindi ba sila nagiging mga Fariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang mga ganyang tao ay kaparehong uri ni Pablo.

Hinango mula sa “Tanging ang Paghahabol sa Katotohanan ang Tunay na Paniniwala sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

8. Ang pagpapakita ng pagmamataas ay paghihimagsik at pagsalungat sa Diyos. Kapag ang mga tao’y mapagmataas, mapagpahalaga sa sarili, at mapagmalinis, malamang magtayo sila ng kani-kanyang mga nagsasariling kaharian at gawin ang anumang gusto nila. Inaakay din nila ang iba na magpakontrol sa kanila at magpasakop sa kanila. Kapag kayang gawin ng mga tao ang ganitong mga bagay, ang diwa ng kanilang pagmamataas ay yaong sa arkanghel. Kapag naaabot ng kanilang pagmamataas at pagpapahalaga sa sarili ang isang partikular na antas, samakatuwid naaalaman mula rito na sila ang arkanghel at isasantabi ang Diyos. Kung mayroon ka ng ganitong uri ng mapagmataas na disposisyon, kung gayon hindi magkakaroon ng lugar ang Diyos sa iyong puso.

Naipangaral na namin ang ebanghelyo nang paulit-ulit sa maraming namumuno ng mga relihiyosong grupo, subalit hindi alintana kung paano namin ibinabahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila matanggap ito. Bakit ganito? Dahil ang kanilang pagmamataas ay naging kalikasan na nila at wala na ang Diyos sa kanilang mga puso! Masasabi ng ilang tao: “Ang mga taong nasa ilalim ng pamumuno ng ilang pastor sa relihiyosong mundo ay talagang masigasig. Mukhang ang Diyos ay nasa kanilang kalagitnaan!” Gaano man katayog ang mga sermon ng ganoong mga pastor, kilala ba nila ang Diyos? Kung talagang iginalang nila ang Diyos sa kanilang puso, magagawa ba nilang pasunurin sa kanila at dakilain sila ng mga tao? Kokontrolin ba nila ang iba? Mangangahas ba silang magbawal sa ibang naghahanap ng katotohanan at nagsusuri sa totoong daan? Kung naniniwala silang talagang kanila ang mga tupa ng Diyos at dapat makinig sa kanila ang lahat ng Kanyang tupa at na ang sinasabi nila ay naglalaman ng katotohanan, hindi ba’t kumikilos silang parang Diyos? Ang ganyang uri ng tao ay masahol pa sa mga Fariseo—hindi ba sila mga anticristo? Samakatuwid, dahil sa kanilang kayabangan, nagawa nila ang mga bagay na nagkakanulo sa Diyos.

Hinango mula sa “Likas na Kayabangan ng Tao ang Ugat ng Kanyang Pagkontra sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

9. Nang nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito upang gumawa kasama ng mga tao, ang lahat ay napagmasdan Siya at napakinggan ang Kanyang mga salita, at nakita ng lahat ang mga gawa na ginagawa ng Diyos mula sa Kanyang katawang-tao. Sa sandaling iyon, ang lahat ng kuro-kuro ng tao ay naging mga bula. At para sa mga nakakita na sa pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi sila hahatulan kung kusang-loob silang tatalima sa Kanya, samantalang ang mga sadyang naninindigan laban sa Kanya ay ituturing na kalaban ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang naninindigan laban sa Diyos. … Ang mga sadyang naninindigan laban sa Diyos na nagkatawang-tao ay parurusahan dahil sa kanilang pagsuway. Tungkol sa mga taong ito na sadyang naninindigan laban sa Diyos, ang kanilang pagsalungat ay nagmumula sa katunayan na nagkikimkim sila ng mga kuro-kuro tungkol sa Diyos, na umaakay sa kanila sa mga pagkilos na nakagagambala sa gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay sadyang lumalaban at sumisira sa gawain ng Diyos. Hindi lamang sila nagtataglay ng mga kuro-kuro tungkol sa Diyos, nakikibahagi rin sila sa mga aktibidad na gumagambala sa Kanyang gawain, at dahil dito ang ganitong klase ng mga tao ay mahahatulan.

Hinango mula sa “Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

10. Ang pinakamapanghimagsik sa lahat ay yaong mga sinasadyang lumabag at lumaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Ang sa kanila ay palaging pag-uugali ng poot sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Dinadakila nila ang mga sarili nila bago ang iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing sila bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa yaong mga hangal na iniidolo sila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko?

Hinango mula sa “Yaong mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tunay na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

11. Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga palagay at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na masuwayin. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba darating ang araw na itatakwil ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay pinipintasan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; hindi nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pamimintas ayon sa gusto niya. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga palagay, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang “puhunan” na ipinanlalaban mo sa Diyos, at kapag ikaw ay naging mas tiwali, hamak at mababa, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding palagay at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo.

Hinango mula sa “Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

12. Mayroong mga nagbabasa ng Biblia sa mga malalaking iglesya at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang humahadlang sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may “mahuhusay na konstitusyon,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?

Hinango mula sa “Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

13. Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam.

Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

14. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at kaya ang Cristo na kayang magbigay ng katotohanan sa tao ay tinatawag na Diyos. Walang kalabisan tungkol dito, sapagka’t Siya ay may taglay ng diwa ng Diyos, at may taglay ng disposisyon ng Diyos, at may karunungan sa Kanyang gawain, na hindi kayang abutin ng tao. Yaong mga Cristo ang tinatawag sa mga sarili nila, subalit hindi kayang gawin ang gawain ng Diyos, ay mga manlilinlang. Hindi lamang pagpapakita ng Diyos sa lupa si Cristo, kundi pati na rin ang partikular na katawang-taong tinaglay ng Diyos habang ginagawa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain kasama ng tao. Hindi maaaring palitan ang katawang-taong ito ng kahit sinumang tao, kundi isang katawang-taong sapat na makakayanan ang gawain ng Diyos sa lupa, at ipahayag ang disposisyon ng Diyos, at katawanin nang mahusay ang Diyos, at makapagbigay ng buhay sa tao. Sa malao’t madali, babagsak lahat yaong mga nagpapanggap na Cristo, sapagkat bagama’t inaangkin nilang sila si Cristo, hindi nila taglay ang diwa ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na hindi kayang tukuyin ng tao ang pagiging-tunay ni Cristo, ngunit sinasagot at pinagpapasiyahan ng Diyos Mismo.

Hinango mula sa “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

15. Tinatawag na Cristo ang Diyos na nagkatawang-tao, at si Cristo ay ang katawang-taong isinuot ng Espiritu ng Diyos. Hindi katulad ng sinumang tao sa laman ang katawang-taong ito. Ang kaibhang ito ay dahil hindi sa laman at dugo si Cristo; Siya ay ang pagkakatawang-tao ng Espiritu. Siya ay kapwa may normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Hindi taglay ng sinumang tao ang pagka-Diyos Niya. Ang normal na pagkatao Niya ang nagpapanatili sa lahat ng normal na gawain Niya sa katawang-tao, habang isinasakatuparan ng pagka-Diyos Niya ang gawain ng Diyos Mismo. Pagkatao man o pagka-Diyos man Niya ito, kapwa nagpapasakop ang mga ito sa kalooban ng Ama sa langit. Ang Espiritu ang diwa ni Cristo, ibig sabihin ay ang pagka-Diyos. Samakatuwid, ang diwa Niya ay ang sa Diyos Mismo; hindi gagambalain ng diwang ito ang sarili Niyang gawain, at hindi Siya posibleng makagawa ng anumang bagay na sisira sa sarili Niyang gawain, ni hindi rin Siya bibigkas ng anumang mga salita na sumasalungat sa sarili Niyang kalooban.

…………

Bagama’t kinakatawan ni Cristo ang Diyos Mismo sa katawang-tao at isinasakatuparan mismo ang gawain na dapat gawin ng Diyos Mismo, hindi Niya ikinakaila ang pag-iral ng Diyos sa langit, ni mainit Niyang ipinahahayag ang sarili Niyang mga gawa. Sa halip, nananatili Siyang nakakubli, mapagpakumbaba, sa loob ng Kanyang laman. Bukod kay Cristo, yaong mga huwad na umaangking sila si Cristo ay hindi nagtataglay ng Kanyang mga katangian. Kapag magkatabing inihahambing sa mapagmataas at sariling pagdadakila ng disposisyon ng mga huwad na Cristo, nagiging malinaw kung anong uring katawang-tao ang tunay na Cristo. Lalong huwad sila, lalong ipinapagpaparangya ng mga ganitong huwad na Cristo ang mga sarili nila, at mas may kakayahan silang gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan upang linlangin ang tao. Walang mga katangian ng Diyos ang mga huwad na Cristo; hindi nadudungisan si Cristo ng kahit anong sangkap na pagmamay-ari ng mga huwad na Cristo. Nagkakatawang-tao lamang ang Diyos upang buuin ang mga gawain ng katawang-tao, hindi lamang upang pahintulutang makita Siya ng mga tao. Sa halip, hinahayaan Niyang ang gawain Niya ang magpatunay ng Kanyang pagkakakilanlan, at hinahayaang yaong ibinubunyag Niya na magpatunay sa Kanyang diwa. Hindi walang batayan ang diwa Niya; hindi kinamkam ng Kanyang kamay ang pagkakakilanlan Niya; matutukoy ito sa pamamagitan ng Kanyang gawain at Kanyang diwa. …

Ang gawain at pagpapahayag ni Cristo ang tumutukoy sa Kanyang diwa. Nagagawa Niyang kumpletuhin nang may tunay na puso yaong ipinagkatiwala sa Kanya. Nagagawa Niyang sambahin nang may tunay na puso ang Diyos sa langit, at hinahangad ang kalooban ng Diyos Ama nang may tunay na puso. Natutukoy ang lahat ng ito ng diwa Niya. At gayundin ang likas na pagsisiwalat Niya ay natutukoy ng Kanyang diwa; ang dahilan na tinatawag Ko itong ang “likas na pagsisiwalat” Niya ay dahil hindi panggagaya ang pagpapahayag Niya, o bunga ng pinag-aralan ng tao, o bunga ng maraming taong paglilinang ng tao. Hindi Niya ito natutuhan o ginayakan ang sarili Niya nito; sa halip, likas ito sa loob Niya.

Hinango mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay ang Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Langit” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

16. Kung, sa kasalukuyan, mayroong isang taong lalabas na kayang magpakita ng mga tanda at mga kababalaghan, magtaboy ng mga demonyo, magpagaling ng mga may sakit, at gumawa ng maraming himala, at kung ang taong ito ay inangking siya si Jesus na dumating, isa itong huwad na ginawa ng mga masasamang espiritung gumagaya kay Jesus. Tandaan ito! Hindi inuulit ng Diyos ang magkaparehong gawain. Nakumpleto na ang yugto ng gawain ni Jesus, at hindi na muling pangangasiwaan ng Diyos ang yugtong iyon ng gawain. Ang gawain ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuro-kuro ng tao; halimbawa, hinulaan ng Lumang Tipan ang pagdating ng isang Mesiyas, at ang resulta ng propesiyang ito ay ang pagdating ni Jesus. Yamang nangyari na ito, magiging mali na may panibagong Mesiyas na darating. Dumating nang minsan si Jesus, at magiging mali kung darating pang muli si Jesus sa oras na ito. Mayroong isang pangalan para sa bawat kapanahunan, at nagtataglay ang bawat pangalan ng paglalarawan ng kapanahunang ito. Sa mga kuro-kuro ng tao, dapat palaging magpakita ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, dapat palaging magpagaling ng mga may sakit at magtaboy ng mga demonyo, at dapat palaging maging katulad ni Jesus. Subalit sa oras na ito, hindi ganoon ang Diyos. Kung, sa mga huling araw, nagpapakita pa rin ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, at nagtataboy pa rin ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga may sakit—kung gagawin Niya ang eksaktong ginawa ni Jesus—uulitin ng Diyos ang kaparehong gawain, at mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ni Jesus. Kaya naman, isinasakatuparan ng Diyos ang isang yugto ng gawain sa bawat kapanahunan. Kapag natapos na ang bawat yugto ng gawain Niya, agad itong ginagaya ng mga masasamang espiritu, at pagkatapos simulang sundan ni Satanas ang mga yapak ng Diyos, lumilipat ang Diyos tungo sa ibang kaparaanan. Kapag natapos na ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, ginagaya ito ng mga masasamang espiritu. Dapat malinaw kayo tungkol dito.

Hinango mula sa “Pagbabatid sa Gawain ng Diyos Ngayon” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

17. May ilang sinasaniban ng masasamang espiritu at malakas na sumisigaw ng, “Ako ang Diyos!” Ngunit sa katapusan, sila ay nabubunyag dahil sila ay mali sa kanilang kinakatawan. Kinakatawan nila si Satanas, at hindi sila binibigyang-pansin ng Banal na Espiritu. Gaano man kataas ang pagpapahalaga mo sa iyong sarili o gaano ka man kalakas sumigaw, ikaw ay isang nilalang pa rin at isa na nabibilang kay Satanas. Kailanman ay hindi Ako sumisigaw ng, “Ako ang Diyos, Ako ang sinisintang Anak ng Diyos!” Ngunit ang gawaing ginagawa Ko ay gawain ng Diyos. Kailangan Ko bang sumigaw? Hindi kailangan ang pagpaparangal. Ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain at hindi kailangan ng tao na bigyan Siya ng isang katayuan o kagalang-galang na titulo: kinakatawan na ng Kanyang gawain ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Bago ang Kanyang bautismo, hindi ba’t si Jesus ang Diyos Mismo? Hindi ba’t Siya ang nagkatawang-taong Diyos? Tiyak na hindi maaaring sabihin na naging tanging Anak ng Diyos lamang Siya pagkatapos Niyang napatotohanan? Wala bang tao na may pangalang Jesus sa matagal na panahon bago Siya nagsimula ng Kanyang gawain? Hindi mo kayang maghatid ng mga bagong landas o kumatawan sa Espiritu. Hindi mo kayang ipahayag ang gawain ng Espiritu o ang mga salita na sinasabi Niya. Hindi mo kayang gawin ang gawain ng Diyos Mismo o yaong sa Espiritu. Ang karunungan, pagiging kamangha-mangha, at pagiging di-maarok ng Diyos, at ang buong disposisyon sa pagkastigo ng Diyos sa tao—lahat ng ito ay higit sa iyong kakayahang magpahayag. Kaya walang saysay na angkinin mo na ikaw ang Diyos; magkakaroon ka lamang ng pangalan ngunit hindi ng diwa. Dumating na ang Diyos Mismo, ngunit walang nakakakilala sa Kanya, gayunman patuloy Siya sa Kanyang gawain at ginagawa ang gayon sa pagkatawan sa Espiritu. Tawagin mo man Siyang tao o Diyos, ang Panginoon o Cristo, o tawagin Siyang kapatid na babae, hindi ito mahalaga. Ngunit ang gawaing ginagawa Niya ay yaong sa Espiritu at kumakatawan sa gawain ng Diyos Mismo. Wala Siyang pakialam sa pangalan na itinatawag sa Kanya ng tao. Puwede bang matukoy ng pangalang iyon ang Kanyang gawain? Anuman ang itawag mo sa Kanya, sa pananaw ng Diyos, Siya ang nagkatawang-taong laman ng Espiritu ng Diyos; kinakatawan Niya ang Espiritu at sinasang-ayunan ng Espiritu. Kung hindi mo kayang gumawa ng daan para sa isang bagong kapanahunan, o dalhin ang dati sa katapusan, o maghatid ng isang bagong kapanahunan o gumawa ng bagong gawain, hindi ka maaaring tawaging Diyos!

Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

18. Kung tinatawag ng isang tao ang kanyang sarili na Diyos subalit hindi niya magawang ipahayag ang katauhan ng pagka-Diyos, gawin ang gawain ng Diyos Mismo, o katawanin ang Diyos, walang-dudang hindi siya Diyos, sapagkat wala siyang diwa ng Diyos, at yaong likas na nakakamit ng Diyos ay hindi umiiral sa kanyang kalooban.

Hinango mula sa “Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sinundan: IX. Ang Kaibhan sa Pagitan ng Gawain ng Diyos at ng Gawain ng Tao

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

Mayroon bang Trinidad?

Pagkatapos mangyari ang katotohanan na si Jesus ay naging tao, pinaniwalaan ng tao na hindi lamang ang Ama ang nasa langit, kundi pati ang...

Kabanata 29

Sa araw na muling nabuhay ang lahat ng mga bagay, dumating Ako sa gitna ng tao, at gumugol Ako ng kamangha-manghang mga araw at gabi kasama...

Kabanata 20

Hindi masukat at hindi maarok ang yaman ng Aking sambahayan, subalit hindi kailanman lumapit sa Akin ang tao para tamasahin ang mga iyon....

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito