Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?

Maaaring tinahak mo na ang landas ng pananampalataya sa Diyos nang higit sa isa o dalawang taon, at marahil nagtiis ka ng maraming paghihirap sa buhay mo sa mga taong ito; o marahil hindi ka nagtiis ng maraming paghihirap, at sa halip ay nakatanggap ng maraming biyaya. Maaari ring hindi ka nakaranas ni paghihirap o biyaya, ngunit sa halip ay namuhay nang hindi kapansin-pansing buhay. Anupaman, tagasunod ka pa rin ng Diyos, kaya makibahagi tayo sa paksa ng pagsunod sa Diyos. Gayunman, dapat Kong paalalahanan ang lahat ng bumabasa sa mga salitang ito na nakatuon ang salita ng Diyos sa lahat ng yaong mga kumikilala at sumusunod sa Kanya, hindi sa lahat ng mga tao, kinikilala man Siya o hindi. Kung naniniwala kang nakikipag-usap ang Diyos sa masa, sa lahat ng mga tao sa mundo, walang magiging bisa sa iyo ang salita ng Diyos. Kaya naman, dapat mong tandaan ang lahat ng mga salitang ito sa puso mo, at hindi palaging ibubukod ang sarili mo mula sa kanila. Gayunman, pag-usapan natin ang nangyayari sa tahanan natin.

Dapat nauunawaan na ninyo ngayon ang totoong kahulugan ng pananampalataya sa Diyos. Nauugnay sa positibong pagpasok ninyo ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos na nabanggit Ko na rati. Iba ngayon: Ngayon, nais Kong suriin ang diwa ng pananampalataya ninyo sa Diyos. Siyempre, ginagabayan kayo nito mula sa isang negatibong aspeto; kung hindi Ko ito gagawin, hindi ninyo kailanman malalaman ang tunay ninyong mukha, at magpakailanmang ipagyayabang ang pagkamaka-Diyos at katapatan ninyo. Makatarungang sabihing kung hindi Ko inilantad ang kapangitan sa kaibuturan ng mga puso ninyo, maglalagay ng korona sa ulo ninyo ang bawat isa sa inyo at sasarilinin ang lahat ng kaluwalhatian. Ang mapagmataas at palalong mga kalikasan ninyo ang nagtutulak sa inyo na ipagkanulo ang sarili ninyong mga konsensya, na maghimagsik at lumaban kay Cristo, at upang ibunyag ang kapangitan ninyo, sa gayon inilalantad sa liwanag ang mga balak ninyo, mga kuru-kuro, mga kapalaluang pagnanais, at mga matang puno ng kasakiman. Gayunpaman patuloy kayong dumadaldal tungkol sa habambuhay ninyong silakbo ng damdamin para sa gawain ni Cristo, at inuulit nang paulit-ulit ang mga katotohanang matagal nang sinabi ni Cristo. Ito ang “pananampalataya” ninyo—ang “pananampalataya ninyong walang karumihan.” Itinuring Ko ang tao sa mahigpit na pamantayan sa buong panahon. Kung may kaakibat na mga balak at kondisyon ang katapatan mo, mas nanaisin Ko pang wala ang tinatawag mong katapatan, sapagkat nasusuklam Ako sa mga nanlilinlang sa Akin sa pamamagitan ng kanilang mga balak at nangingikil sa Akin sa pamamagitan ng mga kondisyon. Hiling Ko lamang na maging lubos na tapat sa Akin ang tao, at gawin ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng—at para patunayan ang—isang salita: pananampalataya. Kinamumuhian Ko ang paggamit mo ng matamis na mga pananalita upang subukang pasayahin Ako, sapagkat palagi Ko kayong pinakitunguhan nang may katapatan, at kaya ninanais Ko ring pakitunguhan ninyo Ako nang may totoong pananampalataya. Pagdating sa pananampalataya, maaaring naniniwala ang marami na sumusunod sila sa Diyos sapagkat may pananampalataya sila, kundi ay hindi magtitiis sa gayong paghihirap. Kaya tinatanong Ko sa iyo ito: Kung naniniwala ka sa pag-iral ng Diyos, bakit hindi mo Siya iginagalang? Kung naniniwala ka sa pag-iral ng Diyos, bakit wala ka ni katiting na takot sa Kanya sa puso mo? Tinatanggap mong si Cristo ang nagkatawang-taong Diyos, ngunit bakit hinahamak mo Siya? Bakit ka umaasal sa Kanya nang may kalapastanganan? Bakit lantaran mo Siyang hinahatulan? Bakit palagi mong minamanmanan ang Kanyang mga pagkilos? Bakit hindi ka nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos? Bakit hindi ka kumikilos nang naaayon sa Kanyang salita? Bakit mo sinusubukang kikilan at pagnakawan Siya ng mga alay para sa Kanya? Bakit ka nagsasalita mula sa kinatatayuan ni Cristo? Bakit mo hinuhusgahan kung tama ang gawain Niya o ang salita Niya? Bakit ka nangangahas na lapastanganin Siya sa Kanyang likuran? Ang mga ito ba at ang iba pa ang bumubuo sa pananampalataya ninyo?

Sa mga salita at pag-uugali ninyo ay nahahayag ang mga bahagi ng kawalan ninyo ng paniniwala kay Cristo. Lumalaganap ang kawalan ng paniniwala sa mga dahilan at mga layon ng lahat ng ginagawa ninyo. Maging ang pakiramdam ng titig ninyo ay naglalaman ng kawalan ng paniniwala kay Cristo. Maaaring sabihing sa bawat minuto, nagkikimkim ang bawat isa sa inyo ng mga elemento ng kawalan ng paniniwala. Ibig sabihin, sa bawat sandali, kayo ay nanganganib na ipagkanulo si Cristo, sapagkat ang dugong nananalaytay sa katawan ninyo ay nanunuot sa kawalan ng paniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao. Samakatuwid, sinasabi Kong hindi tunay ang mga yapak na iniiwan ninyo sa landas ng pananampalataya sa Diyos; habang tinatahak ninyo ang landas ng pananampalataya sa Diyos, hindi ninyo itinatayo nang matatag ang mga paa ninyo sa lupa—kayo ay basta kumikilos lamang. Kailanman ay hindi ninyo lubos na pinaniwalaan ang salita ni Cristo at walang kakayahang kaagad itong maisagawa. Ito ang dahilan kung bakit wala kayong pananampalataya kay Cristo. Ang palaging pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya ay isa pang dahilan kaya wala kayong pananampalataya sa Kanya. Magpakailanmang nagdududa tungkol sa gawain ni Cristo, hinahayaan ang salita ni Cristo na mahulog sa mga taingang bingi, pagkakaroon ng opinyon sa kung ano mang gawain ang ginagawa ni Cristo at hindi maunawaan nang tama ang gawaing ito, nahihirapang isaisantabi ang mga kuru-kuro ninyo kahit ano pang paliwanag ang matanggap ninyo, at iba pa—ang lahat ng ito ay mga elemento ng kawalan ng paniniwalang nakahalo sa mga puso ninyo. Kahit nasusundan ninyo ang gawain ni Cristo at hindi kailanman napag-iiwanan, masyadong maraming paghihimagsik ang nakahalo sa mga puso ninyo. Ang paghihimagsik na ito ay isang karumihan sa paniniwala ninyo sa Diyos. Marahil hindi ganoon ang iniisip ninyo, ngunit kung hindi ninyo kayang mabatid ang mga balak ninyo mula rito, siguradong magiging isa kayo sa mga mapapahamak, sapagkat ginagawang perpekto lamang ng Diyos ang mga totoong naniniwala sa Kanya, hindi yaong mga nagdududa sa Kanya, at pinakahuli sa lahat yaong mga atubiling sumusunod sa Kanya sa kabila ng hindi sila naniwala kailanman na Siya ang Diyos.

Hindi nagagalak sa katotohanan ang ilang tao, lalo na sa paghatol. Sa halip, nagagalak sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may impluwensya at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na naniniwala; wala silang kakayahang ibigay ang lahat ng mga puso at mga isip nila, ang mga bibig nila ay nagsasalita ng paggugol ng mga sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa dakilang mga pastor at mga guro, at hindi nila binibigyan si Cristo ng karagdagang pansin. Nakatuon ang kanilang mga puso sa katanyagan, kayamanan, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoon kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang hindi kapansin-pansin ay mapeperpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na kasama ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang mga tulad ng mga taong ito ang mga layon ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay tatawa nang tatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga hamak upang perpektuhin, kung gayon ang yaong mga dakilang taong iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay nadungisan ng kawalan ng paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay kakatuwang mga hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan, at pinahahalagahan lamang nila ang malalaking grupo at denominasyon. Wala silang ni katiting na pagmamalasakit para sa yaong mga inakay ni Cristo; sila ay mga taksil lamang na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.

Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo gusto ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapaghihigan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na nangangaso ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na mga anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin kung saan nahihirapan kang lunukin ang gawain ni Cristo at mabigat sa kalooban mong tanggapin ito. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sila ay, sa mga puso ninyo, kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at di-karapat-dapat sa paggalang magpakailanman. Sapagkat napaka-karaniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog.

Magkagayunman, sinasabi Kong ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga di-mananampalataya at mga taksil sa katotohanan. Ang mga ganoong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pag-ayon ni Cristo. Napagtanto mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang kawalan ng paniniwalang nasa kalooban mo, at kung gaano kalaki ang pagtataksil kay Cristo na mayroon ka? Ikaw ay Aking pinapayuhan nang gayon: Dahil napili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag maging salawahan o mahina ang loob. Dapat mong maunawaang ang Diyos ay hindi nabibilang sa mundo o sa sino mang tao, kundi sa lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, sa lahat ng sumasamba sa Kanya, at sa lahat ng nakatuon at tapat sa Kanya.

Ngayon, malaki pa rin ang nananatiling kawalan ng paniniwala sa inyo. Tingnang mabuti ang mga sarili ninyo, at tiyak na matatagpuan ninyo ang kasagutan ninyo. Kapag natagpuan mo ang tunay na kasagutan, aaminin mong hindi ka mananampalataya sa Diyos, sa halip ay isang nanlilinlang, lumalapastangan, at nagkakanulo sa Kanya, at isang taksil sa Kanya. Pagkatapos ay mapagtatanto mong si Cristo ay hindi tao, kundi Diyos. Kapag dumating ang araw na iyon, igagalang, katatakutan, at tunay na mamahalin mo si Cristo. Sa kasalukuyan, ang pananampalataya ninyo ay tatlumpung porsyento lamang ng puso ninyo, habang ang pitumpung porsyento ay puno ng pagdududa. Lahat ng ginagawa at sinasabi ni Cristo ay makapagbibigay sa inyo ng mga kuru-kuro at mga opinyon tungkol sa Kanya, mga kuru-kuro at mga pakiwaring mula sa ganap ninyong kawalan ng paniniwala sa Kanya. Hinahangaan at kinatatakutan ninyo lamang ang di-nakikitang Diyos na nasa langit, at walang malasakit para sa buhay na Cristo na nasa lupa. Hindi ba ito rin ang kawalan ninyo ng paniniwala? Hinahangad lamang ninyo ang Diyos na gumanap sa gawain sa nakaraan, ngunit hindi hinaharap ang Cristo ng kasalukuyan. Ang lahat ng ito ang “pananampalataya,” nakahalo sa mga puso ninyo magpakailanman, ang pananampalatayang hindi naniniwala sa Cristo ng kasalukuyan. Hindi sa minamaliit Ko kayo, sapagkat sobra ang kawalan ng paniniwala sa inyo, malaking bahagi ninyo ang hindi dalisay at dapat himayin. Ang mga karumihang ito ay tanda na wala kayong anumang pananampalataya; marka ito ng pagtatakwil ninyo kay Cristo, at tinatatakan kayo ng mga ito bilang taksil kay Cristo. Ang mga ito ay mga talukbong na nagtatakip sa kaalaman ninyo kay Cristo, isang hadlang sa pagkakamit sa inyo ni Cristo, isang balakid na pumipigil sa pagkakatugma ninyo kay Cristo, at patunay na hindi kayo inaayunan ni Cristo. Ngayon ang panahon upang suriin ang lahat ng bahagi ng buhay ninyo! Makikinabang kayo sa lahat ng paraang maaaring maisip sa paggawa nito!

Sinundan: Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging-Magkaayon kay Cristo

Sumunod: Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

Kabanata 3

Ang matagumpay na Hari ay nakaupo sa Kanyang maluwalhating luklukan. Natapos na Niya ang pagtubos at naakay na ang lahat ng Kanyang tao...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito